Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • fy kab. 7 p. 76-89
  • May Rebelde ba sa Loob ng Tahanan?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • May Rebelde ba sa Loob ng Tahanan?
  • Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • ANO BA ANG ISANG REBELDE?
  • MGA DAHILAN NG PAGREREBELDE
  • ANG MAPAGPALAYAW NA SI ELI AT ANG MAHIGPIT NA SI REHOBOAM
  • NAIIWASAN ANG PAGREREBELDE KAPAG SINASAPATAN ANG PANGUNAHING PANGANGAILANGAN
  • KAPAG NAGKAPROBLEMA ANG MGA ANAK
  • PAKIKITUNGO SA ISANG DESIDIDONG REBELDE
  • Tulungan ang Iyong Anak na Tin-edyer na Sumulong
    Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya
  • Sanayin ang Iyong Anak Mula sa Pagkasanggol
    Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya
  • Mga Magulang—Sanayin ang Inyong mga Anak sa Maibiging Paraan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2007
  • Turuan ang Inyong mga Anak na Ibigin si Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2007
Iba Pa
Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya
fy kab. 7 p. 76-89

IKAPITONG KABANATA

May Rebelde ba sa Loob ng Tahanan?

Larawan sa pahina 76

1, 2. (a) Anong ilustrasyon ang ibinigay ni Jesus upang itampok ang kawalan ng katapatan ng mga relihiyosong lider na Judio? (b) Anong punto hinggil sa nagbibinata’t nagdadalagang anak ang matututuhan natin mula sa ilustrasyon ni Jesus?

MGA ilang araw bago siya mamatay, iniharap ni Jesus sa isang grupo ng mga relihiyosong lider na Judio ang isang palaisipang tanong. Sabi niya: “Ano sa palagay ninyo? Isang tao ang may dalawang anak. Sa pagparoon sa una, ay sinabi niya, ‘Anak, pumaroon ka at gumawa ngayon sa ubasan.’ Bilang sagot ay sinabi ng isang ito, ‘Paroroon ako, ginoo,’ ngunit hindi siya pumaroon. Sa paglapit sa ikalawa, ay sinabi niya ang gayundin. Bilang tugon ay sinabi ng isang ito, ‘Hindi ako paroroon.’ Pagkatapos ay nagsisi siya at pumaroon. Alin sa dalawa ang gumawa ng kalooban ng kaniyang ama?” Sumagot ang mga lider na Judio: “Ang huli.”​—Mateo 21:28-31.

2 Dito ay itinatampok ni Jesus ang kawalan ng katapatan ng mga lider na Judio. Sila’y gaya ng unang anak, na nangakong gagawin ang kalooban ng Ama at pagkatapos ay hindi tumupad sa kanilang pangako. Subalit maraming magulang ang makababatid na ang ilustrasyon ni Jesus ay nakasalig sa isang malalim na pagkaunawa sa buhay pampamilya. Gaya ng napakahusay na inilarawan niya, sadyang napakahirap malaman kung ano ang nasa isip ng mga kabataan o mahulaan ang kanilang gagawin. Ang isang bata ay maaaring magbigay ng maraming problema sa panahon ng kaniyang pagbibinata o pagdadalaga ngunit pagkatapos naman ay lumalaking isang responsable, kapita-pitagang indibiduwal. Ito’y isang bagay na dapat tandaan kapag tinatalakay natin ang suliranin ng pagrerebelde ng tin-edyer.

ANO BA ANG ISANG REBELDE?

3. Bakit hindi dapat magmadali ang mga magulang sa pagsasabi na ang kanilang anak ay rebelde?

3 Paminsan-minsan, nakaririnig tayo ng mga tin-edyer na tahasang nagrerebelde sa kanilang mga magulang. Baka may alam ka pa ngang isang pamilya na ang anak na tin-edyer ay waring imposible nang masupil pa. Gayunman, hindi palaging madaling malaman kung ang isang bata ay talaga ngang isang rebelde. Isa pa, maaaring mahirap maunawaan kung bakit ang ilang anak ay nagrerebelde at ang iba​—kahit mula rin sa sambahayang iyon​—ay hindi naman. Kung sinasapantaha ng mga magulang na ang isa sa kanilang mga anak ay maaaring papunta sa pagiging isang ganap na rebelde, ano ang dapat nilang gawin? Upang masagot ito, dapat muna nating pag-usapan kung ano ang ibig sabihin ng rebelde.

