Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Aklat ng Bibliya Bilang 47—2 Corinto
    “Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
    • 12. Bakit nagalak si Pablo sa ulat mula sa Corinto?

      12 Isinusog ni Pablo: “Ako’y puspos ng kaaliwan, umaapaw sa kagalakan sa lahat ng aming kapighatian.” (7:4) Bakit? Hindi lamang dahil sa pagdating ni Tito kundi sa mabuting ulat mula sa Corinto tungkol sa kanilang pananabik, pagdadalamhati, at sigasig ukol kay Pablo. Natalos niya na ang unang liham ay nagdulot ng panandaling kalungkutan ngunit nagagalak siya na sila’y nalungkot upang magsisi sa ikaliligtas. Pinapurihan niya sila sa pagtulong kay Tito.

      13. (a) Anong halimbawa ng pagiging bukas-palad ang binanggit ni Pablo? (b) Anong simulain ang tinatalakay ni Pablo kaugnay ng pagbibigay?

      13 Gagantimpalaan ang pagiging bukas-palad (8:1–​9:15). Kaugnay ng mga abuloy sa “mga banal,” inihahalimbawa ni Pablo ang mga taga-Macedonia, na ang kasaganaan sa kabila ng pagdarahop ay labis-labis; nais niyang makita sa mga taga-Corinto ang gayong pamimigay bilang patotoo ng kanilang pag-ibig sa Panginoong Jesu-Kristo, na naging dukha upang tayo’y maging mayaman. Ang pamimigay ayon sa makakaya ay magbubunga ng pagkakatimbang, upang ang mayaman ay huwag lumabis at ang dukha ay huwag kapusin. Si Tito at ang iba pa ay isinusugo para sa ganitong kaloob. Ipinagmamalaki ni Pablo ang pagiging bukas-palad at pagiging-handa ng mga taga-Corinto, at ayaw niyang mapahiya sila sa pagkabigong buuin ang masaganang kaloob. Oo, “ang naghahasik nang sagana ay pagpapalain nang sagana.” Bumukal nawa ito sa puso, sapagkat “iniibig ng Diyos ang nagbibigay nang masaya.” Sasagana rin ang di-sana-nararapat na kabaitan sa kanila at yayaman sila sa bawat pagmamagandang-loob. “Salamat sa Diyos sa kaniyang di-masayod na walang-bayad na kaloob.”​—9:1, 6, 7, 15.

      14. Anong mga punto ang iniharap ni Pablo bilang alalay sa kaniyang pagka-apostol?

      14 Ipinagtatanggol ni Pablo ang pagka-apostol niya (10:1–​13:14). Inaamin ni Pablo na siya’y hamak sa tingin. Ngunit ang Kristiyano’y hindi nakikipagbaka ayon sa laman; ang sandata nila’y espirituwal, “makapangyarihan sa Diyos” upang ibuwal ang mga katuwirang salungat sa kaalaman ng Diyos. (10:4) Ang ilan, na ang nakikita’y ang panlabas, ay nagsasabi na ang mga liham ng apostol ay malamán ngunit ang pananalita niya’y kadusta-dusta. Dapat nilang malaman na ang mga gawa niya’y katulad din ng sinasabi niya sa liham. Dapat matalos ng mga taga-Corinto na hindi ipinagmamapuri ni Pablo ang nagawa sa ibang dako. Siya mismo ang naghatid sa kanila ng mabuting balita. At kung dapat magmapuri, kay Jehova ito gawin.

      15. (a) Sa tulong ng anong mga ilustrasyon tinuligsa ni Pablo ang mga bulaang apostol? (b) Ano ang sariling ulat ni Pablo?

      15 Pananagutan ni Pablo na iharap kay Kristo ang kongregasyon na gaya ng isang malinis na dalaga. Kung papaano tinukso ng Ahas si Eba, nanganganib ding sumamâ ang kanilang isipan. Kaya tinuligsa ni Pablo ang “lubhang dakilang mga apostol” sa Corinto. (11:5) Sila’y mga bulaang apostol. Si Satanas ay nag-aanyong anghel ng liwanag, kaya hindi kataka-taka na ang kaniyang mga ministro ay maging gayon. Ngunit sa pagiging ministro ni Kristo, mapapantayan ba nila ang ulat ni Pablo? Marami siyang tiniis: pagkabilanggo, pagbugbog, tatlong ulit na pagkabagbag sa dagat, maraming panganib, kawalan ng tulog at makakain. Sa kabila ng lahat ay hindi niya nakaligtaan ang mga kongregasyon at nagdaramdam siya kapag may natitisod.

