-
Aklat ng Bibliya Bilang 54—1 Timoteo“Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
-
-
dito ay pagtatakwil sa pananampalataya. Kapag sumapit na sa 60 taon, maaari nang itala ang isang balo kung may “patotoo sa kaniyang mabubuting gawa.” (5:10) Sa kabilang dako, dapat itakwil ang mga nakababatang balo na napadadaig sa pita ng laman. Sa halip na mangapit-bahay at maghatid-dumapit, dapat silang mag-asawa at mag-anak upang huwag manlibak ang kaaway.
13. Anong konsiderasyon ang dapat ipakita sa matatandang lalaki, papaano dapat pakitunguhan ang mga nahirati sa kasalanan, at ano ang pananagutan ng mga alipin?
13 Ang mga nangangasiwa sa mabuting paraan ay karapat-dapat sa ibayong kapurihan, “lalo na ang mga nagpapagal sa pagsasalita at pagtuturo.” (5:17) Huwag pararatangan ang matandang lalaki liban sa ebidensiya ng dalawa o tatlong saksi. Ang nahirati sa kasalanan ay dapat sawayin sa harap ng madla, ngunit huwag gagawa ng patiunang paghatol o pagkiling sa mga bagay na ito. Dapat igalang ng mga alipin ang kanilang panginoon, maglingkod nang mahusay, lalo na sa mga kapatid, palibhasa’y “mga kapananampalataya at minamahal.”—6:2.
14. Ano ang sinabi ni Pablo tungkol sa pagpapalalo at pag-ibig sa salapi kaugnay ng “kabanalan na may kasiyahan”?
14 Payo sa “kabanalan na may kasiyahan” (6:3-21). Ang tumututol sa mga salitang nagpapatibay ay palalo at may sakit na pakikipagtalo, na umaakay sa mararahas na pag-uusap sa mga bagay na walang kapararakan. Subalit, “ang kabanalan na may kasiyahan” ay malaking pakinabang. Dapat masiyahan kung may pagkain at pananamit. Ang pagnanasang yumaman ay silo na umaakay sa kapahamakan, at ang pag-ibig sa salapi ay “ugat ng lahat ng kasamaan.” Hinihimok ni Pablo si Timoteo, bilang tao ng Diyos, na tumakas sa mga ito, itaguyod ang mga kagalingang Kristiyano, makipagbaka ukol sa pananampalataya, at “manghawakang mahigpit sa buhay na walang hanggan.” (6:6, 10, 12) Dapat niyang sundin ang kautusan “sa paraang walang-dungis at walang-kapintasan” hanggang sa mahayag ang Panginoong Jesu-Kristo. Ang mayayaman ay dapat “umasa, hindi sa mga kayamanang naglalaho, kundi sa Diyos,” upang makapanghawakan sa tunay na buhay. Sa pagtatapos, pinasisigla ni Pablo si Timoteo na ingatan ang turong ipinagkatiwala sa kaniya at iwasan ang usapang masama at ang “mga pagtatalo ng maling tawag na ‘kaalaman.’ ”—6:14, 17, 20.
BAKIT KAPAKI-PAKINABANG
15. Anong babala ang ibinibigay laban sa pagtatalo at pangangatuwiran?
15 Ang liham ay babala sa mga naaakit ng walang-saysay na pagtatalo at maka-pilosopong katuwiran. Ang “mga pagtatalo” ay kaugnay ng pagpapalalo kaya dapat iwasan ito, pagkat ayon kay Pablo hadlang ito sa pagsulong at naghaharap lamang ng “mga tanong ukol sa walang-katapusang pagtatalo at hindi ng pagsisiwalat ng Diyos ayon sa pananampalataya.” (6:3-6; 1:4) Gaya ng mga gawa ng laman, ang mga pagtatalo ay “salungat sa mabuting aral na naaayon sa maluwalhating mabuting balita ng maligayang Diyos.”—1:10, 11.
16. Ano ang ipinayo ni Pablo tungkol sa materyalismo?
16 Ang mga Kristiyano sa gahaman-sa-salaping Efeso ay tiyak na nangailangan ng payo laban sa materyalismo at sa pangrarahuyo nito. Nagpayo si Pablo tungkol dito. Laging sinisipi ng mga tao ang sinabi niyang, ‘Ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng kasamaan,’ ngunit bihira ang tumatalima rito! Gayunman, dapat itong sundin ng mga Kristiyano sa lahat ng panahon. Nasasangkot ang buhay. Dapat takasan ang nagpapahamak na silo ng materyalismo, at umasa, “hindi sa kayamanang naglalaho, kundi sa Diyos, na saganang naglalaan ng lahat ukol sa ating ikasisiya.”—6:6-12, 17-19.
