Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w85 2/15 p. 18-24
  • Paano Magiging Mabibisang Ministro

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Paano Magiging Mabibisang Ministro
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kaninong mga Paraan ang Dapat Nating Gamitin?
  • Ang Unang Hadlang
  • Kung Paano Tumutugon ang mga Tao
  • Mga Di-Kilala na Nagiging mga Kaibigan
  • Mabisang Ministeryo Nagbubunga ng Higit Pang mga Alagad
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Lahat ba ng Tunay na Kristiyano’y Kailangang Maging mga Ministro?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Lubusan Mo Bang Ginagampanan ang Iyong Ministeryo?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2019
  • Maging mga Ministrong Progresibo at Madaling Makibagay
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2005
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
w85 2/15 p. 18-24

Paano Magiging Mabibisang Ministro

“Dahil dito’y aking sinugo sa inyo si Timoteo, [sapagka’t] kaniyang ipaaalaala sa inyo ang aking mga paraan may kaugnayan kay Kristo Jesus, gaya ng itinuturo ko saan mang dako sa bawa’t kongregasyon.”​—1 CORINTO 4:17.

1, 2. Upang ang isang tao’y maakit sa katotohanan, ano ang isang bagay na kailangan? (Gawa 8:12)

NANG ibuhos ang banal na espiritu noong Pentecostes, 33 C.E., ang kongregasyong Kristiyano ay lumago at mabilis na lumaganap. (Gawa 2:40-42; 4:4; 6:7; 11:19-21) Ano ang lihim ng tagumpay nito? Bakit napakaraming Judio at pagkatapos ay mga Samaritano at mga Gentil ang tumanggap kay Kristo at sa pabalita ng Kaharian ng Diyos?​—Gawa 8:4-8; 10:44-48.

2 Para tanggapin ng isang tao ang mabuting balita na dinadala ng Kristiyano, may mga bagay na kasangkot. Una, kailangang pinahahalagahan ng isang tao ang di-sana nararapat na awa ng Diyos sa sangkatauhan sa pagkukusa niya na suguin ang kaniyang Anak dito sa lupa upang maging haing pantubos. Ganito ang pagkasabi roon ng manunulat ng Bibliya na si Juan: “Dito nahayag ang pag-ibig ng Diyos sa atin, sapagka’t ang kaniyang bugtong na Anak ay sinugo ng Diyos sa sanlibutan upang tayo’y magkamit ng buhay sa pamamagitan niya. Narito ang pag-ibig, hindi sa tayo’y umibig sa Diyos, kundi siya ang umibig sa atin at sinugo ang kaniyang Anak bilang isang pantakip na hain ukol sa ating mga kasalanan.”​—1 Juan 4:9, 10.

3. Bakit kailangan na ang isang tao’y palaisip sa kaniyang espirituwal na pangangailangan?

3 Ang isa pang mahalagang bagay ay ang saloobin ng bawa’t isa sa espirituwalidad. Sinabi ni Jesus: “Maligaya yaong mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan, sapagka’t ang kaharian ng mga langit ay kanila. Maligaya ang mga nagugutom at nauuhaw sa katuwiran, sapagka’t sila’y bubusugin.” (Mateo 5:3, 6) Ang isang taong kampante at matuwid sa ganang sarili ay karaniwan nang hindi palaisip sa espirituwal at hindi na bukás ang sarili upang tumanggap sa katotohanan. Pagka inalok ng mga Saksi ni Jehova ang balita ng Kaharian, ang gayong tao ay malimit na sasagot, ‘Hindi ako interesado. Mayroon na akong relihiyon.’ Gayundin, ang taong hilig na hilig sa materyalistikong mga kapakanan ay hindi magkakapanahon para sa espirituwal.​—Mateo 6:33, 34; 7:7, 8; Lucas 12:16-21.

