Pagtitiis—Bakit Kaya Bihirang-Bihira Na?
SI Emilio ay mahigit nang 60 anyos.a Pumunta siya sa Oahu dahil sa isang malungkot na misyon—upang ilibing ang kaniyang adultong anak na lalaki. Samantalang naglalakad sa isang di-mataong daan sa tabi ng burol at nakikipag-usap sa ilang kaibigan, si Emilio ay nagulat sa isang kotseng umaatras nang matulin sa isang driveway. Muntik na siyang mahagip ng sasakyan, at dahil sa galit at pagkainis, sinigawan ni Emilio ang drayber at hinampas ang kotse. Sumunod ang isang pagtatalo. Lumalabas na itinulak ng drayber si Emilio, na natumba at tumama ang ulo sa matigas na simento. Makalipas ang ilang araw, si Emilio ay namatay dahil sa tinamong pinsala sa ulo. Nakalulungkot na resulta!
Nabubuhay tayo sa isang daigdig na kung saan ang pagtitiis ay isang bihirang katangian. Parami nang parami ang kaskaserong mga drayber ng sasakyan. Ang iba naman ay tumututok—napakalapit—sa mga kotseng sumusunod sa itinakdang bilis. Ngunit ang iba ay palipat-lipat ng linya dahil hindi nila matiis na sila’y nasa likuran ng ibang sasakyan. Sa tahanan, maaaring ibulalas ng mga miyembro ng pamilya ang kanilang bugso ng galit at maging marahas. Maging ang ilang Kristiyano ay maaaring labis na mayamot dahil sa pagkukulang o pagkakamali ng kanilang mga kapatid sa espirituwal.
Bakit kaya bihirang-bihira na ang pagtitiis? Lagi na lamang bang ganiyan? Bakit kaya napakahirap na maging matiisin sa panahon natin?
Mga Halimbawa ng Kawalang-Pagtitiis
Binabanggit ng Bibliya ang isang babaing hindi naghintay upang sumangguni sa kaniyang asawa bago gumawa ng isang maselang na pasiya. Ang pangalan niya ay Eva. Palibhasa’y hindi na hinintay si Adan, marahil sa isang bahagi dahil sa pagkainip, kinain niya ang ibinawal na prutas. (Genesis 3:1-6) Kumusta naman ang kaniyang asawa? Maaaring nagpamalas din siya ng pagkainip sa pamamagitan ng pagsunod kay Eva sa pagkakasala nang hindi muna lumalapit sa kaniyang makalangit na Ama, si Jehova, ukol sa tulong o patnubay. Ang kanilang kasakiman, marahil kalakip ng pagiging di-matiisin na umakay sa kasalanan, ay nagdulot ng nakamamatay na bunga sa ating lahat. Mula sa kanila ay minana rin natin ang hilig na gumawa ng kasalanan, kasali na yaong kahambugan at pagiging di-matiisin.—Roma 5:12.
Humigit-kumulang 2,500 taon pagkatapos magkasala ang ating unang mga magulang, ang piniling bayan ng Diyos, ang mga Israelita, ay nagpamalas ng matindi, patuloy na kawalan ng pananampalataya, gayundin ng kawalang-pagtitiis. Bagaman di pa nagtatagal ay iniligtas sila ni Jehova buhat sa pagkaalipin sa Ehipto, agad nilang “kinalimutan ang kaniyang mga gawa” at “hindi naghintay sa kaniyang payo.” (Awit 106:7-14) Paulit-ulit na sila’y nahulog sa malubhang pagkakasala dahil sila’y hindi nagtiis. Gumawa sila ng isang gintong guya at sinamba iyon; nagreklamo sila tungkol sa paglalaan ni Jehova ng manna para sa kanila; at marami sa kanila ang naghimagsik pa nga laban sa hinirang na kinatawan ni Jehova, si Moises. Oo, ang kanilang kawalang-pagtitiis ay umakay sa kanila sa dalamhati at kapahamakan.
Naiwala ng unang taong naging hari sa Israel, si Saul, ang pagkakataon para sa kaniyang mga anak na lalaki upang maging kaniyang kahalili sa trono. Bakit? Sapagkat siya’y nabigong maghintay sa propetang si Samuel, na siyang nararapat gumawa ng hain para kay Jehova. Dahil sa takot sa tao kung kaya hindi hinintay ni Saul si Samuel sa paghahandog ng hain. Gunigunihin kung ano ang nadama niya nang dumating agad si Samuel pagkatapos niyang ganapin ang seremonya! Kung naghintay lamang sana siya nang ilang minuto pa!—1 Samuel 13:6-14.
