-
Mga Kabataan—Ano ang Gagawin Ninyo sa Inyong Buhay?Ang Bantayan—1987 | Agosto 15
-
-
Mga Kabataan—Ano ang Gagawin Ninyo sa Inyong Buhay?
“Upang ang mga nabubuhay ay hindi na mabuhay para sa kanilang sarili, kundi para sa kaniya na namatay para sa kanila.”—2 CORINTO 5:15.
1. Anong pagpapahayag ng pasasalamat ang ginawa ng mga tao, at bakit?
‘SALAMAT sa inyo! Utang ko sa inyo ang aking buhay!’ Ang mga taong nailigtas sa isang nasusunog na bahay o sa pagkalunod ang nagsabi ng ganiyan sa mga sumagip sa kanila. At ang nagpapahalagang mga kabataang Kristiyano ay nagpahayag din ng ganiyan sa kanilang mga magulang. Tinutukoy nila hindi lamang yaong pisikal na buhay na tinanggap nila sa kanilang mga magulang kundi lalung-lalo na ang mapagmahal na pag-aaruga at turo na naglagay sa mga kabataan sa daan na magbibigay ng “ipinangako na siya mismo ang nangako sa atin, ang buhay na walang-hanggan.”—1 Juan 2:25.
2. Sa liwanag ng anong impormasyon dapat mong pag-isipan ang tanong na, Anong gagawin mo sa iyong buhay?
2 Pag-ibig ang nag-udyok sa Diyos na Jehova na ang buhay na walang-hanggan, “ang tunay na buhay,” ay kamtin ng bawat isa sa atin. “Siya ang umibig sa atin at isinugo ang kaniyang Anak bilang isang pampalubag-loob na hain ukol sa ating mga kasalanan.” (1 Timoteo 6:19; 1 Juan 4:10) Pag-isipan din ang pag-ibig na ipinakita ng kaniyang Anak na si Jesus sa pagkamatay ng isang masaklap na kamatayan upang kamtin natin ang buhay na walang-hanggan! (Juan 15:13) Sa liwanag ng binanggit na, Ano ang gagawin mo sa iyong buhay?
3. Ano kadalasan ang nagpapasiya kung ano ang gagawin ng mga tao sa kanilang buhay?
3 Ang mga kabataan ay malimit na tinatanong ng ganito, sa anumang paraan, ng mga tagapayo sa mga estudyante sa paaralan o ng iba pang mga interesado sa kanilang kinabukasan. Ano ang magpapasiya sa iyong sagot? Ang magpapasiya ba’y ang sariling kagustuhan lamang? Ang magpapasiya ba’y ang payo ng mga taong ibig na ikaw ay magtamo ng isang matatag na puwesto sa sanlibutan? O ang gagawin mo sa iyong buhay ay pagpapasiyahan ng higit na magagaling na pamantayan? Ang kinasihang paalaala ay nagsasabi: “Namatay siya para sa lahat upang ang mga nabubuhay ay hindi na mabuhay para sa kanilang sarili, kundi para sa kaniya na namatay para sa kanila at muling binuhay.” (2 Corinto 5:15) Oo, anong pagkainam-inam nga pagka sa paraan na ginagamit natin ang ating buhay ay nababanaag ang pasasalamat sa ginawa para sa atin ni Jesu-Kristo at ng kaniyang makalangit na Ama!
Popular na Ginagayang mga Modelo
4. Sino ang pinakapopular na ginagayang mga modelo sa ngayon?
4 Subalit, sino baga ang pinakapopular na mga tao sa ngayon, yaong mga karaniwan nang tinutularan ng mga kabataan bilang kanilang ginagayang mga modelo? Hindi baga ang mayayaman at mga tanyag sa sanlibutan, anuman ang mga pamantayan ng moral na sinusunod nila? Kung pinagmamasdan mo ang mga kuwarto ng maraming kabataan, kanino bang mga larawan ang nakikita mong nakabitin sa mga dingding? Kadalasan ay mga larawan ng mga popular na manganganta, mga artista sa sine, at mga manlalaro. Maraming kabataan ang nangangarap na balang araw sila ay magkakamit ng ganoon ding mga tagumpay sa sanlibutan o marahil sila’y makapag-aasawa ng isa na may mga katangian ng gayong mga tao. Kumusta ka naman? Ano ba ang ibig mong kamtin sa buhay?
5, 6. (a) Bakit masasabi na ang makasanlibutang tagumpay ay hindi nagdudulot ng tunay na pagkakontento? (b) Saan nanggagaling ang tunay na pagkakontento?
5 Kung sakaling kamtin mo ang makasanlibutang tagumpay ng hinahangaang mga tao, talaga kayang liligaya ka at masisiyahan? Isa sa pinakamatagumpay na artistang babae sa Hollywood ang nagsabi: “Nakaranas na akong maging mayaman at magkaroon ng lahat ng materyal na mga bagay. Bale wala pala. Bawat mayaman dito ay may kasamang saykayatris, huwag nang sabihin pa ang mga suliranin sa diborsiyo at sa mga anak na napopoot sa kanilang mga magulang.”—Eclesiastes 5:10; 1 Timoteo 6:10.
6 Isang kilalang estudyanteng manlalaro, na noong 1981 ay nanalo sa dibisyong pambabae ng isang pangunahing 10-kilometrong takbuhan sa New York, ang nawalan ng lubos na pagtitiwala na anupa’t nagtangka siyang magpatiwakal. “Natutuhan ko ang maraming katotohanang tungkol sa buhay noong nakaraang mga ilang buwan,” ang isinulat niya pagkatapos. “Ang isa’y na ang tunay na pagkakontento ay hindi nakakamit sa mga paraan na sinisikap ng maraming tao na makamit ang kaganapan at tagumpay. Ang pagkakontento para sa akin ay hindi ko nakamit dahil sa pagiging sa tuwina’y isang A-student, isang mananakbo na kampeon ng estado o may taglay ng isang kaakit-akit na pangangatawan.” Oo, kailangang matutuhan ng mga tao na ang tunay na pagkakontento ay dumarating lamang sa pagkakaroon ng isang personal na relasyon sa Diyos, na siya lamang makapagbibigay ng tunay na kapayapaan at kaligayahan.—Awit 23:1, 6; 16:11.
