Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Ipahayag ang Kagilagilalas na Mensahe sa Apocalipsis
    Ministeryo sa Kaharian—1994 | Marso
    • Ipahayag ang Kagilagilalas na Mensahe sa Apocalipsis

      1 Ang aklat na Apocalipsis ay tumulong sa atin na maunawaan ang kagilagilalas na mensahe na iniulat sa aklat ng Apocalipsis. Tulungan ang iba na mapahalagahan ang mensaheng iyon sa pamamagitan ng pagtatampok sa aklat na ito sa ministeryo sa Marso. Maaaring masumpungan ninyong nakatutulong ang sumusunod na mga mungkahi sa paghahanda ng inyong presentasyon.

      2 Pagkatapos ng isang angkop na pagbati, maaari ninyong sabihin ang ganito:

      ◼ “Narinig na ba ninyo ang tungkol sa apat na mangangabayo ng Apocalipsis? [Hayaang sumagot.] Alam ba ninyo na ang makasagisag na mga mangangabayong ito ay bahagi ng hula ng Bibliya hinggil sa mangyayari sa ating panahon? [Hayaang sumagot.] Interesado ba kayong maunawaan ang hulang ito at kung ano ang kahulugan nito para sa atin?” Kung nagpakita ng interes, maaari ninyong ipakita ang mga ilustrasyon sa kabanata 16 ng aklat na Apocalipsis at ipaliwanag ang ilang mga talatang nasa malalaking titik. O maaari kayong magkomento sa ilang bahagi ng pangitain sa pamamagitan ng paggamit ng tract na Ang Sanlibutan Bang Ito’y Makaliligtas? Ialok ang aklat at isaayos ang pagbabalik upang talakayin pa ang tungkol sa pangitain at ang kahulugan nito.

      3 O marahil ay nanaisin ninyong subukan ang ganitong paglapit:

      ◼ “Narinig na ba ninyo ang terminong ‘Armagedon’? [Hayaang sumagot.] Marami ang nag-aakalang ito’y tumutukoy sa isang nuklear na digmaan ng mga kapangyarihang pandagidig. Ang totoo, ang Armagedon ay lubhang kakaiba. Ayon sa Bibliya, ito’y nangangahulugan ng malaking mga pagbabago, na magdudulot sa daigdig ng namamalaging kapayapaan.” Depende sa tugon ng tao, maaari ninyong ipakita ang isang kasulatan gaya ng Apocalipsis 16:16 o Awit 37:10, 11 at pagkatapos ay bumaling sa kabanata 39 ng aklat na Apocalipsis. Kung nagpakita ng interes, ialok ang aklat. Kung hindi, isaalang-alang ang angkop na mga punto sa tract na Ang Sanlibutan Bang Ito’y Makaliligtas?

      4 Maaaring makalikha kayo ng interes sa pamamagitan ng paggamit ng mungkahing ito:

      ◼ “Sa buwang ito, maraming mga tao ang nag-iisip hinggil sa kamatayan at pagkabuhay-muli ni Jesu-Kristo. Naisip na ba ninyo kung ano ang kaniyang ginagawa mula nang siya’y buhaying muli? Maraming pangyayari sa ating kaarawan ang iniuugnay sa kasalukuyang papel ni Jesus sa layunin ng Diyos. Ang ilan sa mga ito ay inilarawan sa aklat ng Apocalipsis. Nais ba ninyong matuto nang higit hinggil sa layunin ng Diyos sa pagsusugo sa kaniyang Anak sa lupa at kung ano ang kahulugan nito para sa inyo at sa inyong minamahal?” Maaaring maakay ninyo ang pansin sa parapo 1 at 2 ng kabanata 41 ng aklat na Apocalipsis o itampok ang angkop na mga punto sa kasalukuyang mga isyu ng Ang Bantayan o Gumising! O maaaring gusto ninyong gamitin ang tract na Buhay sa Isang Mapayapang Bagong Sanlibutan upang antigin ang higit pang interes.

      5 Tiyaking anyayahan ang mga nagpakita ng interes upang dumalo sa Memoryal. Taglay ang pagpapala ni Jehova, maaaring may matulungan kayong ‘makinig sa mga salita ng hulang ito at tuparin ang mga bagay na nasusulat dito.’—Apoc. 1:3.

