Sikaping Maingatan ang Iyong Pamilya Hanggang sa Bagong Sanlibutan ng Diyos
“Iyong iingatan sila, Oh Jehova, iyong pakakaingatan ang bawat isa mula sa salinlahing ito hanggang sa panahong walang takda.”—AWIT 12:7.
1, 2. (a) Papaano nakapagpapatuloy ang ibang mga pamilya sa kabila ng mga kagipitan sa mga huling araw? (b) Papaano maaaring matiyak ng matitibay na pamilyang Kristiyano ang kaligtasan?
“SA ARAW na ito ang puso ko ay lipos ng kagalakan!” ang bulalas ng isang Kristiyanong matanda na nagngangalang John. Ano ang dahilan ng katuwaang ito? “Ang aking mga anak, 14-anyos na lalaki at 12-anyos na babae, ay nangabautismuhan,” aniya. Subalit hindi diyan nagtapos ang kaniyang kagalakan. “Ang aking mga anak, 17-anyos na lalaki at 16-anyos na babae, ay kapuwa nag-auxiliary pioneer nitong nakaraang taon,” sabi pa niya.
2 Maraming pamilya sa gitna natin ang may nahahawig na mabubuting resulta samantalang kanilang ikinakapit ang mga simulain ng Bibliya. Subalit, sa kabila nito, ang iba naman ay dumaranas ng ibang mga suliranin. “Kami ay may limang anak,” ang sabi sa sulat ng isang mag-asawang Kristiyano, “at patuloy na nagiging mahirap na makitungo sa kanila. Isang anak namin ang nadala na ng matandang sistemang ito. Ang aming kabataang mga tin-edyer ang waring pinupuntirya ni Satanas sa mismong sandaling ito.” May mga mag-asawa na dumaranas ng matinding alitan bilang mag-asawa, kung minsan ang resulta ay paghihiwalay o diborsiyo. Gayumpaman, ang mga pamilyang Kristiyano na nagpapaunlad ng mga katangiang Kristiyano ay maaaring makaligtas sa “malaking kapighatian” at maingatan tungo sa dumarating na bagong sanlibutan ng Diyos. (Mateo 24:21; 2 Pedro 3:13) Ano, kung gayon, ang magagawa mo upang matiyak na maiingatan ang iyong pamilya?
Pagpapabuti ng Komunikasyon
3, 4. (a) Gaano kahalaga ang komunikasyon sa pamilya, at bakit kadalasan ay may ibinabangon itong mga suliranin? (b) Bakit ang mga asawang lalaki ay dapat magsikap na maging mabubuting tagapakinig?
3 Ang mabuting komunikasyon ang pinakadugo ng buhay ng isang malusog na pamilya; kung ito’y wala, lumalala ang tensiyon at igtingan. “Nabibigo ang mga plano kung saan walang pag-uusap na may pagtitiwala,” ang sabi ng Kawikaan 15:22. Kapana-panabik, isang tagapayo sa pag-aasawa ang nag-uulat: “Ang pinakamalimit na reklamo na naririnig ko sa mga asawang babaing aking pinapayuhan ay ‘Siya’y ayaw makipag-usap sa akin,’ at ‘Siya’y ayaw makinig sa akin.’ At pagka aking ipinaalam ang reklamong ito sa kani-kanilang asawang lalaki, sila man ay hindi nakikinig sa akin.”
