Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Ano Ang Kahulugan sa Iyo ng Kalayaan ng Relihiyon?
    Ang Bantayan—1997 | Pebrero 1
    • relihiyon at nagtuturing na isang panganib sa pulitikal na awtoridad ang mga tao na may ibang pananampalataya. Maaari ring ituring ng isang pamahalaan na panganib sa pulitika ang relihiyon dahil maaaring unahin ng mga relihiyon ang katapatan sa Diyos kaysa sa pagsunod sa estado.”

      Dahil sa mga ito kung kaya naglalagay ang ilang pamahalaan ng mga restriksiyon sa pagsasagawa ng relihiyon. May ilan pa nga na humahadlang sa pagsasagawa ng anumang pananampalataya. Ang iba naman, bagaman nag-aangking nagtataguyod sa kalayaan ng pagsamba, ay mahigpit na nakikialam sa lahat ng relihiyosong gawain.

      Kuning halimbawa ang naging kalagayan sa Mexico sa loob ng maraming taon. Bagaman ginagarantiyahan ng Saligang Batas ang kalayaan ng relihiyon, nagbibigay ito ng kondisyon: “Ang mga simbahan na ginagamit para sa pampublikong pagsamba ay pag-aari ng Bansa, na kinakatawan ng Pederal na Gobyerno, na siyang magtatakda kung alin ang maaaring ipagpatuloy na gamitin sa gayong paraan.” Noong 1991 ay binago ang Saligang Batas upang wakasan ang restriksiyong ito. Gayunpaman, ipinakikita ng halimbawang ito na ang kalayaan ng relihiyon ay maaaring malasin sa iba’t ibang paraan sa iba’t ibang lupain.

      Naiibang Uri ng Kalayaan ng Relihiyon

      Mayroon bang kalayaan ng relihiyon sa lupain na tinitirhan mo? Kung gayon, paano ito ipinaliliwanag? Maaari mo bang sambahin ang Diyos sa paraan na ibig mo, o pinipilit kang maging miyembro ng relihiyon ng Estado? Pinahihintulutan ka bang bumasa at mamahagi ng relihiyosong literatura, o ipinagbabawal ng pamahalaan ang gayong nilimbag na materyal? Nakakausap mo ba ang iba tungkol sa iyong pananampalataya, o ito’y itinuturing na paglabag sa kanilang relihiyosong mga karapatan?

      Ang sagot sa mga tanong na ito ay depende sa kung saan ka nakatira. Subalit kapansin-pansin na may isang uri ng kalayaan ng relihiyon na talagang hindi nakasalalay sa lugar. Samantalang nasa Jerusalem noong taóng 32 C.E., sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Kung kayo ay nananatili sa aking salita, kayo ay tunay ngang mga alagad ko, at malalaman ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ay magpapalaya sa inyo.”​—Juan 8:31, 32.

      Ano ang ibig sabihin dito ni Jesus? Hangad ng kaniyang mga tagapakinig na Judio na makalaya mula sa pamamahala ng Roma. Ngunit hindi kalayaan mula sa pulitikal na paniniil ang tinatalakay ni Jesus. Sa halip, ipinangako niya sa kaniyang mga alagad ang isang bagay na nakahihigit, gaya ng makikita natin sa susunod na artikulo.

  • Pinalaya ng Katotohanan
    Ang Bantayan—1997 | Pebrero 1
    • Pinalaya ng Katotohanan