4-6. (a) Ano ba ang isang rebelde? (b) Ano ang dapat tandaan ng mga magulang kung ang kanilang anak na tin-edyer ay nagiging masuwayin paminsan-minsan?

4 Sa madali’t sabi, ang isang rebelde ay isang tao na kusa at palaging sumusuway o tumututol at lumalabag sa mas mataas na awtoridad. Mangyari pa, ang ‘kamangmangan ay nasa puso ng isang bata.’ (Kawikaan 22:15) Kaya talagang may pagkakataon na lahat ng anak ay tumututol sa awtoridad ng magulang at ng iba. Ito’y lalo nang totoo sa panahon ng pisikal at emosyonal na paglaki na tinatawag na pagbibinata’t pagdadalaga. Ang pagbabago sa buhay ng isang tao ay lumilikha ng igting, at ang pagbibinata’t pagdadalaga ay punung-puno ng pagbabago. Kinalalakihan na ng iyong anak na tin-edyer ang pagiging bata at siya’y tumatahak ngayon sa pagiging isang nasa hustong gulang. Dahil dito, sa mga taon ng pagbibinata’t pagdadalaga, ang ilang magulang at mga anak ay nahihirapang magkasundo. Kadalasan ay nagiging likas lamang sa mga magulang na tangkaing dahan-dahanin ang nagaganap na pagbabago, samantalang ang mga anak naman ay gustong madaliin ito.

5 Ang isang rebeldeng tin-edyer ay tumatanggi sa pamantayang moral ng mga magulang. Gayunman, tandaan na ang isa’y hindi nagiging rebelde dahil lamang sa ilang pagsuway. At kung tungkol naman sa espirituwal na mga bagay, may ilang anak na sa pasimula’y di-gaanong interesado o lubusang walang interes sa katotohanan ng Bibliya, subalit maaaring hindi naman sila talagang mga rebelde. Bilang isang magulang, huwag magpadalus-dalos sa pagsasabi na rebelde ang iyong anak.

6 Ang mga taon ba ng pagbibinata’t pagdadalaga ng lahat ng kabataan ay palaging kakikitaan ng pagrerebelde sa awtoridad ng magulang? Hindi, hindi naman. Ang totoo, waring ipinakikita ng katibayan na iilan lamang sa mga tin-edyer ang nagpapamalas ng malubhang pagrerebelde sa panahon ng pagbibinata’t pagdadalaga. Gayunman, papaano kung ang isang bata ay may-kasuwailan at palagiang nagrerebelde? Ano ang maaaring maging dahilan ng gayong pagrerebelde?

MGA DAHILAN NG PAGREREBELDE

7. Papaano nakaiimpluwensiya ang satanikong kapaligiran upang magrebelde ang anak?

7 Ang pangunahing dahilan ng pagrerebelde ay ang satanikong kapaligiran ng sanlibutan. “Ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot.” (1 Juan 5:19) Ang sanlibutan na nasa kapangyarihan ni Satanas ay nagpalaganap ng isang kulturang mapaminsala na kailangang paglabanan ng mga Kristiyano. (Juan 17:15) Kalimitan sa kulturang iyan ay mas magaspang, mas mapanganib, at punung-puno ng mas masasamang impluwensiya sa ngayon kaysa noong una. (2 Timoteo 3:1-5, 13) Kung ang mga magulang ay hindi magtuturo, magbababala, at magsasanggalang sa kanilang mga anak, ang mga kabataan ay madaling madaraig ng “espiritu na kumikilos ngayon sa mga anak ng pagsuway.” (Efeso 2:2) Kaugnay rito ay ang panggigipit ng mga kababata. Sabi ng Bibliya: “Siyang nakikitungo sa mga mangmang ay mapapariwara.” (Kawikaan 13:20) Sa gayunding paraan, siya na patuloy na nakikisama sa mga nalilipos ng espiritu ng sanlibutang ito ay malamang na maimpluwensiyahan ng espiritung iyan. Kailangan ng mga kabataan ang palagiang tulong upang maunawaan nila na ang pagtalima sa maka-Diyos na mga simulain ang pundasyon ng pinakamabuting daan ng buhay.​—Isaias 48:17, 18.

