Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Aklat ng Bibliya Bilang 1—Genesis
    “Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
    • panaginip mula sa Diyos, si Jose ay kinapootan ng kaniyang mga kuya. Binalak nilang patayin siya ngunit ipinagbili na lamang sa mga mangangalakal na Ismaelita. Ipinakita nila kay Jacob ang guhitang damit ni Jose na kanilang isinawsaw sa dugo ng kambing bilang patotoo na ang 17-anyos na binata ay nilapa ng mabangis na hayop. Si Jose ay dinala sa Ehipto at ipinagbili kay Potipar, pinunò ng tanod-buhay ni Paraon.

      26. Bakit mahalaga ang ulat ng pagsilang ni Perez?

      26 Pansamantalang lumilihis ang kabanata 38 upang iulat ang pagsilang ni Tamar kay Perez, na gumamit ng estratehiya upang masipingan siya ni Juda na kaniyang biyenang-lalaki sa halip na ng anak nito. Idiniriin uli dito ang pagiging maingat ng Kasulatan sa pag-uulat ng bawat pagsulong sa paglitaw ng Binhing pangako. Si Perez na anak ni Juda ay naging ninuno ni Jesus.​—Luc. 3:23, 33.

      27. Papaano naging punong ministro sa Ehipto si Jose?

      27 Samantala, si Jose ay pinagpala ni Jehova sa Ehipto, at naging dakila siya sa sambahayan ni Potipar. Nasangkot siya sa gusot nang iwasan niyang lapastanganin ang pangalan ni Jehova at makiapid sa asawa ni Potipar, kaya nabilanggo siya sa maling paratang. Ginamit siya ni Jehova upang bigyan ng kahulugan ang panaginip ng dalawang kapuwa bilanggo, ang tagapagdala ng saro at ang panadero ni Paraon. Nang si Paraon ay bagabagin ng panaginip, ang kakayahan ni Jose ay itinawag-pansin sa kaniya, kaya agad itong ipinatawag ni Paraon sa piitan. Iniuukol sa Diyos ang kapurihan, sinabi ni Jose na ang panaginip ay hula tungkol sa pitong taóng sagana, na susundan ng pitong taon ng gutom. Natalos ni Paraon na ang “espiritu ng Diyos” ay na kay Jose kaya ginawa niya itong punong ministro. (Gen. 41:38) Ngayo’y 30 taóng gulang na, buong-talinong nangasiwa si Jose at nag-imbak ng pagkain noong pitong taon ng kasaganaan. Nang magkagutom sa buong daigdig, pinagbilhan niya ng trigo ang mga Ehipsiyo at taga-ibang bansang naparoon.

      28. Bakit lumipat sa Ehipto ng sambahayan ni Jacob?

      28 Isinugo ni Jacob ang kaniyang sampung nakatatandang anak upang bumili ng pagkain sa Ehipto. Nakilala sila ni Jose, pero hindi siya nakilala. Ginamit niya si Simeon bilang prenda, at inutusan sila na isama ang kanilang bunsong kapatid sa muli nilang pagbili ng trigo. Nang magbalik ang siyam kasama si Benjamin, nagpakilala si Jose, pinatawad ang sampung may-salang kapatid, at ipinakaon si Jacob upang makaiwas sa gutom. Kaya, si Jacob at ang kaniyang 66 supling ay lumusong sa Ehipto. Pinatira sila ni Paraon sa Gosen, ang pinakamainam na bahagi ng lupain.

      29. Anong mahalagang serye ng mga hula ang ginawa ni Jacob bago siya mamatay?

      29 Nang mamamatay na, binasbasan ni Jacob sina Ephraim at Manasses, mga anak ni Jose, at ipinasundo ang kaniyang 12 anak na lalaki upang sabihin ang magaganap sa kanila sa “huling bahagi ng mga kaarawan.” (49:1) Isang serye ng detalyadong mga hula ang ibinigay niya, na pawang natupad sa kagila-gilalas na paraan.d Inihula niya na ang setro ay mananatili sa tribo ni Juda hanggang dumating ang Silo (nangangahulugang “Siya na Nagmamay-ari Nito; Siya na Kinauukulan Nito”), ang ipinangakong Binhi. Pagkatapos basbasan ang mga pangulo ng 12 tribo at ibilin na siya’y ilibing sa Lupang Pangako, si Jacob ay namatay sa edad na 147. Patuloy na nangalaga si Jose sa mga kapatid niya at sa kanilang sambahayan hanggang mamatay siya sa edad na 110, at ipinahayag niya uli ang kaniyang pag-asa na ibabalik ng Diyos ang Israel sa kanilang lupain at hiniling na ang mga buto niya ay dalhin sa Lupang Pangako.