7. Sa pagkakamit ng tunay na kasiyahan, gaano kahalaga ang pag-aaral sa kolehiyo at ang makasanlibutang tagumpay?
7 Maliwanag, kung gayon, na hindi mo nanaisin na tularan yaong mga nagpupunyagi upang mapatanyag lamang at yumaman. Maging ang mga manunulat man ng sanlibutan ay bumabanggit ng kabiguan ng makasanlibutang tagumpay na magdala ng tunay na kasiyahan. Ang kolumnistang si Bill Reel ay sumulat: “Ikaw ay nagtatapos sa kolehiyo na taglay ang mga pangarap para sa hinaharap. Nakalulungkot sabihin, karamihan ng iyong mga lunggatiin ay magiging abo. Hindi ko ibig na sirain ang iyong loob, subalit makabubuti na mapakinggan mo rin ang katotohanan: Pagka nakamit mo ang mga ari-arian na hinahangad mo, kung iyong makamit na ang mga ito, at pagka natamo mo ang mga tagumpay na hinahangad mong matamo, kung matamo mo na, ito’y hindi nagbibigay sa iyo ng kasiyahan. Sa halip, sa mismong mga sandaling iyon na inaasahan mong magsasayá ka sa tagumpay, ang madarama mo’y ang kawalang-saysay niyaon imbis na ang may natapos kang anuman, ikaw ay namamanglaw imbis na nasasayahan, naliligalig imbis na mapayapa.”—New York Daily News, Mayo 26, 1983.
8. Ano ang matibay na dahilan para sa hindi na pag-aaral para magkaroon ng makasanlibutang karera?
8 Ngunit para sa atin na mga gising sa kahulugan ng mga pangyayari sa daigdig ayon sa liwanag ng hula ng Bibliya, mayroong lalong matitibay na dahilan upang hindi ang isang makasanlibutang karera ang gawing pangunahin sa buhay. (Mateo 24:3-14) Maihahambing natin ang ating sarili sa isang tao na nakakita ng isang gusali na may karatula: “Ang Kompanyang Ito Ay Magsasara Na.” Tayo ba’y magpipresenta pa roon? Siyempre hindi! At kung tayo’y sa gayong kompanya nagtatrabaho, may katalinuhan na hahanap tayo ng ibang mapapasukan. Bueno, ang karatulang nakikita natin sa lahat ng dako sa mga institusyon ng sanlibutang ito ay: “Magsasara Na—Malapit Na Ang Wakas!” Oo, “Ang sanlibutan ay lumilipas,” ang katiyakang ibinibigay sa atin ng Bibliya. (1 Juan 2:17) Kung gayon, matalino nga, hindi ang tutularan natin bilang mga modelo ay yaong mga lubhang kasangkot dito.
Ang Susunding Payo
9. Anong makasanlibutang payo ang marahil ay ibinibigay niyaong mga taong waring ang pinakamagaling ang hangarin para sa iyo?
9 Ang iyong buhay ay hinuhubog hindi lamang niyaong mga tao na kinaalang-alanganan mo kundi malimit din ay hinuhubog ng mga kamag-anak at mga kaibigan na, ayon sa pagkasabi nila, ‘ang pinakamagaling ang hangarin para sa iyo.’ ‘Ikaw ay kailangang maghanapbuhay,’ anila. Kaya marahil sila ay magpapayo sa iyo na mag-aral sa kolehiyo o sa unibersidad upang ihanda ang sarili para sa isang propesyon na mainam ang kita. ‘Ang manunulat ng Bibliya na si Lucas ay isang doktor,’ marahil ay sasabihin nila, ‘at ang apostol na si Pablo naman ay nag-aral sa guro ng Batas na si Gamaliel.’ (Colosas 4:14; Gawa 5:34; 22:3) Gayunman, suriing mabuti ang gayong payo.
10. Anong payo ang ibinigay ni Lucas at ni Pablo, at ano ang masasabi tungkol sa kanilang aktibidad bago sila naging Kristiyano?
10 Kailanman ay hindi hinimok ng manggagamot na si Lucas ang mga Kristiyano na tularan siya sa kaniyang dating karera sa pamamagitan ng pagiging isang doktor; sa halip, ang sinabi ni Lucas na tularan ay ang buhay ni Jesus at ng kaniyang mga apostol. Maliwanag na si Lucas ay naging isang manggagamot bago niya nakilala si Kristo subalit pagkatapos ay ang kaniyang ministeryong Kristiyano ang inuna niya sa buhay. Ganoon din ang kalagayan ni Pablo. Imbis na himukin ang iba na tularan siya gaya ng kung paano tinularan niya si Gamaliel, si Pablo ay sumulat: “Maging tagatulad kayo sa akin, gaya ko rin kay Kristo.” Ganiyan na lang ang pagpapahalaga ni Pablo sa kaalaman tungkol kay Kristo na anupa’t sinabi niya na kung paghahambingin ay itinuturing niya ang kaniyang dating pamumuhay na “isang tambak na basura.”—1 Corinto 11:1; Filipos 3:8.
11. (a) Ano ang sinabi ni Pedro kay Jesus, at bakit? (b) Paano naman tumugon si Jesus?
11 Tandaan, dahilan sa sentimyento kahit na yaong mga taong umiibig sa iyo ay maaaring magbigay ng di mabuting payo. Halimbawa, nang banggitin ni Jesus ang mga bagay na naghihintay sa kaniya sa panahon ng kaniyang ministeryo sa Jerusalem, si apostol Pedro ay tumugon: “Maging mabait ka sa iyong sarili, Panginoon; hindi mo sasapitin ang ganito kailanman.” Iniibig ni Pedro si Jesus at hindi niya gustong makita ito na nagdaranas ng hirap. Gayunman ay sinaway ni Jesus si Pedro sapagkat Kaniyang natalos na upang matupad ang kalooban ng Diyos ay kailangang kapuwa ang pagdurusa at ang kamatayan buhat sa kamay ng mga mananalansang.—Mateo 16:21-23.
12. Ano ang payong marahil ay ibinibigay sa mga kabataan ng mga taong mabuti naman ang hangarin, at bakit?
12 Sa katulad na paraan, may mga magulang o mga kaibigan na maaaring magpahina ng iyong loob sa pagtahak sa isang landas ng pagsasakripisyo sa sarili. Dahilan sa di-nararapat na sentimyento, baka mag-atubili sila na himukin ka na tanggapin ang isang atas sa buong-panahong ministeryo ng pagpapayunir, sa paglilingkod bilang isang misyonero, o sa pagtatrabaho bilang boluntaryo sa isang tanggapang sangay ng mga Saksi ni Jehova. Baka sabihin nila: ‘Sa halip, bakit hindi ka mag-asawa at dito ka manirahan na malapit sa amin?’ O, ‘Alam mo naman, mahirap ang trabaho sa Bethel. Marahil ay mas mainam na makipisan ka sa amin.’ Sa ibang pananalita, gaya ng pagkasabi ni Pedro, “Maging mabait ka sa iyong sarili.”
13. (a) Anong iniwastong pangmalas ang ipinahayag ni Pedro? (b) Ano ang kailangan upang maging isang tunay na Kristiyano?
