IKALABINLIMANG KABANATA
Pagpaparangal sa Ating Matatanda Nang Magulang
1. Ano ang utang natin sa ating mga magulang, at kung gayon ay ano ang dapat na maging damdamin at pakikitungo natin sa kanila?
“DINGGIN mo ang iyong ama na nagpangyari ng iyong kapanganakan, at huwag mong hamakin ang iyong ina dahil lamang sa siya’y tumanda na,” ang payo ng marunong na lalaki matagal nang panahon ang nakalilipas. (Kawikaan 23:22) ‘Hindi ko kailanman magagawa iyan!’ baka sabihin mo. Sa halip na hamakin ang ating ina—o ang ating ama—karamihan sa atin ay nakadarama ng matimyas na pagmamahal sa kanila. Kinikilala natin na malaki ang ating utang na loob sa kanila. Una sa lahat, ang ating mga magulang ang nagbigay sa atin ng buhay. Bagaman si Jehova ang Bukal ng buhay, kung wala ang ating mga magulang hindi tayo iiral. Wala tayong maibibigay sa ating mga magulang na kasinghalaga ng buhay mismo. Saka, isip-isipin lamang ang pagsasakripisyo-sa-sarili, maalalahaning pangangalaga, gastos, at maibiging atensiyon na kalakip sa pagtulong sa isang bata sa pagtahak sa landas mula sa pagkasanggol hanggang sa pagiging nasa hustong gulang. Kung gayon, tunay ngang makatuwiran ang payo ng Salita ng Diyos: “Parangalan mo ang iyong ama at [ang iyong] ina . . . upang ito ay ikabuti mo at mamalagi ka nang mahabang panahon sa lupa”!—Efeso 6:2, 3.
PAGKILALA SA EMOSYONAL NA MGA PANGANGAILANGAN
2. Papaano maibibigay ng malalaki nang anak ang “kaukulang kabayaran” sa kanilang mga magulang?
2 Sumulat si apostol Pablo sa mga Kristiyano: “Matuto muna [ang mga anak o mga apo] na magsagawa ng maka-Diyos na debosyon sa kanilang sariling sambahayan at magpatuloy sa pagbabayad ng kaukulang kabayaran sa kanilang mga magulang at mga lolo’t lola, sapagkat ito ay kaayaaya sa paningin ng Diyos.” (1 Timoteo 5:4) Inihahandog ng malalaki nang anak ang “kaukulang kabayaran” na ito sa pamamagitan ng pagpapakita ng pagpapahalaga sa mga taon ng pagmamahal, pagpapagal, at pangangalagang ginugol sa kanila ng mga magulang at mga lolo’t lola nila. Ang tutulong sa mga anak sa paggawa nito ay kung kikilalanin nila na, gaya rin ng iba, ang matatanda ay nangangailangan ng pagmamahal at pagpapalakas ng loob—kadalasa’y kinauuhawan nila ito. Gaya nating lahat, kailangang madama nilang sila’y pinahahalagahan. Kailangan nilang madama na ang kanilang buhay ay makabuluhan.
3. Papaano natin mapararangalan ang mga magulang at ang mga lolo’t lola?
3 Kaya makapagpaparangal tayo sa mga magulang at mga lolo’t lola natin kung ating ipababatid sa kanila na mahal natin sila. (1 Corinto 16:14) Kung hindi natin kapisan ang ating mga magulang, dapat nating tandaan na napakalaking bagay para sa kanila ang ating pakikipagbalitaan sa kanila. Ang isang masayang liham, tawag sa telepono, o pagdalaw ay nagpapaibayo ng kanilang kagalakan. Si Miyo, na nakatira sa Hapón, ay sumulat nang siya’y 82 taóng gulang: “Sabi sa akin ng aking anak [na ang asawa’y isang naglalakbay na ministro]: ‘Inay, sumama naman kayo sa aming “paglalakbay.”’ Ipinadala niya sa akin ang kanilang nakaiskedyul na ruta at numero ng telepono sa bawat linggo. Maaari kong buksan ang aking mapa at sabihin: ‘Ah. Naririto sila ngayon!’ Lagi kong pinasasalamatan si Jehova dahil sa pagpapala na ako’y nagkaroon ng ganitong anak.”
