Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Mga Magulang, Ano ang Itinuturo ng Inyong Halimbawa?
    Ang Bantayan—1999 | Hulyo 1
    • Mga Magulang, Ano ang Itinuturo ng Inyong Halimbawa?

      “Maging mga tagatulad kayo sa Diyos, gaya ng mga anak na iniibig, at patuloy na lumakad sa pag-ibig.”​—EFESO 5:1, 2.

      1. Anong uri ng mga tagubilin ang inilaan ni Jehova sa unang mag-asawang tao?

      SI Jehova ang Pinagmulan ng kaayusang pampamilya. Utang sa kaniya ng bawat pamilya ang pag-iral nito sapagkat itinatag niya ang unang pamilya at binigyan ng kakayahang magkaanak ang unang mag-asawang tao. (Efeso 3:14, 15) Pinaglaanan niya sina Adan at Eva ng saligang tagubilin hinggil sa kanilang mga pananagutan at binigyan din sila ng sapat na pagkakataon upang gamitin ang kanilang sariling pag-iisip sa pagsasagawa ng mga ito. (Genesis 1:28-​30; 2:6, 15-​22) Matapos magkasala sina Adan at Eva, naging lalong masalimuot ang mga kalagayan na kinailangang harapin ng mga pamilya. Gayunpaman, maibiging naglaan si Jehova ng mga alituntunin na tutulong sa kaniyang mga lingkod upang maharap ang gayong mga situwasyon.

      2. (a) Sa paanong paraan nilakipan ni Jehova ng bibigang pagtuturo ang nasusulat na payo? (b) Ano ang dapat itanong ng mga magulang sa kanilang sarili?

      2 Bilang ating Dakilang Tagapagturo, marami pang ginawa si Jehova bukod sa paglalaan ng nasusulat na mga tagubilin hinggil sa kung ano ang dapat nating gawin at dapat iwasan. Noong unang panahon, ang nasusulat na instruksiyon ay nilakipan niya ng bibigang instruksiyon sa pamamagitan ng mga saserdote at mga propeta at sa pamamagitan ng mga ulo ng pamilya. Sino pa ang ginagamit niya upang maglaan ng gayong bibigang pagtuturo sa ating panahon? Ang Kristiyanong matatanda at mga magulang. Kung isa kang magulang, ginagampanan mo ba ang iyong bahagi sa pagtuturo sa iyong pamilya sa mga daan ni Jehova?​—Kawikaan 6:20-23.

      3. Ano ang matututuhan ng mga ulo ng pamilya mula kay Jehova may kinalaman sa mabisang pagtuturo?

      3 Paano ba dapat ilaan ang gayong pagtuturo sa loob ng pamilya? Nagpakita si Jehova ng parisan. Maliwanag niyang sinasabi kung ano ang mabuti at kung ano ang masama, at madalas siyang gumamit ng pag-uulit. (Exodo 20:4, 5; Deuteronomio 4:23, 24; 5:8, 9; 6:14, 15; Josue 24:19, 20) Naghaharap siya ng mga tanong na pumupukaw sa isip. (Job 38:4, 8, 31) Sa pamamagitan ng mga ilustrasyon at mga halimbawa sa totoong buhay, inaantig niya ang ating damdamin at hinuhubog ang ating puso. (Genesis 15:5; Daniel 3:1-​29) Mga magulang, kapag tinuturuan ninyo ang inyong mga anak, sinisikap ba ninyong tularan ang parisang iyan?

      4. Ano ang natututuhan natin kay Jehova may kinalaman sa paglalapat ng disiplina, at bakit mahalaga ang disiplina?

      4 Si Jehova ay matatag sa kung ano ang tama, ngunit nauunawaan niya ang mga epekto ng di-kasakdalan. Kaya bago siya magparusa, siya’y nagtuturo at paulit-ulit na nagbababala at nagpapaalaala sa di-sakdal na mga tao. (Genesis 19:15, 16; Jeremias 7:23-​26) Kapag nagdidisiplina siya, ginagawa niya ito sa tamang antas, hindi labis-labis. (Awit 103:10, 11; Isaias 28:26-​29) Kung ganiyan ang pakikitungo natin sa ating mga anak, patotoo ito na kilala natin si Jehova, at magiging mas madali para sa kanila na makilala rin siya.​—Jeremias 22:16; 1 Juan 4:8.

      5. Ano ang matututuhan ng mga magulang mula kay Jehova tungkol sa pakikinig?

      5 Sa kamangha-manghang paraan, si Jehova ay nakikinig bilang isang maibiging Ama sa langit. Hindi siya basta nagpapalabas lamang ng mga utos. Pinatitibay-loob niya tayo na sabihin sa kaniya ang nilalaman ng ating puso. (Awit 62:8) At kung hindi naman tama ang mga damdaming ipinahahayag natin, hindi siya sumisigaw ng pagsaway mula sa langit. Tayo’y matiyaga niyang tinuturuan. Angkop nga, kung gayon, ang payo ni apostol Pablo: “Maging mga tagatulad kayo sa Diyos, gaya ng mga anak na iniibig”! (Efeso 4:31–​5:1) Ano ngang inam na halimbawa ang inilaan ni Jehova para sa mga magulang habang sinisikap nilang maturuan ang kanilang mga anak! Iyon ay isang halimbawa na tumatagos sa ating puso at gumaganyak sa atin na lumakad sa kaniyang daan ukol sa buhay.

      Ang Impluwensiya ng Halimbawa

      6. Paano nakaiimpluwensiya sa kanilang mga anak ang saloobin at halimbawa ng mga magulang?

      6 Bukod sa bibigang pagtuturo, ang halimbawa ay may malaking impluwensiya sa mga bata. Gustuhin man o hindi ng mga magulang, tutularan sila ng kanilang mga anak. Maaaring makalugod sa magulang​—kung minsan ay makagimbal sa kanila​—kapag narinig nilang nagsasalita ang kanilang mga anak ng mga bagay na nasabi na rin nila mismo. Kapag kapuwa ang paggawi at saloobin ng mga magulang ay nagpapaaninaw ng matinding pagpapahalaga sa espirituwal na mga bagay, nagkakaroon ito ng positibong impluwensiya sa mga anak.​—Kawikaan 20:7.

      7. Anong uri ng halimbawa ng magulang ang inilaan ni Jefte sa kaniyang anak na babae, at ano ang naging resulta?

      7 Ang epekto ng halimbawa ng magulang ay mainam na inilarawan sa Bibliya. Si Jefte, na ginamit ni Jehova upang akayin ang Israel sa tagumpay laban sa mga Ammonita, ay isa ring ama. Sa ulat ng kaniyang naging pagtugon sa hari ng Ammon, ipinahihiwatig na madalas basahin ni Jefte ang kasaysayan ng pakikitungo ni Jehova sa Israel. Malaya siyang sumisipi mula sa kasaysayang iyan, at nagpakita siya ng matibay na pananampalataya kay Jehova. Tiyak, ang kaniyang halimbawa ay nakatulong sa kaniyang anak na babae upang magkaroon ng pananampalataya at espiritu ng pagsasakripisyo sa sarili na ipinamalas niya sa habambuhay na paglilingkuran kay Jehova bilang isang dalaga.​—Hukom 11:14-27, 34-40; ihambing ang Josue 1:8.

      8. (a) Anong mainam na saloobin ang ipinakita ng mga magulang ni Samuel? (b) Paano iyon pinakinabangan ni Samuel?

      8 Si Samuel ay isang ulirang bata at tapat sa Diyos bilang isang propeta sa buong buhay niya. Nais ba ninyong maging katulad niya ang inyong mga anak? Suriin ang halimbawang ipinakita ng mga magulang ni Samuel, sina Elkana at Hana. Bagaman hindi uliran ang situwasyon sa kanilang sambahayan, sila’y regular na pumaparoon sa Shilo upang sumamba, ang dako na kinaroroonan ng sagradong tabernakulo. (1 Samuel 1:3-8, 21) Pansinin ang masidhing damdamin ni Hana sa kaniyang panalangin. (1 Samuel 1:9-​13) Bigyang-pansin ang nadama nilang dalawa hinggil sa kahalagahan ng pagtupad sa anumang ipinangako sa Diyos. (1 Samuel 1:22-​28) Ang kanilang mainam na halimbawa ay tiyak na nakatulong kay Samuel upang magkaroon ng mga katangiang nagpangyari sa kaniya na magtaguyod ng tamang landasin​—kahit na ang mga tao sa paligid niya na di-umano’y naglilingkod kay Jehova ay hindi nagpakita ng paggalang sa mga daan ng Diyos. Nang maglaon, pinagkatiwalaan ni Jehova si Samuel ng responsibilidad bilang Kaniyang propeta.​—1 Samuel 2:11, 12; 3:1-21.

