IKASIYAM NA KABANATA
Makapananagumpay ang mga Pamilyang May Nagsosolong Magulang!
1-3. Ano ang naging dahilan ng pagdami ng mga pamilyang may nagsosolong magulang, at papaano naapektuhan yaong mga nasasangkot?
ANG mga pamilyang may nagsosolong magulang ay tinawag sa Estados Unidos na “ang pinakamabilis lumaganap na istilo ng pamilya.” Ganito rin ang kalagayan sa marami pang ibang lupain. Ang napaulat na pinakamalaking bilang ng diborsiyo, pag-iwan sa asawa, paghihiwaláy, at pag-aanak sa labas ay nagkaroon ng malaking epekto sa milyun-milyong magulang at mga anak.
2 “Ako’y 28-taóng-gulang na biyuda na may dalawang anak,” isinulat ng isang nagsosolong ina. “Gayon na lamang ang aking panlulumo sapagkat ayokong palakihin ang aking mga anak nang walang nakikilalang ama. Parang wala man lamang nagmamalasakit sa akin. Palagi akong nakikita ng aking mga anak na umiiyak at ito’y may epekto sa kanila.” Bukod sa pakikipaglaban sa mga damdaming gaya ng poot, panunumbat sa sarili, at kalungkutan, karamihan sa mga nagsosolong magulang ay napapaharap sa hamon ng kapuwa pagtatrabaho sa labas ng tahanan at pagtupad sa mga tungkulin sa bahay. Sabi ng isa: “Ang pagiging isang nagsosolong magulang ay parang isang juggler. Pagkatapos ng anim na buwang pagsasanay, sa wakas ay napagsasalít-salít mo na rin ang paghahagis at pagsalo sa apat na bola nang sabay-sabay. Ngunit di ka pa natatagalan sa paggawa niyan, may naghagis muli sa iyo ng isa pang bola!”
3 Ang mga kabataan sa mga pamilyang may nagsosolong magulang ay may sarili rin nilang pakikihamok. Maaaring kailanganing paglabanan nila ang matinding emosyon dahil sa biglang pag-alis o pagkamatay ng isang magulang. Para sa maraming kabataan ang pagkawala ng isang magulang ay waring may napakatinding negatibong epekto.
4. Papaano natin nalalaman na si Jehova ay nababahala sa mga pamilyang may nagsosolong magulang?
4 Noong panahon ng Bibliya ay mayroon ding mga pamilyang may nagsosolong magulang. Paulit-ulit na binabanggit ng Kasulatan ang “batang lalaking walang ama” at ang “babaing balo.” (Exodo 22:22; Deuteronomio 24:19-21; Job 31:16-22) Hindi ipinagwalang-bahala ng Diyos na Jehova ang kanilang suliranin. Tinawag ng salmista ang Diyos na “isang ama ng mga batang lalaking walang ama at isang hukom ng mga babaing balo.” (Awit 68:5) Walang-pagsala, gayundin ang pagkabahala ni Jehova sa mga pamilyang may nagsosolong magulang ngayon! Sa katunayan, ang kaniyang Salita ay naglalaan ng mga simulaing makatutulong sa kanila upang magtagumpay.
PAGIGING BIHASA SA RUTIN NG GAWAING-BAHAY
5. Ano ang unang suliraning dapat harapin ng mga nagsosolong magulang?
5 Isaalang-alang ang tungkulin ng pangangasiwa sa tahanan. “Maraming pagkakataon na hahangarin mong may isang lalaki sa bahay,” ang pag-amin ng isang diborsiyada, “halimbawa kapag umingay ang iyong kotse at hindi mo alam kung saan nanggagaling ang mga iyon.” Ang mga lalaking kadidiborsiyo o kabibiyudo pa lamang ay maaari ring magulat sa dami ng trabahong dapat niya ngayong gampanan. Para sa mga anak, ang kaguluhang ito sa pamilya ay nagdaragdag sa nadaramang kawalan ng katatagan at seguridad.