      SA Estados Unidos, mahigit na isang milyon katao ang nasa mga bilangguan. Sa mga ito, halos tatlong libo ang nahatulang mamatay. Isipin ang iyong sarili na nasa gayong situwasyon. Ano ang madarama mo? Totoong nakapangingilabot na isipin ang gayon. Subalit, sa isang diwa, ang lahat ng tao ay nasa kahawig na kalagayan. Ganito ang sabi ng Bibliya: “Ang lahat ay nagkasala at nagkukulang sa kaluwalhatian ng Diyos.” (Roma 3:23) Oo, bilang mga inapo ni Adan, tayo ay “nakabilanggo” sa isang makasalanang kalagayan. (Roma 5:12) Nadarama natin sa araw-araw ang epekto ng ating pagkabilanggo, gaya ng nadama ng Kristiyanong apostol na si Pablo, na sumulat: “Nakikita ko sa aking mga sangkap ang isa pang batas na nakikipagdigma laban sa batas ng aking pag-iisip at dinadala akong bihag sa batas ng kasalanan na nasa aking mga sangkap.”​—Roma 7:23.

      Bunga ng ating likas na pagkamakasalanan, bawat isa sa atin ay nasa ilalim ng hatol na kamatayan, wika nga, sapagkat sinasabi ng Bibliya: “Ang kabayaran na ibinabayad ng kasalanan ay kamatayan.” (Roma 6:23) Angkop ang pagkalarawan ng salmistang si Moises tungkol sa ating kalagayan: “Mayroon lamang tayong pitumpung taon​—walumpung taon, kung tayo’y malakas; subalit pawang dulot sa atin ay kabagabagan at lumbay; madaling natatapos ang buhay, at tayo’y nawawala.”​—Awit 90:10, Today’s English Version; ihambing ang Santiago 4:14.

      Nasa isip niya ang pagkaalipin ng tao sa kasalanan at kamatayan nang sabihin ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Ang katotohanan ay magpapalaya sa inyo.” (Juan 8:32) Sa mga salitang ito, ipinaaabot ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod ang pag-asa na makapupong higit sa kalayaan mula sa pamamahala ng Roma​—iniaalok niya sa kanila ang kapatawaran mula sa kasalanan at ang paglaya sa kamatayan! Paano ito ipagkakaloob sa kanila? “Kung palalayain kayo ng Anak,” sabi ni Jesus sa kanila, “kayo ay talagang magiging malaya.” (Juan 8:36) Oo, sa paghahandog ng kaniyang buhay, ang “Anak,” si Jesus, ay nagsilbing pampalubag-loob na hain upang bawiin ang naiwala ni Adan. (1 Juan 4:10) Ito ang nagbukas ng daan upang ang lahat ng masunuring sangkatauhan ay makalaya mula sa pagkaalipin sa kasalanan at kamatayan. Namatay ang bugtong na anak ng Diyos “upang ang bawat isa na nagsasagawa ng pananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang-hanggan.”​—Juan 3:16.

      Kaya ang katotohanan na magpapalaya sa atin ay nakasentro kay Jesu-Kristo. Yaong nagiging kaniyang mga tagasunod yapak ay may pag-asa na mapalaya mula sa kasalanan at kamatayan kapag lubusan nang namahala sa lupa ang Kaharian ng Diyos. Kahit ngayon, yaong tumatanggap ng katotohanan ng Salita ng Diyos ay tunay na napalalaya. Sa anu-anong paraan?

      Kalayaan Mula sa Takot sa mga Patay

      Milyun-milyon sa ngayon ang namumuhay na may takot sa mga patay. Bakit? Sapagkat itinuturo sa kanila ng kanilang relihiyon na nililisan ng kaluluwa ang katawan sa panahon ng kamatayan at lumilipat sa isang dako ng mga espiritu. Kaya naman kaugalian sa ilang lupain na maglamay nang ilang araw at gabi ang mga kamag-anak ng namatay. Madalas ay kasali rito ang maingay na pag-aawitan at pagtugtog ng mga tambol. Naniniwala ang mga nagluluksa na ito’y makalulugod sa taong namatay at hahadlang sa pagbabalik ng kaniyang espiritu upang ligaligin ang mga nabubuhay. Dahil sa mga huwad na turo ng Sangkakristiyanuhan tungkol sa patay kung kaya nagpapatuloy ang tradisyong ito.