      9. (a) Anong mga impluwensiya sa tahanan ang nagkaroon ng mabuting epekto kay Timoteo? (b) Naging anong uri ng tao si Timoteo?

      9 Nais ba ninyong ang inyong anak na lalaki ay maging katulad ni Timoteo, na bilang isang kabataan ay naging kasamahan ni apostol Pablo? Ang ama ni Timoteo ay hindi mananampalataya, ngunit ang kaniyang ina at lola ay nagpakita ng mainam na halimbawa ng pagpapahalaga sa espirituwal na mga bagay. Tiyak na nakatulong ito upang maglatag ng mahusay na pundasyon sa buhay ni Timoteo bilang isang Kristiyano. Sinasabi sa atin na ang kaniyang ina, si Eunice, at ang kaniyang lola na si Loida ay may “pananampalatayang . . . walang anumang pagpapaimbabaw.” Ang kanilang buhay bilang mga Kristiyano ay hindi palabas lamang; talagang namuhay sila ayon sa kanilang pinaniniwalaan, at ganito rin ang itinuro nila sa batang si Timoteo. Pinatunayan ni Timoteo na siya ay maaasahan at taimtim na nagmamalasakit sa kapakanan ng iba.​—2 Timoteo 1:5; Filipos 2:20-22.

      10. (a) Anong mga halimbawa sa labas ng tahanan ang maaaring makaapekto sa ating mga anak? (b) Paano tayo dapat tumugon kapag nakikita ang mga impluwensiyang ito sa pananalita o saloobin ng ating mga anak?

      10 Ang mga halimbawa na nakaaapekto sa ating mga anak ay hindi pawang nasa loob ng tahanan. Nariyan ang mga bata na kasama nila sa paaralan, mga guro na ang gawain ay hubugin ang mga murang kaisipan, mga taong may matinding paniniwala na ang lahat ay dapat sumunod sa malalim-ang-pagkakaugat na mga kaugalian sa tribo o pamayanan, mga idolo sa palakasan na ang mga tagumpay ay malawakang pinupuri, at mga opisyal ng bayan na ang paggawi ay laging itinatampok sa balita. Milyun-milyong bata ang nalalantad din sa kalupitan ng digmaan. Dapat ba nating ipagtaka kung ang mga impluwensiyang ito ay makita sa pananalita o saloobin ng ating mga anak? Paano tayo tumutugon kapag gayon nga ang nangyayari? Nalulutas ba ang problema sa pamamagitan ng matinding saway o mahigpit na sermon? Sa halip na magalit kaagad sa ating mga anak, hindi ba mas mabuti na tanungin ang ating sarili, ‘Mayroon bang anumang bagay sa paraan ng pakikitungo ni Jehova sa atin na maaaring makatulong upang matiyak kung paano haharapin ang ganitong situwasyon?’​—Ihambing ang Roma 2:4.

      11. Kapag nagkamali ang mga magulang, paano ito makaaapekto sa saloobin ng kanilang mga anak?

      11 Sabihin pa, hindi laging mahaharap ng di-sakdal na mga magulang ang mga situwasyon sa pinakamainam na paraan. Sila’y magkakamali. Kapag natalos ito ng mga anak, mawawala ba ang respeto nila sa kanilang mga magulang? Maaaring magkagayon nga, lalo na kung tatangkain ng mga magulang na ipagwalang-bahala ang kanilang mga pagkakamali sa pamamagitan ng mahigpit na paggiit ng kanilang awtoridad. Ngunit maaaring ibang-iba rito ang kahihinatnan kung ang mga magulang ay mapagpakumbaba at malayang aamin ng kanilang pagkakamali. Sa ganito, makapaglalaan sila ng mahalagang halimbawa para sa kanilang mga anak, na kailangang matutong gumawa rin ng gayon.​—Santiago 4:6.

      Kung Ano ang Maaaring Ituro ng Ating Halimbawa

      12, 13. (a) Ano ang kailangang matutuhan ng mga anak tungkol sa pag-ibig, at paano ito pinakamabisang maituturo? (b) Bakit mahalaga na matutuhan ng mga anak ang tungkol sa pag-ibig?

      12 Maraming mahahalagang aral na pinakamabisang maituturo kapag ang bibigang pagtuturo ay nilalakipan ng isang mabuting halimbawa. Isaalang-alang ang ilan sa mga ito.

      13 Pagpapahayag ng walang-pag-iimbot na pag-ibig: Ang isa sa pinakamahahalagang aral na mapatitibay sa pamamagitan ng halimbawa ay ang kahulugan ng pag-ibig. “Tayo ay umiibig, sapagkat [ang Diyos] ang unang umibig sa atin.” (1 Juan 4:19) Siya ang Pinagmumulan at pinakadakilang halimbawa ng pag-ibig. Ang may-simulaing pag-ibig na ito, ang a·gaʹpe, ay binabanggit sa Bibliya nang mahigit na 100 ulit. Iyon ay isang katangian na pagkakakilanlan sa mga tunay na Kristiyano. (Juan 13:35) Dapat ipakita ang gayong pag-ibig sa Diyos at kay Jesu-Kristo at gayundin ng mga tao sa isa’t isa​—kahit na sa mga taong hindi natin gusto. (Mateo 5:44, 45; 1 Juan 5:3) Ang pag-ibig na ito ay dapat na nasa ating puso at makikita sa ating buhay bago natin mabisang maituro ito sa ating mga anak. Mas malakas mangusap ang gawa kaysa sa salita. Sa loob ng pamilya, kailangang makita at maranasan ng mga anak ang pag-ibig at ang kaugnay nitong mga katangian, gaya ng pagmamahal. Kung wala nito, mapipigil ang paglaki ng bata sa pisikal, mental, at emosyonal na paraan. Kailangan ding makita ng mga anak kung paano wastong maipapakita ang pag-ibig at pagmamahal sa mga kapuwa Kristiyano na hindi nila kapamilya.​—Roma 12:10; 1 Pedro 3:8.

      14. (a) Paano matuturuan ang mga anak ng mabuting paggawa na nagdudulot ng kasiyahan? (b) Paano ito maisasagawa sa kalagayan ng inyong pamilya?

      14 Matuto kung paano gumawa: Ang paggawa ay isang mahalagang bahagi ng buhay. Upang makadama ng pagpapahalaga sa sarili, kailangang matutuhan ng tao ang mabuting paggawa. (Eclesiastes 2:24; 2 Tesalonica 3:10) Kung ang isang anak ay inatasan ng mga gawain nang hindi gaanong nabigyan ng tagubilin at saka pinagalitan dahil sa hindi niya mahusay na nagawa iyon, malamang na hindi siya matuto ng mabuting paggawa. Ngunit kapag ang mga anak ay natututo sa pamamagitan ng aktuwal na paggawang kasama ng kanilang mga magulang at nabibigyan ng angkop na komendasyon, malamang na matuto sila kung paano gagawa na nagdudulot ng kasiyahan. Kung ang halimbawa ng mga magulang ay nilalakipan ng paliwanag, baka matutuhan ng mga anak hindi lamang kung paano tatapusin ang gawain kundi kung paano rin malulutas ang mga suliranin, kung paano magtitiyaga sa isang gawain hanggang sa matapos ito, at kung paano mangangatuwiran at magpapasiya. Sa ganitong kalagayan ay matutulungan silang maunawaan na si Jehova ay gumagawa rin, na mabuti ang kaniyang gawa, at na tinutularan ni Jesus ang kaniyang Ama. (Genesis 1:31; Kawikaan 8:27-​31; Juan 5:17) Kung ang isang pamilya ay nagsasaka o nagpapatakbo ng isang negosyo, ang ilang miyembro ng pamilya ay maaaring gumawang sama-sama. O marahil ay matuturuan ng ina ang kaniyang anak na lalaki o babae na magluto at magligpit matapos kumain. Ang isang ama na nagtatrabaho sa malayo ay maaaring magplano na gumawa ng mga proyekto sa bahay na kasama ang kaniyang mga anak. Totoong kapaki-pakinabang kung iisipin ng mga magulang hindi lamang ang pagtatapos kaagad ng mga gawain kundi ang paghahanda rin sa kanilang mga anak para sa magiging buhay nila sa kalaunan!