Mga anak, makipagtulungan sa inyong nagsosolong magulang
6, 7. (a) Anong mainam na halimbawa ang ipinakita ng “may-kakayahang asawang babae” ng Kawikaan? (b) Papaano tumutulong sa mga tahanang may nagsosolong magulang ang pagiging masipag sa mga pananagutan sa bahay?
6 Ano ang makatutulong? Pansinin ang halimbawang ipinakita ng “may-kakayahang asawang babae” na inilarawan sa Kawikaan 31:10-31. Ang lawak ng kaniyang nagagawa ay pambihira—namimili, nagbibili, nananahi, nagluluto, namumuhunan sa lupa, nagsasaka, at nangangasiwa ng negosyo. Ang kaniyang lihim? Siya’y masipag, inaabot ng kalaliman ng gabi sa pagtatrabaho at gumigising nang maaga upang pasimulan ang kaniyang gawain. At siya’y napakaorganisado, ibinabahagi sa iba ang trabaho at ginagamit ang sariling mga kamay sa pag-aasikaso naman sa ibang gawain. Hindi nga kataka-taka na siya’y umani ng papuri!
7 Kung ikaw ay nagsosolong magulang, maging tapat sa iyong mga pananagutan sa bahay. Magkaroon ng kasiyahan sa gayong mga gawain, sapagkat malaki ang nagagawa nito sa dagdag na kaligayahan ng iyong mga anak. Gayunman, kailangan ang wastong pagsasaplano at pag-oorganisa. Sabi ng Bibliya: “Ang mga plano ng isang masipag ay tiyak na tungo sa pakinabang.” (Kawikaan 21:5) Inamin ng isang nagsosolong ama: “Naging ugali ko nang huwag isipin ang tungkol sa pagkain hangga’t hindi ako nagugutom.” Ngunit ang isinaplanong pagkain ay malamang na mas masustansiya at nakagagana kaysa sa kung anu-ano na lamang. Baka kailanganin mo ring matutong gamitin ang iyong mga kamay sa mga bagong kasanayan. Sa pagkonsulta sa marurunong na kaibigan, mga nagtuturong aklat, at matutulunging propesyonal, ang ilang nagsosolong ina ay nakapagpipinta, nakapagtutubero, at nakapagkukumpu-kumpuni ng sasakyan.
8. Papaano nakatutulong sa tahanan ang mga anak ng mga nagsosolong magulang?
8 Makatuwiran ba na hilinging tumulong ang iyong mga anak? Ganito ang katuwiran ng isang nagsosolong ina: “Gusto mong mapunan ang pagkawala ng isang magulang kung kaya ayaw mong mabigatan ang mga anak.” Maaaring may katuwiran iyan ngunit hindi ito palaging sa ikabubuti ng bata. Ang may-takot sa Diyos na mga kabataan sa panahon ng Bibliya ay inatasan ng angkop na mga trabaho. (Genesis 37:2; Awit ni Solomon 1:6) Kaya, bagaman iniingatang di-masobrahan ang iyong mga anak, magiging matalino ka na atasan sila ng trabaho gaya ng paghuhugas ng pinggan at pagpapanatiling malinis ng kanilang kuwarto. Bakit hindi pagtuwangan ang ilang trabaho? Ito’y maaaring maging totoong kawili-wili.
