-
Aklat ng Bibliya Bilang 48—Mga Taga-Galacia“Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
-
-
Kristo at binubuhay ng pananampalataya upang gawin ang kalooban ng Diyos. “Kung ang katuwiran ay sa pamamagitan ng kautusan, walang-kabuluhan ang pagkamatay ni Kristo.”—2:16, 21.
10. Ano ang mahalaga sa pagpapala ng Diyos, kaya ano ang layunin ng Kautusan?
10 Napaka-mangmang na ba nila upang maniwala na matapos tumanggap ng espiritu dahil sa pananampalataya ay patuloy silang maglilingkod sa Diyos ayon sa mga gawa ng Kautusan? Mahalaga ang makinig nang may pananampalataya, gaya ni Abraham na “sumampalataya kay Jehova, at ibinilang ito sa kaniya na katuwiran.” Kaya, nangako ang Diyos na “ang nanghahawakan sa pananampalataya ay pinagpapalang kasama ng tapat na si Abraham.” Pinalaya na sila mula sa sumpa ng Kautusan dahil sa pagkamatay ni Kristo sa tulos. Si Kristo ang Binhi ni Abraham at ang pangako tungkol sa Binhi ay hindi pinapawi ng Kautusan na ginawa pagkaraan ng 430 taon. Ano, kung gayon, ang layunin ng Kautusan? Ito’y naging “guro na umaakay sa Kristo, upang tayo ay ariing-matuwid dahil sa pananampalataya.” Wala na tayo sa ilalim ng guro, at wala nang pagtatangi sa pagitan ng Judio at Griyego, sapagkat lahat ay nagkakaisa kay Kristo Jesus at “tunay na binhi ni Abraham, mga tagapagmana ng pangako.”—3:6, 9, 24, 29.
11. (a) Anong kalayaan ang niwawalang-bahala ng mga taga-Galacia? (b) Papaano inilalarawan ni Pablo ang kalayaan ng mga Kristiyano?
11 Manindigang matatag sa kalayaang Kristiyano (4:1–6:18). Isinugo ng Diyos ang kaniyang Anak upang palayain ang nasa ilalim ng Kautusan, upang kanilang “matanggap ang pagkupkop bilang mga anak.” (4:5) Bakit babaling pa sa mahihina at panimulang mga bagay? Yamang nangingilin na sila ng mga araw at buwan at panahon at mga taon, nanghinayang si Pablo sa pagpapagal niya ukol sa kanila. Sa una niyang pagdalaw, siya’y tinanggap na gaya ng anghel. Siya ba ngayon ay kaaway nila dahil nagsasalita siya ng katotohanan? Ang nagnanais paalipin sa Kautusan ay makinig sa sinasabi ng Kautusan: Mula sa dalawang babae ay nagkaanak si Abraham ng dalawa. Ang aliping si Hagar ay katumbas ng Israel sa laman na natatalian kay Jehova dahil sa tipan ng Mosaikong Kautusan na nagluluwal ng mga anak sa pagkaalipin. Ang babaeng malaya, si Sara, ay katumbas ng Jerusalem sa itaas na “malaya at siya nating ina.” Tanong ni Pablo, “Ano ang sinasabi ng Kasulatan?” Ito: “Ang anak ng babaeng alipin ay hindi magiging tagapagmana na kasama ng babaeng malaya.” Tayo’y anak, hindi ng babaeng alipin, “kundi ng babaeng malaya.”—4:30, 31.
12. (a) Sa ano dapat lumakad ang mga taga-Galacia? (b) Anong mahalagang paghahambing ang ginagawa ni Pablo?
12 Ang pagtutuli o di-pagtutuli ay hindi mahalaga, kundi ang pananampalatayang udyok ng pag-ibig. Ang Kautusan ay natutupad sa utos na: “Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng sarili.” Patuloy na lumakad ayon sa espiritu, pagkat “kung kayo ay inaakay ng espiritu, ay wala kayo sa ilalim ng kautusan.” Tungkol sa mga gawa ng laman, nagbabala si Pablo “na ang gumagawa ng mga bagay na ito ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.” Inihambing niya ang bunga ng espiritu, na laban doo’y walang kautusan, at sinabi pa: “Kung nabubuhay tayo ayon sa espiritu, lumakad tayo nang may kaayusan ayon sa espiritu” at iwaksi ang pagka-makasarili at kapanaghilian.—5:14, 18, 21, 25.