      Subalit isinisiwalat ng Bibliya ang katotohanan tungkol sa kalagayan ng mga patay. Maliwanag na sinasabi nito na ang kaluluwa ay ikaw, hindi isang mahiwagang bahagi mo na patuloy na umiiral pagkatapos ng kamatayan. (Genesis 2:7; Ezekiel 18:4) Isa pa, ang mga patay ay hindi pinahihirapan sa isang maapoy na impiyerno, ni sila man ay bahagi ng isang dako ng mga espiritu na maaaring makaapekto sa mga nabubuhay. Sinasabi ng Bibliya na “hindi nalalaman ng mga patay ang anuman . . . Walang gawa ni katha man ni kaalaman man ni karunungan man sa Sheol [ang libingan], na iyong pinaroroonan.”​—Eclesiastes 9:5, 10.

      Ang katotohanang ito sa Bibliya ang nagpalaya sa maraming tao buhat sa takot sa mga patay. Hindi na sila naghahandog ng magastos na mga hain upang payapain ang kanilang mga ninuno, ni nababahala man sila na ang kanilang mga minamahal ay walang-awang pinahihirapan dahil sa kanilang mga pagkakamali. Natutuhan nila na nag-aalok ang Bibliya ng isang kahanga-hangang pag-asa para sa mga namatay, sapagkat sinasabi nito sa atin na sa panahong itinakda ng Diyos, magkakaroon ng “pagkabuhay-muli kapuwa ng mga matuwid at mga di-matuwid.” (Gawa 24:15; Juan 5:28, 29) Kaya ang mga patay ay namamahinga lamang ngayon, na para bang natutulog nang mahimbing.​—Ihambing ang Juan 11:11-14.

      Ang katotohanan tungkol sa kalagayan ng mga patay at ang pag-asa ng isang pagkabuhay-muli ay nagpapalaya sa atin mula sa kawalang-pag-asa na idinudulot ng kamatayan. Inalalayan ng gayong pag-asa ang isang mag-asawa sa Estados Unidos nang mamatay sa isang aksidente ang kanilang apat-na-taóng-gulang na anak na lalaki. “May kulang sa aming buhay na di-mapupunan hanggang sa makita naming muli ang aming anak sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli,” sabi ng kaniyang ina. “Ngunit alam namin na pansamantala lamang ang aming pagdadalamhati, sapagkat nangangako si Jehova na papahirin ang aming mga luha ng kalungkutan.”​—Apocalipsis 21:3, 4.

      Kalayaan Mula sa Takot sa Kinabukasan

      Ano ang iniaalok ng kinabukasan? Matutupok ba ang ating lupa sa isang nuklear na holocaust? Ang pagsira ba sa kapaligiran ng lupa ay sasapit sa kalagayan na ang ating planeta ay hindi na maaaring tirahan? Hahantong kaya sa anarkiya at kaligaligan ang pagguho ng moral? Ang mga ito ang totoong kinatatakutan ng marami sa ngayon.

      Gayunman, nag-aalok ang Bibliya ng kalayaan mula sa gayong nakaririmarim na takot. Tinitiyak nito sa atin na “ang lupa ay nananatili hanggang sa panahong walang takda.” (Eclesiastes 1:4) Hindi nilikha ni Jehova ang ating planeta upang makitang sirain lamang ito ng iresponsableng mga tao. (Isaias 45:18) Sa halip, nilikha ni Jehova ang lupa upang maging paraisong tahanan ng isang nagkakaisang pamilya ng tao. (Genesis 1:27, 28) Hindi nagbabago ang kaniyang layunin. Sinasabi sa atin ng Bibliya na ‘dadalhin ng Diyos sa pagkasira yaong mga sumisira sa lupa.’ (Apocalipsis 11:18) Pagkatapos, “ang maaamo ang magmamay-ari sa lupa,” ang sabi ng Bibliya, “at sila’y tunay na makasusumpong ng matinding kasiyahan sa kasaganaan ng kapayapaan.”​—Awit 37:11.

