Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Aklat ng Bibliya Bilang 42—Lucas
    “Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
    • siya nito ng katarungan. Si Lucas lamang ang nagsasabi na ang mga alagad ay nagpaturo na manalangin at na pinalakas ng anghel si Jesus nang nananalangin siya sa Bundok ng Olibo; at si Lucas lamang ang nag-uulat ng huling panalangin ni Jesus: “Ama, inihahabilin ko ang aking espiritu sa iyong kamay.” (1:10, 13; 2:37; 3:21; 6:12; 9:28, 29; 18:1-8; 11:1; 22:39-46; 23:46) Gaya noong sumusulat si Lucas, ang panalangin ay isa ring mahalagang paglalaan sa ngayon upang mapalakas ang lahat ng gumaganap ng banal na kalooban.

      34. Anong mga katangian ni Jesus ang idiniriin ni Lucas bilang mahuhusay na huwaran para sa mga Kristiyano?

      34 Dahil sa kaniyang bukas na isipan at matatas, makulay na pluma, ginawa ni Lucas na mainit at buháy-na-buháy ang turo ni Jesus. Ang pag-ibig, kabaitan, awa, at habag na ipinakita ni Jesus sa mahihina, api, at hamak ay ibang-iba sa malamig, pormal, makitid, at paimbabaw na relihiyon ng mga eskriba at Fariseo. (4:18; 18:9) Nagbigay si Jesus ng patuloy na pampatibay-loob at tulong sa mga dukha, mga bihag, mga bulag, at mga api, bilang huwaran sa mga nagnanais “sumunod sa kaniyang mga hakbang.”​—1 Ped. 2:21.

      35. Bakit tayo makapagpapasalamat kay Jehova sa paglalaan niya ng Ebanghelyo ni Lucas?

      35 Kung papaanong si Jesus, ang sakdal, mapaghimalang Anak ng Diyos, ay nagpamalas ng maibiging pagmamalasakit sa mga alagad at lahat ng tapat-pusong tao, dapat din nating itaguyod ang pag-ibig sa ating ministeryo, oo, “dahil sa magiliw na habag ng ating Diyos.” (Luc. 1:78) Dahil dito ay tunay na kapaki-pakinabang at nakatutulong ang mabuting balita “ayon kay Lucas.” Lubos nating pasalamatan si Jehova sa kaniyang pagkasi kay Lucas, “ang minamahal na manggagamot,” upang isulat ang isang nagpapatibay, nagpapasigla, at wastong ulat, na umaakay sa kaligtasan sa Kaharian ni Jesu-Kristo, “ang paraan ng pagliligtas ng Diyos.”​—Col. 4:14; Luc. 3:6.

  • Aklat ng Bibliya Bilang 43—Juan
    “Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
    • Aklat ng Bibliya Bilang 43​—Juan

      Manunulat: Si Apostol Juan

      Saan Isinulat: Sa Efeso o malapit dito

      Natapos Isulat: c. 98 C.E.

      Panahong Saklaw: Pagkatapos ng paunang salita, 29–​33 C.E.

      1. Ano ang ipinakikita ng mga Kasulatan tungkol sa matalik na pakikisama ni Juan kay Jesus?

      MAHIGIT na 30 taon nang umiiral ang mga Ebanghelyo nina Mateo, Marcos, at Lucas at napahalagahan ng unang-siglong mga Kristiyano na ang mga ito’y isinulat ng mga taong may banal na espiritu. Sa pagtatapos ng unang dantaon at sa pagdalang ng bilang niyaong mga nakasama ni Jesus, malamang na bumangon ang tanong na, Mayroon pa bang dapat malaman? Mayroon bang sinoman na, mula sa sariling alaala, ay makapagdaragdag ng mahahalagang detalye ng ministeryo ni Jesus? Oo, mayroon. Ang matanda nang si Juan ay pinagpala ng pantanging pakikipagsamahan kay Jesus. Malamang na isa siya sa unang mga alagad ni Juan na Tagapagbautismo na ipinakilala sa Kordero ng Diyos at isa sa unang apat na inanyayahan ng Panginoon sa buong-panahong ministeryo. (Juan 1:35-39; Mar. 1:16-20) Matalik ang pagsasama nila ni Jesus sa ministeryo at siya ang alagad na “minahal ni Jesus” at na nakahilig sa dibdib ni Jesus sa huling Paskuwa. (Juan 13:23; Mat. 17:1; Mar. 5:37; 14:33) Naroon siya sa makadurog-pusong tagpo ng pagpapako, nang ipagkatiwala sa kaniya ni Jesus ang pangangalaga sa Kaniyang makalupang ina, at nauna siya kay Pedro nang tumakbo silang paparoon sa puntod upang siyasatin ang ulat na si Jesus ay bumangon.​—Juan 19:26, 27; 20:2-4.

