-
Ang Lihim ng Kaligayahan sa PamilyaAng Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya
-
-
Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya
-
-
Pahina ng Pamagat/Pahina ng mga TagapaglathalaAng Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya
-
-
Pahina ng Pamagat/Pahina ng mga Tagapaglathala
Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya
© 1996
WATCH TOWER BIBLE AND TRACT SOCIETY OF PENNSYLVANIA
MGA TAGAPAGLATHALA
WATCHTOWER BIBLE AND TRACT SOCIETY OF NEW YORK, INC. Brooklyn, New York, U.S.A.
Inilimbag 2012
Ang paglalathala ng publikasyong ito ay bahagi ng pambuong-daigdig na pagtuturo sa bibliya na tinutustusan ng kusang-loob na mga donasyon.
Malibang ipahiwatig, ang nga pagsipi sa Kasulatan ay mula sa makabagong-wikang New World Translation of the Holy Scriptures—With References
-
-
Mga NilalamanAng Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya
-
-
Mga Nilalaman
KABANATA
1 May Lihim ba ang Kaligayahan sa Pamilya?
2 Paghahanda Para sa Matagumpay na Pag-aasawa
3 Dalawang Susi sa Panghabang-Buhay na Pag-aasawa
4 Papaano Mo Mapangangasiwaan ang Sambahayan?
5 Sanayin ang Iyong Anak Mula sa Pagkasanggol
6 Tulungan ang Iyong Anak na Tin-edyer na Sumulong
7 May Rebelde ba sa Loob ng Tahanan?
8 Ipagsanggalang ang Iyong Pamilya sa mga Mapaminsalang Impluwensiya
9 Makapananagumpay ang mga Pamilyang May Nagsosolong Magulang!
10 Kapag Nagkasakit ang Isang Miyembro ng Pamilya
11 Panatilihin ang Kapayapaan sa Inyong Sambahayan
12 Mapaglalabanan Mo ang mga Suliraning Pumipinsala sa Pamilya
13 Kung Malapit Nang Mapatid ang Tali ng Pag-aasawa
14 Magkasama Hanggang sa Pagtanda
15 Pagpaparangal sa Ating Matatanda Nang Magulang
16 Tiyakin ang Isang Namamalaging Kinabukasan Para sa Iyong Pamilya
-
-
May Lihim ba ang Kaligayahan sa Pamilya?Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya
-
-
UNANG KABANATA
May Lihim ba ang Kaligayahan sa Pamilya?
1. Bakit mahalaga ang matatatag na pamilya sa lipunan ng tao?
ANG pamilya ang pinakamatandang institusyon sa lupa, at ito’y may mahalagang papel na ginagampanan sa lipunan ng tao. Sa buong kasaysayan, ang matatatag na pamilya ay nakatulong na sa pagbuo ng matatatag na lipunan. Ang pamilya ang pinakamagaling na kaayusan sa pagpapalaki sa mga anak upang maging maygulang kapag malalaki na.
2-5. (a) Ilarawan ang kapanatagang nadarama ng isang anak sa isang maligayang pamilya. (b) Anong mga problema sa ilang pamilya ang iniulat?
2 Ang isang maligayang pamilya ay kanlungan ng kaligtasan at kapanatagan. Ilarawan natin sandali sa isipan ang isang ulirang pamilya. Sa kanilang paghahapunan, ang mapagmahal na mga magulang ay nakaupong katabi ng kanilang mga anak at nakikipag-usap tungkol sa mga nangyari sa araw na iyon. Tuwang-tuwa ang mga bata habang di-matapus-tapos ang kanilang pagkukuwento sa kanilang tatay at nanay tungkol sa mga nangyari sa paaralan. Ang nakalilibang na sandali ng pagsasama-sama ay nakapagpapaginhawa sa bawat isa para sa susunod pang araw sa sanlibutan sa labas ng tahanan.
3 Sa loob ng isang maligayang pamilya, alam ng isang bata na aalagaan siya ng kaniyang tatay at nanay kapag siya’y nagkasakit, marahil ay magpapalitan sa pagtabi sa kaniya sa buong magdamag. Alam niyang maidudulog niya sa kaniyang nanay o tatay ang mga problema sa panahon ng kaniyang kabataan at makatatanggap ng payo at pag-alalay. Oo, nadarama ng bata na siya’y ligtas, gaano man karami ang problema sa sanlibutan sa labas ng tahanan.
