-
Aklat ng Bibliya Bilang 33—Mikas“Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
-
-
na patnubay, kaya naliligaw ang bayan ng Diyos. Higit pa sa katapangan ng tao ang kailangan upang ihayag ang mensahe! Ngunit buong-tiwalang sinabi ni Mikas: “Ako’y napuspos ng kapangyarihan, sa pamamagitan ng espiritu ni Jehova, ng katarungan at ng kalakasan, upang ipahayag sa Jacob ang kaniyang paghihimagsik at sa Israel ang kaniyang pagkakasala.” (3:8) Umabot sa sukdulan ang matinding pagtuligsa sa mga pinunong maysala-sa- dugo: “Ang mga pangulo niya’y humahatol dahil sa suhol, ang mga saserdote niya’y nagtuturo dahil sa upa, at ang mga propeta niya’y nanghuhula dahil sa salapi.” (3:11) Kaya ang Sion ay aararuhing parang bukid, at ang Jerusalem ay magiging bunton ng kagibaan.
12. Anong dakilang hula ang ibinigay para sa “huling bahagi ng mga araw”?
12 Sa isa pang biglang pagbabago, ang hula ay bumabaling sa “huling bahagi ng mga araw” upang magharap ng isang maringal, nagpapakilos na larawan ng pagsasauli ng pagsamba ni Jehova sa kaniyang bundok. (4:1) Paroroon ang mga bansa upang matuto ng kaniyang daan, pagkat ang kaniyang kautusan at salita ay lalabas sa Sion at sa Jerusalem. Hindi na sila mag-aaral ng pakikidigma, kundi bawat isa ay mauupo sa ilalim ng kaniyang punong ubas at punong igos. Hindi sila matatakot. Hayaan ang mga tao na sumunod sa kanilang diyos, ngunit ang mga tunay na mananamba ay lalakad sa pangalan ni Jehova at siya ay magiging Hari nila magpakailanman. Ngunit, dapat munang maging tapon sa Babilonya ang Sion. Dudurugin lamang ni Jehova ang mga kaaway kapag ang Sion ay naisauli na.
13. Anong uri ng tagapamahala ang lalabas sa Betlehem, at “ang mga nalabi ni Jacob” ay magiging gaya ng ano?
13 Inihula ang paglabas sa Betlehem Ephrata ng isang pinunò sa Israel “na ang pinagmulan ay mula pa noong una.” Magpupuno siya bilang ‘pastol sa kalakasan ni Jehova’ at magiging dakila, hindi lamang sa Israel, kundi “hanggang sa mga wakas ng lupa.” (5:2, 4) Panandalian lamang ang tagumpay ng taga-Asirya sapagka’t siya’y pauurungin at ang lupain ay mawawasak. “Ang mga nalabi ni Jacob” ay magiging gaya ng “hamog mula kay Jehova” at gaya ng matapang na leon sa gitna ng mga bayan. (5:7) Bubunutin ni Jehova ang huwad na pagsamba at maghihiganti siya sa masuwaying mga bansa.
14. (a) Sa anong paglalarawan nagbubukas ang seksiyon 3 ng Mikas? (b) Anong mga kahilingan ni Jehova ang hindi naabot ng mga taga-Israel?
14 Seksiyon 3 (6:1–7:20). Isang kakaibang paglilitis ang inihaharap sa anyong dayalogo. Si Jehova ay may “kaso” laban sa Israel, at tinatawagan niyang saksi ang mga burol at mga bundok. (6:1) Hinahamon niya ang Israel na sumaksi laban sa kaniya, at nirerepaso niya ang kaniyang matuwid na mga gawa alang-alang sa kanila. Ano ang hinihiling ng Diyos? Hindi ang paghahandog ng maraming hayop, kundi “ang maging makatarungan at ibigin ang kabaitan at maging mapagpakumbaba sa paglakad na kasama ng Diyos.” (6:8) Ito ang kulang sa Israel. Imbes na katarungan at kabaitan ay “madayang mga timbangan,” karahasan, kasinungalingan at kataksilan. (6:11) Sa halip na paglakad na kasama ng Diyos, lumalakad sila sa masasamang payo at idolatriya nina Haring Omri at Ahab ng Samaria.
15. (a) Ano ang ikinalungkot ng propeta? (b) Anong angkop na pagtatapos ang taglay ng aklat ni Mikas?