13. Papaano natutupad ang kautusan ni Kristo, at ano ang lubhang mahalaga?
13 Kung may gagawa ng maling hakbang nang di ito namamalayan, ang mga may-kakayahan sa espiritu ay dapat magtuwid sa kaniya “sa espiritu ng kahinahunan.” Tinutupad ng mga Kristiyano ang kautusan ni Kristo sa pagdadala ng pasanin ng isa’t-isa, ngunit bawat isa ay dapat magdala ng sariling pasanin upang patunayan ang sarili niyang gawa. Aanihin natin ang inihasik, kabulukan mula sa laman o walang-hanggang buhay mula sa espiritu. Ang naghahangad tumuli sa kanila ay nais lamang makalugod sa tao at iwasan ang pag-uusig. Hindi mahalaga ang pagtutuli o di-pagtutuli, kundi ang bagong nilalang. Kapayapaan at kaawaan ay sasa-kanila na lumalakad nang may kaayusan ayon sa tuntuning ito, maging sa “Israel ng Diyos.”—6:1, 16.
BAKIT KAPAKI-PAKINABANG
14. Anong halimbawa ang ipinakita ni Pablo sa mga tagapangasiwa?
14 Si Pablo ay ipinakikilala ng liham bilang isang malupit na mang-uusig na naging masigasig na apostol sa mga bansa, handang magtanggol sa kapakanan ng mga kapatid. (1:13-16, 23; 5:7-12) Sa pamamagitan ng halimbawa ay ipinakita ni Pablo na ang tagapangasiwa ay dapat listo sa pagharap sa mga suliranin at pagsugpo ng maling pangangatuwiran sa tulong ng lohika at ng Kasulatan.—1:6-9; 3:1-6.
15. Papaano nakinabang sa liham ang mga kongregasyon sa Galacia, at papaano ito pumapatnubay sa mga Kristiyano ngayon?
15 Ang liham ay napakinabangan ng mga taga-Galacia sa pagpapatibay ng kalayaan kay Kristo at pagpapabulaan sa pumipilipit sa mabuting balita. Niliwanag nito na ang isa ay inaaring-matuwid sa panananampalataya at na ang pagtutuli ay hindi na kailangan upang maligtas. (2:16; 3:8; 5:6) Ang ganitong di-pagtatangi sa laman ay tumulong upang magkaisa ang Judio at Griyego. Ang kalayaan sa Kautusan ay hindi dapat gamiting paumanhin sa mga pita ng laman, at kapit pa rin ang simulain: “Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng sarili.” Ito rin ang patnubay sa mga Kristiyano ngayon.—5:14.
16. Anong nagpapatibay-pananampalatayang paliwanag mula sa mga Kasulatang Hebreo ang masusumpungan sa Mga Taga-Galacia?
16 Ang liham ni Pablo ay tumulong sa mga taga-Galacia sa maraming punto ng doktrina, na humahalaw ng maririing ilustrasyon mula sa Kasulatang Hebreo. Ibinigay nito ang kinasihang kahulugan ng Isaias 54:1-6, na nagpapakilala sa babae ni Jehova bilang “ang Jerusalem sa itaas.” Ipinaliwanag nito ang “makasagisag na dula” nina Hagar at Sara upang ipakita na ang mga tagapagmana ng pangako ng Diyos ay yaong mga pinalaya ni Kristo at hindi ang nananatiling alipin sa Kautusan. (Gal. 4:21-26; Gen. 16:1-4, 15; 21:1-3, 8-13) Nilinaw nito na ang tipang Kautusan ay hindi nagpahina sa tipan kay Abraham kundi naparagdag dito. Ipinakita rin nito na 430 taon ang namagitan sa dalawang tipan, at mahalaga ito sa kronolohiya ng Bibliya. (Gal. 3:17, 18, 23, 24) Ang ulat na ito ay naingatan upang mapatibay ang pananampalatayang Kristiyano ngayon.
17. (a) Anong mahalagang pagpapakilala ang ginagawa ng Mga Taga-Galacia? (b) Anong mahusay na payo ang ibinibigay sa mga tagapagmana ng Kaharian at sa kanilang mga kamanggagawa?
