Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • fy kab. 12 p. 142-152
  • Mapaglalabanan Mo ang mga Suliraning Pumipinsala sa Pamilya

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mapaglalabanan Mo ang mga Suliraning Pumipinsala sa Pamilya
  • Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • ANG PINSALANG DULOT NG ALKOHOLISMO
  • ANO ANG MAGAGAWA NG PAMILYA?
  • ANG PINSALANG DULOT NG KARAHASAN SA PAMILYA
  • KUNG PAPAANO MAIIWASAN ANG PAMPAMILYANG KARAHASAN
  • MAGHIHIWALAY O MANANATILING MAGKASAMA?
  • ANG WAKAS NG MGA PUMIPINSALANG SULIRANIN
  • Isang Alkoholikong Magulang—Paano Ko Makakayanan?
    Gumising!—1992
  • Paano Makatutulong ang Pamilya?
    Gumising!—1992
  • Tulong sa Adultong mga Anak ng Alkoholiko
    Gumising!—1992
  • “Sagot sa Aking Panalangin”
    Gumising!—1992
Iba Pa
Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya
fy kab. 12 p. 142-152

IKALABINDALAWANG KABANATA

Mapaglalabanan Mo ang mga Suliraning Pumipinsala sa Pamilya

1. Anong nakakubling mga suliranin ang umiiral sa ilang pamilya?

KATATAPOS lamang na hugasan at punasan ng wax ang lumang kotse. Sa mga nagdaraan ay nagmukha itong makintab at halos parang bago. Ngunit sa ilalim nito, unti-unti nang kinakain ng sumisirang kalawang ang kaha ng sasakyan. Ganito rin ang kalagayan ng ilang pamilya. Bagaman sa panlabas na tingin ay waring mahusay naman, nakakubli ang pangamba at kirot sa likod ng mga nakangiting mukha. Sa likod ng nakapinid na pinto ay unti-unting kinakain ng sumisirang elemento ang kapayapaan ng pamilya. Dalawa sa mga suliranin na maaaring magdulot ng ganitong epekto ay alkoholismo at karahasan.

ANG PINSALANG DULOT NG ALKOHOLISMO

2. (a) Ano ang pananaw ng Bibliya sa pag-inom ng mga inuming de-alkohol? (b) Ano ang alkoholismo?

2 Hindi naman hinahatulan ng Bibliya ang katamtamang pag-inom ng mga inuming de-alkohol, ngunit ang hinahatulan nito ay ang paglalasing. (Kawikaan 23:20, 21; 1 Corinto 6:9, 10; 1 Timoteo 5:23; Tito 2:2, 3) Gayunman, mas malubha pa ang alkoholismo kaysa sa paglalasing; ito’y ang pagiging sugapa sa mga inuming de-alkohol at kawalan ng pagpipigil sa kanilang pag-inom. Ang mga alkoholiko ay maaaring yaong mga nasa edad na. Nakalulungkot sabihin, ang mga ito’y maaari ring yaong mga nasa kabataan.

3, 4. Ilarawan ang epekto ng alkoholismo sa asawa ng alkoholiko at sa kanilang mga anak.

3 Noon pa man ay binanggit na ng Bibliya na ang pagmamalabis sa alak ay maaaring sumira sa kapayapaan ng pamilya. (Deuteronomio 21:18-21) Ang sumisirang epekto ng alkoholismo ay nadarama ng buong pamilya. Maaaring mabuhos ang buong pag-iisip ng isang kabiyak sa kaniyang pagsisikap na mapahinto ang alkoholiko sa pag-inom o kaya’y makayanan ang mga di-inaasahang paggawi nito.a Sinusubukan niyang itago ang alak, itapon ito, itago ang pera niya, at makiusap na sana’y mahalin niya ang pamilya, ang buhay, maging ang Diyos​—ngunit patuloy pa rin sa pag-inom ang alkoholiko. Habang paulit-ulit na nabibigo ang kaniyang pagsisikap na mahinto ang pag-inom nito, maaaring makadama siya ng pagkasiphayo at kawalan ng kakayahan. Baka magsimula na siyang makadama ng pangamba, galit, paninisi sa sarili, nerbiyos, pagkabalisa, at kawalan ng paggalang sa sarili.

