Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w98 4/15 p. 28-30
  • Palagi ba Nating Kakailanganin ang mga Hukbo?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Palagi ba Nating Kakailanganin ang mga Hukbo?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pagnanais Para sa Isang Pangglobong “Pulis”
  • “Jehova ng mga Hukbo”
  • Makikipaglaban ang mga Hukbo ng Diyos
  • Gunigunihin ang Isang Daigdig na Walang Digmaan
  • Jehova ng mga Hukbo
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Digmaan
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Paglutas Magpakailanman sa Pansansinukob na Isyu
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
  • Hukbo, I
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
w98 4/15 p. 28-30

Palagi ba Nating Kakailanganin ang mga Hukbo?

ANG mga hukbo ay lumipol ng maraming tao at sumira nang husto sa kaligayahan ng tao. Kaya naman nagtatanong ang ilang tao, ‘Matatamo pa kaya ng sangkatauhan ang uri ng pandaigdig na katiwasayan na magbibigay-daan sa pagbuwag ng mga hukbo?’ Ngayong posible na ang paglipol sa lahat ng nabubuhay dahil sa mga sandata para sa lansakang pagpuksa, ang tanong ay kailangang bigyan kaagad ng pansin. Gaano karealistiko ang umasa sa isang daigdig na walang mga hukbo?

Pinatutunayan ng maraming naunang pangyayari na kapag ang mabuting ugnayan sa pagitan ng mga bansa ay nagbubunga ng pagtitiwala, maaari itong umakay sa ilang pagbabawas ng armas. Halimbawa, ang nangingibabaw na pagkakaibigan sa pagitan ng Canada at Estados Unidos ay nangangahulugan na ang kanilang 5,000 kilometrong hangganan ay hindi binabantayan ng mga hukbo sa loob ng isa at kalahating siglo. Gayunding pagkakasundo ang natamo ng Norway at Sweden, gaya sa marami pang ibang bansa. Ang pagkakasundo kaya sa pagitan ng lahat ng bansa ay hahantong sa isang daigdig na walang mga hukbo? Dahil sa mga kakilabutang naganap noong Digmaang Pandaigdig I, naging totoong popular ang ideyang ito.

Nang magkaroon ng kapayapaan noong 1918, ang isa sa mga layunin ng kasunduan ng kapayapaan sa Versailles ay “upang gawing posible ang pagsisimula ng isang pangkalahatang pagbabawas ng mga armas ng lahat ng bansa.” Nang sumunod na mga taon, naging popular ang pasipismo (pagtanggi sa digmaan o karahasan bilang paraan ng paglutas sa mga alitan). Ipinalagay ng ilang pasipista na ang digmaan ang siyang pinakamasamang bagay na maaaring danasin ng isang bansa at sa gayo’y masahol pa ito sa pagkatalo. Tumutol ang mga sumasalungat sa pasipista, anupat sinabi na sa nagdaang mga siglo, ang mga Judio sa malalaking lugar ay hindi gaanong lumaban sa mga sumasalakay, gayunma’y nagpatuloy ang malulupit na pagtatangkang lipulin sila. Hindi gaanong nagkaroon ng pagkakataon ang mga Aprikano na labanan yaong nagdala sa kanila bilang mga alipin sa mga lupain ng Amerika, at magkagayon ma’y buong-kalupitan silang tinrato sa loob ng mga siglo.

Subalit sa pagsiklab ng Digmaang Pandaigdig II, naipasiya ng maraming pasipista na ang mga bansa ay nangangailangan ng proteksiyon. Kaya nang itatag ang Nagkakaisang mga Bansa pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II, hindi gaanong idiniin ang pagbabawas ng armas at higit na idiniin ang pagtutulungan ng mga bansa upang mahadlangan ang pagsalakay. Umasa ang mga miyembro na ang seguridad na inilaan sa gayon ay magbibigay ng pagtitiwala sa mga bansa upang magbawas ng armas.

