Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Ikaw ba’y Mapagpatawad?
    Ang Bantayan—1994 | Setyembre 15
    • Ikaw ba’y Mapagpatawad?

      SI Bill at ang kaniyang 16-na-taóng-gulang na anak, si Lisa, ay nahihirapang magkasundo. Ang kanilang maliliit na di-pagkakaunawaan ay madalas na humahantong sa sigawan. Sa wakas, ang igtingan ay umabot hanggang sa puntong si Lisa ay pinalayas.a

      Lumipas ang panahon, natanto ni Lisa na siya ang may kasalanan at siya’y humingi ng tawad sa kaniyang ama. Subalit sa halip na patawarin si Lisa sa kaniyang naging mga pagkakamali, ang kaniyang amang nagagalit ay tumanggi na makipagpayapaan sa kaniya. Akalain mo! Ayaw niyang magpakita ng awa sa kaniyang sariling anak!

      Daan-daang taon na ang lumipas nang isang taong walang kapintasan ang hinatulang mamatay dahil sa isang krimen na hindi niya ginawa. May mga saksing nagbigay ng bulaang patotoo, at ang pulitikal na mga opisyal ay tumangging maggawad ng katarungan. Ang taong iyon na walang sala ay si Jesu-Kristo. Mga ilang saglit bago siya namatay, siya’y nanalangin sa Diyos: “Ama, patawarin mo sila, sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.”​—Lucas 23:34.

      Si Jesus ay saganang nagpatawad, mula sa kaniyang puso, at ang kaniyang mga alagad ay hinihimok na tularan siya sa bagay na ito. (Efeso 4:32) Gayunman, tulad ni Bill, marami ang walang-pusong ayaw magpatawad. Papaano ka naman kung tungkol sa bagay na ito? Ikaw ba ay handang magpatawad sa iba pagka sila’y nagkasala sa iyo? At kumusta naman ang tungkol sa malulubhang kasalanan? Kailangan bang patawarin din ang mga ito?

      Ang Pagpapatawad Ay Isang Hamon

      Ipagpalagay na nating hindi laging madali ang pagpapatawad. At sa mapanganib na mga panahong ito, lalong dumarami ang mga suliranin sa ugnayan ng mga tao. Malimit nang punô ng mga kaigtingan at mga kagipitan lalo na ang buhay pampamilya. Matagal nang sinabi ng Kristiyanong apostol na si Pablo na ang gayong mga kalagayan ay iiral sa “mga huling araw.” Sinabi niya: “Ang mga tao ay magiging maibigin sa kanilang sarili, mga maibigin sa salapi, mga mapagmapuri-sa-sarili, mga palalo, . . . mga walang pag-ibig sa kabutihan, mga mapagkanulo, mga matigas ang ulo, mga mapagmalaki.”​—2 Timoteo 3:1-4.

      Kung gayon, di-maiiwasan na tayong lahat ay nakaharap sa mga kagipitan na sumusubok sa ating kakayahan na magpatawad sa iba. Isa pa, nakikipagpunyagi rin tayo sa atin mismong sarili. Ganito ang hinanakit ni Pablo: “Ang mabuti na nais ko ay hindi ko ginagawa, subalit ang masama na hindi ko nais ang siyang aking isinasagawa. Ngayon, kung ang hindi ko nais ang siyang ginagawa ko, ang nagsasagawa nito ay hindi na ako, kundi ang kasalanan na tumatahan sa akin.” (Roma 7:19, 20) Kaya naman, marami sa atin ang hindi mapagpatawad na gaya ng ibig natin. Tutal, ang minanang di-kasakdalan at kasalanan ay may malakas na impluwensiya sa ating lahat, anupat kung minsan ay inaalis sa atin ang pagkamadamayin sa mga kapuwa tao.

      Nang himukin na patawarin ang isa na nakagawa sa kaniya ng maliit na pagkakamali, isang babae ang tumugon: “Walang sinuman ang karapat-dapat sa pagpapatawad.” Kung mamalasin ang gayong pangungusap ay waring malamig, walang-damdamin, mapangutya pa nga. Gayunman, kung susuriin, makikita natin na isinisiwalat nito ang pagkasiphayo na nadarama ng maraming tao pagka sila’y nakaharap sa isang sanlibutan na minamalas nila bilang mapag-imbot, walang-malasakit, at mapanganib. Ganito ang sabi ng isang lalaki: “Pagsasamantalahan ka lamang ng mga tao pagka pinatawad mo sila. Para kang tinatapak-tapakan.”

      Hindi nga kataka-taka, kung gayon, na ang paglinang ng isang saloobing mapagpatawad ay mahirap sa mga huling araw na ito. Gayunman, hinihimok tayo ng Bibliya na magpatawad nang may kabaitan. (Ihambing ang 2 Corinto 2:7.) Bakit tayo dapat maging mapagpatawad?

