-
Aklat ng Bibliya Bilang 37—Hagai“Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
-
-
BAKIT KAPAKI-PAKINABANG
13. Ano ang kagyat na pakinabang ng paghula ni Hagai?
13 Ang apat na mensahe ni Jehova na inihatid ni Hagai ay kapaki-pakinabang sa mga Judio nang panahong yaon. Pinasigla sila sa gawain at sa loob ng apat at kalahating taon natapos ang templo upang maitaguyod ang tunay na pagsamba sa Israel. (Ezra 6:14, 15) Pinagpala ni Jehova ang kanilang sigasig. Nang itinatayo ang templo, sinuri ni Dario na hari ng Persya ang mga ulat ng estado at pinagtibay ang utos ni Ciro. Kaya ito ay natapos sa tulong ng kaniyang opisyal na pagtangkilik.—Ezra 6:1-13.
14. Anong matalinong payo ang inilalaan ni Hagai para sa ngayon?
14 Ang hula ay mayroon ding mahusay na payo para sa ating panahon. Papaano? Una, idiniriin nito na dapat unahin ang pagsamba sa Diyos kaysa personal na kapakanan. (Hag. 1:2-8; Mat. 6:33) Idiniriin din nito na ang pag-iimbot ay hindi magtatagumpay, na walang-kabuluhan ang magtaguyod ng materyalismo; na nagpapayaman ang kapayapaan at pagpapala ni Jehova. (Hag. 1:9-11; 2:9; Kaw. 10:22) Idiniriin din nito na ang paglilingkod sa Diyos ay hindi kusang lumilinis maliban na kung ito ay dalisay at buong-kaluluwa, at hindi dapat madungisan ng maruming paggawi. (Hag. 2:10-14; Col. 3:23; Roma 6:19) Ipinakikita nito na ang mga lingkod ng Diyos ay hindi dapat maging paurong, laging lumilingon sa “nakaraang mga araw,” kundi pasulong, ‘na isinasapuso ang kanilang mga daan’ at nagsisikap na lumuwalhati kay Jehova. Sa gayon, tiyak na si Jehova ay sasa-kanila.—Hag. 2:3, 4; 1:7, 8, 13; Fil. 3:13, 14; Roma 8:31.
15. Ano ang ipinakikita ni Hagai na resulta ng masigasig na pagsunod?
15 Nang sila’y maging abala sa templo, ang mga Judio ay pinagpala ni Jehova, at sila’y umunlad. Nawala ang mga hadlang. Natapos ang gawain sa panahon. Ang walang-takot, masigasig na paglilingkod kay Jehova ay laging may gantimpala. Ang mga kahirapan, tunay man o inaakala, ay mapagtatagumpayan ng maytibay-loob na pananampalataya. Ang pagsunod sa “salita ni Jehova” ay may mabuting bunga.—Hag. 1:1.
16. Ano ang kaugnayan ng hula ni Hagai sa pag-asa ng Kaharian, at sa anong paglilingkod dapat tayong pukawin nito sa ngayon?
16 Kumusta ang hula na ‘uugain [ni Jehova] ang langit at ang lupa’? Ganito ikinapit ni apostol Pablo ang Hagai 2:6: “Ngunit ngayo’y nangako [ang Diyos], at nagsabi: ‘Minsan pa’y yayanigin ko hindi lamang ang lupa kundi pati ang langit.’ Ang mga salitang ‘Minsan pa’ ay nangangahulugan ng pag-alis ng mga bagay na niyanig, upang manatili ang mga bagay na hindi niyanig. Kaya sa pagtanggap ng isang kaharian na hindi mayayanig, samantalahin natin ang di-sana-nararapat na kabaitan at mag-ukol ng banal na paglilingkod sa Diyos nang may-takot at paggalang. Sapagkat ang ating Diyos ay isang apoy na namumugnaw.” (Heb. 12:26-29) Ipinakikita ni Hagai na ang pag-uga ay upang “ibagsak ang luklukan ng mga kaharian at gibain ang lakas ng mga kaharian ng mga bansa.” (Hag. 2:21, 22) Nang sinisipi ang hula, inihambing ni Pablo ang Kaharian ng Diyos “na hindi mayayanig.” Habang minumuni ang pag-asa ng Kaharian, tayo’y ‘magpakalakas at gumawa,’ at mag-ukol sa Diyos ng banal na paglilingkod. Tandaan din na, bago ibagsak ang mga bansa sa lupa, isang bagay na mahalaga ang mahihiwalay at lalabas upang maligtas: “ ‘Aking uugain ang lahat ng bansa, at ang kanais-nais na mga bagay sa lahat ng bansa ay papasok, at pupunuin ko ng kaluwalhatian ang bahay na ito,’ sabi ni Jehova ng mga hukbo.”—2:4, 7.