ANG HAMON NG PAGHAHANAPBUHAY
Gumugol ng sapat na panahon hangga’t maaari kasama ng iyong mga anak
9. Bakit madalas na napapaharap sa mga suliranin sa pinansiyal ang mga nagsosolong ina?
9 Nahihirapang masapatan ng karamihan sa mga nagsosolong magulang ang pinansiyal nilang pangangailangan, at karaniwan nang ang mga dalagang ina ang lalo nang nagigipit.a Sa mga lupain na doo’y nakakakuha ng tulong mula sa mga ahensiyang mapagkawanggawa, maaaring isang katalinuhan na samantalahin nila ito, kahit man lamang sa panahong wala pa silang trabaho. Pinahihintulutan ng Bibliya ang mga Kristiyano na samantalahin ang mga paglalaang ito kung kinakailangan. (Roma 13:1, 6) Ang mga biyuda at diborsiyada ay napapaharap sa gayunding mga hamon. Marami ang napipilitang magtrabahong muli pagkatapos ng maraming taon ng pag-aasikaso sa bahay, at madalas na ang nasusumpungang trabaho ay yaon lamang may mababang suweldo. Napagbuti ng ilan ang kanilang kalagayan sa pamamagitan ng pagpapatala sa mga programa hinggil sa pagsasanay sa trabaho, o maigsiang kurso sa paaralan.
10. Papaano maaaring ipaliwanag ng isang nagsosolong ina sa kaniyang mga anak kung bakit siya kailangang maghanap ng sekular na trabaho?
10 Huwag kang magtataka kung hindi ikatuwa ng iyong mga anak ang iyong paghahanap ng trabaho, at huwag mong sisihin ang iyong sarili. Sa halip, ipaliwanag mo sa kanila kung bakit dapat kang maghanapbuhay, at tulungan silang maunawaan na hinihilingan ka ni Jehova na paglaanan sila. (1 Timoteo 5:8) Pagsapit ng panahon, nasasanay rin ang karamihan sa mga anak. Gayunman, sikaping makagugol ng sapat na panahong kasama nila habang ipinahihintulot ng iyong abalang iskedyul. Ang gayong maibiging atensiyon ay makatutulong din na mabawasan ang masakit na epekto ng kakapusan sa pinansiyal na dinaranas ng pamilya.—Kawikaan 15:16, 17.
SINO ANG MANGANGALAGA KANINO?
Hindi ipinagwawalang-bahala ng kongregasyon ang “mga babaing balo” at “mga batang lalaking walang ama”
11, 12. Anong mga hangganan ang dapat ingatan ng mga nagsosolong magulang, at papaano nila magagawa iyon?
11 Natural lamang sa mga nagsosolong magulang ang mapalapit na mabuti sa kanilang mga anak, gayunman, dapat ingatan na ang mga hangganang inilagay ng Diyos sa pagitan ng mga magulang at ng mga anak ay hindi masira. Halimbawa, maaaring bumangon ang malulubhang suliranin kapag inasahan ng nagsosolong ina ang kaniyang anak na lalaki na siyang kumuha ng pananagutan na maging ulo ng tahanan o pakitunguhan ang kaniyang anak na babae bilang katapatang-loob, anupat pinabibigatan ang batang babae ng mga maseselang na suliranin. Ang paggawa nito ay hindi angkop, pabigat, at maaaring makalito sa isang bata.
12 Tiyakin sa iyong mga anak na ikaw, bilang magulang, ang mangangalaga sa kanila—hindi ang kabaligtaran. (Ihambing ang 2 Corinto 12:14.) Kung minsan, kakailanganin mo ang ilang payo o suporta. Hingin ito sa Kristiyanong matatanda o maaaring sa maygulang na Kristiyanong kababaihan, hindi sa iyong mga menor pang anak.—Tito 2:3.
PINANANATILI ANG DISIPLINA
13. Anong suliranin hinggil sa disiplina ang baka mapaharap sa isang nagsosolong ina?
13 Hindi gaanong mahirap pakinggan ang isang lalaki kapag naglalapat ng disiplina, ngunit maaaring magkaproblema ang babae sa bagay na ito. Sabi ng isang nagsosolong ina: “Ang aking mga anak na lalaki ay may malalaking pangangatawan at malalaking boses. Kung minsan mahirap maiwasan na lumitaw kang alanganin o mas mahina kaysa sa kanila.” Bukod diyan, baka namimighati ka pa sa pagkamatay ng minamahal na kabiyak, o marahil sinisisi mo pa ang iyong sarili o galít ka pa dahil sa paghihiwalay. Kung kapuwa kayo may kapahintulutang magpalaki sa mga bata, baka nag-aalala ka na baka mas gusto ng iyong anak sa iyong dating kabiyak. Ang ganiyang mga kalagayan ay nakahahadlang sa pagbibigay ng timbang na disiplina.