8. Anu-anong salik ang maaaring umakay sa pagrerebelde sa bahagi ng anak?

8 Ang isa pang dahilan ng pagrerebelde ay maaaring ang kalagayang umiiral sa tahanan. Halimbawa, kung ang isang magulang ay alkoholiko, nag-aabuso sa droga, o malupit sa asawa, ang tin-edyer ay baka magkaroon ng baluktot na pananaw sa buhay. Maging sa tahimik na mga tahanan, maaaring sumiklab ang pagrerebelde kapag nadama ng anak na hindi interesado sa kaniya ang kaniyang mga magulang. Gayunman, ang pagrerebelde ng mga tin-edyer ay hindi palaging bunga ng panlabas na mga impluwensiya. Tinatalikuran ng ilang anak ang pamantayang moral ng mga magulang sa kabila ng pagkakaroon ng mga magulang na, sa abot ng kanilang makakaya, ay nagkakapit ng maka-Diyos na mga simulain at nagkakanlong sa kanila mula sa sanlibutang nakapalibot sa kanila. Bakit? Marahil dahil sa isa pang ugat ng ating suliranin​—ang di-kasakdalan ng tao. Sabi ni Pablo: “Sa pamamagitan ng isang tao [si Adan] ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan, at sa gayon ang kamatayan ay lumaganap sa lahat ng tao sapagkat silang lahat ay nagkasala.” (Roma 5:12) Si Adan ay isang sakim na rebelde, at iniwanan niya ng isang masamang pamana ang lahat niyang supling. Ang ilang kabataan ay basta ibig lamang magrebelde, gaya ng ginawa ng kanilang ninuno.

ANG MAPAGPALAYAW NA SI ELI AT ANG MAHIGPIT NA SI REHOBOAM

9. Anong mga kalabisan sa pagpapalaki ng anak ang maaaring mag-udyok sa bata na magrebelde?

9 Ang isa pang bagay na umaakay sa pagrerebelde ng mga tin-edyer ay ang di-timbang na pangmalas sa pagpapalaki ng anak sa bahagi ng mga magulang. (Colosas 3:21) Ang ilang maiingat na magulang ay labis na naghihigpit at dumidisiplina sa kanilang mga anak. Ang iba naman ay mapagpalayaw, anupat walang inilalaang patnubay na magsasanggalang sa kanilang nagbibinata o nagdadalagang anak na wala pang karanasan. Hindi laging madaling tantiyahin ang tamang timbang ng dalawang kalabisang ito. At ang iba’t ibang bata ay may iba’t ibang pangangailangan. Ang isa’y maaaring mangailangan ng higit na pangangasiwa kaysa sa iba. Magkagayon man, ang dalawang halimbawa sa Bibliya ay tutulong na maipakita ang panganib ng alinman sa pagiging labis na mahigpit o labis na mapagpalayaw.

10. Bakit si Eli, bagaman malamang na isang tapat na mataas na saserdote, ay di-mabuting magulang?

10 Ang sinaunang mataas na saserdoteng si Eli ay isang ama. Siya’y naglingkod ng 40 taon, at walang-alinlangang marunong sa Batas ng Diyos. Malamang na ginanap ni Eli ang kaniyang regular na tungkulin bilang saserdote nang buong katapatan at maaaring naituro pa nga niyang mabuti ang Batas ng Diyos sa kaniyang mga anak na lalaki, sina Hofni at Finehas. Gayunman, si Eli ay labis na mapagpasunod sa kaniyang mga anak. Sina Hofni at Finehas ay naglingkod bilang mga nanunungkulang saserdote, ngunit sila’y “mga walang kabuluhang lalaki,” na interesado lamang sa pagbibigay-kasiyahan sa kanilang mga hilig at imoral na hangarin. Magkagayon man, nang sila’y gumawa ng kahiya-hiyang bagay sa banal na dako, si Eli ay hindi nagkaroon ng lakas ng loob na alisin sila sa panunungkulan. Sila’y bahagyang pinagwikaan lamang. Dahil sa kaniyang pagiging mapagpalayaw, higit na binigyang-dangal ni Eli ang kaniyang mga anak kaysa sa Diyos. Bilang resulta, ang kaniyang mga anak ay nagrebelde laban sa malinis na pagsamba kay Jehova at ang buong sambahayan ni Eli ay dumanas ng kapahamakan.​—1 Samuel 2:12-17, 22-25, 29; 3:13, 14; 4:11-22.

