-
Aklat ng Bibliya Bilang 46—1 Corinto“Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
-
-
kaayusan sa mga pagtitipong Kristiyano! (Kabanata 11-14) Kamangha-mangha ang pagtatanggol sa pagkabuhay-na-muli na isinulat sa ilalim ng pagkasi! (Kabanata 15) Lahat ng ito at higit pa ay natunghayan ng mata ng isipan—at napakahalaga nito sa mga Kristiyano sa ngayon!
26. (a) Anong matagal-nang-inihulang gawain ang tutuparin ng binuhay-muling Kristo kapag siya’y naging Hari? (b) Salig sa pag-asa sa pagkabuhay-na-muli, anong mariing pampatibay-loob ang ibinibigay ni Pablo?
26 Pambihira ang unawang naidagdag sa maluwalhating tema ng Bibliya na Kaharian ng Diyos. Mahigpit ang babala ng liham na ang mga liko ay hindi makakapasok sa Kaharian, at itinatala ang mga bisyo na hahadlang sa pagpasok doon. (1 Cor. 6:9, 10) Ngunit higit sa lahat, ipinaliliwanag ang kaugnayan ng pagkabuhay-muli at ng Kaharian ng Diyos. Ipinakikita na si Kristo, “ang mga unang bunga” ng pakabuhay-na-muli, ay dapat “maghari hanggang ilagay ng Diyos ang lahat ng kaaway sa ilalim ng kaniyang mga paa.” At kapag nailigpit na ang lahat ng kaaway, pati na ang kamatayan, “isasauli niya ang kaharian sa Kaniyang Diyos at Ama, . . . upang ang Diyos ay maging lahat sa lahat.” Sa wakas, bilang katuparan ng pangako sa Eden, ang ganap na pagdurog sa ulo ng Ahas ay isasagawa ni Kristo, kasama ng Kaniyang binuhay-muling mga kapatid sa espiritu. Napaka-ringal ang pag-asa niyaong mga kabahagi ng kawalang-kasiraan ni Kristo Jesus sa makalangit na Kaharian. Nagpapayo si Pablo salig sa pag-asa ng pagkabuhay-na-muli: “Katapus-tapusan, mga kapatid, magpakatatag, hindi nakikilos, laging abala sa gawain ng Panginoon, yamang batid ninyo na ang inyong paggawa ay hindi walang-kabuluhan sa Panginoon.”—1 Cor. 15:20-28, 58; Gen. 3:15; Roma 16:20.
-
-
Aklat ng Bibliya Bilang 47—2 Corinto“Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
-
-
Aklat ng Bibliya Bilang 47—2 Corinto
Manunulat: Si Pablo
Saan Isinulat: Sa Macedonia
Natapos Isulat: c. 55 C.E.
1, 2. (a) Ano ang umakay kay Pablo upang isulat ang ikalawang liham sa Corinto? (b) Mula saan sumulat si Pablo, at nabahala siya ukol sa ano?
MALAMANG ay patapos na ang tag-araw o pasimula na ng taglagas ng 55 C.E. May ilan pang suliranin sa kongregasyon sa Corinto na nakababahala kay apostol Pablo. Iilang buwan pa lamang mula nang isulat niya ang unang liham sa mga taga-Corinto. Naisugo na roon si Tito upang tumulong sa paglikom ng abuloy para sa mga nasa Judea at malamang na upang obserbahan din ang reaksiyon ng mga taga-Corinto sa unang liham. (2 Cor. 8:1-6; 2:13) Papaano nila tinanggap ito? Naaliw si Pablo nang malamang sila’y nalungkot at nagsisi! Nagbalik si Tito kay Pablo sa Macedonia taglay ang mabuting ulat na ito, at nag-uumapaw sa pag-ibig ang puso ng apostol para sa kaniyang minamahal na mga kapananampalataya sa Corinto.—7:5-7; 6:11.
2 Kaya muling sumulat si Pablo sa mga taga-Corinto. Sa Macedonia isinulat ang nakapagpapasigla at mariing ikalawang liham na ito na malamang na ipinadala kay Tito. (9:2, 4; 8:16-18, 22-24) Isa sa mga dahilan ng pagsulat ni Pablo ay ang pag-iral ng “lubhang dakilang mga apostol” sa Corinto, na tinawag niyang “mga bulaang apostol, mga magdarayang manggagawa.” (11:5, 13, 14) Nanganganib ang espirituwal na kapakanan ng batambatang kongregasyon, at hinahamon ang kapamahalaan ni Pablo bilang apostol. Kaya ang ikalawa niyang liham sa Corinto ay tumugon sa isang malaking pangangailangan.
3, 4. (a) Anong mga pagdalaw ang ginawa mismo ni Pablo sa Corinto? (b) Papaano kapaki-pakinabang sa atin ngayon ang Ikalawang Corinto?
3 Pansinin na sinabi ni Pablo: “Ikatlong beses nang ako’y handang pumariyan.” (2 Cor. 12:14; 13:1) Binalak niyang dumalaw uli nang isulat niya ang unang liham ngunit bagaman naghanda siya ay hindi natuloy ang “ikalawang pagkakataon ng pagsasaya.” (1 Cor. 16:5; 2 Cor. 1:15) Kaya minsan lamang nakarating doon si Pablo sa loob ng mga 18 buwan noong 50-52 C.E., nang ang kongregasyong Kristiyano ay itatag sa Corinto. (Gawa 18:1-18) Gayunman, natupad din nang maglaon ang hangarin niya na bumalik sa Corinto. Sa tatlong buwan niyang paglagi sa Gresya, noong mga 56 C.E., ginugol niya ang bahagi ng panahong ito sa Corinto, at mula roo’y isinulat niya ang liham sa mga taga-Roma.—Roma 16:1, 23; 1 Cor. 1:14.
4 Ang Ikalawang Corinto ay laging kasama ng Unang Corinto at ng iba pang liham ni Pablo sa tunay na kanon ng Bibliya. Muli tayong makakasilip sa loob ng kongregasyon upang makinabang sa kinasihang salita ni Pablo na nagsilbing payo sa kanila at sa atin din naman.
-