-
Aklat ng Bibliya Bilang 46—1 Corinto“Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
-
-
20. (a) Anong katibayan ang iniharap ni Pablo sa pagkabuhay-na-muli ni Kristo? (b) Papaano ang pagkasunud-sunod ng pagkabuhay-na-muli, at anong mga kaaway ang lilipulin?
20 Ang katiyakan ng pag-asa sa pagkabuhay-na-muli (15:1–16:24). Ang binuhay-muling Kristo ay napakita kay Cefas, sa 12, sa mahigit na 500 kapatid nang minsanan, kay Santiago, sa lahat ng apostol, at kahuli-hulihan kay Pablo. ‘Kung si Kristo’y hindi muling binuhay,’ ani Pablo, ‘walang silbi ang ating pangangaral at pananampalataya.’ (15:14) Bawat isa ay babangon ayon sa kaniyang ranggo, si Kristo na unang bunga, at saka sila na kaisa niya sa kaniyang pagparito. Sa wakas ay isasauli niya ang Kaharian sa Ama matapos ilagay sa ilalim ng kaniyang paa ang mga kaaway. Maging ang kamatayan, ang huling kaaway, ay lilipulin. Bakit isasapanganib ni Pablo ang kaniyang buhay kung wala rin lamang pagkabuhay-na-muli?
21. (a) Papaano ibabangon ang mga tagapagmana ng Kaharian ng Diyos? (b) Anong banal na lihim ang isiniwalat ni Pablo, at ano ang sinabi niya tungkol sa pananagumpay sa kamatayan?
21 Ngunit papaano bubuhayin ang patay? Para tumubo ang isang halaman, dapat mamatay ang inihasik na binhi. Ganoon din ang pagbuhay sa mga patay. “Inihasik sa katawang laman, ibinabangon sa katawang espiritu. . . . Ang laman at dugo ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.” (15:44, 50) Isiniwalat ni Pablo ang isang banal na lihim: Hindi lahat ay matutulog sa kamatayan, kundi sa huling pakakak, sila’y babaguhin sa isang kisap-mata. Kapag ang may-kamatayan ay nabihisan ng kawalang-kamatayan, ang kamatayan ay malilipol na magpakailanman. “Kamatayan, nasaan ang iyong tagumpay? Kamatayan, nasaan ang iyong tibo?” Mula sa puso ay napabulalas si Pablo: “Salamat sa Diyos, sapagkat pinagtagumpay niya tayo sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Kristo!”—15:55, 57.
22. Anong pangwakas na payo at pampasigla ang ibinibigay ni Pablo?
22 Sa pagtatapos, nagpapayo si Pablo na ayusin ang paglikom ng abuloy para sa mga kapatid na nangangailangan sa Jerusalem. Binanggit niya ang nalalapit niyang dalaw mula sa Macedonia at ipinahiwatig na sina Timoteo at Apollo ay baka dumalaw rin. “Manatiling gising,” ani Pablo. “Magpakatatag sa pananampalataya, magpakalalaki, magpakalakas. Gawing may-pag-ibig ang lahat ng bagay.” (16:13, 14) Ipinaabot ni Pablo ang pagbati ng mga kongregasyon sa Asya, at saka sumulat ng pangwakas na pagbati sa pamamagitan ng sariling kamay, kalakip ang kaniyang pag-ibig.
BAKIT KAPAKI-PAKINABANG
23. (a) Papaano inilalarawan ni Pablo ang kapaha-pahamak na bunga ng masamang nasa at pagtitiwala-sa-sarili? (b) Sa anong autoridad bumabaling si Pablo nang nagpapayo tungkol sa Hapunan ng Panginoon at sa mga wastong pagkain?
23 Kapaki-pakinabang ang liham sa pagpapalawak ng unawa sa Kasulatang Hebreo, na malimit nitong sipiin. Sa ikasampung kabanata ipinakita ni Pablo na ang mga Israelita sa ilalim ni Moises ay uminom mula sa espirituwal na bunton-ng-bato, alalaong baga’y si Kristo. (1 Cor. 10:4; Bil. 20:11) Saka inisa-isa ang mapait na bunga ng paghahangad ng kapaha-pahamak na mga bagay, gaya ng nangyari sa mga Israelita sa ilalim ni Moises, at idinagdag pa: “Ang mga ito ay nangyari sa kanila na pinaka-halimbawa, at nasulat bilang babala sa atin na mga dinatnan ng katapusan ng pamamalakad ng mga bagay.” Huwag magtiwala sa sarili at isiping hindi kailanman tayo mahuhulog! (1 Cor. 10:11, 12; Bil. 14:2; 21:5; 25:9) Muli, gumamit siya ng larawan mula sa Kautusan. Tinukoy niya ang mga haing pangkapayapaan sa Israel upang ipakita na ang nakikibahagi sa Hapunan ng Panginoon ay dapat makibahagi nang nararapat sa dulang ni Jehova. At, upang suhayan ang katuwiran na wastong kainin ang anomang itinitinda sa pamilihan, sinisipi niya ang Awit 24:1 na nagsasabi, “Kay Jehova ang buong lupa at lahat ng naririto.”—1 Cor. 10:18, 21, 26; Exo. 32:6; Lev. 7:11-15.
