Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Aklat ng Bibliya Bilang 3—Levitico
    “Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
    • 22. (a) Bakit namumukod-tangi ang kabanata 16? (b) Ano ang nagaganap sa Araw ng Katubusan?

      22 Araw ng Katubusan (16:1-34). Ito’y namumukod-tanging kabanata, taglay ang mga tagubilin para sa pinakamahalagang araw sa Israel, ang Araw ng Katubusan, na pumapatak sa ikasampung araw ng ikapitong buwan. Ito’y araw ng pagpapahirap sa kaluluwa (gaya ng pag-aayuno), at walang trabahong ipinahihintulot sa araw na ito. Nagsisimula ito sa paghahandog ng isang guyang toro para sa mga kasalanan ni Aaron at ng sambahayan niya, ang tribo ni Levi, at ng isang kambing para sa buong bansa. Matapos sunugin ang kamangyan, ang bahagi ng dugo ng bawat hayop ay isa-isang dinadala sa dakong Kabanal-banalan ng tabernakulo, upang iwisik sa takip ng Kaban. Saka inilalabas sa kampamento ang mga patay na hayop upang sunugin. Isang buháy na kambing ang inihaharap kay Jehova, at ang mga kasalanan ng bayan ay binibigkas sa kambing, saka ito inililigaw sa ilang. Dalawa pang tupang lalaki ay ihahandog na haing susunugin, isa para kay Aaron at sa sambahayan niya at isa para sa buong bansa.

      23. (a) Saan mababasa ang isa sa pinakamalinaw na pangungusap ng Bibliya hinggil sa dugo? (b) Ano pang ibang regulasyon ang sumunod?

      23 Mga batas sa dugo at iba pang bagay (17:1–​20:27). Dito ay inihaharap ang maraming batas para sa bayan. Ang dugo ay minsan pang ipinagbabawal ng isa sa pinakamaliwanag na pangungusap hinggil sa dugo na masusumpungan saanman sa mga Kasulatan. (17:10-14) Ito ay wastong maihahandog sa dambana, subalit hindi bilang pagkain. Ipinagbabawal ang kasuklam-suklam na mga gawain, gaya ng insesto, sodomya, at pagsiping sa hayop. May mga tuntunin sa pagsasanggalang sa dukha, sa mapagkailangan, at sa taga-ibang bayan, at iniutos din, “Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng sarili. Ako si Jehova.” (19:18) Iningatan ang kanilang kapakanang panlipunan at pangkabuhayan, at ipinagbawal ang espirituwal na mga panganib, gaya ng pagsamba kay Moloch at espiritismo, na may parusang kamatayan. Muling idiniin ng Diyos ang pagiging-hiwalay ng kaniyang bayan: “Dapat kayong maging banal sa akin, sapagkat akong si Jehova ay banal; ibinukod ko kayo upang kayo’y maging akin.”​—20:26.

      24. Papaano binabalangkas ng Levitico ang kuwalipikasyon ng mga saserdote at ang mga taunang kapistahan?

      24 Ang pagkasaserdote at mga kapistahan (21:1–​25:55). Tatlong kabanata ang tumatalakay sa pormal na pagsamba ng Israel: mga batas tungkol sa mga saserdote, sa pisikal na kuwalipikasyon nila, sa mapapangasawa nila, pagkain ng banal na mga bagay, at paghahandog ng malulusog na hayop. Iniutos ang tatlong pambansang kapistahan, mga okasyon ng “pagsasaya sa harapan ni Jehova na inyong Diyos.” (23:40) Bilang isang tao, ang bansa ay makapag-uukol ng pansin, papuri, at pagsamba kay Jehova, na pinatitibay ang kaugnayan nito sa kaniya. Ito’y mga kapistahan kay Jehova, mga banal na kombensiyon sa taun-taon. Ang Paskuwa, at ang Kapistahan ng mga Tinapay na Walang Lebadura, ay itinakda sa maagang tagsibol; ang Pentekostes, o Kapistahan ng mga Sanlinggo, ay sumusunod sa pagtatapos ng tagsibol; at ang Araw ng Katubusan at ang walong-araw na Kapistahan ng mga Kubol, o ng Pag-aani, ay sa taglagas.

