Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • fy kab. 8 p. 90-102
  • Ipagsanggalang ang Iyong Pamilya sa mga Mapaminsalang Impluwensiya

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ipagsanggalang ang Iyong Pamilya sa mga Mapaminsalang Impluwensiya
  • Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • SINO ANG MAGTUTURO SA IYONG MGA ANAK?
  • ANG PANANAW NG DIYOS HINGGIL SA SEKSO
  • GAWAING-BAHAY PARA SA MGA MAGULANG
  • ANG MGA KAIBIGAN NG IYONG MGA ANAK
  • ANONG URI NG PAGLILIBANG?
  • MAAARING MADAIG NG IYONG PAMILYA ANG SANLIBUTAN
  • Matutulungan Ka ba ng Bibliya na Sanayin ang Iyong mga Anak?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2004
  • Paano Magiging Masaya ang Pamilya Mo?​—Bahagi 2
    Masayang Buhay Magpakailanman—Isang Pag-aaral sa Bibliya
  • Mga Magulang—Tulungan ang Inyong mga Anak na Mahalin si Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2022
  • Mga Magulang—Maging Magandang Halimbawa sa Inyong mga Anak
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2006
Iba Pa
Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya
fy kab. 8 p. 90-102

IKAWALONG KABANATA

Ipagsanggalang ang Iyong Pamilya sa mga Mapaminsalang Impluwensiya

Larawan sa pahina 91

1-3. (a) Saan nagmumula ang mga mapaminsalang impluwensiya na nagbabanta sa pamilya? (b) Anong pagkatimbang ang kailangan ng mga magulang sa pagsasanggalang ng kanilang pamilya?

PAPAPASUKIN mo na sana ang iyong anak sa paaralan, ngunit bumubuhos ang malakas na ulan. Papaano mo haharapin ang situwasyon? Hahayaan mo ba siyang basta tumakbong papalabas sa pinto nang walang anumang gamit na pang-ulan? O kaya’y bibihisan mo siya ng patung-patong na makakapal na kasuutan anupat hindi na halos siya makagalaw? Mangyari pa, pareho mong di-gagawin ito. Bibigyan mo siya ng kailangan lamang upang hindi siya mabasâ.

2 Sa ganiyan ding paraan, ang mga magulang ay dapat makasumpong ng timbang na paraan upang maipagsanggalang ang kanilang pamilya sa mga mapaminsalang impluwensiya na humahampas sa mga ito galing sa iba’t ibang pinagmumulan​—industriya ng libangan, media, mga kababata, at kung minsan ay maging sa mga paaralan. May ilang magulang na babahagya na lamang o kaya’y wala na talagang ginagawa upang kanlungan ang kanilang pamilya. Ang iba naman, palibhasa’y ipinalalagay nilang nakasásamâ ang lahat ng impluwensiya sa labas, ay napakahigpit anupat nadarama ng mga anak na waring sila’y sinasakal. Posible kayang maging timbang?

3 Oo, posible. Ang pagpapalabis ay hindi mabisa at malamang na humantong sa kapahamakan. (Eclesiastes 7:16, 17) Ngunit papaano kaya masusumpungan ng mga Kristiyanong magulang ang tamang pagkatimbang sa pagsasanggalang ng kanilang pamilya? Isaalang-alang ang tatlong pitak: edukasyon, pakikipagsamahan, at libangan.

SINO ANG MAGTUTURO SA IYONG MGA ANAK?

4. Papaano dapat malasin ng mga Kristiyanong magulang ang edukasyon?

4 Mataas ang pagpapahalaga ng mga Kristiyanong magulang sa edukasyon. Alam nilang ang pag-aaral ay nakatutulong sa mga bata upang bumasa, sumulat, at makipag-usap, gayundin upang lumutas ng mga problema. Dapat din silang maturuan nito kung papaano matututo. Ang mga kasanayang nakukuha ng mga bata sa paaralan ay maaaring makatulong sa kanila upang magtagumpay sa kabila ng mga hamon sa daigdig sa ngayon. Isa pa, ang mabuting edukasyon ay maaaring tumulong sa kanila upang maging bihasang manggagawa.​—Kawikaan 22:29.