      2. Papaano nasangkapan at napalakas si Juan upang isulat ang kaniyang Ebanghelyo, at sa anong layunin?

      2 Pinagulang ng halos 70 taon ng paglilingkod at pinasigla ng mga pangitain at pagbubulay habang nakapiit sa malungkot na pulo ng Patmos, nasasangkapan si Juan sa pagsulat ng mga bagay na matagal na niyang pinagyayaman sa puso. Pinukaw ng banal na espiritu ang kaniyang isipan upang alalahanin at isulat ang maraming mahalaga at nagbibigay-buhay na turo upang bawat bumabasa ay ‘sumampalataya na si Jesus ang Kristo, ang Anak ng Diyos, at sa pananampalatayang ito ay magkamit sila ng buhay sa pangalan ni Jesus.’​—20:31.

      3, 4. Ano ang panlabas at panloob na ebidensiya ng (a) pagiging-kanonikal ng Ebanghelyo, at ng (b) pagkasulat ni Juan?

      3 Kinilala ng mga Kristiyano sa pasimula ng ikalawang siglo na si Juan ang sumulat ng aklat at para sa kanila ito ay isang di-mapag-aalinlanganang bahagi ng kanon ng kinasihang Kasulatan. Ang pagka-manunulat ni Juan ay pinatutunayan nina Clement ng Aleksandriya, Irenaeus, Tertullian, at Origen, na pawang mula sa katapusan ng ikalawa at pasimula ng ikatlong siglo. Bukod dito, ang aklat ay may saganang panloob na ebidensiya sa pagsulat ni Juan. Maliwanag na ang manunulat ay isang Judio at pamilyar sa mga kaugalian at lupain ng mga Judio. (2:6; 4:5; 5:2; 10:22, 23) Pinatutunayan ng matalik na ulat na hindi lamang siya apostol kundi isa sa tatlo​—sina Pedro, Santiago, at Juan​—na kasama ni Jesus sa pantanging mga okasyon. (Mat. 17:1; Mar. 5:37; 14:33) Sa tatlo, puwera na si Santiago (anak ni Zebedeo) pagkat pinatay siya ni Herodes Agripa I noong 44 C.E., matagal pa bago isulat ang Juan. (Gawa 12:2) Ipinuwera rin si Pedro pagkat sa Juan 21:20-24 binabanggit siya na kasama ng manunulat.

      4 Sa huling mga talatang ito, tinutukoy ang manunulat bilang ang alagad na “minahal ni Jesus,” at sa aklat, ito at ang iba pang kahawig na pananalita ay malimit gamitin, bagaman ang pangalan ni apostol Juan ay hindi kailanman binabanggit. Dito’y sinisipi si Jesus na nagsasabi tungkol sa kaniya: “Kung kalooban ko na siya’y manatili hanggang sa aking pagparito, ay ano nga sa inyo?” (Juan 21:20, 22) Iminumungkahi nito na ang alagad na tinutukoy ay mabubuhay nang mas matagal kaysa kay Pedro at iba pang apostol. Lahat nito ay kumakapit kay apostol Juan. Kapansin-pansin na matapos tanggapin ang pangitain ng Apocalipsis tungkol sa pagparito ni Jesus, tinapos ni Juan ang kamangha-manghang hulang yaon sa mga salitang: “Siya nawa! Pumarito ka, Panginoong Jesus.”​—Apoc. 22:20.