      15. Sa anu-anong paraan maituturo ang mga aral tungkol sa pananampalataya? Ilarawan.

      15 Pag-iingat ng pananampalataya sa harap ng kagipitan: Ang pananampalataya ay isa ring mahalagang bahagi ng ating buhay. Kapag pinag-uusapan ang pananampalataya sa pampamilyang pag-aaral, maaaring matutuhan ng mga anak na mabigyan ito ng kahulugan. Maaari rin nilang mabatid ang patotoo na nagiging dahilan ng paglago ng pananampalataya sa kanilang puso. Ngunit kapag nakikita nilang nagpapamalas ng matibay na pananampalataya ang kanilang mga magulang sa kabila ng matitinding pagsubok, ang epekto ay maaaring tumagal habambuhay. Isang estudyante ng Bibliya sa Panama ang pinagbantaang palalayasin ng kaniyang asawa sa kanilang bahay kung hindi siya hihinto ng paglilingkod kay Jehova. Gayunpaman, kasama ng kaniyang apat na maliliit na anak, regular pa rin niyang nilalakad ang 16 na kilometro at saka sumasakay ng bus sa layong 30 kilometro upang makarating sa pinakamalapit na Kingdom Hall. Palibhasa’y napatibay sa halimbawang iyan, mga 20 miyembro ng kaniyang pamilya ang yumakap sa daan ng katotohanan.

      Paglalaan ng Halimbawa sa Pagbabasa ng Bibliya Araw-araw

      16. Bakit inirerekomenda na basahin ng pamilya ang Bibliya araw-araw?

      16 Isa sa pinakamahahalagang kaugalian na maitatatag ng anumang pamilya​—isang kaugalian na pakikinabangan ng mga magulang at magiging isang halimbawa para tularan ng mga anak​—ang regular na pagbabasa ng Bibliya. Hangga’t maaari, basahin ang Bibliya araw-araw. Hindi ang dami ng nababasa ang siyang pinakamahalaga. Makapupong higit na mahalaga ang pagiging regular at ang paraan ng pagbabasa. Para sa mga anak, ang pagbabasa ng Bibliya ay maaaring lakipan ng pakikinig sa mga audiocassette ng My Book of Bible Stories kung mayroon nito sa inyong wika. Ang pagbabasa ng Salita ng Diyos sa araw-araw ay tumutulong sa atin na laging unahin ang kaisipan ng Diyos. At kung ang gayong pagbabasa ng Bibliya ay gagawin hindi lamang ng mga indibiduwal kundi ng mga pamilya, makatutulong ito sa buong sambahayan upang makalakad sa mga daan ni Jehova. Ang kaugaliang ito ang pinasigla sa kamakailang “Ang Daan ng Diyos Ukol sa Buhay” na mga Kombensiyon sa dramang Mga Pamilya​—Ugaliin ang Pagbabasa ng Bibliya Araw-Araw!​—Awit 1:1-3.

      17. Paano nakatutulong ang pampamilyang pagbabasa ng Bibliya at pagsasaulo ng mga pangunahing teksto sa pagkakapit ng payo sa Efeso 6:4?

      17 Ang pagbabasa ng Bibliya bilang isang pamilya ay kasuwato ng isinulat ni apostol Pablo sa kaniyang kinasihang liham sa mga Kristiyano sa Efeso, na ang sabi: “Mga ama, huwag ninyong inisin ang inyong mga anak, kundi patuloy na palakihin sila sa disiplina at pangkaisipang-pagtutuwid ni Jehova.” (Efeso 6:4) Ano ang ibig sabihin nito? Ang “pangkaisipang-pagtutuwid” ay literal na nangangahulugang “paglalagay ng isip sa”; kaya hinihimok ang mga Kristiyanong ama na ilagay ang isip ng Diyos na Jehova sa kanilang mga anak​—tulungan ang mga anak na mabatid ang mga kaisipan ng Diyos. Upang magawa ito, makatutulong kung pasisiglahin ang mga anak na sauluhin ang mga pangunahing teksto. Ang layunin ay upang patnubayan ng mga kaisipan ni Jehova ang pag-iisip ng mga anak nang sa gayo’y unti-unting masasalamin sa mga hangarin at paggawi ng mga anak ang makadiyos na mga pamantayan kasama man o hindi ng mga magulang ang mga anak. Ang Bibliya ang siyang saligan sa gayong pag-iisip.​—Deuteronomio 6:6, 7.

      18. Kapag nagbabasa ng Bibliya, ano ang maaaring kailanganin upang (a) maunawaan ito nang malinaw? (b) makinabang sa payo nito? (c) tumugon sa isinisiwalat nito tungkol sa layunin ni Jehova? (d) makinabang sa sinasabi nito tungkol sa mga saloobin at pagkilos ng mga tao?

      18 Mangyari pa, upang magkaroon ng epekto ang Bibliya sa ating buhay, kailangan nating maunawaan ang sinasabi nito. Para sa marami, baka mangailangan ito ng pagbabasa ng mga bahagi nito nang hindi lamang minsanan. Upang maunawaan ang ganap na diwa ng ilang pananalita, baka kailangan nating tingnan ang mga salita sa isang diksyunaryo o sa Insight on the Scriptures. Kung ang kasulatan ay nagtataglay ng payo o isang utos, pag-usapan ang tungkol sa mga situwasyon sa ating panahon na nagpapangyaring ito’y maging angkop. Saka maitatanong ninyo, ‘Paano tayo makikinabang sa pagkakapit ng payong ito?’ (Isaias 48:17, 18) Kung ang kasulatan ay may sinasabi tungkol sa ilang bahagi ng layunin ni Jehova, itanong, ‘Paano naaapektuhan nito ang ating buhay?’ Marahil ay binabasa ninyo ang isang ulat na nagsasabi tungkol sa mga saloobin at pagkilos ng mga tao. Anong mga kagipitan sa buhay ang kanilang nararanasan? Paano nila hinarap ang mga ito? Paano tayo makikinabang sa kanilang halimbawa? Laging maglaan ng panahon upang pag-usapan ang kahulugan ng salaysay sa ating buhay ngayon.​—Roma 15:4; 1 Corinto 10:11.

      19. Sa pagiging mga tagatulad sa Diyos, ano ang ilalaan natin sa ating mga anak?

      19 Anong inam na paraan upang ikintal sa ating isip at puso ang mga kaisipan ng Diyos! Sa gayo’y matutulungan talaga tayo na maging ‘mga tagatulad ng Diyos, gaya ng mga anak na iniibig.’ (Efeso 5:1) At maglalaan tayo ng halimbawa na talagang karapat-dapat tularan ng ating mga anak.

      Natatandaan Mo Ba?

      ◻ Paano makikinabang ang mga magulang mula sa halimbawa ni Jehova?

      ◻ Bakit dapat lakipan ng mabuting halimbawa ng magulang ang bibigang pagtuturo sa mga anak?

      ◻ Ano ang ilang aral na pinakamainam na naituturo sa pamamagitan ng halimbawa ng magulang?

      ◻ Paano tayo lubusang makikinabang sa pampamilyang pagbabasa ng Bibliya?

  • Regular na Pag-aralan ang Salita ng Diyos Bilang Isang Pamilya
    Ang Bantayan—1999 | Hulyo 1
    • Regular na Pag-aralan ang Salita ng Diyos Bilang Isang Pamilya

      “Ang tao ay mabubuhay, hindi sa tinapay lamang, kundi sa bawat pananalitang lumalabas sa bibig ni Jehova.”​—MATEO 4:4.

      1. Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pananagutan ng mga ulo ng pamilya na turuan ang kanilang mga anak sa daan ni Jehova?

      MADALAS paalalahanan ng Diyos na Jehova ang mga ulo ng pamilya hinggil sa kanilang pananagutan na turuan ang kanilang mga anak. Sasangkapan ng gayong pagtuturo ang mga anak para sa buhay sa kasalukuyan at makatutulong din na ihanda sila para sa buhay sa hinaharap. Sinabi kay Abraham ng isang anghel na kumakatawan sa Diyos ang kaniyang pananagutan na turuan ang kaniyang sambahayan upang “ingatan nila ang daan ni Jehova.” (Genesis 18:19) Sinabihan ang mga magulang na Israelita na ipaliwanag sa kanilang mga anak kung paano iniligtas ng Diyos ang Israel mula sa Ehipto at kung paano niya ibinigay sa kanila ang kaniyang Kautusan sa Bundok Sinai, na nasa Horeb. (Exodo 13:8, 9; Deuteronomio 4:9, 10; 11:18-​21) Pinapayuhan ang mga Kristiyanong ulo ng pamilya na palakihin ang kanilang mga anak “sa disiplina at pangkaisipang-pagtutuwid ni Jehova.” (Efeso 6:4) Kahit na iisang magulang lamang ang naglilingkod kay Jehova, dapat sikapin ng isang iyon na ituro sa mga anak ang mga daan ni Jehova.​—2 Timoteo 1:5; 3:14, 15.