11. Ano ang matututuhan ng mga magulang sa maling halimbawa ni Eli?

11 Malalaki na ang mga anak ni Eli nang maganap ang pangyayaring ito, ngunit ang kasaysayang ito ay nagdiriin ng panganib sa pagkakait ng disiplina. (Ihambing ang Kawikaan 29:21.) Maaaring ipagkamali ng ilang magulang ang pagpapalayaw sa pagmamahal, anupat nagkukulang sila sa paglalagay at pagpapasunod sa maliwanag, di-nagbabago, at makatuwirang mga tuntunin. Nakakaligtaan nilang maglapat ng maibiging disiplina, kahit na kung nilalabag pa nga ang maka-Diyos na mga simulain. Dahil sa gayong pagpapalayaw, ang kanilang mga anak ay maaaring humantong sa di-pagbibigay-pansin sa awtoridad ng magulang o sa ano pa mang uri ng awtoridad.​—Ihambing ang Eclesiastes 8:11.

12. Anong pagkakamali ang nagawa ni Rehoboam sa kaniyang paghawak ng awtoridad?

12 Si Rehoboam naman ang halimbawa ng isa pang kalabisan sa paghawak ng awtoridad. Siya ang pinakahuling hari ng nagkakaisang kaharian ng Israel, ngunit siya’y hindi naging mabuting hari. Minana ni Rehoboam ang isang lupain na may mga mamamayang hindi nasisiyahan dahil sa pasaning ipinataw sa kanila ng kaniyang ama, si Solomon. Naging maunawain ba si Rehoboam? Hindi. Nang makiusap sa kaniya ang isang delegasyon na magbawas ng ilang mabibigat na batas, hindi siya nakinig sa matalinong payo ng kaniyang mga nakatatandang tagapayo at nag-utos na pabigatin pa ang pamatok ng mga tao. Ang kaniyang kapalaluan ang nagbunsod sa pagrerebelde ng sampung tribo sa hilaga, at ang kaharian ay nahati sa dalawa.​—1 Hari 12:1-21; 2 Cronica 10:19.

13. Papaano maiiwasan ng mga magulang ang pagkakamali ni Rehoboam?

13 May matututuhan ang mga magulang na ilang mahalagang aral mula sa ulat ng Bibliya tungkol kay Rehoboam. Kailangan nilang “saliksikin si Jehova” sa panalangin at suriin ang kanilang paraan ng pagpapalaki ng anak sa liwanag ng mga simulain ng Bibliya. (Awit 105:4) “Ang paniniil lamang ay maaari nang magpangyaring masiraan ng bait ang isa na marunong,” sabi ng Eclesiastes 7:7. Ang pinag-isipang mabuti na mga patnubay ay nagbibigay sa mga nagbibinata’t nagdadalaga ng pagkakataon upang lumaki habang naiingatan sila mula sa kapahamakan. Subalit ang mga bata’y hindi dapat mabuhay sa isang kalagayang napakahigpit at nakasasakal anupat nahahadlangan ang pagkakaroon nila ng sapat na pananalig at pagtitiwala sa sarili. Kapag sinisikap ng mga magulang na mapagtimbang ang makatuwirang kalayaan at ang matatag na mga limitasyon na maliwanag na itinakda, karamihan sa mga tin-edyer ang hindi na mag-iisip magrebelde.

NAIIWASAN ANG PAGREREBELDE KAPAG SINASAPATAN ANG PANGUNAHING PANGANGAILANGAN

Larawan sa pahina 83

Malamang na lumaking higit na matatag ang mga anak kung tutulungan sila ng kanilang mga magulang sa pagharap sa kanilang mga suliranin sa panahon ng pagiging tin-edyer

14, 15. Papaano dapat malasin ng mga magulang ang paglaki ng kanilang anak?

14 Bagaman natutuwa ang mga magulang kapag nakikita ang kanilang anak na lumalaki mula sa pagiging sanggol tungo sa pagkakaroon ng sapat na gulang, sila’y maaaring mabahala kapag ang kanilang nagbibinata o nagdadalagang anak ay nagsisimula nang humiwalay sa kanilang pagkalinga at angkop na umasa sa kaniyang sarili. Sa panahong ito ng pagbabago, huwag kang magtataka kung nagiging matigas ang ulo ng iyong anak na tin-edyer at hindi nakikipagtulungan paminsan-minsan. Laging tandaan na ang tunguhin ng mga Kristiyanong magulang ay ang makapagpalaki ng isang maygulang, matatag, at responsableng Kristiyano.​—Ihambing ang 1 Corinto 13:11; Efeso 4:13, 14.

