Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Aklat ng Bibliya Bilang 48—Mga Taga-Galacia
    “Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
    • sa maraming punto ng doktrina, na humahalaw ng maririing ilustrasyon mula sa Kasulatang Hebreo. Ibinigay nito ang kinasihang kahulugan ng Isaias 54:1-6, na nagpapakilala sa babae ni Jehova bilang “ang Jerusalem sa itaas.” Ipinaliwanag nito ang “makasagisag na dula” nina Hagar at Sara upang ipakita na ang mga tagapagmana ng pangako ng Diyos ay yaong mga pinalaya ni Kristo at hindi ang nananatiling alipin sa Kautusan. (Gal. 4:21-26; Gen. 16:1-4, 15; 21:1-3, 8-13) Nilinaw nito na ang tipang Kautusan ay hindi nagpahina sa tipan kay Abraham kundi naparagdag dito. Ipinakita rin nito na 430 taon ang namagitan sa dalawang tipan, at mahalaga ito sa kronolohiya ng Bibliya. (Gal. 3:17, 18, 23, 24) Ang ulat na ito ay naingatan upang mapatibay ang pananampalatayang Kristiyano ngayon.

      17. (a) Anong mahalagang pagpapakilala ang ginagawa ng Mga Taga-Galacia? (b) Anong mahusay na payo ang ibinibigay sa mga tagapagmana ng Kaharian at sa kanilang mga kamanggagawa?

      17 Higit na mahalaga, wastong ipinakikilala ng Galacia ang Binhi ng Kaharian na inasam-asam ng lahat ng propeta. “Ang mga pangako ay binitiwan kay Abraham at sa kaniyang binhi . . . na siyang Kristo.” Ang nagiging anak ng Diyos dahil sa pananampalataya kay Kristo Jesus ay napapalakip sa binhing ito. “Kung kayo’y kay Kristo, kayo nga’y binhi ni Abraham, at mga tagapagmana ayon sa pangako.” (3:16, 29) Ang mahusay na payo ng Galacia ay dapat sundin ng mga tagapagmana ng Kaharian at ng mga kamanggagawa nila: ‘Manindigan sa kalayaan na doo’y pinalaya kayo ni Kristo!’ ‘Huwag magsawà sa paggawa ng mabuti, pagkat sa takdang panahon ay mag-aani tayo kung tayo ay hindi manghihimagod.’ ‘Gumawa nang mabuti sa lahat, lalo na sa mga kapananampalataya.’​—5:1; 6:9, 10.

      18. Anong pangwakas na mariing babala at payo ang ibinibigay sa Mga Taga-Galacia?

      18 At pangwakas ay ang mariing babala na ang mga nagtataguyod ng mga gawa ng laman “ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.” Kaya talikuran na ang karumihan at alitan ng sanlibutan at ilagak ang puso sa pagluluwal ng mga bunga ng espiritu, alalaong baga, “pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagtitiis, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, pagpipigil-sa-sarili.”​—5:19-23.

  • Aklat ng Bibliya Bilang 49—Mga Taga-Efeso
    “Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
    • Aklat ng Bibliya Bilang 49​—Mga Taga-Efeso

      Manunulat: Si Pablo

      Saan Isinulat: Sa Roma

      Natapos Isulat: c. 60–​61 C.E.

      1. Kailan at sa anong mga kalagayan isinulat ni Pablo ang liham sa mga taga-Efeso?

      IPAGPALAGAY nang kayo’y nasa bilangguan. Dahil ito sa pag-uusig sa inyo bilang masigasig na misyonerong Kristiyano. Yamang hindi kayo makapaglakbay at makadalaw sa mga kongregasyon upang palakasin sila, ano ang gagawin ninyo? Hindi ba ninyo masusulatan ang mga natulungan ninyong maging Kristiyano dahil sa inyong pangangaral? Hindi kaya sila nababahala sa kalagayan ninyo, at hindi kaya sila nangangailangan ng pampatibay-loob? Sabihin pa! Kaya magsisimula kayong sumulat. Gagawin ninyo ang mismong ginawa ni apostol Pablo nang siya’y unang mabilanggo sa Roma, noong mga 59-61 C.E. Umapela siya kay Cesar, at habang naghihintay ng paglilitis at tinatanuran, malaya siya sa ibang gawain. Isinulat ni Pablo ang liham niya “Sa Mga Taga-Efeso” mula sa Roma, malamang na noong 60 o 61 C.E., at inihatid ito nina Tiquico at Onesimo.​—Efe. 6:21; Col. 4:7-9.

