-
Aklat ng Bibliya Bilang 2—Exodo“Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
-
-
31. Ano ang inilalarawan ng Exodo tungkol sa isang kaharian at sa presensiya ni Jehova?
31 Kaya, masasabi na ang bansang itinatag sa ilalim ni Moises ay lumarawan sa isang bagong bansa sa ilalim ni Kristo at sa isang kaharian na hindi maigugupo. Sa liwanag nito, hinihimok tayo na “maghandog sa Diyos ng banal na paglilingkod na may banal na takot at paggalang.” Kung papaanong ang presensiya ni Jehova ay tumakip sa tabernakulo sa ilang, nangangako siya na ang mga natatakot sa kaniya ay makakasama niya nang walang-hanggan: “Masdan! Ang tabernakulo ng Diyos ay nasa tao, at siya’y mananahan sa kanila, at sila’y magiging bayan niya. Ang Diyos din ay sasa kanila. . . . Isulat mo, sapagkat ang mga salitang ito ay tapat at totoo.” Ang Exodo ay isa ngang mahalaga at kapaki-pakinabang na bahagi ng ulat ng Bibliya.—Exo. 19:16-19—Heb. 12:18-29; Exo. 40:34—Apoc. 21:3, 5.
-
-
Aklat ng Bibliya Bilang 3—Levitico“Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
-
-
Aklat ng Bibliya Bilang 3—Levitico
Manunulat: Si Moises
Saan Isinulat: Sa Ilang
Natapos Isulat: 1512 B.C.E.
Panahong Saklaw: 1 buwan (1512 B.C.E.)
1. (a) Bakit angkop ang pangalang Levitico? (b) Ano pang ibang pangalan ang ibinigay sa Levitico?
LEVITICO ang pinakakaraniwang pangalan ng ikatlong aklat ng Bibliya, galing sa Leu·i·ti·konʹ ng Griyegong Septuagint mula sa Latin Vulgate na “Leviticus.” Angkop ang pangalang ito, bagaman pahapyaw lamang binabanggit ang mga Levita (sa 25:32, 33), pagkat sa kalakhan ito ay binubuo ng mga tuntunin ng pagkasaserdoteng Levitico, na pinili mula sa tribo ni Levi, at ng mga batas na itinuro ng mga saserdote sa bayan: “Ang mga labi ng saserdote ay mag-iingat ng kaalaman, at ang batas ay hahanapin ng bayan sa kaniyang bibig.” (Mal. 2:7) Sa tekstong Hebreo, ang aklat ay ipinangalan sa pambungad nito, Wai·yiq·raʼʹ, sa literal ay, “At tinawag niya.” Nang maglaon, ang aklat ay tinawag din ng mga Judio na Batas ng mga Saserdote at Batas ng mga Paghahandog.—Lev. 1:1, talababa.
2. Anong ebidensiya ang nagpapatotoo sa pagkasulat ni Moises?
2 Walang alinlangan na si Moises ang sumulat ng Levitico. Ang pagtatapos, o colophon, ay nagsasaad: “Ito ang mga utos na ibinigay ni Jehova kay Moises.” (27:34) Ganito rin ang mababasa sa Levitico 26:46. Ang katibayan ng pagkasulat ni Moises ng Genesis at Exodo ay patotoo rin na siya ang sumulat ng Levitico, yamang sa pasimula ang Pentateuko ay malamang na iisang balumbon. Bukod dito, ang Levitico ay idinurugtong ng pangatnig na “at” sa naunang mga aklat. Ang pinakamatibay na patotoo ay ang malimit na pagsipi o pagtukoy ni Jesu-Kristo at iba pang kinasihang lingkod ni Jehova sa mga batas at simulain sa Levitico at ang mga ito ay kay Moises iniuukol.—Lev. 23:34, 40-43—Neh. 8:14, 15; Lev. 14:1-32—Mat. 8:2-4; Lev. 12:2—Luc. 2:22; Lev. 12:3—Juan 7:22; Lev. 18:5—Roma 10:5.
