-
Aklat ng Bibliya Bilang 38—Zacarias“Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
-
-
19. Anong mabibigat na hatol ang sumunod, ngunit ano ang sinabi tungkol sa hari ng Jerusalem?
19 Hatol laban sa mga bansa, huwad na mga pastol (9:1–11:17). Sa ikalawang seksiyon, kabanata 9 hanggang 14, lumipat si Zacarias mula sa matalinghagang mga pangitain tungo sa karaniwang makahulang estilo. Sinimulan niya sa paghatol sa iba’t-ibang lungsod, pati na sa mabatong pulong-lungsod ng Tiro. Inutusan ang Jerusalem na humiyaw sa kagalakan ng tagumpay sapagkat, “Narito! Dumarating ang iyong hari. Siya’y matuwid at nagliligtas; mapagpakumbaba, at sakay ng asno.” (9:9) Kasabay ng pagsira sa mga karong pandigma at busog, magsasalita siya ng kapayapaan sa mga bansa at magpupunó sa buong lupa. Didigmain ni Jehova ang Gresya alang-alang sa kaniyang bayan at ililigtas sila. “Sapagkat dakila ang kabutihan niya, at dakila ang kagandahan niya!” (9:17) Bilang Tagapagpaulan, hinahatulan ni Jehova ang mga manghuhula at huwad na mga pastol. Palalakasin niya ang Juda at ang Ephraim ay magiging makapangyarihan. Kung para sa mga tinubos, “ang puso nila ay magagalak kay Jehova . . . at sa kaniyang pangalan ay lalakad sila.”—10:7, 12.
20. Ano ang isinagisag ng mga tungkod na “Kaluguran” at “Pagkakaisa”?
20 Inatasan si Zacarias na pastulin ang kawan na ipinagbili sa katayan ng walang-awang mga pastol na nagsasabi: “Purihin si Jehova, samantalang ako’y nagpapayaman.” (11:5) Kumuha ang propeta ng dalawang tungkod at tinawag ito na “Kaluguran” at “Pagkakaisa.” (11:7) Binali niya ang “Kaluguran” upang isagisag ang pagsira sa tipan. Hiningi niya ang kaniyang upa at tinimbang nila ang 30 pirasong pilak. Iniutos ni Jehova na ihagis ito ni Zacarias sa kabang-yaman at sabihin nang may pang-uuyam, “ang mataas na halaga na inihalaga sa akin.” (11:13) Pinutol ang tungkod na “Pagkakaisa,” upang putulin ang pagkakapatiran ng Juda at Israel. Darating ang tabak sa huwad na mga pastol na nagpabaya sa tupa ni Jehova.
21. (a) Ano ang hatol ni Jehova sa mga lumalaban sa Jerusalem? (b) Anong pangangalat at pagdalisay ang inihula?
21 Nakipagdigma si Jehova, naging hari (12:1–14:21). Dumating ang isa pang hatol. Ang Jerusalem ay gagawing isang mangkok na ikahihilo, at isang mabigat na batong susugat sa bubuhat nito. Lilipulin ni Jehova ang mga bansang lumalaban sa Jerusalem. Ang espiritu ng pagsang-ayon at pagsusumamo ay ibubuhos sa sambahayan ni David, at mamasdan ng bayan ang isa na kanilang sinibat at mananangis silang “gaya ng pananangis sa isang bugtong na anak.” (12:10) Ihihiwalay ni Jehova ang mga idolo at bulaang propeta; sasasaktan sila ng kanilang magulang at sa kahihiyan ay maghuhubad sila ng damit-propeta. Hahampasin ang pastol ni Jehova at mangangalat ang kawan ngunit dadalisayin niya ang “ikatlong bahagi” upang tumawag sa kaniyang pangalan. Sasabihin ni Jehova: “Ito’y aking bayan,” at sasagot sila: “Si Jehova ang aking Diyos.”—13:9.
22. Ano ang mangyayari sa mga bansa at sa Jerusalem sa ‘araw ni Jehova’?
22 “Darating ang araw ni Jehova.” Lahat ng bansa ay sasalakay sa Jerusalem, kalahati ng lungsod ay magiging tapon, ang kalahati ay malalabi. Saka hahayo si Jehova sa pakikidigma sa mga bansang yaon, “gaya sa araw ng kaniyang pakikidigma, sa araw ng pagbabaka.” (14:1, 3) Sa silangan ng Jerualem, ang bundok ng mga punong olibo ay mabibiyak mula silangan hanggang kanluran upang lumikha ng isang libis ng kanlungan. Aagos mula sa Jerusalem ang mga tubig na buhaý tungo sa silangan at kanluran, sa tag-araw at taglamig, at “si Jehova ay magiging hari sa buong lupa.” (14:9) Samantalang tiwasay ang Jerusalem, sasalutin naman ni Jehova ang mga nakikipagdigma rito. Habang nakatayo, ang kanilang laman, mata, at dila ay mabubulok. Malilito sila. Ang kamay ng bawat isa ay itataas laban sa kaniyang kapuwa. Ang mga natirang buháy ay “aahon taun-taon upang sumamba sa Hari, kay Jehova ng mga hukbo.”—14:16.