4 Hindi ligtas ang mga anak sa epekto ng pagiging alkoholiko ng isang magulang. Ang ilan ay sinasaktan sa pisikal. Ang iba naman ay seksuwal na minomolestiya. Baka sinisisi pa nga nila ang kanilang sarili sa pagiging alkoholiko ng isang magulang. Madalas na nawawala ang kanilang kakayahang magtiwala sa iba dahil sa pabagu-bagong gawi ng alkoholiko. Palibhasa’y naaasiwa silang pag-usapan ang nangyayari sa kanilang tahanan, baka timpiin na lamang ng mga bata ang kanilang damdamin, na madalas nagbubunga nang masama sa pisikal. (Kawikaan 17:22) Baka dalhin ng mga batang ito hanggang sa kanilang paglaki ang kawalang pagtitiwalang ito sa sarili o kawalan ng paggalang sa sarili.

ANO ANG MAGAGAWA NG PAMILYA?

5. Papaano maaaring harapin ang alkoholismo, at bakit ito mahirap?

5 Bagaman karamihan sa mga awtoridad ay nagsasabing hindi na magagamot pa ang alkoholismo, ang karamihan ay sumasang-ayon na posible pa rin ang isang antas ng paggaling kapag sinunod ang tinatawag na kumpletong abstinensiya. (Ihambing ang Mateo 5:29.) Gayunman, ang pagpapasang-ayon sa isang alkoholiko na tumanggap ng tulong ay mas madaling sabihin kaysa gawin, yamang madalas na ayaw niyang amining siya’y may problema. Magkagayon man, kapag kumilos na ang mga miyembro ng pamilya upang harapin ang nagiging epekto sa kanila ng alkoholismo, baka simula na ito upang makilala ng alkoholiko na siya’y talagang may problema. Ganito ang sabi ng isang doktor na may karanasan sa pagtulong sa mga alkoholiko at sa kani-kanilang pamilya: “Ang pinakamahalagang bagay sa palagay ko ay ang basta ipagpatuloy ng pamilya ang kani-kanilang pang-araw-araw na gawain sa pinakakapaki-pakinabang na paraang magagawa nila. Unti-unting makikita ng alkoholiko ang malaking pagkakaiba niya sa iba pang miyembro ng pamilya.”

6. Ano ang pinakamabuting mapagkukunan ng payo para sa mga pamilyang may miyembrong alkoholiko?

6 Kung may alkoholiko sa inyong pamilya, ang kinasihang payo ng Bibliya ay tutulong sa iyo na mamuhay sa pinakakapaki-pakinabang na paraan hangga’t maaari. (Isaias 48:17; 2 Timoteo 3:16, 17) Tingnan ang ilang simulaing nakatulong sa mga pamilya upang matagumpay na makayanan ang alkoholismo.

7. Kung ang isang miyembro ng pamilya ay alkoholiko, sino ang may pananagutan?

7 Tigilan na ang pagsisi sa sarili. Sabi ng Bibliya: “Ang bawat isa ay magdadala ng kaniyang sariling pasan,” at, “ang bawat isa sa atin ay magsusulit sa Diyos para sa kaniyang sarili.” (Galacia 6:5; Roma 14:12) Baka subukang ipahiwatig ng alkoholiko na ang mga miyembro ng pamilya ang may kasalanan. Halimbawa, baka sabihin niya: “Kung naging mabuti lamang ang pagtingin ninyo sa akin, hindi sana ako uminom.” Kung mahahalatang umaayon sa kaniya ang iba, pinalalakas nila ang loob niya na ituloy ang pag-inom. Subalit tayo man ay biktima ng pagkakataon o ng ibang tao, tayong lahat​—kasali na ang mga alkoholiko​—ay mananagot sa ating ginagawa.​—Ihambing ang Filipos 2:12.