15 Bagaman totoong mahirap, kailangang putulin ng mga magulang ang kanilang ugali na di-pagpayag sa anumang pakiusap ng kanilang nagbibinata o nagdadalagang anak na bigyan sila ng higit na kalayaan. Sa isang kapaki-pakinabang na paraan, ang isang bata’y dapat lumaki bilang isang indibiduwal. Ang totoo, sa maagang edad pa lamang, ang ilang tin-edyer ay bahagyang nagkakaroon na ng maygulang na pangmalas. Halimbawa, ganito ang sabi ng Bibliya tungkol sa batang si Haring Josias: “Habang siya’y bata pa [na mga 15 anyos], sinimulan niyang saliksikin ang Diyos ni David.” Ang pambihirang tin-edyer na ito ay maliwanag na isang responsableng indibiduwal.​—2 Cronica 34:1-3.

16. Habang dinaragdagan ang pananagutan ng mga anak, ano ang dapat nilang maunawaan?

16 Gayunman, ang pagiging malaya ay may kaakibat na pananagutan. Samakatuwid, hayaan mong danasin ng iyong lumalaki nang anak ang anumang bunga ng ilan niyang desisyon at mga paggawi. Ang simulaing, “anuman ang inihahasik ng isang tao, ito rin ang kaniyang aanihin,” ay kapit sa mga tin-edyer tulad din sa mga nasa hustong gulang. (Galacia 6:7) Ang mga anak ay hindi maaaring nasa ilalim ng iyong pag-aaruga magpakailanman. Ngunit, papaano kung ang iyong anak ay gustong gumawa ng isang bagay na talaga namang di-maaaring payagan? Bilang isang responsableng magulang, dapat mong sabihing, “Hindi.” At, bagaman maipaliliwanag mo ang dahilan, walang dapat magpabago ng iyong hindi tungo sa pagiging oo. (Ihambing ang Mateo 5:37.) Gayunpaman, sikaping magsabi ng “Hindi” sa isang malumanay at makatuwirang paraan, yamang “ang sagot, kapag mahinahon, ay pumapawi ng poot.”​—Kawikaan 15:1.

17. Ano ang ilang pangangailangan ng isang tin-edyer na dapat sapatan ng magulang?

17 Kailangan ng mga kabataan ang seguridad ng patuluyang disiplina kahit na kung minsan ay hindi sila sumasang-ayon agad sa mga pagbabawal at alituntunin. Nakasisiphayo kung ang mga alituntunin ay palaging binabago, batay sa niloloob ng magulang sa pagkakataong iyon. Isa pa, kung ang mga tin-edyer ay tumatanggap ng pampatibay-loob at tulong, kung kinakailangan, upang mapaglabanan ang pagkadungô, pagkamahiyain, o kawalan ng pagtitiwala sa sarili, malamang na sila’y lumaking mas matatag. Nagpapahalaga rin ang mga tin-edyer kapag sila’y pinagkakatiwalaan matapos mapatunayang karapat-dapat.​—Ihambing ang Isaias 35:3, 4; Lucas 16:10; 19:17.

18. Ano ang ilang nakapagpapatibay na katotohanan hinggil sa mga tin-edyer?

18 Nakaaaliw sa mga magulang na malaman na kapag umiiral sa loob ng sambahayan ang kapayapaan, katatagan, at pag-ibig, ang mga anak ay madalas na sumusulong. (Efeso 4:31, 32; Santiago 3:17, 18) Aba, maraming kabataan ang nakapanagumpay na kahit sa isang di-mabuting kapaligiran sa tahanan na mula sa mga pamilyang kinakikitaan ng alkoholismo, karahasan, o iba pang masamang impluwensiya, at lumaking mabubuting tao. Kaya nga, kung nakapaglalaan ka ng isang tahanan na doo’y nakadarama ang iyong anak na tin-edyer ng katiwasayan at alam nilang sila’y pagpapakitaan ng pag-ibig, pagmamahal, at pag-aasikaso​—kahit ang pagsuportang iyan ay samahan pa ng makatuwirang pagbabawal at disiplina na kasuwato ng mga simulain sa Kasulatan​—malamang na sila’y iyong maipagmamalaki pagsapit nila sa hustong gulang.​—Ihambing ang Kawikaan 27:11.