  • Tulungan Silang Kumilos Salig sa Mensahe
    Ministeryo sa Kaharian—1994 | Marso
    • Tulungan Silang Kumilos Salig sa Mensahe

      1 Ang ating gawaing pangangaral ay nagbibigay sa mga tao ng pagkakataong ‘makinig sa mga salita ng hula ng Apocalipsis.’ (Apoc. 1:3) Subalit upang sila’y makaligtas sa “malaking kapighatian,” kailangan silang kumilos salig dito. (Apoc. 7:14) Mga buhay ang nasasangkot! Tiyaking dumalaw muli sa mga nagpakita ng interes.

      2 Kung nakapag-iwan kayo ng aklat na “Apocalipsis,” maaari ninyong sabihin:

      ◼ “Mabuti’t nakita ko kayong muli. Nang huli tayong mag-usap, napag-usapan natin ang tungkol sa mga hula ng Apocalipsis, at nakapag-iwan ako sa inyo ng publikasyon na nagpapaliwanag nito. Marahil ay napansin ninyo na bagaman ang aklat ng Apocalipsis ay malalim, ito’y maaaring maintindihan sa liwanag ng mga pangyayari sa makabagong panahon. Nais kong gumugol ng ilang minuto upang ipaliwanag kung ano ang sinasabi ng Bibliya hinggil sa ating panahon.” Pagkatapos ay bumaling sa publikasyon na maaari ninyong gamitin upang pasimulan ang isang pag-aaral sa Bibliya.

      3 Kung nakapag-iwan kayo ng tract na “Ang Sanlibutan Bang Ito’y Makaliligtas?” sa unang pagdalaw, maaari ninyong sabihin ang ganito:

      ◼ “Ako’y naliligayahang masumpungan kayo sa tahanan ngayon. Nang ako’y dumalaw kamakailan, ating pinag-usapan ang hinggil sa isang tanda na lilitaw bago ang katapusan ng sanlibutan. [Repasuhin ang angkop na mga aspeto ng tanda sa Mateo 24:3-14.] May napansin ba kayong anumang pangyayari kamakailan sa daigdig na maaaring katuparan ng bahagi ng tandang iyon?” Ginagamit ang mga ilustrasyon sa kabanata 16 ng aklat na Apocalipsis, magkomento sa katuparan ng ilan sa mga hulang ito ng Bibliya.

      4 Kung inanyayahan ninyo ang maybahay sa Memoryal, sabihin:

      ◼ “Noong huli ko kayong dalawin, ating pinag-usapan ang kahalagahan ng kamatayan ni Jesus para sa sangkatauhan. Inanyayahan ko rin kayo na dumalo sa Memoryal ng kaniyang kamatayan, na aalalahanin ng mga Kristiyano sa palibot ng daigdig sa Marso 26. Ako’y naparito ngayon upang ipagunita sa inyo na kayo ay imbitado sa mahalagang okasyong iyon. [Banggitin ang oras at dako ng selebrasyon.] Maaaring makatulong sa inyo na makita ang kahalagahan ng okasyon kung ating rerepasuhin ang ilang mga pagpapala na ating tinatamasa ngayon bilang resulta ng ginawa ni Jesus sa sangkatauhan, gayundin ang mga pagpapala na darating pa.” Pagkatapos ay talakayin ang mga angkop na punto mula sa kabanata 41 ng aklat ng Apocalipsis. Maaari rin ninyong itampok ang mga ilustrasyon sa mga pahina 294, 299, at 308. Hangga’t maaari, isaayos na matulungan ang taong interesado na makadalo sa Memoryal.

      5 Kung ang tao ay nakinig lamang nang may kabaitan, maaaring maging mabisa ito:

      ◼ “Ako’y lubos na nasiyahan sa ating nakaraang pag-uusap hinggil sa Bibliya. Ako’y nagbalik dahilan sa nais kong tamasahin ninyo ang pangako ng Diyos doon sa mga nagnanais na matuto nang higit pa tungkol sa kaniya.” Basahin ang Juan 17:3, pagkatapos ay bumaling sa tract na Buhay sa Isang Mapayapang Bagong Sanlibutan.

      6 Ang inyo nawang pagpapahalaga sa pantubos ay magpakilos sa inyo na gumawa ng mga pagdalaw muli sa mga taong interesado. Tulungan silang kumilos sa kagilagilalas na mensahe sa Apocalipsis. Tandaan, “ang itinakdang panahon ay malapit na”!—Apoc. 1:3.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share