Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Aklat ng Bibliya Bilang 6—Josue
    “Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
    • pagbangon ni Jehova sa pagpuksa, “upang kaniyang magawa ang kaniyang gawain​—kakatwa ang gawain niya​—at upang ganapin ang kaniyang gawa​—kakaiba ang kaniyang gawa.”​—Isa. 28:21, 22.

      24. Papaano nauugnay ang aklat ni Josue sa mga pangako ng Kaharian, at anong katiyakan ang ibinibigay nito na ‘lahat ay magkakatotoo’?

      24 Ang Kaharian ba ng Diyos ay itinuturo ng mga kaganapan sa Josue? Tiyak yaon! Ipinakita ni apostol Pablo na ang pananakop at paninirahan sa Lupang Pangako ay nauugnay sa isang bagay na mas dakila: “Sapagkat kung inakay sila ni Josue sa isang dako ng kapahingahan, hindi na sana bumanggit ang Diyos ng ibang araw. Kaya may nalalabi pang sabbath na pamamahinga sa bayan ng Diyos.” (Heb. 4:1, 8, 9) Nagsisikap sila upang matiyak ang “pagpasok sa walang-hanggang kaharian ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Kristo.” (2 Ped. 1:10, 11) Gaya ng ipinakikita ng Mateo 1:5, si Rahab ay naging ninuno ni Jesu-Kristo. Ang aklat ni Josue ay isa pang mahalagang kawing sa ulat na umaakay sa pagluluwal ng Binhi ng Kaharian. Tinitiyak nito na ang mga pangako ng Kaharian ni Jehova ay matutupad. Bilang pagtukoy sa pangako ng Diyos kina Abraham, Isaac, at Jacob at yaong inulit sa mga inapo nilang Israelita, ang ulat ay nagsasabi hinggil sa kaarawan ni Josue: “Ni isang pangako ay hindi nagkulang sa lahat ng mabuting pangako na ibinigay ng Diyos sa sambahayan ni Israel; lahat ay nagkatotoo.” (Jos. 21:45; Gen. 13:14-17) Kaya, ang “mabuting pangako” ni Jehova tungkol sa matuwid na Kaharian ng langit​—ito ay magkakatotoo!

  • Aklat ng Bibliya Bilang 7—Mga Hukom
    “Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
    • Aklat ng Bibliya Bilang 7​—Mga Hukom

      Manunulat: Si Samuel

      Saan Isinulat: Sa Israel

      Natapos Isulat: c. 1100 B.C.E.

      Panahong Saklaw: c. 1450-c. 1120 B.C.E.

      1. Sa anong mga paraan kapansin-pansin ang panahon ng mga hukom?

      ANG kabanatang ito sa kasaysayan ng Israel ay puspos ng aksiyon, ng paghahalili ng nagpapahamak na pagkahawa sa demonismo at ng maawaing pagliligtas ni Jehova sa nagsisisi niyang bayan sa tulong ng inatasan niyang mga hukom. Nagpapatibay-pananampalataya ang makapangyarihang mga gawa nina Othniel, Ehud, Shamgar, at ng iba pang hukom. Sinasabi sa Mga Hebreo: “Kakapusin ako ng panahon kung sasaysayin ko ang tungkol kina Gideon, Barak, Samson, Jepte, . . . na sa pananampalataya ay nagsilupig ng mga kaharian, nagsigawa ng katuwiran, . . . mula sa kahinaan ay naging makapangyarihan, naging magiting sa pakikibaka, pumuksa sa mga kaaway.” (Heb. 11:32-34) Kabilang sa 12 tapat na hukom ay sina Tola, Jair, Ibzan, Elon, at Abdon. (Si Samuel ay hindi ibinibilang na hukom.) Ipinaglaban sila ni Jehova at nilukuban sila ng espiritu sa kanilang mga gawa ng kagitingan. Lahat ng papuri at karangalan ay iniukol nila sa Diyos.

      2. Papaano naaangkop ang Hebreong pangalan ng aklat ng Mga Hukom?

      2 Sa Septuagint ang aklat ay tinatawag na Kri·taiʹ, at sa Bibliyang Hebreo, ay Sho·phetimʹ, o “Mga Hukom.” Ang Sho·phetimʹ ay mula sa pandiwang sha·phatʹ, ibig sabihi’y “maghukom, magbangong-puri, magparusa, mamahala,” na angkop na larawan ng tungkulin ng mga hirang ng “Diyos na Hukom ng lahat.” (Heb. 12:23) Inatasan sila sa partikular na mga okasyon upang iligtas ang bayan sa mga kaaway.

