Kung Paano Makasusumpong ng Pag-asa sa Kabila ng Pagkasira ng Loob
IPAGPALAGAY na naranasan mo ang mga sumusunod: Lahat ng iyong materyal na pag-aari ay naglaho, anupat naiwan kang walang-wala. Ang iyong mga anak—ang kaligayahan ng iyong buhay—ay nangamatay. Walang pampatibay-loob na ibinibigay sa iyo ang iyong asawa. Literal na nasira ang iyong kalusugan. Bawat araw ay isang mahirap na pagsubok.
Kung naging ganoon ang kalagayan mo sa buhay, magkakaroon ka pa ba ng dahilan upang patuloy na mabuhay? O magpapadaig ka na sa pagkasira ng loob?
Ang malungkot na kalagayan na kalalarawan lamang ang naging totoong-buhay na karanasan ni Job, isang lalaki na nabuhay noong panahon ng Bibliya. (Job, kabanata 1, 2) Sa isang napakalungkot na sandali, si Job ay nanaghoy: “Ang aking kaluluwa ay nasusuklam sa aking buhay.” Mamatamisin pa niya ang mamatay upang maginhawahan. (Job 10:1; 14:13) Gayunman, sa kabila ng kaniyang napakatinding pagdurusa, napanatili ni Job ang kaniyang integridad sa Diyos. Kaya naman “pinagpala [ni Jehova] ang huling mga araw ni Job nang higit sa kaniyang pasimula.” Sa gayon ay namatay siyang payapa, “matanda at puspos ng mga kaarawan.”—Job 42:12, 17.
Nagpakita si Job ng halimbawa ng pagbabata na pinapupurihan hanggang sa ngayon. Dinalisay ng pagsubok ang kaniyang personalidad at inudyukan ang iba na gumawa ng mabuti. (Santiago 5:10, 11) Higit sa lahat, ang walang-kapintasang integridad ni Job ay nagpagalak sa puso ni Jehova. (Kawikaan 27:11) Kaya sa wakas ang katakut-takot na paghihirap ay naging napakalaking tagumpay ng pagkamakadiyos, pananampalataya, at integridad na nagdulot ng mga pagpapala kay Job at sa lahat ng napakilos ng kaniyang halimbawa.
Pag-asa sa Kabila ng Iba’t Ibang Pagsubok
Maaaring magdanas ka ng pagsubok na katulad niyaong naranasan ni Job. Ang kamatayan ng isang mahal sa buhay ay baka nag-iwan sa iyo ng bagbag na damdamin. Ang malubhang karamdaman ay maaaring nagpangyari na maging mahapding karanasan ang iyong pag-iral. Ang buong pitak ng iyong buhay ay maaaring naging waring wasak dahil sa isang masaklap na pagdidiborsiyo. Maaaring iniwan kang salat ng pagbagsak ng kabuhayan. Posible na naging tampulan ka ng mabagsik na pag-uusig ng galit-na-galit na mga mananalansang ng tunay na pagsamba. Ang pakikipagpunyagi na makapanagumpay sa iyong mga pagsubok ay maaaring nagpadama sa iyo na wala nang pag-asa ang iyong kinabukasan.—1 Pedro 1:6.
Sa halip na padaig sa pagkasira ng loob, tanungin ang iyong sarili, ‘Bakit kaya ako nagdurusa?’ Nagdurusa ka dahil nabubuhay ka sa isang sanlibutan na “nasa kapangyarihan ng isa na balakyot,” si Satanas na Diyablo. (1 Juan 5:19) Bilang resulta, lahat ay nagdurusa. Sa ilang paraan tayong lahat ay naaapektuhan ng kinasihan-ng-Diyablong pagkapoot sa mensahe ng Kaharian, ng nakasasakit na pananalita ng iba, o ng nakapangingilabot na mga gawa ng di-makadiyos na paggawi na totoong palasak sa “mga panahong [ito na] mapanganib.”—2 Timoteo 3:1-5.
Kung naganap ang isang trahedya sa iyong buhay, maaaring biktima ka ng ‘panahon at di-inaasahang pangyayari.’ (Eclesiastes 9:11) Sa kabilang panig, kung minsan ay napapasamâ ang mga bagay-bagay sa ating buhay dahil sa ating minanang kasalanan. (Roma 5:12) Kung nagkasala ka man nang malubha subalit ikaw ay nagsisi at humingi ng espirituwal na tulong, huwag isipin na ikaw ay pinabayaan na ng Diyos. (Awit 103:10-14; Santiago 5:13-15) Siya ay nagmamalasakit sa atin nang higit kaysa kaninuman. (1 Pedro 5:6, 7) Makatitiyak ka na “si Jehova ay malapit sa kanila na may bagbag na puso; at inililigtas niya ang mga may bagbag na espiritu.” (Awit 34:18) Gaano man katindi o kahigpit ang pagsubok sa iyo, maaari kang pagkalooban ni Jehova ng karunungan upang makayanan ito. (Santiago 1:5-8) Laging tandaan na kayang gamutin ni Jehova ang lahat ng sugat. Kung taglay mo ang kaniyang pagsang-ayon, walang makahahadlang sa iyo sa pagtatamo ng gantimpalang buhay.—Roma 8:38, 39.