-
-
Aklat ng Bibliya Bilang 38—Zacarias“Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
-
-
Aklat ng Bibliya Bilang 38—Zacarias
Manunulat: Si Zacarias
Saan Isinulat: Sa Jerusalem
Natapos Isulat: 520-518 B.C.E.
Panahong Saklaw: 520–518 B.C.E.
1. Ano ang kalagayan ng templo sa Jerusalem nang magsimulang humula si Zacarias?
LUBUSANG napahinto! Ito ang kalagayan ng pagtatayo sa templo ni Jehova nang magsimulang humula si Zacarias. Bagaman naitayo ni Solomon ang unang templo sa loob lamang ng 7 1⁄2 taon (1 Hari 6:37, 38), 17 taon nang nakabalik sa Jerusalem ang mga Judio ngunit matagal pa bago ito matapos. Lubusang napahinto ang gawain nang ipagbawal ito ni Artajerjes (si Bardiya o si Gaumata). Ngunit ngayon, sa kabila ng opisyal na pagbabawal, minsan pang nagsimula ang gawain. Ginamit ni Jehova sina Hagai at Zacarias upang pasiglahin ang bayan na ituloy ang pagtatayo at huwag itong titigilan hangga’t di-natatapos.—Ezra 4:23, 24; 5:1, 2.
2. Bakit naging tila ga-bundok ang gawain, subalit ano ang itinawag-pansin ni Zacarias?
2 Tila ga-bundok ang gawain. (Zac. 4:6, 7) Kakaunti sila, marami ang kaaway, at bagaman may prinsipe sila mula sa hanay ni David, si Zorobabel, wala silang hari at nasasakop sila ng mga dayuhan. Kay daling padaig sa mahina at malasariling saloobin, gayong kailangan ang matibay na pananampalataya at masiglang paggawa! Ginamit si Zacarias upang akayin ang pansin sa kasalukuyang layunin ng Diyos at sa higit pang dakilang layunin sa hinaharap, upang palakasin sila sa gawain sa unahan. (8:9, 13) Hindi ito panahon upang tularan ang kanilang walang-pagpapahalagang mga ninuno.—1:5, 6.
3. (a) Papaano ipinakikilala si Zacarias, at bakit angkop ang pangalan niya? (b) Kailan binigkas at isinulat ang ulat ni Zacarias?
3 Sino si Zacarias? May 30 iba’t-ibang Zacarias sa Bibliya. Gayunman, ang sumulat ng aklat na may ganitong pangalan ay si “Zacarias, anak ni Berechias na anak ni Iddo na propeta.” (Zac. 1:1; Ezra 5:1; Neh. 12:12, 16) Ang pangalan niya (Hebreo, Zekhar·yahʹ) ay nangangahulugang “Si Jehova Ay Nakaalaala.” Maliwanag sa aklat ni Zacarias na naalaala ni “Jehova ng mga hukbo” ang Kaniyang bayan, upang makitungo sa kanila nang mabuti alang-alang sa Kaniyang pangalan. (Zac. 1:3) Ang mga petsang binabanggit sa aklat ay nagpapahiwatig na ito ay sumasaklaw ng dalawang taon. Ang pagtatayo sa templo ay ipinagpatuloy noong “ikawalong buwan ng ikalawang taon ni Dario” (Oktubre/Nobyembre 520 B.C.E.) at noon nagsimulang humula si Zacarias. (1:1) Tumutukoy din ang aklat sa “ikaapat na araw ng ikasiyam na buwan, alalaong baga, ang Cislev,” noong “ikaapat na taon ni Dario” (mga Disyembre 1, 518 B.C.E.). (7:1) Kaya, tiyak na ang hula ni Zacarias ay binigkas at iniulat noong mga taóng 520-518 B.C.E.—Ezra 4:24.
4, 5. (a) Bakit inihula ni Zacarias ang pagkawasak ng Tiro matagal na panahon makaraang kukubin ito ni Nabukodonosor? (b) Kapani-paniwala ang pagiging-kinasihan ng aklat dahil sa katuparan ng anong partikular na mga hula?