14. Papaano mapananatili ng mga nagsosolong magulang ang isang timbang na pangmalas sa disiplina?
14 Sinasabi ng Bibliya na “ang batang pinababayaan ay magdadala ng kahihiyan sa kaniyang ina.” (Kawikaan 29:15) Nasa likod mo ang Diyos na Jehova sa paggawa at pagpapasunod ng mga alituntunin sa pamilya kaya huwag kang padadala sa panunumbat sa sarili, pagsisisi, o takot. (Kawikaan 1:8) Huwag kailanman ikompromiso ang mga simulain sa Bibliya. (Kawikaan 13:24) Sikaping maging makatuwiran, di-nagbabago, at matatag. Darating ang panahon, ang karamihan sa mga anak ay tutugon. Gayunman, nanaisin mo pa ring isaalang-alang ang damdamin ng iyong mga anak. Sabi ng isang nagsosolong ama: “Kinailangang haluan ko ng pagkamaunawain ang aking pagdidisiplina dahil sa kirot ng pagkawala ng kanilang ina. Kinakausap ko sila sa bawat pagkakataon. Nagkakaroon kami ng ‘matalik na pag-uusap’ kapag naghahanda kami ng hapunan. Sa mga pagkakataong iyon ay talagang nagtatapat sila sa akin.”
15. Ano ang dapat iwasan ng diborsiyado o diborsiyadang magulang kapag ang pinag-uusapan ay ang dating kabiyak?
15 Kung ikaw ay isang diborsiyado o diborsiyada, walang mabuting idudulot ang paninira sa iyong dating kabiyak. Ang pagtataltalan ng mga magulang ay masakit para sa mga anak at hahantong sa unti-unting pagkawala ng kanilang paggalang sa inyong dalawa. Kung gayon, iwasan ang nakasasakit na mga komentong gaya ng “Parehong-pareho ka ng ama mo!” Anumang kirot ang naidulot sa iyo ng dati mong kabiyak, siya pa rin ang ama o ina ng iyong anak, na nangangailangan ng pag-ibig, atensiyon, at disiplina ninyo kapuwa bilang mga magulang.b
16. Anong espirituwal na kaayusan ang dapat maging palagiang bahagi ng disiplina sa isang tahanang may nagsosolong magulang?
16 Gaya ng tinalakay sa mga nakaraang kabanata, kasangkot sa disiplina ang pagsasanay at pagtuturo, hindi lamang pagpaparusa. Maiiwasan ang maraming suliranin kung may mabuting programa ng espirituwal na pagsasanay. (Filipos 3:16) Napakahalaga ng palagiang pagdalo sa mga pulong Kristiyano. (Hebreo 10:24, 25) Gayundin ang pagkakaroon ng lingguhang pampamilyang pag-aaral sa Bibliya. Totoo naman, hindi madaling gawing palagian ang gayong pag-aaral. “Pagkatapos ng maghapong trabaho, talagang ibig mo nang magpahingalay,” sabi ng isang taimtim na ina. “Pero inihahanda ko na ang aking isip na mag-aral kasama ng aking anak na babae, dahil alam kong ito’y isang bagay na kailangang tuparin. Wiling-wili siya sa aming pampamilyang pag-aaral!”
17. Ano ang matututuhan natin sa mainam na pagpapalaki kay Timoteo na siyang kasama ni Pablo?
17 Maliwanag na ang kasama ni apostol Pablo na si Timoteo ay sinanay sa mga simulain ng Bibliya ng kaniyang ina at ng kaniyang lola—ngunit hindi ng kaniyang ama. Gayunman, si Timoteo ay naging isang katangi-tanging Kristiyano! (Gawa 16:1, 2; 2 Timoteo 1:5; 3:14, 15) Makaaasa ka rin ng mabubuting resulta habang nagsisikap kang palakihin ang iyong mga anak “sa disiplina at pangkaisipang-pagtutuwid ni Jehova.”—Efeso 6:4.
