Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w98 5/1 p. 5-7
  • Sino si Jehova?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Sino si Jehova?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Kahalagahan ng Kaniyang Pangalan
  • Ang Nangingibabaw na mga Katangian ni Jehova
  • Diyos ng Lahat ng Bansa
  • Mga Pakinabang na Makilala si Jehova
  • Si Jehova—Sino Siya?
    Si Jehova—Sino Siya?
  • Kinikilala Kung Sino ang Diyos
    Isang Kasiya-siyang Buhay—Kung Paano Ito Matatamo
  • Sino ang Tunay na Diyos?
    Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan
  • Dakilain si Jehova Bilang ang Tanging Tunay na Diyos
    Sambahin ang Tanging Tunay na Diyos
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
w98 5/1 p. 5-7

Sino si Jehova?

SINABI ni Jehova sa isa sa kaniyang tapat na mananamba: “Hindi maaaring makita ako ng tao at mabuhay.” (Exodo 33:20) “Ang Diyos ay Espiritu,” at hindi siya maaaring makita ng mga tao sa pamamagitan ng kanilang pisikal na mga mata. (Juan 4:24) Kung paanong nakapipinsala sa ating mga mata ang tuwirang pagtingin sa araw sa tanghaling tapat, gayundin ang idudulot na pinsala nito para sa atin na makita ang kahanga-hangang Pinagmumulan ng enerhiya na lumikha hindi lamang ng ating nakasisilaw na araw kundi pati na rin ng di-mabilang na iba pang mga araw sa sansinukob.

Mabuti na lamang, hindi na natin kailangang makita pa ang Diyos upang malaman ang tungkol sa kaniya. Kapuwa ipinakikilala ng Bibliya ang isa na naghanda ng napakagandang paketeng iyan, ang lupa, para sa atin at isinisiwalat ang kaniyang personalidad. Kaya nararapat lamang na bumaling sa Bibliya upang malaman ang tungkol sa Ama na nagbigay sa atin ng buhay at naglaan ng isang magandang tahanan upang doon tamasahin ang buhay.

Ang Kahalagahan ng Kaniyang Pangalan

Lahat ng pangalan ay may kahulugan, bagaman marami ang marahil hindi nakaaalam nito sa ngayon. Halimbawa, ang karaniwang pangalan sa Ingles na David ay galing sa salitang Hebreo na nangangahulugang “Iniibig.” Ang pangalan ng Maylalang, si Jehova, ay may kahulugan din. Ano iyon? Sa orihinal na wikang Hebreo sa Bibliya, ang banal na pangalan ng Diyos ay isinusulat sa apat na titik, YHWH, at lumitaw nang halos 7,000 ulit sa Hebreong bahagi ng Bibliya. Nauunawaan na ang banal na pangalan ay nangangahulugang “Pinapangyayari Niyang Maging.” Ipinahihiwatig nito na buong-katalinuhang pinapangyayari ni Jehova ang kaniyang sarili na maging isa ayon sa pangangailangan upang matupad ang kaniyang mga layunin. Siya ang Maylalang, Hukom, Tagapagligtas, Tagapagsustine ng Buhay, at kung gayon ay maisasakatuparan niya ang kaniyang mga pangako. Bukod diyan, ang pangalang Jehova sa Hebreo ay nasa isang anyo na nagpapahiwatig ng pagkilos sa paraang naisasakatuparan. Oo, pinapangyayari pa rin ni Jehova ang kaniyang sarili na maging tagatupad ng kaniyang mga layunin. Siya’y isang buháy na Diyos!

Ang Nangingibabaw na mga Katangian ni Jehova

Inilalarawan ng Bibliya ang Maylalang bilang “isang Diyos na maawain at magandang-loob, mabagal sa pagkagalit at sagana sa maibiging-kabaitan at katotohanan, na nagpapakita ng maibiging-kabaitan sa libu-libo, nagpapatawad sa kamalian at pagsalansang at kasalanan.” (Exodo 34:6, 7) Ang pananalitang “maibiging-kabaitan” ay nagsasalin ng isang napakamakahulugang salita sa Hebreo. Nagpapahiwatig ito ng kabaitan na maibiging iniuugnay sa isang bagay hanggang sa ang layunin nito sa bagay na iyon ay matupad. Maaari rin itong isalin na “tapat na pag-ibig.” Maibiging iniuugnay ng kabaitan ni Jehova ang sarili nito sa kaniyang mga nilalang at tinutupad ang kaniyang kahanga-hangang layunin. Hindi mo ba pahahalagahan ang gayong pag-ibig mula sa Isa na nagbigay sa iyo ng buhay?