May Mabuti Bang Naidudulot Ang Mga Pagsubok?
May matandang kasabihan na, “Pagkatapos ng dilim ay may bukang-liwayway.” Iyan ay simpleng paraan ng pagsasabi na gaano man kasamâ ang kinahantungan ng mga bagay-bagay, lagi kang may dahilan upang umasa. Ang layunin ng lahat ng nakasulat sa Salita ng Diyos ay upang “magkaroon tayo ng pag-asa.” (Roma 15:4) Gaano man kalubha ang iyong kalagayan, ang mga pangako at simulain sa Bibliya ay makapagdudulot sa iyo ng panibagong kagalakan at pag-asa.
Ipinakikita ng Kasulatan na “ang kapighatian ay panandalian at magaan” kung ihahambing sa walang-hanggang pagpapala na nakalaan para sa mga umiibig sa Diyos. (2 Corinto 4:16-18) Ipinahihiwatig din ng Bibliya na ang makadiyos na mga katangian na napaunlad sa kabila ng pagsubok ay makapupong higit sa katanyagan o materyal na kayamanan. (1 Juan 2:15-17) Kaya naman, kahit ang pagdurusa ay nakapagdudulot ng kabutihan. (Hebreo 5:8) Sa katunayan, ang pagkakapit ng mga natutuhan sa panahon ng pagsubok ay makapagdudulot sa iyo ng di-inaasahang mga pagpapala.
Maaari kang gawing higit na mahinahon ng isang mahirap na pagsubok. Maaaring sasang-ayon ka na noong nakalipas ay may ugali ka na nakaiinis sa iba at nakahadlang pa nga sa iyong espirituwal na pagsulong. Marahil iyon ay labis na pagtitiwala. Pagkatapos na maghirap dahil sa isang kalamidad, baka bigla mo na lamang natanto kung gaano ka kahina at kung gaano kahalaga sa iyo ang iba. Kung ang iyong pagsubok ay nagturo sa iyo ng gayong aral at gumawa ka ng kinakailangang mga pagbabago, pinakinabangan mo ito.
Ano kung, noong nakalipas, nahihirapang makitungo sa iyo ang iba dahil nahihirapan kang supilin ang iyong galit? Baka nagdulot pa nga ito sa iyo ng suliranin may kaugnayan sa iyong kalusugan. (Kawikaan 14:29, 30) Subalit ngayon, baka mas maigi ang situwasyon dahil ikaw ay umaasa sa espiritu ng Diyos upang tulungan kang magpamalas ng pagpipigil-sa-sarili.—Galacia 5:22, 23.
Tulad ng iba, malamang na noon ay kulang ka ng pagkamadamayin upang maging maawain doon sa mga nagkasala. Subalit kung ikaw mismo ay nasadlak sa isang situwasyon anupat nadama mong kailangang-kailangan mo ng awa, malamang ay mas maawain ka ngayon sa iba. Ang magiliw na pagdamay, pagmamalasakit, at awa na ipinakita sa iyo ay nakapagpamulat sa iyo na dapat kang magpamalas ng gayunding katangian sa mga nagsisising nagkasala. Kung ang iyong kahapisan ay nagpakilos sa iyo na ituwid ang mga kahinaang ito sa iyong personalidad, ito ang isa sa napakinabangan mo mula sa iyong karanasan. Natutuhan mo na “ang awa ay matagumpay na nagmamataas sa hatol.”—Santiago 2:13; Mateo 5:7.
Ano kung ang disiplina ng Kristiyanong kongregasyon ay nagbunga ng pagkawala ng iyong minamahal na pribilehiyo at ng paggalang ng iba? Huwag padaig sa pagkasira ng loob. Ang pagdidisiplina ay tumutulong upang mapanatiling malinis ang kongregasyon, subalit kasali sa tunguhin nito ang papanumbalikin sa espirituwal ang nagkasala. Totoo, “walang disiplina ang waring sa kasalukuyan ay nakagagalak, kundi nakapipighati; gayunman pagkatapos doon sa mga nasanay nito ay nagluluwal ito ng mapayapang bunga, alalaong baga, katuwiran.” (Hebreo 12:11) Bagaman ang disiplina ay maaaring maging matinding dagok, hindi nito iniiwang walang-pag-asa ang isang mapagpakumbabang nagsisisi. Si Haring David ng sinaunang Israel ay matinding dinisiplina dahil sa masamang gawa, subalit nagsisi siya at sa wakas ay tumanggap ng pantanging komendasyon bilang isang lalaking may katangi-tanging pananampalataya.—2 Samuel 12:7-12; Awit 32:5; Hebreo 11:32-34.