5, 6. Papaano maaaring malantad ang mga bata sa paaralan sa baluktot na impormasyon hinggil sa seksuwal na mga bagay?

5 Gayunman, pinagsasama-sama rin ng paaralan ang mga bata​—na marami sa mga ito ay may mga baluktot na pananaw. Halimbawa, isaalang-alang ang kanilang pananaw hinggil sa sekso at moralidad. Sa isang paaralang sekundarya sa Nigeria, isang walang-delikadesa sa sekso na batang babae ang nagpapayo noon sa kaniyang mga kaeskuwela hinggil sa sekso. Sabik na sabik sila sa pakikinig sa kaniya, kahit na ang kaniyang mga idea ay pawang wa-lang-kawawaan na napulot lamang niya sa mga pornograpikong babasahin. Sinubukang sundin ng ilan sa mga batang babae ang kaniyang payo. Bilang resulta, isang batang babae ang nagdalang-tao sa pagkadalaga at namatay dahil sa aborsiyon na siya mismo ang gumawa.

6 Nakalulungkot sabihin, ang ilang maling impormasyon hinggil sa sekso sa paaralan ay nanggagaling, hindi sa mga bata, kundi sa mga guro. Nababahala ang maraming magulang kapag ang mga bata’y tinuturuan sa paaralan hinggil sa sekso nang walang inihaharap na impormasyon tungkol sa mga moral na pamantayan at responsibilidad. Ganito ang sabi ng isang ina ng 12-taóng-gulang na batang babae: “Kami’y nakatira sa isang lugar na napakarelihiyoso at konserbatibo, pero sa amin mismong haiskul, namimigay sila ng mga condom sa mga bata!” Siya at ang kaniyang asawa ay nabalisa nang malaman nilang nakararating sa kanilang anak na babae ang mga alok na pakikipagsekso mula sa kaedad niyang mga batang lalaki. Papaano maipagsasanggalang ng mga magulang ang kanilang pamilya sa gayong mga maling impluwensiya?

7. Papaano maaaring hadlangan ang maling impormasyon hinggil sa sekso sa pinakamabuting paraan?

7 Pinakamabuti nga ba na pagbawalan ang mga anak na banggitin man lamang ang seksuwal na mga bagay? Hindi. Higit na makabubuti na ikaw mismo ang magturo sa iyong mga anak ng tungkol sa sekso. (Kawikaan 5:1) Totoo, sa ilang bahagi ng Europa at Hilagang Amerika, marami sa mga magulang ang umiiwas sa paksang ito. Gayundin naman, sa ilang lupain sa Aprika, halos hindi inuungkat ng mga magulang sa kanilang mga anak ang tungkol sa sekso. “Wala iyan sa kultura ng Aprika,” sabi ng isang ama sa Sierra Leone. Inaakala ng ilang magulang na kung tuturuan ang mga anak hinggil sa sekso ay para na rin silang binibigyan ng idea na aakay sa kanila upang magkasala ng imoralidad! Ngunit ano naman kaya ang pananaw ng Diyos?

ANG PANANAW NG DIYOS HINGGIL SA SEKSO

8, 9. Anong mainam na impormasyon hinggil sa seksuwal na mga bagay ang masusumpungan sa Bibliya?

8 Nililiwanag ng Bibliya na walang dapat ikahiya sa pag-uusap tungkol sa sekso kung ito’y nasa lugar. Sa Israel, sinabihan ang bayan ng Diyos na magsama-sama, kasali ang kanilang “maliliit,” upang makinig sa malakas na pagbabasa ng Batas Mosaiko. (Deuteronomio 31:10-12; Josue 8:35) Tuwirang binanggit ng Batas ang ilang bagay tungkol sa sekso, kasama na ang sapanahón ng babae, pagpapalabas ng punlay, pakikiapid, pangangalunya, homoseksuwalidad, insesto, at pagsiping sa hayop. (Levitico 15:16, 19; 18:6, 22, 23; Deuteronomio 22:22) Pagkatapos ng pagbabasang iyon walang-alinlangang napakaraming kailangang ipaliwanag ng mga magulang sa kanilang mauusisang anak.