      16. (a) Sa ano maaaring magmapuri si Pablo, ngunit bakit inibig pa niyang magsalita tungkol sa kaniyang mga kahinaan? (b) Papaano nagharap si Pablo ng patotoo ng kaniyang pagka-apostol?

      16 Kaya kung ang sinoman ay may dahilang magmapuri, lalo na si Pablo. Maaangkin ba ng di-umano’y mga apostol sa Corinto na sila’y nadala sa paraiso at nakarinig ng mga bagay na di-maaaring sambitin? Sinabi ni Pablo na siya rin ay may mga kahinaan. Upang huwag magmataas, binigyan siya ng “tinik sa laman.” Nakiusap si Pablo na alisin ito ngunit sinabihan siya: “Ang aking di-sana-nararapat na kabaitan ay sapat na sa iyo.” Mas gusto ni Pablo na magmapuri sa kaniyang kahinaan, upang “ang kapangyarihan ng Kristo” ay yumungyong sa kaniya na gaya ng tolda. (12:7, 9) Hindi siya nahuhulí sa “lubhang dakilang mga apostol,” at nakita ng mga taga-Corinto ang patotoo ng kaniyang pagka-apostol “sa pamamagitan ng buong pagtitiis, ng mga tanda, kababalaghan at makapangyarihang mga gawa.” Hindi niya hangad ang kanilang ari-arian, kung papaanong si Tito at ang mga kamanggagawang isinugo ni Pablo ay hindi nagsamantala nito.​—12:11, 12.

      17. Anong pangwakas na payo ang ibinigay ni Pablo sa mga taga-Corinto?

      17 Lahat ay sa kanilang ikatitibay. Gayunman, nangangamba si Pablo na pagdating sa Corinto ay masumpungan niyang ang ilan ay hindi pa nakapagsisi sa mga gawa ng laman. Patiuna siyang nagbabala na siya ay hahakbang at hindi magtatangi ng sinoman, at nagpayo siya na laging suriin kung sila’y nasa pananampalataya na kaisa ni Jesu-Kristo. Idadalangin sila nina Pablo at Timoteo. Pinayuhan niya sila na magalak at manatili sa pagkakaisa upang ang Diyos ng pag-ibig at ng kapayapaan ay suma-kanila, at saka nagwakas siya sa pamamagitan ng pagbati sa mga banal at ng sarili niyang hangarin ukol sa kanilang espiritual na pagpapala.

      BAKIT KAPAKI-PAKINABANG

      18. Ano ang dapat na maging wastong pangmalas ng mga Kristiyano sa ministeryo?

      18 Nagpapasigla at nagpapatibay-loob ang pagpapahalaga ni Pablo sa ministeryong Kristiyano gaya ng mababasa sa Ikalawang Corinto! Tularan natin siya. Ang ministrong Kristiyano na pinaging-marapat ng Diyos ay hindi tagapaglako ng Salita kundi taimtim na naglilingkod. Ang patotoo niya ay ang bunga ng kaniyang ministeryo, hindi isang nasusulat na katibayan. Subalit, bagaman ang ministeryo ay maluwalhati, hindi ito sanhi ng pagpapalalo. Ang kayamanan ng paglilingkod ay taglay ng di-sakdal na lingkod ng Diyos sa marupok na sisidlang-lupa upang buong-linaw na makilala ang kapangyarihan ng Diyos. Mahalaga ang pagpapakumbaba sa pagtanggap ng maluwalhating pribilehiyo ng pagiging-ministro ng Diyos, at isang di-sana-nararapat na kabaitan ang maglingkod bilang “mga embahador na kumakatawan kay Kristo”! Kaya angkop ang payo ni Pablo “na huwag tanggapin ang di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos at waling-halaga ang layunin nito”!​—2:14-17; 3:1-5; 4:7; 5:18-20; 6:1.

      19. Sa anong iba’t-ibang paraan namumukod-tanging halimbawa si Pablo para sa mga Kristiyano ngayon, lalo na sa mga tagapangasiwa?