17 Higit na mahalaga, wastong ipinakikilala ng Galacia ang Binhi ng Kaharian na inasam-asam ng lahat ng propeta. “Ang mga pangako ay binitiwan kay Abraham at sa kaniyang binhi . . . na siyang Kristo.” Ang nagiging anak ng Diyos dahil sa pananampalataya kay Kristo Jesus ay napapalakip sa binhing ito. “Kung kayo’y kay Kristo, kayo nga’y binhi ni Abraham, at mga tagapagmana ayon sa pangako.” (3:16, 29) Ang mahusay na payo ng Galacia ay dapat sundin ng mga tagapagmana ng Kaharian at ng mga kamanggagawa nila: ‘Manindigan sa kalayaan na doo’y pinalaya kayo ni Kristo!’ ‘Huwag magsawà sa paggawa ng mabuti, pagkat sa takdang panahon ay mag-aani tayo kung tayo ay hindi manghihimagod.’ ‘Gumawa nang mabuti sa lahat, lalo na sa mga kapananampalataya.’—5:1; 6:9, 10.
18. Anong pangwakas na mariing babala at payo ang ibinibigay sa Mga Taga-Galacia?
18 At pangwakas ay ang mariing babala na ang mga nagtataguyod ng mga gawa ng laman “ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.” Kaya talikuran na ang karumihan at alitan ng sanlibutan at ilagak ang puso sa pagluluwal ng mga bunga ng espiritu, alalaong baga, “pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagtitiis, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, pagpipigil-sa-sarili.”—5:19-23.
-
-
Aklat ng Bibliya Bilang 49—Mga Taga-Efeso“Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
-
-
Aklat ng Bibliya Bilang 49—Mga Taga-Efeso
Manunulat: Si Pablo
Saan Isinulat: Sa Roma
Natapos Isulat: c. 60–61 C.E.
1. Kailan at sa anong mga kalagayan isinulat ni Pablo ang liham sa mga taga-Efeso?
IPAGPALAGAY nang kayo’y nasa bilangguan. Dahil ito sa pag-uusig sa inyo bilang masigasig na misyonerong Kristiyano. Yamang hindi kayo makapaglakbay at makadalaw sa mga kongregasyon upang palakasin sila, ano ang gagawin ninyo? Hindi ba ninyo masusulatan ang mga natulungan ninyong maging Kristiyano dahil sa inyong pangangaral? Hindi kaya sila nababahala sa kalagayan ninyo, at hindi kaya sila nangangailangan ng pampatibay-loob? Sabihin pa! Kaya magsisimula kayong sumulat. Gagawin ninyo ang mismong ginawa ni apostol Pablo nang siya’y unang mabilanggo sa Roma, noong mga 59-61 C.E. Umapela siya kay Cesar, at habang naghihintay ng paglilitis at tinatanuran, malaya siya sa ibang gawain. Isinulat ni Pablo ang liham niya “Sa Mga Taga-Efeso” mula sa Roma, malamang na noong 60 o 61 C.E., at inihatid ito nina Tiquico at Onesimo.—Efe. 6:21; Col. 4:7-9.
2, 3. Ano ang tiyak na nagpapatotoo sa pagkasulat ni Pablo at, kasabay nito, sa pagiging-kanonikal ng Mga Taga-Efeso?
2 Sa unang salita pa lamang ay nagpakilala na si Pablo bilang manunulat at apat na beses niyang tinukoy ang sarili na “bilanggo sa Panginoon.” (Efe. 1:1; 3:1, 13; 4:1; 6:20) Nawalan ng saysay ang mga pag-aalinlangan sa pagkasulat ni Pablo. Ang Chester Beatty Papyrus No. 2 (P46), na di-umano’y nagmula noong 200 C.E., ay may 86 pahina ng isang codex ng mga liham ni Pablo. Kasama rito ang Mga Taga-Efeso, kaya kabilang ito sa mga liham niya nang panahong yaon.
3 Ayon sa sinaunang eklesiastikal na mga manunulat si Pablo ang sumulat ng liham at na ito ay “Sa Mga Taga-Efeso.” Halimbawa, ganito sinipi ni Irenaeus ng ikalawang siglo C.E. ang Efeso 5:30: “Sinabi ng pinagpalang si Pablo sa liham sa Mga Taga-Efeso na tayo’y bahagi ng kaniyang katawan.” Nang panahon ding yaon, sinipi ni Clement ng Aleksandriya ang Efeso 5:21 nang iulat niya: “Sa liham sa Mga Taga-Efeso ay sumusulat siya, Magpasakop sa isa’t-isa sa pagkatakot sa Diyos.” Ang Efeso 1:4 ay sinipi ni Origen noong unang kalahatian ng ikatlong siglo C.E.: “Sa liham niya sa Mga Taga-Efeso, ay ginamit ng apostol ang mga salitang ito nang sabihin
-