  • Bakit Dapat Kang Maging Mapagpatawad?
    Ang Bantayan—1994 | Setyembre 15
    • Bakit Dapat Kang Maging Mapagpatawad?

      INILARAWAN minsan ng Judiong iskolar at manunulat na si Joseph Jacobs ang pagpapatawad bilang “ang pinakamatayog at pinakamahirap sa lahat ng mga araling moral.” Oo nga naman, nasusumpungan ng marami na napakahirap bigkasin ang mga salitang “pinatatawad kita.”

      Waring ang pagpapatawad ay nakakatulad ng salapi. Ito’y maaaring gastahin nang malaya at may kaawaan sa iba o maaaring may pagkakuripot na itago para sa sarili. Ang nauna ang siyang maka-Diyos na paraan. Dapat nating linangin ang mga kaugalian ng bukas-palad na paggasta kung tungkol sa pagpapatawad. Bakit? Sapagkat ito ang nais ng Diyos na gawin natin at dahil sa ang isang di-mapagpatawad, mapaghiganting espiritu ay lalo lamang magpapalala sa mga bagay-bagay.

      Madalas marinig ang mga salitang: “Hindi ako nagagalit; gumaganti lang ako!” Nakalulungkot, ang pangungusap na ito ay isang prinsipyo sa buhay ng marami sa ngayon. Halimbawa, isang babae ang tumangging makipag-usap sa kaniyang hipag sa loob ng mahigit na pitong taon sapagkat, ayon sa babae, “malaki ang kasalanan niya sa akin at hindi ko siya mapapatawad kailanman.” Subalit ang gayong pagsasawalang-kibo, kapag ginamit na paraan upang pilitin ang pinararatangan na humingi ng paumanhin o bilang isang armas para magparusa, ay bihirang pumapawi sa hangaring maghiganti. Sa halip, maaaring patagalin lamang niyaon ang alitan, anupat hinahayaang humantong sa matinding pagtatanim ng sama ng loob. Kung ang ganitong pagsasakitan ay hindi mapapawi, ang di-masupil na paghihiganti ay maaaring sumira ng mga ugnayan at kahit na ng kalusugan ng isa.

      Ang Pinsalang Bunga ng Di-Pagpapatawad

      Kapag ang isang tao ay di-mapagpatawad, ang ibinubungang pakikipag-alitan ay lumilikha ng kaigtingan. Ang kaigtingan naman ay maaaring humantong sa malulubhang karamdaman. Ganito ang isinulat ni Dr. William S. Sadler: “Walang lubusang makauunawa di gaya ng isang manggagamot sa nakapagtatakang dami ng sakit at pagdurusa ng tao na tuwirang matutunton sa pagkabalisa, takot, pakikipag-alitan, . . . di-mabuting kaisipan at maruming pamumuhay.” Subalit, sa totoo, gaano kalaking pinsala ang nagagawa ng sakit ng damdamin? Ganito ang sagot ng isang publikasyon sa medisina: “Ang estadistika . . . ay nagpapakita na dalawang katlo ng mga pasyente na kumunsulta sa isang manggagamot ang may mga sintomas na likha o pinalubha ng kaigtingan ng isip.”

      Oo, ang kapaitan, galit, at paghihinanakit ay nakapipinsala. Ang matitinding emosyon na ito ay mistulang kalawang na dahan-dahang kumakalat sa katawan ng isang kotse. Ang labas ng kotse ay waring maganda, subalit sa ilalim ng pintura ay nagaganap ang pagkasira.

      Lalo pang mahalaga, ang pagtanggi nating magpatawad kapag may batayan ng awa ay maaaring makapinsala sa atin sa espirituwal. Sa paningin ng Diyos na Jehova, baka matulad tayo sa alipin sa ilustrasyon ni Jesus. Ang alipin ay pinatawad ng kaniyang panginoon sa napakalaking utang. Subalit, nang ang kaniyang kapuwa alipin ay magmakaawa sa kaniya na patawarin ang isang napakaliit na pagkakautang, siya’y naging malupit at di-mapagpatawad. Niliwanag ni Jesus na kung ayaw rin nating magpatawad, tatanggi si Jehova na patawarin tayo sa ating mga kasalanan. (Mateo 18:21-35) Samakatuwid, kung tayo ay di-mapagpatawad, baka maiwala natin ang ating malinis na budhi sa harap ng Diyos at maging ang ating pag-asa sa hinaharap! (Ihambing ang 2 Timoteo 1:3.) Kung gayon, ano ang magagawa natin?