MATAGUMPAY NA NILALABANAN ANG KALUNGKUTAN
18, 19. (a) Papaano nababakas ang kalungkutan sa isang nagsosolong magulang? (b) Anong payo ang ibinigay upang matulungang mapigil ang mga nasa ng laman?
18 Ganito ang himutok ng isang nagsosolong magulang: “Kapag ako’y nasa bahay na at napag-isa, at lalo na kung nasa higaan na ang mga bata, nababalot ako ng kalungkutan.” Oo, ang kalungkutan ang madalas na siyang pinakamalaking suliraning kinakaharap ng nagsosolong magulang. Likas lamang na hanap-hanapin ang mainit na pagsasamahan at matalik na pagtitinginan ng mag-asawa. Ngunit dapat bang pagsikapang lutasin ng isang tao ang suliraning ito sa kahit na anong paraan? Noong panahon ni apostol Pablo, hinahayaan ng ilang nakababatang babaing balo na “ang kanilang seksuwal na mga simbuyo ay lumagay sa pagitan nila at ng Kristo.” (1 Timoteo 5:11, 12) Makapipinsala kung pahihintulutang mapangibabawan ng pagnanasa ng laman ang espirituwal na mga kapakanan.—1 Timoteo 5:6.
19 Sabi ng isang lalaking Kristiyano: “Napakalakas ng pagnanasa sa sekso, ngunit puwede mong pigilin ang mga ito. Kapag sumagi ito sa iyong isip, hindi mo dapat pagtuunan ito ng pansin. Dapat mo itong iwaksi. Makatutulong din na isipin mo ang iyong anak.” Ganito ang payo ng Salita ng Diyos: ‘Patayin mo ang mga sangkap ng iyong katawan na may kinalaman sa seksuwal na pagnanasa.’ (Colosas 3:5) Kung sinisikap mong patayin ang iyong panggana sa pagkain, babasahin mo ba ang mga magasing nagtatampok ng mga larawan ng masasarap na pagkain, o makikisama ka ba sa mga taong wala nang pinag-uusapan kundi pagkain? Hinding-hindi! Totoo rin ito kung tungkol sa mga nasa ng laman.
20. (a) Anong panganib ang nagbabanta para sa mga nanliligaw sa di-kapananampalataya? (b) Papaano nakikipaglaban sa kalungkutan ang mga nagsosolong tao kapuwa noong unang siglo at ngayon?
20 May ilang Kristiyano na nakikipagligawan sa mga di-kapananampalataya. (1 Corinto 7:39) Nalutas ba niyan ang kanilang problema? Hindi. Nagbabala ang isang Kristiyanong diborsiyada: “May mas malubha pa kaysa sa pagiging walang-asawa. Iyon ay ang magpakasal ka sa maling tao!” Walang-pagsalang pinaglabanan ng mga Kristiyanong babaing balo noong unang siglo ang kalungkutan, ngunit ang matatalino ay nanatiling abala sa ‘pag-aasikaso sa mga estranghero, paghuhugas sa mga paa ng mga banal, at pagpapaginhawa sa mga nasa kapighatian.’ (1 Timoteo 5:10) Ang tapat na mga Kristiyano ngayon na nakapaghintay na ng maraming taon upang makasumpong ng may-takot sa Diyos na kabiyak ay patuloy pa ring naging abala. Isang 68-taóng-gulang na Kristiyanong biyuda ang nagsimulang dumalaw sa iba pang mga biyuda kapag siya’y nalulungkot. Sabi niya: “Napatunayan ko na dahil sa mga pagdalaw na ito, patuloy na pag-aasikaso sa bahay at pangangalaga sa aking espirituwalidad ay nawalan na ako ng panahon para malungkot pa.” Ang pagtuturo sa iba ng hinggil sa Kaharian ng Diyos ay lalo nang isang kapaki-pakinabang na mabuting gawa.—Mateo 28:19, 20.