      5. Ayon sa paniwala, kailan isinulat ni Juan ang kaniyang Ebanghelyo?

      5 Bagaman ang mga isinulat mismo ni Juan ay walang tiyak na sinasabi, karaniwan nang tinatanggap na si Juan ang sumulat ng kaniyang Ebanghelyo pagkagaling sa pulo ng Patmos. (Apoc. 1:9) Marami sa mga ipinatapon ni Domitian ay pinalaya ng humaliling emperador ng Roma na si Nerva, 96-98 C.E. Nang matapos niya ang Ebanghelyo noong mga 98 C.E., sinasabi na si Juan ay namatay nang payapa sa Efeso noong ikatlong taon ni Emperador Trajan, 100 C.E.

      6. Anong ebidensiya ang nagpapahiwatig na ang Ebanghelyo ni Juan ay isinulat sa labas ng Palestina, sa Efeso o malapit dito?

      6 Tungkol sa Efeso o karatig nito bilang dako ng pagsulat, ang mga salita ni Irenaeus ay sinisipi ng mananalaysay na si Eusebius (c. 260-342 C.E.): “Si Juan, alagad ng Panginoon na humilig sa kaniyang dibdib, ang kumatha ng ebanghelyo nang nakatira siya sa Efeso sa Asya.”a Patotoo na ang aklat ay isinulat sa labas ng Palestina ay ang mga pagtukoy nito sa mga kaaway ni Jesus sa pangkalahatang termino na “mga Judio,” sa halip na “mga Fariseo,” “mga punong saserdote,” at iba pa. (Juan 1:19; 12:9) Gayundin, ang Dagat ng Galilea ay tinawag sa pangalang Romano, Dagat ng Tiberias. (6:1; 21:1) Alang-alang sa mga di-Judio, ipinaliliwanag ni Juan ang mga kapistahang Judio. (6:4; 7:2; 11:55) Ang pulong pinagtapunan sa kaniya, Patmos, ay malapit sa Efeso, at ang pagiging-pamilyar niya sa Efeso at sa ibang kongregasyon sa Asya Minor, ay ipinahihiwatig ng Apocalipsis kabanata 2 at 3.

      7. Gaano kahalaga ang Papyrus Rylands 457?

      7 Patotoo ng pagiging-tunay ng Ebanghelyo ni Juan ay ang mahalagang mga manuskritong natuklasan sa ika-20 siglo. Isa ay ang bahaging natuklasan sa Ehipto, kilala ngayon bilang Papyrus Rylands 457 (P52), na naglalaman ng Juan 18:31-33, 37, 38 at nasa John Rylands Library, sa Manchester, Inglatera.b Ang patotoo nito sa pagsulat ni Juan sa katapusan ng unang siglo ay binanggit ng yumaong Sir Frederic Kenyon sa aklat niyang The Bible and Modern Scholarship, 1949, pahina 21: “Bagaman maliit, sapat nang patotoo ito na umiiral ang isang manuskrito ng Ebanghelyo noong A.D. 130-150, malamang na sa lalawigan ng Ehipto kung saan ito nasumpungan. Kung maglalaan ng sapat na panahon upang maipamahagi ito mula sa dakong pinagmulan, ang petsa ng pagkasulat ay bumabalik nang napakalapit sa tradisyonal na petsa sa huling dekada ng unang siglo, kaya walang dahilan na mag-alinlangan sa kawastuan ng tradisyon.”

      8. (a) Ano ang kapansin-pansin sa pambungad ng Ebanghelyo ni Juan? (b) Ano ang patotoo na ang haba ng ministeryo ni Jesus ay tatlo at kalahating taon?