8. Ano ang ilang paraan upang matulungan ang alkoholiko na harapin ang mga epekto ng kaniyang problema?

8 Huwag mong isipin na laging kailangan mong protektahan ang alkoholiko sa mga epekto ng kaniyang pag-inom. Ang isang kawikaan sa Bibliya hinggil sa isang napopoot ay maaari ring ikapit sa alkoholiko: “Kung ililigtas mo siya, muli’t muli mo ring gagawin iyon.” (Kawikaan 19:19) Hayaan mong pagdusahan ng alkoholiko ang mga epekto ng kaniyang pag-inom. Hayaan mong linisin niya ang gusot na kaniyang ginawa o tawagan niya ang kaniyang amo kinabukasan pagkatapos ng kaniyang magdamagang pag-inom.

Larawan sa pahina 146

Ang Kristiyanong matatanda ay maaaring maging isang tunay na pagmumulan ng tulong sa paglutas ng mga suliranin ng pamilya

9, 10. Bakit dapat tumanggap ng tulong ang mga pamilya ng mga alkoholiko, at kanino lalo na sila dapat humingi ng tulong?

9 Tanggapin ang tulong mula sa iba. Sabi ng Kawikaan 17:17: “Ang tunay na kasama ay umiibig sa lahat ng panahon, at isang kapatid na ipinanganak para sa panahon ng kasakunaan.” Kapag may alkoholiko sa inyong pamilya, nagkakaroon ng kasakunaan. Kailangan mo ng tulong. Huwag mag-atubiling umasa sa pag-alalay ng ‘tunay na mga kasama.’ (Kawikaan 18:24) Ang pakikipag-usap sa iba na nakauunawa sa suliranin o napaharap na sa gayunding situwasyon ay baka makapagbigay sa iyo ng praktikal na mga mungkahi kung ano ang dapat gawin at hindi dapat gawin. Ngunit maging timbang. Makipag-usap doon sa iyong mga pinagkakatiwalaan, doon sa mga mag-iingat sa inyong “kompedensiyal na usapan.”​—Kawikaan 11:13.

10 Matutong magtiwala sa Kristiyanong matatanda. Ang matatanda sa Kristiyanong kongregasyon ay maaaring makatulong nang malaki. Ang mga maygulang na lalaking ito ay tinuruan sa Salita ng Diyos at makaranasan sa pagkakapit ng mga simulain nito. Sila’y maaaring maging “gaya ng pinagtataguang dako mula sa hangin at isang kublihang dako mula sa bagyo, gaya ng agos ng tubig sa isang walang-tubig na lupain, gaya ng lilim ng isang mabigat na malaking bato sa isang nanlulupaypay na lupa.” (Isaias 32:2) Ang mga Kristiyanong matatanda ay hindi lamang nagsasanggalang sa kongregasyon sa kabuuan mula sa nakapipinsalang impluwensiya kundi sila rin naman ay umaaliw, nagpapanariwa, at personal na interesado sa mga indibiduwal na may suliranin. Lubusang samantalahin ang kanilang maitutulong.

11, 12. Sino ang naglalaan ng pinakamalaking tulong para sa mga pamilya ng mga alkoholiko, at papaano ibinibigay ang suportang iyan?

11 Higit sa lahat, kumuha ng lakas mula kay Jehova. Buong-pagmamahal na tinitiyak sa atin ng Bibliya: “Si Jehova ay malapit sa mga may wasak na puso; at ang mga may bagbag na espiritu ay inililigtas niya.” (Awit 34:18) Kung sa pakiramdam mo’y wasak ang iyong puso o bagbag ang iyong espiritu dahil sa igting ng pakikisama sa alkoholikong miyembro ng pamilya, alamin na “si Jehova ay malapit.” Nauunawaan niya kung gaano kahirap ang kalagayan ng inyong pamilya.​—1 Pedro 5:6, 7.