      25. (a) Papaano ipinakita na dapat igalang ang “Pangalan”? (b) Anong mga batas ang nagsasangkot sa bilang na “pito”?

      25 Sa kabanata 24, ibinibigay ang tagubilin para sa tinapay at langis na gagamitin sa tabernakulo. Kasunod nito ay ang utos ni Jehova na sinomang lalapastangan sa “Pangalan”​—oo, sa pangalang Jehova​—ay babatuhin hanggang mamatay. Saka isinaad niya ang batas ng katapat na parusa, “mata kung mata, ngipin kung ngipin.” (24:11-16, 20) Sa kabanata 25 ay may mga regulasyon sa taunang Sabbath, o taon ng pamamahinga, tuwing ika-7 taon at ang Jubileo tuwing ika-50 taon. Sa ika-50 taon, dapat ipahayag ang kalayaan sa buong lupain, at dapat isauli ang manang ari-arian na naipagbili o naipamigay sa nakalipas na 49 na taon. Ibinigay ang mga batas na nagsasanggalang sa mga karapatan ng dukha at mga alipin. Itinampok dito ang bilang na “pito”​—ikapitong araw, ikapitong taon, pitong araw na kapistahan, pitong sanlinggo, at ang Jubileo, na sumasapit pagkaraan ng makapitong pitong taon.

      26. Sa anong kasukdulan humahantong ang Levitico?

      26 Ang bunga ng pagsunod at ng pagsuway (26:1-46). Ang Levitico ay sumasapit sa kasukdulan sa kabanatang ito. Itinatala ni Jehova ang mga gantimpala ng pagsunod at ang mga parusa sa pagsuway. Kasabay nito, naghaharap siya ng pag-asa sa mga Israelita kung sila’y magpapakumbaba, sa pagsasabing: “Alang-alang sa kanila’y aalalahanin ko ang tipan ng kanilang mga ninuno na aking inilabas sa lupain ng Ehipto sa paningin ng mga bansa, upang patunayan na ako ang kanilang Diyos. Ako si Jehova.”​—26:45.

      27. Papaano nagtatapos ang Levitico?

      27 Iba pang batas (27:1-34). Nagtatapos ang Levitico sa mga tagubilin hinggil sa mga handog na pangako, sa panganay ukol kay Jehova, at sa ikasampung bahagi na banal kay Jehova. Saka ang maikling colophon: “Ito ang mga utos na ibinigay ni Jehova kay Moises bilang utos sa mga anak ni Israel sa Bundok Sinai.”​—27:34.

      BAKIT KAPAKI-PAKINABANG

      28. Ano ang kapakinabangan ng Levitico sa mga Kristiyano ngayon?

      28 Bilang bahagi ng kinasihang Kasulatan, malaki ang pakinabang ng Levitico para sa mga Kristiyano ngayon. Kamangha-manghang tulong ito sa pagpapahalaga kay Jehova, sa mga katangian niya, at sa pakikitungo niya sa kaniyang mga nilikha, na maliwanag na ipinamalas ng tipang Kautusan sa Israel. Sa Levitico ay maraming saligang simulain na kumakapit magpakailanman, at marami itong makahulang larawan, sampu ng mga hula, na nagpapatibay-pananampalataya. Marami sa mga simulain nito ang inuulit sa Kristiyanong Kasulatang Griyego, at ang ilan ay tuwirang sinisipi. Tinatalakay sa ibaba ang pitong namumukod-tanging punto.

      29-31. Papaano idinidiin ng Levitico ang paggalang sa (a) soberanya, (b) pangalan, at (c) kabanalan ni Jehova?

      29 (1) Soberanya ni Jehova. Siya ang Tagapagbigay-batas, at tayong mga nilalang ay mananagot sa kaniya. Matuwid na iutos niya na tayo’y matakot sa kaniya. Bilang Pansansinukob na Soberano, ayaw niya na may kaagaw, sa paraang idolatriya, espiritismo, o iba pang aspeto ng demonismo.​—Lev. 18:4; 25:17; 26:1; Mat. 10:28; Gawa 4:24.