21. Sa anong paraan nakatutulong ang panalangin at mabuting kasama upang mapagtagumpayan ang kalungkutan?
21 Hindi maikakaila, walang kagyat na lunas sa kalungkutan. Ngunit maaari itong mabata taglay ang lakas mula kay Jehova. Dumarating ang lakas na ito kapag ang isang Kristiyano ay “nagpapatuloy sa mga pagsusumamo at mga panalangin gabi at araw.” (1 Timoteo 5:5) Ang pagsusumamo ay marurubdob na pakiusap, oo, pagmamakaawang tulungan, marahil taglay ang malakas na paghiyaw at mga luha. (Ihambing ang Hebreo 5:7.) Ang pagbubukas ng iyong puso kay Jehova “gabi at araw” ay talagang nakatutulong. Isa pa, malaki ang nagagawa ng kapaki-pakinabang na pakikipagsamahan upang mapunan ang puwang na dulot ng kalungkutan. Mula sa mabubuting kasama, ang isa’y makakakuha ng ‘mabuting salita’ ng pampatibay-loob na inilarawan sa Kawikaan 12:25.
22. Tutulong ang pagsasaalang-alang ng ano kapag nangingibabaw paminsan-minsan ang kalungkutan?
22 Kung nangingibabaw paminsan-minsan ang kalungkutan—na malamáng na mangyari—tandaan na walang sinuman ang may sakdal na kalagayan sa buhay. Sa katunayan, ang “buong samahan ng inyong mga kapatid” ay nagdurusa sa iba’t ibang paraan. (1 Pedro 5:9) Huwag nang balik-balikan pa ang kahapon. (Eclesiastes 7:10) Gunitain ang mga pagpapala na iyong tinatamasa. Higit sa lahat, maging determinado na maingatan ang iyong katapatan at mapagalak ang puso ni Jehova.—Kawikaan 27:11.
KUNG PAPAANO MAKATUTULONG ANG IBA
23. Anong pananagutan ang taglay ng kapuwa Kristiyano sa mga nagsosolong magulang sa kongregasyon?
23 Hindi matutumbasan ang suporta at tulong ng kapuwa Kristiyano. Sabi ng Santiago 1:27: “Ang anyo ng pagsamba na malinis at walang dungis sa pangmalas ng ating Diyos at Ama ay ito: alagaan ang mga ulila at mga babaing balo sa kanilang kapighatian.” Oo, obligado ang mga Kristiyano na tulungan ang mga pamilyang may nagsosolong magulang. Anu-ano ang ilang praktikal na paraan upang maisagawa ito?
24. Sa anu-anong paraan maaaring matulungan ang nangangailangang mga pamilya na may nagsosolong magulang?
24 Maaaring magbigay ng tulong sa materyal. Sabi ng Bibliya: “Sinuman na may panustos-buhay ng sanlibutang ito at nakikita ang kaniyang kapatid na nangangailangan at gayunma’y ipinipinid ang pintuan ng kaniyang magiliw na pagkamadamayin sa kaniya, sa anong paraan nananatili sa kaniya ang pag-ibig sa Diyos?” (1 Juan 3:17) Ang orihinal na salitang Griego para sa “nakikita” ay nangangahulugang, hindi lamang basta pagsulyap, kundi isang sinadyang pagtitig. Ipinahihiwatig nito na ang isang mabait na Kristiyano ay maaaring nagiging pamilyar muna sa kalagayan at pangangailangan ng isang pamilya. Baka nangangailangan sila ng salapi. Baka ang ilan ay nangangailangan ng tulong sa mga dapat kumpunihin sa bahay. O baka matuwa sila kung maanyayahan man lamang sa pagkain o sa isang sosyal na pagtitipon.