      Matutong Magpatawad

      Ang tunay na pagpapatawad ay nagmumula sa puso. Kasali na rito ang pagpapatawad sa pagkakamali ng nagkasala at pag-alis sa anumang hangaring maghiganti. Sa gayon, ang ultimong katarungan at posibleng pagpaparusa ay ipinauubaya sa mga kamay ni Jehova.​—Roma 12:19.

      Gayunman, dapat tandaan na yamang “ang puso ay magdaraya nang higit kaysa anupaman at mapanganib,” hindi ito laging nakahilig sa pagpapatawad kahit na nararapat iyon. (Jeremias 17:9) Sinabi mismo ni Jesus: “Mula sa puso ay nanggagaling ang mga balakyot na pangangatuwiran, mga pagpaslang, mga pangangalunya, mga pakikiapid, mga pagnanakaw, mga bulaang testimonyo, mga pamumusong.”​—Mateo 15:19.

      Mabuti na lamang, ang ating puso ay maaaring sanayin na gawin kung ano ang tama. Gayunman, ang pagsasanay na kailangan natin ay dapat manggaling sa isang nakatataas na pinagmumulan. Hindi natin magagawa iyon nang nag-iisa. (Jeremias 10:23) Isang salmistang kinasihan ng Diyos ang kumilala nito at nanalangin ukol sa patnubay ng Diyos. Siya’y nagsumamo kay Jehova sa panalangin: “Turuan mo ako ng iyong mga tuntunin. Ipaunawa mo sa akin ang daan ng iyong mga kautusan.”​—Awit 119:26, 27.

      Ayon sa isa pang awit, si Haring David ng sinaunang Israel ay “nakaunawa ng daan” ni Jehova. Kaniyang naranasan iyon nang tuwiran at natuto siya mula roon. Kaya naman, siya’y nakapagsabi: “Si Jehova ay maawain at mapagbiyaya, mabagal sa pagkagalit at sagana sa maibiging-kabaitan. Kung papaano nagpapakita ng awa ang isang ama sa kaniyang mga anak, si Jehova ay nagpapakita ng awa sa mga nangatatakot sa kaniya.”​—Awit 103:8, 13.

      Kailangang matuto tayo gaya ni David. Lakip ang pananalanging pag-aralan natin ang sakdal na halimbawa ng Diyos sa pagpapatawad, gayundin ng sa kaniyang Anak. Sa gayon, matututo tayong magpatawad mula sa puso.

      Ngunit, maaaring itanong ng ilan: Kumusta naman ang malubhang kasalanan? Lahat ba ng kasalanan ay kailangang patawarin?

      Pagiging Timbang

      Kapag ang isang tao ay ginawan ng malubhang kasalanan, ang pinsala ay maaaring malaki. Ito ay lalo nang totoo kung ang isa ay walang-malay na biktima ng isang malubhang kasalanan. Maaaring magtaka ang ilan, ‘Papaano ko mapatatawad ang isa na ubod-samang nagkanulo at nanakit sa akin?’ Sa kaso ng isang malaking kasalanan na nararapat sa pagtitiwalag, maaaring ikapit ng biktima ang payo sa Mateo 18:15-17.

      Sa anumang kaso, malaki ang nakasalalay sa nagkasala. Mula nang magkasala may ipinakita na bang tanda ng taimtim na pagsisisi? Nagbago na ba ang nagkasala, marahil nagtangka pa ngang ituwid ang kaniyang pagkakamali? Sa paningin ni Jehova ang gayong pagsisisi ay isang susi sa pagpapatawad kahit na sa kaso ng totoong nakapangingilabot na mga kasalanan. Halimbawa, pinatawad ni Jehova si Manases, isa sa pinakabalakyot na mga hari sa kasaysayan ng Israel. Batay sa ano? Ginawa iyon ng Diyos sapagkat sa wakas ay nagpakumbaba at nagsisi si Manases sa kaniyang masasamang lakad.​—2 Cronica 33:12, 13.

      Sa Bibliya ang tunay na pagsisisi ay may kasamang taimtim na pagbabago ng saloobin, isang taos-pusong pagsisisi sa anumang nagawang kamalian. Kung angkop at posible, ang pagsisisi ay may kasamang pagsisikap na pagbayaran ang kasalanan sa pinagkasalahan. (Lucas 19:7-10; 2 Corinto 7:11) Kapag wala ng gayong pagsisisi, si Jehova ay hindi nagpapatawad.a Isa pa, hindi inaasahan ng Diyos na ang mga Kristiyano ay magpapatawad sa mga dating naliwanagan sa espirituwal subalit ngayon ay kusa, walang-pagsisising namimihasa sa paggawa ng masama. (Hebreo 10:26-31) Sa sukdulang mga kaso, baka hindi angkop ang pagpapatawad.​—Awit 139:21, 22; Ezekiel 18:30-32.