      BAKIT KAPAKI-PAKINABANG

      30. (a) Anong saligan ang inilalaan ng Genesis sa pag-unawa sa huling mga aklat ng Bibliya? (b) Sa anong wastong tunguhin umaakay ang Genesis?

      30 Bilang pasimula ng kinasihang Salita ng Diyos, di-masukat ang pakinabang ng Genesis sa pagpapakilala ng maluwalhating layunin ng Diyos na Jehova. Ito’y napakahusay na saligan sa pag-unawa ng kasunod na mga aklat ng Bibliya. Sa malawak na saklaw nito ay inilalarawan ang simula at wakas ng matuwid na daigdig sa Eden, ang paglago at kapaha-pahamak na pag-aalis sa unang daigdig ng masasama, at ang pagbangon ng kasalukuyang balakyot na mundo. Bukod-tangi nitong inihaharap ang tema ng Bibliya na pagbabangong-puri kay Jehova sa pamamagitan ng Kaharian ng “binhing” pangako. Ipinakikita rin kung bakit namamatay ang tao. Mula sa Genesis 3:15 patuloy​—at lalo na sa ulat ng pakikitungo ng Diyos kina Abraham, Isaac, at Jacob​—ay inihaharap ang pag-asa ng buhay sa bagong sanlibutan sa ilalim ng Kaharian ng Binhi. Kapaki-pakinabang ang pagdiriin ng wastong tunguhin para sa lahat ng tao​—pag-iingat ng katapatan at pagbanal sa pangalan ni Jehova.​—Roma 5:12, 18; Heb. 11:3-22, 39, 40; 12:1; Mat. 22:31, 32.

      31. Sa tulong ng kalakip na chart, ipakita na ang Genesis ay may (a) makahulugang mga hula at (b) mahahalagang simulain.

      31 Ang mga Kristiyanong Kasulatang Griyego ay tumutukoy sa bawat mahalagang pangyayari at tauhan sa Genesis. Bukod dito, gaya ng makikita sa buong Kasulatan, ang mga hula sa Genesis ay natupad nang walang mintis. Isa rito, ang “apat na raang taon” ng paghihirap ng binhi ni Abraham, ay nagsimula nang tuyain ni Ismael si Isaac noong 1913 B.C.E. at nagwakas sa paglaya ng Ehipto noong 1513 B.C.E.e (Gen. 15:13) Makikita sa kalakip na chart ang iba pang makahulugang hula at ang mga katuparan nito. Ang banal na mga simulaing unang binabanggit sa Genesis ay kapaki-pakinabang din sa pagpapatibay ng pananampalataya at unawa. Ang sinaunang mga propeta, maging si Jesus at ang mga alagad, ay malimit tumukoy at sumipi sa Genesis. Makabubuting sundin ang kanilang halimbawa at ang pag-aaral sa kalakip na chart ay tutulong sa paggawa nito.

      32. Anong mahalagang impormasyon ang nilalaman ng Genesis tungkol sa pag-aasawa, talaangkanan, at pagsukat ng panahon?

      32 Buong-linaw na inihahayag ng Genesis ang kalooban at layunin ng Diyos sa pag-aasawa, sa wastong kaugnayan ng lalaki at babae, at sa mga simulain ng pagka-ulo at pagsasanay sa pamilya. Si Jesus mismo ay humalaw sa impormasyong ito at sumipi mula sa una at ikalawang kabanata ng Genesis sa isa niyang pangungusap: “Hindi ba ninyo nabasa na siya na lumalang sa kanila sa pasimula ay gumawa sa kanila na lalaki at babae at nagsabi, ‘Dahil dito’y iiwan ng lalaki ang kaniyang ama’t ina at makikipisan sa kaniyang asawa, at ang dalawa ay magiging isang laman’?” (Mat. 19:4, 5; Gen. 1:27; 2:24) Ang ulat sa Genesis ay mahalaga dahil sa paglalaan ng talaangkanan ng sambahayan ng tao at sa pagtantiya rin sa tagal ng pamamalagi ng tao sa lupa.​—Gen., kab. 5, 7, 10, 11.