Kung hinintay lamang sana ni Eva si Adan sa halip na dali-daling pinitas ang prutas! Kung naalaala lamang sana ng mga Israelita na hintayin ang payo ni Jehova! Oo, nakatulong sana ang pagtitiis upang maligtas sila at tayo buhat sa maraming kadalamhatian at kirot.
Mga Sanhi ng Kawalang-Pagtitiis
Tinutulungan tayo ng Bibliya na maunawaan ang pangunahing sanhi ng kawalang-pagtitiis ngayon. Inilalarawan sa 2 Timoteo kabanata 3 ang ating salinlahi na nabubuhay sa “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan.” Sinasabi nito na ang mga tao ay “magiging mga maibigin sa kanilang sarili, mga maibigin sa salapi, mga mapagmapuri-sa-sarili, mga palalo . . . mga walang pagpipigil-sa-sarili, mga mabangis, mga walang pag-ibig sa kabutihan.” (2Ti 3 Talatang 2, 3) Umiiral ang gayong sakim at mapag-imbot-sa-sariling saloobin sa mga puso at isip ng maraming tao, anupat ginagawang mahirap para sa lahat, maging sa mga tunay na Kristiyano, ang magpasensiya. Kapag nasasaksihan natin mismo ang mga taong makasanlibutan na nagmamaneho nang napakabilis o sumisingit sa mga linya o nang-iinsulto sa atin, totoong nasusubok sa sukdulan ang ating pasensiya. Baka matukso tayong tularan sila o gumanti sa kanila, sa gayo’y ibinababa ang ating sarili sa kanilang antas ng mapag-imbot na kapalaluan.
Kung minsan ang ating sariling maling hinuha ang dahilan kung kaya hindi tayo makapagtiis. Pansinin kung papaano inilarawan ng pantas na si Haring Solomon ang kaugnayan sa pagitan ng padalus-dalos, maling pangangatuwiran at pagiging di-matiisin, magagalitin: “Mas maigi ang isang matiisin kaysa isang palalo. Huwag kang madaling magalit, sapagkat ang galit ay nagpapahinga sa sinapupunan ng mga mangmang.” (Eclesiastes 7:8, 9) Kung gugugol tayo ng panahon upang matamo ang buo, tumpak na larawan ng isang situwasyon bago kumilos, malamang na tayo’y magiging mas maunawain, mas maawain, mas matiisin sa iba. Sa kabilang dako, ang isang palalo, makasariling saloobin ay maaaring umakay sa atin na maging makitid ang pag-iisip, mayayamutin, at mabagsik, kagaya ng mareklamo, mapagmataas na mga Israelita na nagpahirap kay Moises.—Bilang 20:2-5, 10.
Isa pang dahilan ng pagiging palasak ng kawalan ng pagtitiis sa sanlibutang ito ay ang wala nang lunas na kalagayan nito, bunga ng pagkahiwalay kay Jehova. Ipinahayag ni David ang pangangailangan ng tao na umasa kay Jehova: “Maghintay kang tahimik sa Diyos lamang, O kaluluwa ko, sapagkat ang aking pag-asa ay mula sa kaniya.” (Awit 62:5) Maraming tao na hindi nakakakilala kay Jehova ay may limitado, malungkot na pangmalas, kaya sinisikap nilang sunggaban ang lahat ng uri ng kaluguran at pakinabang na makukuha nila bago magwakas ang kanilang buhay. Tulad ng kanilang espirituwal na ama, si Satanas na Diyablo, madalas na hindi sila nababahala kung mapinsala man ang iba sa kanilang ginagawa.—Juan 8:44; 1 Juan 5:19.
Hindi nga nakapagtataka na bihirang-bihira na ngayon ang pagtitiis. Ang balakyot, sakim na sistemang ito ng mga bagay, na ang Diyos ay si Satanas, at ang makasalanang hilig ng ating di-sakdal na laman ay nagpapangyaring maging mahirap para sa lahat, kahit sa mga taimtim, na maging matiisin. Datapuwâ, pinapayuhan tayo ng Bibliya na “magsagawa ng pagtitiis,” lalo na hinggil sa pagsasakatuparan ng mga layunin ng Diyos. (Santiago 5:8) Bakit gayon na lamang kahalaga ang pagtitiis? Anong mga gantimpala ang idudulot nito sa atin?