BAKIT KAPAKI-PAKINABANG
23. Papaano nagpapatibay-pananampalataya ang ulat ni Zacarias?
23 Lahat ng nag-aaral at nagbubulay sa hula ni Zacarias ay makikinabang sa nagpapatibay-pananampalatayang kaalaman. Mahigit 50 beses itinatawag-pansin ni Zacarias na si “Jehova ng mga hukbo” ang nakikipagbaka at nagsasanggalang sa Kaniyang bayan at pinupuspos sila ng kapangyarihan ayon sa pangangailangan. Nang ang pagtatayo ng templo ay pagbantaan ng ga-bundok na pagsalansang, si Zacarias ay nagpahayag: “Sinabi ni Jehova kay Zorobabel, ‘ “Hindi sa pamamagitan ng hukbong pandigma, ni ng kapangyarihan, kundi sa pamamagitan ng aking espiritu,” sabi ni Jehova ng mga hukbo. Nasaan ka, O malaking bundok? Sa harapan ni Zorobabel ikaw ay magiging kapatagan.’ ” Natapos ang templo sa tulong ng espiritu ni Jehova. Sa ngayon, maglalaho din ang mga hadlang kung may pananampalataya kay Jehova. Gaya ito ng sinabi ni Jesus sa mga alagad: “Kung may pananampalataya kayo na sinlaki ng butil ng mustasa, masasabi ninyo sa bundok na ito, ‘Lumipat ka roon,’ at ito ay lilipat, at walang hindi mangyayari sa inyo.”—Zac. 4:6, 7; Mat. 17:20.
24. Papaano inilarawan ang katapatan sa kabanata 13 ng Zacarias?
24 Sa kabanata 13, mga talata 2 hanggang 6, inilalarawan ni Zacarias ang katapatan na pagkakakilanlan ng organisasyon ni Jehova hanggang sa ngayon. Dapat itong mangibabaw sa alinmang ugnayan ng tao, gaya niyaong sa kamag-anak. Kung ang isang malapit na kamag- anak ay huhula ng kasinungalingan sa pangalan ni Jehova, salungat sa mensahe ng Kaharian, at hihikayat sa kongregasyon ng Diyos, ang mga kasambahay niya ay dapat na buong-katapatang tumangkilik sa pasiya ng hukumang komite ng kongregasyon. Ito ang dapat na maging paninindigan kapag ang isang matalik na kasama ay humula nang may kabulaanan, upang siya’y mapahiya at magdamdam sa kaniyang maling paggawi.
25. Papaano kaugnay ng hula ni Zacarias ang ibang kasulatan sa pagpapakilala sa Mesiyas, sa “Sanga,” at sa kaniyang pagiging Mataas na Saserdote at Hari sa ilalim ni Jehova?
25 Gaya ng ipinakita ng pambungad na mga parapo, ang pagpasok ni Jesus sa Jerusalem bilang hari, “mapagpakumbaba, at sakay ng asno,” ang pagkakanulo sa kaniya sa “tatlumpung pirasong pilak,” ang pangangalat ng mga alagad, at ang pagsibat ng kawal sa kaniyang tagiliran ay pawang inihula ni Zacarias sa hustong detalye. (Zac. 9:9; 11:12; 13:7; 12:10) Binabanggit din ng hula na ang “Sanga” ang magtatayo ng templo ni Jehova. Makikita sa paghahambing ng Isaias 11:1-10; Jeremias 23:5; at Lucas 1:32, 33 na ito ay si Jesu-Kristo, na “maghahari sa sambahayan ni Jacob magpakailanman.” Inilalarawan ni Zacarias ang “Sanga” na “magpupuno bilang isang saserdote,” kasuwato ng mga salita ni apostol Pablo: “Si Jesus . . . ay naging mataas na saserdote magpakailanman ayon sa wangis ni Melkisedek,” at, “Naupo siya sa kanang kamay ng luklukan ng Kamahalan sa langit.” (Zac. 6:12, 13; Heb. 6:20; 8:1) Kaya ang hula ay tumutukoy sa “Sanga” bilang Mataas na Saserdote at Hari sa kanang kamay ng Diyos sa langit, at ipinapahayag na si Jehova ang Soberanong Tagapamahala sa lahat: “Si Jehova ay magiging hari sa buong lupa. Sa araw na yaon si Jehova ay magiging isa, at ang kaniyang pangalan ay magiging isa.”—Zac. 14:9.