15 Dinamdam ni Mikas ang pagsamâ ng bayan. Ang “pinakamatuwid ay masahol pa sa isang bakod ng mga tinik.” May pagtataksil sa gitna ng matatalik na magkaibigan at magkakasambahay. Hindi nawawalan ng loob si Mikas. “Kay Jehova ako aasa. Maghihintay ako sa Diyos ng aking kaligtasan. Diringgin ako ng aking Diyos.” (7:7) Binalaan niya ang iba na huwag magalak sa pagparusa ni Jehova sa Kaniyang bayan pagkat darating ang katubusan. Papastulan at pakakanin sila ni Jehova at pagpapakitaan sila ng “kagilagilalas na mga bagay,” upang matakot ang mga bansa. (7:15) Sa pagtatapos, idiniriin ni Mikas ang kahulugan ng kaniyang pangalan nang purihin niya si Jehova sa kagandahang-loob Niya. Oo, ‘Sinong Diyos ang gaya ni Jehova?’—7:18.
BAKIT KAPAKI-PAKINABANG
16. (a) Papaano naging kapaki-pakinabang ang hula ni Mikas noong panahon ni Ezekias? (b) Anong maririing payo ang nilalaman nito para sa ngayon?
16 Sa nakalipas na 2,700 taon, ang hula ni Mikas ay naging ‘kapaki-pakinabang sa pagsaway,’ nang ang bansa ay akayin ni Haring Ezekias sa pagsisisi at repormasyon sa pagsamba. (Mik. 3:9-12; Jer. 26:18, 19; ihambing ang 2 Hari 18:1-4.) Ang kinasihang hulang ito ay lalong kapaki-pakinabang ngayon. Lahat ng nag-aangking sumasamba sa Diyos, dinggin ang payak na babala ni Mikas laban sa huwad na relihiyon, idolatriya, kasinungalingan, at karahasan! (Mik. 1:2; 3:1; 6:1) Pinatunayan ito ni Pablo sa 1 Corinto 6:9-11 sa pagsasabing ang mga Kristiyano ay nahugasan na at ang gumagawa ng mga bagay na ito ay hindi magmamana ng Kaharian ng Diyos. Payak at maliwanag na isinasaad ng Mikas 6:8 ang kahilingan ni Jehova sa tao na lumakad na kasama Niya sa katarungan, kabaitan, at pagpapakumbaba.
17. Anong pampasigla ang inilalaan ni Mikas sa mga naglilingkod sa ilalim ng pag-uusig at kahirapan?
17 Ang mensahe ni Mikas ay inihatid sa isang nababahaging bayan na doon ‘ang naging kaaway ng tao ay ang mismong kasambahay.’ Malimit mangaral ang mga Kristiyano sa gitna ng mga kalagayang ito, at ang iba’y ipinagkakanulo pa man din at mahigpit na pinag-uusig ng mga kasambahay. Dapat silang magtiyaga sa paghihintay kay Jehova, ang ‘Diyos ng kaligtasan.’ (Mik. 7:6, 7; Mat. 10:21, 35-39) Sa pag-uusig o kapag napaharap sa mahirap na atas, ang umaasa kay Jehova nang may tibay-loob ay “mapupuspos ng kapangyarihan, . . . ng espiritu ni Jehova” sa paghaharap ng Kaniyang mensahe, gaya ni Mikas. Inihula ni Mikas na ang ganitong tibay-loob ay mamamalas lalo na sa “mga nalabi sa Jacob.” Sila’y magiging gaya ng ‘leon sa gitna ng mga bayan,’ at gaya ng nakagiginhawang hamog at ambon mula kay Jehova. Ang mga katangiang ito ay tiyak na naaninaw sa ‘nalabi ng Israel (Jacob)’ na naging kaanib ng kongregasyong Kristiyano noong unang siglo.—Mik. 3:8; 5:7, 8; Roma 9:27; 11:5, 26.
18. Anong hula ni Mikas ang nauugnay sa pamamahala ng Kaharian ng Diyos sa ilalim ni Kristo Jesus?
18 Bilang katuparan ng hula ni Mikas, ang pagsilang ni Jesus sa Betlehem ay hindi lamang patotoo ng banal na pagkasi, kundi ito ay nagbibigay-liwanag din sa pagiging-makahula ng konteksto ng talata kaugnay ng Kaharian ng Diyos sa ilalim ni Kristo Jesus. Si Jesus ang lalabas sa Betlehem (Bahay ng Tinapay) taglay ang nagbibigay-buhay na pakinabang sa mga sasampalataya sa kaniyang hain. Siya ang “magpapastol sa kalakasan ni Jehova” at na magiging dakila at magdudulot ng kapayapaan sa buong lupa sa isinauli, nagkakaisang kawan ng Diyos.—Mik. 5:2, 4; 2:12; Juan 6:33-40.