4 Ano ba ang dahilan ng kakulangan ng komunikasyon? Unang-una, ang mga lalaki at mga babae ay magkakaiba, at kadalasan sila ay may kapuna-punang nagkakaibang mga istilo sa komunikasyon. Isang artikulo ang bumanggit na ang isang asawang lalaki ay “mahilig maging diretso at praktikal” sa kaniyang mga pakikipag-usap, samantalang “ang ibig ng [isang asawang babae] higit sa ano pa man ay isang nakikiramay na tagapakinig.” Kung ito’y nagiging suliranin sa inyong mag-asawa, sikaping inyong mapasulong ang mga bagay-bagay. Ang isang Kristiyanong asawang lalaki ay baka kailangang puspusang magsikap na maging isang lalong mahusay na tagapakinig. “Maging maliksi ang bawat tao sa pakikinig,” sabi ni Santiago, “magmabagal sa pagsasalita.” (Santiago 1:19) Matutong iwasan ang pag-uutos, pagpapayo, o paglelektyur pagka ang ibig lamang ng iyong asawang babae ay “damdamin ng pakikiramay.” (1 Pedro 3:8) “Siyang nagtitipid ng kaniyang mga salita ay may kaalaman,” sabi ng Kawikaan 17:27.
5. Ano ang ilang mga paraan na mapabubuti ng mga asawang lalaki ang pagpapahayag ng kanilang mga kaisipan at damdamin?
5 Sa kabilang panig, may “panahon para magsalita,” at kailangang matuto kang maging lalong mahusay sa pagpapahayag ng iyong mga kaisipan at damdamin. (Eclesiastes 3:7) Halimbawa, pinupuri mo ba sa tuwina ang iyong maybahay sa kaniyang mga nagawa? (Kawikaan 31:28) Ipinakikita mo bang napasasalamat ka sa kaniyang mga pagpapagal sa pagtulong sa iyo at pag-aasikaso sa sambahayan? (Ihambing ang Colosas 3:15.) O baka kailangang pasulungin mo ang pagpapahayag ng “mga salita ng pagmamahal.” (Awit ni Solomon 1:2) Ang paggawa ng gayon ay baka waring asiwa sa iyo sa simula, ngunit makatutulong ito upang madama ng iyong maybahay ang katatagan ng iyong pag-ibig sa kaniya.
6. Ano ang magagawa ng mga asawang babae upang mapasulong ang komunikasyon ng pamilya?
6 Kumusta naman ang mga Kristiyanong asawang babae? Isang babae na sinipi ang nagsabi na alam ng kaniyang asawang lalaki na siya’y pinahahalagahan niya, kaya hindi na kailangan na sabihin iyon sa kaniya ng babae. Gayunman, ang mga lalaki ay pinatitibay rin ng pagpapahalaga, komendasyon, at papuri. (Kawikaan 12:8) Kailangan bang ikaw ay maging lalong mahusay na magpahayag tungkol sa bagay na ito? Sa kabilang dako, baka kailangang magbigay ka ng higit na atensiyon sa kung papaano ka nakikinig. Kung ang iyong asawang lalaki ay nahihirapan na ipakipag-usap ang kaniyang mga suliranin, pinangangambahan, o mga kabalisahan, natuto ka ba kung papaano siya pupukawin nang may kabaitan at mataktika?
7. Ano ang maaaring pagmulan ng pag-aaway ng mag-asawa, at papaano maiiwasan ang mga ito?
7 Kung sa bagay, kahit na ang mag-asawang karaniwan nang nagkakasundo ay baka nakararanas manaka-naka ng suliranin sa komunikasyon. Ang emosyon ay baka mangibabaw sa katuwiran, o ang isang kalmadong talakayan ay baka dagling mapauwi sa isang mainitang pagtatalo. (Kawikaan 15:1) “Tayong lahat ay malimit natitisod”; gayunman ang samaan ng loob ng mag-asawa ay hindi naman laging natatapos sa paghihiwalay. (Santiago 3:2) Subalit ang “pambubulyaw at masamang bibig” ay hindi nararapat at pumipinsala ng anumang ugnayan. (Efeso 4:31) Maging mabilis sa pakikipagpayapaan kung sakaling nagkapalitan ng nakasasakit na pananalita. (Mateo 5:23, 24) Ang mga pag-aaway ay malimit na maiiwasan unang-una kung kapuwa kayo nagkakapit ng mga salita ni Pablo sa Efeso 4:26: “Huwag lubugan ng araw ang inyong galit.” Oo, pag-usapan ang mga suliranin habang ito’y maliit pa at maaari pang ayusin; huwag maghintay hanggang sa sumapit na sa sukdulan ang silakbo ng inyong damdamin. Ang paggugol ng ilang minuto araw-araw sa pagtalakay ng mga bagay na nangangailangang pag-usapan ay malaki ang magagawa upang magbigay-daan sa komunikasyon at maiwasan ang di-pagkakaunawaan.