12 Ang paniniwala sa sinasabi ni Jehova sa kaniyang Salita ay makatutulong sa iyo na makayanan ang pagkabalisa. (Awit 130:3, 4; Mateo 6:25-34; 1 Juan 3:19, 20) Ang pag-aaral ng Salita ng Diyos at pamumuhay ayon sa mga simulain nito ay titiyak na ikaw ay isa sa makatatanggap ng tulong ng banal na espiritu ng Diyos, na magsasangkap sa iyo ng “lakas na higit sa karaniwan” upang makayanan mo ang bawat araw na darating.​—2 Corinto 4:7.b

13. Ano ang ikalawang problema na pumipinsala sa mga pamilya?

13 Ang pag-abuso sa alak ay maaaring humantong sa isa pang problema na nakapipinsala sa maraming sambahayan​—ang karahasan sa pamilya.

ANG PINSALANG DULOT NG KARAHASAN SA PAMILYA

14. Kailan nagsimula ang pampamilyang karahasan, at ano ang kalagayan sa ngayon?

14 Ang kauna-unahang gawang marahas ay ang nangyaring karahasan sa pamilya na nagsasangkot sa dalawang magkapatid, sina Cain at Abel. (Genesis 4:8) Mula noon, ang sangkatauhan ay sinalot na ng lahat ng uri ng karahasan sa pamilya. May mga asawang lalaki na nambubugbog ng asawa, mga asawang babae na lumalaban sa kanilang asawa, mga magulang na buong-lupit na nananakit sa kanilang maliliit na anak, at malalaki nang mga anak na nang-aabuso sa kanilang matatanda nang magulang.

15. Papaano emosyonal na naaapektuhan ng karahasan sa pamilya ang mga miyembro ng sambahayan?

15 Ang pinsalang dulot ng karahasan sa pamilya ay hindi lamang nag-iiwan ng pisikal na mga pilat. Sabi ng isang binubugbog na asawa: “Labis-labis na paninisi sa sarili at kahihiyan ang kailangan mong pagdusahan. Sa umaga, malimit na ayaw mo nang bumangon, na umaasang iyon ay isa lamang masamang panaginip.” Ang mga batang nakakakita o nakararanas ng karahasan sa pamilya ay maaaring maging marahas mismo kapag sila’y lumaki na at magkaroon na ng sariling pamilya.

16, 17. Ano ang emosyonal na pang-aabuso, at papaano naaapektuhan nito ang mga miyembro ng pamilya?

16 Ang karahasan sa pamilya ay hindi limitado sa pisikal na pang-aabuso lamang. Madalas na ang pananakit ay sa salita. Sabi ng Kawikaan 12:18: “May isa na nagsasalitang walang-ingat na gaya ng mga tarak ng tabak.” Kasali sa “mga tarak” na ito na nagiging pangkaraniwan kapag may karahasan sa pamilya ay ang panunungayaw at pambubulyaw, gayundin ang malimit na pamimintas, pang-iinsulto, at pananakot na manakit. Ang mga sugat na sanhi ng emosyonal na karahasan ay di-nakikita at madalas na hindi napapansin ng iba.

17 Ang lalo nang nakalulungkot ay ang emosyonal na pambubugbog sa isang bata​—ang walang tigil na pagpintas at paghamak sa abilidad, talino, o halaga ng isang bata bilang isang tao. Ang gayong abusadong pananalita ay nakasisira sa espiritu ng isang bata. Totoo naman, lahat ng bata ay nangangailangan ng disiplina. Subalit tinagubilinan ng Bibliya ang mga ama: “Huwag ninyong pukawin sa galit ang inyong mga anak, upang hindi sila masiraan ng loob.”​—Colosas 3:21.