3. Anong yugto ng panahon ang saklaw ng Levitico?
3 Anong yugto ng panahon ang saklaw ng Levitico? Ang aklat ng Exodo ay nagtatapos sa pagtatayo ng tabernakulo “sa unang buwan, sa ikalawang taon, sa unang araw ng buwan.” Ang aklat ng Mga Bilang (na sumusunod agad sa Levitico) ay nagbubukas sa pakikipag-usap ni Jehova kay Moises “sa unang araw ng ikalawang buwan sa ikalawang taon mula nang sila’y lumabas sa lupain ng Ehipto.” Kaya, hindi hihigit sa isang lunar na buwan ang lumipas para sa iilang pangyayari sa Levitico, yamang ang kalakhang bahagi ng aklat ay mga batas at tuntunin.—Exo. 40:17; Bil. 1:1; Lev. 8:1–10:7; 24:10-23.
4. Kailan isinulat ang Levitico?
4 Kailan isinulat ni Moises ang Levitico? Malamang na itinala niya ang mga pangyayari habang nagaganap ang mga ito at isinulat ang mga tagubilin ng Diyos nang ito ay tanggapin niya. Makikita ito sa utos ng Diyos na isulat ang tungkol sa paghatol sa mga Amalekita karaka-rakang sila ay matalo ng Israel sa digmaan. Ang isang maagang petsa ay iminumungkahi rin ng ilang bagay sa aklat. Halimbawa, iniutos sa mga Israelita na ang mga hayop na kakainin nila ay dapat dalhin sa pasukan ng tabernakulo ng kapisanan upang katayin. Ang utos na ito ay dapat naibigay at naiulat hindi matagal pagkaraang italaga ang pagkasaserdote. Maraming tagubilin ang ibinigay sa ikapapatnubay ng mga Israelita sa kanilang paglalakbay sa ilang. Lahat ng ito ay nagpapahiwatig na isinulat ni Moises ang Levitico noong 1512 B.C.E.—Exo. 17:14; Lev. 17:3, 4; 26:46.
5. Ano ang layunin ng mga batas hinggil sa mga hain at seremonyal na karumihan?
5 Bakit isinulat ang Levitico? Nilayon ni Jehova na magkaroon ng isang bansang banal, nabubukod sa kaniyang paglilingkod. Mula kay Abel ay naghahain na kay Jehova ang tapat na mga lingkod ng Diyos, ngunit sa Israel lamang nagsimulang magbigay si Jehova ng maliwanag na tagubilin sa mga handog sa kasalanan at iba pang hain. Ito, gaya ng detalyadong ipinaliliwanag sa Levitico, ang nagmulat sa mga Israelita sa labis na kasamaan ng kasalanan at na dahil dito sila ay hindi nakalugod kay Jehova. Ang mga tuntuning ito, bilang bahagi ng Kautusan, ay naging guro na aakay sa mga Judio kay Kristo, upang ipakita ang pangangailangan ng Tagapagligtas at kasabay nito ay ibukod sila bilang isang bayang hiwalay sa daigdig. Ang huling nabanggit na layunin ay lalung-lalo nang ginanap ng mga batas sa seremonyal na kalinisan.—Lev. 11:44; Gal. 3:19-25.
6. Bakit nagkaroon ng pantanging pangangailangan ukol sa patnubay ni Jehova?
6 Bilang isang bagong bansa na naglalakbay tungo sa isang bagong lupain, ang Israel ay nangailangan ng wastong patnubay. Wala pang isang taon mula noong Pag-aalisan, kaya ang mga kalagayan ng buhay sa Ehipto at ang relihiyosong mga kaugalian nito ay sariwa pa sa isipan. Ang pag-aasawa ng magkapatid ay kaugalian doon. Ang huwad na pagsamba ay nagparangal sa maraming diyos, na ang iba’y mga hayop. Ang malaking kapulungang ito ay patungo na sa Canaan, at doon ay mas malaswa pa ang buhay at relihiyosong kaugalian. Subalit masdan uli ang kampamento ng Israel. Lalo itong lumaki dahil sa mga mestiso o purong Ehipsiyo, isang haluang pulutong sa gitna ng mga Israelita at isinilang ng mga magulang na Ehipsiyo, lumaki at inaralan sa mga paraan, relihiyon, at patriotismo ng Ehipto. Kailan lamang, sila ay nakikilahok pa sa kasuklam-suklam na mga gawain doon. Dapat silang tumanggap ng detalyadong patnubay ni Jehova!