‘Ang Pangkaisipang-Patnubay ni Jehova’
8. Bakit maaaring ang ilang kabataan ay napahihiwalay sa katotohanan?
8 Waring kontento na ang ilang magulang na payagan na ang kanilang mga anak ay lumaki na walang gaanong patnubay. Ang mga anak ay dumadalo sa mga pulong at nagkakaroon ng kaunting bahagi sa paglilingkod sa larangan, subalit kadalasan ay hindi nila pinatitibay ang kanilang sariling kaugnayan sa Diyos. Sumasapit ang panahon na “ang pita ng laman at ang pita ng mga mata” ay maaaring umakay sa marami sa gayong mga kabataan upang mapahiwalay sa katotohanan. (1 Juan 2:16) Anong lungkot nga kung ang mga magulang ay makaliligtas sa Armagedon ngunit dahilan sa nakalipas na kapabayaan ay maiwanan ang kanilang mga anak na kasali sa mga nasawi!
9, 10. (a) Ano ang nasasangkot sa pagpapalaki ng mga anak “sa disiplina at pangkaisipang-patnubay ni Jehova”? (b) Bakit mahalaga na payagang malayang maipahayag ng mga anak ang kanilang damdamin?
9 Kaya si Pablo ay sumulat: “Kayo, mga ama, huwag ninyong ibuyo sa galit ang inyong mga anak, kundi patuloy na palakihin sila sa disiplina at pangkaisipang-patnubay ni Jehova.” (Efeso 6:4) Upang magawa iyan, kayo mismo ay kailangang nakababatid ng mga pamantayan ni Jehova. Dapat na magpakita kayo ng wastong halimbawa sa mga bagay na gaya ng inyong piniling libangan, personal na pag-aaral, pagdalo sa mga pulong, at paglilingkod sa larangan. Ang mga salita ni Pablo ay nagpapahiwatig din na ang isang magulang ay kailangang (1) maging isang listong tagapagmasid sa kaniyang mga anak at na siya’y (2) manatiling may mabuting pakikipagtalastasan sa kanila. Tanging sa ganiyang paraan malalaman ninyo kung saan sila nangangailangan ng “pangkaisipang-patnubay.”
10 Natural para sa mga bagong sibol na magsikap magkaroon ng katamtamang pagsasarili. Gayunman, kailangang maging listo ka sa malinaw na mga palatandaan ng makasanlibutang impluwensiya sa kanilang pagsasalita, pag-iisip, pananamit, pag-aayos at pagpili ng mga kaibigan. Sinabi ng isang marunong na ama ayon sa pagkasulat sa Kawikaan 23:26: “Anak ko, ibigay mo sa akin ang iyong puso.” Naiisip ba ng iyong mga anak na sila’y may kalayaang ipaalam sa iyo ang kanilang mga kaisipan at damdamin? Pagka ang mga anak ay hindi nangangambang sila’y kaagad pipintasan, baka sila ay madaling magsisiwalat ng kanilang talagang damdamin tungkol sa mga bagay na gaya ng mga extracurricular activity, pakikipag-date, edukasyon sa kolehiyo, o maging ng katotohanan sa Bibliya.
11, 12. (a) Papaano magagamit ang mga oras ng pagkain upang magbigay-daan sa pag-uusap-usap ng pamilya? (b) Ano ang maaaring maging resulta ng matiyagang pagsisikap ng isang magulang na patuloy na kausapin ang kaniyang mga anak?