KUNG PAPAANO MAIIWASAN ANG PAMPAMILYANG KARAHASAN

Larawan sa pahina 151

Ang mag-asawang Kristiyano na umiibig at gumagalang sa isa’t isa ay kikilos agad upang malutas ang mga suliranin

18. Saan nagsisimula ang karahasan sa pamilya, at ano ang paraang ipinakikita ng Bibliya upang matigil ito?

18 Ang karahasan sa pamilya ay nagsisimula sa puso at isip; ang ating paggawi ay nagsisimula muna sa ating iniisip. (Santiago 1:14, 15) Upang matigil ang karahasan, dapat baguhin ng nang-aabuso ang kaniyang pag-iisip. (Roma 12:2) Posible kaya iyan? Oo. May kapangyarihan ang Salita ng Diyos na baguhin ang tao. Mabubunot nito maging ang “matibay ang pagkakatatag” na nakapipinsalang pananaw. (2 Corinto 10:4; Hebreo 4:12) Ang tumpak na kaalaman ng Bibliya ay lubus-lubusang nakapagpapabago sa mga tao anupat masasabing sila’y nagsusuot ng bagong personalidad.​—Efeso 4:22-24; Colosas 3:8-10.

19. Papaano dapat malasin at pakitunguhan ng isang Kristiyano ang kaniyang kabiyak?

19 Pangmalas sa kabiyak. Sabi ng Salita ng Diyos: “Ang mga asawang lalaki ay dapat na umibig sa kanilang mga asawang babae gaya ng kanilang sariling mga katawan. Siya na umiibig sa kaniyang asawang babae ay umiibig sa kaniyang sarili.” (Efeso 5:28) Sinasabi rin ng Bibliya na ang asawang lalaki ay dapat mag-ukol sa kaniyang asawa ng “karangalang gaya ng sa isang mas mahinang sisidlan.” (1 Pedro 3:7) Ang mga asawang babae ay pinapayuhan na “ibigin ang kani-kanilang mga asawa” at magkaroon ng “matinding paggalang” sa kanila. (Tito 2:4; Efeso 5:33) Tiyak na walang may-takot sa Diyos na asawang lalaki ang totohanang makapagsasabing talagang pinag-uukulan niya ng karangalan ang kaniyang asawa kung sinasaktan niya ito sa pisikal o sa salita. At walang asawang babae na nambubulyaw sa kaniyang asawa, nanunuya sa kaniya, o palaging nagagalit sa kaniya ang makapagsasabing tunay niya siyang iniibig at iginagalang.

20. Kanino mananagot ang mga magulang sa kanilang mga anak, at bakit hindi dapat na maging labis na mapaghanap ang mga magulang sa kanilang mga anak?

20 Wastong pangmalas sa mga anak. Nararapat sa mga anak, oo, kailangan nila, ang pag-ibig at atensiyon ng kanilang mga magulang. Tinatawag ng Salita ng Diyos ang mga anak na “isang pamana mula kay Jehova” at “isang gantimpala.” (Awit 127:3) Pananagutan ng mga magulang kay Jehova na pangalagaan ang pamanang iyan. Nagsasabi ang Bibliya hinggil sa “[mga ugali] ng isang sanggol” at sa “kamangmangan” ng pagiging bata. (1 Corinto 13:11; Kawikaan 22:15) Hindi dapat magtaka ang mga magulang kung kakitaan nila ng kamangmangan ang kanilang mga anak. Ang mga kabataan ay wala pa sa hustong gulang. Ang mga magulang ay hindi dapat humiling ng hihigit pa sa naaangkop sa edad, pampamilyang kalagayan, at kakayahan ng bata.​—Tingnan ang Genesis 33:12-14.