      2. Kailangan ba ang pampamilyang pag-aaral kung wala namang mga anak sa tahanan? Ipaliwanag.

      2 Hindi ito nangangahulugan na ang pampamilyang pag-aaral ng Salita ng Diyos ay para lamang sa mga sambahayan na may mga anak. Kapag ang mag-asawa ay may pampamilyang pag-aaral kahit na walang mga anak sa tahanan, nagpapakita ito ng mainam na pagpapahalaga sa espirituwal na mga bagay.​—Efeso 5:25, 26.

      3. Bakit mahalaga ang pagiging regular ng pag-aaral ng pamilya?

      3 Upang makinabang nang husto, ang pagtuturo ay kailangang ilaan nang regular, kasuwato ng aral na itinuro ni Jehova sa Israel sa iláng: “Hindi sa tinapay lamang nabubuhay ang tao kundi sa bawat pananalita sa bibig ni Jehova ay nabubuhay ang tao.” (Deuteronomio 8:3) Depende sa kalagayan ng pamilya, ang ilang sambahayan ay maaaring magsaayos ng lingguhang pag-aaral; ang iba naman ay may maiikling sesyon sa pag-aaral araw-araw. Anumang kaayusan ang piliin ninyo, huwag ipaubaya sa pagkakataon ang pag-aaral. ‘Bilhin ang panahon’ para rito. Ang pagbabayad ng kinakailangang halaga para sa gayong panahon ay isang mahusay na pamumuhunan. Buhay ng mga miyembro ng inyong pamilya ang nakataya.​—Efeso 5:15-17; Filipos 3:16.

      Mga Tunguhin na Dapat Tandaan

      4, 5. (a) Sa pamamagitan ni Moises, ano ang ipinakita ni Jehova sa mga magulang bilang isang mahalagang tunguhin sa pagtuturo sa kanilang mga anak? (b) Ano ang nasasangkot dito sa ngayon?

      4 Kapag nangangasiwa kayo sa pampamilyang pag-aaral, makikinabang nang husto kung isasaisip ninyo ang malinaw na mga tunguhin. Isaalang-alang ang ilang posibilidad.

      5 Sa bawat pag-aaral, sikaping linangin ang pag-ibig sa Diyos na Jehova. Habang nagkakatipon ang Israel sa kapatagan ng Moab, bago sila pumasok sa Lupang Pangako, itinuon ni Moises ang kanilang pansin sa ipapakilala ni Jesu-Kristo sa dakong huli bilang “ang pinakadakilang kautusan sa Batas.” Ano ba iyon? “Ibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang buong puso mo at nang buong kaluluwa mo at nang buong lakas mo.” (Mateo 22:36, 37; Deuteronomio 6:5) Hinimok ni Moises ang mga Israelita na ikintal ito sa kanilang puso at ituro ito sa kanilang mga anak. Mangangailangan iyan ng pag-uulit, pag-akay ng pansin sa mga dahilan upang ibigin si Jehova, pagharap sa mga saloobin at paggawi na makahahadlang sa pagpapahayag ng gayong pag-ibig, at pagpapamalas ng pag-ibig kay Jehova sa kanilang sariling buhay. Kailangan ba ng ating mga anak ang ganito ring uri ng pagtuturo? Oo! At kailangan din nila ng tulong upang ‘tuliin ang kanilang puso,’ alalaong baga’y, alisin ang anumang makahahadlang sa kanilang pag-ibig sa Diyos. (Deuteronomio 10:12, 16; Jeremias 4:4) Maaaring kabilang sa gayong mga hadlang ang pagnanasa sa mga bagay ng sanlibutan at sa mga pagkakataon na maging abala sa mga gawain nito. (1 Juan 2:15, 16) Ang pag-ibig kay Jehova ay dapat na isinasagawa, ipinahahayag, anupat nagpapakilos sa atin na gawin ang mga bagay na kalugud-lugod sa ating makalangit na Ama. (1 Juan 5:3) Upang magkaroon ng pangmatagalang pakinabang mula sa inyong pampamilyang pag-aaral, ang bawat sesyon ay dapat na pangasiwaan sa paraan na nagpapatibay sa pag-ibig na ito.

      6. (a) Ano ang kailangan upang maitawid ang tumpak na kaalaman? (b) Paano idiniriin ng Kasulatan ang kahalagahan ng tumpak na kaalaman?

      6 Itawid ang tumpak na kaalaman sa mga kahilingan ng Diyos. Ano ang nasasangkot dito? Hindi lamang ang pagbasa ng sagot mula sa isang magasin o aklat ang nasasangkot dito. Karaniwan nang nangangailangan ng talakayan upang matiyak na naunawaan nang husto ang mga susing salita at mga pangunahing ideya. Ang tumpak na kaalaman ay isang mahalagang salik sa pagsusuot ng bagong personalidad, sa pagtututok ng pansin sa talagang mahahalagang bagay kapag hinaharap ang mga suliranin sa buhay, at sa gayon, sa paggawa ng tunay na nakalulugod sa Diyos.​—Filipos 1:9-11; Colosas 1:9, 10; 3:10.

      7. (a) Ang paggamit ng anong mga tanong ang maaaring makatulong sa pamilya na maikapit sa praktikal na paraan ang araling materyal? (b) Paano idiniriin ng Kasulatan ang kahalagahan ng gayong tunguhin?

      7 Tumulong upang maikapit sa praktikal na paraan ang natutuhan. Taglay ang ganitong tunguhin, sa bawat pag-aaral ng pamilya, magtanong ng ganito: ‘Paano dapat makaapekto sa ating buhay ang materyal na ito? Kailangan ba ang anumang pagbabago sa ginagawa natin sa kasalukuyan? Bakit natin nanaising gumawa ng mga pagbabago?’ (Kawikaan 2:10-​15; 9:10; Isaias 48:17, 18) Ang pagbibigay ng sapat na atensiyon sa pagkakapit ng mga natutuhan sa praktikal na paraan ay maaaring maging isang mahalagang salik sa espirituwal na pagsulong ng mga miyembro ng pamilya.

      Gamitin Nang May Katalinuhan ang mga Kasangkapan sa Pagtuturo

      8. Anong mga kasangkapan sa pag-aaral ng Bibliya ang inilaan ng uring alipin?

      8 “Ang tapat at matalinong alipin” ay naglaan ng saganang kasangkapan na magagamit sa pag-aaral. Ang magasing Bantayan, na ginagamit na kasama ng Bibliya, ay makukuha na sa 131 wika. May mga aklat sa pag-aaral ng Bibliya sa 153 wika, 284 naman sa mga brosyur, 61 sa mga audiocassette, 41 sa mga videocassette, 9 na wika pa nga sa isang programa sa computer para sa pagsasaliksik sa Bibliya!​—Mateo 24:45-47.

      9. Paano natin maikakapit ang payo sa mga teksto na binanggit sa parapong ito kapag nagdaraos ng pampamilyang pag-aaral sa Bantayan?

      9 Ginugugol ng maraming sambahayan ang panahon sa pampamilyang pag-aaral para maghanda sa Pag-aaral sa Bantayan sa kongregasyon. Anong laking tulong ito! Ang Bantayan ay naglalaman ng pangunahing espirituwal na pagkain na inilalaan upang patibayin ang bayan ni Jehova sa buong daigdig. Kapag pinag-aaralan ninyo Ang Bantayan bilang isang pamilya, huwag basta basahin ang mga parapo at sagutin ang nilimbag na mga tanong. Taimtim na sikaping maunawaan ito. Maglaan ng panahon para tingnan ang mga teksto na binanggit ngunit hindi sinipi. Anyayahan ang mga miyembro ng pamilya na magkomento kung paano nauugnay ang mga ito sa sinasabi ng parapong tinatalakay. Isangkot ang puso.​—Kawikaan 4:7, 23; Gawa 17:11.

      10. Ano ang maaaring gawin upang isangkot ang mga bata sa pag-aaral at upang maging kasiya-siyang panahon ito para sa kanila?

      10 Kung may mga bata sa inyong sambahayan, ano ang maaari ninyong gawin upang ang pag-aaral ay hindi maging isa lamang ritwal ng pamilya kundi isang nakapagpapatibay, kawili-wili, at masayang panahon? Sikaping isangkot ang bawat isa sa angkop na paraan upang manatiling nakatuon ang pansin sa materyal na pinag-aaralan. Kung posible, isaayos na bawat bata ay may sarili niyang Bibliya at magasing pinag-aaralan. Bilang pagtulad sa pagkamagiliw ni Jesus, maaaring paupuin ng isang magulang sa tabi niya ang isang munting bata, marahil ay inaakbayan pa nga ang batang iyon. (Ihambing ang Marcos 10:13-16.) Maaaring hilingan ng ulo ng pamilya ang isang kabataan na ipaliwanag ang isang larawan na kalakip sa materyal na pinag-aaralan. Ang isang paslit ay maaaring patiunang atasan na bumasa ng isang teksto. Ang isa namang nakatatanda ay maaaring atasan na bumanggit ng mga pagkakataon na doo’y maaaring ikapit ang araling materyal.