Naging lalong maliwanag ang isa pang suliranin. Kadalasan, ang pagsisikap ng isang bansa na tiyakin ang seguridad nito ay ikinababalisa naman ng kalapit nitong bansa. Ang ganitong mahirap na situwasyon ay humantong sa pagpapaligsahan sa armas. Ngunit kamakailan lamang, ang bumuting ugnayan sa pagitan ng malalaking bansa ay nagpatibay sa pag-asa na mabawasan ang mga armas. Subalit mula noon, sinira ng Digmaan sa Gulpo at ng mga kaguluhan sa dating Yugoslavia ang pag-asa ng marami na mabawasan ang armas. Mga limang taon na ang nakalilipas, nagkomento ang magasing Time: “Bagaman tapos na ang cold war, ang daigdig ay naging isang lalong mapanganib, sa halip na di-gaanong mapanganib na lugar.”

Pagnanais Para sa Isang Pangglobong “Pulis”

Sinasabi ng maraming tagapagmasid na kailangan ng sangkatauhan ang iisang pandaigdig na awtoridad na may hukbong sapat ang kapangyarihan upang ipagsanggalang ang lahat. Yamang kahit ang organisasyon ng Nagkakaisang mga Bansa ni ang mga nangungunang militar na kapangyarihan sa daigdig ay hindi makagawa nito, inaakala ng ilan na malabo ang pag-asa sa hinaharap. Ngunit kung tinatanggap mo ang Bibliya bilang Salita ng Diyos, baka naisip mo kung masasapatan kaya ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat ang apurahang pangangailangang ito.

Ang Isa kaya na tinatawag ng Bibliya na “ang Diyos ng pag-ibig at ng kapayapaan” ay gagamit ng puwersang militar upang magpatupad ng katarungan? Kung gayon, aling hukbo? Marami sa mga hukbo sa ngayon ang nag-aangking may pagtangkilik ng Diyos, ngunit talaga nga kayang ginagawa nila ang kalooban ng Diyos? O ang Diyos kaya ay may ibang paraan ng pakikialam at paglalaan ng kapayapaan at katiwasayan?​—2 Corinto 13:11.

Hinarap ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat ang unang paghihimagsik sa pamamagitan ng pagpapalayas kina Adan at Eva mula sa Eden at pagtatalaga ng mga kerubin upang hadlangan ang kanilang pagbabalik. Ipinahayag din niya ang kaniyang layunin na sugpuin ang lahat ng paghihimagsik laban sa kaniyang soberanya. (Genesis 3:15) Maaari kayang mangahulugan ito ng paggamit ng Diyos ng isang hukbo?

Sinasabi ng Bibliya ang tungkol sa mga pagkakataon na gumamit nga ang Diyos ng mga hukbo upang isakatuparan ang kaniyang mga kahatulan. Halimbawa, ang mga kaharian sa lupain ng Canaan ay nagsagawa ng pakikipagtalik sa mga hayop, paghahain ng mga bata, at sadistikong pakikidigma. Ipinag-utos ng Diyos ang lubusang paglipol sa kanila at ginamit ang hukbo ni Josue upang isagawa ang hatol na iyon. (Deuteronomio 7:1, 2) Sa katulad na paraan, isinakatuparan ng hukbo ni Haring David ang kahatulan ng Diyos laban sa mga Filisteo bilang isang halimbawa kung paano pupuksain ng Diyos ang lahat ng kabalakyutan sa kaniyang pangwakas na araw ng paghuhukom.

May itinuturo ang mga pangyayaring iyon. Ipinakita ni Jehova na maaari siyang gumamit ng isang hukbo upang bigyan ng katiwasayan ang mga tao. Ang totoo, si Jehova ay may isang pambihirang uri ng hukbo na haharap sa pansansinukob na paghihimagsik laban sa kaniyang pamamahala.

“Jehova ng mga Hukbo”

Ginagamit ng Bibliya ang katagang “Jehova ng mga hukbo” nang mahigit na 250 beses. Ang katagang ito ay pangunahing tumutukoy sa katayuan ng Diyos bilang komander ng napakalaking puwersa ng mga anghel. Minsan ay sinabi ni propeta Micaias kina Haring Ahab at Haring Jehosapat: “Nakikita ko nga si Jehova na nakaupo sa kaniyang trono at ang buong hukbo ng langit na nakatayo sa tabi niya, sa kaniyang kanan at sa kaniyang kaliwa.” (1 Hari 22:19) Hukbo ng mga anghel ang tinutukoy rito. Ginamit ni Jehova ang mga hukbong ito upang ipagsanggalang ang kaniyang bayan. Nang kubkubin ang lunsod ng Dotan, nawalan na ng pag-asa ang lingkod ni Eliseo. Subalit upang mapanatag ang kaniyang loob, binigyan siya ng Diyos ng isang makahimalang pangitain ng hukbo nito ng mga espiritung nilalang. “Idinilat ni Jehova ang mga mata ng tagapaglingkod, anupat siya ay nakakita; at, narito! ang bulubunduking pook ay punô ng mga kabayo at mga pandigmang karo ng apoy.”​—2 Hari 6:15-17.

