Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g97 6/8 p. 18-20
  • Bakit Dapat Supilin ang Iyong Galit?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Bakit Dapat Supilin ang Iyong Galit?
  • Gumising!—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kapag Nagalit ang Di-Sakdal na mga Tao
  • Mananagot ang mga Kristiyano
  • Ano ang Sinasabi ng Bibliya Tungkol sa Galit?
    Sagot sa mga Tanong sa Bibliya
  • Galit
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Lagi bang Masama ang Magalit?
    Gumising!—1994
  • Ang Pagsupil sa Galit—Mo at ng Iba
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
Iba Pa
Gumising!—1997
g97 6/8 p. 18-20

Ang Pangmalas ng Bibliya

Bakit Dapat Supilin ang Iyong Galit?

ISA itong pasimula na nagbabanta ng masama. “Ngayong ako na ang ulo ng tahanang ito, huwag mo akong hihiyain sa pagiging huli,” sigaw ni John sa kaniyang bagong asawa, si Ginger.a Sa loob ng mahigit na 45 minuto, ay sinigaw-sigawan niya ang kaniyang asawang babae samantalang iginigiit na siya’y manatiling nakaupo sa sopa. Naging pangkaraniwan na sa kanilang pagsasama ang mapang-abusong pananalita. Nakalulungkot naman, ang galit na asal ni John ay sumidhi pa. Isasara niya nang malakas ang pinto, kakalampagin ang mesa sa kusina, at walang-taros na magmamaneho samantalang kinakalantog ang manibela, sa gayo’y isinasapanganib ang buhay ng iba.

Nakalulungkot nga, gaya ng marahil ay alam na alam mo, ang gayong mga tanawin ay malimit na nangyayari. Makatuwiran ba ang galit ng lalaking ito, o siya ba’y nawawalan ng pagpipigil? Masama ba ang lahat ng galit? Kailan ba masasabing hindi masupil ang galit? Kailan ito nagiging labis?

Ang nasusupil na galit ay maaaring bigyang-katuwiran. Halimbawa, ang galit ng Diyos ay nag-alab laban sa sinauna at imoral na mga lunsod ng Sodoma at Gomorra. (Genesis 19:24) Bakit? Sapagkat ang mga naninirahan sa mga lunsod na ito ay mararahas at mahahalay, na alam na alam sa buong rehiyon. Halimbawa, nang dalawin ng mga mensaherong anghel ang matuwid na taong si Lot, isang pulutong ng mga binata kasama ng matatandang lalaki ang sumubok na halayin ang mga panauhin ni Lot. Makatuwirang magalit ang Diyos na Jehova dahil sa kanilang malubhang imoralidad.​—Genesis 18:20; 19:4, 5, 9.

Tulad ng kaniyang Ama, may pagkakataong nagalit ang sakdal na taong si Jesu-Kristo. Ang templo sa Jerusalem ay dapat sanang maging sentro ng pagsamba para sa piniling bayan ng Diyos. Ito’y dapat na maging isang “bahay-panalanginan,” kung saan ang mga indibiduwal ay personal na makapaghahain at makapaghahandog sa Diyos at doo’y matuturuan sila sa kaniyang mga daan at mapatatawad ang kanilang mga kasalanan. Sa wari, maaari silang makipag-usap kay Jehova sa templo. Sa halip, ginawa ng mga lider ng relihiyon noong kaarawan ni Jesus ang templo na “bahay ng kalakal” at “yungib ng mga magnanakaw.” (Mateo 21:12, 13; Juan 2:14-17) Personal silang nakinabang sa pagbibili ng mga hayop na gagamitin bilang mga hain. Ang totoo, kinukuwartahan nila ang kawan. Kaya nga, may katuwiran ang Anak ng Diyos nang kaniyang itaboy ang mga magnanakaw na iyon sa bahay ng kaniyang Ama. Mauunawaan naman kung bakit nagalit si Jesus!

Kapag Nagalit ang Di-Sakdal na mga Tao

Kung minsan matuwid na nagagalit din nang husto ang di-sakdal na mga tao. Isaalang-alang ang nangyari kay Moises. Makahimalang kaliligtas pa lamang ng bansang Israel mula sa Ehipto. Madulang ipinakita ni Jehova ang kaniyang kapangyarihan sa huwad na mga diyos ng Ehipto sa pamamagitan ng paghampas sa mga Ehipsiyo ng sampung salot. Pagkatapos ay binuksan niya ang daan para sa mga Judio upang makatakas, sa pamamagitan ng paghati sa Dagat na Pula. Pagkaraan, inakay sila sa paanan ng Bundok Sinai, kung saan sila’y inorganisa bilang isang bansa. Gumaganap bilang tagapamagitan, nagtungo si Moises sa bundok upang tanggapin ang mga batas ng Diyos. Kasama ng lahat ng iba pang mga batas, ibinigay ni Jehova kay Moises ang Sampung Utos, na isinulat ng “daliri ng Diyos” sa mga tapyas na bato na inukit mismo ng Diyos mula sa bundok. Subalit, nang bumaba si Moises, ano ang nasumpungan niya? Ang bayan ay bumaling sa pagsamba sa imahen ng ginintuang guya! Kay dali nilang nakalimot! Mga ilang linggo lamang ang nakalipas. Matuwid lamang, “nag-alab ang galit ni Moises.” Dinurog niya ang mga tapyas na bato at sinira ang imaheng guya.​—Exodo 31:18; 32:16, 19, 20.

