-
Aklat ng Bibliya Bilang 8—Ruth“Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
-
-
masipag. Ang paggalang ni Boaz sa batas ni Jehova at ang may-kaamuang pagsunod sa kalooban ni Jehova, sampu ng pag-ibig niya sa tapat na si Naomi at sa masipag na si Ruth, ay umakay upang magampanan ang kaniyang pribilehiyo bilang tagatubos.
10. Bakit dapat mapatibay ng ulat sa Ruth ang ating pagtitiwala sa mga pangako ng Kaharian?
10 Ang paglalaan ni Jehova ng pag-aasawa, at sa kasong ito ay sa kaayusan ng pagtubos, ay natupad sa ikararangal niya. Si Jehova ang Tagapagsaayos ng pag-aasawa nina Boaz at Ruth, at pinagpala niya ito ayon sa kaniyang kagandahang-loob; paraan niya ito upang huwag mapatid ang maharlikang hanay ni Juda na humantong kay David at sa Lalong-Dakilang David, si Jesu-Kristo. Ang maingat na pagsubaybay ni Jehova sa pagluluwal ng Tagapagmana ng Kaharian ayon sa kaniyang legal na paglalaan ay dapat magpatibay sa ating pag-asa at pagtitiwala sa katuparan ng lahat ng pangako ng Kaharian. Dapat tayong pukawin sa pagiging-abala sa makabagong gawain ng pag-aani, na nakatitiyak ng sakdal na kabayaran mula kay Jehova, ang Diyos ng espirituwal na Israel, na sa ilalim ng ‘mga pakpak [niya] ay nanganganlong tayo’ at na ang mga layunin ng kaniyang Kaharian ay papalapit na sa maluwalhating katuparan. (2:12) Ang aklat ng Ruth ay isa pang mahalagang kawing sa ulat na umaakay sa Kahariang yaon!
-
-
Aklat ng Bibliya Bilang 9—1 Samuel“Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
-
-
Aklat ng Bibliya Bilang 9—1 Samuel
Mga Manunulat: Sina Samuel, Gad, at Nathan
Saan Isinulat: Sa Israel
Natapos Isulat: c. 1078 B.C.E.
Panahong Saklaw: c. 1180-1078 B.C.E.
1. Anong malaking pagbabago sa organisasyon ng Israel ang naganap noong 1117 B.C.E., at anong mga kalagayan ang sumunod dito?
NOONG 1117 B.C.E., malaki ang naging pagbabago sa organisasyon ng bansang Israel. Inatasan ang isang haring tao! Naganap ito nang si Samuel ay propeta ni Jehova sa Israel. Bagaman patiuna nang nabatid at naihula ni Jehova, ang pagbabago sa isang monarkiya, na siyang hiningi ng mga taga-Israel, ay naging matinding dagok kay Samuel. Palibhasa tapat kay Jehova mula sa pagsilang, at lipos ng pagpipitagan sa pagiging-hari ni Jehova, nakini-kinita ni Samuel ang kapahamakan para sa banal na bayan ng Diyos. Sumunod lamang si Samuel sa gusto nila dahil sa utos ni Jehova. “Nang magkagayo’y ipinaliwanag ni Samuel sa bayan ang karapatan ng paghahari at saka isinulat ito sa isang aklat at inilagay sa harapan ni Jehova.” (1 Sam. 10:25) Dito nagwakas ang panahon ng mga hukom, at nagsimula ang panahon ng mga haring tao na makasasaksi sa pag-unlad ng Israel sa sukdulang kapangyarihan at katanyagan, hanggang sa wakas ay mahulog sila sa kahihiyan at pagkahiwalay sa lingap ni Jehova.
2. Sino ang sumulat ng Unang Samuel, at ano ang kanilang mga kuwalipikasyon?
2 Sino ang karapat-dapat mag-ulat sa napakahalagang yugtong ito? Angkop ang pagkapili ni Jehova kay Samuel upang simulan ang pagsulat. Ang Samuel ay nangangahulugang “Pangalan ng Diyos,” at siya noon ang namumukod-tanging tagapagtaguyod ng pangalan ni Jehova. Lumilitaw na si Samuel ang sumulat ng unang 24 na kabanata ng aklat. Nang mamatay siya, itinuloy ito nina Gad at Nathan, upang tapusin ang ulat hanggang sa kamatayan ni Saul. Makikita ito sa 1 Cronica 29:29: “Kung tungkol sa mga gawa ni David na hari, ang mga nauna at ang nahuli, lahat ay nasusulat sa mga salita ni Samuel na manghuhula at ni Nathan na propeta at ni Gad na tagakita.” Di-gaya ng Mga Hari at ng Mga Cronica, ang mga aklat ni Samuel ay halos walang pagtukoy sa naunang mga ulat, kaya tiyak na ang mga sumulat ay ang mga kasabay ni David na sina Samuel, Gad, at Nathan. Ang tatlo ay pawang pinagkatiwalaan ng tungkulin bilang mga propeta ni Jehova at pawang salungat sa idolatriya na nagpasamâ sa bansa.