4 Kapag lumaki na ang mga anak, kalimitan nang sila’y nag-aasawa at nagkakaroon ng sariling pamilya. “Nakikilala ng isang tao ang laki ng kaniyang pagkakautang sa kaniyang mga magulang kapag siya’y nagkaroon na ng sariling anak,” sabi ng kawikaan ng taga-Silangan. Taglay ang lubusang pagtanaw ng utang na loob at pag-ibig, sinisikap ng naglakihan nang mga anak na mapaligaya ang kani-kanilang sariling pamilya, at inaalagaan din nila ang ngayo’y matatanda na nilang mga magulang, na tuwang-tuwa sa piling ng kanilang mga apo.
5 Marahil sa ngayon ay nag-iisip ka: ‘Aba, mahal ko rin ang aking pamilya, subalit ito’y hindi naman katulad ng inilarawan kanina. Magkaiba ang iskedyul ng trabaho naming mag-asawa at halos hindi na kami nagkikita. Madalas na pinag-uusapan namin ang problema sa pera.’ O sinasabi mo bang, ‘Ang aking mga anak at mga apo ay sa ibang bayan nakatira, at hindi na kami nagkikita’? Oo, bunga ng mga di-maiiwasang dahilan para sa mga nasasangkot, karamihan sa buhay pampamilya ay malayo na sa dapat asahan. Sa kabila nito, may ilan na nagtatamasa pa rin ng kaligayahan sa pamilya. Papaano? May lihim ba ang kaligayahan sa pamilya? Ang sagot ay oo. Ngunit bago natin talakayin kung ano ito, kailangan muna nating sagutin ang isang mahalagang tanong.
ANO BA ANG PAMILYA?
6. Anong uri ng mga pamilya ang tatalakayin sa aklat na ito?
6 Sa Kanluraning mga lupain, karamihan sa mga pamilya ay binubuo ng ama, ina, at mga anak. Ang mga lolo’t lola ay may bukod na sambahayan habang nakakaya pa nila. Bagaman patuloy pa ring nakikipag-ugnayan sa mas-malalayong kamag-anak, ang mga tungkulin ukol dito ay nagiging limitado. Pangunahin na, ito ang pamilyang tatalakayin natin sa aklat na ito. Gayunman, nitong mga nakaraang taon may iba pang pamilya na nagiging palasak—ang pamilyang may nagsosolong magulang, ang pamilya mula sa muling pag-aasawa, at ang pamilyang magkahiwalay ang mga magulang sa iba’t ibang kadahilanan.
7. Ano ang tinatawag na pinapamilyang kamag-anak?
7 Karaniwan na sa ilang kultura ang tinatawag na pinapamilyang kamag-anak. Sa kaayusang ito, hangga’t maaari, ang mga lolo’t lola ay karaniwan nang inaalagaan ng kanilang mga anak, at ipinaaabot hanggang sa malalayo nang kamag-anak ang malapít na buklod at mga pananagutan. Halimbawa, ang mga miyembro ng pamilya ay maaaring tumulong sa pagsuporta, pagpapalaki, at maging sa pagpapaaral ng kani-kanilang mga pamangkin, o ng mas malalayo nang kamag-anak. Ang mga simulaing tatalakayin sa publikasyong ito ay kumakapit din sa tinatawag na pinapamilyang kamag-anak.
NASA ILALIM NG KAGIPITAN ANG PAMILYA
8, 9. Anu-anong problema sa ilang lupain ang nagpapakitang nagbabago na ang pamilya?
8 Sa ngayon ay nagbabago na ang pamilya—nakalulungkot sabihin, hindi sa ikabubuti. Ang isang halimbawa ay makikita sa India, na doon ang asawang babae ay maaaring nakikitira sa pamilya ng kaniyang asawa at nagtatrabaho sa bahay ayon sa iniuutos ng kaniyang mga biyenan. Gayunman sa panahong ito, hindi na pambihira para sa mga taga-Indiang asawang babae na maghanap ng trabaho sa labas ng tahanan. Subalit, waring inaasahan pa ring tutuparin nila ang kanilang tradisyunal na papel sa tahanan. Ang tanong na bumabangon sa maraming lupain ay, Kung ihahambing sa ibang miyembro ng pamilya, gaanong trabaho sa bahay ang dapat asahan sa mga babaing nagtatrabaho sa labas?
9 Sa mga taga-Silangan, pinagkaugalian na ang matibay na buklod ng magkakamag-anak. Gayunman, sa ilalim ng impluwensiya ng Kanluraning istilo ng pagkakaniya-kaniya at sa tindi ng problemang pangkabuhayan, ang tradisyunal na pagpapamilya sa mga kamag-anak ay unti-unting nawawala. Dahil dito, ang pag-aalaga sa may-edad nang miyembro ng pamilya ay itinuturing ng marami na pabigat sa halip na isang tungkulin o pribilehiyo. Ang ilang matatanda nang magulang ay inaabuso. Ang totoo, ang pang-aabuso at pagpapabaya sa mga may-edad na ay nakikita sa maraming bansa sa ngayon.
