-
Aklat ng Bibliya Bilang 57—Filemon“Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
-
-
Ang mga Kristiyano ngayon ay dapat ding maging mabait at mapagpatawad sa nagkakasalang kapatid. Kung napatawad ni Filemon ang alipin na pag-aari niya at na ayon sa batas ay puwedeng imaltrato ayon sa gusto niya, ang mga Kristiyano ngayon ay dapat ding magpatawad sa nagkakasalang kapatid—bagay na mas magaang.
10. Papaano nililiwanag ng liham kay Filemon ang tungkol sa pagkilos ng espiritu ni Jehova?
10 Ang pagkilos ng espiritu ni Jehova ay nililiwanag ng liham kay Filemon. Makikita ito sa bihasang pakikitungo ni Pablo sa isang sensitibong problema. Maaaninaw ito sa pagiging-madamayin, magiliw na pagmamahal, at tiwala sa kapuwa Kristiyano na ipinamalas ni Pablo. Makikita ito sa bagay na ang liham kay Filemon, gaya ng iba pang Kasulatan, ay nagtuturo ng mga simulaing Kristiyano, nagpapasigla ng pagkakaisang Kristiyano, at nagtatanghal sa pag-ibig at pananampalataya na sumasagana sa “mga banal” na umaasa sa Kaharian ng Diyos at na ang paggawi ay sumasalamin sa kagandahang-loob ni Jehova.—Tal. 5.
-
-
Aklat ng Bibliya Bilang 58—Mga Hebreo“Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
-
-
Aklat ng Bibliya Bilang 58—Mga Hebreo
Manunulat: Si Pablo
Saan Isinulat: Sa Roma
Natapos Isulat: c. 61 C.E.
1. Kasuwato ng anong atas isinulat ni Pablo ang liham sa Mga Hebreo?
SI PABLO ay mas kilala bilang apostol “sa mga bansa.” Ngunit limitado ba sa mga di-Judio ang kaniyang ministeryo? Hindi! Nang si Pablo ay malapit nang bautismuhan at atasan sa gawain, sinabi ng Panginoong Jesus kay Ananias: “Ang taong ito [si Pablo] ay sisidlang hirang upang dalhin ang aking pangalan sa mga bansa at maging sa mga hari at sa mga anak ni Israel.” (Gawa 9:15; Gal. 2:8, 9) Ang pagsulat ng Mga Hebreo ay kasuwato ng atas ni Pablo na dalhin ang pangalan ni Jesus sa mga anak ni Israel.
2. Papaano mapabubulaanan ang mga pangangatuwiran laban sa pagkasulat ni Pablo ng Mga Hebreo?
2 Gayunman, alinlangan ang ilang kritiko sa pagkasulat ni Pablo ng Mga Hebreo. Ang isang pagtutol ay wala raw ang pangalan ni Pablo sa liham. Hindi talaga hadlang ito, pagkat marami ring kanonikal na aklat ang hindi bumabanggit sa manunulat ngunit naaaninaw ito sa panloob na ebidensiya. Isa pa, naniniwala ang iba na sadyang inalis ni Pablo ang kaniyang pangalan, sapagkat galít dito ang mga Judio. (Gawa 21:28) Ang kaibahan ng estilo sa iba niyang liham ay hindi rin saligan upang tutulan ang pagkasulat ni Pablo. Ang sinusulatan man niya ay mga pagano, Judio, o Kristiyano, laging ipinakikita ni Pablo ang kakayahang “makibagay sa lahat ng uri ng tao.” Dito, ang pangangatuwiran niya ay inihaharap sa mga Judio mula sa isang Judio, pangangatuwirang kanilang mauunawaan at mapahahalagahan.—1 Cor. 9:22.
3. Anong panloob na ebidensiya ang kapuwa umaalalay sa pagkasulat ni Pablo ng Mga Hebreo at nagpapahiwatig na ito’y isinulat pangunahin na para sa mga Judio?