Sa isang okasyon nang dakong huli, hindi nasupil ni Moises ang kaniyang galit nang ang bayan ay magreklamo tungkol sa kakulangan ng tubig. Dahil sa malubhang pagkayamot, pansamantalang naiwala niya ang kaniyang kilalang kaamuan, o kahinahunan ng kalooban. Ito’y humantong sa isang malubhang pagkakamali. Sa halip na dakilain si Jehova bilang ang Tagapaglaan ng Israel, si Moises ay nagsalita nang may kabagsikan sa bayan at itinuon ang pansin sa kaniyang kapatid na si Aaron at sa kaniyang sarili. Sa gayon, nakita ng Diyos na angkop na disiplinahin si Moises. Hindi siya pinayagang makapasok sa lupang pangako. Pagkatapos ng insidenteng ito sa Meriba, wala nang binanggit pa tungkol sa di-mapigil na galit ni Moises. Sa malas, nagtanda siya.​—Bilang 20:1-12; Deuteronomio 34:4; Awit 106:32, 33.

Kaya nga, may pagkakaiba sa pagitan ng Diyos at ng tao. ‘Napipigil [ni Jehova] ang kaniyang galit’ at matuwid na inilalarawan bilang “mabagal sa pagkagalit” dahil pag-ibig, hindi galit, ang kaniyang nangingibabaw na katangian. Ang kaniyang galit ay laging matuwid, laging makatuwiran, laging nasusupil. (Exodo 34:6; Isaias 48:9; 1 Juan 4:8) Laging nasusupil ng sakdal na taong si Jesu-Kristo ang kaniyang galit; siya’y inilarawan bilang “mahinahong-loob.” (Mateo 11:29) Sa kabilang dako naman, ang mga taong di-sakdal, kahit na ang mga taong may pananampalatayang gaya ni Moises, ay nahihirapang supilin ang kanilang galit.

Gayundin, karaniwan nang hindi napag-iisipan nang husto ng mga tao ang mga kahihinatnan nito. Maaaring may hindi mabuting resulta dahil sa galit na hindi mapigil. Halimbawa, ano ang maliwanag na mga resulta kung hindi masusupil ng asawang lalaki ang kaniyang galit sa kaniyang asawa hanggang sa punto na binubutas niya ang dingding sa pamamagitan ng kaniyang kamao? Nasisira ang ari-arian. Maaaring masaktan ang kaniyang kamay. Subalit higit pa riyan, ano ang epekto ng kaniyang pag-aaburido sa pag-ibig at paggalang ng kaniyang asawa sa kaniya? Ang dingding ay maaaring maayos sa loob ng ilang araw, at ang kaniyang kamay ay maaaring gumaling sa loob ng ilang linggo; subalit gaano katagal matatamo niyang muli ang tiwala at paggalang ng kaniyang asawa?

Sa katunayan, ang Bibliya ay puno ng mga halimbawa ng mga taong hindi nasupil ang kanilang galit at nagdusa sa mga resulta nito. Isaalang-alang ang ilan lamang. Si Cain ay pinalayas pagkatapos na paslangin niya ang kaniyang kapatid na si Abel. Sina Simeon at Levi ay sinumpa ng kanilang ama dahil sa pagpatay sa mga lalaki sa Shechem. Hinampas ni Jehova si Uzzias ng ketong pagkaraang magsiklab sa galit si Uzzias sa mga saserdote na nagsisikap na ituwid siya. Nang si Jonas ay “mag-init sa galit,” sinaway siya ni Jehova. Silang lahat ay kailangang managot sa kanilang galit.​—Genesis 4:5, 8-16; 34:25-30; 49:5-7; 2 Cronica 26:19; Jonas 4:1-11.

Mananagot ang mga Kristiyano

Sa katulad na paraan, ang mga Kristiyano sa ngayon ay dapat na managot sa kanilang mga kilos kapuwa sa Diyos at, sa paano man, sa kanilang mga kapananampalataya. Agad itong makikita sa paggamit ng Bibliya sa mga terminong Griego na nagpapahiwatig ng galit. Isa sa dalawang salitang malimit gamitin ay or·geʹ. Ito’y karaniwang isinasalin na “poot” at nagtataglay ng isang elemento ng kabatiran at paglilimi pa nga, madalas na taglay ang pangmalas na maghiganti. Sa gayon, hinimok ni Pablo ang mga Kristiyano sa Roma: “Huwag ipaghiganti ang inyong sarili, mga iniibig, kundi bigyan ninyo ng dako ang poot [or·geʹ]; sapagkat nasusulat: ‘Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti, sabi ni Jehova.’ ” Sa halip na magkimkim ng sama ng loob sa mga kapatid, sila’y hinimok na “[daigin] ng mabuti ang masama.”​—Roma 12:19, 21.