11 Sa maraming mga bansa ay kaugalian para sa mga pamilya na kumain nang sama-sama. Sa gayon ang hapunan ay nagiging isang mainam na pagkakataon para lahat ng miyembro ng pamilya ay magkaroon ng bahagi sa nakapagpapatibay na pag-uusap-usap. Malimit ay napapatabi na ang pagkain ng pamilya dahil sa TV o sa iba pang mga pang-abala. Walang puknat, tuluy-tuloy, ang iyong mga anak ay naging mistulang hostage sa paaralan at nakalantad sa makasanlibutang kaisipan. Ang mga oras ng pagkain ay mabuting panahon upang makausap mo ang iyong mga anak. “Ginagamit namin ang oras ng pagkain upang pag-usapan ang mga bagay na napapaharap sa maghapon,” sabi ng isang magulang. Gayumpaman, ang mga oras ng pagkain ay hindi naman kailangang mapauwi sa kahiya-hiyang mga sandali ng pagdisiplina o masusing pagsisiyasat. Ang mga sandaling iyan ay gawin ninyong maalwan at kasiya-siya!
12 Ang pakikitungo sa mga anak upang malayang magtapat sa iyo ng kanilang niloloob ay isang hamon at nangangailangan ng walang-hanggang pagtitiyaga. Subalit, balang araw ay makikita mo ang nakagagalak-pusong mga resulta. “Ang aming 14-anyos na binatilyo ay malulungkutin, matamlay, at mapag-isa,” ang sabi ng isang inang nababahala. “Sa tulong ng aming mga panalangin at pagtitiyaga, siya’y unti-unting sumisigla at nakikipag-usap na!”
Ang Pampamilyang Pag-aaral na Nagpapatibay
13. Bakit lubhang mahalaga ang maagang pagsasanay sa mga anak, at papaano iyon magagawa?
13 Ang “pangkaisipang-patnubay” ay kinasasangkutan din ng pormal na pagtuturo sa Salita ng Diyos. Gaya kay Timoteo, ang gayong pagsasanay ay dapat magsimula “buhat sa pagkasanggol.” (2 Timoteo 3:15) Ang maagang pagsasanay ay nagpapalakas sa mga bata para sa mga pagsubok sa pananampalataya na maaaring dumating sa panahon ng mga taon ng pag-aaral—pagdiriwang ng araw ng kapanganakan, mga seremonyang makabayan, o mga kapistahang relihiyoso. Kung walang paghahanda para sa ganiyang mga pagsubok, ang pananampalataya ng isang bata ay maaaring masira. Kaya samantalahin ang mga publikasyon na inihanda ng Watch Tower Society para sa maliliit na bata, tulad halimbawa ng mga aklat na Pakikinig sa Dakilang Guro at Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya.a
14. Papaano mapananatiling palagian ang pampamilyang pag-aaral, at ano ba ang inyong ginawa upang magkaroon ng isang palagiang pampamilyang pag-aaral?
14 Ang isang pang pitak na dapat bigyang-pansin ay ang pampamilyang pag-aaral, na madaling mahulog sa pagka di-palagian o maging isang mabagal, wala sa loob na pag-aaral na nakaiinip sa kapuwa mga magulang at mga anak. Papaano mo mapahuhusay ang mga bagay? Una, kailangang ‘bilhin mo ang panahon’ para sa pag-aaral, huwag payagan na iyon ay mahalinhan ng mga palabas sa TV o iba pang dibersiyon. (Efeso 5:15-17) “Kami’y nahirapan na panatilihing regular ang aming pampamilyang pag-aaral,” ipinagtapat ng isang ulo ng pamilya. “Sinubok namin ang iba’t ibang panahon hanggang sa wakas ay nakasumpong kami ng isang oras na medyo atrasado sa gabi ngunit praktikal para sa amin. Ngayon ang aming pampamilyang pag-aaral ay palagian na.”