Ang mga pangyayari bang iyon ay nangangahulugan na tinatangkilik ng Diyos ang mga hukbo sa ngayon? Ang ilang hukbo ng Sangkakristiyanuhan ay nag-aangking mga hukbo ng Diyos. Marami ang humiling sa mga klerigo na sila’y basbasan. Ngunit kadalasang naglalabanan sa isa’t isa ang mga hukbo ng Sangkakristiyanuhan, anupat laban sa mga kapananampalataya. Nagsimula ang dalawang digmaang pandaigdig ng siglong ito sa pagitan ng mga hukbo na nag-aangking Kristiyano. Hindi maaaring gawa ito ng Diyos. (1 Juan 4:20) Bagaman nag-aangkin ang gayong militar na mga puwersa na sila’y nakikipaglaban ukol sa kapayapaan, tinagubilinan ba ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na bumuo ng gayong mga hukbo sa pagtatangkang hadlangan ang sisira ng kapayapaan sa daigdig?

Naganap ang isang malubhang paglabag sa kapayapaan nang isang armadong pulutong ang dumakip kay Jesus sa isang hardin kung saan siya nananalangin kasama ng kaniyang mga alagad. Tinaga ng isa sa mga alagad ang isang lalaking kabilang sa pulutong. Ginamit ni Jesus ang pagkakataong iyon upang ipaliwanag ang isang mahalagang simulain. Sinabi niya: “Ibalik mo ang iyong tabak sa kinalalagyan nito, sapagkat ang lahat niyaong mga kumukuha ng tabak ay malilipol sa pamamagitan ng tabak. O iniisip mo ba na hindi ako makahihiling sa aking Ama na paglaanan ako sa sandaling ito ng mahigit sa labindalawang lehiyon ng mga anghel?” Humawak si Jesus ng isang napakalaking hukbo, ngunit hindi kabilang dito si Pedro bilang isang sundalo, ni ang sinumang tao. Sa halip, si Pedro at ang lahat ng iba pang tagasunod ni Jesus ay tinawag upang maging “mga mangingisda ng mga tao.” (Mateo 4:19; 26:47-53) Pagkaraan ng ilang oras, nilinaw ni Jesus ang situwasyon kay Pilato. Sinabi niya: “Ang kaharian ko ay hindi bahagi ng sanlibutang ito. Kung ang aking kaharian ay bahagi ng sanlibutang ito, ang aking mga tagapaglingkod ay lumaban sana upang ako ay hindi madala sa mga Judio. Ngunit, ang totoo, ang kaharian ko ay hindi nagmumula rito.” (Juan 18:36) Di-tulad ng kaharian ni David na itinatag sa lupa, ang Kaharian na ibinigay ng Diyos kay Jesus ay nasa langit at magdadala ito ng kapayapaan sa lupa.

Makikipaglaban ang mga Hukbo ng Diyos

Malapit nang kumilos ang mga hukbo ng Diyos. Sa paglalarawan sa engkuwentrong magaganap, tinatawag ng Apocalipsis si Jesus bilang “Ang Salita ng Diyos.” Mababasa natin: “Ang mga hukbo na nasa langit ay sumusunod sa kaniya na nasa mga kabayong puti, at nararamtan sila ng mapuputi, malilinis, maiinam na lino. At lumalabas mula sa kaniyang bibig ang isang mahabang tabak na matalas, upang kaniyang saktan ang mga bansa sa pamamagitan nito.” Sinasabi ng Bibliya na ang engkuwentrong ito ay hahantong sa katapusan ng “mga hari sa lupa at ang kanilang mga hukbo.” Kung tungkol naman sa iba na hindi nagpakita ng kanilang katapatan sa Diyos, idinagdag ng hula: “Ang iba ay pinatay sa pamamagitan ng mahabang tabak ng isa na nakaupo sa kabayo.” Maging si Satanas na Diyablo ay ililigpit. Ito’y tunay na magbibigay-daan sa isang mapayapang sanlibutan na walang mga hukbo.​—Apocalipsis 19:11-21; 20:1-3.