      Maaasahan ang pangakong ito, sapagkat hindi nagsisinungaling ang Diyos. Sinabi ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Isaias: “Ang aking salita na lumalabas sa aking bibig . . . hindi babalik sa akin nang walang bunga, kundi tiyakang gagawin nito ang kinalulugdan ko, at tiyakang magtatagumpay ito sa pinagsuguan ko.” (Isaias 55:11; Tito 1:2) Samakatuwid, makaaasa tayo nang may pagtitiwala sa katuparan ng pangako ng Diyos na nakaulat sa Bibliya sa 2 Pedro 3:13: “May mga bagong langit at isang bagong lupa na ating hinihintay ayon sa kaniyang pangako, at sa mga ito ay tatahan ang katuwiran.”

      Kalayaan Mula sa Pagkatakot sa Tao

      Naglalaan sa atin ang Bibliya ng mahuhusay na halimbawa ng mga lalaki at babae na nagpamalas ng kawalang-takot sa kanilang debosyon sa Diyos. Kabilang sa mga ito ay sina Gideon, Barak, Debora, Daniel, Esther, Jeremias, Abigail, at Jael​—bilang pagbanggit lamang sa ilan. Ang tapat na mga lalaki at babaing ito ay nagpamalas ng saloobing katulad niyaong sa salmista na sumulat: “Sa Diyos inilagak ko ang aking tiwala. Hindi ako matatakot. Ano ang magagawa sa akin ng makalupang tao?”​—Awit 56:11.

      Noong unang siglo, nagpamalas sina apostol Pedro at Juan ng katulad na katapangan nang pag-utusan sila ng relihiyosong mga awtoridad na ihinto nila ang kanilang pangangaral. “Kung para sa amin,” sagot nila, “hindi namin magagawang tumigil sa pagsasalita tungkol sa mga bagay na aming nakita at narinig.” Bunga ng kanilang matatag na paninindigan, nang dakong huli ay nabilanggo sina Pedro at Juan. Pagkaraan ng kanilang makahimalang paglaya, sila’y agad bumalik at nagpatuloy na “sinalita ang salita ng Diyos nang may katapangan.” Di-nagtagal, si Pedro at ang ibang apostol ay dinala sa harap ng Judiong Sanedrin. “Mahigpit namin kayong inutusan na huwag nang magpatuloy sa pagtuturo salig sa pangalang ito,” ang sabi sa kanila ng mataas na saserdote, “at gayunma’y, narito! pinunô ninyo ang Jerusalem ng inyong turo.” Sumagot si Pedro at ang iba pang apostol: “Dapat naming sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.”​—Gawa 4:16, 17, 19, 20, 31; 5:18-​20, 27-29.

      Sa kanilang gawaing pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos, sinisikap ng mga Saksi ni Jehova ngayon na tularan ang sigasig ng unang-siglong mga Kristiyano. Maging ang mga kabataang kabilang sa kanila ay madalas mapatunayang walang-takot sa pagsasalita sa iba tungkol sa kanilang pananampalataya. Tingnan ang ilang halimbawa.

      Si Stacie, na isang tin-edyer, ay likas na mahiyain. Bunga nito, sa simula’y isang hamon ang pakikipag-usap sa iba tungkol sa kaniyang pananampalataya. Ano ang ginawa niya upang mapagtagumpayan ang kaniyang pagkamahiyain? “Pinag-aralan ko ang Bibliya at tiniyak na nauunawaan ko ang aking sinasabi,” ang sabi niya. “Naging mas madali iyon, at nagkaroon ako ng higit na pagtitiwala sa aking sarili.” Naiulat sa lokal na pahayagan ang mainam na reputasyon ni Stacie. Ganito ang komento ng artikulo, na isinulat ng isang guro sa kaniyang paaralan: “Ang pananampalataya [ni Stacie] ay waring nagbigay sa kaniya ng lakas upang labanan ang maraming panggigipit na nadarama ng maraming tin-edyer. . . . Nadama niya na ang paglilingkod sa Diyos ang siyang dapat na maging pangunahin sa kaniyang isipan.”