17. Anong payo kay Timoteo ang napapanahon para sa lahat ng masigasig na mga kabataang ministro ngayon?
17 Ipinakikita ng liham na si Timoteo mismo ay mahusay na halimbawa sa mga kabataang Kristiyano. Bagaman nasa kabataan, maygulang na siya sa espirituwal. Sinikap niyang maging karapat-dapat bilang tagapangasiwa at umani siya ng maraming pribilehiyo. Ngunit gaya ng lahat ng masigasig na kabataang ministro ngayon, kinailangan niyang bulay-bulayin at pagbuhusan ng isip ang mga bagay na ito upang patuloy pang sumulong. Napapanahon ang payo ni Pablo sa lahat ng nagagalak sa patuloy na pagsulong: “Mag-ukol ng patuloy na pansin sa sarili at sa iyong turo. Manatili ka sa mga bagay na ito, pagkat sa ganito’y ililigtas mo ang iyong sarili at ang nakikinig sa iyo.”—4:15, 16.
18. Anong mga kaayusan sa kongregasyon ang maliwanag na tinalakay, at papaano ginamit ni Pablo ang Kasulatang Hebreo bilang autoridad?
18 Ang kinasihang liham ay nagdiriin ng pagpapahalaga sa mga kaayusan ng Diyos. Ipinakikita kung papaano matutupad kapuwa ng lalaki at babae ang kanilang papel sa pag-iingat ng teokratikong pagkakasuwato sa kongregasyon. (2:8-15) Saka tinatalakay ang mga kahilingan para sa mga tagapangasiwa at ministeryal na mga lingkod. Banal na espiritu ang nagtatakda ng mga kahilingan para sa pantanging mga tungkulin. Pinasisigla rin ng liham ang lahat ng naaalay na ministro na abutin ang mga pamantayang ito, sa pagsasabing: “Kung ang isang lalaki ay naghahangad ng tungkulin ng isang tagapangasiwa, siya ay naghahanap ng mabuting gawain.” (3:1-13) Tinatalakay ang wastong saloobin sa mga kapatid na may iba’t-ibang edad at sekso, pati na ang pagdinig ng mga sumbong sa harapan ng mga saksi. Upang idiin na ang mga matandang nagpapagal sa pagsasalita at pagtuturo ay marapat sa ibayong kapurihan, dalawang beses bumabaling si Pablo sa mga Kasulatang Hebreo bilang autoridad: “Sinasabi ng kasulatan: ‘Huwag mong bubusalan ang baka kapag gumigiik’; at: ‘Ang manggagawa ay karapat-dapat sa kaniyang upa.’ ”—1 Tim. 5:1-3, 9, 10, 19-21, 17, 18; Deut. 25:4; Lev. 19:13.
19. Papaano itinatampok ang pag-asa sa Kaharian, at anong payo ang ibinigay salig dito?
19 Matapos ang mahuhusay na payong ito, isinusog ni Pablo na ang kautusan ay dapat sundin sa paraang walang-dungis at walang-kapintasan ‘hanggang sa mahayag ang Panginoong Jesu-Kristo bilang Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon.’ Salig sa pag-asa sa Kaharian, nagtatapos ang liham sa mariing payo na ang mga Kristiyano ay dapat “gumawa ng mabuti, maging mayaman sa mabubuting gawa, maging bukas-palad, handang mamahagi, nagtitipon sa ganang sarili ng mahusay na saligan sa hinaharap, upang makapanghawakang mahigpit sa tunay na buhay.” (1 Tim. 6:14, 15, 18, 19) Tunay ngang kapaki-pakinabang ang mahuhusay na aral sa Unang Timoteo!
-
-
Aklat ng Bibliya Bilang 55—2 Timoteo“Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
-
-
Aklat ng Bibliya Bilang 55—2 Timoteo
Manunulat: Si Pablo
Saan Isinulat: Sa Roma
Natapos Isulat: c. 65 C.E.