      11. Ano pang mga kasangkapan sa pagtuturo ang inilaan, at kung mayroon na nito, paano kapaki-pakinabang na magagamit ang mga ito kaugnay sa pampamilyang pag-aaral?

      11 Bagaman maaaring ginagamit ninyo Ang Bantayan bilang saligan sa inyong pagtalakay, huwag kalimutan ang iba pang kasangkapan sa pag-aaral na makukuha sa maraming wika. Kung kailangan ang saligang impormasyon o paliwanag hinggil sa isang pananalita sa Bibliya, maaaring ilaan iyon ng Insight on the Scriptures. Masasagot ang iba pang tanong sa pagsangguni sa Watch Tower Publications Index o paggamit ng inilaan ng Samahan na programa sa computer para sa pagsasaliksik. Ang pagkatutong gamitin ang mga kasangkapang ito, kung ang mga ito ay makukuha na sa inyong wika, ay maaaring maging isang mahalagang bahagi ng pampamilyang pag-aaral. Upang pukawin ang interes ng mga bata, maaari ring gamitin ninyo ang ilang bahagi ng inyong panahon sa pag-aaral upang panoorin ang isang bahagi ng nakapagtuturong mga video ng Samahan o pakinggan ang isang bahagi ng isang drama sa audiocassette at saka pag-usapan iyon. Ang mahusay na paggamit ng mga kasangkapang ito sa pag-aaral ay makatutulong upang gawing kawili-wili at kapaki-pakinabang para sa buong pamilya ang inyong pampamilyang pag-aaral.

      Pakibagayan ang mga Pangangailangan ng Inyong Pamilya

      12. Paano magagamit ang pampamilyang pag-aaral upang harapin ang apurahang mga pangangailangan ng pamilya?

      12 Marahil ay pinag-aaralan ng inyong pamilya ang leksiyon sa Bantayan linggu-linggo. Ngunit alamin ang damdamin ng inyong pamilya. Kapag ang ina ay walang sekular na trabaho, maaari siyang gumugol ng panahon na kasama ng mga bata sa araw-araw pag-uwi nila mula sa paaralan. Ang ilang situwasyon ay maaaring harapin sa panahong iyon; ang iba naman ay baka mangailangan ng karagdagang pansin. Kapag may apurahang mga pangangailangan ang pamilya, huwag ipagwalang-bahala ang mga ito. (Kawikaan 27:12) Maaaring kalakip dito hindi lamang ang mga suliranin sa paaralan kundi pati ang iba pang situwasyon. Pumili ng angkop na materyal, at patiunang abisuhan ang pamilya kung ano ang pag-aaralan.

      13. Bakit magiging kapaki-pakinabang na talakayin ng pamilya kung paano haharapin ang kahirapan?

      13 Bilang halimbawa, ang malaking bahagi ng lupa ay sinasalot ng kahirapan; kaya sa maraming lugar, baka kailanganing talakayin kung paano ito haharapin. Mapapakinabangan kaya ng inyong sambahayan ang isang pampamilyang pag-aaral na nakasentro sa mga situwasyon sa tunay na buhay at mga simulain ng Bibliya?​—Kawikaan 21:5; Eclesiastes 9:11; Hebreo 13:5, 6, 18.

      14. Anong mga situwasyon ang nagpapangyaring maging napapanahon na talakayin ng pamilya ang pangmalas ni Jehova sa karahasan, digmaan, at Kristiyanong neutralidad?

      14 Ang karahasan ay isa pang paksang kailangang talakayin. Kailangang matatag na ikintal nating lahat ang pangmalas ni Jehova sa ating isip at puso. (Genesis 6:13; Awit 11:5) Ang pampamilyang pag-aaral sa paksang ito ay maaaring maglaan ng pagkakataon para mapag-usapan kung paano haharapin ang mga maton sa paaralan, kung nararapat bang mag-aral ng karate, at kung paano pipili ng angkop na libangan. Naging pangkaraniwan na ang mararahas na alitan; halos bawat bansa ay sinasalot alinman ng gera sibil, ng pulitikal o etnikong kaguluhan, o ng labanan ng mga gang. Bunga nito, baka kailangang talakayin ng inyong pamilya kung paano mag-iingat ng Kristiyanong paggawi samantalang napalilibutan ng mga naglalabanang panig.​—Isaias 2:2-4; Juan 17:16.

      15. Paano dapat ibigay sa mga bata ang tagubilin tungkol sa sekso at pag-aasawa?

      15 Habang lumalaki ang mga bata, kailangan nila ng tagubilin hinggil sa sekso at pag-aasawa, na angkop sa kanilang edad. Sa ilang kultura, hindi man lamang ipinapakipag-usap ng karamihan ng mga magulang sa kanilang mga anak ang tungkol sa sekso. Ang mga batang walang kabatiran ay baka makakuha ng pilipit na mga pananaw mula sa ibang kabataan, at maaaring kapahamakan ang maging resulta. Hindi ba mas maigi na tularan si Jehova, na sa pamamagitan ng Bibliya ay nagbibigay ng tuwiran ngunit magiliw na payo hinggil sa bagay na ito? Ang makadiyos na payo ay tutulong sa ating mga anak na mapanatili ang paggalang sa sarili at pakitunguhan nang may dignidad ang hindi nila kasekso. (Kawikaan 5:18-20; Colosas 3:5; 1 Tesalonica 4:3-8) Kahit napag-usapan na ninyo ang mga bagay na ito, huwag mag-atubiling ulitin iyon. Habang bumabangon ang mga bagong situwasyon, mahalaga ang pag-uulit.

      16. (a) Sa iba’t ibang sambahayan, kailan idinaraos ang pampamilyang pag-aaral? (b) Paano ninyo hinarap ang mga hadlang upang magkaroon ng regular na pag-aaral ang pamilya?

      16 Kailan maaaring idaos ang pag-aaral ng pamilya? Bilang pagtulad sa mga pamilyang Bethel sa buong lupa, maraming sambahayan ang nag-iskedyul ng kanilang pampamilyang pag-aaral tuwing Lunes ng gabi. Iba naman ang ginagawa ng iba. Sa Argentina, isang pamilya na binubuo ng 11, kasali na ang 9 na anak, ang regular na bumabangon tuwing alas singko ng umaga upang idaos ang kanilang pampamilyang pag-aaral. Dahil sa iba’t iba ang kanilang mga iskedyul sa gawain, wala nang iba pang panahon ang maaaring gamitin. Hindi naging madali iyon, pero ikinintal nito sa isip at puso ng mga bata ang kahalagahan ng pampamilyang pag-aaral. Sa Pilipinas, isang matanda ang nagdaos ng regular na pampamilyang pag-aaral kasama ng kaniyang kabiyak at ng kanilang tatlong anak habang lumalaki ang mga ito. Sa loob ng sanlinggo ay pinagdarausan din ng mga magulang ng personal na pag-aaral ang bawat bata upang dibdibin ng bawat isa ang katotohanan. Sa Estados Unidos, inihahatid ng isang kapatid na babae na may asawang hindi sumasampalataya ang kaniyang mga anak patungo sa school bus tuwing umaga. Habang hinihintay ang bus, gumugugol sila ng mga sampung minuto sa sama-samang pagbabasa at pagtalakay ng angkop na materyal sa pag-aaral ng Kasulatan, at saka bumibigkas ang ina ng maikling panalangin bago sumakay sa bus ang mga bata. Sa Democratic Republic of Congo, isang babae na iniwan ng kaniyang asawa ang kailangang magsumikap nang husto sa pag-aaral dahil sa kaniyang limitadong edukasyon. Ang kaniyang malaki nang anak na lalaki ay tumutulong sa pamamagitan ng pagdalaw sa pamilya bawat linggo upang manguna sa pag-aaral na kasama ang kaniyang ina at nakababatang mga kapatid. Ang ina ay nagpapakita ng mainam na halimbawa sa kaniyang masikap na paghahanda. Mayroon bang ilang situwasyon na nagpapangyaring maging mahirap para sa inyong sambahayan ang regular na pag-aaral ng pamilya? Huwag kayong susuko. Taimtim na hingin ang pagpapala ni Jehova sa inyong pagsisikap na magkaroon ng regular na pag-aaral sa Bibliya.​—Marcos 11:23, 24.