15. Papaano mo maiaangkop ang iyong pampamilyang pag-aaral sa mga pangangailangan ng iyong pamilya?
15 Susunod, isaalang-alang ang partikular na pangangailangan ng iyong pamilya. Maraming pamilya ang natutuwang ihanda ang kanilang lingguhang aralin sa Bantayan nang sama-sama. Subalit, pana-panahon ang iyong pamilya ay baka may espesipikong mga isyu na kailangang talakayin, kasali na ang mga suliranin na napapaharap sa paaralan. Ang aklat na Mga Tanong ng Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas at ang mga artikulo buhat sa Ang Bantayan at Gumising! ang makatutugon sa mga pangangailangang ito. “Kung aming mahimigan ang anumang saloobin ng aming mga anak na lalaki na kailangang ituwid,” anang isang ama, “kami ay nagtututok ng pansin sa partikular na kabanata sa aklat na Mga Tanong ng Kabataan na tumatalakay roon.” Isinusog ng kaniyang maybahay: “Aming sinisikap na makibagay. Kung kami’y may isinaplano para sa aming pag-aaral, at kailangan na talakayin ang ibang bagay, kami’y nakikibagay ayon sa pangangailangan.”
16. (a) Papaano mo matitiyak na naiintindihan ng iyong mga anak ang kanilang natututuhan? (b) Ano ang karaniwang dapat iwasan ng konduktor ng pampamilyang pag-aaral?
16 Papaano mo matitiyak na talagang naiintindihan ng iyong mga anak ang kanilang natututuhan? Ang Dalubhasang Guro, si Jesus, ay nagtanong ng punto de vistang mga katanungan, tulad halimbawa ng, “Ano ang palagay mo?” (Mateo 17:25) Sa pamamagitan ng paggawa rin ng ganiyan, sikaping alamin kung ano talaga ang iniisip ng iyong mga anak. Himukin ang bawat bata na sumagot ayon sa kaniyang sariling pananalita. Mangyari pa, kung ikaw ay magpapakita ng pagkagalit o pagkabigla sa kanilang taimtim na sinasabi, baka hindi na sila muling magtapat sa iyo. Kaya manatiling mahinahon. Ang pampamilyang pag-aaral ay huwag gawing isang pagkakataon na sila’y pagalitan. Iyon ay dapat na maging kasiya-siya, nakapagpapatibay. “Pagka aking natuklasan na isa sa aking mga anak ay may suliranin,” anang isang ama, “aasikasuhin ko iyon sa ibang panahon.” “Pagka ang anak ay pinakikitunguhan ng bukud-bukod,” susog ng isang ina, “ang bata ay hindi gaanong napapahiya at malamang na siya’y magsalita nang lalong may kalayaan kaysa kung pinapayuhan sa oras ng pampamilyang pag-aaral.”
17. Ano ang magagawa upang maging kawili-wili ang pampamilyang pag-aaral, at ano ang naging lubhang matagumpay para sa inyong pamilya?
17 Ang pagsisikap na makibahagi ang mga anak sa isang pampamilyang pag-aaral ay isang hamon, lalo na kung nakikitungo sa mga anak na iba-iba ang edad. Ang nakababatang mga anak ay hindi mapalagay, alumpihit, o makikitaan ng sandaliang atensiyon. Ano ang maaari mong gawin? Sikaping ang kapaligiran ng inyong pag-aaral ay maging maalwan. Kung ang iyong mga anak ay sandali lamang magbigay-atensiyon, subuking paikliin ang mga sesyon ngunit gawing lalong madalas. Nakatutulong din kung ikaw ay masigla. “Ang namumuno, gawin niya iyon nang masigla.” (Roma 12:8) Isali ang bawat isa. Ang maliliit na anak ay makapagkukomento sa mga ilustrasyon o makapagbibigay ng simpleng mga sagot. Ang mga tin-edyer ay maaaring pagawin ng karagdagang pananaliksik o ng praktikal na pagkakapit ng materyal na pinag-aaralan.