24. Ano pang ibang pagtukoy ang ginagawa ni Pablo sa mga Kasulatang Hebreo bilang alalay sa kaniyang mga katuwiran?
24 Upang ipakita ang kahigitan ng “mga bagay na inihanda ng Diyos sa mga nagsisiibig sa kaniya” at ang kamangmangan ng “mga pangangatuwiran ng matatalino,” muling sumisipi si Pablo sa mga Kasulatang Hebreo. (1 Cor. 2:9; 3:20; Isa. 64:4; Awit 94:11) Bilang autoridad sa tagubilin niya sa kabanata 5 sa pagtitiwalag, sinisipi niya ang utos ni Jehova na ‘alisin ang masama sa gitna ninyo.’ (Deut. 17:7) Nang tinatalakay ang karapatan na mabuhay sa pamamagitan ng ministeryo, muling tumukoy si Pablo sa Kautusan ni Moises na nagsabing ang hayop na gumigiik ay huwag bubusalan at na ang mga Levitang naglilingkod sa templo ay nararapat tumanggap ng bahagi sa dambana.—1 Cor. 9:8-14; Deut. 25:4; 18:1.
25. Ano ang ilang namumukod-tanging punto ng kapaki-pakinabang na turo na nilalaman ng Unang Corinto?
25 Kapaki-pakinabang ang kinasihang turo ng unang liham ni Pablo sa mga Kristiyano sa Corinto! Bulay-bulayin ang payo sa pagkabaha-bahagi at pagsunod sa tao. (Kabanata 1-4) Alalahanin ang kaso ng imoralidad at ang pagdiriin sa halaga ng kagalingan at kalinisan sa kongregasyon. (Kabanata 5, 6) Repasuhin ang kinasihang payo sa pananatiling walang-asawa, pag-aasawa, at paghihiwalay. (Kabanata 7) Isipin ang pagtalakay sa mga pagkaing inihandog sa diyus-diyosan at kung papaano itinampok ang pag-ingat upang huwag makatisod at huwag mahulog sa idolatriya. (Kabanata 8-10) Ang mga payo sa pagpapasakop, ang pagtalakay sa mga kaloob ng espiritu, ang praktikal na pagrerepaso sa kahigitan ng walang-kupas, walang-pagkabigong katangian ng pag-ibig—lahat ng ito ay nadaanan natin. At napakahusay ang pagkakadiin sa halaga ng kaayusan sa mga pagtitipong Kristiyano! (Kabanata 11-14) Kamangha-mangha ang pagtatanggol sa pagkabuhay-na-muli na isinulat sa ilalim ng pagkasi! (Kabanata 15) Lahat ng ito at higit pa ay natunghayan ng mata ng isipan—at napakahalaga nito sa mga Kristiyano sa ngayon!
26. (a) Anong matagal-nang-inihulang gawain ang tutuparin ng binuhay-muling Kristo kapag siya’y naging Hari? (b) Salig sa pag-asa sa pagkabuhay-na-muli, anong mariing pampatibay-loob ang ibinibigay ni Pablo?