      Kung posible man o hindi ang pagpapatawad, ang isang biktima ng malubhang pagkakasala ay marahil nagnanais isaalang-alang ang isa pang tanong: Kailangan bang manatili ang aking matinding sakit ng damdamin, anupat labis na nasasaktan at nagagalit, hanggang sa ang suliranin ay lubusang malutas? Isaalang-alang ang isang halimbawa. Si Haring David ay labis na nasaktan nang paslangin ng kaniyang heneral na si Joab sina Abner at Amasa, na “dalawang lalaking higit na matuwid kaysa kay [Joab].” (1 Hari 2:32) Ibinulalas ni David ang kaniyang pagkapoot at tiyak na nanalangin kay Jehova. Ngunit, sa paglipas ng panahon, ang matinding galit ni David ay malamang na humupa. Hindi siya pinangibabawan ng pagkapoot hanggang sa wakas ng kaniyang mga araw. Si David ay nagpatuloy pa rin na gumawang kasama ni Joab, subalit hindi niya basta pinatawad ang walang-pagsisising kriminal na ito. Tiniyak ni David na sa wakas ay maigawad ang katarungan.​—2 Samuel 3:28-39; 1 Hari 2:5, 6.

      Baka kailanganin ang ilang panahon at pagsisikap bago madaig niyaong mga nasaktan ng malulubhang kasalanan ng iba ang kanilang galit sa pasimula. Ang paggaling ay baka mas madali kapag kinikilala ng nagkasala ang kaniyang nagawang kamalian at nagsisisi. Gayunman, ang isang walang-malay na pinagkasalahan ay dapat makasumpong ng kaaliwan at kaginhawahan sa pagkaalam niya ng tungkol sa katarungan at karunungan ni Jehova at sa kongregasyong Kristiyano, anuman ang ikilos ng nagkasala.

      Kilalanin din na kapag pinatawad mo ang isang nagkasala, hindi ito nangangahulugan na pinalalampas mo ang kasalanan. Para sa isang Kristiyano, ang pagpapatawad ay nangangahulugan ng may-tiwalang paglalagay niyaon sa mga kamay ni Jehova. Siya ang matuwid na Hukom sa buong sansinukob, at ilalapat niya ang katarungan sa tamang panahon. Kasali na riyan ang paghatol sa mapanlinlang na “mga mapakiapid at mga mangangalunya.”​—Hebreo 13:4.

      Mga Kapakinabangan sa Pagpapatawad

      Ang salmistang si David ay umawit: “Sapagkat ikaw, Oh Jehova, ay mabuti at handang magpatawad; at ang maibiging-kabaitan sa lahat niyaong tumatawag sa iyo ay sagana.” (Awit 86:5) Ikaw ba, tulad ni Jehova, ay “handang magpatawad”? Marami ang pakinabang dito.

      Una, ang pagpapatawad sa iba ay nagtataguyod ng mabubuting ugnayan. Ganito ang payo ng Bibliya sa mga Kristiyano: “Maging mabait kayo sa isa’t isa, madamayin sa magiliw na paraan, malayang nagpapatawaran sa isa’t isa kung paanong ang Diyos sa pamamagitan ni Kristo ay malayang nagpatawad din sa inyo.”​—Efeso 4:32.

      Ikalawa, ang pagpapatawad ay nagdadala ng kapayapaan. Ito’y hindi lamang kapayapaan sa pagitan ng mga kapuwa tao kundi ng panloob na kapayapaan din naman.​—Roma 14:19; Colosas 3:13-15.

      Ikatlo, ang pagpapatawad sa iba ay tumutulong sa atin na alalahaning tayo man ay nangangailangan ng kapatawaran. Oo, “ang lahat ay nagkasala at nagkukulang sa kaluwalhatian ng Diyos.”​—Roma 3:23.

      Sa wakas, ang pagpapatawad sa iba ay nagbibigay-daan upang patawarin ni Jehova ang ating mga kasalanan. Sinabi ni Jesus: “Kung pinatatawad ninyo ang mga tao sa kanilang mga pagkakamali, ang inyong makalangit na Ama ay magpapatawad din sa inyo.”​—Mateo 6:14.

      Gunigunihin ang maraming bagay na nasa isip ni Jesus noong hapon na siya’y mamamatay na. Siya’y nababahala tungkol sa kaniyang mga alagad, sa gawaing pangangaral, at lalo na sa kaniyang katapatan kay Jehova. Gayunman, kahit na noong siya’y matinding nagdurusa sa pahirapang tulos, ano ang kaniyang sinabi? Kabilang sa kaniyang mga huling pananalita ay, “Ama, patawarin mo sila.” (Lucas 23:34) Matutularan natin ang sakdal na halimbawa ni Jesus sa pamamagitan ng pagpapatawad sa isa’t isa mula sa puso.

      [Talababa]

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share