18. Papaano maituturo sa bawat pagkakataon ng mga magulang ang Salita ng Diyos, at ano ang resulta?
18 Gayunman, huwag limitahan sa isang oras sanlinggo ang espirituwal na pagtuturo. Sa bawat okasyon ay ituro sa iyong mga anak ang Salita ng Diyos. (Deuteronomio 6:7) Gumugol ng panahon na makinig sa kanila. Turuan at aliwin sila kung kinakailangan. (Ihambing ang 1 Tesalonica 2:11.) Maging mahabagin at maawain. (Awit 103:13; Malakias 3:17) Sa paggawa ng gayon, ikaw ay ‘makasusumpong ng kaluguran’ sa iyong mga anak at maitataguyod ang kanilang kaligtasan hanggang sa bagong sanlibutan ng Diyos.—Kawikaan 29:17.
“Panahon ng Pagtawa”
19, 20. (a) Anong papel ang ginaganap ng paglilibang sa buhay pampamilya? (b) Ano ang ilang paraan na makapagsasaayos ang mga magulang ng paglilibang para sa kanilang pamilya?
19 May “panahon ng pagtawa . . . , panahon ng pagsayaw.” (Eclesiastes 3:4) Ang salitang Hebreo para sa “pagtawa” ay maisasalin ng mga salitang gaya ng “magbunyi,” “maglaro,” “paglaruan,” o kaya’y “magkatuwaan.” (2 Samuel 6:21; Job 41:5; Hukom 16:25; Exodo 32:6; Genesis 26:8) Ang laro ay maaaring maging kapaki-pakinabang at ito ay mahalaga sa mga anak at mga kabataan. Noong mga panahon ng Bibliya ang mga magulang ay nagsasaayos ng mga kasayahan at paglilibang para sa kanilang pamilya. (Ihambing ang Lucas 15:25.) Kayo ba’y gumagawa rin niyan?
20 “Kami’y naglilibang sa mga parkeng pampubliko,” sabi ng isang asawang lalaking Kristiyano. “Aming inaanyayahan ang ilan sa mga kapatid na kabataan at naglalaro ng bola at nagpipiknik. Sila’y nagkakatuwaan at maligayang nakikihalubilo sa isa’t isa.” Isinusog pa ng isang magulang: “Kami’y nagpaplano ng mga bagay-bagay na dapat gawin kasama ang aming mga anak na lalaki. Kami’y lumalangoy, naglalaro ng bola, nagbabakasyon. Subalit ang paglilibang ay inilalagay namin sa dapat kalagyan. Idiniriin ko ang pangangailangan na manatiling timbang.” Ang kapaki-pakinabang na libangan, tulad halimbawa ng angkop na mga pagtitipon o pamamasyal sa mga zoo at mga museo, ay malaki ang magagawa upang mahadlangan ang isang anak sa pagkaakit sa mga kalayawan ng sanlibutan.
21. Papaano matutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na huwag makadamang sila’y pinagkakaitan dahil sa hindi pagdiriwang ng makasanlibutang kapistahan?
21 Mahalaga rin na huwag isipin ng iyong mga anak na may ipinagkakait sa kanila sapagkat hindi sila nagdiriwang ng araw ng kapanganakan o mga kapistahang di-maka-Kristiyano. Sa pamamagitan ng pagganap ng iyong bahagi sa pag-oorganisa, sila’y makaaasang makararanas ng maraming kasiya-siyang panahon sa buong santaon. Aba, ang isang mabuting magulang ay hindi nangangailangan ng isang kapistahan upang ipagdahilan ang pagpapakita ng kaniyang pag-ibig sa isang materyal na paraan. Tulad ng kaniyang makalangit na Ama, kaniyang ‘nalalaman kung papaano magbibigay ng mabubuting kaloob sa kaniyang mga anak.’—sa kusang paraan.—Mateo 7:11.
