Nalulugod Kaya ang Diyos sa mga Kapistahan sa Pag-aani?
KAAKIT-AKIT pagmasdan ang malaking bunton ng makakatas na prutas, masasarap na gulay, at mga tungkos ng matatabang mais. Ganito ang palamuti sa mga altar at pulpito ng mga simbahan sa buong Inglatera sa panahon ng pag-aani. Sa Europa, gaya sa ibang lugar, kakikitaan ng napakaraming kapistahan kapuwa ang pasimula at ang pagtatapos ng panahon ng pag-aani.
Yaong mga umaasa sa lupa para sa ikabubuhay ay lalo nang nagpapasalamat sa bunga ng lupa. Sa katunayan, nanawagan ang Diyos sa sinaunang bansang Israel na magdiwang ng tatlong taunang kapistahang may malapit na kaugnayan sa pag-aani. Sa pasimula ng tagsibol, sa panahon ng Kapistahan ng Di-pinaalsang Tinapay, ang mga Israelita ay naghahandog sa Diyos ng isang tungkos ng mga pangunang bunga ng inaning sebada. Sa Kapistahan ng mga Sanlinggo (o, Pentecostes) sa bandang katapusan ng tagsibol, naghahandog sila ng mga tinapay na gawa sa mga pangunang bunga ng inaning trigo. Pagdating naman ng taglagas ay nariyan ang Kapistahan ng Pagtitipon, na tanda ng katapusan ng taon ng pagsasaka sa Israel. (Exodo 23:14-17) Ang mga kapistahang ito ay “banal na mga kombensiyon” at panahon ng pagsasaya.—Levitico 23:2; Deuteronomio 16:16.
Kumusta naman, kung gayon, ang mga pagdiriwang sa pag-aani sa modernong panahon? Nakalulugod ba sa Diyos ang mga ito?
Mga Paganong Kaugnayan
Palibhasa’y nabahala sa sekular na anyo ng tradisyonal na piging sa panahon ng pag-aani at paglalasing na may kaugnayan sa pagdiriwang, isang Anglikanong klerigo sa Cornwall, Inglatera, ang nagpasiya noong 1843 na muling-buhayin ang isang kaugalian sa pag-aani noong edad medya. Kumuha siya ng ilan sa mga pangunang butil na inani at mula roon ay gumawa ng tinapay para sa pagdiriwang ng komunyon sa kaniyang simbahan. Sa paggawa nito, ipinagpatuloy niya ang kapistahan ng Lammas—isang “Kristiyanong” pagdiriwang na ayon sa ilan ay nagmula sa sinaunang pagsamba sa Celtic na diyos na si Lugh.a Kaya naman, ang modernong kapistahan ng mga Anglikano sa pag-aani ay may paganong pinagmulan.
Paano naman ang tungkol sa ibang pagdiriwang na nagaganap sa katapusan ng panahon ng pag-aani? Ayon sa Encyclopædia Britannica, matatalunton ang pinagmulan ng marami sa mga kaugalian sa mga kapistahang ito sa “animistikong paniniwala sa espiritu ng mais [butil] o ng inang mais.” Sa ilang pook ay naniniwala ang mga magsasaka na ang isang espiritu ay tumatahan sa huling tungkos ng butil na aanihin. Upang itaboy ang espiritu, inihahampas nila ang butil sa lupa. Sa ibang lugar naman ay humahabi sila ng mga dahon ng binutil upang maging isang “manyikang mais” na itinatabi nila para sa “suwerte” hanggang sa paghahasik ng binhi sa susunod na taon. Pagkatapos ay inaararo nila muli ang mga busal ng butil sa lupa sa pag-asang pagpapalain nito ang bagong ani.
Ang panahon ng pag-aani ay iniuugnay ng ilang alamat sa pagsamba sa Babilonikong diyos na si Tammuz, ang konsorte ng diyosa sa pag-aanak na si Ishtar. Ang pagputol sa hinog na busal ng butil ay katumbas ng di-napapanahong kamatayan ni Tammuz. Ang panahon ng pag-aani ay iniuugnay pa nga ng ibang mga alamat sa paghahain ng tao—isang gawain na kinasusuklaman ng Diyos na Jehova.—Levitico 20:2; Jeremias 7:30, 31.
Ano ba ang Pangmalas ng Diyos?