21. Ano ang maka-Diyos na paraan ng pangmalas sa matatanda nang mga magulang at sa pakikitungo sa kanila?

21 Pangmalas sa matatanda nang magulang. Sabi ng Levitico 19:32: “Sa harap ng may uban ay titindig ka, at dapat kang magpakita ng konsiderasyon sa pagkatao ng isang matandang lalaki.” Kung gayon ay pinauunlad ng Batas ng Diyos ang paggalang at mataas na pagtingin sa mga may edad na. Ito’y baka maging isang hamon kapag ang matanda nang magulang ay waring labis na mapaghanap o kaya’y may karamdaman at marahil ay hindi makakilos o makapag-isip nang mabilis. Magkagayon man, pinaaalalahanan ang mga anak na “magpatuloy sa pagbabayad ng kaukulang kabayaran sa kanilang mga magulang.” (1 Timoteo 5:4) Ito’y nangangahulugang pakikitunguhan ang mga ito nang may dignidad at paggalang, anupat marahil ay pinaglalaanan pa man din sila sa pinansiyal. Ang pananakit sa pisikal o sa ibang paraan sa matatanda nang mga magulang ay lubusang salungat sa paraang iniutos sa atin ng Bibliya na gawin.

22. Ano ang susing katangian upang mapaglabanan ang karahasan sa pamilya, at papaano ito maisasagawa?

22 Paunlarin ang pagpipigil sa sarili. Ang Kawikaan 29:11 ay nagsasabi: “Pinalalabas ng isa na hangal ang buo niyang espiritu, ngunit siya na marunong ay nagpapakalma nito hanggang sa huli.” Papaano mo mapipigil ang iyong espiritu? Sa halip na kimkimin sa kalooban ang pagkayamot, kumilos agad upang malutas ang mga suliraning bumabangon. (Efeso 4:26, 27) Lumayo ka na kung inaakala mong hindi mo na kayang makapagpigil. Hilingin mo sa panalangin ang banal na espiritu ng Diyos upang makapagpamalas ka ng pagpipigil-sa-sarili. (Galacia 5:22, 23) Ang paglalakád-lakád o paggawa ng ilang ehersisyo sa katawan ay maaaring makatulong sa iyo na mapigil ang iyong emosyon. (Kawikaan 17:14, 27) Sikaping maging “mabagal sa pagkagalit.”​—Kawikaan 14:29.

MAGHIHIWALAY O MANANATILING MAGKASAMA?

23. Ano ang maaaring mangyari kapag ang isang miyembro ng Kristiyanong kongregasyon ay paulit-ulit at walang-pagsisising napadadala sa marahas na silakbo ng galit, na maaaring may kasama pang pisikal na pang-aabuso sa kaniyang pamilya?

23 Ibinilang ng Bibliya sa mga gawang hinahatulan ng Diyos ang “mga awayan, alitan, . . . mga silakbo ng galit” at binabanggit na “yaong mga nagsasagawa ng gayong mga bagay ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.” (Galacia 5:19-21) Kung gayon, sinumang nag-aangking Kristiyano na paulit-ulit at walang-pagsisising napadadala sa marahas na silakbo ng galit, na maaaring may kasama pang pisikal na pang-aabuso sa kabiyak o mga anak, ay maaaring matiwalag sa Kristiyanong kongregasyon. (Ihambing ang 2 Juan 9, 10.) Sa ganitong paraan ay napananatiling malinis ang kongregasyon mula sa abusadong mga tao.​—1 Corinto 5:6, 7; Galacia 5:9.

24. (a) Papaano maaaring magpasiya ang mga inaabusong kabiyak? (b) Papaano matutulungan ng nagmamalasakit na mga kaibigan at ng matatanda ang inaabusong kabiyak, ngunit ano ang hindi nila dapat gawin?