      30 (2) Pangalan ni Jehova. Ang pangalan niya’y pakakabanalin, at hindi tayo mangangahas magdulot ng upasala maging sa salita o gawa.​—Lev. 22:32; 24:10-16; Mat. 6:9.

      31 (3) Kabanalan ni Jehova. Yamang siya’y banal, ang bayan niya ay dapat ding maging banal, alalaong baga, ibinukod sa kaniyang paglilingkod. Kalakip dito ang paghiwalay sa masamang sanlibutan.​—Lev. 11:44; 20:26; Sant. 1:27; 1 Ped. 1:15, 16.

      32-34. Anong mga simulain ang binabalangkas hinggil sa (a) kasalanan, (b) dugo, at (c) pagkakamali?

      32 (4) Ang labis na kasamaan ng kasalanan. Diyos ang nagpapasiya kung ano ang kasalanan, at dapat labanan ito. Ang kasalanan ay laging humihiling ng haing pantubos. Isa pa, ito’y humihiling din ng pagtatapat, pagsisisi, at pagbabayad-pinsala sa abot-kaya ng isa. Ang ilang kasalanan ay walang kapatawaran.​—Lev. 4:2; 5:5; 20:2, 10; 1 Juan 1:9; Heb. 10:26-29.

      33 (5) Kabanalan ng dugo. Palibhasa banal ang dugo, hindi ito dapat ipasok sa katawan sa anomang anyo. Ang tanging ipinahihintulot na gamit nito ay bilang pantubos sa kasalanan.​—Lev. 17:10-14; Gawa 15:29; Heb. 9:22.

      34 (6) Parusa depende sa pagkakasala. Hindi pare-pareho ang trato sa kasalanan at sa maysala. Mentras mataas ang tungkulin, lumalaki ang pananagutan at parusa. Mas mabigat ang parusa ng kasalanang sinasadya kaysa di-sinasadya. Ang multa ay malimit ipataw ayon sa kakayahang magbayad. Ang simulaing ito ay kapit din sa ibang kalagayan, gaya sa seremonyal na karumihan.​—Lev. 4:3, 22-28; 5:7-11; 6:2-7; 12:8; 21:1-15; Luc. 12:47, 48; Sant. 3:1; 1 Juan 5:16.

      35. Papaano sinusuma ng Levitico ang tungkulin sa kapuwa?

      35 (7) Katarungan at pag-ibig. Bilang buod ng tungkulin sa kapuwa, sinasabi ng Levitico 19:18: “Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng sarili.” Lahat ay saklaw nito. Hahadlang ito sa pagtatangi, pagnanakaw, pagsisinungaling, o paninirang-puri, at humihiling ng pagmamalasakit sa mga may kapansanan, sa dukha, sa bulag, at sa bingi.​—Lev. 19:9-18; Mat. 22:39; Roma 13:8-13.

      36. Ano ang patotoo na ang Levitico ay kapaki-pakinabang sa kongregasyong Kristiyano?

      36 Ang paulit-ulit na pagtukoy dito ni Jesus at ng mga apostol, lalo na sina Pablo at Pedro, ay patotoo na ang Levitico ay bukod-tangi sa pagiging “kapaki-pakinabang sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid, sa pagdidisiplina sa katuwiran” sa kongregasyong Kristiyano. Tumawag-pansin ito sa maraming makahulang larawan at mga anino ng mga bagay na darating. Gaya ng sinabi ni Pablo, “ang Kautusan ay may anino ng mabubuting bagay na darating.” Naghaharap ito ng “isang makalarawang sagisag at anino ng makalangit na mga bagay.”​—2 Tim. 3:16; Heb. 10:1; 8:5.

