Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Kaibigan Ka ba ng Diyos?—Kung Ano ang Isinisiwalat ng Iyong mga Panalangin
    Ang Bantayan—1997 | Hulyo 1
    • puso sa harap niya tungkol sa anuman na doon ay patawan tayo ng hatol ng ating mga puso, sapagkat ang Diyos ay mas dakila kaysa sa ating mga puso at nakaaalam ng lahat ng mga bagay.”

      Subalit hindi natin kailangang malagay sa kagipitan upang matamasa ang maibiging pagmamalasakit ng Diyos. Interesado si Jehova sa anumang makaaapekto sa ating espirituwal at emosyonal na kapakanan. Oo, hindi natin kailanman dapat isipin na ang ating damdamin, kaisipan, at kabalisahan ay napakaliliit lamang upang banggitin sa panalangin. (Filipos 4:6) Kapag kasama ka ng isang matalik na kaibigan, mahahalagang pangyayari lamang ba sa inyong buhay ang pinag-uusapan ninyo? Hindi ba pinag-uusapan din ninyo ang mumunting bagay? Sa katulad na paraan, malaya kang makapagsasabi kay Jehova ng tungkol sa anumang pitak ng iyong buhay, palibhasa’y natatalos na “siya ay nagmamalasakit sa inyo.”​—1 Pedro 5:7.

      Sabihin pa, malamang na hindi tumagal ang isang pagkakaibigan kung pawang tungkol lamang sa iyong sarili ang sinasabi mo. Gayundin naman, hindi dapat nakasentro sa sarili ang ating mga panalangin. Dapat din nating ipahayag ang ating pag-ibig at pagmamalasakit kay Jehova at sa kaniyang kapakanan. (Mateo 6:9, 10) Ang panalangin ay hindi lamang isang pagkakataon na humiling ng tulong sa Diyos kundi isa ring pagkakataon na magpasalamat at pumuri. (Awit 34:1; 95:2) “Ang pagkuha ng kaalaman” sa pamamagitan ng regular na personal na pag-aaral ay tutulong sa atin hinggil dito, yamang tumutulong ito sa atin na lalong makilala si Jehova at ang kaniyang mga daan. (Juan 17:3) Baka lalong makatulong sa iyo na basahin ang aklat ng Mga Awit at pansinin kung paano nagpahayag ng kanilang sarili kay Jehova ang ibang tapat na lingkod.

      Tunay ngang isang napakahalagang kaloob ang pakikipagkaibigan kay Jehova. Harinawang ipakita natin na pinahahalagahan natin ito sa pamamagitan ng ating higit na taimtim, taos-puso, at personal na mga panalangin. Kung magkagayo’y tatamasahin natin ang kaligayahang ipinahayag ng salmista, na nagsabi: “Maligaya ang isa na iyong pinipili at pinalalapit.”​—Awit 65:4.

  • Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
    Ang Bantayan—1997 | Hulyo 1
    • Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

      Natutuwa tayo sa ating pag-aaral sa talinghaga ni Jesus tungkol sa mga tupa at mga kambing. Dahil sa bagong pagkaunawa na iniharap sa “Ang Bantayan” ng Oktubre 15, 1995, masasabi pa rin ba natin na ang mga Saksi ni Jehova sa ngayon ay nakikibahagi sa isang gawaing pagbubukud-bukod?

      Oo. Mauunawaan naman, nagtatanong ang marami tungkol dito sapagkat sinasabi ng Mateo 25:31, 32: “Kapag ang Anak ng tao ay dumating sa kaniyang kaluwalhatian, at ang lahat ng mga anghel na kasama niya, kung magkagayon siya ay uupo sa kaniyang maluwalhating trono. At ang lahat ng mga bansa ay titipunin sa harap niya, at pagbubukud-bukurin niya ang mga tao mula sa isa’t isa, kung paanong pinagbubukud-bukod ng pastol ang mga tupa mula sa mga kambing.” Ipinakita ng Ang Bantayan ng Oktubre 15, 1995, kung bakit kumakapit ang mga talatang ito pagkatapos magsimula ang malaking kapighatian. Darating si Jesus na nasa kaniyang kaluwalhatian kasama ng kaniyang mga anghel at uupo sa kaniyang trono sa paghatol. Pagkatapos, pagbubukud-bukurin niya ang mga tao. Sa anong diwa? Hahatol siya batay sa ginawa o hindi ginawa ng mga tao bago ng panahong iyon.

      Maihahambing natin ito sa sunud-sunod na pangyayari sa isang legal na proseso na humahantong sa isang kaso sa korte. Nadaragdagan ang ebidensiya sa loob ng mahabang panahon bago magpasiya at maglapat ng hatol ang korte. Matagal nang natitipon ang ebidensiya kung ang mga taong nabubuhay ngayon ay mapatutunayang tupa o kambing. At nadaragdagan pa ito. Ngunit kapag naupo na si Jesus sa kaniyang trono, matatapos na ang kaso. Handa na siyang maglapat ng hatol. Pagbubukud-bukurin ang mga tao alinman tungo sa walang-hanggang pagkaputol o walang-hanggang buhay.

