-
Aklat ng Bibliya Bilang 49—Mga Taga-Efeso“Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
-
-
mga tagapagmana sila. (1:10) Bilang patiunang tanda ay tinatakan sila ng banal na espiritu. Idinadalangin ni Pablo na nawa’y matiyak nila ang pagkatawag sa kanila at kilalanin ang kapangyarihan ng Diyos nang buhayin Niyang muli si Kristo at ilagay siya nang mas mataas sa bawat pamahalaan at kapangyarihan at gawin siyang Ulo sa buong kongregasyon.
10. Papaano naging “kababayan ng mga banal” ang mga taga-Efeso?
10 Dahil sa saganang awa at dakilang pag-ibig, binuhay sila ng Diyos bagaman sila’y patay dahil sa pagsalansang at pagkakasala, at iniluklok sila “kasama ni Kristo Jesus sa langit.” (2:6) Ito’y dahil sa di-sana-nararapat na kabaitan at pananampalataya at hindi sa sariling pagsisikap. Si Kristo ang sumira sa pader, ang Batas ng mga kautusan, na naghiwalay sa Gentil at Judio. Ngayon ang dalawa ay makalalapit na sa Ama sa pamamagitan ni Kristo. Kaya ang mga taga-Efeso ay hindi na dayuhan, kundi “kababayan ng mga banal” at bilang banal na templong tatahanan ni Jehova sa espiritu.—2:19.
11. Ano ang “banal na lihim,” at ukol sa ano nanalangin si Pablo sa kapakanan ng mga taga-Efeso?
11 “Ang banal na lihim ng Kristo” (3:1-21). Ipinahayag ng Diyos sa mga apostol at propeta “ang banal na lihim ng Kristo . . . upang ang mga tao ng mga bansa ay maging kapuwa tagapagmana at kasangkap ng katawan at kabahagi sa pangako na kaisa ni Kristo Jesus sa pamamagitan ng mabuting balita.” (3:4, 6) Si Pablo ay naging ministro ng di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos, upang ipahayag ang di-malirip na mga kayamanan ng Kristo at ipakita sa tao ang pangangasiwa sa banal na lihim. Ang kapuspusan ng dunong ng Diyos ay ipinababatid sa pamamagitan ng kongregasyon. Kaya, nanalangin si Pablo na nawa’y palakasin sila ng espiritu ng Diyos upang lubos na makilala ang pag-ibig ni Kristo na di-masayod ng kaalaman, at matalos na magagawa ng Diyos ang “lubhang sagana nang higit sa lahat ng ating hinihingi o iniisip.”—3:20.
12. (a) Papaano dapat lumakad ang mga Kristiyano, at bakit? (b) Anong mga kaloob ang ibinigay ni Kristo, at sa anong layunin? (c) Ano ang nasasangkot sa pagsusuot ng “bagong pagkatao”?
12 Pagsusuot ng “bagong pagkatao” (4:1–5:20). Ang mga Kristiyano ay dapat lumakad nang marapat sa pagkatawag sa kanila, sa kababaang-loob, sa pagpapahinuhod at pag-ibig, at sa nagkakaisang buklod ng kapayapaan. Sapagkat may isang espiritu, isang pag-asa, isang pananamapalataya, at “isang Diyos at Ama ng lahat, na nasa ibabaw ng lahat at sumasa-lahat at nasa lahat.” (4:6) Kaya si Kristo, ang “isang Panginoon,” ay nagkaloob ng mga propeta, mga ebanghelisador, mga pastol, at mga guro, “sa ikasasakdal ng mga banal, sa gawaing pagmiministro, sa pagpapatibay sa katawan ng Kristo.” Kaya, sabi ni Pablo, “sa pagsasalita ng katotohanan, ay magsilaki tayo sa pag-ibig sa lahat ng bagay sa kaniya na pinaka-ulo, ang Kristo,” bilang katawan na nakalapat na mabuti sa tulong ng bawat sangkap. (4:5, 12, 15) Dapat iwaksi ang mahalay, walang-pakinabang, at hangal na mga paraan ng dating pagkatao at “isuot ang bagong pagkatao na nilalang ayon sa kalooban ng Diyos sa tunay na katuwiran at katapatan.” Sapagkat lahat ay mga sangkap na kabilang sa isa’t-isa, dapat magsalita ng katotohanan at ilayo ang galit, pagnanakaw, salitang mahalay, kapaitan—huwag pighatiin ang banal na espiritu ng Diyos. Sa halip, ‘maging mabait sa isa’t-isa, mahabagin, nagpapatawaran, gaya ng Diyos na nagpatawad sa pamamagitan ni Kristo.’—4:24, 32.