9 May mga bahagi sa ikalima, ikaanim, at ikapitong kabanata ng Kawikaan na nagpapahatid ng maibiging payo ng magulang hinggil sa panganib sa seksuwal na imoralidad. Ang mga talatang ito ay nagpapakita na ang imoralidad ay maaaring nakatutukso kung minsan. (Kawikaan 5:3; 6:24, 25; 7:14-21) Subalit itinuturo ng mga ito na iyon ay mali at nagdudulot ng kapahamakan, at ang mga ito’y nagbibigay ng patnubay upang tulungan ang mga kabataan na maiwasan ang imoral na landasin. (Kawikaan 5:1-14, 21-23; 6:27-35; 7:22-27) Isa pa, ipinakikita ang pagkakaiba ng imoralidad at ng kasiyahang dulot ng kaluguran sa sekso na nasa wastong dako, sa mga mag-asawa. (Kawikaan 5:15-20) Kay inam na huwaran sa pagtuturo na dapat tularan ng mga magulang!

10. Bakit ang pagbibigay ng maka-Diyos na kaalaman sa mga anak hinggil sa sekso ay hindi aakay sa kanila na magkasala ng imoralidad?

10 Ang gayon bang pagtuturo ay aakay sa mga bata upang magkasala ng imoralidad? Sa kabaligtaran, ang Bibliya’y nagtuturo: “Sa pamamagitan ng kaalaman ay inililigtas ang mga matuwid.” (Kawikaan 11:9) Hindi ba gusto mong iligtas ang iyong mga anak mula sa mga impluwensiya ng sanlibutang ito? Sabi ng isang ama: “Mula pa sa kamusmusan ng mga bata, sinikap na naming maging totoong prangka sa kanila kung tungkol sa sekso. Sa ganiyang paraan, kapag naririnig nilang nag-uusap ang ibang mga bata tungkol sa sekso, hindi na sila nag-uusisa. Hindi na iyon isang malaking misteryo.”

11. Papaano maaaring baytang-baytang na turuan ang mga anak hinggil sa maseselang na bagay ng buhay?

11 Gaya ng binanggit sa naunang mga kabanata, ang edukasyon sa sekso ay dapat pasimulan nang maaga. Kapag tinuturuan ang mga anak na sabihin ang mga bahagi ng katawan, huwag lalampasan ang kanilang maseselang na bahagi na para bang ang mga ito’y nakahihiya sa papaano man. Ituro sa kanila ang tamang katawagan para dito. Habang lumilipas ang panahon, kakailanganin ang pagtuturo hinggil sa mga bagay na pribado at ang mga hindi dapat gawin. Lalong makabubuti kung ituturo kapuwa ng ama at ina sa mga anak na ang mga bahaging ito ng katawan ay natatangi, anupat karaniwan nang hindi dapat ipahawak o ipakita sa iba, at kailanma’y hindi dapat pag-usapan sa malisyosong paraan. Habang lumalaki ang mga anak, dapat ipabatid sa kanila kung papaano nagsasama ang lalaki at babae upang magkaanak. Sa panahon na ang kanilang sariling katawan ay nagsisimula nang magbinata o magdalaga, dapat na sila’y may lubos nang kabatiran sa mga pagbabagong magaganap. Gaya ng tinalakay sa Kabanata 5, ang gayong edukasyon ay tutulong sa mga bata upang maipagsanggalang sila mula sa seksuwal na pang-aabuso.​—Kawikaan 2:10-14.