13 Kahit na ang mga lingkod ni Jehova kung minsan ay nangangailangan na iwasto ang kanilang kaisipan. Kinailangan ito ni Pedro, at taglay ang isang iniwastong pangmalas, siya’y sumulat: “Sapagkat, sa ganitong pamumuhay kayo tinawag, dahil sa si Kristo man ay nagbata alang-alang sa iyo, na kayo’y iniwanan ng modelo upang kayo’y sumunod nang maingat sa kaniyang mga hakbang.” (1 Pedro 2:21) Ang pamumuhay bilang isang tunay na Kristiyano ay nangangailangan ng pagsasakripisyo sa sarili, oo, ng pagdurusa man. Ito’y hindi isang madaling pamumuhay, subalit ito ang pinagtawagan sa atin bilang mga Kristiyano. Kasali sa pagtanggap nito ‘ang hindi na natin pamumuhay para sa ating sarili, kundi para sa kaniya na namatay alang-alang sa atin.’ (2 Corinto 5:15) Ang pagtingin sa mabubuting parisang mga modelo ang tutulong sa atin na gamitin ang ating buhay sa ganitong paraan ng pagsasakripisyo sa sarili.
Ang Parisang Modelong Laging Isasaisip
14. Anong halimbawa ang ipinakita ni Jesus?
14 Ang modelong kailangan mong lalung-lalo nang laging isasaisip ay ang halimbawa na ipinakita ni Jesus. Bilang isang taong sakdal, maaari sana siyang naging ang pinakadakilang manlalaro, dalubhasa sa musika, manggagamot, o abogado na makikilala ng sanlibutan kailanman. Subalit ang kaniyang atensiyon ay nakatuon sa pagbibigay-lugod sa kaniyang makalangit na Ama, kahit na noong si Jesus ay isa pang kabataan. (Lucas 2:42-49) Nang maglaon ay sinabi niya: “Kailangang ipangaral ko ang mabuting balita ng kaharian ng Diyos, sapagkat dahil dito ako’y isinugo.” (Lucas 4:43) Noong nakaraang tag-araw, isang liham sa magasin ng simbahan na Ministry ang nagpaliwanag: “Ang ating Tagapagligtas ay mahilig na lumayo sa karamihan, at pagkatapos Siya’y nagbabahay-bahay—humahanap ng mga kaluluwa. Ang nag-iisang-kaluluwang tagapakinig ang Kaniyang totoong kinalulugdan. Pagkatapos Kaniyang ibinubuhos na ang katotohanan—ang pag-ibig ng Diyos.”—Lucas 10:1-16.
15. (a) Bakit ang pangangaral sa bahay-bahay ay isang hamon? (b) Ano ang nagpapakita na ang ministeryo sa bahay-bahay ng mga kabataan ay epektibo?
15 Ipagpalagay natin, na hindi nga madali ang mangaral sa bahay-bahay. Kailangan dito ang masugid na pag-aaral upang maunawaan ang mabuting balita ng Kaharian at ng maraming trabaho upang makapaghanda ng makabuluhang mga presentasyon. Gayundin, ang paglilingkod na ito ay nangangailangan ng tibay ng loob, yamang karamihan ng mga maybahay ay hindi interesado, at ang iba ay nagagalit pa nga. Gayunman, ang ministeryo ng pagbabahay-bahay ng mga kabataan ay nagkakaroon ng kamangha-manghang epekto, gaya ng napalathala sa Italyanong pamparokyang magasin na La Voce. Sinabi ng manunulat: “Personalmente, gusto ko ang mga Saksi ni Jehova,” na, sabi pa niya, “nagpupunta at dumadalaw sa inyo sa tahanan.” Siya’y nagkomento: “Ang mga kilala ko sa kanila ay napakahuhusay ang asal, mahinahong magsalita; sila’y magagandang mga tao rin at karamihan sa kanila’y mga kabataan. Ang kagandahan at ang kabataan ay, pagka nasa tanghalan, totoong madaling makaakit.”
16. (a) Anong aktibidad ng mga kabataan ang karapat-dapat sa komendasyon? (b) Paano mapaghahambing ang organisasyon ng mga Saksi ni Jehova at ang mga ibang organisasyon ng relihiyon sa pagsasagawa ng pinakamahalagang gawain sa lupa?
16 Tunay, kayong mga kabataan na tumatanggap kay Kristo bilang iyong modelo ay karapat-dapat sa komendasyon! Mahigit na 12,000 kabataan, edad 25 at mga mas bata pa rito, ang mga payunir sa Estados Unidos, at libu-libo pa ang nagpapayunir sa mga ibang lugar. (Awit 110:3) Tiyak na wala nang ibang gawain na magagawa kayo na mahalaga pa rito! Maging ang manunulat man sa binanggit na magasin ng simbahan ang nagsabi: “Sinasabi ng Diyos na ang pinakamahalagang gawain ay ang pagdalaw sa bahay-bahay—ang paghahanap ng mga kaluluwa,” subalit siya’y nagpatuloy pa, “Ano ba ang masasabi ninyo tungkol dito? Ilang mga pagdalaw ang ginagawa ninyo at ginagawa ko? Wala akong nakikitang malawak na pagbanggit sa ganitong uri ng gawain sa MINISTERYO.” Hindi baga maipagpapasalamat natin na tayo ay kaugnay ng isang organisasyon na nagdiriin ng kahilingan ng pagtulad sa halimbawa ni Jesus na pangangaral?
17. Ano ang naisagawa ni Timoteo samantalang marahil ay isa siyang tin-edyer noon, at ano ang nagpapakita na marahil ay ganoon nga siya kabata noong panahong iyon?
17 Yamang ang gagawin mo sa iyong buhay ay naiimpluwensiyahan nang malaki ng mga taong iyong hinahangaan, paunlarin mo rin naman ang iyong paghanga sa modelong ipinakita ng kabataang si Timoteo. Siya’y isinilang kaunting panahon lamang bago namatay si Jesus, at bilang isang binata iniwan ni Timoteo ang kaniyang pamilya at sumama siya kay apostol Pablo sa kaniyang ikalawang paglalakbay misyonero. Mga ilang buwan ang nakalipas dahil sa isang pangkat ng mga mang-uumog si Pablo at si Silas ay napilitang tumakas buhat sa Tesalonica, subalit hindi bago sila nakagawa ng mga ilang alagad. (Gawa 16:1-3; 17:1-10, 13-15) Hindi nagtagal pagkatapos ay sinugo ni Pablo si Timoteo sa mapanganib na teritoryo upang aliwin yaong mga alagad sa kanilang dinaranas na mga pagsubok. (1 Tesalonica 3:1-3) Posible na si Timoteo ay nasa kaniyang mga huling taon ng pagkatin-edyer noong panahong iyon, sapagkat mga 12 hanggang 14 na taon ang nakalipas ang kaniyang “kabataan” ay binabanggit pa rin ni Pablo. (1 Timoteo 4:12) Hindi ka ba humahanga sa isang may tibay-loob, mapagsakripisyo sa sariling kabataan na katulad niya?