PAGTULONG SA MATERYAL NA MGA PANGANGAILANGAN
4. Papaano hinimok ng relihiyosong tradisyon ng mga Judio ang kawalan ng habag sa matatanda nang magulang?
4 Maaari kayang ang pagpaparangal sa mga magulang ng isa ay magsangkot din ng pag-aasikaso sa kanilang materyal na mga pangangailangan? Oo. Madalas na gayon nga. Noong panahon ni Jesus itinaguyod ng mga relihiyosong lider na Judio ang tradisyon na kung idineklara ng isang tao na ang kaniyang salapi o ari-arian ay “isang kaloob na inialay sa Diyos,” siya’y pinalaya na sa pananagutang gamitin iyon upang asikasuhin ang kaniyang mga magulang. (Mateo 15:3-6) Napakawalang-habag! Ang totoo, hinihimok ng mga relihiyosong lider na iyon ang mga tao na huwag parangalan ang kanilang mga magulang kundi pakitunguhan sila nang may paglapastangan sa pamamagitan ng pagkakait sa kanilang mga pangangailangan. Hindi natin kailanman nanaising gawin iyan!—Deuteronomio 27:16.
5. Sa kabila ng mga paglalaang ginagawa ng mga pamahalaan ng ilang lupain, bakit ang pagpaparangal sa mga magulang ng isa ay naglalakip kung minsan ng pagbibigay ng pinansiyal na tulong?
5 Sa maraming lupain sa ngayon, ang mga suportado-ng-gobyernong programang panlipunan ay naglalaan para sa ilang materyal na mga pangangailangan ng matatanda, gaya ng pagkain, damit, at tirahan. Karagdagan pa rito, ang matatanda mismo ay maaaring nakapaglaan ng kaunti para sa kanilang pagtanda. Ngunit kung ang paglalaang ito ay masaid o magkulang, pinararangalan ng mga anak ang kanilang mga magulang sa pamamagitan ng paggawa ng kanilang buong-makakaya upang masapatan ang mga pangangailangan ng mga ito. Sa katunayan, ang pag-aasikaso sa matatanda nang magulang ay katibayan ng maka-Diyos na debosyon, alalaong baga’y, debosyon ng isa sa Diyos na Jehova, ang Tagapagpasimula ng kaayusan ng pamilya.
PAG-IBIG AT PAGSASAKRIPISYO-SA-SARILI
6. Anong mga kaayusan sa paninirahan ang nagawa na ng ilan upang maasikaso ang mga pangangailangan ng kanilang mga magulang?
6 Maraming malalaki nang anak ang tumugon na sa mga pangangailangan ng kanilang may-kapansanang mga magulang taglay ang pag-ibig at pagsasakripisyo-sa-sarili. Kinupkop ng ilan ang kanilang mga magulang sa kanilang sariling mga tahanan o lumipat na upang mapalapit sa kanila. Ang iba naman ay pumisan na sa kanilang mga magulang. Madalas, ang gayong mga kaayusan ay napatunayang isang pagpapala kapuwa sa mga magulang at sa mga anak.