GAWAING-BAHAY PARA SA MGA MAGULANG

12. Anong baluktot na mga pananaw ang madalas na itinuturo sa mga paaralan?

12 Ang mga magulang ay dapat na maging handa na hadlangan ang epekto ng ibang maling idea na maaaring ituro sa paaralan​—makasanlibutang pilosopya gaya ng ebolusyon, nasyonalismo, o ang idea na walang matatawag na lubus-lubusang katotohanan. (1 Corinto 3:19; ihambing ang Genesis 1:27; Levitico 26:1; Juan 4:24; 17:17.) Maraming taimtim na mga opisyal ng paaralan ang nagbibigay ng labis na pagpapahalaga sa higit pang edukasyon. Bagaman ang hinggil sa karagdagang edukasyon ay personal na kagustuhan, ang ilang guro ay naniniwalang iyon lamang ang tanging daan tungo sa anumang personal na tagumpay.a​—Awit 146:3-6.

13. Papaano maipagsasanggalang ang mga batang pumapasok sa paaralan mula sa mga maling idea?

13 Upang mahadlangan ng mga magulang ang epekto ng mali o baluktot na mga turo, dapat na alam nila kung ano ang itinuturo sa kanilang mga anak. Kaya nga mga magulang, tandaan na kayo man ay may gawaing-bahay rin! Ipakita ang tunay na interes sa pag-aaral ng inyong mga anak. Kausapin sila paglabas sa paaralan. Itanong kung ano ang kanilang natutuhan, kung ano ang pinakagusto nila, kung ano ang naging malaking hamon para sa kanila. Tingnan ang kanilang mga gawaing-bahay, mga nota, at resulta ng mga pagsusulit. Sikaping makilala ang kanilang mga guro. Ipaalam sa mga guro na pinahahalagahan ninyo ang kanilang trabaho at nais ninyong makatulong sa anumang paraan na makakaya ninyo.

ANG MGA KAIBIGAN NG IYONG MGA ANAK

14. Bakit napakahalaga na ang mga maka-Diyos na bata ay pumili ng mabubuting kaibigan?

14 “Aba, saan mo ba natutuhan iyan?” Ilang magulang na kaya ang nagtanong niyan, anupat nangingilabot sa isang bagay na sinabi o ginawa ng kanilang anak na di nila sukat-akalain? At gaano kaya kadalas na ang sagot ay nagsasangkot sa isang bagong kaibigan sa paaralan o sa mga kapitbahay? Oo, napakalaki ng epekto sa atin ng mga kasama, bata man tayo o matanda. Nagbabala si apostol Pablo: “Huwag kayong palíligáw. Ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na mga kinaugalian.” (1 Corinto 15:33; Kawikaan 13:20) Ang mga kabataan lalo na ay madaling tablan ng panggigipit ng mga kababata nila. Kadalasan ay wala silang pagtitiwala sa sarili at madali silang madaig ng hilig na paluguran at pahangain ang mga kasama nila. Napakahalaga nga kung gayon, na pumili sila ng mabubuting kaibigan!

15. Papaano maaaring patnubayan ng mga magulang ang kanilang mga anak sa pagpili ng mga kaibigan?

15 Gaya ng alam ng bawat magulang, hindi laging tama ang napipili ng mga anak; kailangan nila ng patnubay. Hindi naman sa ikaw ang pipili ng mga kaibigan para sa kanila. Sa halip, habang sila’y lumalaki, turuan mo silang gumamit ng unawa at tulungan silang makita kung anong mga katangian ang dapat nilang pahalagahan sa mga kaibigan. Ang pangunahing katangian ay ang pag-ibig kay Jehova at ang paggawa ng tama sa kaniyang paningin. (Marcos 12:28-30) Turuan mo silang mahalin at igalang yaong mga nagtataglay ng katapatan, kabaitan, pagkabukas-palad, kasipagan. Sa panahon ng pampamilyang pag-aaral, tulungan mo ang mga bata na makilala ang gayong mga katangian sa mga tauhan ng Bibliya at pagkatapos ay hanapin ang gayunding mga katangian sa iba sa kongregasyon. Magpakita ng halimbawa sa pamamagitan ng paggamit ng gayunding pamantayan sa pagpili ng iyong sariling mga kaibigan.