      37. Anong makahulang mga katuparan ang inilalarawan sa Hebreo?

      37 Makasagisag ang kahulugan ng tabernakulo, pagkasaserdote, mga hain, lalo na ang taunang Araw ng Katubusan. Sa liham niya sa mga Hebreo, ang espirituwal na katumbas ng mga bagay na kaugnay ng “tunay na tabernakulo” ni Jehova ay ipinakikilala ni Pablo. (Heb. 8:2) Si Aaron na punong saserdote ay lumarawan kay Kristo Jesus “bilang mataas na saserdote ng mabubuting bagay na dumating, sa pamamagitan ng mas dakila at mas sakdal na tabernakulo.” (Heb. 9:11; Lev. 21:10) Ang dugo ng mga inihandog na hayop ay lumarawan sa dugo ni Jesus, na nagkakamit ng “walang-hanggang katubusan para sa atin.” (Heb. 9:12) Ang Kabanal-banalan, ang pinakaloob na silid ng tabernakulo na doo’y mataas na saserdote lamang ang pumapasok kung Araw ng Katubusan upang iharap ang inihaing dugo, ay “kahalintulad lamang ng tunay,” “ang langit mismo,” kung saan umakyat si Jesus “upang humarap kay Jehova para sa atin.”​—Heb. 9:24; Lev. 16:14, 15.

      38. Papaano natupad kay Jesus ang makasagisag na mga hain?

      38 Ang aktuwal na mga inihahain​—mga hayop na walang kapintasan, malusog at inihahandog na haing susunugin o ukol sa pagkakasala​—ay sumasagisag sa sakdal at walang-dungis na katawang tao ni Jesu-Kristo. (Heb. 9:13, 14; 10:1-10; Lev. 1:3) Kawili-wiling pansinin, tinatalakay din ni Pablo ang Araw ng Katubusan kung saan ang mga hayop na handog sa kasalanan ay inilalabas sa kampamento at sinusunog. (Lev. 16:27) “Kaya naman si Jesus,” ani Pablo, “ay nagbata sa labas ng pintuan. Pumaroon tayo sa kaniya sa labas ng kampamento, at dalhin ang kaniyang kadustaan.” (Heb. 13:12, 13) Sa kinasihang paliwanag na ito, nagiging mas makahulugan ang seremonyal na mga pamamaraang binabalangkas sa Levitico, at lalong nauunawaan ang kamangha-manghang paglalaan ni Jehova ng mga anino na umakay sa mga katunayan na maipaliliwanag lamang ng banal na espiritu. (Heb. 9:8) Ang wastong unawang ito ay mahalaga sa mga tatanggap ng buhay na ilalaan ni Jehova sa pamamagitan ni Kristo Jesus, ang “dakilang saserdote sa bahay ng Diyos.”​—Heb. 10:19-25.

      39. Papaano katugma ng Levitico ang “lahat ng Kasulatan” sa pagpapakilala sa mga layunin ng Kaharian ni Jehova?

      39 Gaya ng makasaserdoteng sambahayan ni Aaron, ang Mataas na Saserdoteng si Jesu-Kristo ay may mga katulong. Sila ang “maharlikang pagkasaserdote.” (1 Ped. 2:9) Ang Levitico ay malinaw na tumutukoy at nagpapaliwanag sa gawaing pagtubos ng dakilang Mataas na Saserdote at Hari ni Jehova, at sa mga kahilingan sa mga kaanib ng Kaniyang sambahayan, na tinutukoy na “maligaya at banal” at ‘mga saserdote ng Diyos at ng Kristo na maghaharing kasama niya sa loob ng isang libong taon.’ Kay laking pagpapala ang pagsasauli ng sangkatauhan sa kasakdalan, at napakalaking kaligayahan ang idudulot ng makalangit na Kaharian sa pagsasauli ng kapayapaan at katuwiran sa lupa! Lahat ay dapat magpasalamat sa banal na Diyos, si Jehova, sa pagsasaayos ng isang Mataas na Saserdote at Hari, at ng maharlikang pagkasaserdote, upang ipahayag ang Kaniyang mga karangalan bilang pagbanal sa Kaniyang pangalan! Oo, kamangha-mangha ang pagkakatugma ng Levitico sa “lahat ng Kasulatan” sa pagpapakilala sa mga layunin ng Kaharian ni Jehova.​—Apoc. 20:6.