Pagtitiis—Kung Bakit Gayon na Lamang Kahalaga
“Sila’y naglilingkod din na nakatayo at naghihintay lamang.” Ang mga salitang ito ay binigkas ng Ingles na makatang si John Milton mahigit na tatlong daang taon na ang nakalipas sa kaniyang sonatang “On His Blindness.” Sa unang bahagi ng tula, ipinahayag niya ang kaniyang pagkasiphayo at pagkabalisa hinggil sa nadarama niyang kawalang-kakayahan na maglingkod sa Diyos nang lubusan dahil siya’y nabulag noong siya’y mahigit na 40 taon. Subalit gaya ng masasalamin sa pangwakas na linya ng tula na sinipi sa itaas, naunawaan niya na ang isa ay makasasamba sa Diyos sa pamamagitan ng matiising pagbabata ng mga kapighatian at mahinahong paghahanap ng mga pagkakataon upang makapaglingkod. Nakita ni Milton ang kahalagahan ng matiising pagtitiwala sa Diyos.
Karamihan sa atin ay maaaring may malinaw na paningin, subalit lahat tayo ay may mga limitasyon na maaaring maging sanhi ng ating pagkagalit o pagkabalisa. Papaano natin maaaring taglayin at isagawa ang pagtitiis?
Nakapagpapasiglang mga Halimbawa
Inilalaan sa atin ng Bibliya ang maraming maiinam na halimbawa ng pagtitiis. Ginagawang posible ng pagtitiis ni Jehova ang buhay na walang-hanggan para sa milyun-milyong tao. (2 Pedro 3:9, 15) Sa kaniyang may kabaitang paanyaya na ating pasanin ang kaniyang pamatok at ‘masumpungan ang pagpapanariwa sa [ating] mga kaluluwa,’ buong kasakdalang ipinaaninaw ni Jesus ang kahanga-hangang pagtitiis ng kaniyang Ama. (Mateo 11:28-30) Ang pagbubulay-bulay sa mga halimbawa ni Jehova at ni Jesus ay makatutulong sa atin na maging mas matiisin.
Ang isa na waring may maraming dahilan upang magalit, sumamâ ang loob, at maghiganti ay ang anak ni Jacob na si Jose. Naging di-makatarungan ang pagtrato sa kaniya ng kaniyang mga kapatid na lalaki, anupat binalak siyang patayin at sa wakas ay ipinagbili siya sa pagkaalipin. Sa Ehipto naman, sa kabila ng kaniyang maingat, tapat na paglilingkuran kay Potipar, si Jose ay di-makatarungang pinagbintangan at ibinilanggo. Matiising binatá niya ang lahat ng kapighatian, kaypala’y nauunawaan na ang gayong mga pagsubok ay makatutulong upang matupad ang mga layunin ni Jehova. (Genesis 45:5) Dahil nilinang niya ang pananampalataya at pag-asa kay Jehova lakip na ang pagpapakumbaba at kaunawaan, nakapagtiis si Jose maging sa ilalim ng napakahirap na mga kalagayan.
Isa pang mahalagang tulong ay ang banal na espiritu ni Jehova. Halimbawa, kung tayo’y madaling magalit at masakit magsalita, makapananalangin tayo para sa tulong ng banal na espiritu upang ating malinang ang mga bunga nito. Ang pagbubulay-bulay sa bawat isa sa mga bungang ito, tulad ng mahabang-pagtitiis at pagpipigil sa sarili, ay makatutulong sa atin na makita kung gaano kalapit ang kaugnayan ng mga ito sa pagtitiis.—Galacia 5:22, 23.
Mga Gantimpala sa Pagtitiis
Ang pagiging matiisin ay magdudulot sa atin ng maraming pakinabang. Pinatitibay nito ang ating pagkatao at ipinagsasanggalang tayo laban sa paggawa ng padalus-dalos, di-matalinong mga hakbang. Sino sa atin ang hindi nakagawa ng nakasasakit na mga pagkakamali dahil sa ating padalus-dalos na pagtugon sa mahihirap o maiigting na kalagayan? Baka nakapagbitiw tayo ng masakit na salita o kumilos nang may kagaspangan. Baka ang isang maliit na bagay ay pinalaki natin anupat humantong sa isang pakikipagtikisan ng kalooban sa isa nating minamahal. Pagkatapos ng matinding galit, pagkasiphayo, at hinagpis, baka may pagsisising naisip natin, ‘Kung nagtimpi lamang sana ako.’ Ang pagtitiis ay makapagsasanggalang sa atin mula sa lahat ng uri ng kahapisan. Ito lamang ay nagbibigay na sa ating buhay ng higit na kapayapaan, katatagan, at kasiyahan.—Filipos 4:5-7.