13. Upang maging tagatulad sa Diyos, ano ang dapat gawin?
13 Lahat ay dapat magsitulad sa Diyos. Ang pakikiapid, karumihan at kasakiman ay hindi dapat mabanggit sa gitna nila, sapagkat ang gumagawa nito ay hindi magmamana ng Kaharian. Pinayuhan ni Pablo ang mga taga-Efeso: “Lumakad na gaya ng mga anak ng liwanag.” “Pag-ingatang lubos” kung papaano lumalakad, na sinasamantala ang panahon “sapagkat ang mga araw ay masasama.” Oo, dapat nilang “unawain kung ano ang kalooban ni Jehova” at bigkasing may-pasasalamat ang mga kapurihan ng Diyos.—5:8, 15-17.
14. Ano ang mga pananagutan ng mag-asawa sa isa’t-isa?
14 Wastong pagpapasakop; Kristiyanong pakikibaka (5:21–6:24). Dapat pasakop ang babae sa kaniyang asawa, gaya ng kongregasyon na napasakop kay Kristo, at dapat ibigin ng lalaki ang kaniyang asawa, “gaya ni Kristo na umibig sa kongregasyon.” Gayundin, “ang babae ay dapat makadama ng taimtim na paggalang sa asawa.”—5:25, 33.
15. Ano ang ipinapayo ni Pablo sa mga anak at magulang, mga alipin at panginoon, at sa kagayakan ng Kristiyano?
15 Ang mga anak ay dapat makiisa sa kanilang magulang, sa pagsunod at pagtalima sa maka-diyos na disiplina. Ang mga alipin at panginoon ay dapat ding gumawi nang kalugud-lugod sa Diyos, sapagkat ang Panginoon ng lahat “ay nasa langit, at hindi siya nagtatangi.” Bilang pangwakas, lahat ay “magpakalakas sa Panginoon at sa kapangyarihan ng kaniyang kalakasan,” na isinasakbat ang buong kagayakang pandigma mula sa Diyos upang makapanindigang matatag laban sa Diyablo. “Higit sa lahat, taglayin ang malaking kalasag ng pananampalataya,” at “ang tabak ng espiritu, ang Salita ng Diyos.” Laging manalangin at magbantay. Hiniling ni Pablo na ipanalangin din nila siya, upang buong-kalayaan niyang “maipahayag ang banal na lihim ng mabuting balita.”—6:9, 10, 16, 17, 19.
BAKIT KAPAKI-PAKINABANG
16. Anong mga tanong ang may praktikal na sagot sa Mga Taga-Efeso, at ano ang sinasabi tungkol sa pagkatao na nakalulugod sa Diyos?
16 Ang liham sa Efeso ay sumasaklaw sa halos lahat ng aspeto ng buhay-Kristiyano. Dahil sa paglago ng malulubhang suliranin at kasamaan, ang mahusay na payo ni Pablo ay tunay na kapaki-pakinabang sa mga nagnanais mamuhay sa maka-diyos na paraan. Papaano dapat makitungo ang mga anak sa kanilang magulang, at ang mga magulang sa kanilang anak? Ano ang mga pananagutan ng lalaki sa kaniyang asawa, at ng babae sa kaniyang asawa? Ano ang dapat gawin ng mga indibiduwal upang maingatan ang pagkakaisa sa pag-ibig at kalinisang Kristiyano sa gitna ng balakyot na sanlibutan? Lahat ng ito ay sinasaklaw ng payo ni Pablo, at ipinakikita pa niya ang nasasangkot sa pagsusuot ng bagong Kristiyanong pagkatao. Sa pag-aaral ng Mga Taga-Efeso, lahat ay makapagpapahalaga sa uri ng pagkatao na nakalulugod sa Diyos at na “nilalang ayon sa kalooban ng Diyos sa tunay na katuwiran at katapatan.”—4:24-32; 6:1-4; 5:3-5, 15-20, 22-33.
