Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Mag-ingat sa Pagpaparatang ng Maling Motibo
    Ang Bantayan—1997 | Mayo 15
    • Mag-ingat sa Pagpaparatang ng Maling Motibo

      MARIING tinuligsa ng isang prominenteng ebanghelista sa telebisyon ang isang kapuwa mangangaral dahil sa pangangalunya. Ngunit sa loob lamang ng isang taon, ang nag-aakusang ebanghelista ay nahuling kasama ng isang babaing nagbibili ng aliw.

      Sa isa pang kaso, nagpadala ng mga sugo ang isang nangungunang kapangyarihang pandaigdig upang pag-usapan ang kapayapaan sa pagitan ng mga nagdidigmaang pangkat. Samantala, ang bansa ring ito ay palihim na nagpadala ng mga tagapagbenta nito ng mga armas sa mga ibang bansa upang maglako ng mga sandatang nagkakahalaga ng bilyun-bilyong dolyar.

      Yamang totoong palasak ang tahasang pagpapaimbabaw, nakapagtataka ba kung bakit ang pagtitiwala ay halos napalitan na ng pagdududa? Para sa marami, ang paghihinala sa motibo ng iba ay naging kaugalian na.

      Bilang mga Kristiyano, dapat nating ingatan na ang gayong saloobin ay hindi makaapekto sa ating kaugnayan sa tapat na mga kapananampalataya. Bagaman hinimok tayo ni Jesu-Kristo na maging “maingat gaya ng mga serpiyente” samantalang nasa gitna ng ating mga kaaway, hindi niya sinabi na dapat tayong maghinala sa kaniyang tunay na mga tagasunod. (Mateo 10:16) Kaya, ano, kung gayon, ang mga panganib sa pagpaparatang ng maling motibo sa iba? Sa anu-anong larangan dapat na lalo tayong maging maingat upang maiwasan ang gayong hilig? At paano natin maiingatan ang ating napakahalagang kaugnayan sa mga kapuwa Kristiyano?

      Isang Aral Mula sa Nakalipas

      Ang pagpaparatang ng maling motibo sa iba nang walang makatuwirang dahilan ay katumbas ng paghatol sa kanila. Iyon ay para bang ipinapasiya na natin na ang kanilang sinasabi at ginagawa ay panlilinlang lamang upang maitago ang isang bagay na baluktot at masama. Malimit na ang tunay na suliranin ay ang maling pangmalas sa mga bagay-bagay, gaya ng makikita sa ulat ng Bibliya na masusumpungan sa Josue kabanata 22.

      Natapos na ng mga Israelita ang kanilang pananakop sa Lupang Pangako at katatanggap lamang ng mga teritoryo ng kanilang tribo. Ang mga tribo nina Ruben at Gad at ang kalahating tribo ni Manases ay nagtayo ng isang altar na “lubhang kapansin-pansin” sa tabi ng Ilog Jordan. May pagkakamaling inakala ng ibang mga tribo na ito ay isang gawang apostasya. Ipinagpalagay na gagamitin ng tatlong tribo ang malaking istrakturang ito para sa paghahain sa halip na pumunta sa tolda ng pagpupulong na nasa Shilo, na siyang itinalagang dako sa pagsamba. Karaka-raka, ang nag-aakusang mga tribo ay naghanda para sa aksiyong militar.​—Josue 22:10-12.

      Nakabuti naman sa kanila na sila’y nakipagtalastasan sa kanilang mga kapatid na Israelita sa pamamagitan ng pagsusugo ng isang opisyal na delegasyon na pinangungunahan ni Finehas. Nang marinig ang paratang na kawalang-katapatan, rebelyon, at apostasya laban kay Jehova, ang mga tribong inaakalang nagkasala ay nagpaliwanag ng kanilang layunin sa napakalaking altar na ito. Sa halip na isang altar para sa hain, ito ay ginawa upang “maging saksi” sa pagkakaisa ng mga tribo ng Israel sa pagsamba kay Jehova. (Josue 22:26, 27) Ang delegasyon ay nasisiyahang umuwi dahil sa walang anumang lihis sa kanilang mga kapatid. Kaya naiwasan ang isang gera sibil at kahila-hilakbot na pagdanak ng dugo.