      33. Bumanggit ng ilang simulain at kaugalian ng patriyarkal na lipunan na mahalaga sa pag-unawa ng Bibliya.

      33 Ang pagsusuri sa patriyarkal na lipunan na inihaharap ng Genesis ay kapaki-pakinabang din sa estudyante ng Kasulatan. Ito ang pampamayanang anyo ng pampamilyang pamamahala na umiral sa bayan ng Diyos mula kay Noe hanggang sa pagbibigay ng Batas sa Bundok Sinai. Marami sa mga detalye ng tipang Kautusan ay matagal nang sinusunod sa patriyarkal na lipunan. Ang mga simulain ng biyayang pampamayanan (18:32), pananagutang pampamayanan (19:15), hatol na kamatayan at ang kabanalan ng dugo at ng buhay (9:4-6), at ang poot ng Diyos sa pagpaparangal sa tao (11:4-8) ay nakaapekto sa sangkatauhan mula pa noong una. Maraming legal na kaugalian at kataga ang nagbibigay-liwanag sa mga nahuling pangyayari, maging hanggang sa mga kaarawan ni Jesus. Kung nais natin ng maliwanag na unawa sa Bibliya, dapat maunawaan ang patriyarkal na batas tungkol sa pangangalaga sa katawan at ari-arian (Gen. 31:38, 39; 37:29-33; Juan 10:11, 15; 17:12; 18:9), ang paglilipat ng ari-arian (Gen. 23:3-18), at ang batas na umuugit sa mana ng panganay (48:22). Ang iba pang kaugalian ng patriyarkal na lipunan na inilakip sa Batas ay ang mga hain, pagtutuli (unang isinagawa ni Abraham), mga tipan, pag-aasawa-sa-bayaw (38:8, 11, 26), at ang pagsumpa upang tiyakin ang isang bagay.​—22:16; 24:3.f

      34. Anong mga leksiyon, na mahalaga sa mga Kristiyano, ang matututuhan sa Genesis?

      34 Ang Genesis, unang aklat ng Bibliya, ay maraming leksiyon sa integridad, pananampalataya, katapatan, pagsunod, paggalang, mabuting asal, at tibay-loob. Ang ilang halimbawa ay: Ang pananampalataya at tibay-loob ni Enoc sa paglakad na kasama ng Diyos sa harap ng mararahas na kaaway; ang pagiging-matuwid, kawalang-kapintasan, at pagkamasunurin ni Noe; ang pananampalataya, determinasyon, at pagtitiyaga ni Abraham, ang pag-ibig, pagiging mapagbigay at pagiging responsableng ulo ng pamilya at guro ng mga anak sa tagubilin ng Diyos; ang kasipagan at pagpapasakop ni Sara sa kaniyang asawang-ulo; ang kahinahunan at pagpapahalaga ni Jacob sa pangako ng Diyos; ang pagkamasunurin ni Jose sa ama, ang kaniyang kalinisang asal, tibay-loob, at mabuting paggawi sa bilangguan, paggalang sa autoridad, mapagpakumbabang pagluwalhati sa Diyos, at maawaing pagpapatawad sa kapatid; ang masidhing pagnanais nilang lahat na pakabanalin ang pangalan ni Jehova. Ang kapuri-puring mga katangiang ito ay namumukod-tangi sa buhay ng mga nagsilakad na kasama ng Diyos sa 2,369 taon mula nang lalangin si Adan hanggang mamatay si Jose, na siyang sinasaklaw ng Genesis.