18. Bakit pinapupunta ni Pablo si Timoteo sa mga taga-Corinto?
18 Limang taon pagkatapos na atasan si Timoteo na palakasin ang mga kapatid sa Tesalonica, si Pablo ay sumulat sa mga taga-Corinto buhat sa Efeso: “Magsitulad kayo sa akin. Kaya naman pinapupunta ko si Timoteo sa inyo, . . . at kaniyang ipaaalaala sa inyo ang aking mga pamamaraan may kaugnayan kay Kristo Jesus, gaya ng ginagawa kong pagtuturo saanman.” (1 Corinto 4:16, 17) Palibhasa’y limang taon nang gumawa ang kabataang si Timoteo kasama ni Pablo, alam na alam na niya ang mga pamamaraan ni Pablo sa pagtuturo. Batid niya kung paanong iniharap ni Pablo ang mensahe sa mga taga-Efeso, pati na kung paano tinuruan niya sila “sa madla at sa bahay-bahay.” (Gawa 20:20, 21) Yamang siya’y sinanay na mainam sa gayong mga paraan ng pangangaral, anong laki nga naman ang naitulong ni Timoteo sa mga kongregasyon!
19. Ano ang sinabi ni Pablo tungkol kay Timoteo pagkalipas ng mahigit na sampung taon pagkatapos na sila’y magsimulang maglingkod na magkasama?
19 Lumipas ang isa pa uling lima o anim na taon, at si Pablo ay nakabilanggo na sa Roma. Si Timoteo, na kalalaya lamang noon sa bilangguan, ay kasama niya. (Hebreo 13:23) Gunigunihin ninyo ang tanawin: Marahil noon ay nagsisilbing kaniyang kalihim si Timoteo, samantalang si Pablo’y nagdidikta ng isang liham sa mga taga-Filipos. Dahan-dahang nagsalita si Pablo, at sinabi: “Umaasa ako sa Panginoong Jesus na papupuntahin niya sa inyo sa madaling panahon si Timoteo . . . Sapagkat wala akong alam na taong katulad niya ang pag-iisip na nagmamalasakit na totoo sa inyong kalagayan . . . Nalalaman ninyo ang pagpapatotoo niya tungkol sa kaniyang sarili, na gaya ng paglilingkod ng anak sa ama ganoon siya naglingkod na kasama ko sa ikalalaganap ng mabuting balita.”—Filipos 1:1; 2:19-22.
20. Ano ang dahilan at si Timoteo ay isang kahanga-hangang modelong halimbawa para sa mga kabataan?
20 Tunay, ang kabataang si Timoteo ay isang kahanga-hangang halimbawa! Siya’y isang maaasahan, na tapat kay Pablo bilang isang kasama, hindi humihiwalay sa kaniya sa hirap man o sa ginhawa, inaalalayan siya sa kaniyang pangangaral, at handang maglingkod saanman siya papuntahin. Kaniyang isinakripisyo ang isang umano’y normal na buhay sa tahanan, gayunma’y pagkakontento at kasiyahan sa kaniyang buhay sa paglilingkod sa Diyos ang idinulot nito sa kaniya! Tunay na si Timoteo ay ‘namuhay hindi na para sa kaniyang sarili, kundi para kay Kristo na namatay alang-alang sa kaniya.’ (2 Corinto 5:15) Ikaw ba ay nauudyukan na tularan ang kaniyang halimbawa?
Mamuhay Para sa Bagong Sanlibutan ng Diyos
21. Bakit natin masasabi na si Timoteo ay may kaisipang espirituwal?
21 Sa totoo, si Timoteo ay namumuhay noon para sa bagong sanlibutan ng Diyos. Ang iniisip niya’y hindi lamang ang dito at ngayon kundi ang paggamit ng kaniyang buhay upang magdulot ng walang-hanggang mga pakinabang. (Mateo 6:19-21) Yamang ang ama ni Timoteo ay isang Griego at marahil hindi isang kapananampalataya, baka hinimok niya si Timoteo na magpatuloy upang kamtin ang isang lalong mataas na pinag-aralan at ang isang makasanlibutang karera. Subalit dahilan sa maka-Diyos na pagtuturo ng kaniyang ina at lola, ang buhay ni Timoteo ay doon nakatalaga sa kongregasyong Kristiyano. Ang kaniyang itinaguyod ay espirituwal na mga kapakanan, maliwanag na siya’y nanatiling binata sa isang takdang panahon, at naging kuwalipikado na maglingkod kasama ni apostol Pablo.—2 Timoteo 1:5.
22. Paanong sa brosyur na School ay itinatampok para sa mga kabataan sa ngayon ang isang landasin ng buhay na nahahawig ng kay Timoteo?
22 Kumusta ka naman? Gagamitin mo ba ang iyong kabataan gaya ng ginawa ni Timoteo? Ang brosyur na School and Jehovah’s Witnesses ay tumutukoy sa gayong landasin ng buhay nang ipaliwanag niyaon tungkol sa mga kabataang Saksi: “Ang kanilang pangunahing tunguhin sa buhay ay ang maglingkod nang mabisa bilang mga ministro ng Diyos, at kanilang itinuturing na ang pag-aaral ay isang tulong tungo sa layuning iyan. Kaya karaniwan nang ang pinipili nila’y mga kurso na mapapakinabangan sa pagtustos sa kanilang sarili sa modernong daigdig. Kaya naman, marami ang kumukuha ng bokasyonál na mga kurso o nag-aaral sa isang paaralang bokasyonál. Pagka sila’y nakatapos na ng pag-aaral ibig nila na makakuha ng trabaho na nagbibigay sa kanila ng panahon upang maibuhos ang kanilang lakas sa kanilang pangunahing bokasyon, ang ministeryong Kristiyano.”
23. Bakit hindi dapat na maging mahirap para sa mga kabataang Kristiyano na sagutin ang tanong na, Ano ang gagawin ko sa aking buhay?
23 Para sa inyo na talagang nagpapahalaga sa nagawa sa inyo ng Diyos na Jehova at ng kaniyang Anak, hindi dapat maging mahirap sagutin ang tanong na, Ano ang gagawin ko sa aking buhay? Sa halip na mamuhay para sa iyong sarili at sa pagpapasasa sa kalayawan, gagamitin mo ang iyong buhay upang gawin ang kalooban ng Diyos. Ikaw ay mamumuhay, gaya ng ginawa ni Timoteo, na gaya ng taong espirituwal.
Mga Tanong sa Repaso
◻ Bakit para sa mga tunay na Kristiyano ay hindi nila dapat unahin sa buhay ang makasanlibutang karera?
◻ Anong maling payo ang ibinigay ng iba, subalit ano ang matututuhan natin sa sagot ni Jesus kay Pedro?
