Tunay na Katarungan—Kailan at Paano?
WALANG anumang dapat ikatakot ang inosente sa tunay na katarungan. Sa katunayan, ang mga mamamayan sa halos lahat ng dako ay may dahilan upang magpasalamat kung ang kanilang bansa ay may isang legal na sistema na tumitiyak sa katarungan. Kalakip sa gayong sistema ang isang balangkas ng mga batas, isang puwersa ng pulisya na magpapatupad sa mga ito, at mga hukuman na maglalapat ng katarungan. Iginagalang ng tunay na mga Kristiyano ang sistema ng hustisya sa lugar na kanilang tinitirhan, bilang pagsunod sa payo ng Bibliya na “magpasakop sa nakatataas na mga awtoridad.”—Roma 13:1-7.
Gayunman, ang mga sistema ng hustisya sa iba’t ibang bansa ay nakagawa ng nakapipinsala at nakahihiyang mga pagkakamali.a Sa halip na parusahan ang may kasalanan at ipagsanggalang ang inosente, kung minsa’y napaparusahan ang mga inosenteng tao sa mga krimen na hindi naman nila ginawa. Ang ibang mga indibiduwal ay gumugol ng mga taon sa bilangguan, upang mapalaya lamang bago matapos ang kanilang sentensiya dahil sa seryosong pag-aalinlangan kung sila nga’y nagkasala at kung nararapat nga ba ang hatol sa kanila. Kaya naman, marami ang nagtatanong, Magkakaroon pa kaya ng tunay na katarungan para sa lahat? Kung oo, kailan at paano? Sino ang maaari nating pagtiwalaan upang magsanggalang sa mga inosente? At ano ang pag-asa para sa mga biktima ng kawalang-katarungan?
Nagkamaling Hustisya
Noong mga taon ng 1980, nasaksihan sa Alemanya ang “isa sa pinakamalalaking kaso pagkatapos ng digmaan,” na doo’y isang ina ang nabilanggo nang habang-buhay dahil sa pagpatay sa kaniyang dalawang anak na babae. Subalit makalipas ang mga taon, muling sinuri ang ebidensiya laban sa kaniya, at siya’y pinalaya habang naghihintay ng panibagong paglilitis. Iniulat ng Die Zeit noong 1995 na ang orihinal na hatol “ay maaaring mapatunayang isang pagkakamali ng hukuman.” Hanggang sa panahong isinusulat ang artikulong ito, ang babaing ito ay gumugol na ng siyam na taon sa bilangguan sa kabila ng kawalang-katiyakan kung siya’y nagkasala o hindi.
Isang gabi ng Nobyembre noong 1974, ang sentro ng lunsod ng Birmingham, Inglatera, ay nabulabog sa pagsabog ng dalawang bomba na ikinamatay ng 21 katao. Iyon ay isang pangyayaring “hindi kailanman malilimutan ng sinuman sa Birmingham,” ang isinulat ni Chris Mullen, isang miyembro ng Parlamento. Nang maglaon, “anim na inosenteng lalaki ang nahatulan ng pinakagrabeng pagpatay sa kasaysayan ng Britanya.” Nang dakong huli, pinawalang-bisa ang hatol sa kanila—ngunit pagkatapos lamang na ang mga lalaki ay nakagugol na ng 16 na taon sa loob ng bilangguan!
Iniulat ng abogadong si Ken Crispin ang tungkol sa isang kaso na “pumukaw ng imahinasyon ng publiko sa isang walang-katulad na paraan sa mga rekord ng kasaysayan ng hukuman sa Australia.” Isang pamilya ang nagkakamping malapit sa Ayers Rock nang mawala ang kanilang sanggol, anupat hindi na muling natagpuan. Ang ina ay pinaratangan ng pagpatay, nahatulan, at nasentensiyahang mabilanggo nang habang-buhay. Noong 1987, pagkatapos na siya’y mabilanggo sa loob ng mahigit na tatlong taon, natuklasan sa isang opisyal na pagsisiyasat na ang ebidensiya laban sa kaniya ay hindi sapat upang mabigyang-katuwiran ang naging hatol. Siya’y pinalaya at pinatawad.
Isang 18-anyos na babaing nakatira sa katimugang Estados Unidos ang pinatay noong 1986. Isang lalaking nasa katamtamang edad ang inakusahan, nahatulan, at nasentensiyahan ng kamatayan. Gumugol siya ng anim na taon sa death row bago napatunayan na wala siyang kinalaman sa krimen.
Ang mga ito ba ay bihirang mga halimbawa ng pagkakamali ng hukuman? Ganito ang sabi ni David Rudovsky ng University of Pennsylvania Law School: “Ako’y bahagi na ng sistema sa loob ng 25 taon at nasaksihan ko ang maraming kaso. Masasabi ko na yaong mga nahatulan na sa katunayan ay inosente . . . sa palagay ko ay nasa pagitan ng lima at 10%.” Iniharap ni Crispin ang nakababahalang tanong: “May iba pa kayang inosenteng tao na nabubulok na sa mga bilangguan?” Paano nangyayari ang gayong nakahihinagpis na mga pagkakamali?