4. Anong mga tanong ang tatalakayin ngayon?

4 Nguni’t kumusta naman ang mga taong “palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan” at handang hanapin ang Diyos at ang kaniyang Kaharian? Paano sila masusumpungan at makikilala? Mayroon ba tayong magagawa bilang mga ministro ng Salita ng Diyos upang ang ating pabalita ay lalong madaling maunawaan? Paano tayo magiging lalong mabibisang ministro?

Kaninong mga Paraan ang Dapat Nating Gamitin?

5. Sang-ayon kay Pablo, ano ang dapat ituro ni Timoteo sa mga taga-Corinto?

5 Nang isulat ni apostol Pablo ang kaniyang unang liham sa mga Kristiyano sa Corinto, kaniyang sinabi sa kanila na kaniyang sinusugo si Timoteo, na ‘magpapaalaala sa kanila ng mga paraan niya [ni Pablo] may kaugnayan kay Kristo Jesus.’ Sa halip na “mga paraan,” ang sa mga ibang salin ay “mga daan ng pamumuhay,” “daan ng buhay” o “ang paraan ng pamumuhay ko.” Subali’t, sa Greek-English Lexicon of the New Testament ni Propesor Thayer ay ganito ang pagpapakahulugan sa tekstong ito: “Ang mga paraan na sinusunod ko sa pagganap sa aking tungkulin bilang ministro at apostol ni Kristo.” Dahil sa tinatapos ni Pablo ang pangungusap sa pamamagitan ng pagsasabi na, “gaya ng itinuturo ko saan mang dako sa bawa’t kongregasyon,” makatuwirang isipin na ang kaniyang sinabing iyon ay sumasaklaw sa kaniyang aktibong ministeryo at hindi lamang sa kaniyang asal bilang Kristiyano.​—1 Corinto 4:17.

6. Bakit mabisa ang ministeryo ni Jesus?

6 Ang ministeryo ni Jesus ay hindi padalus-dalos. Siya’y gumamit din ng mga paraan sa kaniyang pangangaral. Bilang halimbawa, kaniyang maingat na tinuruan ang kaniyang mga apostol, at nang malaunan ang 70 ebanghelista, kung paano mabisang mangangaral. Ang kaniyang palaging paggamit ng mga ilustrasyon, mga tanong at mga sinipi sa Kasulatan ay isang halimbawa para sa kanila. Ito pa rin ang pinakamagaling na paraan ngayon.​—Lucas 9:1-6; 10:1-11.

7. Papaano natin maihahatid ang mabuting balita sa pinakamaraming tao?

7 Yamang sa ministeryong Kristiyano ay nakasalalay ang walang hanggang buhay o kamatayan, papaano natin maihahatid sa pinakamaraming tao ang mabuting balita? Oo, paano tayo makapagiging “malinis sa dugo ng lahat ng tao”? Sa pamamagitan ng paggamit sa lahat ng sangay ng paglilingkuran, at kasali na rito, gaya ng sinabi ni apostol Pablo, ang ministeryo sa “bahay-bahay.” Isang komentaryo sa Kastila sa Gawa 20:20 ang nagsasabi: “Dito’y taglay natin ang paraan ng pangangaral na sinunod ni Pablo sa Efeso.”​—Gawa 20:20-27.

Ang Unang Hadlang

8, 9. (a) Ano kadalasan ang unang hadlang sa ministeryo? (b) Bakit nakapagsalita si Jesus nang may katapangan?