      19 Tiyak na si Pablo ay mahusay na halimbawa para sa mga ministrong Kristiyano. Sabihin pa, pinahalagahan at pinag-aralan niya ang kinasihang Kasulatang Hebreo, at paulit-ulit na sumipi, tumukoy, at nagkapit dito. (2 Cor. 6:2, 16-18; 7:1; 8:15; 9:9; 13:1; Isa. 49:8; Lev. 26:12; Isa. 52:11; Ezek. 20:41; 2 Sam. 7:14; Ose. 1:10) Bilang tagapangasiwa ay nagpamalas din siya ng taimtim na pagmamalasakit sa kawan, at nagsabi: “Malulugod akong gumugol at handang magpagugol alang-alang sa inyong kaluluwa.” Lubusan niyang inihandog ang sarili sa kapakanan ng mga kapatid, gaya ng malinaw na makikita sa ulat. (2 Cor. 12:15; 6:3-10) Hindi siya nanghimagod sa pagtuturo, pagpapayo, at pagtutuwid sa kongregasyon sa Corinto. Buong-linaw siyang nagbabala laban sa pakikisama sa kadiliman, at nagsabi: “Huwag makipamatok nang kabilan sa di-sumasampalataya.” Dahil sa maibiging pagmamalasakit ayaw niyang sumamâ ang kanilang isipan, “kung papaano tinukso ng Ahas si Eba sa pamamagitan ng katusuhan,” kaya buong-sigla siyang nagpayo: “Patuloy na suriin kung kayo’y nasa pananampalataya, subukin ninyo ang sarili.” Pinukaw niya sila sa pagiging bukas-palad at sinabing “iniibig ng Diyos ang nagbibigay nang masaya,” at nagpahayag siya ng malaking pasasalamat sa Diyos sa Kaniyang di-masayod na walang-bayad na kaloob. Tunay na ang mga taga-Corinto ay iniukit ng pag-ibig sa puso ni Pablo at ang walang-imbot na paglilingkod sa kapakanan nila ay tanda ng isang masigasig, gisíng na tagapangasiwa. Siya’y bukod-tanging halimbawa sa atin ngayon!​—6:14; 11:3; 13:5; 9:7, 15; 3:2.

      20. (a) Papaano itinutuon ni Pablo ang ating isipan sa wastong direksiyon? (b) Anong maluwalhating pag-asa ang itinuturo ng Ikalawang Corinto?

      20 Itinutuon ni apostol Pablo ang ating isipan sa tamang direksiyon sa pagsasabing ang “Ama ng kaawaan at Diyos ng buong kaaliwan” ang tunay na bukal ng kalakasan sa panahon ng pagsubok. Siya ang “umaaliw sa lahat ng ating kapighatian” upang makapagtiis tayo ukol sa kaligtasan sa bagong sanlibutan. Itinuturo rin ni Pablo ang maluwalhating pag-asa ng “isang gusali mula sa Diyos, isang bahay na hindi ginawa ng kamay, walang-hanggan sa mga langit” at nagsabi pa: “Kung ang sinoman ay kaisa ni Kristo, siya’y bagong nilalang; ang luma ay lumipas na, narito! lahat ay naging bago.” Tunay na kagila-gilalas ang pangako ng Ikalawang Corinto para sa mangagmamana ng Kaharian sa langit, gaya ni Pablo.​—1:3, 4; 5:1, 17.

  • Aklat ng Bibliya Bilang 48—Mga Taga-Galacia
    “Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
    • Aklat ng Bibliya Bilang 48​—Mga Taga-Galacia

      Manunulat: Si Pablo

      Saan Isinulat: Sa Corinto o Antioquia ng Sirya

      Natapos Isulat: c. 50–​52 C.E.

      1. Aling mga kongregasyon sa Galacia ang sinulatan, at papaano at kailan natatag ang mga ito?

      SA MGA kongregasyon sa Galacia na tinukoy ni Pablo sa Galacia 1:2 ay malamang na kasama ang Antioquia ng Pisidia, Iconio, Listra, at Derbe​—mga dako sa iba’t-ibang distrito ngunit pawang nasa Romanong lalawigang ito. Binabanggit ng Mga Gawa kabanata 13 at 14 ang unang paglalakbay-misyonero ni Pablo at ni Bernabe na umakay sa pagkatatag ng mga kongregasyon sa Galacia. Binuo ito ng mga Judio at di-Judio, at tiyak na kabilang din ang mga Celt, o mga Gaul. Kagagaling ni Pablo sa Jerusalem noong mga 46 C.E.​—Gawa 12:25.

      2. (a) Ano ang resulta ng ikalawang paglalakbay ni Pablo sa Galacia, ngunit ano ang sumunod dito? (b) Samantala, papaano nagpatuloy si Pablo sa paglalakbay?

      2 Noong 49 C.E., sinimulan nina Pablo at Silas ang ikalawang paglalakbay-misyonero ni Pablo sa Galacia, na umakay sa ‘pagtatag sa pananampalataya at paglago sa bilang ng mga kongregasyon araw- araw.’ (Gawa 16:5; 15:40, 41; 16:1, 2) Sinundan agad sila ng mga bulaang guro, mga mangungumberte

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share