Pagpapanatili sa Ating Pang-Kahariang Pagkakaisa
1 Ano ang pang-Kahariang pagkakaisa, at papaano maaari nating mapanatili ito? Ang Kaharian ng Diyos ang tema ng buong Bibliya. Ang Kahariang iyon ay isang totoong pamahalaan, na nagtataglay ng kapangyarihan at awtoridad. Ito ang tema ng pangangaral ni Jesus. (Mat. 4:17) Ang pananatiling malapit sa organisasyon ni Jehova, pagtupad sa ating komisyon na pangangaral, at pag-iingat na hiwalay mula sa sanlibutan ay nagpapangyaring mapanatili ang ating pang-Kahariang pagkakaisa. Sa pamamagitan ng ating mga pagkilos at mga pananalita, ating ipinakikita na tayo’y nasa panig ng Kaharian.—Juan 18:37.
2 Mula pa noong 1914, ang Kaharian ay naging isang katotohanan para sa milyun-milyong sakop nito. Ang pagkakaisa na ipinakikita ng mga sakop na ito ng Kaharian ay ibang-iba kaysa sa nababahaging sanlibutan. Dapat nating gawing totoo ang Kaharian sa ating mga buhay upang ito’y magsilbing isang puwersa sa pagkakaisa. Ano ang nagpapangyaring maging totoo nito sa atin?
3 Gaya ng iba pang pamahalaan, ang Kaharian ay may itinakdang mga batas. Gayunman, kakaiba ito sa bagay na ang mga batas nito ay masusumpungan sa Bibliya. Ang personal na pag-aaral ng Bibliya at ng mga publikasyon mula sa “tapat at maingat na alipin” ay tumutulong sa atin na maikapit ang mga batas ng Diyos sa ating pang-araw-araw na buhay. (Mat. 24:45) Habang ginagawa natin ito, ang Kaharian ay lalong nagiging totoo sa atin, na higit na naglalapit sa ating magkakasama, na ginagawa tayong isang nagkakaisang pamilya ng mga mananamba sa ilalim ng pamamahala ni Jesus.
4 Pagkakaisa sa Pamamagitan ng Pangangaral ng Kaharian: Ang ating pangangaral ng Kaharian na “may pagkakaisa” ay nagbubuklod sa atin habang sinisikap nating ‘luwalhatiin’ si Jehova. (Roma 15:5, 6) Ang masigasig na pakikibahagi kasama ng ating mga kamanggagawa sa buong lupa ay nagpapalakas sa ating pananampalataya at nagpapahintulot sa espiritu ni Jehova na kumilos sa atin upang maganap ang kaniyang kalooban. Ang pagiging “laging maraming ginagawa sa gawain ng Panginoon” ay nagpapangyaring tayo’y ‘maging matatag, di-natitinag.’—1 Cor. 15:58.
5 Sa maraming lupain, sinisikap ni Satanas na sirain ang ating pagkakaisa sa pamamagitan ng paghadlang sa ating gawaing pangangaral. Kaniyang ginagamit ang lahat ng paraang taglay niya upang maghasik ng sigalot at lumikha ng mga di-pagkakaunawaan, upang magluwal ng pagtatalo at alitan. (Kaw. 6:19; Gal. 5:19-21, 26) Nais niyang tayo’y masangkot sa mga tunggalian sa daigdig at pumanig sa mga isyung politikal at panlipunan. (Sant. 3:14-16) Ang Kasulatan ay nagpapayo sa atin na labanan ang kaniyang impluwensiya; kung hindi, sisilain niya tayo bilang kaniyang biktima. (1 Ped. 5:8, 9) Ang katotohanan ng pag-asa sa Kaharian ay hindi dapat pahintulutang maglaho sa ating mga puso at isip.
6 Kapag lumitaw ang mga suliranin, lalo na’t ito’y nagsasangkot sa ating mga kapatid, dapat nating ipamalas ang mga bunga ng espiritu upang mapanatili ang kapayapaan. Ang makasanlibutang mga ugali, gaya ng kapalaluan, at pananaghili, ay sumisira ng pagkakaisa at kailangang mapagtagumpayan. (Efe. 4:1-3; Col. 3:5-10, 12-14) Ang Kaharian ay isang katotohanan sa ating mga buhay! Subalit kailangan tayong maging mapagbantay upang ito’y mapanatiling gayon!—Efe. 6:11, 13.
7 Ang katotohanan hinggil sa ating kamangha-manghang pag-asa sa Kaharian ay bumubuklod sa atin sa espiritu ng pagkakaisa na hindi kailanman magwawakas.—Awit 133:1.