Pagtatamo ng Walang-Hanggang Kinabukasan Para sa Iyong Pamilya
22, 23. (a) Samantalang palapit ang malaking kapighatian, ano ang matitiyak ng mga pamilyang maytakot sa Diyos? (b) Ano ang magagawang pag-iingat ng mga pamilya upang maligtas tungo sa bagong sanlibutan ng Diyos?
22 Ang salmista ay dumalangin: “Iyong iingatan sila, Oh Jehova; iyong pakakaingatan ang bawat isa mula sa salinlahing ito hanggang sa panahong walang-takda.” (Awit 12:7) Ang panggigipit buhat kay Satanas ay tiyak na madaragdagan—lalo na laban sa pamilya ng mga Saksi ni Jehova. Gayunman, maaari namang madaig ang patuloy na dumaraming pag-atakeng ito. Sa tulong ni Jehova at sa matinding determinasyon at puspusang pagpapagal sa bahagi ng mga asawang lalaki, mga asawang babae, at mga anak, ang mga pamilya—kasali ang iyong pamilya—ay maaaring magkaroon ng pag-asang makaligtas na buháy sa panahon ng malaking kapighatian.
23 Kayong mga mag-asawa, gawin ninyong mapayapa at may pagkakasuwato ang inyong pagsasama sa pamamagitan ng pagtupad ng inyong bahagi na iniatas ng Diyos. Mga magulang, patuloy na magpakita ng wastong halimbawa sa inyong mga anak, na binibili ang panahon upang mabigyan sila ng pagsasanay at disiplina na lubhang kailangan nila. Kausapin sila. Pakinggan sila. Ang kanilang buhay ay nakataya! Mga anak, makinig at sumunod sa inyong mga magulang. Sa tulong ni Jehova kayo ay makapagtatagumpay at makapagtatamo para sa inyong sarili ng walang-hanggang kinabukasan sa dumarating na bagong sanlibutan ng Diyos.
[Talababa]
a May makukuha ring mga audio cassette sa mga ilang wika.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Papaano mapabubuti ng mga mag-asawa ang kanilang komunikasyon?
◻ Papaano mapalalaki ng mga magulang ang mga anak sa “pangkaisipang-patnubay ni Jehova”? (Efeso 6:4)
◻ Ano ang ilang paraan upang ang pampamilyang pag-aaral ay gawing nakapagpapatibay at lalong kawili-wili?
◻ Ano ang maaaring gawin ng mga magulang sa pagsasaayos ng libangan at kasayahan para sa kanilang mga pamilya?
[Kahon sa pahina 16]
Musika—Isang Matinding Impluwensiya
Ang sabi ng autor ng isang aklat sa pagpapalaki ng mga anak: “Kung ako’y titindig sa harap ng mga tagapakinig . . . at magmumungkahi ng walang-patumanggang paglalasingan, pagkalango sa cocaine, marijuana, o anuman sa mga pumipinsala ng isip na mga droga, kanilang pagmamasdan ako na taglay ang nakalilitong pagkamangha. . . . [Subalit] kalimitan ang mga magulang ang nagbibigay sa kanilang mga anak ng salapi na pambili ng mga plaka o mga cassette recording na hayagang nagpapayo na bumili ng mga bagay na iyon.” (Raising Positive Kids in a Negative World, ni Zig Ziglar) Halimbawa, sa Estados Unidos, ang seksuwal na mga lirikong rap ay binibigkas nang paulit-ulit ng maraming kabataan. Tinutulungan mo ba ang iyong mga anak na maging pihikan sa pagpili ng musika upang maiwasan nila ang makademonyong mga silo?
[Larawan sa pahina 15]
Ang mga oras ng pagkain ay maaaring maging kasiya-siyang mga pagkakataon na nagpapaunlad ng pampamilyang pagkakaisa at komunikasyon