7. Papaano taglay ng mga batas ng Levitico ang tatak ng banal na pagkasi?
7 Sa kabuuan nito, ang Levitico ay may tatak ng banal na pagkasi. Ang matalino at makatarungang mga batas at alituntunin nito ay hindi maiaakda ng tao lamang. Ang mga batas sa pagkain, sakit, kuwarantenas, at pagtrato sa mga bangkay ay nagsisiwalat ng kaalaman na hindi naunawaan ng makasanlibutang mga manggagamot kundi libu-libong taon lamang pagkaraan. Ang batas hinggil sa maruruming hayop na di-dapat kainin ay magsasanggalang sa mga Israelita sa kanilang paglalakbay. Ililigtas sila sa trichinosis na dulot ng mga baboy, sa tipus at paratyphoid mula sa ilang uri ng isda, at impeksiyon mula sa mga hayop na natagpuang patay. Ang mga praktikal na batas na ito ay uugit sa kanilang relihiyon at buhay upang sila’y makapanatili bilang isang bansang banal at makarating at makapanirahan sa Lupang Pangako. Ipinakikita ng kasaysayan na ang mga regulasyon ni Jehova ay nagbigay sa mga Judio ng tiyak na bentaha sa kalusugan na hindi tinamasa ng ibang bayan.
8. Papaano higit pang nagpapatotoo ang makahulang nilalaman ng Levitico sa pagiging-kinasihan nito?
8 Ang katuparan ng mga hula at larawan sa Levitico ay karagdagang patotoo ng pagiging-kinasihan nito. Kapuwa ang sagrado at sekular na kasaysayan ay nag-uulat ng katuparan ng mga babala sa Levitico hinggil sa bunga ng pagsuway. Isa rito ay ang hula na kakainin ng mga ina ang sariling anak dahil sa gutom. Ipinahiwatig ni Jeremias na ito ay natupad nang mawasak ang Jerusalem noong 607 B.C.E., at ayon kay Josephus ito ay nangyari nang huling mawasak ang lungsod, noong 70 C.E. Natupad ang makahulang pangako na aalalahanin sila ni Jehova kung sila’y magsisisi, nang magbalik sila mula sa Babilonya noong 537 B.C.E. (Lev. 26:29, 41-45; Pan. 2:20; 4:10; Ezra 1:1-6) Karagdagang patotoo sa pagiging-kinasihan ng Levitico ay ang mga pagsipi rito ng ibang manunulat ng Bibliya bilang kinasihang Kasulatan. Bukod sa nabanggit na katiyakan ng pagsulat ni Moises, pakitingnan ang Mateo 5:38; 12:4; 2 Corinto 6:16; at 1 Pedro 1:16.
9. Papaano dinadakila ng Levitico ang pangalan at kabanalan ni Jehova?
9 Paulit-ulit na dinadakila ng Levitico ang pangalan at soberanya ni Jehova. Di-kukulangin sa 36 na beses sinasabi na ang mga batas ay kay Jehova galing. Sa katamtaman, ang mismong pangalang Jehova ay sampung beses lumilitaw sa bawat kabanata, at muli’t-muli ang pagsunod sa mga batas ng Diyos ay idinidiin ng paalaalang, “Ako si Jehova.” Nangingibabaw sa Levitico ang tema ng kabanalan, na mas madalas banggitin dito kaysa ibang aklat ng Bibliya. Ang mga Israelita ay dapat magpakabanal sapagkat si Jehova ay banal. May mga tao, lugar, bagay, at yugto ng panahon na ibinukod bilang banal. Halimbawa, ang Araw ng Katubusan at ang taon ng Jubileo ay itinakda bilang mga panahon ng pantanging pangingilin sa pagsamba kay Jehova.
10. Ano ang idinidiin ng mga hain, at ano ang mga parusa sa kasalanan?
10 Kasuwato ng pagdiriin sa kabanalan, iginigiit ng aklat ng Levitico ang bahagi na ginampanan ng pagbububo ng dugo, alalaong baga, ang paghahandog ng isang buhay, sa pagpapatawad ng kasalanan. Ang mga handog na hayop ay limitado sa mga nilalang na maamo at malinis. Para sa ilang kasalanan, ang pagtatapat, pagsasauli, at ang pagbabayad ng multa ay hiniling bilang karagdagan sa paghahain. At para sa iba pang kasalanan, ang parusa ay kamatayan.
NILALAMAN NG LEVITICO
11. Papaano maaaring balangkasin ang Levitico?
11 Sa kalakhan ang Levitico ay binubuo ng mga kasulatang lehislatibo, karamihan ay makahula. Sa pangkalahatan ang aklat ay sumusunod sa isang topikong balangkas at maaaring hatiin sa walong seksiyon na lohikal ang pagkakasunud-sunod.
-