7. Bakit hindi mabuti na maging padalus-dalos sa pagpapasiya may kinalaman sa matatanda nang magulang?
7 Subalit, kung minsan ay hindi nagbubunga ng mabuti ang gayong mga hakbangin. Bakit? Marahil ay dahil sa naging padalus-dalos ang pagdedesisyon o isinalig lamang sa emosyon. “Ang isa na pantas ay nagsasaalang-alang ng kaniyang mga hakbang,” ang matalinong babala ng Bibliya. (Kawikaan 14:15) Halimbawa, ipagpalagay nang nahihirapang magsolo ang iyong matanda nang ina at sa palagay mo’y makabubuti sa kaniya na makipisan sa iyo. Palibhasa’y may-kapantasang isinasaalang-alang ang iyong mga hakbang, baka kailangang pag-isipan mo muna ang mga sumusunod: Ano ba talaga ang kaniyang kailangan? Mayroon bang mga serbisyong panlipunan mula sa pribado o pang-estadong ahensiya na naghahandog ng iba pang solusyon na karapat-dapat tanggapin? Gusto ba niyang lumipat? Kung oo, ano ang magiging epekto nito sa kaniyang buhay? Maiiwan ba niya ang kaniyang mga kaibigan? Papaano ito maaaring makaapekto sa kaniyang emosyon? Naipakipag-usap mo na ba ito sa kaniya? Ano naman ang maaaring maging epekto ng hakbanging ito sa iyo, sa iyong asawa, sa iyong sariling mga anak? Kung kailangan ng iyong ina ang pag-aasikaso, sino ang maglalaan nito? Maaari bang pagtulung-tulungan ang responsibilidad? Naipakipag-usap mo na ba ito sa lahat ng tuwirang nasasangkot?
8. Sino ang maaari mong konsultahin kapag nagpapasiya kung papaano matutulungan ang iyong matatanda nang magulang?
8 Yamang ang pananagutan sa pag-aasikaso ay nakapasan sa lahat ng anak sa pamilya, maaaring isang katalinuhan na magkomperensiya muna ang pamilya nang sa gayon ay maaaring makibahagi ang lahat sa pagpapasiya. Ang pakikipag-usap sa matatanda sa Kristiyanong kongregasyon o sa mga kaibigan na napaharap na rin sa ganitong situwasyon ay maaari ring makatulong. “Nabibigo ang mga plano kung saan walang kompedensiyal na pag-uusap,” ang babala ng Bibliya, “ngunit sa karamihan ng mga tagapayo ay may naisasakatuparan.”—Kawikaan 15:22.
MAGPAKITA NG EMPATIYA AT PAGKAMAUNAWAIN
Hindi isang katalinuhan na magpasiya para sa isang magulang nang hindi muna kinakausap ang isang iyon
9, 10. (a) Sa kabila ng kanilang patuloy na pagtanda, anong konsiderasyon ang dapat ibigay sa matatanda nang magulang? (b) Anumang hakbang ang gawin ng malaki nang anak alang-alang sa kaniyang mga magulang, ano ang dapat na lagi niyang ibigay sa kanila?
9 Ang pagpaparangal sa ating matatanda nang magulang ay nangangailangan ng empatiya at unawa. Habang patuloy na lumalalâ ang mga epekto ng pagtanda, maaaring masumpungan ng matatanda na lalo silang nahihirapang lumakad, kumain, at makaalaala. Baka mangailangan sila ng tulong. Madalas na ang mga anak ay nagiging sobrang mapag-alala at nagsisikap na maglaan ng patnubay. Subalit ang matatanda ay may hustong pag-iisip na hitik na hitik sa naipong karunungan at karanasan, buong-buhay na nag-aasikaso sa kanilang sarili at mag-isang nagpapasiya. Ang kanilang pagkatao at paggalang sa sarili ay maaaring nakasentro sa kanilang papel bilang mga magulang at bilang may sariling pag-iisip. Ang mga magulang na nakadaramang kailangan na nilang isuko sa kanilang mga anak ang pagkontrol nila sa kanilang sariling buhay ay maaaring manlumo o magalit. Ang ilan ay nagtatampo at tumututol sa ipinalalagay nilang panghihimasok sa kanilang kalayaan.