Ang isang pagsubok ay maaaring magkaroon ng malaking epekto sa iyong pananaw. Noong nakalipas, baka nakasentro ang iyong atensiyon sa materyalistikong mga tunguhin at tagumpay na nagdulot sa iyo ng pangalan at katayuan sa lipunan sa sanlibutang ito. Marahil ang pagsubok na nagsangkot ng pagbagsak ng kabuhayan o kalugihan sa materyal ay nagtuon ng iyong pansin sa mas mahalagang mga bagay. (Ihambing ang Filipos 1:10.) Ngayon ay natanto mo na ang espirituwal na mga pamantayan at tunguhin sa sagradong paglilingkod ang tanging mga bagay na nagdudulot ng tunay na kagalakan at nagtatagal na kasiyahan.
Magtiwala Kay Jehova
Ang pag-uukol ng sagradong paglilingkod kay Jehova ay maaaring magbunga ng pag-uusig at pagdurusa sa mga kamay niyaong sumasalansang sa iyong Kristiyanong paniniwala. Baka madama mong aping-api ka dahil sa pagsubok na ito, subalit maaaring magbunga ito ng mabuti. Maaaring patibayin ng pagsubok na ito ang iyong pananampalataya. Karagdagan pa, maaaring mapatibay-loob at mapalakas ang iba na nagdaranas ng pag-uusig sa pagkakita ng iyong pagtitiyaga. Ang mga saksing nakakita sa iyong mainam na paggawi ay maaaring maudyukang lumuwalhati sa Diyos. Maging ang mga sumasalansang sa iyo ay maaaring mahiya at kilalanin ang iyong mabubuting gawa!—1 Pedro 2:12; 3:16.
Upang maiwasang masiraan ng loob kapag inuusig, kailangang magtiwala ka kay Jehova. Ipinakikita ng kaniyang Salita na tiyak na darating ang kaginhawahan buhat sa pagsubok, subalit maaaring hindi ito dumating na sing-aga ng gusto mo. Samantala, ‘huwag kang manghimagod sa paggawa ng tama.’ (2 Tesalonica 3:13) Patuloy na humanap ng mga paraan upang makapanagumpay sa mga pagsubok at makapagbata. Kahit na waring wala nang pag-asa ang mga bagay-bagay, “ihagis mo ang iyong pasanin kay Jehova mismo, at siya mismo ang susustine sa iyo. Hindi niya kailanman hahayaang humapay-hapay ang isa na matuwid.” (Awit 55:22) Sa halip na magpadaig sa pagkaawa-sa-sarili, isipin kung gaano kalaki ang iyong pagpapala na makilala si Jehova, magkaroon ng dako sa gitna ng kaniyang bayan, at magtaglay ng pag-asa ng walang-katapusang buhay.—Juan 3:16, 36.
Panatilihing nakatuon ang iyong isip sa mga mahahalagang bagay. Sa bawat araw ay dumulog kay Jehova sa panalangin, anupat humiling ng lakas upang makapagbata. (Filipos 4:6, 7, 13) Pawiin ang anumang naisin na gumanti sa mga nagdudulot sa iyo ng pagdurusa. Ipaubaya ang mga bagay-bagay sa mga kamay ni Jehova. (Roma 12:19) Patuloy na humanap ng paraan upang mapaunlad ang iyong personalidad, anupat nililinang ang Kristiyanong mga katangian. (2 Pedro 1:5-8) Pahalagahan ang lahat ng ginawa sa iyo ng iba, pati na ang matatanda na maibiging nangangalaga sa iyong espirituwal na pangangailangan. (Hebreo 13:7, 17) Maging tapat sa Diyos, at panatilihing nakatingin ang iyong mata sa gantimpala ng buhay, anupat nagtitiwala na kahit ang kamatayan ay hindi makapagnanakaw nito sa iyo.—Juan 5:28, 29; 17:3.
Kung dumaranas ka ngayon ng matinding kalungkutan o mahigpit na pagsubok, “magtiwala ka kay Jehova nang buong puso mo,” at saganang kagalakan sa dakong huli ang papalit sa iyong kapighatian at paghihirap. (Kawikaan 3:5, 6; Juan 16:20) Magbibigay-daan ang kahapisan sa kaligayahan kapag pinagpala ka ng Diyos gaya ng ginawa niya kay Job. Walang kuwenta ang kasalukuyang pagdurusa kung ihahambing sa iyong gantimpala. (Ihambing ang Roma 8:18.) Makapagpapasigla sa iba ang iyong matapat na pagbabata at tutulong sa iyo na malinang ang magagandang katangiang Kristiyano na kaakibat “ng bagong personalidad.” (Efeso 4:23, 24; Colosas 3:10, 12-14) Kaya, kung gayon, hayaang ang matalinong payo ni apostol Pedro ay magpalakas ng iyong loob: “Patuloy na ipagkatiwala rin niyaong mga nagdurusa kasuwato ng kalooban ng Diyos ang kanilang mga kaluluwa sa isang tapat na Maylalang habang gumagawa sila ng mabuti.”—1 Pedro 4:19.
[Larawan sa pahina 23]
Maging gaya ni Job. Huwag kailanman mawalan ng pag-asa
[Larawan sa pahina 24]
Magtiwala ka kay Jehova nang buong puso mo