3. (a) Papaano naging hiwalay na aklat ng Bibliya ang Unang Samuel? (b) Kailan ito natapos, at anong panahon ang saklaw nito?
3 Sa pasimula ang dalawang aklat ni Samuel ay iisang balumbon, o tomo. Nahati ito sa dalawa nang ilathala ang bahaging ito ng Griyegong Septuagint. Doon, ang Unang Samuel ay tinawag na Unang Mga Kaharian. Ang paghahati at ang pangalang Unang Mga Hari ay ginaya ng Latin Vulgate at ng mga Bibliyang Katoliko hanggang ngayon. Na sa pasimula ang Una at Ikalawang Samuel ay iisa ay makikita sa Masoretikong nota sa 1 Samuel 28:24, na nagsasabing ang talatang ito ay nasa gitna ng aklat ni Samuel. Waring ang aklat ay natapos noong 1078 B.C.E. Kaya malamang, mahigit-higit na isandaang taon ang saklaw ng Unang Samuel, 1180 hanggang 1078 B.C.E.
4. Papaano pinatunayan ang kawastuan ng ulat sa Unang Samuel?
4 Sagana ang patotoo sa kawastuan ng ulat. Ang mga pangyayaring binabanggit ay angkop sa heograpikal na mga lokasyon. Kapansin-pansin na ang pagsalakay ni Jonathan sa garison ng mga Filisteo sa Michmas, na ganap na tumalo sa mga Filisteo, ay inulit noong Digmaang Pandaigdig I ng isang opisyal ng Hukbong Ingles, na di-umano ay tumalo rin sa mga Turko nang sundin nito ang mga palatandaan na binabanggit sa kinasihang ulat ni Samuel.—14:4-14.a
5. Papaano nagpapatotoo ang ibang manunulat ng Bibliya sa pagiging-tunay ng Unang Samuel?
5 Gayunman, may mas matitibay pang patotoo sa pagiging-kinasihan at pagiging-totoo ng aklat. Iniuulat nito ang kapansin-pansing katuparan ng hula ni Jehova sa paghingi ng Israel ng hari. (Deut. 17:14; 1 Sam. 8:5) Pagkaraan ng maraming taon, pinatunayan ni Oseas ang ulat nang sipiin niya ang sinabi ni Jehova, “Sa aking galit ay pinagkalooban ko kayo ng hari, at sa aking poot ay aalisin ko siya.” (Ose. 13:11) Ipinakita ni Pedro na si Samuel ay kinasihan nang ipakilala niya ito bilang propeta na ‘nagpahayag nang malinaw hinggil sa mga kaarawan’ ni Jesus. (Gawa 3:24) Sinipi ni Pablo ang 1 Samuel 13:14 nang itampok niya ang kasaysayan ng Israel. (Gawa 13:20-22) Ang ulat ay pinatunayan ni Jesus nang tanungin niya ang mga Fariseo: “Hindi ba ninyo nabasa ang ginawa ni David nang siya at ang mga tauhan niya ay magutom?” At isinaysay niya ang paghingi ni David ng tinapay na handog. (Mat. 12:1-4; 1 Sam. 21:1-6) Tinanggap din ni Ezra ang ulat, gaya nang nasabi na.—1 Cron. 29:29.
6. Ano pang ibang panloob na ebidensiya sa Bibliya ang nagpapatotoo sa pagiging-tunay ng Unang Samuel?
6 Palibhasa ito ang orihinal na ulat ng mga gawain ni David, ang bawat pagbanggit kay David sa buong Kasulatan ay nagpapatotoo sa aklat ni Samuel bilang bahagi ng kinasihang Salita ng Diyos. Ang ilan sa mga kaganapan nito ay tinutukoy pa man din sa mga pamagat ng mga awit ni David, gaya ng Awit 59 (1 Sam. 19:11), Awit 34 (1 Sam. 21:13, 14), at Awit 142 (1 Sam. 22:1 o 1 Sam. 24:1, 3). Kaya ang panloob na ebidensiya ng sariling Salita ng Diyos ay tiyak na nagpapatotoo sa pagiging-tunay ng Unang Samuel.