Ang pagkamatiisin ay makatutulong sa atin na magkaroon ng mahinahon, nagtitiwalang puso. Ito’y maaaring umakay sa pagtatamasa natin ng mas mabuting kalusugan ng katawan, emosyon, at espirituwalidad. (Kawikaan 14:30) Kung hindi susupilin, ang matinding galit ay maaaring maging sanhi ng emosyonal at pisikal na sakit at kamatayan. Sa kabilang dako, sa pagkamatiisin ay magkakaroon tayo ng mas positibong saloobin sa iba, lalo na sa ating espirituwal na mga kapatid at mga miyembro ng pamilya. Sa gayon tayo ay nagiging maunawain at matulungin sa halip na mayayamutin at mapintasin. Masusumpungan naman ng iba na mas magaan at mas kawili-wili tayong kasama.
Ang matatanda sa Kristiyanong kongregasyon ay lalo nang kailangang maging matiisin. Kung minsan, lumalapit sa kanila ang mga kapuwa Kristiyano na may malulubhang suliranin. Ang mga taimtim na ito ay maaaring nalilito, nababalisa, o nanlulumo, samantalang ang matatanda mismo ay pagod o abala sa kanilang pansarili o pampamilyang mga suliranin. Gayunman, napakahalaga ngang maging matiisin ng matatanda sa gayong mahihirap na kalagayan! Sa ganitong paraan ay makapagtuturo sila “nang may kahinahunan” at ‘mapakikitunguhan ang kawan nang magiliw.’ (2 Timoteo 2:24, 25; Gawa 20:28, 29) Mahahalagang buhay ang nakataya. Ano ngang laking pagpapala sa kongregasyon ang mababait, maibigin, at matiising matatanda!
Nararapat pakitunguhan ng mga ulo ng pamilya ang kanilang sambahayan nang may pagtitiis, pang-unawa, at kabaitan. Dapat din nilang asahan at pasiglahin ang lahat ng miyembro ng pamilya na magpamalas ng gayunding mga katangian. (Mateo 7:12) Ito’y makatutulong nang malaki sa pag-iibigan at kapayapaan sa tahanan.
Ang pagkamatiisin samantalang nakikibahagi sa ministeryo sa larangan ay tutulong sa mga ministrong Kristiyano na masiyahang lubos sa paglilingkurang ito. Sila’y mas masasangkapang magbata ng anumang kawalang-interes at pagsalansang na napapaharap sa kanila. Sa halip na makipagtalo sa nagagalit na mga maybahay, ang matiising mga ministro ay makapagbibigay ng mahinahong sagot o tahimik na aalis, sa gayo’y napananatili ang kapayapaan at kagalakan. (Mateo 10:12, 13) Isa pa, kapag pinakikitunguhan ng mga Kristiyano ang lahat nang may pagtitiis at kabaitan, maaakit ang mga taong tulad-tupa sa mensahe ng Kaharian. Pinagpapala ni Jehova ang matiising pagsisikap sa pambuong-daigdig na lawak, anupat taun-taon ay daan-daang libo sa maaamong naghahanap ng katotohanan ang humuhugos sa maibiging kongregasyon ni Jehova.
Tunay, ang pagkamatiisin ay magdudulot sa atin ng maiinam na gantimpala. Maiiwasan natin ang maraming sakuna at suliranin na sanhi ng di-pagpipigil sa ating sarili o padalus-dalos na pagsasalita. Tayo’y magiging mas maligaya, mahinahon, at malamang na mas malusog. Mararanasan natin ang mas malaking kagalakan at kapayapaan sa ating ministeryo, sa kongregasyon, at sa tahanan. Subalit higit sa lahat, magtatamasa tayo ng mas malapit na kaugnayan sa Diyos. Kaya maghintay kay Jehova. Magtiis!
[Talababa]
a Binago ang pangalan.
[Mga larawan sa pahina 10]
Hanggang saan ang iyong pagtitiis sa pang-araw-araw na pamumuhay?