KAPAG NAGKAPROBLEMA ANG MGA ANAK

19. Samantalang dapat sanayin ng mga magulang ang isang bata sa daan na dapat niyang lakaran, anong pananagutan ang nakaatang sa anak?

19 Malaki ang nagagawa ng pagiging mabuting magulang. Ang Kawikaan 22:6 ay nagsasabi: “Sanayin mo ang bata sa daan na dapat niyang lakaran; kahit tumanda man siya ay hindi niya hihiwalayan iyon.” Ngunit, kumusta naman ang mga batang nagkakaroon pa rin ng malulubhang suliranin kahit sila’y may mabuting magulang? Posible ba ito? Oo. Ang mga salita ng kawikaan ay dapat unawain sa liwanag ng iba pang mga talata na nagdiriin ng pananagutan ng bata na “makinig” at sumunod sa mga magulang. (Kawikaan 1:8) Kapuwa ang magulang at anak ay dapat makipagtulungan sa pagkakapit ng mga simulain sa Kasulatan upang magkasuwato ang pamilya. Kung hindi magtutulungan ang mga magulang at ang mga anak, magkakaroon ng problema.

20. Kapag nagkamali ang mga anak dahil sa kawalang-ingat, ano ang dapat na maging matalinong pakikitungo ng mga magulang?

20 Ano ang dapat maging reaksiyon ng mga magulang kapag ang isang anak na tin-edyer ay nagkamali at napasangkot sa gulo? Sa pagkakataong ito, lalo na, kailangang-kailangan ng kabataan ang tulong. Kung aalalahanin ng mga magulang na sila’y nakikitungo sa isang walang-karanasang kabataan, mas madali nilang maiiwasan ang madala sa biglang pagkagalit. Pinayuhan ni Pablo ang mga maygulang sa kongregasyon: “Bagaman ang isang tao ay gumawa ng anumang maling hakbang bago niya mabatid ito, kayo na may mga espirituwal na kuwalipikasyon ay magsikap na ibalik sa ayos ang gayong tao sa espiritu ng kahinahunan.” (Galacia 6:1) Maaaring sundin ng mga magulang ang pamamaraang ito kapag nakikitungo sa isang kabataan na nagkamali dahil sa kawalang-ingat. Samantalang malinaw na ipinaliliwanag kung bakit mali ang kaniyang iginawi at kung papaano siya makaiiwas na maulit ang pagkakamali, dapat ipaunawa ng mga magulang na hindi ang kabataan ang masama, kundi ang kaniyang maling iginawi.​—Ihambing ang Judas 22, 23.

21. Sa pagsunod sa halimbawa ng Kristiyanong kongregasyon, papaano dapat kumilos ang mga magulang kapag malubhang nagkasala ang kanilang mga anak?

21 Papaano kung malubha na ang pagkadelingkuwente ng kabataan? Kung gayon ay nangangailangan ang bata ng pantanging tulong at dalubhasang patnubay. Kapag ang isang miyembro ng kongregasyon ay malubhang nagkasala, siya’y hinihimok na magsisi at humingi ng tulong sa matatanda. (Santiago 5:14-16) Kung siya’y magsisisi, tutulungan siya ng matatanda upang mapanauli ang kaniyang espirituwalidad. Sa loob ng pamilya, ang pananagutan ng pagtulong sa nagkasalang tin-edyer ay nakaatang sa mga magulang, bagaman baka kailanganing ipakipag-usap ang bagay na ito sa matatanda. Tiyak na hindi nila dapat tangkaing ipaglihim sa lupon ng matatanda ang anumang malubhang pagkakasalang ginawa ng isa sa kanilang mga anak.

22. Bilang pagtulad kay Jehova, anong saloobin ang dapat panatilihin ng mga magulang kapag malubhang nagkasala ang kanilang anak?