10, 11. Anong mga pangyayari ang nagpapakitang nagbabago na ang pamilya sa mga lupain sa Europa?
10 Ang diborsiyo ay patuloy na nagiging palasak. Sa Espanya ang bilang ng nagdidiborsiyo ay umabot na sa 1 sa bawat 8 pag-aasawa sa pagsisimula ng huling dekada ng ika-20 siglo—napakalaking agwat kung ihahambing sa 1 sa bawat 100 noong mga 25 taon bago nito. Ang Britanya, na ayon sa ulat ay may pinakamataas na bilang ng pagdidiborsiyo sa Europa (4 sa bawat 10 pag-aasawa ang inaasahang mabibigo), ay nakitaan ng biglang pagdami ng bilang ng mga pamilyang may nagsosolong magulang.
11 Marami sa Alemanya ang waring lubusan nang tumatalikod sa tradisyunal na pamilya. Ipinakita ng dekada 1990 na 35 porsiyento ng lahat ng sambahayang Aleman ay binubuo ng iisang tao at 31 porsiyento naman ay binubuo ng dalawang indibiduwal lamang. Sa mga Pranses man ay kakaunti na ang nagpapakasal, at yaong mga nagpapakasal ay mas madalas at mas madaling nagdidiborsiyo kaysa noon. Parami nang parami ang mas gusto pang magsama na lamang nang walang pananagutan ng pag-aasawa. Ang kalakarang tulad nito ang nakikita ngayon sa buong daigdig.
12. Papaano nagdurusa ang mga anak dahil sa mga pagbabago sa modernong pamilya?
12 Kumusta naman ang mga anak? Sa Estados Unidos at sa marami pang ibang lupain, parami nang parami ang ipinanganganak sa pagkadalaga, ang ilan ay sa mga tin-edyer. Maraming tin-edyer ang may ilang anak mula sa iba’t ibang ama. Sinasabi ng ulat mula sa buong daigdig na milyun-milyong batang walang tahanan ang nagpapalabuy-laboy sa kalye; marami ang tumatakas sa mapang-abusong sambahayan o pinalalayas ng mga pamilyang wala nang kakayahang sumuporta sa kanila.
13. Anong laganap na mga suliranin ang umaagaw ng kaligayahan ng mga pamilya?
13 Oo, nasa krisis ang pamilya. Karagdagan pa sa nabanggit na, ang pagrerebelde ng mga tin-edyer, pang-aabuso sa mga bata, pagmamalupit sa asawa, alkoholismo, at ang iba pang malalagim na suliranin ay umaagaw ng kaligayahan ng mga pamilya. Para sa napakaraming bata at nakatatanda, napakalayo sa pagiging kanlungan ang pamilya.
14. (a) Ayon sa ilan, anu-ano ang sanhi ng krisis sa pamilya? (b) Papaano inilarawan ng isang abogado noong unang siglo ang daigdig sa ngayon, at nagkaroon ng anong impluwensiya sa buhay pampamilya ang katuparan ng kaniyang mga salita?
14 Bakit nasa krisis ang pamilya? Isinisisi ng ilan ang kasalukuyang krisis sa pamilya sa pagpasok ng kababaihan sa trabaho. Itinuturo naman ng iba na iyo’y dahil sa pagguho ngayon ng moral. At ilan pang mga dahilan ang tinukoy. Halos dalawang libong taon na ang nakalilipas, inihula ng isang kilalang abogado na maraming paghihirap ang daranasin ng pamilya, nang isulat niya: “Sa mga huling araw ay darating ang mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan. Sapagkat ang mga tao ay magiging mga maibigin sa kanilang sarili, mga maibigin sa salapi, mga mapagmapuri-sa-sarili, mga palalo, mga mamumusong, mga masuwayin sa mga magulang, mga walang utang-na-loob, mga di-matapat, mga walang likas na pagmamahal, mga hindi bukás sa anumang kasunduan, mga maninirang-puri, mga walang pagpipigil-sa-sarili, mga mabangis, mga walang pag-ibig sa kabutihan, mga mapagkanulo, mga matigas ang ulo, mga mapagmalaki sa pagmamapuri, mga maibigin sa mga kaluguran kaysa maibigin sa Diyos.” (2 Timoteo 3:1-4) Sino pa kaya ang mag-aalinlangan na talagang natutupad na ngayon ang mga salitang ito? Sa daigdig na ganito ang kalagayan, nakapagtataka pa ba kung maraming pamilya ang nasa krisis?
-