      Nagsimulang matuto si Tommy tungkol sa Bibliya mula sa kaniyang mga magulang nang siya’y limang taóng gulang pa lamang. Kahit na sa murang edad, naging matapang siya sa panig ng tunay na pagsamba. Samantalang gumuguhit ng mga larawan ng kapistahan ang kaniyang mga kabataang kaklase, gumuhit naman si Tommy ng mga tanawin mula sa Paraisong ipinangako ng Diyos. Bilang isang tin-edyer, napansin ni Tommy na hindi nauunawaan ng maraming mag-aaral ang mga paniniwala ng mga Saksi ni Jehova. Sa halip na umurong dahil sa takot, tinanong niya ang isa sa kaniyang mga guro kung maaari siyang magdaos ng isang tanong-sagot na pagtalakay sa kaniyang klase upang masagot niya nang minsanan ang lahat ng kanilang tanong. Pinayagan ito, at nakapagbigay ng mainam na patotoo.

      Nang siya’y 17 taóng gulang, nakasumpong si Markietta ng isang mahusay na pagkakataon upang ipakipag-usap sa iba sa kaniyang klase ang tungkol sa kaniyang pananampalataya. “Binigyan kami ng atas na magtalumpati,” sabi niya. “Pinili ko ang aking paksa mula sa aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan​—Mga Sagot na Lumulutas.a Pumili ako ng limang kabanata sa aklat at isinulat ang mga pamagat sa pisara. Hiniling ko sa klase na uriin ang mga ito ayon sa inaakala nilang pinakamahalaga.” Sumunod ang isang talakayan na may pakikibahagi ng klase. “Ipinakita ko ang aklat sa klase,” ang pagtatapos ni Markietta, “at maraming estudyante ang humiling ng isang kopya. Maging ang aking guro ay nagsabing ibig niya ng isang kopya.”

      Mapalalaya Ka ng Katotohanan

      Gaya ng nakita natin, ang katotohanan na nasa Bibliya ay may nakapagpapalayang epekto sa lahat na nag-aaral nito at nagsasapuso ng mensahe nito. Pinalalaya sila nito mula sa takot sa mga patay, takot sa kinabukasan, at pagkatakot sa tao. Sa dakong huli, palalayain ng pantubos ni Jesus ang masunuring sangkatauhan mula sa kasalanan at kamatayan. Anong laking kagalakan na mabuhay magpakailanman sa paraisong lupa, anupat hindi na nakabilanggo sa ating minanang pagkamakasalanan!​—Awit 37:29.

      Ibig mo bang matuto ng higit pa tungkol sa mga pagpapalang ipinangako ng Diyos? Kung gayon, ano ang dapat mong gawin? Sinabi ni Jesus: “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang-hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging Diyos na totoo, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.” (Juan 17:3) Kaya kung ibig mong maranasan ang kalayaang ipinangako ni Jesus sa kaniyang mga alagad, dapat kang matuto tungkol sa Diyos na Jehova at sa kaniyang Anak. Kailangan mong malaman ang kalooban ng Diyos at pagkatapos ay gawin iyon, sapagkat sinasabi ng Bibliya: “Ang sanlibutan ay lumilipas at gayundin ang pagnanasa nito, ngunit siya na gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.”​—1 Juan 2:17.

      [Talababa]

      a Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

      [Larawan sa pahina 7]

      Sa ilalim ng Kaharian ng Diyos, sa wakas ay palalayain ang sangkatauhan mula sa kasalanan at kamatayan

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share