      8 Kahanga-hanga ang Ebanghelyo dahil sa pambungad nito, na nagsasabing ang Salita, na “sa pasimula ay kasama ng Diyos,” ang ginamit sa pagpapairal ng lahat ng bagay. (1:2) Matapos ipabatid ang mahalagang ugnayan ng Ama at ng Anak, sinisimulan ni Juan ang paglalarawan sa mga gawa at diskurso ni Jesus, lalo na mula sa pangmalas ng matalik na pag-ibig na bumibigkis sa lahat ng bagay sa pagkakaisa sa dakilang kaayusan ng Diyos. Ang ulat ng buhay ni Jesus sa lupa ay sumasaklaw sa 29-33 C.E., at bumabanggit ng apat na Paskuwa na dinaluhan ni Jesus sa panahon ng kaniyang ministeryo, bilang isa sa maraming hanay ng patotoo na ang ministeryo niya ay tatlo at kalahating taon ang haba. Tatlo sa mga ito ay binabanggit bilang mga Paskuwa. (2:13; 6:4; 12:1; 13:1) Ang isa ay tinutukoy bilang “kapistahan ng mga Judio,” subalit ayon sa konteksto ito ay hindi matagal pagkatapos sabihin ni Jesus na may “apat na buwan pa bago ang pag-aani,” upang ipahiwatig na ito ang kapistahan ng Paskuwa, na naganap malapit sa pasimula ng pag-aani.​—4:35; 5:1.c

      9. Ano ang nagpapakita na ang Ebanghelyo ni Juan ay isang kapupunan, ngunit ibinibigay ba nito ang bawat detalye ng ministeryo ni Jesus?

      9 Sa kalakhan, ang mabuting balita “ayon kay Juan” ay isang kapupunan; 92 porsiyento ay bagong impormasyon na wala sa tatlong Ebanghelyo. Sa kabila nito, nagtapos si Juan sa mga salitang: “Napakarami pang ginawa si Jesus na kung isusulat na lahat, inaakala ko na kahit sa sanlibutan ay hindi magkakasiya ang mga balumbon na susulatin.”​—21:25.

      NILALAMAN NG JUAN

      10. Ano ang sinasabi ni Juan tungkol sa “Salita”?

      10 Paunang salita: Pagpapakilala sa “Salita” (1:1-18). Sa kaakit-akit na kapayakan, sinasabi ni Juan na sa pasimula “ang Salita ay kasama ng Diyos,” na ang buhay ay dumating sa pamamagitan niya, na siya’y naging “ilaw sa mga tao,” at na si Juan (na Tagapagbautismo) ay nagpatotoo tungkol sa kaniya. (1:1, 4) Ang ilaw ay nasa sanlibutan, ngunit hindi siya nakilala ng sanlibutan. Ang mga tumanggap sa kaniya ay naging mga anak ng Diyos, na ipinanganak mula sa Diyos. Kung papaano ibinigay ang Kautusan sa pamamagitan ni Moises, “ang di-sana-nararapat na kabaitan at katotohanan ay dumating sa pamamagitan ni Jesu-Kristo.”​—1:17.

      11. Papaano ipinakilala ni Juan na Tagapagbautismo si Jesus, at ano ang pagtanggap kay Jesus ng mga alagad ni Juan?

      11 Paghaharap ng “Kordero ng Diyos” sa mga tao (1:19-51). Inamin ni Juan na Tagapagbautismo na hindi siya ang Kristo kundi ang kasunod niya, na ang sandalyas ay hindi siya karapat-dapat magtali. Kinabukasan, si Jesus ay ipinakilala niya bilang “Kordero ng Diyos na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan.” (1:27, 29) Ipinakilala niya kay Jesus ang dalawa niyang alagad, at isa rito, si Andres, ay nagdala kay Jesus ng kapatid niyang si Pedro. Si Jesus ay tinanggap din nina Felipe at Nataniel bilang ‘Anak ng Diyos, Hari ng Israel.’​—1:49.

      12. (a) Ano ang unang himala ni Jesus? (b) Ano ang ginawa niya sa Jerusalem sa unang Paskuwa ng kaniyang ministeryo?

      12 Pinatunayan ng mga himala ni Jesus na siya “ang Banal ng Diyos” (2:1–​6:71). Ginawa ni Jesus ang unang himala sa kasalan sa Cana ng Galilea, nang ang tubig ay gawing pinakamainam na alak. Ito ang “pasimula ng kaniyang mga tanda, . . . at sinampalatayanan siya ng mga alagad.” (2:11) Umahon si Jesus sa Jerusalem para sa Paskuwa. Nang makita ang mga nagtitinda at nagpapalit ng salapi sa templo, kumuha siya ng latigo at pinalayas sila anupat nakilala ng mga alagad ang katuparan ng hula: “Mapupuspos ako ng sigasig sa iyong bahay.” (Juan 2:17; Awit 69:9) Inihula niya na mawawasak ang templo ng kaniyang katawan at babangon pagkaraan ng tatlong araw.