Maliwanag na isinisiwalat ng pakikitungo ng Diyos sa sinaunang Israel na si Jehova, ang Maylalang at Pinagmumulan ng buhay, ay humihiling ng bukod-tanging debosyon mula sa mga sumasamba sa kaniya. (Awit 36:9; Nahum 1:2) Noong panahon ni propeta Ezekiel, ‘totoong kasuklam-suklam na bagay’ sa paningin ni Jehova ang kinaugaliang pagtangis para sa diyos na si Tammuz. Ito, pati na ang iba pang huwad na relihiyosong ritwal, ay nagpangyaring hindi pakinggan ng Diyos ang mga panalangin niyaong mga huwad na mananamba.—Ezekiel 8:6, 13, 14, 18.
Ihambing ito sa ipinag-utos ng Diyos na Jehova sa Israel na ipagdiwang may kinalaman sa pag-aani. Sa Kapistahan ng Pagtitipon, ang mga Israelita ay nagdaraos ng mapitagang pagtitipon na sa panahong iyon ang mga bata at matatanda, mayayaman at mahihirap, ay tumitira sa pansamantalang mga tirahan na pinalamutian ng makakapal na dahon ng mayayabong na punungkahoy. Ito ay panahon ng malaking pagsasaya para sa kanila, ngunit panahon din ito upang gunitain ang pagliligtas ng Diyos sa kanilang mga ninuno sa panahon ng Exodo mula sa Ehipto.—Levitico 23:40-43.
Sa panahon ng mga kapistahan ng mga Israelita, may paghahandog kay Jehova, ang tanging tunay na Diyos. (Deuteronomio 8:10-20) Kung tungkol naman sa nabanggit na animistikong mga paniniwala, walang sinasabi ang Bibliya tungkol sa ani, gaya ng mga tungkos ng trigo, na nagtataglay ng isang kaluluwa.b At maliwanag na ipinakikita ng Kasulatan na ang mga idolo ay nananatiling walang-buhay, hindi makapagsalita, makakita, makarinig, makaamoy, makadama, o makapagbigay ng anumang tulong sa mga sumasamba sa mga ito.—Awit 115:5-8; Roma 1:23-25.
Ang mga Kristiyano sa ngayon ay wala sa ilalim ng tipang Batas na ipinakipagtipan ng Diyos sa sinaunang bansang Israel. Sa katunayan, ‘inalis ito ng Diyos sa pamamagitan ng pagpapako nito sa pahirapang tulos ni Jesus.’ (Colosas 2:13, 14) Ang modernong-panahong mga lingkod ni Jehova ay namumuhay ayon sa “batas ng Kristo” at may-pagpapahalagang tumutugon sa lahat ng inilalaan ng Diyos.—Galacia 6:2.
Maliwanag na sinabi ni apostol Pablo na ang mga kapistahang Judio ay “isang anino ng mga bagay na darating,” at isinusog, “subalit ang katunayan ay sa Kristo.” (Colosas 2:16, 17) Dahil dito, tinatanggap ng mga Kristiyano ang maka-Kasulatang pangangatuwiran: “Ang mga bagay na inihahain ng mga bansa ay inihahain nila sa mga demonyo, at hindi sa Diyos . . . Hindi kayo maaaring uminom sa kopa ni Jehova at sa kopa ng mga demonyo.” (1 Corinto 10:20, 21) Bukod dito, sinusunod ng mga Kristiyano ang utos na “tumigil kayo sa paghipo sa di-malinis na bagay.” Ang mga kapistahan ba sa pag-aani sa inyong lugar ay may kaugnayan sa pagano o huwad na relihiyon? Kung gayon, maiiwasan ng tunay na mga Kristiyano na di-palugdan si Jehova sa pamamagitan ng pagtangging masangkot sa gayong maruming pagsamba.—2 Corinto 6:17.
Kapag nakatanggap ng isang kaloob mula sa kaniyang ama ang isang mapagpahalagang anak, kanino siya nagpapasalamat? Sa isa bang ganap na estranghero o sa kaniyang magulang? Sa pamamagitan ng taos-pusong panalangin ang mga sumasamba sa Diyos ay araw-araw na nagpapasalamat kay Jehova, ang kanilang makalangit na Ama, dahil sa kaniyang saganang paglalaan.—2 Corinto 6:18; 1 Tesalonica 5:17, 18.
[Mga talababa]
a Ang salitang “Lammas” ay galing sa Matandang Ingles na salita na nangangahulugang “masa ng tinapay.”
b Ganito ang sabi ng Insight on the Scriptures: “Ang neʹphesh (kaluluwa) ay hindi ginamit may kinalaman sa paglikha ng mga gulay noong ikatlong ‘araw’ ng paglalang (Gen 1:11-13) o pagkaraan nito, yamang ang mga pananim ay walang dugo.”—Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.