      Tunay na isang aral para sa atin na huwag kailanman padalus-dalos sa pagpaparatang ng maling motibo sa iba! Malimit na ang waring totoo sa bahagyang pagmamasid ay nasusumpungang lubhang naiiba sa mas masusing pagsusuri. Totoo ito sa maraming pitak ng buhay ng isang Kristiyano.

      Ang Pangmalas Natin sa Matatanda

      Sa pagganap ng kanilang mga pananagutan na “magpastol sa kongregasyon ng Diyos,” kung minsan ay kinakailangang payuhan ng matatanda ang iba’t ibang indibiduwal sa kongregasyon. (Gawa 20:28) Halimbawa, paano tayo kikilos kung kausapin tayo ng isang matanda tungkol sa ating mga anak may kinalaman sa mga bagay tulad ng masasamang kasama o di-wastong paggawi sa isang di-kasekso? Iniisip ba natin na mayroon siyang lihim na motibo at sinasabi natin sa ating sarili, ‘Hindi niya kailanman nagustuhan ang aming pamilya’? Kung hahayaan nating maimpluwensiyahan tayo ng gayong damdamin, baka magsisi tayo sa bandang huli. Maaaring nanganganib ang espirituwal na kapakanan ng ating mga anak, at dapat nating pahalagahan ang nakatutulong na payo mula sa Kasulatan.​—Kawikaan 12:15.

      Kapag pinapayuhan tayo ng isang matanda sa kongregasyon, huwag tayong maghanap ng nakatagong motibo. Sa halip, itanong sa ating sarili kung may paraan kaya para makinabang tayo sa kaniyang salig-sa-Bibliyang payo. Sumulat si apostol Pablo: “Totoo, walang disiplina ang waring sa kasalukuyan ay nakagagalak, kundi nakapipighati; gayunman pagkatapos doon sa mga nasanay nito ay nagluluwal ito ng mapayapang bunga, alalaong baga, katuwiran.” (Hebreo 12:11) Kaya tayo’y magpasalamat at makatuwirang pag-isipan ang mga bagay-bagay. Tandaan na kadalasang mahirap din para sa matatanda na payuhan tayo kung paanong mahirap para sa atin na tanggapin ito.

      Damdamin sa mga Magulang

      Kapag napaharap sa ilang paghihigpit ng magulang, pinag-aalinlanganan ng ilang kabataan ang motibo ng kanilang mga magulang. Baka sabihin ng ilang kabataan: ‘Bakit naman gumagawa ng napakaraming alituntunin ang aking mga magulang? Tiyak na hindi nila gustong masiyahan ako sa buhay.’ Subalit, sa halip na mag-isip nang gayon, kailangang suriing mabuti ng mga kabataan ang situwasyon.

      Maraming taon ang ginugol ng mga magulang sa pag-aalaga sa kanilang mga anak. Malaking sakripisyo ang naging kapalit nito sa materyal at sa ibang paraan. May dahilan kaya upang isiping determinado sila ngayon na gawing miserable ang buhay ng kanilang tin-edyer na mga anak? Hindi ba mas makatuwirang isipin na pag-ibig ang nag-uudyok sa mga magulang na ito na ipagsanggalang ang kanilang mga anak at pangalagaan sila? Hindi ba ang gayunding pag-ibig ang magpapakilos sa kanila na maglagay ng ilang pagbabawal sa kanilang mga anak, na ngayo’y napapaharap sa mga bagong hamon sa buhay? Tunay namang isang kawalang-kabaitan at kawalang-utang-na-loob na magparatang ng maling motibo sa mapagmahal na mga magulang!​—Efeso 6:1-3.