      Mga Gantimpala sa Pagtitiyaga

      17. (a) Upang magkaroon ng regular na pampamilyang pag-aaral, ano ang kailangan? (b) Anong karanasan ang nagpapakita ng kahalagahan ng regular na pagtuturo sa pamilya sa mga daan ni Jehova?

      17 Kailangan ang pagpaplano. Kailangan ang pagtitiyaga. Ngunit sulit na sulit ang mga pakinabang na dulot ng regular na pag-aaral ng pamilya. (Kawikaan 22:6; 3 Juan 4) Pinalaki nina Franz at Hilda, mga taga-Alemanya, ang isang pamilya na may 11 anak. Pagkaraan ng mga taon, ganito ang sabi ng kanilang anak na si Magdalena: “Ang itinuturing kong pinakamahalaga ngayon ay ang bagay na walang isa mang araw na lumipas na hindi kami nakatanggap ng espirituwal na tagubilin.” Nang tumindi ang espiritu ng nasyonalismo sa ilalim ni Adolf Hitler, ginamit ng ama ni Magdalena ang Bibliya upang ihanda ang kaniyang pamilya sa mga pagsubok na alam niyang darating. Nang maglaon, ang mga nakababatang miyembro ng pamilya ay kinuha at dinala sa isang repormatoryo; ang iba naman sa pamilya ay inaresto at ikinulong sa mga bilangguan at mga kampong piitan. Ang ilan ay pinatay. Naging matatag ang pananampalataya nilang lahat​—hindi lamang sa panahon ng matinding pag-uusig na iyon kundi gayundin, para sa mga nakaligtas, sa mga taon pagkatapos nito.

      18. Paano ginantimpalaan ang pagsisikap ng nagsosolong mga magulang?

      18 Maraming nagsosolong magulang, pati na yaong mga may kabiyak na hindi kapananampalataya, ang regular din na nagtuturo ng Bibliya sa kanilang mga anak. Sa India, isang nagsosolong ina, na biyuda, ang nagsusumikap nang husto upang ikintal sa kaniyang dalawang anak ang pag-ibig kay Jehova. Gayunman, labis siyang nasaktan nang ang kaniyang anak na lalaki ay huminto ng pakikisama sa bayan ni Jehova. Nagsumamo siya kay Jehova na patawarin siya sa anumang pagkukulang niya sa pagsasanay ng kaniyang anak. Ngunit hindi naman talagang nakalimutan ng anak na lalaki ang kaniyang natutuhan. Pagkaraan ng mahigit na isang dekada, siya’y nagbalik, gumawa ng mahusay na pagsulong sa espirituwal, at naging isang matanda sa kongregasyon. Silang mag-asawa ay naglilingkod ngayon bilang buong-panahong mga ministrong payunir. Laking pasasalamat ng mga magulang na nagsapuso ng payo ni Jehova at ng kaniyang organisasyon upang maglaan ng regular na pagtuturo ng Bibliya sa kanilang pamilya! Ikinakapit ba ninyo ang payong iyan sa inyong sambahayan?

      Maipaliliwanag Mo Ba?

      ◻ Bakit mahalaga ang regular na pag-aaral ng pamilya?

      ◻ Ano ang dapat na maging tunguhin natin sa bawat pag-aaral ng pamilya?

      ◻ Anong mga kasangkapan sa pagtuturo ang inilaan sa atin?

      ◻ Paano maaaring ibagay ang pag-aaral sa mga pangangailangan ng pamilya?

      [Larawan sa pahina 15]

      Pasusulungin ng malinaw na mga tunguhin ang inyong pampamilyang pag-aaral

  • Mga Pamilya, Purihin ang Diyos Bilang Bahagi ng Kaniyang Kongregasyon
    Ang Bantayan—1999 | Hulyo 1
    • Mga Pamilya, Purihin ang Diyos Bilang Bahagi ng Kaniyang Kongregasyon

      “Sa gitna ng mga nagkakatipong karamihan ay pagpapalain ko si Jehova.”​—AWIT 26:12.

      1. Ano ang isang mahalagang bahagi ng tunay na pagsamba bukod pa sa pag-aaral at pananalangin sa tahanan?

      HINDI lamang pananalangin at pag-aaral ng Bibliya sa tahanan ang kasali sa pagsamba kay Jehova kundi pati ang paggawa bilang bahagi ng kongregasyon ng Diyos. Ang sinaunang Israel ay inutusan na ‘tipunin ang bayan, ang mga lalaki at ang mga babae at ang maliliit na bata,’ upang maturuan sa batas ng Diyos nang sa gayo’y makalakad sila sa kaniyang daan. (Deuteronomio 31:12; Josue 8:35) Kapuwa ang mga nakatatanda at ‘ang mga binata at mga dalaga’ ay pinasigla na makibahagi sa pagpuri sa pangalan ni Jehova. (Awit 148:12, 13) Ganito ring mga kaayusan ang kumakapit sa loob ng kongregasyong Kristiyano. Sa mga Kingdom Hall sa buong lupa, ang mga lalaki, babae, at mga bata ay malayang nakikibahagi sa mga sesyon na doo’y kasama ang mga tagapakinig, at marami ang lubhang nasisiyahan sa pakikibahagi.​—Hebreo 10:23-25.

      2. (a) Bakit isang mahalagang salik ang paghahanda upang matulungan ang mga bata na masiyahan sa mga pulong? (b) Kaninong halimbawa ang mahalaga?

      2 Totoo, maaaring maging isang hamon ang pagtulong sa mga bata na makibahagi sa kapaki-pakinabang na rutin ng mga gawain sa kongregasyon. Kung nakikitang hindi nasisiyahan sa mga pulong ang ilang bata na dumadalo na kasama ng kanilang mga magulang, ano kaya ang suliranin? Mangyari pa, karamihan sa mga bata ay hindi makapagtuon ng pansin sa mahabang panahon at madaling mainip. Makatutulong ang paghahanda upang mapagtagumpayan ang suliraning ito. Kung walang paghahanda, ang mga bata ay hindi maaaring makibahagi sa mga pulong sa isang makabuluhang paraan. (Kawikaan 15:23) Kung walang paghahanda, mahihirapan silang sumulong sa espirituwal na siyang nagdudulot ng kasiyahan. (1 Timoteo 4:12, 15) Ano ang maaaring gawin? Una, kailangang tanungin ng mga magulang ang kanilang sarili kung sila ba mismo ay naghahanda para sa mga pulong. Ang kanilang halimbawa ay isang mabisang pangganyak. (Lucas 6:40) Mahalagang salik din ang maingat na pagpaplano para sa pag-aaral ng pamilya.

      Patibayin ang Puso

      3. Sa panahon ng pag-aaral ng pamilya, bakit dapat gumawa ng pantanging pagsisikap na patibayin ang puso, at ano ang kailangan dito?

      3 Ang pampamilyang pag-aaral ay dapat na isang panahon hindi lamang upang punuin ang ulo ng kaalaman kundi upang patibayin din ang puso. Kailangan dito ang kabatiran sa mga suliranin na kinakaharap ng mga miyembro ng pamilya at ang maibiging pagmamalasakit sa bawat isa. Si Jehova ay “tagasuri ng puso.”​—1 Cronica 29:17.

      4. (a) Ano ang ibig sabihin ng pagiging “kapos ang puso”? (b) Ano ang nasasangkot sa ‘pagtatamo ng puso’?

      4 Ano ba ang nasusumpungan ni Jehova kapag sinusuri niya ang puso ng ating mga anak? Karamihan sa kanila ay magsasabi na iniibig nila ang Diyos, at kapuri-puri naman iyan. Gayunman, ang isa na bata pa o bago pa lamang natututo tungkol kay Jehova ay may limitadong karanasan sa mga daan ni Jehova. Dahil sa siya’y walang karanasan, baka siya ay maging “kapos ang puso,” gaya ng pagkasabi ng Bibliya. Marahil ay hindi naman masama ang lahat ng kaniyang motibo, ngunit kailangan ng panahon upang ang puso ng isa ay mapasa kalagayan na talagang nakalulugod sa Diyos. Kailangan na ang mga kaisipan, hangarin, pagmamahal, emosyon, at mga tunguhin sa buhay ng isa ay gawing kasuwato ng sinasang-ayunan ng Diyos, hanggang sa antas na posible para sa di-sakdal na mga tao. Kapag ginagawa ng isa ang gayong paghubog sa panloob na pagkatao sa isang makadiyos na paraan, siya ay “nagtatamo ng puso.”​—Kawikaan 9:4; 19:8.

      5, 6. Paano matutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na ‘magtamo ng puso’?