19. (a) Anong nagpapatibay-pananampalatayang pampasigla ang inilalaan para sa mga nabubuhay sa “huling bahagi ng mga araw”? (b) Papaano itinatanghal ni Mikas ang soberanya ni Jehova?
19 Malaking pampatibay-loob ang makakamit sa hula ni Mikas tungkol sa “huling bahagi ng mga araw,” kapag ang “mga bansa” ay naturuan na ni Jehova. “Papandayin nila ang kanilang mga tabak upang maging sudsod at ang kanilang mga sibat upang maging karit. Hindi na sila magtataas ng tabak, bansa laban sa bansa, ni mag-aaral pa sila ng pakikidigma. Sila’y mauupo, bawat isa sa ilalim ng kaniyang punong ubas at punong igos, at walang tatakot sa kanila; sapagkat sinalita ng bibig ni Jehova ng mga hukbo.” Tinalikuran nila ang huwad na pagsamba, at nakikiisa sila kay Mikas: “Kung para sa atin, lalakad tayo sa pangalan ni Jehova na ating Diyos, magpakailan-kailan man.” Nagpapatibay-pananampalataya ang hula ni Mikas dahil sa paglalaan ng patiunang pangmalas sa makasaysayang mga pangyayaring ito. Namumukod-tangi rin ang pagtatanghal nito kay Jehova bilang walang-hanggang Soberano at Hari. Kapana-panabik ang mga salitang: “Si Jehova ay maghahari sa Bundok Sion, mula ngayon at sa walang-hanggan”!—Mik. 4:1-7; 1 Tim. 1:17.
-
-
Aklat ng Bibliya Bilang 34—Nahum“Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
-
-
Aklat ng Bibliya Bilang 34—Nahum
Manunulat: Si Nahum
Saan Isinulat: Sa Juda
Natapos Isulat: Bago ang 632 B.C.E.
1. Ano ang nalalaman tungkol sa sinaunang Nineve?
“ANG hatol laban sa Nineve.” (Nah. 1:1) Nagbubukas ang hula ni Nahum sa ganitong pagbabanta. Bakit siya gumawa ng ganitong malagim na paghatol? Ano ang nalalaman tungkol sa sinaunang Nineve? Ang kasaysayan nito ay sinuma ni Nahum sa tatlong salita: “lungsod na duguan.” (3:1) Ang dako ng sinaunang Nineve ay ipinakikilala ng dalawang burol sa silangang dalampasigan ng Ilog Tigris sa ibayo ng makabagong lungsod ng Mosul sa hilagang Iraq. Nakukutaan ito ng makakapal na pader at ng mga kanal bilang kabisera ng Imperyo ng Asirya noong huling bahagi ng kasaysayan nito. Gayunman, ang pinagmulan ng lungsod ay matutunton pabalik kay Nimrod, ang “ ‘makapangyarihang mangangaso na lumaban kay Jehova.’ . . . Siya ay napasa-Asirya at kaniyang itinayo ang Nineve.” (Gen. 10:9-11) Masama ang pasimula ng Nineve. Napabantog ito noong maghari sina Sargon, Senacherib, Esar-hadon, at Asurbanipal, sa huling yugto ng Imperyo ng Asirya. Dahil sa digmaan at pananakop ay yumaman ito mula sa mga samsam at napatanyag dahil sa malupit, makahayop na trato ng mga hari sa kanilang mga bihag.a Sinasabi ni C. W. Ceram, sa pahina 266 ng kaniyang aklat na Gods, Graves and Scholars (1954): “Ang Nineve ay napaukit sa isipan dahil sa pagpatay, pandarambong, paniniil, at pagsasamantala sa mahihina; dahil sa digmaan at lahat ng uri ng pisikal na karahasan; dahil sa uháw-sa-dugong dinastiya ng mga hari na gumamit ng sindak upang manakop at na kalimitang inililigpit ng kanilang mas mababagsik na karibal.”
-