      Ang Ating Saloobin sa mga Kapuwa Kristiyano

      Marami ang mahilig na patiunang humatol sa iba at uriin sila. Paano kung tayo mismo ay may gayong saloobin at medyo mapaghinala sa ilang tao? Maaari kayang naiimpluwensiyahan tayo ng sanlibutan sa bagay na ito?

      Halimbawa, sabihing isa sa ating espirituwal na mga kapatid ang may magandang tahanan at mamahaling kotse. Agad-agad ba tayong magsasabi na siya ay isang materyalistiko na hindi inuuna ang kapakanan ng Kaharian sa kaniyang buhay? May ilang Kristiyano na nakapagtatamasa ng maiinam na bagay, ngunit hindi ito nangangahulugan na mayroon silang masamang motibo o kaya’y hindi ‘hinahanap muna ang kaharian.’ Baka naman abalang-abala sila sa espirituwal na mga gawain, anupat bukas-palad na ginagamit ang kanilang materyal na kayamanan upang itaguyod ang kapakanan ng Kaharian, marahil sa isang di-kapansin-pansing paraan.​—Mateo 6:1-4, 33.

      Ang unang-siglong kongregasyong Kristiyano ay binubuo ng iba’t ibang uri ng tao​—mayayaman at mahihirap. (Gawa 17:34; 1 Timoteo 2:3, 4; 6:17; Santiago 2:5) Hindi sinusuri ng Diyos ang mga tao batay sa kanilang kakayahan sa pananalapi, at hindi rin naman natin dapat na gawin ang gayon. Dapat nating ibigin ang ating subók at tapat na mga kapananampalataya, anupat “walang anumang ginagawa ayon sa may-kinakampihang pagkiling.”​—1 Timoteo 5:21.

      Sa sanlibutang ito na nasa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, maraming anyo ang pag-uuri at paghihinala. Halimbawa, ang isang tao ay maaaring malasin na marahas o materyalistiko dahil lamang sa kaniyang pinagmulan. Subalit bilang mga Kristiyano, hindi tayo dapat na maging biktima ng gayong saloobin. Ang organisasyon ni Jehova ay hindi dako para sa pagkapanatiko at paghihinala. Kailangang tularan ng lahat ng tunay na Kristiyano ang Diyos na Jehova, na sa kaniya ay “walang kalikuan o pagtatangi.”​—2 Cronica 19:7; Gawa 10:34, 35.

      Nagaganyak ng Pag-ibig

      Malinaw na sinasabi ng Kasulatan na “ang lahat ay nagkasala at nagkukulang sa kaluwalhatian ng Diyos.” (Roma 3:23) Kaya kailangan nating malasin ang ating mga kapuwa mananamba bilang kaisa natin sa pagsusumakit na mag-ukol ng kaaya-ayang paglilingkod kay Jehova. Kung hinayaan natin ang paghihinala o iba pang negatibong damdamin na makaapekto sa ating kaugnayan sa isang espirituwal na kapatid, manalangin tayo para sa tulong ng Diyos na madaig ang gayong saloobin upang hindi tayo mahulog sa silo ni Satanas. (Mateo 6:13) Kinumbinsi niya si Eva na si Jehova ay may masamang motibo, hindi nababahala sa kaniyang kapakanan, at nagkakait ng kalayaan na totoong magpapaligaya sa kaniya. (Genesis 3:1-5) Ang pagpaparatang natin ng maling motibo sa ating mga kapatid ay nagsisilbi sa kaniyang layunin.​—2 Corinto 2:11; 1 Pedro 5:8.

      Kung masumpungan nating may hilig tayo na magparatang ng maling motibo sa iba, isaalang-alang ang halimbawa ni Jesu-Kristo. Bagaman siya ang sakdal na Anak ng Diyos, hindi siya naghanap ng masamang motibo sa kaniyang mga alagad. Sa halip, hinanap ni Jesus ang mabubuti nilang katangian. Nang nagtatalo ang kaniyang mga alagad para sa isang prominenteng posisyon, hindi niya inakala na masama ang kanilang motibo at pinalitan sila ng 12 bagong apostol. (Marcos 9:34, 35) Palibhasa’y di-sakdal, maaaring sa paano man ay naimpluwensiyahan sila ng kultura ng apostatang Judaismo, na nagdiriin sa pagmamapuri at pagtatangi ng mga grupo. Batid ni Jesus na ang pangunahing nag-uudyok sa kaniyang mga tagasunod ay ang pag-ibig kay Jehova. Sa pagpapamalas ng gayong pag-ibig at sa pananatili kay Jesus, sila’y ginantimpalaan ng malaki.​—Lucas 22:28-30.