16. Papaano mababantayan ng mga magulang ang kanilang mga anak sa pagpili ng mga kaibigan?

16 Kilala mo ba ang mga kaibigan ng iyong mga anak? Bakit hindi sabihan ang iyong mga anak na papuntahin ang mga ito sa inyong tahanan upang makilala sila? Maaari mo ring tanungin ang iyong mga anak kung ano ang masasabi ng ibang bata sa mga kaibigang ito. Sila ba’y kilala sa pagpapakita ng katapatan o sa pagkakaroon ng dobleng pamumuhay? Kung totoo ang huli, tulungan ang iyong mga anak na mangatuwiran kung bakit ang pakikisamang ito ay makapipinsala sa kanila. (Awit 26:4, 5, 9-12) Kung may mapansin kang di-kanais-nais na mga pagbabago sa ugali, pananamit, saloobin, o pananalita ng iyong anak, baka kailangan nang pag-usapan ninyo ang tungkol sa kaniyang mga kaibigan. Baka ang iyong anak ay gumugugol ng panahon kasama ng isang kaibigang naghahasik ng negatibong impluwensiya.​—Ihambing ang Genesis 34:1, 2.

17, 18. Bukod sa pagbababala laban sa masasamang kasama, anong praktikal na tulong ang maaaring ibigay ng mga magulang?

17 Gayunman, hindi sapat na basta turuan lamang ang iyong mga anak na umiwas sa masasamang kasama. Tulungan silang makatagpo ng mabubuting kasama. Sabi ng isang ama: “Palagi kaming nagsisikap na may maihalili. Kaya nga nang mapili sa paaralan ang aming anak upang sumama sa football team, umupo kaming mag-asawa kasama niya at pinag-usapan namin ang dahilan kung bakit hindi ito magandang idea​—sapagkat magsasangkot ito ng mga bagong kasama. Ngunit iminungkahi naman namin na pumili ng ilang mga bata sa aming kongregasyon at dalhin silang lahat sa parke upang maglaro ng football. At maganda naman ang kinalabasan.”

18 Ang matatalinong magulang ay tumutulong sa kanilang mga anak na makatagpo ng mabubuting kaibigan at pagkatapos ay masiyahan sa kapaki-pakinabang na paglilibang kasama nila. Ngunit para sa maraming magulang, ang paglilibang na ito ay naghaharap ng sariling mga hamon.

ANONG URI NG PAGLILIBANG?

19. Anong mga halimbawa sa Bibliya ang nagpapakitang hindi naman masama para sa mga pamilya na magsaya?

19 Hinahatulan ba ng Bibliya ang pagsasaya? Hinding-hindi! Sinasabi ng Bibliya na may “panahon upang tumawa . . . at panahon upang maglulukso.”b (Eclesiastes 3:4) Ang bayan ng Diyos sa sinaunang Israel ay nasiyahan sa musika at pagsasayaw, paglalaro, at bugtungan. Dumalo si Jesu-Kristo sa isang malaking piging ng kasalan at sa “isang malaking piging” na inihanda ni Mateo Levi para sa kaniya. (Lucas 5:29; Juan 2:1, 2) Maliwanag, si Jesus ay hindi killjoy. Huwag sanang malasin sa inyong sambahayan na ang pagtawa at pagsasaya ay mga kasalanan!

Larawan sa pahina 99

Ang pilíng libangan, gaya ng pagkakamping na ito ng pamilya, ay maaaring makatulong sa mga anak na matuto at sumulong sa espirituwal

20. Ano ang dapat tandaan ng mga magulang sa paglalaan ng libangan para sa pamilya?

20 Si Jehova ang “maligayang Diyos.” (1 Timoteo 1:11) Kaya nga ang pagsamba kay Jehova ay dapat magdulot ng kaluguran, hindi ng kalungkutan sa buhay. (Ihambing ang Deuteronomio 16:15.) Ang mga bata ay likas na masayahin at punung-puno ng sigla na maaaring ibuhos sa paglalaro at paglilibang. Ang pilíng libangan ay hindi lamang nakapagpapasaya. Ito’y isang paraan para sa isang bata na matuto at mahusto ang isip. Ang ulo ng tahanan ang may pananagutan na ilaan ang pangangailangan ng kaniyang sambahayan sa lahat ng bagay, kasali na ang paglilibang. Gayunman, kailangan ang pagiging timbang.

