-
Aklat ng Bibliya Bilang 1—Genesis“Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
-
-
Ang ilang halimbawa ay: Ang pananampalataya at tibay-loob ni Enoc sa paglakad na kasama ng Diyos sa harap ng mararahas na kaaway; ang pagiging-matuwid, kawalang-kapintasan, at pagkamasunurin ni Noe; ang pananampalataya, determinasyon, at pagtitiyaga ni Abraham, ang pag-ibig, pagiging mapagbigay at pagiging responsableng ulo ng pamilya at guro ng mga anak sa tagubilin ng Diyos; ang kasipagan at pagpapasakop ni Sara sa kaniyang asawang-ulo; ang kahinahunan at pagpapahalaga ni Jacob sa pangako ng Diyos; ang pagkamasunurin ni Jose sa ama, ang kaniyang kalinisang asal, tibay-loob, at mabuting paggawi sa bilangguan, paggalang sa autoridad, mapagpakumbabang pagluwalhati sa Diyos, at maawaing pagpapatawad sa kapatid; ang masidhing pagnanais nilang lahat na pakabanalin ang pangalan ni Jehova. Ang kapuri-puring mga katangiang ito ay namumukod-tangi sa buhay ng mga nagsilakad na kasama ng Diyos sa 2,369 taon mula nang lalangin si Adan hanggang mamatay si Jose, na siyang sinasaklaw ng Genesis.
35. Bilang pagpapatibay ng pananampalataya, sa anong hinaharap umaakay ang Genesis?
35 Oo, ang Genesis ay kapaki-pakinabang sa pagpapatibay ng pananampalataya, samantalang naghaharap ng kagila-gilalas na mga halimbawa nito, ng subok na katangian ng pananampalataya na umaasa sa lungsod na itinayo at nilikha ng Diyos, ang Kahariang pamahalaan na matagal nang inihahanda sa pamamagitan ng ipinangakong Binhi, ang pangunahing tagapagbanal sa dakilang pangalan ni Jehova.—Heb. 11:8, 10, 16.
-
-
Aklat ng Bibliya Bilang 2—Exodo“Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
-
-
Aklat ng Bibliya Bilang 2—Exodo
Manunulat: Si Moises
Saan Isinulat: Sa Ilang
Natapos Isulat: 1512 B.C.E.
Panahong Saklaw: 1657-1512 B.C.E.
1. (a) Ano ang tampok na mga bahagi ng Exodo? (b) Anong mga pangalan ang ibinigay sa Exodo, at karugtong ito ng anong ulat?
ANG makabagbag-damdaming ulat ng mahahalagang tanda at himala na ginawa ni Jehova sa pagpapalaya ng bayang tinawag sa kaniyang pangalan mula sa pagkaalipin sa Ehipto, ang pag-oorganisa sa Israel na kaniyang pantanging pag-aari bilang “kaharian ng mga saserdote at bansang banal,” at ang pasimula ng kasaysayan ng Israel bilang teokratikong bansa—ito ang mga tampok na bahagi ng aklat ng Bibliya na Exodo. (Exo. 19:6) Sa Hebreo ito ay Weʼelʹleh shemohthʹ, ibig sabihin, “Narito ang mga pangalan,” o sa maikli ay Shemohthʹ, “Mga Pangalan,” ayon sa unang mga salita nito. Ang makabagong pangalan ay mula sa Griyegong Septuagint, na doon ito’y Eʹxo·dos, sa Latin ay Exodus, ibig sabihin, “Paglalabasan” o “Pag-aalisan.” Makikita sa panimulang salita, “Ngayon” (literal, “At”), at sa pagtatalang muli ng mga pangalan ng anak ni Jacob na hinango sa mas buong ulat ng Genesis 46:8-27, na ang Exodo ay karugtong ng Genesis.