1. Anong pag-uusig ang sumiklab sa Roma noong 64 C.E., at sa anong maliwanag na dahilan?
SI PABLO ay isa na namang bilanggo sa Roma. Gayunman, mas malubha ang ikalawang pagkabilanggong ito kaysa sa una. Noo’y humigit-kumulang 65 C.E. Noong Hulyo 64 C.E., isang malaking sunog ang puminsala sa 10 sa 14 na distrito ng lungsod. Ayon sa Romanong mananalaysay na si Tacitus, nahirapan si Emperador Nero na “pawiin ang paniwala na ang sunog ay sadyang iniutos. Upang masugpo ang hinala, pinagbintangan at pinahirapan ni Nero ang isang grupo na lubhang kinasusuklaman, mga Kristiyano ang tawag sa kanila. . . . Napakarami sa kanila ang hinatulan, hindi talaga dahil sa panununog, kundi sa pagkamuhi ng mga ito sa sangkatauhan. Ang kamatayan nila’y dinagdagan pa ng sari-saring anyo ng kadustaan. Sinuotan ng mga balat ng hayop, ipinalapa sila sa mga aso, o kaya’y ipinako sa krus, o sinunog sa tulos, upang maging tanglaw sa gabi, kapag lumubog na ang araw. Ginamit ni Nero ang kaniyang mga hardin ukol sa panooring ito . . . Napukaw ang simpatiya ng marami; pagkat lumitaw na kaya sila nililipol ay hindi dahil sa ikabubuti ng bayan, kundi upang busugin lamang ang kalupitan ng isang tao.”a
2. Sa gitna ng anong mga kalagayan isinulat ni Pablo ang Ikalawang Timoteo, at bakit niya pinapurihan si Onesiforo?
2 Malamang na si Pablo ay muling nabilanggo sa Roma noong kasagsagan ng marahas na pag-uusig. Ngayon ay mayroon na siyang mga tanikala. Hindi siya umaasang makalaya kundi naghihintay na lamang ng hatol na kamatayan. Kakaunti na ang dumadalaw. Sabihin pa, ang sinomang hayagang magpapakilala bilang Kristiyano ay nanganganib madakip at mapahirapan hanggang mamatay. Kaya sumulat si Pablo bilang pagpapahalaga sa kaniyang panauhin mula sa Efeso: “Kahabagan nawa ng Panginoon ang sambahayan ni Onesiforo, pagkat malimit niya akong paginhawahin, at hindi niya ikinahiya ang aking mga tanikala. Sa katunayan, nang siya’y nasa Roma, pilit niya akong hinanap hanggang ako’y matagpuan.” (2 Tim. 1:16, 17) Sa lilim ng kamatayan ay sumulat si Pablo, at tinukoy ang sarili bilang “apostol ni Kristo Jesus sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos ayon sa pangako ng buhay na kaisa ni Kristo Jesus.” (1:1) Batid ni Pablo na naghihintay sa kaniya ang buhay na kaisa ni Kristo. Nangaral siya sa maraming pangunahing lungsod ng daigdig noon, mula Jerusalem hanggang sa Roma, at malamang na hanggang Espanya. (Roma 15:24, 28) Tinapos niya nang may katapatan ang takbuhin.—2 Tim. 4:6-8.
3. Kailan isinulat ang Ikalawang Timoteo, at papaano ito pinakinabangan ng mga Kristiyano sa lahat ng panahon?
3 Ang liham ay malamang na isinulat noong mga 65 C.E., nang malapit nang maging martir si Pablo. Malamang na nasa Efeso pa si Timoteo, pagkat hinimok siya ni Pablo na manatili roon. (1 Tim. 1:3) Ngayon ay makalawa siyang pinagmamadali ni Pablo na pumaroon sa kaniya, at hiniling na isama si Marcos at dalhin ang balabal at mga balumbon na iniwan ni Pablo sa Troas. (2 Tim. 4:9, 11, 13, 21) Palibhasa isinulat sa mapanganib na panahon, ang liham ay malaking pampatibay-loob sa tunay na mga Kristiyano sa lahat ng panahon.
4. Ano ang patotoo na ang Ikalawang Timoteo ay tunay at kanonikal?
4 Ang Ikalawang Timoteo ay tunay at kanonikal salig sa mga dahilang tinalakay na para sa Unang Timoteo. Kinilala ito at ginamit ng sinaunang mga
-