      Gayunpaman, ang bagay na sa hinaharap pa ang pagbubukud-bukod ng mga tao tungo sa buhay o sa kamatayan na binanggit sa Mateo 25:32 ay hindi nangangahulugan na wala nang pagbubukud-bukod, o paghihiwalay, na nagaganap bago nito. Ang Bibliya, sa Mateo kabanata 13, ay bumabanggit ng isang gawaing pagbubukud-bukod na nagaganap nang mas maaga. Kapansin-pansin, tinalakay ito ng aklat na Nagkakaisa sa Pagsamba ng Tanging Tunay na Diyos, pahina 179–​80, sa ilalim ng uluhang “Pagbubukud-bukod sa mga Tao”.a Ganito ang sabi ng aklat: “Mayroon pang ibang mahahalagang pangyayari na tuwirang iniuugnay ni Jesus sa katapusan ng sistema ng mga bagay. Isa sa mga ito ay ang pagbubukod ng ‘mga anak ng kaharian’ mula sa ‘mga anak ng balakyot.’ Binanggit ito ni Jesus sa kaniyang talinghaga hinggil sa bukid ng trigo na hinasikan ng kaaway ng mga panirang damo.”

      Tinutukoy ng aklat ang ilustrasyon ni Jesus na nasa Mateo 13:24-​30 at ipinaliwanag sa Mat 13 talata 36-​43. Pansinin na sa Mat 13 talata 38 ang mainam na binhi ng trigo ay lumalarawan sa mga anak ng Kaharian, ngunit ang mga panirang-damo ay sumasagisag sa mga anak ng isa na balakyot. Ipinakikita ng Mat 13 talata 39 at 40 na sa ‘katapusan ng sistema ng mga bagay’​—na siyang panahong kinabubuhayan natin​—ang mga panirang-damo ay tinitipon. Ang mga ito ay ibinubukod at sa wakas ay sinusunog, anupat nililipol.

      Tumutukoy ang ilustrasyon sa mga pinahirang Kristiyano (na sa talinghaga ng mga tupa at kambing ay tinawag na mga kapatid ni Jesus). Gayunman, maliwanag ang punto na talagang nagaganap ang isang mahalagang pagbubukud-bukod sa ating panahon, na kinikilala ang mga pinahiran mula roon sa mga nag-aangking Kristiyano ngunit nagpapatunay naman na sila’y “mga anak ng isa na balakyot.”

      Naglaan si Jesus ng iba pang halimbawa ng mga taong pinaghihiwalay, o pinagbubukud-bukod. Tandaan na sinabi niya hinggil sa malapad na daan na umaakay patungo sa pagkapuksa: “Marami ang mga pumapasok dito.” (Mateo 7:13) Hindi lamang ito isang komento tungkol sa panghuling kalalabasan. Ito ay komento tungkol sa kasalukuyang kaganapan, kung paanong totoo ito ngayon sa kakaunting nakasusumpong sa makipot na daan patungo sa buhay. Tandaan din na noong isinusugo ang mga apostol, sinabi ni Jesus na makasusumpong sila ng magiging mga karapat-dapat. Ang iba ay hindi magiging karapat-dapat, at dapat ipagpag ng mga apostol ang alabok mula sa kanilang mga paa “bilang patotoo laban sa” gayong mga tao. (Lucas 9:5) Hindi ba totoo na kahawig nito ang nangyayari habang isinasagawa ng mga Kristiyano ang kanilang pangmadlang ministeryo sa ngayon? Ang ilan ay may mainam na pagtugon, samantalang tinatanggihan naman ng iba ang banal na mensaheng dinadala natin.

      Ganito ang sabi ng mga artikulo sa Ang Bantayan na tumatalakay sa mga tupa at mga kambing: “Samantalang sa hinaharap pa ang paghatol na inilarawan sa talinghaga, ngayon pa lamang ay nagaganap na ang isang mahalagang bagay. Tayong mga Kristiyano ay gumaganap ng isang nagliligtas-buhay na gawain ng paghahayag ng mensahe na nagiging sanhi ng pagkakabaha-bahagi sa mga tao. (Mateo 10:32-39).” Sa talatang ito sa Mateo kabanata 10, mababasa natin na sinabi ni Jesus na ang pagsunod sa kaniya ay magiging sanhi ng pagkakabaha-bahagi​—ang ama laban sa anak na lalaki, anak na babae laban sa ina.

      Sa wakas, pinangungunahan ng pinahiran-ng-espiritung mga kapatid ni Kristo ang pambuong-daigdig na pangangaral ng mensahe ng Kaharian. Habang naririnig ito ng mga tao at tumutugon nang may pagsang-ayon o di-pagsang-ayon, ipinakikilala nila ang kanilang sarili. Tayong mga tao ay hindi maaari, at hindi tayo dapat, na magsabi, ‘Ang taong ito ay tupa; ang isang iyan ay kambing,’ sa diwa na ipinahiwatig sa Mateo kabanata 25. Gayunman, ang paghahayag natin sa mga tao ng mabuting balita ay nagpapangyari sa kanila na maipakita kung ano ang paninindigan nila​—kung ano sila at kung paano sila tumutugon sa mga kapatid ni Jesus. Kaya naman, tulad ng tumatambak na ebidensiya para sa isang kaso sa korte, ang dibisyon sa pagitan niyaong sumusuporta sa mga kapatid ni Jesus at niyaong tumatangging sumuporta sa kanila ay lalong nakikita. (Malakias 3:18) Gaya ng ipinakita ng Ang Bantayan, si Jesus ay malapit nang umupo sa kaniyang trono at magpahayag ng hatol, anupat ang mga tao ay hudisyal na pagbubukud-bukurin sa pangwakas na diwa tungo sa buhay o sa pagkaputol.

      [Talababa]

      a Inilathala noong 1983 ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share