◻ Paano nagbigay si Jesus at si Timoteo ng mainam na parisang modelo para sa mga kabataan?
◻ Ano ang nasasangkot sa pagiging isang tao na may espirituwal na kaisipan?
-
-
Mga Kabataan—Kayo ba’y Maunlad sa Espirituwal?Ang Bantayan—1987 | Agosto 15
-
-
Mga Kabataan—Kayo ba’y Maunlad sa Espirituwal?
“Bulaybulayin mo ang mga bagay na ito; tumalaga kang lubos sa mga ito, upang ang iyong pagsulong ay mahalata ng lahat ng tao.”—1 TIMOTEO 4:15.
1, 2. Ano ang ibig sabihin, at ang hindi ibig sabihin, ng pagiging maunlad sa espirituwal?
ANO ba ang ibig sabihin ng maging maunlad sa espirituwal? Ang ibig sabihin ay ang pagiging katulad ng kabataang si Jesus at si Timoteo, na ang inuna sa kanilang buhay ay mga espirituwal na kapakanan. Kung ikaw ay maunlad sa espirituwal, malalaman mo kung ano ang ibig mong gawin sa iyong buhay. Hindi ka magsasabi: ‘Ako’y magsisimulang mag-isip ng seryoso tungkol sa paglilingkod kay Jehova pagka ako’y nagkaedad-edad na.’ Hindi, ikaw ay maglilingkod sa kaniya ngayon!
2 Sa kabilang dako, ang pagiging maunlad sa espirituwal ay hindi ibig sabihin ang pagtulad sa isang monghe, pangangalandakan ng relihiyon, o kaya’y ang pagiging malabis sa pagkahilig sa pagbabasa; hindi rin ito nangangahulugan ng pagiging malungkutin, pormal, at hindi kailanman dumadalo sa mga sosyal na mga pagtitipon. (Juan 2:1-10) Si Jehova ay isang maligayang Diyos, at ibig niya na ang kaniyang makalupang mga anak ay maging maligaya. Kaya ang katamtamang paglahok sa sports o mga laro at iba pang mga libangan ay sinasang-ayunan naman ng Diyos.—1 Timoteo 1:11; 4:8.
Pinatutunayan ng Bautismo
3. Kailan malamang na nabautismuhan si Timoteo?
3 Ang paghahanda para sa bautismo at pagpapabautismo ay mga katunayan na ang isang kabataan ay maunlad sa espirituwal. Kung, gaya ng binanggit na, si Timoteo’y isa pa ring tin-edyer nang siya’y makasama ni apostol Pablo sa pagmimisyonero, si Timoteo ay malamang na nabautismuhan nang siya’y nasa kalagitnaan o pagsisimula ng pagkatin-edyer. Siya’y tinuruan sa Kasulatan sapol sa pagkasanggol, at nang siya’y masangkapan na ng sapat na kaalaman at pagpapahalaga, siya’y hindi nag-atubili na pabautismo.—2 Timoteo 3:15.
4. Ano ang itinanong kay Felipe, at bagaman noo’y hindi pa natatagalang nakikilala ng nagtanong si Kristo, bakit pinagbigyan ni Felipe ang kaniyang kahilingan?
4 Kumusta naman kayo na mga tin-edyer na naturuan sa Kasulatan? Inyo bang pinag-isipan ang tanong na: “Ano ba ang humahadlang sa akin sa pagpapabautismo?” Noong unang siglo, iyan ay itinanong ng isang tao na malaki ang kaalaman sa Kasulatan subalit noo’y hindi pa natatagalang nakikilala niya si Kristo. Totoo, hindi alam ng taong iyon ang lahat na kailangang malaman tungkol sa mga layunin ng Diyos, gayunman ay pinakilos siya ng matinding pagpapahalaga sa kaalaman na taglay niya noon! Kung gayon, ang alagad na si Felipe ay walang matuwid na dahilan na hindi siya bautismuhan.—Gawa 8:26-39.
5. Ano ang kailangan upang ikaw ay mabautismuhan?
5 Ano ba ang humahadlang sa iyo sa pagpapabautismo? Upang maging kuwalipikado, sabihin pa, kailangan na naiintindihan mo ang nasasangkot. Talagang kailangan na ibig mong maglingkod kay Jehova dahil sa iniibig mo siya. Kailangan din na gumawa ka ng isang personal na pag-aalay sa kaniya kasabay ng panalangin. Isa pa, kailangan na sumusunod ka sa moral na mga kahilingan ng Diyos at may sapat na karanasan na sa pamamahagi sa iba ng iyong pananampalataya. Kung ikaw ay kuwalipikado na, kailangan na masubaybayan mo iyon at pabautismo ka.—Mateo 28:19, 20; Gawa 2:38.
6. Sa ano maihahambing ang bautismo, at pagkatapos ay ano ang kailangan?
6 Bagaman ang pagpapabautismo ay katunayan na ikaw ay maunlad sa espirituwal, tandaan na ang bautismo ay isa lamang panimulang hakbang. Sa pamamagitan ng pag-aalay ng sarili kay Jehova, ikaw ay nagiging isang tagaibang-bayan sa matandang sanlibutang ito na pinaghaharian ni Satanas. Samakatuwid ang pag-aalay ay maihahambing sa pag-aaplay para sa buhay na walang-hanggan sa bagong sistema ng Diyos, at ang pormal na seremonya ng bautismo ay, sa katunayan, isang demonstrasyon sa harap ng mga saksi na nagpapatunay nito. (Juan 12:31; Hebreo 11:13) Pagkatapos ay kailangang mamuhay ka ayon sa iyong pag-aalay upang tanggapin mo ang kaloob ng Diyos na buhay na walang-hanggan.—Roma 6:23.
Pinatutunayan ng Asal
7. Ano ang kaugnayan ng iyong saloobin sa mga bagay ng sanlibutan at ng iyong espirituwal na kaunlaran?
7 Ang pagiging maunlad o hindi maunlad sa espirituwal ay pinatutunayan din ng iyong saloobin tungkol sa mga bagay ng sanlibutan. Anong mga bagay? Kasali na roon ang isang istilo ng buhay na libreng-libre, pagkasugapa sa droga, libre sa sekso, imoral na mga sine, mahahalay na musika, masasagwang pananalita, malibog na pagsasayaw, pagmamataas dahil sa lahi at bansa, at iba pa. (1 Juan 2:16; Efeso 5:3-5) Ang kabataan, lalo na, ang kailangang maging mapagbantay. Tandaan, ang iyong ginagawi tungkol sa ganiyang mga bagay ang magpapakilala ng kalagayan ng iyong espirituwal na kalusugan.—Kawikaan 20:11.