      3. Kailan isinulat ang Mga Hukom?

      3 Kailan isinulat ang Mga Hukom? Dalawang pangungusap sa aklat ang sumasagot. Ang una ay ito: “Ang mga Jebuseo ay nagsisitahan . . . sa Jerusalem hanggang sa araw na ito.” (Huk. 1:21) Yamang “ang moog ng Sion” ay nabihag ni Haring David mula sa mga Jebuseo noong ikawalong taon ng kaniyang paghahari, o 1070 B.C.E., malamang na ang Mga Hukom ay nasulat bago nito. (2 Sam. 5:4-7) Ang ikalawang pangungusap ay apat na beses lumilitaw: “Nang panahong yaon ay walang hari sa Israel.” (Huk. 17:6; 18:1; 19:1; 21:25) Kaya ang aklat ay isinulat noong mayroon nang “hari sa Israel,” alalaong baga, matapos na si Saul ay maging unang hari noong 1117 B.C.E. Kaya ang petsa ay dapat na nasa pagitan ng 1117 at 1070 B.C.E.

      4. Sino ang sumulat ng Mga Hukom?

      4 Sino ang sumulat? Tiyak, siya’y tapat na lingkod ni Jehova. Si Samuel ang namukod-tangi bilang pangunahing tagapagtaguyod ng pagsamba ni Jehova noong panahong maghalili ang mga hari at ang mga hukom, at siya rin ang una sa hanay ng tapat na mga propeta. Kaya, makatuwiran na si Samuel ang sumulat ng kasaysayan ng mga hukom.

      5. Papaano tatantiyahin ang panahong saklaw ng Mga Hukom?

      5 Gaano kahaba ang panahong saklaw ng Hukom? Matatantiya ito mula sa 1 Hari 6:1, na nagsasabing itinayo ni Solomon ang bahay ni Jehova sa ikaapat na taon ng kaniyang paghahari, na siya ring “ikaapat na raan at walumpung taon mula nang lumabas ang Israel sa lupain ng Ehipto.” (Ang ordinal na bilang na “ikaapat na raan at walumpu[ng]” ay katumbas ng 479 buong taon.) Ang tiyak na mga yugto na kalakip sa 479 taon ay ang 40 taon sa ilalim ni Moises sa ilang (Deut. 8:2), ang 40 taon ng paghahari ni Saul (Gawa 13:21), ang 40 taon ng paghahari ni David (2 Sam. 5:4, 5), at ang unang 3 buong taon ng paghahari ni Solomon. Kung babawasin ang kabuuang 123 taon mula sa 479 taon ng 1 Hari 6:1, may natitirang 356 taon mula nang pumasok ang Israel sa Canaan at ng pasimula ng paghahari ni Saul.a Ang mga kaganapang nakaulat sa Mga Hukom, na sumasaklaw sa pagkamatay ni Josue hanggang sa panahon ni Samuel, ay mga 330 taon sa loob ng yugtong ito na 356 na taon.

      6. Ano ang patotoo ng pagiging-tunay ng Mga Hukom?

      6 Walang alinlangan sa pagiging-totoo ng Mga Hukom. Dati nang kinikilala ng mga Judio ang pagiging-bahagi nito sa kanon ng Bibliya. Ang mga sumulat ng Kasulatang Hebreo at ng Griyego Kristiyano ay kapuwa sumipi sa Mga Hukom, gaya sa Awit 83:9-18; Isaias 9:4; 10:26; at Hebreo 11:32-34. Sa pagiging-prangko, hindi nito pinagtakpan ang mga pagkukulang at pagtalikod ng Israel, at kasabay nito’y itinatanghal ang walang-hanggang kagandahang-loob ni Jehova. Si Jehova, at hindi ang sinomang taong hukom, ang tumatanggap ng karangalan bilang Tagapagligtas sa Israel.

      7. (a) Papaano inaalalayan ng arkeolohiya ang ulat ng Mga Hukom? (b) Bakit matuwid ang utos ni Jehova na lipulin ang mga mananamba ni Baal?