Gunigunihin ang Isang Daigdig na Walang Digmaan

Nakikini-kinita mo ba ang isang daigdig na totoong tiwasay anupat hindi na kailangan ang mga hukbo? Sinasabi ng isang awit sa Bibliya: “Halikayo at masdan ang mga gawain ni Jehova, kung paanong nagtakda siya ng kagila-gilalas na mga pangyayari sa lupa. Pinatitigil niya ang mga digmaan hanggang sa kadulu-duluhan ng lupa.”​—Awit 46:8, 9.

Anong laking ginhawa nito! Gunigunihin ang mga pagkakataon na ang lipunan ng tao ay mapalaya sa wakas mula sa nakalulumpong pasanin ng pagbabayad para sa mga hukbo at sa mga kagamitan ng mga ito! Maibabaling na ng mga tao ang kanilang lakas tungo sa pagpapabuti ng buhay ng lahat, sa paglilinis ng lupa at muling pagtatanim dito. Magkakaroon ng mga bagong pagkakataon upang mag-imbento ng mga bagay na talagang pakikinabangan ng sangkatauhan.

Matutupad sa buong daigdig ang pangakong ito: “Karahasan ay hindi maririnig sa iyong lupain, ni ang kawasakan man o ang kagibaan man sa loob ng iyong mga hangganan.” (Isaias 60:18) Hindi na kailanman mangyayari pa na milyun-milyon ang desperadong magsisilikas mula sa mga lugar ng digmaan, anupat napilitang lisanin ang kanilang tahanan at mga ari-arian upang mamuhay sa kalunus-lunos na mga kampo. Hindi na kailanman tatangis ang mga tao dahil sa mga mahal sa buhay na napatay o napinsala ng mga alitan sa pagitan ng mga bansa. Itatatag ng makalangit na Haring hinirang ni Jehova ang isang namamalaging kapayapaan sa daigdig. “Sa kaniyang mga araw ay mamumukadkad ang mga matuwid, at saganang kapayapaan hanggang sa mawala ang buwan. Tutubusin niya ang kanilang kaluluwa mula sa pang-aapi at karahasan.”​—Awit 72:7, 14.

Lalo pang kanais-nais ang buhay kasama ng bayan na sa halip na matutong mapoot ay natutong tumulad sa maibiging mga daan ng Diyos. Inihula ng Salita ng Diyos: “Hindi sila gagawa ng anumang pinsala o magpapangyari ng anumang pagkasira sa aking buong bundok na banal; sapagkat ang lupa ay tiyak na mapupuno ng kaalaman ni Jehova kung paanong ang mga katubigan ay tumatakip sa mismong dagat.” Paano kaya ang mamuhay kasama ng mga taong nakakakilala at umiibig kay Jehova? Inihula ng aklat ding ito: “Ang gawain ng tunay na katuwiran ay magiging kapayapaan; at ang bunga ng tunay na katuwiran ay katahimikan at katiwasayan hanggang sa panahong walang takda. At ang bayan ko ay tatahan sa payapang dakong tirahan at sa mga tiwasay na tahanan at sa mga tahimik na dakong pahingahan.”​—Isaias 11:9; 32:17, 18.

Natatanto ng mga taong may pananampalatayang nakasalig sa kaalaman sa Bibliya na ang mga hukbo ng Diyos ay nakahanda na upang linisin ang lupa mula sa lahat ng kaaway ng kapayapaan. Ang kaalamang ito ay nagbibigay sa kanila ng pagtitiwala na ikapit ang sinasabi ng Bibliya na ‘mangyayari sa huling bahagi ng mga araw.’ Iyon ay: “Papandayin nila ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod at ang kanilang mga sibat upang maging mga karit. Ang bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa, ni mangag-aaral pa man sila ng pakikipagdigma.”​—Isaias 2:2-4.

Ang mga tao mula sa maraming bansa na naging mga Saksi ni Jehova ay huminto na sa ‘pag-aaral ng pakikidigma.’ Naglagak sila ng tiwala sa proteksiyon ng makalangit na mga hukbo ng Diyos. Sa pamamagitan ng pag-aaral ng Bibliya kasama nila, maaari ka ring magkaroon ng gayong pagtitiwala.

[Picture Credit Line sa pahina 28]

Kuha ng U.S. National Archives

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share