Ang isa pang madalas gamitin na kataga ay thy·mosʹ. Ang salitang ugat ay “orihinal na nagpapahiwatig ng isang marahas na kilos ng hangin, tubig, lupa, mga hayop, o mga tao.” Kaya nga, ang salita ay inilarawan sa iba’t ibang paraan bilang isang “mapusok na silakbo ng galit,” “silakbo ng kalooban,” o “matinding simbuyo ng damdamin, na gumugulo sa pagkakaisa ng isip, at gumagawa ng kaligaligan at kaguluhang pampamilya at pambayan.” Tulad ng isang bulkan na maaaring sumabog nang walang babala at magbuga ng mainit na abo, bato, at laba, na maaaring puminsala, bumalda, at pumatay, gayundin ang isang lalaki o isang babae na hindi mapigil ang kaniyang galit. Ang pangmaramihang anyo ng thy·mosʹ ay ginamit sa Galacia 5:20, kung saan itinala ni Pablo ang “mga silakbo ng galit” kasama ng iba pang “mga gawa ng laman” (Gal 5 talata 19), gaya ng pakikiapid, mahalay na paggawi, at mga paglalasingan. Tiyak, mainam na inilalarawan ng asal ni John​—na inilarawan sa simula​—ang “mga silakbo ng galit.”

Kaya nga, paano dapat malasin ng kongregasyong Kristiyano ang mga indibiduwal na kasama rito na nagsasagawa ng paulit-ulit na mga karahasan laban sa tao o sa pag-aari ng iba? Ang di-masupil na galit ay mapanira at madaling humantong sa karahasan. May mabuting dahilan kung gayon, sinabi ni Jesus: “Sinasabi ko sa inyo na ang bawat isa na patuloy na napopoot sa kaniyang kapatid ay magsusulit sa hukuman ng katarungan.” (Mateo 5:21, 22) Ang mga asawang lalaki ay pinapayuhan: “Patuloy na ibigin ang inyu-inyong asawang babae at huwag kayong magalit nang may-kapaitan sa kanila.” Ang isa na “madaling mapoot” ay hindi kuwalipikado bilang isang tagapangasiwa sa kongregasyon. Samakatuwid, ang mga indibiduwal na hindi masupil ang kanilang galit ay hindi dapat ituring na isang halimbawa sa kongregasyon. (Colosas 3:19; Tito 1:7; 1 Timoteo 2:8) Sa katunayan, pagkatapos maisaalang-alang ang saloobin, ang parisan ng paggawi, at ang tindi ng pinsala sa buhay ng iba, ang isang tao na napadadala sa di-masupil na mga silakbo ng galit ay maaaring itiwalag mula sa kongregasyon​—isang kakila-kilabot na resulta nga.

Sinupil ba ni John, na nabanggit kanina, ang kaniyang mga damdamin? Napigil ba niya ang kaniyang mabilis, pabulusok na paglukso sa kapahamakan? Nakalulungkot sabihin, ang pagsigaw ay lumala pa tungo sa pagtulak at pagsalya. Ang mga pag-akusa ay humantong sa literal, masakit, nakapapasang mga duro ng daliri. Maingat na iniwasan ni John magkapasa ang mga bahagi ng katawan na madaling makita at sinikap niyang itago ang kaniyang paggawi. Gayunman, sa dakong huli ay bumaling na siya sa pagsipa, panununtok, pagsabunot, at masahol pa. Hiwalay na ngayon si Ginger kay John.

Hindi kailangang mangyari ito. Nagawa ng maraming nasa gayong kalagayan na supilin ang kanilang galit. Kaya, napakahalaga nga na tularan ang sakdal na halimbawa ni Jesu-Kristo. Hindi siya kailanman mapararatangan ng kahit isang silakbo ng di-masupil na pagngangalit. Ang kaniyang galit ay laging matuwid; hindi siya kailanman nawalan ng pagpipigil sa kaniyang galit. May katalinuhan nga, tayong lahat ay pinayuhan ni Pablo: “Mapoot kayo, gayunma’y huwag magkasala; huwag hayaang lumubog ang araw na kayo ay nasa kalagayang pukáw sa galit.” (Efeso 4:26) Dahil sa mahinhing pagkilala na tayo’y may mga limitasyon bilang mga tao at na aanihin natin kung ano ang ating inihasik, may mabuti tayong dahilan na supilin ang galit.

[Talababa]

a Ang mga pangalan ay binago.

[Picture Credit Line sa pahina 18]

Pinagtangkaan ni Saul ang Buhay ni David/The Doré Bible Illustrations/Dover Publications, Inc.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share