26. Sa anong maluwalhatiang “araw” paulit-ulit na tumutukoy si Zacarias?
26 Bilang pagtukoy sa panahong yaon, 20 beses inuulit ng propeta ang pariralang “sa araw na yaon,” at inilakip pa ito sa kaniyang hula. Ayon sa mga pagbanggit na ito, ito ang araw ng paghihiwalay ni Jehova sa mga idolo at ng pag-aalis sa mga bulaang propeta. (13:2, 4) Yaon ang araw ng pakikidigma ni Jehova sa mga bansa at paghahasik ng kalituhan sa gitna nila at ng paglalaan ng ‘libis ng kaniyang mga bundok’ bilang kanlungan ng kaniyang bayan. (14:1-5, 13; 12:8, 9) Oo, “sa araw na yaon ay ililigtas sila ni Jehova na kanilang Diyos gaya ng kawan ng kaniyang bayan,” at sila’y tatawag sa isa’t-isa mula sa ilalim ng punong ubas at punong igos. (Zac. 9:16; 3:10; Mik. 4:4) Sa maluwalhating araw na yaon si Jehova ng mga hukbo “ay mananahan sa gitna” ng kaniyang bayan at “ang mga tubig na buháy ay aagos mula sa Jerusalem.” Ayon sa mga salita ni Zacarias ang mga pangyayari “sa araw na yaon” ang maghahatid ng “isang bagong langit at ng isang bagong lupa” ayon sa pangako ng Kaharian.—Zac. 2:11; 14:8; Apoc. 21:1-3; 22:1.
27. Papaano nakatuon ang hula ni Zacarias sa pagbanal ng pangalan ni Jehova?
27 “Sino ang humahamak sa araw ng maliliit na bagay?” tanong ni Jehova. Lalaganap ang kasaganaan sa buong lupa: ‘Maraming bayan at makapangyarihang bansa ay paroroon sa Jerusalem upang hanapin si Jehova ng mga hukbo, at sampung lalaki mula sa lahat ng wika ay hahawak sa laylayan ng damit ng isang Judio, at magsasabi: “Sasama kami sa inyo, sapagkat nabalitaan namin na ang Diyos ay sumasa inyo.” ’ “Sa araw na yaon” pati kampana ng kabayo ay makaririnig ng mga salitang “Ang Kabanalan ay nauukol kay Jehova!” Kapaki-pakinabang ang pagrerepaso ng mga hulang ito na nagpapasigla sa puso, sapagkat ipinakikita nito na ang pangalan ni Jehova ay talagang pakakabanalin sa pamamagitan ng kaniyang Binhi ng Kaharian!—Zac. 4:10; 8:22, 23; 14:20.
-
-
Aklat ng Bibliya Bilang 39—Malakias“Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
-
-
Aklat ng Bibliya Bilang 39—Malakias
Manunulat: Si Malakias
Saan Isinulat: Sa Jerusalem
Natapos Isulat: Pagkaraan ng 443 B.C.E.
1. Ano ang nagpapahiwatig ng sigasig ni Malakias ukol kay Jehova?
SINO si Malakias? Walang anomang iniuulat hinggil sa kaniyang angkang pinagmulan o personal na kasaysayan. Gayunman, sa himig ng hula, maliwanag na siya ay masigasig sa kaniyang debosyon sa Diyos na Jehova, nagtaguyod sa Kaniyang pangalan at dalisay na pagsamba, at nakadama ng matinding galit sa mga kunwa’y naglilingkod sa Diyos subalit sarili lamang ang inaatupag. Ang pangalan ni Jehova ay 48 beses binabanggit sa apat na kabanata ng Malakias.
2. Ano sa wari ang kahulugan ng pangalan ni Malakias, at kailan siya malamang na nabuhay?
2 Sa Hebreo ang pangalan niya ay Mal·ʼa·khiʹ, na ang kahulugan ay waring “Aking Mensahero.” Ang mga Kasulatang Hebreo, ang Septuagint, at ang pagkasunud-sunod ng mga aklat ay naglalagay sa
-