Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g94 9/22 p. 13-15
  • Bakit Dapat Ipakipag-usap ang Tungkol sa Diyos?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Bakit Dapat Ipakipag-usap ang Tungkol sa Diyos?
  • Gumising!—1994
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kung Bakit Napipigilan ang Ilan
  • Isang Kristiyanong Obligasyon
  • Kung Ano ang Iyong Magagawa
  • Paano Ako Magkakalakas-loob na Maging Iba?
    Gumising!—1992
  • Paghaharap ng Mabuting Balita—Sa mga Kabataan
    Ating Ministeryo sa Kaharian—1990
  • Dalawang-Uring Pamumuhay—Bakit Hindi?
    Gumising!—1993
  • Paano Kung Makatagpo Ako ng Isang Kaeskuwela Habang Ako’y Nangangaral?
    Gumising!—2002
Iba Pa
Gumising!—1994
g94 9/22 p. 13-15

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Bakit Dapat Ipakipag-usap ang Tungkol sa Diyos?

“Ang lahat ay may kani-kaniyang relihiyon. Hindi mo dapat ipagpilitan sa ibang tao ang iyong sariling paniniwala sa Diyos.”​—14-na-taóng-gulang na si Racish, Guyana.

“Alumpihit akong ipakipag-usap ang tungkol sa Diyos sapagkat nahihiya akong tuksuhin na kasunod niyaon.”​—17-taóng-gulang na si Rohan, Guyana.

“Dapat nating ipakipag-usap ang tungkol sa Diyos sapagkat siya ang ating Maylikha at utang natin ang ating buhay sa kaniya.” ​—13-taóng-gulang na si Marco, Alemanya.

PAKINGGANG mabuti ang usapan ng isang grupo ng mga kabataan at malamang na magwakas ka sa nakalulungkot na konklusyong ito: Tiyak na hindi tungkol sa Diyos ang pinakalitaw na paksa ng pag-uusap sa gitna ng mga kabataan, sa kalakhang bahagi. Banggitin mo ang tungkol sa isports, damit, pinakahuling pelikula, o sa di-kasekso at pangkaraniwan nang mapasisimulan mo ang isang masiglang usapan. Subalit, subukan mong banggitin ang tungkol sa Diyos at nakaaasiwang katahimikan na para bang isang makapal na ulap ang biglang lalambong.

Ang ilang kabataan ay basta hindi naniniwala sa Diyos. Sila’y maaaring mangatuwiran na yamang hindi nila nakikita siya, talagang hindi siya umiiral​—ang pakikipag-usap tungkol sa kaniya ay waring pagsasayang ng oras. Gayunman, tiyak na kakaunti ang mga ateista sa gitna ng mga kabataan. Ayon sa surbey na isinagawa ng Gallup, halos 95 porsiyento ng mga kabataan sa E.U. ang talagang naniniwala sa Diyos. Sa katunayan, ganito ang paghihinuha ng Gallup: “Para sa maraming kabataan ang kanilang pagkaunawa tungkol sa Diyos ay hindi basta malabo at masalimuot na prinsipyo, subalit isang personang Diyos na nagmamasid sa kanilang mga pagkilos at nagkakaloob ng gantimpala o nagpaparusa sa kanila nang makatuwiran.” Bakit, kung gayon, napakaraming kabataan ang atubiling ipakipag-usap ang kanilang paniniwala?

Kung Bakit Napipigilan ang Ilan

Marami ang basta waring nag-iisip na kagaspangan ng ugali na ipakipag-usap ang mga bagay na pinaniniwalaan at na ang relihiyosong mga kaisipan ay dapat na sarilinin na lamang. Ang ilang kabataan ay waring nahihiya sa mismong idea ng pakikipag-usap tungkol sa Diyos. ‘Basta hindi ito kanais-nais na ipakipag-usap,’ ang kanilang pangangatuwiran.

Anuman ang pangmalas ng iyong mga kasama, ano ba ang iyong paninindigan sa bagay na ito? Ang katanungan na ito ay mahalaga lalo na kung ikaw ay pinalaki bilang isang Saksi ni Jehova. Bakit? Sapagkat ang pagpapatotoo, ang pakikipag-usap sa iba tungkol sa Diyos, ang siyang pinakaugat ng paniniwalang iyan!​—Isaias 43:9, 10; Mateo 24:14.

Magkagayon man, palibhasa’y nasisiraan ng loob dahil sa pagkamuhi na kanilang nakakaharap paminsan-minsan, ang ilang kabataang Saksi ay hindi nakikibahagi sa pangmadlang gawaing pangangaral​—o nakikibahagi lamang dahil sa paghimok ng kanilang mga magulang. Ang iba ay nakikibahagi sa gawaing iyan subalit palihim na umaasang sana’y walang sinumang kaibigan niya sa paaralan ang makakita sa kaniya na gumagawa nang gayon. Sa paaralan, inililihim ng ilan ang kanilang relihiyosong mga paniniwala. Kalimitan ito’y dahilan sa sila’y takot na tuyain ng kanilang mga kamag-aral. “Takot akong ipakipag-usap ang tungkol sa Diyos,” ang pag-amin ng kabataang si Ryan, “sapagkat binabansagan ako ng aking mga kasama at wala akong lakas ng loob na ipagpatuloy ang pakikipag-usap.”