  • Aklat ng Bibliya Bilang 4—Mga Bilang
    “Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
    • Aklat ng Bibliya Bilang 4​—Mga Bilang

      Manunulat: Si Moises

      Saan Isinulat: Sa Ilang at sa Kapatagan ng Moab

      Natapos Isulat: 1473 B.C.E..

      Panahong Saklaw: 1512-1473 B.C.E.

      1. Bakit isinulat ang mga pangyayari sa Mga Bilang, at ano ang idinidiin nito sa atin?

      ANG mga kaganapan sa paglalakbay ng Israel sa ilang ay iniulat sa Bibliya sa kapakinabangan natin ngayon.a Sinabi ni apostol Pablo: “Ang mga ito’y naging halimbawa sa atin, upang huwag tayong magnasa ng masasamang bagay.” (1 Cor. 10:6) Idiniriin ng matingkad na ulat ng Mga Bilang na ang kaligtasan ay salig sa pagbanal sa pangalan ni Jehova, pagsunod sa kaniya anoman ang mangyari, at paggalang sa kaniyang mga kinatawan. Ang pabor niya ay dumarating hindi dahil sa anomang kabutihan o kagalingan ng kaniyang bayan kundi dahil sa dakila niyang awa at di-sana-nararapat na kabaitan.

      2. Sa ano tumutukoy ang pangalang Mga Bilang, ngunit anong mas angkop na pamagat ang ibinigay ng mga Judio?

      2 Ang pangalang Mga Bilang ay tumutukoy sa pagbilang sa mga tao na unang naganap sa Bundok Sinai at saka sa Kapatagan ng Moab, gaya ng iniuulat sa kabanata 1-4 at 26. Ang pangalan ay mula sa pamagat na Numeri sa Latin Vulgate at hango sa A·rith·moiʹ sa Griyegong Septuagint. Gayunman, mas angkop ang tawag ng mga Judio sa aklat, Bemidh·barʹ, ibig sabihi’y “Sa Ilang.” Ang salitang Hebreo na midh·barʹ ay nagpapahiwatig ng isang bukás na dako, walang mga lungsod o bayan. Ang mga pangyayari sa Mga Bilang ay naganap sa ilang na nasa timog-silangan ng Canaan.

      3. Ano ang patotoo na si Moises ang sumulat ng Mga Bilang?

      3 Ang Mga Bilang ay maliwanag na bahagi ng orihinal na limahang tomo na naglakip sa Genesis hanggang Deuteronomio. Ang unang talata ay nagsisimula sa pangatnig na “at,” upang idugtong ito sa nauna. Kaya, tiyak na ang sumulat ay si Moises, ang manunulat ng naunang mga aklat. Maliwanag din ito sa pariralang “isinulat ni Moises,” at ng colophon na, “Ito ang mga utos at ang mga kahatulan na iniutos ni Jehova sa pamamagitan ni Moises.”​—Bil. 33:2; 36:13.

      4. Anong yugto ng panahon ang saklaw ng Mga Bilang, at kailan natapos ang aklat?

      4 Mahigit nang isang taon mula nang lisanin ng Israel ang Ehipto. Nag-uulat mula sa ikalawang buwan ng ikalawang taon mula sa Pag-aalisan, sinasaklaw ng Mga Bilang ang susunod na 38 taon at siyam na buwan, mula 1512 B.C.E. hanggang 1473 B.C.E. (Bil. 1:1; Deut. 1:3) Bagaman hindi tugma sa yugtong ito, ang mga pangyayari sa Bilang 7:1-88 at 9:1-15 ay inilalakip bilang karagdagang impormasyon. Ang unang mga bahagi ng aklat ay malamang na isinulat habang nagaganap ang mga pangyayari, ngunit maliwanag na natapos lamang ni Moises ang Mga Bilang noong katapusan ng ika-40 taon sa ilang, sa pasimula sa kalendaryong taon ng 1473 B.C.E.

      5. Ano ang patotoo ng pagiging-tunay ng Mga Bilang?

      5 Walang alinlangan sa pagiging-totoo ng ulat. Ayon kay Moises ang tigang na lupaing nilakbay

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share