21. Anong mga patibong mayroon sa libangan ngayon?

21 Sa maligalig na “mga huling araw” na ito, ang sangkatauhan ay punung-puno ng mga taong “maibigin sa mga kaluguran kaysa maibigin sa Diyos,” gaya ng inihula sa Bibliya. (2 Timoteo 3:1-5) Para sa marami, ang paglilibang ang pangunahin sa buhay. Napakaraming mapaglilibangan anupat napakadaling mapasaisantabi ang higit na mahahalagang bagay. Isa pa, karamihan sa modernong libangan ay nagtatampok ng seksuwal na imoralidad, karahasan, pag-abuso sa droga, at iba pang ubod-samang mga gawa. (Kawikaan 3:31) Ano ang maaaring gawin upang maingatan ang mga kabataan sa ganitong kapaligiran?

22. Papaano maaaring sanayin ng mga magulang ang kanilang mga anak upang makagawa ng matalinong pasiya kung tungkol sa paglilibang?

22 Kailangang maglagay ang mga magulang ng mga hangganan at pagbabawal. Ngunit higit pa riyan, kailangan nilang turuan ang kanilang mga anak sa pagtiyak kung aling libangan ang masama at malaman kung kailan masasabing labis na ang paglilibang. Ang gayong pagsasanay ay nangangailangan ng panahon at pagsisikap. Tingnan ang isang halimbawa. Napansin ng isang ama na ang nakatatanda sa kaniyang dalawang anak na lalaki ay napapadalas sa pakikinig sa isang bagong istasyon sa radyo. Kaya habang nagmamaneho siya ng kaniyang trak patungo sa trabaho isang araw, binuksan ng ama ang radyo sa istasyong iyon. Paminsan-minsan ay humihinto siya at isinusulat ang liriko ng ilang awitin. Pagkaraan ay naupo silang mag-aama at ipinakipag-usap niya ang kaniyang narinig. Nagharap siya ng mga tanong upang marinig ang kanilang kuru-kuro, na nagsisimula sa “Ano sa palagay ninyo?” at siya’y buong-tiyagang nakinig sa kanilang mga sagot. Pagkatapos mangatuwiran na ginagamit ang Bibliya, sumang-ayon ang mga bata na hindi na sila makikinig sa istasyong iyon.

23. Papaano maipagsasanggalang ng mga magulang ang kanilang mga anak mula sa mga di-kapaki-pakinabang na libangan?

23 Sinusuri ng matatalinong magulang ang musika, mga programa sa TV, videotapes, komiks, video games, at pelikula na kinawiwilihan ng kanilang mga anak. Tinitingnan nila ang larawan sa pabalat, ang liriko, at ang lalagyan, at binabasa nila sa pahayagan ang ginawang pagsusuri at pinanonood ang mga pakita. Marami ang nagugulat sa ilang “libangan” na inilalaan sa mga bata ngayon. Yaong mga nagnanais na maipagsanggalang ang kanilang mga anak sa maruming impluwensiya ay nauupong kasama ng pamilya at pinag-uusapan nila ang panganib, habang ginagamit ang Bibliya at mga publikasyong salig sa Bibliya, gaya ng aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan​—Mga Sagot na Lumulutas at ng mga artikulo sa mga magasing Bantayan at Gumising!c Kapag ang mga magulang ay naglalagay ng matatag na mga hangganan, di-nagbabago at makatuwiran, karaniwan nang nakikita nila ang mabubuting resulta.​—Mateo 5:37; Filipos 4:5.

24, 25. Ano ang ilang kapaki-pakinabang na uri ng libangan na maaaring sama-samang kawilihan ng mga pamilya?