Pagkatapos may mga napipigilan sapagkat natatakot sila na hindi nila maabot nang lubusan ang mga pamantayan ng Bibliya. Palibhasa’y natutukso dahil sa “mga pagnanasa na kaakibat ng kabataan,” sila’y nangangatuwiran na ang pinakamabuting gawin ay huwag nang magpakilala bilang mga Kristiyano baka sakaling sila’y makagawa ng mali.​—2 Timoteo 2:22.

Ang ilan ay hindi nakikipag-usap ng tungkol sa Diyos sapagkat kanilang nadarama na sila’y basta walang kakayahan. Ganito ang sabi ng labinsiyam-na-taóng-gulang na si Wilton: “Nahihirapan ako na ipakipag-usap ang tungkol sa Diyos sa aking mga katrabaho sapagkat nadarama ko na para bang hindi ako kuwalipikado na magbigay-katuwiran sa mga bagay na sinasabi ko tungkol sa kaniya. Nadarama ko na kung hamunin nila ang aking mga paniniwala, hindi ako makapagbibigay ng nakasisiyang sagot.”

Isang Kristiyanong Obligasyon

Maaari kayang ang iyong pagkanapipigilan mula sa pakikipag-usap tungkol sa Diyos ay sa gayunding mga kadahilanan? Kung gayon nga, hindi ka nag-iisa. Pinaglabanan ng ilang kabataan ang gayunding damdamin. Gayunman, naunawaan ng marami na, sa kabila ng lahat ng bagay na maaaring makasira ng kanilang loob sa paggawa ng gayon, may nakapagpapakilos na mga dahilan upang ipakipag-usap ang tungkol sa Diyos. Ano ang ilan sa mga ito?

Mainam ang pagkakasabi ng kabataang si Marco, na nabanggit sa pasimula, nang kaniyang ipahayag na ang Diyos “ang ating Maylikha at utang natin ang ating buhay sa kaniya.” (Apocalipsis 4:11) Oo, ang ating buhay ay isang mahalagang kaloob. Ang salmista ay nagsabi tungkol sa Diyos: “Nasa iyo ang bukal ng buhay.” (Awit 36:9) Dahil sa iyong tinanggap ang kaloob na ito, hindi ba dapat na tumanaw ka ng utang na loob dahil dito?

Ang isang paraan upang ipakita ang pagpapahalaga ay purihin ang Diyos na Jehova sa harap ng iba. Siya ang Pinagmulan ng araw, buwan, ulan, hangin na ating nilalanghap, at ng pagkain na ating kinakain. (Gawa 14:15-17) “Ang bawat mabuting kaloob at ang bawat sakdal na regalo ay mula sa itaas,” sabi ng alagad na si Santiago. (Santiago 1:17) Pinasasalamatan mo ba ang Diyos sa mga kaloob na ito? (Colosas 3:15) Mayroon pa bang mas mabuting bagay upang ipahayag ang iyong pagpapasalamat kaysa ipakipag-usap ang tungkol sa Diyos?​—Lucas 6:45.

Kaya naman, ang totoo iniutos ng Diyos na ipakipag-usap natin siya. Ang kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, ay nag-utos sa mga Kristiyano: “Humayo kayo samakatuwid at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa.” (Mateo 28:19, 20) Ang mga kabataan ay hindi maaaring iliban mula sa pananagutan ng pakikibahagi sa gawaing ito. Ganito ang utos ng salmista: “Purihin ninyo si Jehova . . . kayong mga binata at gayundin kayong mga dalaga, kayong matatandang lalaki pati mga batang lalaki. Purihin nila ang pangalan ni Jehova, sapagkat ang kaniyang pangalang mag-isa ang sukdulan ng kataasan. Ang kaniyang karangalan ay nasa itaas ng lupa at langit.” (Awit 148:7, 12, 13) Subalit hindi ninyo dapat malasin ang atas na ito bilang isang pabigat. Ang totoo, ito’y isang pribilehiyo​—maaari ka talagang maging isang “kamanggagawa ng Diyos.”​—1 Corinto 3:9.

Paano kung nadarama mong parang hindi ka kuwalipikado? Gayundin ang nadama ng propetang si Jeremias noong panahon ng Bibliya. “Inakupo, Oh Soberanong Panginoong Jehova!” ang sabi niya. “Narito’t talagang hindi ako marunong magsalita, sapagkat ako’y isang bata lamang.” Ang tugon ni Jehova? “Huwag mong sabihin, ‘Ako’y isang bata lamang.’ Sapagkat saanman kita suguin ay paroroon ka; at lahat ng iutos ko sa iyo ay sasalitain mo.” (Jeremias 1:6, 7) Sa tulong ni Jehova nagawa iyan ni Jeremias sa loob ng 40 taon!