22 Talaga namang napakahirap batahin kung masasangkot sa maselang na problema ang sarili mong mga anak. Dahil sa labis na pagkaligalig ng damdamin, baka maisipan ng mga magulang na pagalít na bantaan ang suwail na anak; ngunit ito’y maaaring makapagpasamâ lamang ng kaniyang loob. Tandaan na ang kinabukasan ng kabataang ito ay maaaring nakasalalay sa paraan ng pakikitungo sa kaniya sa ganitong kritikal na pagkakataon. Alalahanin din na si Jehova ay handang magpatawad nang lumihis ang kaniyang bayan mula sa kung ano ang tama​—kung nagsisi lamang sila. Pakinggan ang kaniyang maibiging pananalita: “‘Halikayo ngayon, kayong mga tao, at ituwid natin ang mga bagay-bagay sa pagitan natin,’ ang sabi ni Jehova. ‘Bagaman ang mga kasalanan ninyong mga tao ay maging gaya ng iskarlata, ang mga iyon ay mapapuputing tulad nga ng niyebe; bagaman ang mga iyon ay maging pula na tulad ng telang krimson, ang mga iyon ay magiging tulad pa nga ng lana.’” (Isaias 1:18) Kay inam na halimbawa para sa mga magulang!

23. Kapag napaharap sa malubhang pagkakasala ang isa sa kanilang mga anak, papaano dapat gumawi ang mga magulang, at ano ang dapat nilang iwasan?

23 Kaya nga, pagsikapang himukin ang isang napaligaw na baguhin ang kaniyang landas. Humingi ng mabubuting payo mula sa makaranasang mga magulang at matatanda sa kongregasyon. (Kawikaan 11:14) Pagsikapan na huwag madala ng silakbo ng damdamin at sa gayo’y makapagsalita o makagawa ng mga bagay na magpapahirap sa iyong anak na manumbalik sa iyo. Iwasan ang di-mapigil na matinding galit at samâ ng loob. (Colosas 3:8) Huwag agad susuko. (1 Corinto 13:4, 7) Samantalang napopoot sa masama, iwasan mong pagmatigasan at kasamaán ng loob ang iyong anak. Higit sa lahat, dapat magsikap ang mga magulang na magpakita ng mainam na halimbawa at panatilihing matatag ang kanilang pananampalataya sa Diyos.

PAKIKITUNGO SA ISANG DESIDIDONG REBELDE

24. Anong malungkot na kalagayan ang kung minsan ay bumabangon sa isang Kristiyanong pamilya, at papaano dapat tumugon ang isang magulang?

24 May mga pagkakataon na maliwanag na nakikitang ang isang kabataan ay talagang desididong magrebelde at lubusang tumatanggi sa mga Kristiyanong simulain. Kung gayon ay dapat nang ilipat ang pansin sa pagpapanatili o pagpapanibagong-tatag ng buhay pampamilya para sa mga natitirang anak. Ingatan na huwag ibuhos ang iyong buong pagsisikap sa rebelde, gayong nakakaligtaan naman ang iba pang mga anak. Sa halip na ilihim ang suliranin sa ibang miyembro ng pamilya, ipakipag-usap ang bagay na iyon sa kanila sa angkop na lawak nito at sa isang paraang nagbibigay ng katiyakan.​—Ihambing ang Kawikaan 20:18.

25. (a) Sa pagsunod sa parisan ng Kristiyanong kongregasyon, ano ang baka kailangang gawin ng mga magulang kung ang isang anak ay maging isang desididong rebelde? (b) Ano ang dapat tandaan ng mga magulang kung magrebelde ang isa sa kanilang mga anak?

25 Ganito ang sabi ni apostol Juan hinggil sa isang di na mababagong rebelde sa kongregasyon: “Huwag ninyong tanggapin siya sa inyong mga tahanan o magsabi ng isang pagbati sa kaniya.” (2 Juan 10) Maaaring madama ng mga magulang na kailangang ito rin ang kanilang maging paninindigan sa kanilang sariling anak kung siya’y nasa legal na edad na at nagiging ganap na rebelde. Bagaman maaaring napakahirap at napakasakit ng ganitong paninindigan, ito’y kailangan kung minsan upang maipagsanggalang ang natitirang miyembro ng pamilya. Kailangan ng iyong sambahayan ang iyong proteksiyon at patuluyang pangangasiwa. Kaya nga, ipagpatuloy ang pagkakaroon ng maliwanag, ngunit makatuwiran, na hangganan ng paggawi. Makipag-usap sa iba pang mga anak. Maging interesado sa kanilang kalagayan sa paaralan at sa kongregasyon. Gayundin, ipaalam sa kanila na bagaman hindi mo nagustuhan ang ginawa ng iyong rebeldeng anak, hindi ka naman napopoot sa kaniya. Hatulan mo ang masamang ginawa, sa halip na ang bata. Nang magdulot ng ostrasismo sa pamilya ang dalawang anak ni Jacob dahil sa kanilang ginawang kalupitan, isinumpa ni Jacob ang kanilang marahas na pagkagalit, hindi ang mga anak mismo.​—Genesis 34:1-31; 49:5-7.