24 Mangyari pa, ang pagbabawal sa nakapipinsalang uri ng libangan ay pasimula pa lamang ng labanan. Ang masama ay dapat halinhan ng mabuti, sapagkat kung hindi ang mga bata’y matatangay tungo sa maling landasin. Marami sa mga Kristiyanong pamilya ang may di-mabilang na madamdamin at maliligayang alaala ng sama-samang paglilibang​—pagpipiknik, paglalakad nang malayo, pagkakamping, katuwaan sa mga laro at isport, paglalakbay upang dumalaw sa mga kamag-anak at mga kaibigan. Nasumpungan ng ilan na kahit ang sama-samang pagbabasa lamang nang malakas bilang pagpapahingalay ay isa nang malaking kaluguran at kaaliwan. Ang iba’y siyang-siya sa pagkukuwentuhan ng nakatutuwa at nakawiwiling mga kuwento. Ang iba naman ay sama-samang bumubuo ng mga libangan, halimbawa, gawaing-kahoy at iba pang kasanayan, gayundin ang pagtugtog ng mga instrumento sa musika, pagpipinta, o pag-aaral sa mga nilalang ng Diyos. Ang mga batang nasisiyahan sa ganitong mga dibersiyon ay naipagsasanggalang sa maraming libangan na marurumi, at natututuhan nilang may higit pang magagawa sa paglilibang kaysa sa basta maupo lamang at maaliw ng iba. Mas nakalilibang kung nakikibahagi kaysa sa basta nanonood lamang.

25 Ang sosyal na mga pagtitipon ay maaari ring maging kapaki-pakinabang na uri ng paglilibang. Kapag ang mga ito’y napangangasiwaang mabuti at hindi totoong napakalaki o napakahaba, mabibigyan nito ang inyong mga anak ng higit pa sa basta kasiyahan lamang. Ang mga ito’y makatutulong upang mapalalim pa ang buklod ng pag-ibig sa loob ng kongregasyon.​—Ihambing ang Lucas 14:13, 14; Judas 12.

MAAARING MADAIG NG IYONG PAMILYA ANG SANLIBUTAN

26. Kung tungkol sa pagsasanggalang sa pamilya mula sa di-kapaki-pakinabang na mga impluwensiya, ano ang pinakamahalagang katangian?

26 Walang-alinlangan, ang pagsasanggalang sa iyong pamilya mula sa mapaminsalang impluwensiya ng sanlibutan ay nangangailangan ng masikap na paggawa. Ngunit may isang bagay, at wala nang makahihigit pa rito, na magpapaging posible sa tagumpay. Iyon ay ang pag-ibig! Ang malapít, maibiging buklod ng pamilya ay magpapangyari sa iyong tahanan na maging isang ligtas na kanlungan at mapagyayaman ang pag-uusap, na siyang malaking sanggalang sa masasamang impluwensiya. Bukod diyan, ang pagpapaunlad sa isa pang uri ng pag-ibig ay higit pa ngang mahalaga​—ang pag-ibig kay Jehova. Kapag ang pag-ibig na ito’y namamayani sa pamilya, mas malamang na lumaki ang mga bata na napopoot sa mismong idea na di-mapaluguran ang Diyos sa pamamagitan ng pagbibigay-daan sa makasanlibutang mga impluwensiya. At ang mga magulang na buong-pusong umiibig kay Jehova ay magsisikap na tularan ang kaniyang maibigin, makatuwiran, timbang na personalidad. (Efeso 5:1; Santiago 3:17) Kung gagawin iyan ng mga magulang, walang dahilan upang ang pagsamba kay Jehova ay malasin ng kanilang mga anak bilang isa lamang talaan ng mga pagbabawal o isang pamumuhay na salat sa ligaya at halakhak, anupat ibig nilang makatakas dito sa lalong madaling panahon. Sa halip, makikita nilang ang pagsamba kay Jehova ang pinakamaligaya, pinakamakabuluhang pamumuhay na maaaring matamasa.