3 Ang panloob na ebidensiya ng aklat ay umaalalay sa pagkasulat ni Pablo. Ang manunulat ay nasa Italya at kasama ni Timoteo. Kapit ang mga ito kay Pablo. (Heb. 13:23, 24) Bukod dito, ang doktrina ay tipong kay Pablo, bagaman ang mga pangangatuwiran ay mula sa punto-de-bista ng isang Judio, na sinadyang umakit sa kongregasyon ng mga purong Hebreo na siyang pinatutungkulan ng liham. Sinasabi ng Commentary ni Clarke, Tomo 6, pahina 681, tungkol dito: “Isinulat ito sa mga Judio, at ito’y pinatutunayan ng buong balangkas ng liham. Kung ito ay isinulat sa mga Gentil, isa man sa sampung libo ay hindi makauunawa sa pangangatuwiran, palibhasa’y hindi sila pamilyar sa Judiong sistema; sa buong liham ay ito ang nasa isip ng manunulat.” Tumutulong ito sa pag-unawa sa pagbabago ng estilo kung ihahambing sa iba pang liham ni Pablo.
4. Ano ang karagdagang ebidensiya ng pagkasulat ni Pablo ng Mga Hebreo?
4 Ang pagkatuklas ng Chester Beatty Papyrus No. 2 (P46) noong mga 1930 ay dagdag na ebidensiya sa pagkasulat ni Pablo. Kinumentuhan ng pangunahing Ingles na kritiko sa teksto na si Sir Frederic Kenyon ang papyrus codex na ito, na isinulat mga isang siglo at kalahati lamang pagkamatay ni Pablo: “Kapansin-pansin na ang Mga Hebreo ay isinusunod agad sa Mga Taga-Roma (bagay na halos walang nakakatulad), upang ipakita na sa maagang petsa ng pagkasulat ng manuskrito ay walang alinlangan sa pagkaka-akda ni Pablo.”a Kaugnay nito ay idiniriin ng Cyclopedia nina McClintock at Strong: “Walang sapat na ebidensiya, panlabas man o panloob, na pabor sa anomang pag-aangkin sa pagkaka-akda ng liham kung hindi kay Pablo.”b
5. Papaano pinatutunayan ng nilalaman ng Mga Hebreo na ito ay kinasihan?
5 Bukod sa pagtanggap ng sinaunang mga Kristiyano, ang nilalaman ng Mga Hebreo ay patotoo na ito ay “kinasihan ng Diyos.” Ang mambabasa ay laging inaakay sa mga hula sa Kasulatang Hebreo, at ipinakikita ng marami nitong pagtukoy sa sinaunang mga kasulatan na ang mga ito’y pawang natupad kay Kristo Jesus. Sa unang kabanata lamang, di-kukulangin sa pitong pagsipi sa Kasulatang Hebreo ang nagpapakita na ang Anak ay mas mataas ngayon sa mga anghel. Lagi itong dumadakila sa Salita at pangalan ni Jehova, at ipinakikilala si Jesus bilang Punong Ahente ng buhay at ang Kaharian ng Diyos sa ilalim ni Kristo ang tanging pag-asa ng sangkatauhan.
6. Ano ang ebidensiya tungkol sa dako at panahon ng pagkasulat ng Mga Hebreo?
6 Tungkol sa panahon ng pagsulat, nakita natin na ito’y noong si Pablo ay nasa Italya. Sa pagtatapos ng liham, sinasabi niya: “Talastasin na ang kapatid nating si Timoteo ay napalaya na, at kung darating siya agad, ay ipagsasama ko sa inyo.” (13:23) Waring nagpapahiwatig ito na si Pablo ay umaasa sa maagang paglaya sa bilangguan at sa pagsama kay Timoteo na naibilanggo rin ngunit napalaya na. Kaya ang huling taon ng unang pagkabilanggo ni Pablo sa Roma ang iminumungkahing petsa ng pagsulat, at iyon ay 61 C.E.