      13. (a) Ano ang ipinakita ni Jesus na kailangan sa pagkakamit ng buhay? (b) Papaano tinukoy ni Juan na Tagapagbautismo ang sarili kaugnay ni Jesus?

      13 Dumating sa gabi ang nahihintakutang si Nicodemo. Inamin niya na si Jesus ay mula sa Diyos, at sinabi ni Jesus na upang makapasok sa Kaharian ng Diyos, ang isa ay dapat ipanganak ng tubig at ng espiritu. Upang mabuhay dapat sumampalataya na ang Anak ng tao ay mula sa langit. “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan kaya ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang sumasampalataya sa kaniya ay hindi mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang-hanggan.” (Juan 3:16) Ang ilaw na dumating sa sanlibutan ay salungat sa kadiliman, “ngunit ang gumagawa ng katotohanan ay lumalapit sa ilaw,” sabi ni Jesus. Nabalitaan ni Juan na Tagapagbautismo ang gawain ni Jesus sa Judea at sinabi na bagaman hindi siya ang Kristo, ang “kaibigan ng kasintahang lalaki . . . ay nagagalak sa tinig ng kasintahang lalaki.” (3:21, 29) Dapat dumakila si Jesus, at si Juan ay mabababâ.

      14. Ano ang ipinaliwanag ni Jesus sa Samaritana sa Sicar, at ano ang resulta ng pangangaral niya roon?

      14 Nagpunta uli si Jesus sa Galilea. Sa daan, maalikabok at “pagód sa paglalakbay,” namahinga siya sa balon ni Jacob sa Sicar habang bumibili ng pagkain ang mga alagad. (4:6) Tanghali na noon, ikaanim na oras. Nakiinom si Jesus sa isang umiigib na babaeng Samaritana. Bagaman pagód, kinausap niya ito tungkol sa “tubig” na talagang nakapapatid-uhaw, naghahatid ng walang-hanggang buhay sa sumasamba sa Diyos “sa espiritu at katotohanan.” Nagbalik ang mga alagad at hinimok siyang kumain, ngunit aniya: “Ang pagkain ko’y gawin ang kalooban niya na nagsugo sa akin at tapusin ito.” Dalawang araw siyang namalagi roon, kaya maraming Samaritano ang sumampalataya na “ito nga ang tagapagligtas ng sanlibutan.” (4:24, 34, 42) Pagdating sa Cana, pinagaling ni Jesus ang anak ng isang mahal na tao bagaman hindi siya lumapit sa higaan nito.

      15. Anong mga paratang ang iniharap kay Jesus sa Jerusalem, ngunit papaano niya sinagot ang mga tagapuna?

      15 Umahon uli si Jesus sa Jerusalem para sa kapistahan ng mga Judio. Nagpagaling siya sa araw ng Sabbath, na umakay sa matinding pagpuna. Sumagot siya: “Ang aking ama ay gumagawa hanggang ngayon, at ako ay gumagawa.” (5:17) Sinabi ng mga pinunong Judio na ang paglabag sa Sabbath ay dinagdagan pa ni Jesus ng pamumusong, ang pag-aangking kapantay ng Diyos. Sinabi ni Jesus na siya ay walang magagawa sa ganang sarili kundi umaasa lamang sa Ama. Binigkas niya ang kagila-gilalas na pangako na “lahat ng nasa alaalang libingan ay makaririnig ng kaniyang tinig at magsisilabas” sa pagkabuhay-na-muli. Ngunit sinabi niya sa mga di-sumasampalataya: “Papaano kayo mananampalataya gayong tumatanggap kayo ng pagluwalhati ng isa’t-isa sa halip na hanapin ang kaluwalhatian na nagmumula sa tanging Diyos?”​—5:28, 29, 44.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share