10 Walang madaling solusyon sa gayong mga problema, ngunit isang kabaitan na hayaan ang matatanda nang magulang na alagaan ang kanilang sarili at gumawa ng sariling pasiya hangga’t maaari. Isang katalinuhan na huwag pagpasiyahan kung ano ang pinakamabuti para sa iyong mga magulang nang hindi muna sila kinakausap. Maaaring malaki na nga ang nabawas sa kanilang kakayahan. Hayaan mong gamitin nila ang anumang kaya pa nila. Baka masumpungan mong habang hindi mo labis na pinanghihimasukan ang buhay ng iyong mga magulang, mas bubuti ang pakikipag-ugnayan mo sa kanila. Sila’y higit na liligaya, at gayundin ikaw. Kahit na kailangang igiit mo ang ilang bagay para sa kabutihan nila, ang pagpaparangal sa iyong mga magulang ay humihiling na ibigay mo sa kanila ang dignidad at paggalang na nararapat sa kanila. Ang Salita ng Diyos ay nagpapayo: “Sa harap ng may uban ay dapat kang tumayo, at dapat kang magpakita ng konsiderasyon sa katauhan ng matandang lalaki.”—Levitico 19:32.
INGATAN ANG TAMANG SALOOBIN
11-13. Kung hindi man naging maganda noon ang pakikitungo ng mga magulang sa isang anak na nasa hustong edad, papaano niya haharapin ang hamon ng pag-aasikaso sa kanila sa kanilang pagtanda?
11 Kung minsan ang problemang kinakaharap ng malalaki nang mga anak sa pagpaparangal sa kanilang matatanda nang magulang ay dahil sa naging pakikitungo sa kanila ng mga magulang nila noong sila’y mga bata pa. Marahil ang iyong ama noon ay malamig at di-mapagmahal, ang iyong ina naman ay dominante at malupit. Marahil ay nadarama mo pa rin ang pagkabigo, galit, o hinanakit sapagkat hindi sila ang mga magulang na ibig mo. Mapaglalabanan mo ba ang ganiyang damdamin?a
12 Si Basse, na lumaki sa Pinlandya, ay nagkuwento: “Ang aking amain ay opisyal noon ng SS sa Alemanyang Nazi. Madaling magsiklab ang kaniyang galit, at kapag nagkagayon siya’y nagiging mapanganib. Binugbog niya ang aking ina nang maraming ulit sa harap ko. Minsan nang siya’y magalit sa akin, inihaplit niya ang kaniyang sinturon at tinamaan ako ng hibilya sa mukha. Gayon na lamang ang lakas ng tama sa akin anupat bumagsak ako sa kama.”
13 Magkagayon man, may iba pang mukha ang kaniyang pagkatao. Idinagdag ni Basse: “Sa kabilang dako naman, napakasipag niya sa trabaho at hindi niya iniiwasan ang pag-aasikaso sa pamilya sa materyal. Hindi niya kailanman ipinadama sa akin ang pagmamahal ng isang ama, ngunit alam ko ang pilat na taglay niya sa kaniyang damdamin. Pinalayas siya ng kaniyang ina nang siya’y bata pa. Lumaki siya sa tulong ng kaniyang sariling kamao at lumaban sa digmaan sa kaniyang pagbibinata. Sa isang banda’y nauunawaan ko siya at hindi ko siya sinisisi. Nang ako’y lumaki na, hinangad ko ang makatulong sa kaniya sa abot ng aking makakaya hanggang sa kaniyang kamatayan. Hindi iyon madali, subalit ginawa ko ang lahat ng aking magagawa. Sinikap kong maging isang mabuting anak na lalaki hanggang katapusan, at sa palagay ko’y tinanggap niya ako bilang gayon.”
14. Anong kasulatan ang kumakapit sa lahat ng situwasyon, kasali na yaong mga bumabangon sa pag-aasikaso ng matatanda nang magulang?