Mga Sistema ng Hustisya ng Tao—Taglay ang mga Kahinaan ng Tao
“Walang kaayusan ng tao ang maaasahang maging sakdal,” ang idiniin ng British Court of Appeal noong 1991. Ang isang sistema ng hustisya ay maaari lamang maging makatarungan at maaasahan kagaya ng mga taong nagdisenyo at nangangasiwa nito. Ang mga tao ay nakahilig na magkamali, mandaya, at magtangi. Samakatuwid, hindi dapat ipagtaka na makikita sa mga sistema ng hustisya ng tao ang ganitung-ganitong mga depekto. Tingnan ang sumusunod.
Ayon kay Judge Rolf Bender ng Alemanya, sa 95 porsiyento ng lahat ng kasong kriminal, ang mga pahayag mula sa mga saksi ay itinuturing na ebidensiya. Ngunit lagi bang maaasahan ang gayong mga saksi sa hukuman? Hindi gayon ang palagay ni Judge Bender. Tinataya niya na kalahati sa mga saksi na humaharap sa hukuman ay hindi nagsasabi ng totoo. Katulad din nito ang sinabi ni Bernd Schünemann, isang ganap na propesor ng batas kriminal sa University of Munich, Alemanya. Sa isang panayam sa Die Zeit, tiniyak ni Schünemann na ang mga pahayag ng mga saksi ang siyang pangunahin—bagaman di-maaasahan—na anyo ng ebidensiya. “Masasabi ko na ang tipikal na dahilan sa pagkakamali ng hustisya ay na umaasa ang hukom sa di-maaasahang pahayag ng mga saksi.”
Nagkakamali ang mga saksi; gayundin ang pulisya. Lalo na pagkatapos ng isang krimen na pumukaw ng matinding galit ng publiko, ang pulisya ay napipilitang gumawa ng mga pag-aresto. Sa gayong mga kalagayan, ang indibiduwal na mga pulis ay napadaraig sa tukso na kumatha ng ebidensiya o piliting magtapat ang isang pinaghihinalaan. Nang palayain ang anim na lalaking nahatulan sa pagpapasabog sa Birmingham, ganito ang nasa ulong-balita sa pahayagang The Independent ng Britanya: “Isinisi sa Tiwaling Pulisya ang Hatol sa Anim.” Ayon sa The Times: “Ang mga pulis ay nagsinungaling, nagsabuwatan at nanlinlang.”
Sa ilang kaso, dahil sa pagtatangi ay maaaring maudyukan ang mga pulis at ang publiko na paghinalaan ang mga taong nagmula sa isang lahi, relihiyon, o bansa. Gaya ng komento ng U.S.News & World Report, ang paglutas sa isang krimen kung gayon ay nauuwi sa “isang isyu ng pagtatangi ng lahi sa halip na pangangatuwiran.”
Kapag nakarating na sa hukuman ang isang kaso, ang mga pasiya ay maaaring maimpluwensiyahan hindi lamang ng kung ano ang sinasabi ng mga saksi kundi pati ng siyentipikong ebidensiya. Sa nagiging lalong masalimuot na larangan ng forensics (pagtuklas ng impormasyon tungkol sa isang krimen sa pamamagitan ng siyentipikong paraan ng pagsusuri sa mga bagay na nasasangkot dito), ang hukom o hurado ay maaaring hilingan na magpasiya kung talagang nagkasala o hindi batay sa ballistics o sa pagkilala ng mga bakas ng daliri, sulat-kamay, uri ng dugo, kulay ng buhok, hibla ng tela, o mga sampol ng DNA. Sinabi ng isang abogado na ang mga hukuman ay nakaharap sa “hanay ng mga siyentipiko na naglalarawan ng lubhang masalimuot na pamamaraan.”
Bukod dito, binanggit ng magasing Nature na hindi lahat ng siyentipiko ay nagkakaisa ng interpretasyon sa ebidensiya ng forensic. “Maaaring magkaroon ng malaking pagkakasalungatan sa pagitan ng mga siyentipiko ng forensic.” Nakalulungkot, “ang maling ebidensiya ng forensic ay nagbunga na ng maraming maling hatol.”
Saanman tayo nakatira, masasalamin sa lahat ng sistema ng hukuman na umiiral sa ngayon ang pagkakamali ng tao. Kaya sino ang maaari nating pagtiwalaan na magsasanggalang sa mga inosente? Makaaasa pa kaya tayo na magkakaroon ng tunay na katarungan? At ano ang pag-asang naghihintay sa mga biktima ng pagkakamali ng hustisya?