8 Kadalasan ang unang hadlang na kailangan nating mapagtagumpayan sa ministeryo ay ang ating sarili. Ang iba’y totoong palaisip sa sarili, iniisip nila na sila’y kulang at walang sapat na pinag-aralan para humarap sa mga taong nakakatagpo nila. Subali’t ano ba ang nadama ni Jesus? Siya ba’y nag-aral sa mga paaralan ng karunungan ng mga rabbi? Siya ba’y may mataas na pinag-aralan? Gayunman nang siya’y mangaral, papaano ba tumugon ang kaniyang sariling mga kababayan? Ito’y sinasabi sa atin ni Mateo: “Sila’y nagtaka at nagsabi: ‘Saan ba kumuha ang taong ito ng karunungang ito at ng ganitong makapangyarihang mga gawa?’ ” Totoo, si Jesus ay sakdal, at Anak ng Diyos. Subali’t ang kaniyang mga paraan ay angkop din naman para sa karamihan ng kaniyang “di-nag-aral” na mga alagad na tutulad sa kaniya. Ano ang naging tugon, kahit ng kanilang relihiyosong mga kaaway? “Nang makita nga nila ang katapangang magsalita ni Pedro at ni Juan, at pagkatalastas na sila’y mga taong walang pinag-aralan at pangkaraniwan, sila’y nangagtaka. At kanilang nakilala na ang mga ito’y nakasama ni Jesus.”​—Mateo 13:54; Gawa 4:13.

9 Subali’t, saan ba kinuha ni Jesus ang lahat ng mga bagay na kaniyang itinuro? Bakit siya’y lubhang matagumpay sa kaniyang ministeryo? Siya ba, tulad ng modernong mga predikador sa TV, ay gumamit ng labis-labis na emosyon upang pukawin ang kaniyang mga tagapakinig? Hindi. Simpleng-simple lamang ang pinagbatayan ni Jesus​—ang ginamit niya’y ang wika ng mga karaniwang tao, siya’y palaisip ng kanilang espirituwalidad at, pinakamahalaga sa lahat, batid ni Jesus na siya’y tinatangkilik ng kaniyang Ama. Kaniyang nilinaw ito nang kaniyang ipahayag ang pagkasugo sa kaniya, nang siya’y magpahayag sa sinagoga sa kaniyang sariling bayan ng Nazaret sa Galilea. Siya ay bumasa buhat sa balumbon ng aklat ni propeta Isaias: “ ‘Sumasa-akin ang espiritu ni Jehova, sapagka’t pinahiran niya ako upang mangaral ng mabuting balita sa mga dukha, kaniyang sinugo ako upang mangaral ng kalayaan sa mga bihag at ng pagsasauli ng paningin ng mga bulag, upang bigyan ng kalayaan ang nangaaapi, upang ipangaral ang kalugud-lugod na taon ni Jehova.’ . . . Pagkatapos ay kaniyang sinabi sa kanila: ‘Ngayo’y natutupad ang kasulatang ito na karirinig lamang ninyo.’ ”​—Lucas 4:16-21.

10, 11. (a) Ano ang dapat na madama natin tungkol sa ating ministeryo? (b) Papaano sumasagot si Pablo?

10 Sa ngayon tayo’y tinatangkilik din sa ating ministeryo​—ng Diyos na Jehova, ang Soberanong Panginoon ng sansinukob. Ating ipinangangaral ang kaniyang pabalita, ang kaniyang karunungan. Ang ating batayan ay ang kaniyang Salita at malayang ginagamit natin ito sa ating pakikipag-usap. Kung gayon, dapat ba tayong maging kimi sa ating pangangaral kahit na sa mga taong may matataas na pinag-aralan o mayayaman?

11 Ang sagot ni Pablo: “Nasaan ang taong marunong? Nasaan ang eskriba? Nasaan ang debatista ng sistemang ito ng mga bagay? Hindi baga ginawa ng Diyos na kamangmangan ang karunungan ng sanlibutan? . . . Sapagka’t masdan ninyo ang pagkatawag sa inyo, mga kapatid, na hindi ang maraming marurunong ayon sa laman, hindi ang maraming may kapangyarihan, hindi ang maraming mahal na tao; kundi pinili ng Diyos ang mga bagay na kamangmangan ng sanlibutan, upang hiyain niya ang marurunong na tao; at pinili ng Diyos ang mga bagay na mahihina ng sanlibutan, upang hiyain niya ang mga bagay na malalakas; at ang mga bagay na mabababa ng sanlibutan at ang mga bagay na hinahamak, ang mga bagay na walang halaga ang pinili ng Diyos, upang mawalang-halaga ang mga bagay na mahalaga, upang walang laman na magmapuri sa harapan ng Diyos.”​—1 Corinto 1:18-29.