14 Sa mga kalagayan ng pamilya, gaya rin sa ibang bagay, ang payo ng Bibliya ay kumakapit: “Damtan ninyo ang inyong mga sarili ng magiliw na pagmamahal ng pagkamadamayin, kabaitan, kababaan ng pag-iisip, kahinahunan, at mahabang-pagtitiis. Patuloy ninyong pagtiisan ang isa’t isa at malayang patawarin ang isa’t isa kung ang sinuman ay may dahilan sa pagrereklamo laban sa iba. Kung paanong si Jehova ay malayang nagpatawad sa inyo, gayon din naman ang gawin ninyo.”—Colosas 3:12, 13.
KAILANGAN DING ALAGAAN ANG MGA TAGAPAG-ALAGA
15. Bakit ang pag-aalaga sa mga magulang kung minsan ay nakapanlulumo?
15 Ang pag-aalaga sa isang may-kapansanang magulang ay mahirap na gawain, na nangangailangan ng maraming trabaho, malaking responsibilidad, at mahahabang oras. Ngunit ang pinakamahirap na bahagi ay karaniwan nang sa emosyon. Nakapanggigipuspos na makita ang iyong mga magulang na unti-unting nawawalan ng kanilang kalusugan, memorya, at kalayaan. Si Sandy, na nagmula sa Puerto Rico, ay nagsalaysay: “Si Inay ang lahat-lahat sa aming pamilya. Napakasakit na makita ang kaniyang paghihirap. Noong una’y pipila’y pilay siya; pagkatapos ay kailangan na niya ang tungkod, pagkatapos ay isang walker, pagkatapos ay silyang de gulong. Pagkatapos niyan ay unti-unti na siyang naglubha hanggang sa siya’y mamatay. Nagkaroon siya ng kanser sa buto at kinailangan ang palagiang pag-aalaga—araw at gabi. Pinaliliguan namin siya at pinakakain at binabasahan. Napakahirap talaga—lalo na sa kalooban. Nang mapagtanto kong patungo na si Inay sa kamatayan, napaiyak ako sapagkat mahal na mahal ko siya.”
16, 17. Anong payo ang maaaring makatulong sa isang tagapag-alaga upang mapanatili ang timbang na pangmalas sa mga bagay-bagay?
16 Kung ikaw ay nasa ganiyan ding kalagayan, ano ang maaari mong gawin upang makayanan ito? Ang pakikinig kay Jehova sa pamamagitan ng pagbabasa ng Bibliya at pakikipag-usap sa kaniya sa panalangin ay makatutulong sa iyo nang malaki. (Filipos 4:6, 7) Sa praktikal na paraan, tiyakin na balanse ang iyong pagkain at sikaping makatulog na mabuti. Sa paggawa nito, bubuti ang iyong kondisyon, kapuwa sa emosyon at sa pisikal, upang maasikaso ang iyong mahal sa buhay. Marahil ay maisasaayos mo ang paminsan-minsang pamamahinga mula sa pang-araw-araw na rutin. Kahit na maging imposible pa ang pagbabakasyon, isang katalinuhan pa rin na mag-iskedyul ng panahon para magrelaks. Upang makaalis ka, baka maisaayos mo na pasamahan muna sa iba ang iyong may-sakit na magulang.
17 Karaniwan na sa mga tagapag-alagang nasa edad ang di-makatuwirang hanapan ang kanilang sarili. Subalit huwag mong sisisihin ang iyong sarili dahil sa mga bagay na hindi mo magawa. Sa ilang kalagayan baka kailangang ipagkatiwala mo ang iyong mahal sa buhay sa pangangalaga ng isang nursing home. Kung ikaw ay isang tagapag-alaga, maglagay ng makatuwirang dapat asahan sa iyong sarili. Dapat mong timbangin ang pangangailangan hindi lamang ng iyong mga magulang kundi maging ng iyong mga anak, ng iyong asawa, at ng iyong sarili.
LAKAS NA HIGIT SA KARANIWAN
18, 19. Anong pangako ng pagsuporta ang ibinigay ni Jehova, at anong karanasan ang nagpapakitang tinutupad niya ang pangakong ito?