7. Sa anong pagsalansang napaharap ang mga Judiong Kristiyano sa Jerusalem, at ano ang kailangan nila?
7 Noong panahon ng kawakasan ng Judiong sistema, dumanas ng mahigpit na pagsubok ang mga Hebreong Kristiyano sa Judea at lalo na sa Jerusalem. Dahil sa paglago at paglaganap ng mabuting balita, lalong naging malupit at panatiko ang mga Judio sa pag-uusig sa mga Kristiyano. Iilang taon pa ang nakakalipas, ang pagparoon ni Pablo sa Jerusalem ay sapat na upang siya’y umugin, at ubod-lakas na ipinagsigawan ng relihiyosong mga Judio: “Alisin sa lupa ang taong ito, pagkat hindi siya nararapat mabuhay!” Mahigit na 40 Judio ang sumumpa na hindi sila kakain ni iinom hangga’t di nila naililigpit siya, at kinailangan siyang samahan sa Cesarea ng napakaraming armadong kawal sa gabi. (Gawa 22:22; 23:12-15, 23, 24) Sa gitna ng ganitong relihiyosong panatisismo at pagkapoot, ang kongregasyon ay kinailangang mamuhay, mangaral at magpakatatag sa pananampalataya. Kinailangan nila ang malalim na kaalaman at unawa hinggil sa kung papaano tinupad ni Kristo ang Kautusan upang huwag silang matuksong bumalik sa Judaismo at sa Kautusang Mosaico na may paghahandog ng mga hayop na sa ngayo’y walang kabuluhang mga rituwal na lamang.
8. Bakit kahanga-hanga ang pagkasangkap kay Pablo upang isulat ang liham sa Mga Hebreo, at anong sunud-sunod na pangangatuwiran ang iniharap niya?
8 Walang higit na nakakaunawa sa panggigipit at pag-uusig sa mga Judiong Kristiyano kung hindi si apostol Pablo. Walang higit na nasasangkapan sa pagbibigay ng maririing argumento at pagpapabulaan sa tradisyong Judio kundi si Pablo, isang dating Fariseo. Mula sa malawak na kaalaman sa Kautusang Mosaico na natutuhan kay Gamaliel, ay nagharap siya ng di-matututulang patotoo na si Kristo ang katuparan ng Kautusan, ng mga alituntunin at hain nito. Ipinakita niya na ito’y pinalitan na ng mas maluwalhating mga katunayan, na nagdudulot ng higit na pakinabang sa ilalim ng isang bago at mas mabuting tipan. Inihanay ng matalino niyang kaisipan ang sunud-sunod na katibayan sa maliwanag at kapani-paniwalang paraan. Ang wakas ng tipang Kautusan at ang pagsisimula ng bago, ang kahigitan ng pagkasaserdote ni Kristo sa pagkasaserdoteng Aaroniko, ang tunay na halaga ng hain ni Kristo kung ihahambing sa mga handog na baka at kambing, ang pagharap ni Kristo kay Jehova sa langit sa halip na sa isang makalupang tolda—lahat ng ito ay bagung-bagong mga turo, lubhang kinapootan ng di-sumasampalatayang mga Judio, at iniharap sa mga Hebreong Kristiyano lakip ang saganang patotoo ng Kasulatang Hebreo na tiyak na kukumbinse sa sinomang makatuwirang Judio.
9. Ang liham sa Mga Hebreo ay naging makapangyarihang sandata ukol sa ano, at papaano ito nagtanghal ng pag-ibig ni Pablo?
9 Sa tulong ng liham, nasangkapan ang mga Hebreong Kristiyano ng bago at makapangyarihang sandata na magpapatikom sa bibig ng mga mang-uusig na Judio, at ng pangangatuwiran na kukumbinse at aakit sa tapat-pusong mga Judio na naghahanap ng katotohanan. Ipinakikita nito ang taos-pusong pag-ibig ni Pablo at ang marubdob na pagnanasa na tulungan ang mga Hebreong Kristiyano sa isang praktikal na paraan sa panahon ng kagipitan.
NILALAMAN NG MGA HEBREO
10. Tungkol kay Kristo, ano ang isinasaad ng pambungad ng Mga Hebreo?
10 Ang dakilang katayuan ni Kristo (1:1–3:6). Kay Kristo nakatuon ang pambungad: “Ang Diyos, na noong una ay nagsalita sa ating mga magulang sa iba’t-ibang pagkakataon at iba’t-ibang paraan sa pamamagitan ng mga propeta, ay nagsasalita sa atin sa mga huling araw sa pamamagitan ng kaniyang Anak.” Ang Anak ang Tagapagmana ng lahat ng bagay at larawan ng kaluwalhatian ng Ama. Matapos linisin ang ating mga kasalanan, siya’y “naupo sa kanang kamay ng Kamahalan sa kaitaasan.” (1:1-3) Sunud-sunod na sumisipi si Pablo sa mga kasulatan
-