2. Ano ang inihahayag ng Exodo hinggil sa pangalang JEHOVA?
2 Inihahayag ng Exodo ang maringal na pangalan ng Diyos, JEHOVA, sa buong kaluwalhatian at kabanalan nito. Nang itinatanghal ang lalim ng kahulugan ng kaniyang pangalan, ay sinabi ng Diyos kay Moises, “AKO NGA’Y MAPATUTUNAYANG AKO NGA,” at iniutos na dapat nitong sabihin sa Israel, “Ako ay isinugo sa inyo ni AKO NGA [Hebreo: אהוה, ʼEh·yehʹ, mula sa pandiwang Hebreo na ha·yahʹ ].” Ang pangalang JEHOVA (יהוה, YHWH) ay galing sa kaugnay na pandiwang Hebreo na ha·wahʹ, “maging,” ibig sabihin ay “Pinangyayari Niya na Maging.” Dahil sa makapangyarihan at kasindak-sindak na mga gawa ni Jehova sa kapakanan ng kaniyang bayan, ang Israel, tiyak na ang pangalang ito ay naging dakila at nagayakan ng marilag na kaluwalhatian, bilang alaala “sa lahat ng saling-lahi,” ang pangalan na dapat sambahin sa buong panahon. Wala nang kapaki-pakinabang kundi alamin ang kagila-gilalas na kasaysayan na nakapalibot sa pangalang ito at sambahin ang iisang tunay na Diyos, na nagsabing, “Ako si Jehova.”a—Exo. 3:14, 15; 6:6.
3. (a) Papaano natin nalaman na si Moises ang sumulat ng Exodo? (b) Kailan isinulat ang Exodo, at anong yugto ang saklaw nito?
3 Si Moises ang sumulat ng Exodo, sapagkat ito ang pangalawang tomo ng Pentateuko. Ang aklat mismo ay nag-uulat ng tatlong pagkakataon na si Moises ay inutusan ni Jehova na sumulat. (17:14; 24:4; 34:27) Ayon kina Westcott at Hort, mga iskolar ng Bibliya, si Jesus at ang mga manunulat ng Kristiyanong Kasulatang Griyego ay mahigit na 100 beses bumabanggit o sumisipi sa Exodo, tulad nang sabihin ni Jesus: “Ibinigay sa inyo ni Moises ang Kautusan, hindi ba?” Ang Exodo ay isinulat sa ilang ng Sinai, noong 1512 B.C.E., isang taon pagkatapos lumisan ang Israel sa Ehipto. Sumasaklaw ito sa 145 taon, mula nang mamatay si Jose noong 1657 B.C.E. hanggang sa pagtatayo ng tabernakulo ng pagsamba kay Jehova noong 1512 B.C.E.—Juan 7:19; Exo. 1:6; 40:17.
4, 5. Anong arkeolohikal na katibayan ang umaalalay sa ulat ng Exodo?
4 Palibhasa ang mga pangyayari sa Exodo ay naganap mga 3,500 taon na ngayon, kaya napakaraming arkeolohikal at iba pang panlabas na ebidensiya sa kawastuan ng ulat. Wasto ang paggamit ng mga pangalang Ehipsiyo, at ang mga pamagat na binabanggit ay katumbas niyaong sa mga inskripsiyong Ehipsiyo. Ipinakikita ng arkeolohiya na ang mga dayuhan ay pinahintulutang manirahan sa Ehipto subalit ang mga Ehipsiyo ay hiwalay sa kanila. Ang mga tubig ng Nilo ay ginamit sa paliligo, na nagpapaalaala sa anak na babae ni Paraon na naligo roon. Nakatuklas ng mga tisang mayroon o walang halong dayami. At, noong kasagsagan ng Ehipto ay naging prominente ang mga salamangkero.—Exo. 8:22; 2:5; 5:6, 7, 18; 7:11.
5 Ipinakikita ng mga bantayog na ang mga Paraon mismo ay nanguna sa kanilang mga karo sa digmaan, at ayon sa Exodo ang kaugaliang ito ay sinunod ng Paraon noong panahon ni Moises. Kay laki ng kaniyang pagkapahiya! Ngunit bakit hindi binabanggit ng mga ulat ng Ehipto ang paninirahan ng mga Israelita ni ang kapahamakan na sumapit sa Ehipto? Ipinakikita ng arkeolohiya na nakaugalian ng bawat bagong dinastiya na burahin ang alinmang di-kanaisnais na ulat sa nakaraan. Inililihim ang kahiya-hiyang mga pagkatalo. Hindi angkop sa mga taunang ulat ng hambog na bansang yaon ang mga dagok laban sa mga diyos ng Ehipto—sa diyos ng Nilo, diyos na palaka, at diyos ng araw—na nanirang-puri sa huwad na mga diyos at nagpatotoo sa pagiging kataas-taasan ni Jehova.—14:7-10; 15:4.b
