Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w98 5/1 p. 30-31
  • Ginantimpalaan ang Katapatan ni Job

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ginantimpalaan ang Katapatan ni Job
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pagpapawalang-Sala at Panunumbalik
  • Mga Aral Para sa Atin
  • Ang Pananalangin Para sa Iba ay Nakalulugod kay Jehova
    Ating Buhay at Ministeryong Kristiyano—Workbook Para sa Pulong—2016
  • Ang Katapatan ni Job—Bakit Totoong Pambihira?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
  • Aklat ng Bibliya Bilang 18—Job
    “Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
  • Nagbata si Job—Tayo Rin!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
w98 5/1 p. 30-31

Tinupad Nila ang Kalooban ni Jehova

Ginantimpalaan ang Katapatan ni Job

SI Job ay isang madamaying tao, isang tagapagtanggol ng mga balo, ulila, at mga napipighati. (Job 29:12-17; 31:16-21) Pagkatapos, biglang-bigla na lamang, dumanas siya ng kalamidad, anupat nawala ang kaniyang kayamanan, ang kaniyang mga anak, at ang kaniyang mabuting kalusugan. Nakalulungkot, ang marangal na taong ito na naging matibay na suhay ng mga naaapi ay nakatanggap lamang ng kaunting tulong sa panahon na siya ang nangangailangan. Maging ang kaniyang sariling asawa ay nagsabi sa kaniya na “sumpain mo ang Diyos at mamatay ka!” At ang kaniyang “mga kaibigan” na sina Elifaz, Bildad, at Zofar ay hindi nakapaglaan ng kaaliwan. Sa halip, ipinahiwatig nila na si Job ay nagkasala at kung gayo’y nararapat ang kaniyang paghihirap.​—Job 2:9; 4:7, 8; 8:5, 6; 11:13-15.

Sa kabila ng labis na pagdurusa, nanatiling tapat si Job. Dahil dito, nang dakong huli ay naawa si Jehova kay Job at pinagpala siya. Ang ulat kung paano niya ginawa ito ay naglalaan ng katiyakan sa lahat ng lingkod ng Diyos na nag-iingat ng katapatan na sa takdang panahon ay gagantimpalaan din sila.

Pagpapawalang-Sala at Panunumbalik

Una, itinuwid ni Jehova sina Elifaz, Bildad, at Zofar. Sa pakikipag-usap kay Elifaz, lumilitaw na ang pinakamatanda, sinabi niya: “Ang aking galit ay nag-init laban sa iyo at sa iyong dalawang kasama, sapagkat kayo ay hindi nagsalita ng katotohanan tungkol sa akin di-tulad ng aking lingkod na si Job. At ngayon ay kumuha kayo para sa inyong sarili ng pitong toro at pitong lalaking tupa at pumunta kayo sa aking lingkod na si Job, at kayo ay kailangang maghandog ng isang haing sinusunog alang-alang sa inyo; at si Job na aking lingkod ay siya mismong mananalangin para sa inyo.” (Job 42:7, 8) Isipin na lamang kung ano ang ibig sabihin nito!

Hiniling ni Jehova ang isang malaking hain mula kina Elifaz, Bildad, at Zofar, marahil upang ikintal sa kanila ang bigat ng kanilang kasalanan. Ang totoo, sinadya man nila o hindi, namusong sila sa Diyos sa pagsasabi na siya ay ‘walang pananampalataya sa kaniyang mga lingkod’ at na hindi naman talaga mahalaga sa kaniya kung si Job ay tapat o hindi. Sinabi pa man din ni Elifaz na sa paningin ng Diyos si Job ay kasinghalaga lamang ng gamugamo! (Job 4:18, 19; 22:2, 3) Hindi nga nakapagtataka na sabihin ni Jehova: “Kayo ay hindi nagsalita ng katotohanan tungkol sa akin”!

Subalit hindi lamang iyon. Nagkasala rin nang personal kay Job sina Elifaz, Bildad, at Zofar sa pamamagitan ng pagsasabi sa kaniya na ang kaniyang mga problema ay kagagawan niya. Ang kanilang walang-batayang mga akusasyon at malaking kawalan ng empatiya ang nagpangyaring mahapis at manlumo si Job, anupat nagtulak sa kaniya na humiyaw: “Hanggang kailan ninyo patuloy na pahihirapan ang aking kaluluwa at patuloy na babagabagin ako ng mga salita?” (Job 10:1; 19:2) Gunigunihin ang kahihiyan sa mukha ng tatlong lalaking ito yamang kailangan nila ngayong ibigay kay Job ang isang handog ukol sa kanilang mga kasalanan!