      5 Matutulungan ba ng mga magulang ang kanilang mga anak na ‘magtamo ng puso’? Totoo, walang sinumang tao ang makapaglalagay ng mabuting kalagayan ng puso sa ibang tao. Bawat isa sa atin ay may malayang kalooban, at ang malaking bahagi nito ay nakasalalay sa kung ano ang iniisip natin. Subalit, taglay ang kaunawaan, kadalasang magaganyak ng mga magulang ang kanilang anak, anupat maaarok kung ano ang nasa puso at malalaman kung saan nangangailangan ng tulong. Gumamit ng mga tanong na ‘Ano ang nadarama mo tungkol dito?’ at ‘Ano talaga ang gusto mong gawin?’ Pagkatapos, matiyagang makinig. Huwag magalit. (Kawikaan 20:5) Ang kabaitan, unawa, at pag-ibig ay mahalaga kung nais mong maabot ang puso.

      6 Upang mapasigla ang mabubuting hilig, ipakipag-usap nang madalas ang mga bunga ng espiritu​—ang bawat anyo nito​—at gumawang magkakasama bilang isang pamilya upang linangin ito. (Galacia 5:22, 23) Patibayin ang pag-ibig para kay Jehova at kay Jesu-Kristo, anupat hindi lamang basta sinasabi na dapat nating ibigin sila kundi tinatalakay rin ang mga dahilan kung bakit natin sila iniibig at kung paano natin maipahahayag ang pag-ibig na iyan. (2 Corinto 5:14, 15) Palakasin ang hangarin na gawin ang tama sa pamamagitan ng pangangatuwiran sa mga pakinabang na dulot nito. Patibayin ang hangaring iwasan ang mga maling kaisipan, pananalita, at paggawi sa pamamagitan ng pagtalakay sa masasamang epekto ng gayong mga bagay. (Amos 5:15; 3 Juan 11) Ipakita kung paanong ang kaisipan, pananalita, at paggawi​—mabuti man o masama​—ay makaaapekto sa kaugnayan ng isa kay Jehova.

      7. Ano ang maaaring gawin upang matulungan ang mga bata na harapin ang mga suliranin at makagawa ng mga pasiya sa paraan na pananatilihin silang malapit kay Jehova?

      7 Kapag ang isang anak ay may suliranin o kailangang gumawa ng mahalagang pasiya, maitatanong natin sa kaniya: ‘Ano sa palagay mo ang pangmalas dito ni Jehova? Ano ang nalalaman mo tungkol kay Jehova na nag-udyok sa iyo na sabihin iyan? Naipanalangin mo na ba sa kaniya ang bagay na ito?’ Magsimula nang maaga hangga’t maaari, anupat tinutulungan ang inyong mga anak na bumuo ng isang landasin sa buhay na doo’y laging taimtim na sinisikap na alamin ang kalooban ng Diyos at saka ginagawa iyon. Habang nagkakaroon sila ng malapit at personal na kaugnayan kay Jehova, masisiyahan sila sa paglakad sa kaniyang mga landas. (Awit 119:34, 35) Pasisiglahin nito sa kanila ang pagpapahalaga sa pribilehiyong makisama sa kongregasyon ng tunay na Diyos.

      Paghahanda Para sa mga Pulong ng Kongregasyon

      8. (a) Ano ang makatutulong sa atin upang mailakip sa ating pampamilyang pag-aaral ang lahat ng bagay na kailangang bigyang-pansin? (b) Gaano kahalaga ang pag-aaral na ito?

      8 Maraming bagay ang kailangang bigyang-pansin sa panahon ng pag-aaral ng pamilya. Paano ninyo mailalakip ang lahat ng ito? Imposibleng gawin ang lahat nang sabay-sabay. Ngunit makatutulong kung gagawa kayo ng listahan. (Kawikaan 21:5) Sa pana-panahon, repasuhin ito at isaalang-alang kung ano ang nangangailangan ng pantanging pansin. Magkaroon ng taimtim na interes sa pagsulong ng bawat miyembro ng pamilya. Ang kaayusang ito ng pampamilyang pag-aaral ay mahalagang bahagi ng edukasyong Kristiyano, anupat sinasangkapan tayo para sa buhay ngayon at inihahanda tayo para sa darating na buhay na walang hanggan.​—1 Timoteo 4:8.

      9. Anong mga tunguhin hinggil sa paghahanda para sa pulong ang maaaring unti-unti nating gawin sa ating pampamilyang pag-aaral?

      9 Kasali ba sa inyong pampamilyang pag-aaral ang paghahanda para sa mga pulong sa kongregasyon? Maraming proyekto ang maaari ninyong unti-unting gawin habang magkakasama kayong nag-aaral. Ang ilan sa mga ito ay baka gumugol ng mga sanlinggo, buwan, o mga taon pa nga upang matapos. Isaalang-alang ang mga tunguhing ito: (1) ang bawat isa sa pamilya ay handang magkomento sa mga pulong ng kongregasyon; (2) ang bawat isa ay nagsisikap na magkomento sa kaniyang sariling pananalita; (3) inilalakip ang mga teksto sa pagkokomento; at (4) pagsusuri sa materyal taglay ang layuning maikapit sa sarili. Ang lahat ng ito ay makatutulong sa isa na dibdibin ang katotohanan.​—Awit 25:4, 5.

      10. (a) Paano natin mabibigyan ng atensiyon ang bawat isa sa ating mga pulong sa kongregasyon? (b) Bakit sulit ito?

      10 Kahit na ang inyong pampamilyang pag-aaral ay karaniwan nang batay sa aralin sa Bantayan linggu-linggo, huwag kaligtaan ang kahalagahan ng paghahanda para sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat, sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro, at sa Pulong sa Paglilingkod. Mahahalagang bahagi rin ito ng programa upang turuan tayo na lumakad sa daan ni Jehova. Baka sa pana-panahon ay makapaghanda kayo para sa mga pulong bilang isang pamilya. Sa inyong paggawang magkakasama, susulong ang inyong kakayahan sa pag-aaral. Bunga nito, higit na kapakinabangan ang matatamo buhat sa mga pulong. Bukod sa iba pang bagay, pag-usapan ang mga kapakinabangan ng regular na paghahanda para sa mga pulong na ito at ang kahalagahan ng pagkakaroon ng tiyak na panahon na inilaan para rito.​—Efeso 5:15-17.

      11, 12. Paano tayo makikinabang sa paghahanda para sa pag-awit sa kongregasyon, at paano ito magagawa?

      11 Sa “Ang Daan ng Diyos Ukol sa Buhay” na mga Kombensiyon, pinasigla tayo na maghanda para sa isa pang bahagi ng ating mga pulong​—ang pag-awit. Nagawa na ba ninyo iyan? Ang paggawa nito ay makatutulong upang ikintal ang mga katotohanan ng Bibliya sa ating isip at puso at kasabay nito ay pag-ibayuhin ang ating kasiyahan sa mga pulong ng kongregasyon.

      12 Ang paghahanda na may kalakip na pagbabasa at pagtalakay sa kahulugan ng mga salita sa ilang nakaiskedyul na mga awitin ay makatutulong sa atin na umawit nang taos-puso. Sa sinaunang Israel, ang mga instrumentong pangmusika ay madalas gamitin sa pagsamba. (1 Cronica 25:1; Awit 28:7) Mayroon ba sa inyong pamilya na tumutugtog ng isang instrumentong pangmusika? Bakit hindi gamitin ang instrumentong iyon upang mag-ensayo ng isa sa mga awiting pang-Kaharian para sa linggong iyon, at saka kantahin ang awit bilang isang pamilya. Maaari ring gumamit ng recording ng mga awit. Sa ilang lupain, nakaaawit nang maganda ang ating mga kapatid kahit walang saliw na musika. Habang naglalakad sila o nagtatrabaho sa bukid, kadalasa’y nasisiyahan silang umawit ng mga awitin na nakaiskedyul para sa mga pulong ng kongregasyon sa linggong iyon.​—Efeso 5:19.

      Paghahanda ng Pamilya Para sa Paglilingkod sa Larangan

      13, 14. Bakit mahalaga ang pagtalakay ng pamilya na naghahanda sa ating puso para sa ministeryo sa larangan?

      13 Ang pagpapatotoo sa iba tungkol kay Jehova at sa kaniyang layunin ay isang mahalagang bahagi ng ating buhay. (Isaias 43:10-12; Mateo 24:14) Bata man o matanda, higit na masisiyahan tayo sa gawaing ito at mas mabuti ang magagawa natin kung tayo ay handa. Paano natin magagawa ito bilang pamilya?