8. Bakit ang mga ibang kabataan ay nag-aatubiling pabautismo?
8 Pinapangyayari ni Satanas na ang imoral na mga lakad ng sanlibutan ay magtinging lubhang kaakit-akit. Sa katunayan, isang 15-anyos ang nagsabi: “Mientras napapanood natin ang pagbibilad ng sekso at pagkasugapa sa mga droga sa TV, lalo namang nagiging normal iyon sa lipunan.” Ipinadarama sa mga kabataan na hindi nakikisali sa mga lakad ng sanlibutan na sila’y mga kakatwa at na pinalalampas nila ang pagkakataon na lumigaya. Ganiyan ba ang iyong nadarama? Ang ibang kaugnay sa kongregasyon ay nakadarama ng ganiyan, at sila’y hindi makapagpasiya. Nang tanungin tungkol sa pagpapabautismo, isang kabataan ang nagsabi: ‘Hindi ko ibig iyan ngayon sapagkat baka ako makagawa ng isang bagay na maging dahilan ng pagkatiwalag ko.’ Datapuwat ikaw ay hindi maaaring lumagay sa alanganin o mag-urong-sulong sa dalawang magkaibang opinyon. Ang propeta ng Diyos ay nagsabi minsan: “Kung si Jehova ang tunay na Diyos, sundin ninyo siya; ngunit kung si Baal, sundin ninyo siya.”—1 Hari 18:21.
9. Anong proteksiyon ang natatamo dahil sa pagiging maunlad sa espirituwal?
9 Ang totoo, sa pag-iwas sa imoral na mga lakad ng sanlibutan, ang nawawala sa iyo ay katakut-takot na mga suliranin. “Ako’y nakadama ng malaking pagbabago at matinding pagsisisi dahil sa pamumuhay ko noon,” ang pagtatapat ng isang babae. “Naging murang-mura ako at dinaya ko ang aking sarili at ang sanggol na aking ipinaglihi.” Oo, ang akala mo na kaningningan at kislap ng sanlibutan ng Diyablo ay isa lamang palang guniguni, isang pandaraya. Ito’y walang anumang kabuluhan. Ang paglakad sa daan ng sanlibutan ay hahantong sa pag-aanak sa pagkadalaga, sa watak-watak na mga tahanan, sa mga sakit na likha ng pagtatalik, at napakaraming kabiguan at kaabahan sa buhay. Kaya pakinggan ang payo, maging maunlad sa espirituwal. “Lumayo ka sa masama at gawin mo ang mabuti.”—1 Pedro 3:11.
10. Anong payo at kaninong mga halimbawa ang susundin ng isang kabataan na maunlad sa espirituwal?
10 Ang isang maunlad sa espirituwal na kabataan ay makikinig sa payo ni apostol Pablo: “Magpakasanggol kayo sa kasamaan; gayunma’y sa kapangyarihang umunawa ay magpakatao kayong lubos.” (1 Corinto 14:20) Ang kabataang si Timoteo ay tunay na nagkapit ng payong ito. Maguguniguni mo ba siya na nakikipagbarkada sa mahahalay, makasanlibutang mga kabataan noong kaniyang kaarawan? Hinding-hindi! Ang kaniyang mga kasama ay mga kapuwa lingkod ng Diyos. (Kawikaan 13:20) Tularan ang kaniyang halimbawa. Sakaling ikaw ay halos mahuhulog na sa paggawa ng anumang kuwestiyunableng gawain, tanungin ang iyong sarili: Ito kaya’y gagawin ni Timoteo o ni Jesus?
Pinatutunayan ng Pag-aaral ng Bibliya
11. Anong pangitain ang wala ang kabataan ng sanlibutan, at paano ito natatamo at napananatili?
11 Isang artikulo buhat sa Italya at inilathala sa World Press Review ang nagsasabi: “Ang kahibangan at kawalang pag-asa ng mga kabataan ay lumulubha sa araw-araw, at walang sinuman na makapaghahandog sa kanila ng isang kasiya-siyang kinabukasan.” Ang binulag na mga mata ng mga nasa sanlibutan ni Satanas ay walang pangitain ng ipinangakong bagong sanlibutan ng Diyos at ng maningning na kinabukasan na naghihintay sa mga magiging kuwalipikado na magtamo ng buhay doon. (2 Corinto 4:4; Kawikaan 29:18; 2 Pedro 3:13) Subalit ang maunlad sa espirituwal na mga kabataan ay mayroong gayong pangitain na napananatiling maliwanag at malinaw sa pamamagitan ng regular na pag-aaral ng Bibliya.
12. (a) Paano natin dapat pagsumikapang kamtin ang kaalaman sa Diyos? (b) Bakit ang kaalamang ito ay sulit sa ating pagpapagal?
12 Ang bagong sanlibutan ba ng Diyos ay tunay sa iyo? Maaaring magkagayon, subalit upang makamit iyon ay kailangan ng tunay na pagsusumikap sa ganang iyo. Kailangang paunlarin mo ang isang matalas na panlasa para sa pag-unawa sa Bibliya na anupa’t “iyong patuloy na hinahanap ito na gaya ng pilak, at gaya ng natatagong kayamanan ay patuloy na nagsasaliksik ka para matamo ito.” (Kawikaan 2:1-6) Ano’t ang isang naghahanap ng kayamanan ay patuloy na naghahanap at naghuhukay, kung minsan ay sa loob ng maraming taon? Siya ay may maalab na hangarin na makamit ang kayamanan na idudulot sa kaniya niyaon. Gayunman ang kaalaman ay makapupung higit kaysa materyal na kayamanan. “Ito’y nangangahulugan ng buhay na walang-hanggan,” ang sabi ni Jesus, “ang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at tungkol sa isa na iyong sinugo, si Jesu-Kristo.” (Juan 17:3) Kung talagang naniniwala ka sa sinabi noon ni Jesus, ang pag-aaral sa Bibliya ay lubhang pananabikan mo at magdudulot sa iyo ng kagantihan na lalong mahalaga kaysa mahalagang mga hiyas.—Kawikaan 3:13-18.
13. Anong mga mungkahi sa pag-aaral ang susundin ng maunlad sa espirituwal na mga kabataan?
13 Matutuklasan mo na mientras ikaw ay nag-aaral, lalo namang magkakagana ka sa espirituwal na pagkain. Matuto ka ng mabubuting pamamaraan ng pag-aaral. Ang gagawin mo’y hindi lamang ang pagsasalangguhit sa mga sagot, kundi basahin mo pa rin ang mga teksto sa Bibliya na hindi sinipi kundi binanggit lamang, at pagkatapos ay magpatuloy ka ng pagbabasa ng kaugnay na mga teksto sa tulong ng cross-references. Makagagawa ka rin ng karagdagang pananaliksik na ang ginagamit ay mga indese, tulad baga ng Watch Tower Publications Index 1930-1985. Pag-aralan mo kung paano kumakapit ang materyal at kung paano magagamit ito. Makipag-usap ka sa iba tungkol sa iyong pinag-aaralan. Ito’y magkikintal ng mga punto sa iyong isip at magsisilbing pampatibay-loob sa iba upang magsaliksik din. Sa talagang pagkakapit niyaon sa iyong sarili, pinakikinggan mo ang payo na ibinigay sa kabataang si Timoteo: “Bulaybulayin mo ang mga bagay na ito; tumalaga kang lubos sa mga ito, upang ang iyong pagsulong ay mahalata ng lahat ng tao.”—1 Timoteo 4:15; 2 Timoteo 2:15.