Ngunit si Job ay hindi dapat matuwa sa kanilang pagkapahiya. Sa katunayan, hiniling ni Jehova na ipanalangin niya ang kaniyang mga tagapag-akusa. Ginawa ni Job ang iniutos sa kaniya, at dahil dito ay pinagpala siya. Una, pinagaling ni Jehova ang kaniyang nakaririmarim na sakit. Pagkatapos, dumating ang mga kapatid at mga dating kasamahan ni Job upang aliwin siya, “at pinasimulan ng bawat isa na magbigay sa kaniya ng isang putol na salapi at ang bawat isa ng isang singsing na ginto.”a Bukod dito, si Job ay “nagkaroon ng labing-apat na libong tupa at anim na libong kamelyo at isang libong pares ng baka at isang libong asnong babae.”b At ang asawa ni Job ay maliwanag na nakipagkasundo sa kaniya. Nang maglaon, si Job ay pinagpala ng pitong anak na lalaki at tatlong anak na babae, at nakita pa niya ang apat na salinlahi ng kaniyang mga supling.​—Job 42:10-17.

Mga Aral Para sa Atin

Si Job ay nagpakita ng mahusay na halimbawa para sa makabagong-panahong mga lingkod ng Diyos. Siya ay “walang kapintasan at matuwid,” isang tao na maipagmamalaki ni Jehova na tawaging “aking lingkod.” (Job 1:8; 42:7, 8) Gayunman, hindi ito nangangahulugan na si Job ay sakdal. Minsan nang siya’y sinusubok pa, may-kamalian niyang inakala na ang Diyos ang sanhi ng kaniyang paghihirap. Pinuna pa man din niya ang paraan ng pakikitungo ng Diyos sa tao. (Job 27:2; 30:20, 21) At ipinahayag niya ang kaniyang sariling katuwiran sa halip na ang sa Diyos. (Job 32:2) Subalit si Job ay tumangging tumalikod sa kaniyang Maylalang, at mapagpakumbaba niyang tinanggap ang pagtutuwid ng Diyos. “Nagsalita ako, ngunit hindi ko nauunawaan,” inamin niya. “Binabawi ko ang aking sinabi, at nagsisisi ako sa alabok at mga abo.”​—Job 42:3, 6.

Kapag dumaranas ng pagsubok tayo man ay maaaring mag-isip, magsalita, o kumilos sa paraang hindi nararapat. (Ihambing ang Eclesiastes 7:7.) Magkagayunman, kung marubdob ang ating pag-ibig sa Diyos, hindi tayo maghihimagsik laban sa kaniya o sasama ang loob dahil pinahintulutan niya tayong dumanas ng paghihirap. Sa halip, iingatan natin ang ating katapatan at sa gayon ay aani ng saganang pagpapala sa dakong huli. Ganito ang sabi ng salmista tungkol kay Jehova: “Sa isa na tapat ay kikilos ka nang may katapatan.”​—Awit 18:25.

Bago naibalik ang mabuting kalusugan ni Job, hiniling ni Jehova na ipanalangin niya yaong mga nagkasala sa kaniya. Anong inam na halimbawa para sa atin! Hinihiling ni Jehova na ating patawarin yaong mga nagkasala sa atin bago mapatatawad ang ating sariling mga kasalanan. (Mateo 6:12; Efeso 4:32) Kung hindi tayo handang magpatawad sa iba kapag may mabuting dahilan upang gawin ito, makatuwiran kaya nating maaasahan na magiging maawain si Jehova sa atin?​—Mateo 18:21-35.

Tayong lahat ay napapaharap sa mga pagsubok paminsan-minsan. (2 Timoteo 3:12) Gayunman, makapananatili rin tayong tapat gaya ni Job. Sa paggawa ng gayon, aani tayo ng malaking gantimpala. Ganito ang isinulat ni Santiago: “Narito! Ipinahahayag nating maligaya yaong mga nakapagbata. Narinig ninyo ang pagbabata ni Job at nakita ang kinalabasan na ibinigay ni Jehova, na si Jehova ay napakamagiliw sa pagmamahal at maawain.”​—Santiago 5:11.

[Mga talababa]

a Ang halaga ng “isang putol na salapi” (Hebreo, qesi·tahʹ) ay hindi matiyak. Subalit ang “sandaang putol na salapi” ay nakabili ng malaki-laking sukat ng lupa noong panahon ni Jacob. (Josue 24:32) Kung gayon, ang “isang putol na salapi” na galing sa bawat bisita ay malamang na malaki-laki nang regalo.

b Malamang, ang kasarian ng mga asno ay binanggit dahil sa halaga ng mga ito bilang mga inahin.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share