24 Kumusta naman ang mga Kristiyanong karaniwang binubugbog ng abusadong kabiyak na hindi kinakikitaan ng palatandaan ng pagbabago? Minabuti ng ilan na manatiling nakikisama sa abusadong kabiyak sa iba’t ibang dahilan. Ang iba naman ay minabuti pang lumayo na, palibhasa’y nadarama nilang ang kanilang pisikal, mental, at espirituwal na kalusugan​—marahil maging ang kanilang buhay​—ay nanganganib. Anuman ang piliing gawin ng isang biktima ng karahasan sa pamilya na nasa ganitong mga kalagayan ay personal niyang desisyon sa harap ni Jehova. (1 Corinto 7:10, 11) Baka hangarin ng mababait na kaibigan, kamag-anak, o Kristiyanong matatanda na mag-alok ng tulong at payo, ngunit hindi nila dapat ipilit sa biktima ang isang partikular na hakbangin. Iyan ay sarili niyang desisyon.​—Roma 14:4; Galacia 6:5.

ANG WAKAS NG MGA PUMIPINSALANG SULIRANIN

25. Ano ang layunin ni Jehova para sa pamilya?

25 Nang pag-isahing-dibdib ni Jehova sina Adan at Eva, hindi niya kailanman nilayon na ito’y unti-unting masira ng mga nakapipinsalang suliraning gaya ng alkoholismo o karahasan. (Efeso 3:14, 15) Ang pamilya ay nilayong maging isang dako na pinaghaharian ng pag-ibig at kapayapaan at napangangalagaan ang mental, emosyonal, at espirituwal na mga pangangailangan ng bawat miyembro nito. Subalit, sa pagpasok ng kasalanan, ang buhay pampamilya ay biglang sumamâ.​—Ihambing ang Eclesiastes 8:9.

26. Anong kinabukasan ang naghihintay sa mga nagsisikap mamuhay kasuwato ng mga kahilingan ni Jehova?

26 Mabuti na lamang, hindi pinabayaan ni Jehova ang kaniyang layunin para sa pamilya. Nangako siyang pangyayarihin ang isang mapayapang bagong sanlibutan na doon ang mga tao’y “aktuwal na tatahang tiwasay, na walang sinuman ang tatakot sa kanila.” (Ezekiel 34:28) Sa panahong iyan, ang alkoholismo, karahasan sa pamilya, at ang iba pang mga suliraning pumipinsala sa mga pamilya ngayon ay mababaon na sa limot. Ngingiti ang mga tao, hindi upang ikubli ang pangamba at kirot, kundi dahil sa nakasusumpong sila ng “katangi-tanging kaluguran sa kasaganaan ng kapayapaan.”​—Awit 37:11.

a Bagaman ang tinutukoy nating alkoholiko ay lalaki, ang mga simulain dito ay kapit din kahit ang alkoholiko ay babae.

b Sa ilang lupain, may mga sentrong pagamutan, ospital, at mga programa ng pagpapagaling na dalubhasa sa pagtulong sa mga alkoholiko at sa kanilang pamilya. Ang paghingi ng tulong dito o hindi ay personal nang desisyon ng isa. Hindi nag-iindorso ang Samahang Watch Tower ng anumang partikular na paggagamot. Gayunman, dapat mag-ingat upang, sa paghingi ng tulong, ang isa ay hindi masangkot sa mga gawaing lumalabag sa mga simulain ng Kasulatan.

PAPAANO MAKATUTULONG ANG MGA SIMULAING ITO NG BIBLIYA . . . SA MGA PAMILYA UPANG MAIWASAN ANG MGA SULIRANING NAGDUDULOT NG MALUBHANG PINSALA?

Hinahatulan ni Jehova ang labis na pag-inom ng alak.​—Kawikaan 23:20, 21.

Ang bawat indibiduwal ay mananagot sa kaniyang ginagawa.​—Roma 14:12.

Kung walang pagpipigil sa sarili hindi natin mapaglilingkuran ang Diyos sa paraang matatanggap niya.​—Kawikaan 29:11.

Ang tunay na mga Kristiyano ay gumagalang sa kanilang matatanda nang magulang.​—Levitico 19:32.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share