Si Jehova ay mabagal sa pagkagalit at mabilis sa pagpapatawad sa ating mga pagkakamali. Nakalulugod na mapalapit sa gayong uri ng persona. Gayunman, hindi ito nangangahulugan na kinukunsinti niya ang masamang gawa. Ipinahayag niya: “Ako, si Jehova, ay umiibig sa katarungan, kinapopootan ko ang pagnanakaw sampu ng kalikuan.” (Isaias 61:8) Bilang Diyos ng katarungan, hindi niya hahayaan magpakailanman ang mga pangahas na makasalanan na nagpupumilit sa kanilang kabalakyutan. Kaya nga, makatitiyak tayo na sa kaniyang takdang panahon, itutuwid ni Jehova ang kawalan ng katarungan sa sanlibutan. Hindi niya tatalikuran ang mga naaapi.

Hindi madaling panatilihin ang isang ganap na panimbang sa pagitan ng pag-ibig at katarungan. Kung ikaw ay isang magulang, nahihirapan ka bang magpasiya kung kailan, paano, at hanggang saan mo itutuwid ang iyong mga anak kapag sila’y gumagawi nang di-wasto? Kailangan ang ibayong karunungan upang mapagtimbang ang katarungan at maibiging pagdamay. Ang katangiang iyan ay saganang ipinamamalas ni Jehova sa kaniyang pakikitungo sa mga tao. (Roma 11:33-​36) Tunay, ang karunungan ng Maylalang ay makikita saanman, halimbawa ay sa kamangha-manghang paglalang na nakapaligid sa atin.​—Awit 104:24; Kawikaan 3:19.

Gayunman, hindi sapat ang pagtataglay ng karunungan. Upang maganap ang kaniyang kalooban, dapat na taglay rin ng Maylalang ang kapangyarihan, at isinisiwalat ng Bibliya na gayon na lamang ang kaniyang kapangyarihan: “Itingin ninyo sa itaas ang inyong mga mata at tingnan ninyo. Sino ang lumikha ng mga bagay na ito? Yaong Isa na nagluluwal ng hukbo nila ayon sa bilang, na pawang tinatawag niya sa pangalan. Dahilan sa kasaganaan ng dinamikong kalakasan, at dahil sa siya’y malakas sa kapangyarihan, walang nawawalang isa man sa kanila.” (Isaias 40:26) Taglay ang “kasaganaan ng dinamikong kalakasan,” nagagawa ni Jehova ang mga bagay-bagay. Hindi ka ba naaakit sa kaniya dahil sa katangiang iyan?

Diyos ng Lahat ng Bansa

‘Pero hindi ba si Jehova ay Diyos ng “Matandang Tipan,” ang Diyos ng sinaunang Israel?’ baka itanong mo. Totoo na ipinakilala ni Jehova ang kaniyang sarili sa mga Israelita. Gayunman, dahil sa bagay na siya ang lumalang sa unang taong mag-asawa, si Jehova ang Diyos “na siyang pinagkakautangan ng pangalan ng bawat pamilya sa langit at sa lupa.” (Efeso 3:15) Kung naniniwala ka na angkop lamang na igalang ang iyong mga ninuno, hindi ba nararapat lamang na mangayupapa ka sa Isa na nagbigay ng buhay sa unang tao, ang ninuno nating lahat, na siyang pinagmulan ng lahat ng talaangkanan na umiiral ngayon sa lupa?

Hindi makitid ang isip ng Maylalang ng sangkatauhan. Totoo, minsan ay nagkaroon siya ng pantanging pakikipag-ugnayan sa bansang Israel. Ngunit kahit noon pa man, bukás na ang kaniyang bisig sa lahat ng tumatawag sa kaniyang pangalan. Isang matalinong hari sa Israel ang dumalangin kay Jehova: “Sa banyaga, na hindi bahagi ng iyong bayang Israel at siyang talagang dumating mula sa malayong lupain dahilan sa iyong pangalan . . . , makinig ka nawa mula sa langit, . . . at gawin mo ang ayon sa lahat ng ipinananawagan ng banyaga sa iyo; upang ang lahat niyaong bayan sa lupa ay makakilala sa iyong pangalan.” (1 Hari 8:41-​43) Hanggang sa panahong ito, ang mga tao sa lahat ng bansa ay maaaring makakilala kay Jehova at magkaroon ng kapaki-pakinabang na pakikipag-ugnayan sa kaniya. Ngunit paano ka naaapektuhan niyan?