      7 Umaalalay din ang arkeolohiya sa pagiging tunay ng Mga Hukom. Higit na kapansin-pansin ang tungkol sa pagsamba ng mga Cananeo kay Baal. Bukod sa pagtukoy ng Bibliya, kakaunti ang nabatid tungkol sa Baalismo hanggang sa mahukay ang sinaunang lungsod ng Ugarit (ang makabagong Ras Shamra sa baybayin ng Sirya sa kabila ng hilaga-silangang dulo ng Cyprus), noong 1929. Doon, natuklasan na ang relihiyon ni Baal ay nagtampok ng materyalismo, nasyonalismo, at pagsamba sa sekso. Bawat lungsod Cananeo ay may sariling santwaryo ni Baal at mga dambana na tinawag na matataas na dako. Sa loob nito, malamang na may mga imahen ni Baal, at malapit sa mga altar sa labas ay may mga haliging bato​—marahil ay mga phallikong sagisag ni Baal. Ang mga dambana ay tigmak sa dugo ng mga taong inihain. Nang ang Israel ay mahawa sa Baalismo, inihandog din nila ang kanilang mga anak na lalaki at babae. (Jer. 32:35) Isang sagradong tulos ang kumatawan sa ina ni Baal, si Asera. Ang diyosa ng pagpapakarami, si Astoret, asawa ni Baal, ay sinamba sa malalaswang rituwal sa sekso, at ang mga lalaki at babae ay naging “naaalay” na mga patutot sa templo. Kaya hindi kataka-takang iutos ni Jehova ang paglipol sa Baalismo at sa makahayop na mga tagasunod nito. “Ang iyong mga mata ay huwag mahahabag sa kanila; at huwag kang maglilingkod sa kanilang mga diyos.”​—Deut. 7:16.b

      NILALAMAN NG MGA HUKOM

      8. Sa anong mga seksiyon makatuwirang nahahati ang Mga Hukom?

      8 Ang aklat ay makatuwirang nahahati sa tatlong seksiyon. Ang unang dalawang kabanata ay naglalarawan ng mga kalagayan sa Israel nang panahong yaon. Inilalarawan ng Kabanata 3 hanggang 16 ang mga pagliligtas ng 12 hukom. Pagkatapos ay inilalarawan ng Kabanata 17 hanggang 21 ang ilang panloob na alitan sa Israel.

      9. Anong kapaligiran ang inilalaan ng dalawang pambungad na kabanata ng Mga Hukom?

      9 Mga kalagayan sa Israel noong panahon ng mga hukom (1:1–​2:23). Nakakalat na ang mga tribo ng Israel sa kanilang atas na lupain. Subalit, imbes na lubusang itaboy ang mga Cananeo, marami ay kanilang inalipin at hinayaang manirahan sa gitna nila. Kaya sinabi ng anghel ni Jehova, “Sila’y magiging patibong sa inyo, at ang kanilang mga diyos ay magsisilbing silo sa inyo.” (2:3) Kaya, nang bumangon ang bagong lahi na hindi nakakilala kay Jehova o sa mga gawa niya, ang bayan ay tumalikod sa kaniya upang maglingkod sa mga Baal at iba pang diyos. Sapagkat ang kamay ni Jehova ay naging laban sa kanila sa ikasasamâ nila, sila’y “nagipit na mainam.” Dahil sa katigasan-ng-ulo at pagtangging makinig sa mga hukom, ni isa sa mga nalabing bansa ay hindi itinaboy ni Jehova upang subukin ang Israel. Ang kapaligirang ito ay tutulong sa pag-unawa ng kasunod na mga pangyayari.​—2:15.

      10. Sa kaninong kapangyarihan naghukom si Othoniel, at ano ang resulta?

      10 Si Hukom Othoniel (3:1-11). Namimighati dahil sa pagkabihag ng mga Cananeo, ang Israel ay humingi ng tulong kay Jehova. Una Niyang ibinangon si Othoniel bilang hukom. Si Othoniel ba ay humatol ayon sa kapangyarihan at karunungan ng tao? Hindi, sapagkat ating mababasa: “Ang espiritu ni Jehova ay sumakaniya” upang lupigin ang mga kaaway ng Israel. “Kaya ang lupain ay hindi niligalig nang apatnapung taon.”​—3:10, 11.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share