18 Sa pamamagitan ng kaniyang Salita, ang Bibliya, si Jehova ay maibiging naglalaan ng patnubay na makatutulong nang malaki sa isang tao sa pag-aasikaso sa matatanda nang magulang, ngunit hindi lamang iyan ang tanging tulong na inilalaan niya. “Si Jehova ay malapit sa lahat ng tumatawag sa kaniya,” isinulat ng salmista sa ilalim ng pagkasi. “Ang kanilang paghingi ng tulong ay pakikinggan niya, at ililigtas niya sila.” Ililigtas, o iingatan, ni Jehova ang mga nagtatapat sa kaniya kahit sa pinakamahihirap na kalagayan.—Awit 145:18, 19.
19 Natutuhan ito ni Myrna, sa Pilipinas, habang inaalagaan niya ang kaniyang ina, na lubusang naging paralisado dahil sa atake serebral. “Wala nang hihigit pa sa panlulumong nadarama kapag nakikita mo ang iyong mahal sa buhay na nagdurusa, na ni hindi masabi sa iyo kung alin ang masakit,” ang sulat ni Myrna. “Para bang nakikita ko siyang unti-unting nalulunod, at wala naman akong magawa. Maraming ulit na ako’y lumuluhod at ipinakikipag-usap ko kay Jehova ang aking pagod. Ako’y humihiyaw na gaya ni David, na nagsusumamo kay Jehova na ilagay ang kaniyang mga luha sa isang botelya at alalahanin siya. [Awit 56:8] At gaya ng pangako ni Jehova, binigyan niya ako ng lakas na kailangan ko. ‘Si Jehova ay naging isang alalay para sa akin.’”—Awit 18:18.
20. Anong mga pangako sa Bibliya ang tumutulong sa mga tagapag-alaga upang manatiling positibo, kahit na mamatay ang kanilang inaalagaan?
20 Sinasabing ang pag-aalaga sa matatanda nang magulang ay isang “kuwentong walang masayang wakas.” Maging sa kabila ng pinakamahusay na pag-aalaga, maaaring mamatay pa rin ang matatanda, gaya ng nangyari sa ina ni Myrna. Ngunit yaong mga nagtitiwala kay Jehova ay nakaaalam na ang kamatayan ay hindi siyang wakas ng kuwento. Sabi ni apostol Pablo: “May pag-asa ako sa Diyos . . . na magkakaroon ng pagkabuhay-muli kapuwa ng mga matuwid at mga di-matuwid.” (Gawa 24:15) Yaong mga nawalan na ng matatanda nang magulang dahil sa kamatayan ay naaaliw sa pag-asa ng pagkabuhay-muli kasabay ng pangako ng isang kasiya-siyang bagong sanlibutan na gagawin ng Diyos na doo’y “hindi na magkakaroon ng kamatayan.”—Apocalipsis 21:4.
21. Anong mabubuting resulta ang ibinubunga ng pagpaparangal sa matatanda nang magulang?
21 Ang mga lingkod ng Diyos ay may matinding pagpapahalaga sa kanilang mga magulang, kahit na sila’y matatanda na. (Kawikaan 23:22-24) Pinararangalan nila sila. Sa paggawa nito, natatamasa nila ang sinasabi ng kinasihang kawikaan: “Ang iyong ama at ang iyong ina ay magsasaya, at siya na nagsilang sa iyo ay magagalak.” (Kawikaan 23:25) At higit sa lahat, yaong mga nagpaparangal sa kanilang matatanda nang magulang ay nagpapalugod at nagpaparangal din sa Diyos na Jehova.
a Hindi natin pinag-uusapan dito ang mga situwasyon na doo’y nagkasala ang mga magulang ng sukdulang pang-aabuso sa kanilang kapangyarihan at pananagutan, na maaari nang ituring na isang krimen.