Gayundin sa mga Kristiyano sa ngayon, “ang aming pagiging lubusang kuwalipikado ay nanggagaling sa Diyos.” (2 Corinto 3:5) Kahit na ikaw ay likas na mahiyain, kimi, matutulungan ka ng Diyos na magkalakas-loob na makipag-usap. Nasa loob ng Kristiyanong kongregasyon ang mga paglalaan na makatutulong sa iyo na maging “lubusang kuwalipikado” bilang isang tagapagturo ng Salita ng Diyos. Kung inaakala mo na kailangan mo ang ilang personal na tulong, bakit hindi makipag-usap sa isa sa mga tagapangasiwa sa kongregasyon? Baka ito’y basta isang bagay na pagpapasulong ng iyong personal na pag-aaral ng Bibliya o paggawang kasama ng isa na higit na may karanasan.

Kung Ano ang Iyong Magagawa

Ang pakikipag-usap tungkol sa Diyos ay makapagbibigay sa iyo ng tunay na diwa ng tagumpay. Una sa lahat, marami sa iyong mga kasama ay naghahanap ng kasagutan sa mga problema sa buhay, halos mawalan na sila ng pag-asa. Sila’y kulang ng patnubay at walang malinaw na tinatanaw sa hinaharap. Sila’y nagtatanong, ‘Bakit tayo narito? Saan tayo patungo? Bakit ang mundo ay tigib ng problema?’ Bilang isang Kristiyano, taglay mo ang mga kasagutan, at malamang na ikaw ang nasa pinakamabuting kalagayan na maghatid ng gayong kaalaman sa iyong mga kasama. Malaya silang makapagpapahayag sa iyo at malamang na higit na makipag-usap sa kanilang kaedad kaysa isang adulto.

Totoo, kung minsa’y makakaharap mo ang pagtanggi. Subalit makasusumpong ka rin ng mga tao na tumatanggap ng mensahe ng Bibliya. Isang kabataang Saksi na nakasakay sa bus na nagbabasa ng kaniyang personal na kopya ng aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan​—Mga Sagot na Lumulutas.a Ang kabataang lalaki na nakatabi niya ay nakibasa. “Napakagandang aklat nito!” ang bulalas ng lalaki. “Napakaraming sinasabi ng aklat na ito tungkol sa Diyos. Karamihan ng mga tao ay hindi interesado sa relihiyon.” Ginamit ng kabataang Saksi ang pagkakataong ito upang magkaroon ng malawak na pagtalakay sa paksang tungkol sa pangalan ng Diyos.

Ipagpalagay nang totoo, kapag ipinakilala mo ang iyong sarili bilang isang Kristiyano, ikaw ay obligado na gumawi na gaya ng isang Kristiyano. (1 Pedro 2:12) Subalit ang mabuting Kristiyanong paggawi ay makadaragdag sa pagiging totoo ng iyong mensahe. Isaalang-alang ang karanasan ng isang kabataang nagngangalang Eric. Siya ay humanga sa mahusay na pag-uugali ng mga kabataang Saksi sa kaniyang paaralan. Ito ang pumukaw sa kaniyang interes na matuto nang higit tungkol sa Diyos. Napasimulan sa kaniya ang isang pag-aaral sa Bibliya, at ngayon siya ay isang bautisadong Kristiyano na naglilingkod sa punong tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa New York.

Ang pakikipag-usap tungkol sa Diyos ay makatutulong din sa iyo! Ito ay magsisilbing isang pananggalang sa iyo. Kapag alam ng iyong mga kasama na ikaw ay isa sa mga Saksi ni Jehova, igagalang ka ng marami. Maaaring hindi ka nila gaanong gipitin na makisali sa maling gawa kapag napansin nila na ikaw ay may matataas na pamantayan at alam nila na malamang na magpatotoo ka sa kanila kapag ginigipit ka nila.

Mangyari pa, hindi ibig sabihin nito na sa tuwing magsasalita ka ay kailangan mong sumipi sa mga kasulatan. Maipapakita mo pa rin ang iyong interes sa isports, mga damit, o musika at magnanais na ipakipag-usap ang tungkol sa mga bagay na iyon sa pana-panahon. Subalit tandaan: “Mula sa kasaganaan ng puso ang bibig ay nagsasalita.” (Mateo 12:34) Kung ang pag-ibig sa Diyos ay totoong nasa iyong puso, natural na ibig mong ipakipag-usap ang tungkol sa kaniya. Sa hinaharap na labas, tatalakayin namin ang ilang paraan na magagawa mo ito nang mabisa.

[Talababa]

a Inilathala ng Watch Tower Bible and Tract Society of New York, Inc.

[Larawan sa pahina 15]

Ikaw ba’y nahihiya na makita ng iyong mga kaeskuwela kapag ikaw ay nasa pangmadlang gawaing pangangaral?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share