17. Ano ang ipinakikita ng Mga Taga-Efeso tungkol sa pakikipagtulungan sa mga kaayusan sa kongregasyon?
17 Ipinakikita rin ang layunin ng mga paghirang at pag-aatas sa kongregasyon. Ito ay sa “ikasasakdal ng mga banal, sa gawaing pagmiministro, sa pagpapatibay sa katawan ng Kristo,” at upang sumulong sa pagkamaygulang. Sa pakikipagtulungan sa mga kaayusang ito, posibleng “magsilaki [ang mga Kristiyano] sa pag-ibig sa lahat ng bagay sa kaniya na pinaka-ulo, ang Kristo.”—4:12, 15.
18. Ano ang nililinaw tungkol sa “banal na lihim” at sa espirituwal na templo?
18 Ang liham sa mga taga-Efeso ay nagdulot ng malaking pakinabang sa sinaunang kongregasyon sa pagpapatalas ng unawa sa “banal na lihim ng Kristo.” Niliwanag dito na “ang mga tao sa mga bansa” ay tinawag din upang maging “mga kapuwa tagapagmana at kasangkap ng katawan at kabahagi . . . sa pangako na kaisa ni Kristo Jesus sa pamamagitan ng mabuting balita.” Inalis na “ang Batas ng mga kautusan,” ang pader na naghihiwalay ng Gentil sa Judio, at dahil sa dugo ng Kristo, lahat ay naging mga kababayan ng mga banal at kasambahay ng Diyos. Kabaligtaran ng paganong templo ni Artemis, sila’y itinatayong sama-sama na kaisa ni Kristo Jesus bilang dakong tatahanan ng Diyos sa espiritu—“isang banal na templo ukol kay Jehova.”—3:4, 6; 2:15, 21.
19. Anong pag-asa at pampatibay-loob ang patuloy na inihaharap ng Mga Taga-Efeso hanggang sa ngayon?
19 Kung tungkol sa “banal na lihim,” bumanggit din si Pablo ng “isang pangasiwaan . . . upang matipon uli nang sama-sama ang lahat ng bagay kay Kristo, ang mga bagay na nasa langit [yaong mga pinili ukol sa makalangit na Kaharian] at ang mga bagay na nasa lupa [yaong mga mabubuhay sa lupa sa ilalim ng Kaharian].” Kaya itinatampok ang dakilang layunin ng Diyos na isauli ang kapayapaan at pagkakaisa. Sa layuning ito nanalangin si Pablo alang-alang sa mga taga-Efeso, na ang mga mata ng puso ay naliwanagan, upang kanilang masakyan ang pag-asa na itinawag sa kanila ng Diyos at makita “ang maluwalhating mga kayamanan na ipamamana niya sa mga banal.” Tiyak na sa mga salitang ito ay lubos na napatibay ang kanilang pag-asa. At ang kinasihang liham sa mga taga-Efeso ay patuloy na nagpapatibay sa kongregasyon ngayon, upang ‘sa lahat ng bagay ay mapuspos tayo ng buong kapuspusan na ibinibigay ng Diyos.’—1:9-11, 18; 3:19.
-
-
Aklat ng Bibliya Bilang 50—Mga Taga-Filipos“Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
-
-
Aklat ng Bibliya Bilang 50—Mga Taga-Filipos
Manunulat: Si Pablo
Saan Isinulat: Sa Roma
Natapos Isulat: c. 60–61 C.E.
1. (a) Papaano narinig ng mga taga-Filipos ang mabuting balita? (b) Papaano naging kawili-wili ang makasaysayang kapaligiran ng lungsod ng Filipos?
NANG anyayahan sa pamamagitan ng pangitain na dalhin ang mabuting balita sa Macedonia, agad sumunod si apostol Pablo kasama sina Lucas, Silas, at ang binatang si Timoteo. Mula sa Troas sa Asya Minor, nagbarko sila hanggang Neapolis at nagtungo agad sa Filipos na 15 kilometro ang layo patawid sa bundok. Ayon kay Lucas, ito “ang pangunahing lungsod sa lalawigan ng Macedonia.” (Gawa 16:12) Ipinangalan ito kay Haring Felipe II ng Macedonia (ama ni Alejandrong Dakila), na sumakop sa lungsod noong 356 B.C.E. Nang dakong huli ito ay naagaw ng mga Romano. Nagkaroon dito ng mahihigpit na labanan noong 42 B.C.E. na nagpatatag sa katayuan ni Octavian na nang maglao’y naging si Augusto Cesar. Bilang alaala ng tagumpay, ang Filipos ay ginawa niyang koloniya ng Roma.
-