26 Pambihira ang unawang naidagdag sa maluwalhating tema ng Bibliya na Kaharian ng Diyos. Mahigpit ang babala ng liham na ang mga liko ay hindi makakapasok sa Kaharian, at itinatala ang mga bisyo na hahadlang sa pagpasok doon. (1 Cor. 6:9, 10) Ngunit higit sa lahat, ipinaliliwanag ang kaugnayan ng pagkabuhay-muli at ng Kaharian ng Diyos. Ipinakikita na si Kristo, “ang mga unang bunga” ng pakabuhay-na-muli, ay dapat “maghari hanggang ilagay ng Diyos ang lahat ng kaaway sa ilalim ng kaniyang mga paa.” At kapag nailigpit na ang lahat ng kaaway, pati na ang kamatayan, “isasauli niya ang kaharian sa Kaniyang Diyos at Ama, . . . upang ang Diyos ay maging lahat sa lahat.” Sa wakas, bilang katuparan ng pangako sa Eden, ang ganap na pagdurog sa ulo ng Ahas ay isasagawa ni Kristo, kasama ng Kaniyang binuhay-muling mga kapatid sa espiritu. Napaka-ringal ang pag-asa niyaong mga kabahagi ng kawalang-kasiraan ni Kristo Jesus sa makalangit na Kaharian. Nagpapayo si Pablo salig sa pag-asa ng pagkabuhay-na-muli: “Katapus-tapusan, mga kapatid, magpakatatag, hindi nakikilos, laging abala sa gawain ng Panginoon, yamang batid ninyo na ang inyong paggawa ay hindi walang-kabuluhan sa Panginoon.”—1 Cor. 15:20-28, 58; Gen. 3:15; Roma 16:20.
-
-
Aklat ng Bibliya Bilang 47—2 Corinto“Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
-
-
Aklat ng Bibliya Bilang 47—2 Corinto
Manunulat: Si Pablo
Saan Isinulat: Sa Macedonia
Natapos Isulat: c. 55 C.E.
1, 2. (a) Ano ang umakay kay Pablo upang isulat ang ikalawang liham sa Corinto? (b) Mula saan sumulat si Pablo, at nabahala siya ukol sa ano?
MALAMANG ay patapos na ang tag-araw o pasimula na ng taglagas ng 55 C.E. May ilan pang suliranin sa kongregasyon sa Corinto na nakababahala kay apostol Pablo. Iilang buwan pa lamang mula nang isulat niya ang unang liham sa mga taga-Corinto. Naisugo na roon si Tito upang tumulong sa paglikom ng abuloy para sa mga nasa Judea at malamang na upang obserbahan din ang reaksiyon ng mga taga-Corinto sa unang liham. (2 Cor. 8:1-6; 2:13) Papaano nila tinanggap ito? Naaliw si Pablo nang malamang sila’y nalungkot at nagsisi! Nagbalik si Tito kay Pablo sa Macedonia taglay ang mabuting ulat na ito, at nag-uumapaw sa pag-ibig ang puso ng apostol para sa kaniyang minamahal na mga kapananampalataya sa Corinto.—7:5-7; 6:11.
2 Kaya muling sumulat si Pablo sa mga taga-Corinto. Sa Macedonia isinulat ang nakapagpapasigla at mariing ikalawang liham na ito na malamang na ipinadala kay Tito. (9:2, 4; 8:16-18, 22-24) Isa sa mga dahilan ng pagsulat ni Pablo ay ang pag-iral ng “lubhang dakilang mga apostol” sa Corinto, na tinawag niyang “mga bulaang apostol, mga magdarayang manggagawa.” (11:5, 13, 14) Nanganganib ang espirituwal na kapakanan ng batambatang kongregasyon, at hinahamon ang kapamahalaan ni Pablo bilang apostol. Kaya ang ikalawa niyang liham sa Corinto ay tumugon sa isang malaking pangangailangan.
3, 4. (a) Anong mga pagdalaw ang ginawa mismo ni Pablo sa Corinto? (b) Papaano kapaki-pakinabang sa atin ngayon ang Ikalawang Corinto?
3 Pansinin na sinabi ni Pablo: “Ikatlong beses nang ako’y handang pumariyan.” (2 Cor. 12:14; 13:1) Binalak niyang dumalaw uli nang isulat niya ang unang liham ngunit bagaman naghanda siya ay hindi natuloy ang “ikalawang pagkakataon ng pagsasaya.” (1 Cor. 16:5; 2 Cor. 1:15) Kaya minsan lamang nakarating doon si Pablo sa loob ng mga 18 buwan noong 50-52 C.E., nang ang kongregasyong Kristiyano ay itatag sa Corinto. (Gawa 18:1-18) Gayunman, natupad din nang maglaon ang hangarin niya na bumalik sa Corinto. Sa tatlong buwan niyang paglagi sa Gresya, noong mga 56 C.E., ginugol niya ang bahagi ng panahong ito sa Corinto, at mula roo’y isinulat niya ang liham sa mga taga-Roma.—Roma 16:1, 23; 1 Cor. 1:14.
4 Ang Ikalawang Corinto ay laging kasama ng Unang Corinto at ng iba pang liham ni Pablo sa tunay na kanon ng Bibliya. Muli tayong makakasilip sa loob ng kongregasyon upang makinabang sa kinasihang salita ni Pablo na nagsilbing payo sa kanila at sa atin din naman.
-