6. Sa anong mga dako iniuugnay ang unang mga kampamento ng Israel?
6 Dahil sa 40 taóng paglilingkod bilang pastol ni Jetro, si Moises ay nasanay sa pamumuhay at sa paghahanap ng tubig at pagkain sa dakong yaon, kaya bagay-na-bagay siya na manguna sa Pag-aalisan. Ang eksaktong ruta ng Pag-aalisan ay hindi matitiyak ngayon, yamang ang mga dakong binabanggit sa ulat ay hindi tiyak na matutunton. Subalit, ang Mara, isa sa mga unang kampamento sa Sinai Peninsula, ay iniuugnay sa ʽEin Hawwara, 80 kilometro sa timog-silangan ng makabagong Suez. Ang Elim, ikalawang kampamento, ay iniuugnay sa Wadi Gharandel, 88 kilometro sa timog-silangan ng Suez. Kapansin-pansin na ang makabagong lokasyon ay kilala sa pagiging-matubig at pagkakaroon ng halaman at palma, nagpapaalaala sa Elim ng Bibliya, na may “labindalawang bukal ng tubig at pitumpung palma.”c Gayunman, ang pagiging-tunay ng ulat ay hindi umaasa sa patotoo ng arkeolohiya sa mga lokasyon na kanilang dinaanan.—15:23, 27.
7. Ano pang ebidensiya, lakip ang pagtatayo ng tabernakulo, ang tumitiyak sa pagiging-kinasihan ng Exodo?
7 Ang ulat sa pagtatayo ng tabernakulo sa mga kapatagan ng Sinai ay katugma ng lokal na kalagayan. Sinabi ng isang iskolar: “Sa anyo, balangkas, at materyales, ang tabernakulo ay talagang nababagay sa ilang. Ang kahoy na ginamit sa balangkas ay saganang tumutubo roon.”d Kung pag-uusapan ang mga pangalan, ugali, relihiyon, lugar, heograpiya, o materyales, ang saganang panlabas na ebidensiya ay nagpapatotoo sa kinasihang ulat ng Exodo, na mga 3,500 taon na ngayon ang katandaan.
8. Papaano ipinakikita ang mahigpit na pagkakahabi ng Exodo sa ibang bahagi ng Kasulatan bilang kinasihan at kapaki-pakinabang?
8 Ang ibang manunulat sa Bibliya ay laging tumutukoy sa Exodo, patotoo ng makahulang kahulugan at halaga nito. Makalipas ang mahigit na 900 taon sumulat si Jeremias tungkol sa “tunay na Diyos, Dakila, Makapangyarihan, Jehova ng mga hukbo ang kaniyang pangalan,” na naglabas sa Israel mula sa Ehipto, “sa pamamagitan ng mga tanda at himala, ng makapangyarihang kamay at ng unát na kamay at ng malaking kakilabutan.” (Jer. 32:18-21) Pagkaraan ng mahigit na 1,500 taon, ang Exodo ay naging saligan ng magiting na patotoo ni Esteban na umakay sa kaniyang pagkamartir. (Gawa 7:17-44) Ang buhay ni Moises ay tinutukoy sa Hebreo 11:23-29, isang uliran ng pananampalataya, at si Pablo ay malimit tumukoy sa Exodo bilang halimbawa at babala para sa atin ngayon. (Gawa 13:17; 1 Cor. 1-4, 11, 12; 2 Cor. 3:7-16) Lahat ng ito ay tumutulong sa pagpapahalaga sa pagkakaugnay ng mga bahagi ng Bibliya sa isa’t-isa, na pawang naghahayag ng layunin ni Jehova sa kapaki-pakinabang na paraan.
NILALAMAN NG EXODO
9. Sa ilalim ng anong kalagayan isinilang at pinalaki si Moises?
9 Inatasan ni Jehova si Moises, idiniin ang Kaniyang Pang-alaalang Pangalan (1:1–4:31). Matapos nganlan ang mga anak ni Israel na napasa-Ehipto, iniuulat ng Exodo ang kamatayan ni Jose. Di-naglaon
-