12. Sa ano ba nanggagaling ang tagumpay natin sa ating ministeryo? (Santiago 4:8)

12 Ang tagumpay sa ministeryo ay hindi nanggagaling sa ating pinag-aralan o angkan na pinagmulan. Ito’y nanggagaling sa balita ng Kaharian mismo na pumupukaw sa puso ng taong palaisip sa kaniyang espirituwalidad. Ang isa pang bagay na kasangkot ay ang kabutihang-loob ni Jehova sa taong iyon, sapagka’t sinabi ni Jesus: “Walang taong makalalapit sa akin, maliban nang ang Amang nagsugo sa akin ang sa kaniya’y magdala sa akin.”​—Juan 6:44.

13. (a) Papaano tumugon si Pablo at si Bernabe sa pananalansang? (b) Papaano tayo magkakaroon lagi ng kagalakan sa ministeryo?

13 Kung gayon, samantalang nagtitiwala sa suportang nanggagaling kay Jehova, ating magagampanan ang ating ministeryo nang may matibay na pananalig gaya rin ni Pablo at ni Bernabe noong unang siglo. Nang sila’y mangaral sa Iconium, ang kanilang ministeryo ay lumikha ng malaking pagkakabaha-bahagi ng mga opinyon at bumangon ang pananalansang. Sila ba’y umurong? Ang ulat ni Lucas ang nagsasabi sa atin: “Kaya’t sila’y gumugol ng malaking panahon sa pagsasalita nang may katapangan sa pamamagitan ng autoridad na galing kay Jehova, na nagpapatotoo sa salita ng kaniyang di-sana nararapat na awa sa pamamagitan ng mga tanda at mga kababalaghan na ipinagkaloob na gawin ng kanilang mga kamay.” Tayo rin naman, kung tayo’y may positibong saloobin sa mga tao sa ating teritoryo, at ipababahala natin kay Jehova ang magiging resulta, ang ministeryo ay laging magiging isang kagalakan, hindi isang pabigat.​—Gawa 14:1-3; Santiago 1:2, 3.

Kung Paano Tumutugon ang mga Tao

14. Papaano tumugon ang mga tao sa pangangaral ni Pablo?

14 Sa kanilang pangangaral, si Jesus o si Pablo ay hindi laging napapaharap sa mabuting pagtugon. Halimbawa, papaano tumugon ang mga tao nang mangaral si Pablo sa Atenas? Ganito ang sabi ng ulat: “Ang ilan sa mga pilosopong Epicureo at Estoico ay nakipagtalo sa kaniya, at sinabi ng ilan: ‘Ano baga ang ibig sabihin ng madaldal na ito?’ Sabi ng iba: ‘Parang siya’y tagapagbalita ng mga ibang diyos.’ Ito’y dahil sa ipinangangaral niya ang mabuting balita tungkol kay Jesus at sa pagkabuhay-muli. Kaya’t kanilang sinunggaban siya at dinala sa Areopago, na sinabi: ‘Puede ba naming malaman ang bagong turong ito na sinasalita mo? Sapagka’t naghahatid ka ng mga kakaibang bagay sa aming tainga.’ ”​—Gawa 17:18-20.