26. Saan makakakuha ng kaaliwan ang matapat na mga magulang kung magrebelde ang isa sa kanilang mga anak?

26 Maaaring madama mong may pananagutan ka sa nangyari sa iyong pamilya. Subalit kung nagawa mo nang lahat ang iyong magagawa na may kasamang panalangin, na sumusunod sa mga payo ni Jehova sa abot ng iyong makakaya, hindi na makatuwirang sisihin pa ang iyong sarili. Maging kaaliwan sa iyo ang katotohanan na walang sinuman ang maaaring maging sakdal na magulang, ngunit tapat sa loob mo ang pagsisikap na maging isang mabuting magulang. (Ihambing ang Gawa 20:26.) Nakapagdurugo ng puso ang pagkakaroon ng isang pusakal na rebelde sa pamilya, subalit mangyari man ito sa iyo, asahan mo na ang Diyos ay nakauunawa at hindi niya kailanman pababayaan ang kaniyang tapat na mga lingkod. (Awit 27:10) Kaya maging desidido na ingatan ang iyong tahanan upang maging ligtas, espirituwal na kanlungan para sa sinumang natitirang anak.

27. Sa pag-alaala sa talinghaga ng alibughang anak, ano ang palaging maaasahan ng mga magulang ng isang rebeldeng anak?

27 Isa pa, huwag na huwag kang mawawalan ng pag-asa. Baka sa wakas ay magkabisa rin sa puso ng naliligaw na anak ang iyong pagsisikap noon hinggil sa wastong pagsasanay at siya’y matauhan. (Eclesiastes 11:6) Marami sa mga Kristiyanong pamilya ang nagkaroon na ng gayunding karanasan, at nakita ng ilan na nanumbalik ang kanilang masuwaying mga anak, kagaya ng ginawa ng ama sa talinghaga ni Jesus tungkol sa alibughang anak. (Lucas 15:11-32) Maaaring ganito rin ang mangyari sa iyo.

PAPAANO MAKATUTULONG ANG MGA SIMULAING ITO NG BIBLIYA . . . SA ISANG MAGULANG UPANG MAIWASAN ANG MALUBHANG PAGREREBELDE SA SAMBAHAYAN?

Kapag hindi natulungan, ang isang bata ay maaaring maapektuhan ng espiritu ng sanlibutan.​—Kawikaan 13:20; Efeso 2:2.

Kailangang mapagtimbang ng mga magulang ang pagiging mahigpit at ang pagpapalayaw.​—Eclesiastes 7:7; 8:11.

Ang maling paggawi ay dapat ituwid, subalit sa espiritu ng kahinahunan.​—Galacia 6:1.

Yaong mga nakagawa ng malulubhang kasalanan ay maaaring “mapagaling” kung sila’y magsisisi at tatanggap ng tulong.​—Santiago 5:14-16.

IPAGTAPAT MO

Ang mga nagbibinata’t nagdadalaga ay makararanas ng pangamba at pagkabalisa kaugnay ng higit pang kalayaan. Maaari nilang pag-alinlanganan ang kanilang kakayahang humarap na mag-isa sa daigdig. Waring sila’y nagsisikap na lumakad sa isang madulas na daan. Kayong mga kabataan, ipagtapat sa inyong mga magulang ang pagkatakot at pagkabahala na inyong dinaranas. (Kawikaan 23:22) O kung nadarama ninyong kayo’y labis na hinihigpitan ng inyong mga magulang, ipakipag-usap sa kanila ang hinggil sa inyong pangangailangan na mapagbigyan ng higit pang kalayaan. Isaplanong makipag-usap sa kanila sa panahong palagay ang inyong kalooban at kung sila’y hindi abala. (Kawikaan 15:23) Maglaan ng panahon na mapakinggang mabuti ang isa’t isa.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share