      2, 3. Ano ang tiyak na nagpapatotoo sa pagkasulat ni Pablo at, kasabay nito, sa pagiging-kanonikal ng Mga Taga-Efeso?

      2 Sa unang salita pa lamang ay nagpakilala na si Pablo bilang manunulat at apat na beses niyang tinukoy ang sarili na “bilanggo sa Panginoon.” (Efe. 1:1; 3:1, 13; 4:1; 6:20) Nawalan ng saysay ang mga pag-aalinlangan sa pagkasulat ni Pablo. Ang Chester Beatty Papyrus No. 2 (P46), na di-umano’y nagmula noong 200 C.E., ay may 86 pahina ng isang codex ng mga liham ni Pablo. Kasama rito ang Mga Taga-Efeso, kaya kabilang ito sa mga liham niya nang panahong yaon.

      3 Ayon sa sinaunang eklesiastikal na mga manunulat si Pablo ang sumulat ng liham at na ito ay “Sa Mga Taga-Efeso.” Halimbawa, ganito sinipi ni Irenaeus ng ikalawang siglo C.E. ang Efeso 5:30: “Sinabi ng pinagpalang si Pablo sa liham sa Mga Taga-Efeso na tayo’y bahagi ng kaniyang katawan.” Nang panahon ding yaon, sinipi ni Clement ng Aleksandriya ang Efeso 5:21 nang iulat niya: “Sa liham sa Mga Taga-Efeso ay sumusulat siya, Magpasakop sa isa’t-isa sa pagkatakot sa Diyos.” Ang Efeso 1:4 ay sinipi ni Origen noong unang kalahatian ng ikatlong siglo C.E.: “Sa liham niya sa Mga Taga-Efeso, ay ginamit ng apostol ang mga salitang ito nang sabihin niya, Siya na pumili sa atin bago itatag ang sanlibutan.”a Ang Mga Taga-Efeso ay inilakip din ni Eusebius, isa pang autoridad sa sinaunang kasaysayang Kristiyano (c. 260-340 C.E.), sa kanon ng Bibliya, at karamihan ng sinaunang eklesiastikal na manunulat ay tumutukoy sa Mga Taga-Efeso bilang bahagi ng kinasihang Kasulatan.b

      4. Bakit may sapantaha na ang Mga Taga-Efeso ay pinatutungkol sa ibang dako, ngunit anong katibayan ang umaalalay sa Efeso bilang destinasyon nito?

      4 Ang mga salitang “sa Efeso” ay inalis ng Chester Beatty Papyrus, ng Vatican Manuscript No. 1209, at ng Sinaitic Manuscript, sa kabanata 1, talata 1, kaya hindi tinitiyak ng mga ito kung saan patungkol ang liham. Dahil dito, at sa kawalan ng mga pagbati sa indibiduwal na mga taga-Efeso (bagaman tatlong taóng naglingkod doon si Pablo), may sapantaha na ang liham ay maaaring patungkol sa ibang dako o na baka ito ay isang sirkular sa lahat ng kongregasyon sa Asya Minor, pati na sa Efeso. Gayunman, halos lahat ng ibang manuskrito ay naglalakip ng mga salitang “sa Efeso,” at gaya ng nabanggit sa itaas, tinanggap ito ng sinaunang eklesiastikal na mga manunulat bilang isang liham sa Mga Taga-Efeso.

      5. Ano ang kapansin-pansin tungkol sa Efeso noong panahon ni Pablo?

      5 Tutulong ang ilang saligang impormasyon upang maunawaan ang layunin ng liham. Noong unang siglo ng Pangkalahatang Panahon, napabantog ang Efeso sa panggagayuma, salamangka, astrolohiya, at pagsamba sa diyosa ng pagpapakarami na si Artemis.c Sa palibot ng estatwa ng diyosa ay itinayo ang isang maringal na templo na naging isa sa pitong kababalaghan ng sinaunang daigdig. Ayon sa paghuhukay roon noong ika-19 na siglo, ang templo ay itinayo sa ibabaw ng isang plataporma na 73 metro ang luwang at 127 metro ang haba. Ang templo mismo ay mga 50 metro ang luwang at 105 metro ang haba. Mayroon itong 100 haliging marmol, bawat isa ay 17 metro ang taas. Ang bubong ay tinakpan ng malalaking tisang marmol na kulay puti. Di-umano ay ginto at hindi semento ang ginamit sa hugpungan ng mga blokeng marmol. Ang templo ay umakit ng mga turista mula sa buong lupa, at daan-daang libo ang dumaragsa sa mga kapistahan. Ang mga platero sa Efeso ay kumita nang malaki sa pagtitinda sa mga peregrino ng maliliit na dambanang pilak ni Artemis.