NILALAMAN NG UNANG SAMUEL
7. Nasa aklat ang kasaysayan ng sinu-sinong pinunò sa Israel?
7 Sumasaklaw ang aklat nang bahagya o sa kabuuan ng lawig ng buhay ng apat na pinunò ng Israel: Si Eli na mataas na saserdote, si Samuel na propeta, sina Saul at David na una at ikalawang hari.
8. Papaano naisilang si Samuel at papaano siya naging “ministro ni Jehova”?
8 Ang paghuhukom ni Eli at ang batang si Samuel (1:1–4:22). Sa pagbubukas ng ulat, ipinakikilala si Ana, paboritong asawa ni Elkana na Levita. Baog siya at naging sanhi ito ng panunuya ni Penina, ang isa pang asawa ni Elkana. Nang ang pamilya ay nasa kanilang taunang pagdalaw sa Silo, na kinaroroonan ng kaban ng tipan ni Jehova, taimtim na nanalangin si Ana kay Jehova ukol sa isang anak. Nangako siya na kung diringgin, ang bata ay iaalay niya kay Jehova. Sinagot ng Diyos ang dalangin niya, at nagkaanak siya ng lalaki, si Samuel. Pagkaawat-na-pagkaawat, inihatid siya ni Ana sa bahay ni Jehova at ipinagkatiwala sa mataas na saserdoteng si Eli, bilang isa na ‘inihandog kay Jehova.’ (1:28) Sa masayang awit ay ipinahayag ni Ana ang pasasalamat at kaligayahan. Ang bata ay naging “ministro ni Jehova sa harap ni Eli na saserdote.”—2:11.
9. Papaano naging propeta si Samuel sa Israel?
9 Hindi naging mabuti ang lahat para kay Eli. Matanda na siya, at ang dalawa niyang anak na lalaki ay naging salbahe at “hindi kinilala si Jehova.” (2:12) Sinamantala nila ang pagkasaserdote upang palugdan ang kanilang kasakiman at kalibugan. Hindi sila itinuwid ni Eli. Kaya hinatulan ni Jehova ang sambahayan ni Eli, at nagbabala na “hindi magkakaroon ng matanda sa iyong sambahayan” at na ang dalawang anak ni Eli ay sabay na mamamatay. (1 Sam. 2:30-34; 1 Hari 2:27) Sa wakas, isinugo Niya kay Eli ang batang si Samuel taglay ang isang masakit-pakinggang paghatol. Kaya si Samuel ay kinilala bilang propeta sa Israel.—1 Sam. 3:1, 11.
10. Papaano hinatulan ni Jehova ang sambahayan ni Eli?
10 Tinupad ni Jehova ang hatol nang isugo niya ang mga Filisteo. Nang natatalo na sa labanan, ang kaban ng tipan ay kinuha ng mga Israelita mula sa Silo tungo sa kampo ng kanilang hukbo. Nang marinig ang kanilang sigawan at malaman na ang Kaban ay dinala sa kampo ng Israel, pinalakas ng mga Filisteo ang kanilang hukbo at nakasisindak ang naging tagumpay nila, pagkat nalipol ang mga Israelita. Naagaw ang Kaban at namatay ang dalawang anak ni Eli. Nanginginig ang pusong tinanggap ni Eli ang balita. Nang marinig ang tungkol sa Kaban, siya’y patalikod na natumba at namatay sa pagkabali ng leeg. Doon nagtapos ang kaniyang 40-taon ng paghuhukom. Oo, “Ang kaluwalhatian ay humiwalay sa Israel,” pagkat ang Kaban ay sagisag ng pagkanaroroon ni Jehova.—4:22.
11. Papaano napatunayan na ang Kaban ay hindi isang agimat?
11 Si Samuel ay naging hukom sa Israel (5:1–7:17). Malungkot na natutunan ng mga Filisteo na ang kaban ni Jehova ay hindi dapat ituring na agimat. Nang ipasok nila ito sa templo ni Dagon sa Asdod, ang kanilang diyos ay napasubsob sa lupa. Kinaumagahan si Dagon ay muling bumagsak sa may pintuan, at naputol ang ulo at dalawang kamay
-