15. Papaano ba tumutugon ang mga tao sa inyong ministeryo? Subali’t ano ang dapat nating tandaan?

15 Kilalanin natin na ang ating pabalita at ang pagkalathala rito ng mga ahensiya ng komunikasyon at ng mga mananalansang ay baka kakaiba rin ang tunog sa tainga ng ating modernong publiko. Kaya naman, maraming tao, na napadadala sa mga sabi-sabi, ay humahatol antimano at tinatanggihan tayo nang hindi man lamang nakikinig sa dala natin. Ang mga iba, tulad ng mga tao sa Atenas, ay nakikinig sa higit pang impormasyon bago sila magdesisyon. Kung sa bagay, pagkatapos na sila’y makinig baka libakin pa rin nila ang pag-asa sa Kaharian bilang isang bagay na di-kapani-paniwala. Tandaan, kanilang tinanggihan si Kristo at ang kaniyang pabalita, hindi ikaw ang kanilang tinanggihan.​—Gawa 17:32-34; Mateo 12:30.

Mga Di-Kilala na Nagiging mga Kaibigan

16. (a) Papaano marahil ang itutugon natin pagka dumalaw sa ating tahanan ang mga taong di natin nakikilala? (b) Ano ang dapat na maisagawa ng ating pambungad?

16 Ano ba ang nadarama mo pagka mga taong di mo kilala ang dumalaw sa inyong tahanan? Anong mga tanong ang marahil ay babangon sa iyong kaisipan? Marahil, Sino kaya sila? Ano kaya ang gusto nila? Sila kaya’y magdadala ng gulo sa amin? Sa pagpapakilala natin na tayo’y mga ministro sa alin mang bahay, tatandaan natin iyan. Kung gayon, sa pamamagitan ng ating pambungad ay dapat silang maging palagay-loob. Nguni’t sa papaano? Bueno, ano ba ang iminungkahi ni Jesus bilang pambungad? Sinabi niya: “Pagpasok ninyo sa bahay, batiin ninyo ang sambahayan; at kung karapat-dapat ang bahay, dumuon ang inyong kapayapaan; datapuwa’t kung hindi karapat-dapat, mabalik sa inyo ang kapayapaan ninyo.”​—Mateo 10:12, 13.

17. Papaano natin mailalagay sa pagkapalagay-loob ang isang tao sa pamamagitan ng ating pambungad?

17 “Dumuon ang inyong kapayapaan.” Ano ba ang ibig sabihin niyan? Na sa ating ministeryo hinihingi nating dumuon ang ating kapayapaan sa bawa’t tao at sambahayan. Samakatuwid ang ating pambungad na mga salita ay dapat magpakita na tayo’y mga ministro ng Diyos na maibigin sa kapayapaan. Kahit hanggang sa araw na ito ang mga Judio at mga Muslim ay gumagamit ng mga pagbating “Suma-inyo ang kapayapaan” o “Kapayapaan” (“Shalom aleichem” o “Shalom” sa Hebreo, at “Assalām ‘alaikum” o “Salām,” sa Arabico). Mangyari pa, ang ating pagbati ay hindi pare-pareho sa iba’t-ibang mga bansa ayon sa lokal na kaugalian. Subali’t ang layunin ay iisa​—para ang taong kaharap ay maging palagay-loob upang siya’y makinig sa pabalita ng Kaharian. Baka makatulong ang pagpapakilala muna ng inyong pangalan, at pagbanggit ng kung saan kayo nakatira. Ipinakikita nito na wala kayong itinatago. Makikita ng lahat ang inyong layunin at kataimtiman. Kung gayo’y ginagawa ninyo ang ipinayo ni Pablo: “Huwag sanang mapintasan ang inyong iginagawi sa madla. Hanggang sa abot ng inyong pananagutan, kayo’y mamuhay na may pakikipagpayapaan sa lahat.”​—Roma 12:17, 18, Phillips.

18. Anong pamantayan ang dapat na laging maabot natin sa ating ministeryo?

18 Tayo man ay nasa ministeryo sa bahay-bahay o sa lansangan, nakamasid sa atin ang madla. Ang ating pakikipag-usap at paggawi ay hindi dapat na mapulaan at kayamutan ng iba. Gayunman, bagaman ang ating presentasyon ay dapat na may kaamuan at kapayapaan, tayo’y hindi dapat gumawi na parang nagpapaumanhin. Hindi natin ikinahihiya ang pagiging mga pangmadlang ministro ng Diyos.​—Marcos 8:38.