      35. Bilang pagpapatibay ng pananampalataya, sa anong hinaharap umaakay ang Genesis?

      35 Oo, ang Genesis ay kapaki-pakinabang sa pagpapatibay ng pananampalataya, samantalang naghaharap ng kagila-gilalas na mga halimbawa nito, ng subok na katangian ng pananampalataya na umaasa sa lungsod na itinayo at nilikha ng Diyos, ang Kahariang pamahalaan na matagal nang inihahanda sa pamamagitan ng ipinangakong Binhi, ang pangunahing tagapagbanal sa dakilang pangalan ni Jehova.​—Heb. 11:8, 10, 16.

  • Aklat ng Bibliya Bilang 2—Exodo
    “Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
    • Aklat ng Bibliya Bilang 2​—Exodo

      Manunulat: Si Moises

      Saan Isinulat: Sa Ilang

      Natapos Isulat: 1512 B.C.E.

      Panahong Saklaw: 1657-1512 B.C.E.

      1. (a) Ano ang tampok na mga bahagi ng Exodo? (b) Anong mga pangalan ang ibinigay sa Exodo, at karugtong ito ng anong ulat?

      ANG makabagbag-damdaming ulat ng mahahalagang tanda at himala na ginawa ni Jehova sa pagpapalaya ng bayang tinawag sa kaniyang pangalan mula sa pagkaalipin sa Ehipto, ang pag-oorganisa sa Israel na kaniyang pantanging pag-aari bilang “kaharian ng mga saserdote at bansang banal,” at ang pasimula ng kasaysayan ng Israel bilang teokratikong bansa​—ito ang mga tampok na bahagi ng aklat ng Bibliya na Exodo. (Exo. 19:6) Sa Hebreo ito ay Weʼelʹleh shemohthʹ, ibig sabihin, “Narito ang mga pangalan,” o sa maikli ay Shemohthʹ, “Mga Pangalan,” ayon sa unang mga salita nito. Ang makabagong pangalan ay mula sa Griyegong Septuagint, na doon ito’y Eʹxo·dos, sa Latin ay Exodus, ibig sabihin, “Paglalabasan” o “Pag-aalisan.” Makikita sa panimulang salita, “Ngayon” (literal, “At”), at sa pagtatalang muli ng mga pangalan ng anak ni Jacob na hinango sa mas buong ulat ng Genesis 46:8-27, na ang Exodo ay karugtong ng Genesis.

      2. Ano ang inihahayag ng Exodo hinggil sa pangalang JEHOVA?

      2 Inihahayag ng Exodo ang maringal na pangalan ng Diyos, JEHOVA, sa buong kaluwalhatian at kabanalan nito. Nang itinatanghal ang lalim ng kahulugan ng kaniyang pangalan, ay sinabi ng Diyos kay Moises, “AKO NGA’Y MAPATUTUNAYANG AKO NGA,” at iniutos na dapat nitong sabihin sa Israel, “Ako ay isinugo sa inyo ni AKO NGA [Hebreo: אהוה, ʼEh·yehʹ, mula sa pandiwang Hebreo na ha·yahʹ ].” Ang pangalang JEHOVA (יהוה, YHWH) ay galing sa kaugnay na pandiwang Hebreo na ha·wahʹ, “maging,” ibig sabihin ay “Pinangyayari Niya na Maging.” Dahil sa makapangyarihan at kasindak-sindak na mga gawa ni Jehova sa kapakanan ng kaniyang bayan, ang Israel, tiyak na ang pangalang ito ay naging dakila at nagayakan ng marilag na kaluwalhatian, bilang alaala “sa lahat ng saling-lahi,” ang pangalan na dapat sambahin sa buong panahon. Wala nang kapaki-pakinabang kundi alamin ang kagila-gilalas na kasaysayan na nakapalibot sa pangalang ito at sambahin ang iisang tunay na Diyos, na nagsabing, “Ako si Jehova.”a​—Exo. 3:14, 15; 6:6.

      3. (a) Papaano natin nalaman na si Moises ang sumulat ng Exodo? (b) Kailan isinulat ang Exodo, at anong yugto ang saklaw nito?

      3 Si Moises ang sumulat ng Exodo, sapagkat ito ang pangalawang tomo ng Pentateuko. Ang aklat

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share