Ipinakikita sa mga Pulong at sa Paglilingkod
14. Ano ang tumutulong upang ang mga pulong Kristiyano ay maging lalong kalugud-lugod, at paano mo mapatitibay-loob ang iba samantalang dumadalo?
14 Pagka ikaw ay nasisiyahan sa pag-aaral ng Bibliya at naghandang mainam, ang mga pulong Kristiyano ay nagiging lalong kalugud-lugod. (Awit 122:1; Hebreo 2:12) Ngayon inaasam-asam mo na higit pang makasali sa pakikibahagi ng mga tagapakinig at sa pagbibigay ng mga pahayag sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro. Subalit sa pagdalo sa mga pulong, mayroon pang mga ibang paraan upang tupdin ang tagubilin na ‘kayo’y mapalakas-loob sa isa’t isa’ at “mag-udyukan sa pag-iibigan at sa mabubuting gawa.” (Hebreo 10:24, 25) Halimbawa, ikaw ba ay nagkukusa ng pakikipag-usap sa iba? Isang palakaibigang, “Kumusta po, ako’y nagagalak na makita kayo!” o isang taimtim na pagtatanong, “Ano po ang pakiramdam ninyo?” ay maaaring lubhang nakapagpapasigla sa isa, lalo na kung iyon ay nanggagaling sa isang kabataan.
15. Paano mo maihahandog ang iyong sarili para sa kinakailangang mga paglilingkod, at bakit mabuti na laging isaisip ang halimbawa ni Kristo?
15 Isang malaking trabaho ang magpaandar ng isang kongregasyon. Puwede ka bang tumulong? Malamang, ang kabataang si Timoteo ay gumawa ng maraming nakatutulong na mga paglilingkod kay Pablo—siya’y inutusan kung saan-saan, namili siya ng mga panustos, naghatid ng mga mensahe, at iba pa. Kung hindi ka pa nagkakaroon ng gayong pagkakataon, bakit hindi mo banggitin sa matatanda ang pananabik mo na makatulong. Baka hilingin sa iyo na ipamahagi mo ang mga atas sa pulong, maglinis ka sa bulwagan, o gumawa ng iba pang kinakailangang paglilingkod. Tandaan, hinugasan ni Kristo ang mga paa ng kaniyang mga alagad, kaya’t walang trabaho na alangan sa sinuman na maunlad sa espirituwal.—Juan 13:4, 5.
16. Anong aktibidad ang kinilala ng isang peryodikong Katoliko bilang isang pananagutang Kristiyano?
16 Kung pinagmamasdan natin ang mga ibang relihiyon, tunay na maipagpapasalamat natin ang pagsasanay na tinatanggap natin sa ating mga pulong para sa pinakamahalagang gawaing pangangaral. Sa kaniyang isinulat sa U.S. Catholic noong nakaraang Setyembre, sinabi ni Kenneth Guentert: “Ako’y lumaki noong mga kaarawan na ang mga Katoliko’y binabawalan na magbasa ng Bibliya dahil sa nagkakaroon sila ng kakatwang mga ideya—tulad baga ng pag-aakala na ang mga Kristiyano’y dapat tumuktok sa bahay-bahay upang mangumberte ng mga tao. Pagkatapos ay dumating naman ang Vatican II, at ako’y nagsimulang magbasa ng Bibliya. At talaga naman; ang palagay ko ngayon ay na dapat maglibot ang mga Kristiyano at tumuktok sa mga pintuan upang mangumberte ng mga tao.” Isinusog pa niya: “Alam ninyo, hindi sa bagay na gusto ko ang ideyang iyan; kundi dahil sa pagka binasa mo ang Bagong Tipan, halos imposible na maiwasan ang ganitong konklusyon.”—Mateo 10:11-13; Lucas 10:1-6; Gawa 20:20, 21.
17. Paanong ang ministeryo ay magiging lalong kalugud-lugod para sa iyo?
17 Oo, ang mga sinaunang Kristiyano ay aktibo sa pangangaral sa bahay-bahay, at maliwanag na ang mga kabataan na katulad ni Timoteo ay kalahok din sa ministeryo kasama ng mga nakatatanda. Subalit, aaminin natin na, para sa mga iba sa ngayon ito’y hindi siyang pinakakasiya-siyang gawain. Bakit hindi? Ang kasanayan ay isang salik. Halimbawa, kung mahusay ka sa isang laro o sa isang sport, hindi baga lalong higit na nasisiyahan ka roon? Ganoon din kung tungkol sa ministeryo. Habang ikaw ay nagiging lalong sanay sa paggamit ng Bibliya at sa pagtalakay sa mga paksa ng Bibliya, ang ministeryo ay magdudulot ng kaluguran, lalo na kung makasumpong ka ng isang tao na maaari mong bahaginan ng kaalamang nagbibigay-buhay. Kaya’t maging maunlad sa espirituwal! Magsanay ka sa iyong presentasyon sa bahay-bahay. Kumuha ka sa iba ng mga mungkahi. Manalangin ka kay Jehova na tulungan ka.—Lucas 11:13.
Sa Pamamagitan ng mga Kaugnayan sa mga Nakatatanda
18. Anong uri ng mga kaugnayan ang tinamasa ni Jesus at ni Timoteo sa pakikisalamuha sa mga nakatatanda?
18 Nang siya’y isa lamang bata na 12 anyos, si Jesus ay naligayahan ng pakikisalamuha sa mga nakatatanda, na tumalakay ng espirituwal na mga bagay. Minsan “nasumpungan siya sa templo [ng kaniyang mga magulang], na kung saan nakaupo siya sa gitna ng mga guro at nakikinig sa kanila at nagtatanong sa kanila.” (Lucas 2:46) Ganoon din kung tungkol kay Timoteo. Nang si apostol Pablo at ang kaniyang mga kasama’y dumalaw sa Listra, maliwanag na si Timoteo’y naligayahan ng pakikisalamuha sa kanila at nakinig na mabuti sa kanilang mga turo. Mahusay ang pakikitungo niya sa lokal na mga kapatid na maganda ang rekomendasyon tungkol sa kaniya.—Gawa 16:1-3.