25. Papaano makapagpapakita ang mga kapuwa Kristiyano ng pagkamadamayin sa mga nagsosolong magulang?
25 Bilang karagdagan, ganito ang sabi ng 1 Pedro 3:8: “Kayong lahat ay magkaroon ng magkakatulad na pag-iisip, na nagpapakita ng damdaming pakikipagkapuwa, na may pagmamahal na pangkapatid, madamayin sa magiliw na paraan.” Sabi ng isang nagsosolong magulang na may anim na anak: “Napakahirap batahin at kung minsa’y nakapanlulumo. Gayunman, paminsan-minsan ay sinasabihan ako ng isa sa mga kapatid: ‘Joan, mahusay ang iyong ginagawa. Sulit ang magiging resulta niyan.’ Malaman mo lamang na naaalaala ka ng iba at pinagmamalasakitan nila ay napakalaking tulong na.” Ang matatandang Kristiyanong babae ay lalo nang maaaring maging mabisa sa pagtulong sa mga nagsosolong magulang na kabataang babae, anupat sila’y nakikinig kapag ang mga ito’y may mga suliraning maaaring hindi angkop ipakipag-usap sa isang lalaki.
26. Papaano matutulungan ng maygulang na mga Kristiyanong lalaki ang mga batang walang-ama?
26 Makatutulong naman ang mga Kristiyanong lalaki sa ibang paraan. Sinabi ng matuwid na lalaking si Job: “Ililigtas ko . . . ang batang lalaking walang ama at sinumang walang katulong.” (Job 29:12) Ang ilang Kristiyanong lalaki sa ngayon ay mayroon ding tunay na interes sa mga batang walang ama at nagpapakita ng tapat na “pag-ibig mula sa isang malinis na puso,” na walang masasamang motibo. (1 Timoteo 1:5) Maaaring isaayos nila na gumawang kasama ng mga kabataang iyon sa Kristiyanong ministeryo paminsan-minsan at maaari rin nilang anyayahan ang mga ito na sumama sa pampamilyang pag-aaral o sa paglilibang, nang hindi naman napapabayaan ang kani-kanilang sariling pamilya. Ang gayong kabaitan ay maaaring makasagip sa isang batang walang ama mula sa lisyang landasin.
27. Anong pagsuporta ang maaasahan ng mga nagsosolong magulang?
27 Mangyari pa, matapos ang lahat, ang mga nagsosolong magulang ay kailangang ‘magdala ng kanilang sariling pasan’ na pananagutan. (Galacia 6:5) Magkagayon man, maaasahan nila ang pag-ibig ng Kristiyanong mga kapatid at ng Diyos na Jehova mismo. Ganito ang sabi ng Bibliya tungkol sa kaniya: “Ang batang lalaking walang ama at ang babaing balo ay pinagiginhawa niya.” (Awit 146:9) Taglay ang Kaniyang maibiging suporta, makapananagumpay ang mga pamilyang may nagsosolong magulang!
a Kapag nagdalang-tao ang isang kabataang Kristiyano dahil sa imoral na paggawi, hindi kailanman kukunsintihin ng Kristiyanong kongregasyon ang kaniyang ginawa. Ngunit kung siya’y nagsisisi, baka naisin ng matatanda sa kongregasyon at ng iba pa sa kongregasyon na mag-alok ng tulong.
b Hindi natin tinutukoy rito yaong mga kalagayan na ang anak ay kinakailangang ipagsanggalang mula sa mapang-abusong magulang. Gayundin, kung pinahihina ng isa sa magulang ang iyong awtoridad, anupat marahil ay sa layuning hikayatin ang mga bata na iwanan ka, makabubuting makipag-usap ka sa makaranasang mga kaibigan, gaya ng matatanda sa Kristiyanong kongregasyon, upang humingi ng payo kung papaano haharapin ang situwasyon.