19, 20. (a) Papaano malalapitan ng isa ang mahiyaing mga tao sa lansangan? (b) Bakit si Jesus ay mabisa sa impormal na paglapit sa mga tao?

19 Sa mga ilang bansa ang mga tao ay mahiyain at makaluma. Ang iba’y nahihiya na sa lansangan ay lapitan sila ng sinuman na may dalang mga magasin. Sa ganitong mga lugar, bakit hindi ka gumamit ng isang lalong maingat na paraan ng paglapit? Ang isa’y maaaring mataktikang makipag-usap sa isang taong hindi nagmamadali at pagkatapos ay maglabas ng babasahin sa Bibliya sa natural na paraan.

20 Nahahawig na paraan ang ginamit ni Jesus sa pangangaral. Yamang ang mga Samaritano at ang mga babae ay karaniwan nang hinahamak-hamak ng mga Judio, si Jesus ay maingat ng kaniyang paglapit sa imoral na babaing Samaritana sa balon ni Jacob. Ang kaniyang pakikipag-usap ay isang huwaran para sa impormal at panlansangan na pagpapatotoo. Isa ring magandang halimbawa iyon ng mahabagin at nakapagpapatibay na pagtuturo.​—Juan 4:5-30.

21. Anong isa pang mahalagang bagay ang mapapansin sa ministeryo ni Pablo?

21 Isa pang mahalagang bagay ang dapat isaalang-alang sa ating pagdadala ng mabuting balita ng Kaharian. Si Pablo ay sanay na sanay dito. Tingnan mo kung makikilala mo iyon sa ilan sa kaniyang mga pambungad na nasa Gawa 13:16-20; 17:22 at Gawa 22:1-3. Pansinin na sa bawa’t isa nito siya ay nagharap ng mga bagay na hindi matututulan ng kaniyang mga tagapakinig. Siya’y nakiisa sa kanila at sa kanilang mga karanasan. Kaya naman sila’y nakinig kahit na hindi sila sang-ayon sa kaniya. Gayundin naman, ang ating pambungad ay dapat na makaakit, yamang ito ang pinaka-tulay sa pagitan natin at ng maybahay. Baka napansin mo na may mga bata sa tahanan, at ikaw man ay isang magulang. Kung magkagayo’y nagkakapareho kayo, at maaaring gawing daan sa pakikipagkaibigan. Mayroon kang maipakikipag-usap na maaaring maging daan patungo sa balita ng Kaharian!​—Mateo 18:1-6.

22. Anong mga tanong ang nangangailangan ngayon ng sagot?

22 Subali’t ang mga mungkahing ito ay pasimula lamang. Ano pang mga hakbang ang kinakailangan upang, sa wakas, magbunga ng isa pang alagad? Oo, ano pa ang kinakailangan upang makatulong ka sa iba na magkaroon ng kaugnayan sa Diyos sa pamamagitan ni Kristo? Anong mga katangian ang magpapaging lalong mabisa sa iyong ministeryo?

Ano ang Sagot Mo?

◻ Ano ang ilan sa mga bagay na kasangkot sa pagtanggap ng isang tao sa pabalita ng Kaharian?

◻ Papaanong ang pagkamahiyain at ang pagkapalaisip-sa-sarili ay mapagtatagumpayan sa ministeryo?

◻ Ano ang dapat na maging layunin ng ating mga pambungad sa paglilingkod sa larangan?

◻ Papaanong ang halimbawa ni Jesus at ni Pablo ay makatutulong sa atin sa ating paglapit sa mga tao?

[Larawan sa pahina 19]

Tinuruan ni Jesus ang kaniyang mga alagad ng mabisang mga paraan sa ministeryo

[Larawan sa pahina 22]

Anong mga tanong ang sumasaisip mo pagka pumunta sa inyo ang isang di mo kilala?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share