Mga Pakinabang na Makilala si Jehova

Bilang pagbabalik sa ilustrasyon sa nakaraang artikulo, kung ikaw ay nakatanggap ng isang pakete na nakabalot nang maganda, natural lamang na nanaisin mong malaman kung para saan ang regalong ito. Paano ito gagamitin at pangangalagaan? Sa katulad na paraan, nais nating malaman kung ano ang nasa isip ng Diyos nang ihanda niya ang lupa para sa atin. Sinasabi ng Bibliya na “hindi niya nilikha ito para sa walang kabuluhan,” kundi kaniyang “ginawa ito upang tahanan,” alalaong baga’y, ng mga tao.​—Isaias 45:18.

Gayunman, hindi pinangalagaan ng karamihan sa mga tao ang regalo ng Maylalang. Sinisira na nila ang lupa, na ipinaghihinanakit ni Jehova. Ngunit, ayon sa kahulugan ng kaniyang pangalan, desidido si Jehova na tuparin ang kaniyang orihinal na layunin para sa tao at sa lupa. (Awit 115:16; Apocalipsis 11:18) Kaniyang kukumpunihin ang lupa at ibibigay ito bilang pamana sa mga nagnanais na mabuhay bilang kaniyang masunuring mga anak.​—Mateo 5:5.

Inilalarawan ng huling aklat sa Bibliya ang mangyayari kapag naganap iyan: “Narito! Ang tolda ng Diyos ay nasa sangkatauhan, at tatahan siyang kasama nila, at sila ay magiging kaniyang mga bayan. . . . At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.” (Apocalipsis 21:3, 4) Wala nang iiyak dahil sa kalungkutan o magdadalamhati dahil sa pagkawala ng isang minamahal. Wala nang hihingi ng tulong dahil sa kawalang-pag-asa o daranas ng kirot mula sa nakamamatay na mga sakit. Maging “ang kamatayan ay dadalhin sa wala.” (1 Corinto 15:26; Isaias 25:8; 33:24) Inilalarawan nito ang uri ng buhay na orihinal na ninais ni Jehova na tamasahin natin nang lalangin niya ang ating unang mga ninuno.

Sa katunayan, ngayon pa lamang ay makikita mo na ang gayong malaparaisong kalagayan sa gitna ng mga mananamba ni Jehova. Sinabi niya sa kanila: “Ako, si Jehova, ang iyong Diyos, ang Isa na nagtuturo sa iyo ng mapapakinabangan, ang Isa na pumapatnubay sa iyo sa daan na dapat mong lakaran.” (Isaias 48:17) Si Jehova ay isang mabait na Ama na nagtuturo sa atin, na kaniyang mga anak, ng pinakamainam na paraan ng pamumuhay. Ang kaniyang mga alituntunin sa mga tao ay naglalaan, hindi ng labis-labis na pagbabawal, kundi ng maibiging pag-iingat. Ang pagsunod sa mga ito ay magbubunga ng tunay na kalayaan at kaligayahan, na gaya ng nasusulat: “Ngayon si Jehova ang Espiritu; at kung nasaan ang espiritu ni Jehova, doon ay may kalayaan.” (2 Corinto 3:17) Sa pagsunod sa mga alituntuning nakasaad sa Bibliya, yaong mga tumatanggap sa kaniyang pamamahala ay nagtatamasa na ngayon ng kapayapaan ng isip na balang-araw ay mamamayani sa buong daigdig ng sangkatauhan.​—Filipos 4:7.

Tunay na napakabait na Ama si Jehova! Nais mo bang matuto pang higit hinggil sa Isa na nasa likod ng lahat ng kamangha-manghang paglalang? Para sa mga nagnanais, ang pakinabang ay di-matutumbasan kahit ngayon pa lamang. At sa hinaharap ang mga pagpapala’y walang katapusan.

[Larawan sa pahina 5]

Ang banal na pangalan na isinulat sa apat na Hebreong titik ay makikita sa mga pader ng maraming matatandang simbahan

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share