27. Papaano madaraig ng pamilya ang sanlibutan?

27 Ang mga pamilyang laging nagkakaisa sa maligaya, timbang na paglilingkod sa Diyos, na taos-pusong nagsisikap na manatiling “walang batik at walang dungis” mula sa masasamang impluwensiya ng sanlibutang ito, ay nagdudulot ng kagalakan kay Jehova. (2 Pedro 3:14; Kawikaan 27:11) Ang gayong mga pamilya ay sumusunod sa yapak ni Jesu-Kristo, na tumanggi sa bawat pagsisikap ng sanlibutan ni Satanas na siya’y madungisan. Sa pagwawakas ng kaniyang buhay bilang tao, nasabi ni Jesus: “Dinaig ko ang sanlibutan.” (Juan 16:33) Sana’y madaig din ng iyong pamilya ang sanlibutan at tamasahin ang buhay magpakailanman!

a Para sa pagtalakay hinggil sa karagdagang edukasyon, tingnan ang brosyur na Jehovah’s Witnesses and Education, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc., pahina 4-7.

b Ang salitang Hebreo rito na isinaling “upang tumawa,” sa ibang anyo, ay maaari ring isaling “upang maglaro,” “upang magdulot ng aliw,” “upang magdiwang,” o “upang magsaya” pa nga.

c Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

PAPAANO MAKATUTULONG ANG MGA SIMULAING ITO NG BIBLIYA . . . UPANG MAIPAGSANGGALANG ANG IYONG PAMILYA?

Ang kaalaman ay umaakay sa karunungan, na siyang nagpapanatiling buháy sa isang tao.​—Eclesiastes 7:12.

“Ang karunungan ng sanlibutang ito ay kamangmangan sa Diyos.”​—1 Corinto 3:19.

Dapat iwasan ang masasamang kasama.​—1 Corinto 15:33.

Bagaman may dako ang paglilibang, dapat na ito’y kontrolado.​—Eclesiastes 3:4.

HINDI NIYA IPINALALAGAY NA SIYA’Y PINAGKAKAITAN

Ang Kristiyanong mga magulang na si Paul at ang kaniyang asawa, si Lu-Ann, ay nagsasaayos ng mga salu-salo sa kanilang tahanan paminsan-minsan. Tinitiyak nila na ang mga salu-salong ito ay mahusay na napangangasiwaan at ang laki ay madaling makontrol. Sila’y may mabuting dahilan na maniwalang nakikinabang ang kanilang mga anak.

Ganito ang pagkukuwento ni Lu-Ann: “Lumapit sa akin ang ina ng kaeskuwela ng aking anim-na-taóng gulang na anak na lalaki, si Eric, upang sabihing naaawa siya kay Eric sapagkat nagsosolo ito sa upuan at hindi nakikisali sa mga pagdiriwang ng kaarawan na ginagawa ng klase. Sabi ko sa kaniya: ‘Salamat naman at ganiyan na lamang ang pagmamalasakit mo sa aking anak. Nakikita riyan ang iyong pagkatao. At marahil ay hindi mo ako paniniwalaan kung sasabihin ko sa iyong hindi ipinalalagay ni Eric na siya’y pinagkakaitan.’ Sumang-ayon siya. Kaya sabi ko: ‘Nakikisuyo ako kung gayon, para sa iyong sariling kapakanan, alisin mo ang álalahaníng iyan sa iyong isip at tanungin mo mismo si Eric sa kaniyang palagay.’ Nang ako’y wala na, tinanong niya si Eric, ‘Bale-wala ba sa iyo kung pinagkakaitan ka sa ganitong masayang birthday party?’ Napatingala ito sa kaniya, manghang-mangha, at ang sabi: ‘Sa tingin po ba ninyo ay matatawag nang party ang sampung minuto, ilang cupcakes, at isang awit? Pumunta po kayo sa amin at nang makita ninyo kung ano talaga ang tunay na party!’” Ang wala-sa-loob na kasiglahan ng bata ay nagpaging maliwanag dito​—hindi niya ipinalalagay na siya’y pinagkakaitan o may nawawala sa kaniya!

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share