      6. Gaano kalawak ang gawain ni Pablo sa Efeso?

      6 Huminto sandali si Pablo sa Efeso noong ikalawa niyang paglalakbay-misyonero upang mangaral at iniwan doon sina Aquila at Priscila upang ituloy ang gawain. (Gawa 18:18-21) Nagbalik siya noong ikatlo niyang paglalakbay-misyonero at namalagi roon ng mga tatlong taon, na nangangaral at nagtuturo tungkol sa “Daan.” (Gawa 19:8-10; 20:31) Puspusan ang paggawa ni Pablo sa Efeso. Sa kaniyang aklat na Daily Life in Bible Times, ay sumusulat si A. E. Bailey: “Nakaugalian ni Pablo na magtrabaho mula pagsikat ng araw hanggang alas-11 n.u. (Gawa 20:34, 35) na siyang oras ng paghinto ni Tirano sa pagtuturo; mula alas-11 n.u. hanggang alas-4 n.h. nangangaral siya sa bulwagan, nakikipagpulong sa mga katulong, . . . at kahuli-hulihan ay nangangaral sa bahay-bahay simula alas-4 n.h. hanggang sa kalaliman ng gabi. (Gawa 20:20, 21, 31) Maraming nagtataka kung may panahon pa siya para kumain at matulog.”​—1943, pahina 308.

      7. Ano ang ibinunga ng masigasig na pangangaral ni Pablo?

      7 Sa masigasig na pangangaral, tinuligsa ni Pablo ang pagsamba sa mga larawan. Hinila nito ang galit ng mga gumagawa at nagtitinda ng mga yaon, gaya ng platerong si Demetrio, at dahil sa pagkakagulo ay umalis si Pablo sa lungsod.​—Gawa 19:23–​20:1.

      8. Sa anong mga punto lubhang napapanahon ang liham ni Pablo sa Mga Taga-Efeso?

      8 Habang nakabilanggo naaalaala ni Pablo ang mga suliraning kinakaharap ng kongregasyon sa Efeso, sa gitna ng mga paganong mananamba at sa harap ng kagila-gilalas na templo ni Artemis. Tiyak na natulungan sila ng angkop na ilustrasyong ibinigay ni Pablo upang ipakita na sila’y “isang banal na templo,” na tinatahanan ni Jehova sa espiritu. (Efe. 2:21) Tiyak na naging malaking pampasigla at kaaliwan ang “banal na lihim” na isiniwalat sa mga taga-Efeso, tungkol sa pangasiwaan ng Diyos (ang paraan niya ng pangangasiwa sa pansambahayang mga gawain) na gagamitin sa pagsasauli ng pagkakaisa at kapayapaan sa pamamagitan ni Jesu-Kristo. (1:9, 10) Idiniin ni Pablo ang pagkakaisa ng Judio at Gentil kay Kristo. Ipinayo niya ang pagbubuklod, ang pagkakaisa. Kaya mapahahalagahan natin ang layunin, halaga, at pagiging-kinasihan ng aklat na ito.

      NILALAMAN NG MGA TAGA-EFESO

      9. Papaano pinasagana ng Diyos ang kaniyang pag-ibig, at ano ang panalangin ni Pablo?

      9 Ang layunin ng Diyos na pagkakaisa sa pamamagitan ni Kristo (1:1–​2:22). Nagpapaabot si Pablo ng mga pagbati. Dapat purihin ang Diyos sa di-sana-nararapat na kabaitan Niya. May kinalaman ito sa pagkapili sa kanila upang makaisa ni Jesu-Kristo, na tumubos sa kanila ng kaniyang dugo. Bukod dito, pinasagana ng Diyos ang kaniyang pag-ibig nang ipahayag niya ang banal na lihim ng kaniyang kalooban. Sapagkat nilayon niya ang isang pangasiwaan, “upang matipon uli nang sama-sama ang lahat ng bagay kay Kristo,” na kaisa niya’y magiging

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share