4 Ang mga nag-aaral ng aklat ni Zacarias ay makakasumpong ng sapat na katibayan ng pagiging-tunay. Kuning halimbawa ang Tiro. Winasak ito ni haring Nabukodonosor ng Babilonya matapos kubkubin nang 13 taon. Ngunit hindi dito nagwakas ang Tiro. Maraming taon pagkaraan, inihula ni Zacarias ang ganap na pagkawasak. Ang pulong-lungsod ng Tiro ay ibinagsak ni Alejandrong Dakila na napatanyag sa paggawa ng tulay na lupa tungo roon; walang-awa niya itong sinunog, gaya ng inihula ni Zacarias mga dalawang siglo patiuna.a—Zac. 9:2-4.
5 Ngunit ang pinaka-kapani-paniwalang patotoo ng pagiging-kinasihan ng aklat ay ang katuparan ng mga hula tungkol sa Mesiyas, si Kristo Jesus, gaya ng makikita kung ihahambing ang Zacarias 9:9 sa Mat. 21:4, 5 at Juan 12:14-16; ang Zacarias 12:10 sa Juan 19:34-37; at ang Zacarias 13:7 sa Mateo 26:31 at Marcos 14:27. May mapapansin ding pagkakahawig sa pagitan ng Zacarias 8:16 at Efeso 4:25; Zacarias 3:2 at Judas 9; at Zacarias 14:5 at Judas 14. Kamangha-mangha ang pagkakasuwato ng Salita ng Diyos!
6. (a) Ano ang sanhi ng pagbabago ng estilo mula sa kabanata 9 ng Zacarias at patuloy? (b) Bakit “Jeremias” ang pagtukoy ni Mateo kay Zacarias?
6 Sinasabi ng ilang kritiko na ang pagbabago ng estilo ng pagsulat mula sa kabanata 9 patuloy ay pahiwatig na ang bahaging ito ay hindi isinulat ni Zacarias. Gayunman, ang pagbabago ng estilo ay maipagmamatuwid ng pagbabago ng paksa. Bagaman ang unang walong kabanata 1-8 ay tumatalakay sa mga bagay na mas mahalaga noong panahon ni Zacarias, sa mga kabanata 9 hanggang 14 ang propeta ay tumitingin sa mas malayong hinaharap. Itinatanong ng iba kung bakit sinisipi ni Mateo si Zacarias ngunit iniuukol ang mga ito kay Jeremias. (Mat. 27:9; Zac. 11:12) May mga pagkakataon na waring si Jeremias ang itinuturing na una sa mga Nahuling Propeta (sa halip na si Isaias, gaya ng sa mga Bibliya ngayon); kaya nang tukuyin si Zacarias na “Jeremias,” maaaring sinunod ni Mateo ang kaugaliang Judio na pagtukoy sa isang buong seksiyon ng Kasulatan ayon sa pangalan ng unang aklat ng seksiyon. Ginamit ni Jesus ang katawagang “Mga Awit” upang tukuyin ang lahat ng mga aklat na kilala bilang ang Mga Kasulatan.—Luc. 24:44.b
7. Papaano ang pagkaayos ng aklat ni Zacarias?
7 Hanggang kabanata 6, talata 8, ang aklat ay binubuo ng isang serye ng walong pangitain, kahawig niyaong kina Daniel at Ezekiel, at karaniwan nang kaugnay ng muling pagtatayo ng templo. Sinusundan ito ng mga paghatol at hula tungkol sa taimtim na pagsamba, pagsasauli, at ang araw ng digmaan ni Jehova.
NILALAMAN NG ZACARIAS
8. Ano ang ipinakikita ng pangitain ng apat na mangangabayo tungkol sa Jerusalem at sa mga bansa?
8 Unang pangitain: Apat na mangangabayo (1:1-17). “Manumbalik kayo sa akin, . . . at ako’y manunumbalik sa inyo,” sabi ni Jehova, at nagtanong siya, “Ang aking mga salita at mga tuntunin na iniutos ko sa aking mga lingkod na propeta, hindi ba pawang natupad sa inyong mga magulang?” (1:3, 6) Inamin ng bayan na tumanggap sila ng nararapat. Dumating ang unang pangitain ni Zacarias. Isang gabi may apat na mangangabayo sa gitna ng mga puno malapit sa Jerusalem, matapos nilang siyasatin ang buong lupa, na natuklasan nilang payapa at tiwasay. Ngunit ang anghel ni Jehova na nakipanayam sa kanila, ay nabahala sa kalagayan ng Jerusalem.
-