      Kung maghihinala tayo sa ating tapat na mga kapananampalataya, ito ay gaya ng pagtingin sa mga bagay-bagay sa pamamagitan ng depektibong salamin. Hindi natin makikita ang anumang bagay sa talagang anyo nito. Kaya tumingin tayo sa pamamagitan ng salamin ng pag-ibig. Sagana ang patotoo na minamahal tayo ng matapat na mga kapuwa Kristiyano at sila’y karapat-dapat sa ating may-kabaitang konsiderasyon. (1 Corinto 13:4-8) Kaya tayo ay magpakita sana ng pag-ibig at mag-ingat sa pagpaparatang ng maling motibo.

      [Larawan sa pahina 26]

      Paano mo minamalas ang iba na buong-katapatang sumasamba sa Diyos?

      [Larawan sa pahina 27]

      Isang maligayang pamilya ang mga Saksi ni Jehova dahil sa pagtitiwala at paggalang

  • ‘Sinusunod Nila ang Kanilang Relihiyosong Pagsasanay’
    Ang Bantayan—1997 | Mayo 15
    • ‘Sinusunod Nila ang Kanilang Relihiyosong Pagsasanay’

      IPINADALA ng isang babae buhat sa Miami, Florida, E.U.A., ang sumusunod na liham sa isang lokal na pahayagan: “Noong Dis. 10 ay nadukutan ng pitaka ang aking anak na lalaki sa isang talipapa. Naroroon ang kaniyang lisensiya sa pagmamaneho, kard sa Social Security, atb., gayundin ang $260.

      “Pagkatapos iulat sa manedyer ang nawala, umuwi na siya. Maaga nang gabing iyon ay nakatanggap siya ng isang tawag buhat sa isang babaing nagsasalita ng Kastila na, sa tulong ng opereytor [ng telepono] na gumaganap bilang tagapagsalin, nagsabi sa kaniya na natagpuan niya ang kaniyang pitaka.

      “Ibinigay ng babae ang kaniyang direksiyon . . . Ibinigay niya ang pitaka nito, na kumpleto pa, kalakip ang $260.

      “Nakita ng babae na dinukot ng magnanakaw ang pitaka ng lalaki at siya’y sumigaw. Binitiwan ng mandurukot ang pitaka at tumakbo. Nang sandaling iyon ay nawala na ang aking anak sa kaniyang paningin, kaya iniuwi niya ang pitaka at saka tumawag.

      “Siya at ang kaniyang pamilya ay mga Saksi ni Jehova. Maliwanag na sinusunod nila ang kanilang relihiyosong pagsasanay.”

      Hindi ipinamamalas ng mga Saksi ni Jehova ang pagkamatapat upang mapuri lamang ng mga tao. (Efeso 6:7) Sa halip, taimtim nilang hinahangad na magdulot ng kapurihan sa kanilang makalangit na Ama, si Jehova. (1 Corinto 10:31) Ang kanilang pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa ang nag-uudyok sa kanila na ipahayag ang “mabuting balita” tungkol sa Kaharian ng Diyos. (Mateo 24:14) Sa pamamagitan ng Kaharian, ipinangangako ng Diyos na babaguhin ang lupa upang maging isang magandang paraiso. Kung magkagayon ang lupa ay magiging isang dako hindi lamang ng pisikal na kagandahan kundi rin naman ng kahusayan sa moral na doo’y iiral magpakailanman ang pagkamatapat.​—Hebreo 13:18; 2 Pedro 3:13.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share