      14 Tulad ng ibang bagay na may kinalaman sa ating pagsamba, mahalaga na ihanda ang ating puso. Kailangang pag-usapan natin hindi lamang kung ano ang gagawin natin kundi kung bakit din natin gagawin iyon. Noong panahon ni Haring Jehosapat, ang mga tao ay tinuruan sa batas ng Diyos, ngunit sinasabi sa atin ng Bibliya na “hindi pa [nila] naihanda ang kanilang puso.” Dahil dito’y madali silang matangay ng mga pang-akit na maaaring maglayo sa kanila sa tunay na pagsamba. (2 Cronica 20:33; 21:11) Ang tunguhin natin ay hindi lamang ang makapag-ulat ng mga oras na ginugol sa paglilingkod sa larangan, ni ang makapagpasakamay lamang ng literatura. Ang ating ministeryo ay dapat na isang kapahayagan ng ating pag-ibig kay Jehova at ng ating pag-ibig sa mga tao na nangangailangan ng pagkakataong makapili para sa buhay. (Hebreo 13:15) Ito ay gawain na doo’y “mga kamanggagawa [tayo] ng Diyos.” (1 Corinto 3:9) Anong laking pribilehiyo! Habang nakikibahagi tayo sa ministeryo, ginagawa natin iyon na katulong ang mga banal na anghel. (Apocalipsis 14:6, 7) Wala nang pinakamabuting panahon upang linangin ang pagpapahalaga rito kaysa sa pagtalakay ng pamilya, iyon man ay sa ating lingguhang pag-aaral o kapag tinatalakay ang angkop na teksto mula sa Pagsusuri sa Kasulatan Araw-Araw!

      15. Kailan tayo maaaring maghanda para sa paglilingkod sa larangan bilang isang pamilya?

      15 Paminsan-minsan ba’y ginagamit ninyo ang panahon sa inyong pampamilyang pag-aaral upang tulungan ang mga miyembro ng inyong sambahayan na maghanda para sa paglilingkod sa larangan sa linggong iyon? Kapaki-pakinabang ang paggawa nito. (2 Timoteo 2:15) Makatutulong ito upang maging makabuluhan at mabunga ang kanilang paglilingkuran. Paminsan-minsan, maaari ninyong italaga ang isang buong sesyon ng pag-aaral para sa gayong paghahanda. Kadalasan, maaari ninyong talakayin nang mas maikli ang mga pitak ng ministeryo sa larangan sa pagtatapos ng pampamilyang pag-aaral o sa ibang panahon sa loob ng sanlinggong iyon.

      16. Talakayin ang kahalagahan ng bawat isa sa mga hakbang na itinala sa parapo.

      16 Ang mga sesyon ng pamilya ay maaaring ituon sa sunud-sunod na hakbang, gaya sa sumusunod: (1) Maghanda ng isang presentasyon na inensayong mabuti na doo’y kalakip ang pagbasa ng isang teksto mula sa Bibliya kung ipinahihintulot ng pagkakataon. (2) Tiyakin na bawat isa, kung posible, ay may kani-kaniyang bag, Bibliya, kuwaderno, panulat o lapis, mga tract, at iba pang presentableng literatura. Hindi naman kailangang maging mamahalin ang bag sa paglilingkod, ngunit ito ay dapat na masinop. (3) Pag-usapan kung saan at kung paano gagawa ng di-pormal na pagpapatotoo. Sundan ang bawat hakbang sa pagtuturong ito ng mga panahon na doo’y sama-sama kayong gumagawa sa paglilingkod sa larangan. Magbigay ng mga mungkahing makatutulong, ngunit huwag magpayo sa napakaraming punto.

      17, 18. (a) Anong uri ng paghahanda bilang isang pamilya ang makatutulong upang maging lalong mabunga ang ating ministeryo sa larangan? (b) Anong pitak ng paghahandang ito ang maaaring gawin sa bawat linggo?

      17 Isang malaking bahagi ng gawain na iniatas ni Jesu-Kristo sa kaniyang mga tagasunod ang paggawa ng alagad. (Mateo 28:19, 20) Hindi lamang pangangaral ang nasasangkot sa paggawa ng mga alagad. Kailangan dito ang pagtuturo. Paano kayo matutulungan ng inyong pampamilyang pag-aaral upang maging mabisa sa paggawa nito?

      18 Bilang isang pamilya, pag-usapan kung sino ang makabubuting dalawing muli. Ang ilan sa kanila ay maaaring tumanggap ng literatura; ang iba naman ay maaaring nakinig lamang. Baka sila’y natagpuan sa gawaing pagbabahay-bahay o sa di-pormal na pagpapatotoo sa palengke o sa paaralan. Hayaang patnubayan kayo ng Salita ng Diyos. (Awit 25:9; Ezekiel 9:4) Pagpasiyahan kung sino ang gustong dalawin ng bawat isa sa inyo sa linggong iyon. Ano ang pag-uusapan? Ang talakayan ng pamilya ay makatutulong sa bawat miyembro para makapaghanda. Itala ang espesipikong mga teksto na ibabahagi sa mga interesado gayundin ang angkop na mga punto mula sa brosyur na Ano ang Hinihiling ng Diyos sa Atin? o sa aklat na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan. Huwag tumalakay ng napakaraming punto sa isang pagdalaw lamang. Mag-iwan sa maybahay ng isang tanong na sasagutin sa susunod na pagdalaw. Bakit hindi gawing bahagi ng lingguhang rutin ng pamilya ang pagpaplano kung sino ang dadalawing muli ng bawat isa, kung kailan siya dadalaw muli, at kung ano ang inaasahan niyang maisagawa. Makatutulong ang paggawa nito upang maging lalong mabunga ang ministeryo sa larangan ng buong pamilya.

      Patuloy na Turuan Sila sa Daan ni Jehova

      19. Upang patuloy na makalakad sa daan ni Jehova ang mga miyembro ng pamilya, ano ang kailangang maranasan nila, at ano ang nagpapangyari nito?

      19 Isang hamon ang pagiging isang ulo ng pamilya sa balakyot na sanlibutang ito. Sinisikap ni Satanas at ng kaniyang mga demonyo na sirain ang espirituwalidad ng mga lingkod ni Jehova. (1 Pedro 5:8) Bukod dito, marami ngayong panggigipit sa inyo na mga magulang, lalo na sa inyo na nagsosolong mga magulang. Mahirap makasumpong ng panahon para magawa ang lahat ng bagay na nais ninyong gawin. Ngunit sulit ang pagsisikap, kahit na paisa-isang mungkahi lamang ang maikakapit natin sa bawat pagkakataon, at unti-unting pinasusulong ang inyong programa sa pampamilyang pag-aaral. Isang nakapagpapasiglang gantimpala ang makitang matapat na lumalakad sa daan ni Jehova ang mga totoong malapit sa inyo. Upang matagumpay na makalakad sa daan ni Jehova, kailangang makasumpong ng kagalakan ang mga miyembro ng pamilya sa pagdalo sa mga pulong ng kongregasyon at sa pakikibahagi sa ministeryo sa larangan. Upang mangyari iyan, kailangan ang paghahanda​—paghahanda na nagpapatibay sa puso at nagsasangkap sa bawat isa upang magkaroon ng makabuluhang bahagi.

      20. Ano ang makatutulong sa marami pang mga magulang upang maranasan ang uri ng kagalakan na ipinahayag sa 3 Juan 4?

      20 Hinggil sa mga natulungan niya sa espirituwal na paraan, sumulat si apostol Juan: “Wala na akong mas dakila pang dahilan sa pagpapasalamat kaysa sa mga bagay na ito, na marinig ko na ang aking mga anak ay patuloy na lumalakad sa katotohanan.” (3 Juan 4) Ang pampamilyang pag-aaral na pinangangasiwaan taglay sa isip ang malinaw na mga tunguhin at ang mga ulo ng pamilya na nakikitungo sa isang may kabaitan at kapaki-pakinabang na paraan sa indibiduwal na mga pangangailangan ng mga miyembro ng pamilya ay may malaking magagawa upang madama ng pamilya ang gayong kagalakan. Sa paglilinang ng pagpapahalaga sa daan ng Diyos ukol sa buhay, tinutulungan ng mga magulang ang kanilang pamilya na tamasahin ang pinakamabuting paraan ng pamumuhay.​—Awit 19:7-11.

      Maipaliliwanag Mo Ba?

      ◻ Bakit napakahalaga sa ating mga anak ang paghahanda para sa mga pulong?

      ◻ Paano matutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na ‘magtamo ng puso’?

      ◻ Paano makatutulong ang ating pampamilyang pag-aaral sa paghahanda para sa lahat ng pulong?

      ◻ Paanong ang paghahanda para sa paglilingkod sa larangan bilang isang pamilya ay makatutulong sa atin na maging mas mabisa?

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share