19. Bakit lalong higit na gusto ni Pablo si Timoteo bilang isang kasama sa paglalakbay, at paanong isang malaking tulong si Timoteo?
19 Bagama’t si Timoteo ay kusang nagsagawa ng pisikal na mga serbisyo para sa iba, siya’y pinili ni Pablo bilang isang kasama sa paglalakbay lalong higit dahil sa kaniyang kakayahan na maglingkod sa espirituwal na mga pangangailangan ng mga tao. Kaya naman, nang isang pangkat ng mang-uumog ang nagtaboy kay Pablo upang lumisan sa Tesalonica, kaniyang isinugo ang kabataang si Timoteo upang kaniyang aliwin at palakasin ang mga bagong alagad. Samakatuwid si Timoteo ay hindi lamang sabik na matuto sa mga nakatatanda at nasisiyahan siya sa kaniyang pakikisalamuha sa kanila; siya’y nagbibigay rin sa kanila ng tunay na tulong sa espirituwal.—Gawa 17:1-10; 1 Tesalonica 3:1-3.
20. Ano ang may karunungang gagawin mo, at anong paglilingkod ang magagawa mo para sa matatanda na?
20 Ikaw ay magiging marunong kung tutularan mo si Jesus at si Timoteo at ikaw ay handang makinabang buhat sa karanasan at kaalaman ng mga nakatatanda. Makisalamuha ka sa kanila at tanungin sila ng mga katanungan. Subalit ipakita mo rin ang iyong kaunlaran sa espirituwal sa pamamagitan ng pagtulong sa kanila. Mayroon bagang mga matatanda na o mga masasakitin na nagpapasalamat kung sila’y ipamímilí mo o gagawan mo sila ng iba pang kailangang mga paglilingkod? Baka ang kailangan lamang ay dalawin mo sila, basahan mo sila, at kuwentuhan mo ng iyong mga karanasan sa ministeryo.
Ang Bahagi ng mga Magulang at ng mga Iba Pa
21. Gaanong kahalaga ang mga magulang sa bahaging ginagampanan nila, at ano ang hindi kalabisang sabihin?
21 Ang espirituwal na kalusugan ng mga kabataan ay nakasalalay ang malaking bahagi sa turo at halimbawa na tinatanggap nila sa kanilang mga magulang. (Kawikaan 22:6) Tiyak na si Jesus ay nakinabang sa pag-akay na ginawa sa kaniya ng kaniyang makalupang mga magulang na may takot sa Diyos. (Lucas 2:51, 52) At tunay naman na si Timoteo’y hindi naging ang maunlad sa espirituwal na kabataan kung hindi sa pagsasanay na ginawa sa kaniya ng kaniyang ina at lola. (2 Timoteo 1:5; 3:15) Ang kahalagahan ng regular na pagtuturo ng Bibliya ay hindi isang kalabisan na sabihin! Bilang mga magulang, naglalaan ba kayo nito? O ito ba’y napapabayaan?
22. (a) Pagka itinuring ng mga magulang na mahalaga ang pampamilyang pag-aaral sa Bibliya, paano apektado ang mga anak? (b) Sa anong tunguhin dapat akayin ng mga magulang ang kanilang mga anak?
22 Isang lalaking kabataan sa pandaigdig na punung-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova ang nagpapaliwanag na sa loob ng mga taon na siya’y lumalaki, ang hindi nababagong bahagi ng kanilang buhay pampamilya ay ang lingguhang pakikipag-aral ng Bibliya sa mga anak. “Kung minsan si Itay ay totoong pagod na pagod pagkagaling sa trabaho na anupa’t nahihirapan siyang manatiling gising, subalit sa kabila niyaon ay ipinagpapatuloy ang pag-aaral, at ito ang tumulong sa amin na makilala ang totoong kahalagahan nito.” Mga magulang, malamang na ang inyong mga anak ay hindi lubhang magpapahalaga sa espirituwal na mga bagay kung kayo’y hindi nagpapahalaga roon. Kaya akayin sila sa tunguhin na pagpapayunir at sa pagmimisyonero at sa paglilingkod sa Bethel. Tulungan sila na pahalagahan ang bagay na ang ministeryo ay isang karera na may kinabukasan at na walang tunay na kinabukasan sa makasanlibutang mga karera.—Ihambing ang 1 Samuel 1:26-28.
23. Paanong ang mga iba na nasa kongregasyon ay makatutulong sa kabataan upang maging maunlad sa espirituwal?
23 Ang iba, rin naman, ay makatutulong sa mga kabataan upang maging maunlad sa espirituwal. Maaaring maging tunguhin mo ang makipag-usap sa kanila sa mga pulong. At, sikaping isali sila sa ilan sa iyong mga aktibidades. Sa kapahintulutan ng magulang, maaaring magsaayos ang isang matanda na isama ang isang kabataan kung siya’y naatasang magpahayag o isali siya sa pamamasyal o ekskursiyon. (Job 31:16-18) Ang waring isang munting bagay ay maaaring magdulot ng malaking kabutihan. Isang naglalakbay na tagapangasiwa, nang mapansin niya na isang batang lalaki na nakikinig sa kaniyang pahayag ay walang Bibliya, ang pagkatapos ay nagregalo sa batang iyon ng isang Bibliya. Ang bata ay natuwang mainam hindi lamang dahil sa regalo kundi rin naman sa ipinakitang interes sa kaniya. Nang makalipas ang 30 taon, nang ang batang iyon ay isa nang elder, nagugunita pa niya nang may pagmamahal ang ipinakita sa kaniya ng kapatid na iyon na kagandahang loob.
24. Ano ang totoong nakagagalak matalos, at ano ang dapat na determinado tayong gawin?
24 Hindi baga totoong nakagagalak na matalos na mayroong daan-daang libong “mga kabataang lalaki na sadyang kagaya ng mga patak ng hamog” na naghahayag ng nakarirepreskong mensahe ng Kaharian at na mayroong humigit-kumulang isang katumbas na bilang ng mga kabataang babae na bumubuo ng ‘isang malaking hukbo na naghahayag ng mabuting balita’? Harinawang silang lahat ay magsumikap na maging maunlad sa espirituwal, at harinawang tayong lahat ay tumulong sa kanila para matamo iyan.—Awit 110:3; 68:11.
Mga Tanong sa Repaso
◻ Ano ang makatutulong sa isang kabataan na magpasiya kung kailan siya pababautismo?
◻ Paanong ang asal ng isang kabataan ay isang panukat sa kaniyang maunlad na espirituwalidad?
◻ Ano ang makatutulong sa mga kabataan na masiyahan sa mga pulong at sa paglilingkod sa larangan?
◻ Anong relasyon ang dapat paunlarin ng mga kabataan sa kanilang pakikitungo sa mga nakatatanda?
◻ Paano matutulungan ng mga magulang at ng mga nakatatanda ang mga kabataan?
-