“Ako, si Jehova, ay Umiibig sa Katarungan”
Kung ikaw o ang isang miyembro ng iyong pamilya ay maging biktima ng pagkakamali ng hustisya, batid ng Diyos na Jehova at ng kaniyang Anak, si Jesus, ang iyong nararanasan. Ang pinakakakila-kilabot na kawalang-katarungan kailanman ay nagawa nang patayin si Kristo sa isang pahirapang tulos. Sinasabi sa atin ni apostol Pedro na si Jesus ay ‘hindi nakagawa ng kasalanan.’ Gayunman, siya’y inakusahan ng bulaang mga saksi, nasumpungang nagkasala, at pinatay.—1 Pedro 2:22; Mateo 26:3, 4, 59-62.
Isip-isipin ang nadama ni Jehova nang tratuhin ng gayon ang kaniyang Anak! Ang katarungan ay isa sa mga pangunahing katangian ni Jehova. Sinasabi sa atin ng Bibliya: “Lahat ng kaniyang mga daan ay katarungan.”—Deuteronomio 32:4; Awit 33:5.
Binigyan ni Jehova ang Israel ng isang napakahusay na sistema ng hustisya. Sa kaso ng isang di-nalutas na pagpatay, ang kamatayan ay binabayaran sa pamamagitan ng paghahain. Walang panggigipit upang lutasin ang lahat ng krimen anupat may panganib na mahatulan ang isang taong inosente. Walang sinuman ang mahahatulan ng pagpatay dahil lamang sa di-tuwiran o siyentipikong ebidensiya; kailangan ang di-kukulangin sa dalawang saksing nakakita. (Deuteronomio 17:6; 21:1-9) Ipinakikita ng mga halimbawang ito na si Jehova ay may matataas na pamantayan at nagnanais na wastong mailapat ang katarungan. Sa katunayan, sinasabi niya: “Ako, si Jehova, ay umiibig sa katarungan.”—Isaias 61:8.
Sabihin pa, ang sistema ng hustisya sa Israel ay nasa mga kamay ng mga taong may mga pagkakamaling tulad ng sa atin. May mga kaso na ang batas ay ikinapit sa maling paraan. Sumulat si Haring Solomon: “Kung iyong makita ang paniniil sa dukha at ang marahas na pag-aalis ng kahatulan at ng katuwiran sa isang nasasakupang pook, huwag mong ikamangha ang bagay na iyon.”—Eclesiastes 5:8.
Naituwid ni Jehova ang kawalang-katarungan na ginawa sa kaniyang Anak. Ang katiyakang ito ay nagpalakas kay Jesus, na “dahil sa kagalakang inilagay sa harapan niya . . . nagbata siya ng pahirapang tulos.” Gayundin naman, ang nakagagalak na pag-asang mabuhay sa isang paraisong lupa sa ilalim ng pamamahala ng Mesiyas, na doo’y mangingibabaw ang tunay na katarungan, ay makapagpapalakas sa atin upang mabata ang nababalitaan o nararanasang kawalang-katarungan sa matandang sistemang ito. Walang pasakit o pinsala na hindi maitutuwid ni Jehova sa kaniyang takdang panahon. Maging yaong nangamatay dahil sa isang pagkakamali ng hustisya ay maaaring buhaying-muli.—Hebreo 12:2; Gawa 24:15.
Kung nagdurusa tayo bilang mga biktima ng kawalang-katarungan, makapagpapasalamat tayo na maraming sistema ng hukuman ang may legal na mga paraan na magpapangyari sa atin na maituwid ang situwasyon. Maaaring gamitin ng mga Kristiyano ang gayong mga paraan. Gayunman, hindi nila kinalilimutan ang bagay na ito: Masasalamin sa di-sakdal na mga sistema ng hukuman ang isang lipunan ng tao na nangangailangan ng malaking pagsasaayos. Malapit nang mangyari iyan—sa kamay ng Diyos.
Malapit nang lipulin ni Jehova ang di-makatarungang sistemang ito ng mga bagay at palitan ito ng isang bagong sistema na doo’y “tatahan ang katuwiran.” Lubusan tayong makapagtitiwala na sa panahong iyon ay ilalapat ng ating Maylalang ang katarungan sa pamamagitan ng kaniyang Mesiyanikong Hari, si Jesu-Kristo. Pagkalapit-lapit na ang tunay na katarungan para sa lahat! Makapagpapasalamat tayo ng husto dahil sa pag-asang ito.—2 Pedro 3:13.
[Talababa]
a Sa mga kasong binabanggit dito, hindi ipinahihiwatig ng Ang Bantayan na may kasalanan o inosente ang sinumang indibiduwal, ni inaayunan man ng magasin na ang sistema ng hustisya sa isang bansa ay nakahihigit kaysa sa iba. Isa pa, hindi nagmumungkahi ang magasing ito ng isang uri ng parusa na higit kaysa sa iba. Sinasabi lamang ng artikulong ito ang mga pangyayari ayon sa pagkakaalam tungkol dito hanggang sa panahon na isinusulat ito.
[Blurb sa pahina 27]
Masasalamin sa di-sakdal na mga sistema ng hustisya—pati na sa tiwaling pamahalaan, kasuklam-suklam na relihiyon, at walang-prinsipyong komersiyo—ang isang lipunan ng tao na nangangailangan ng malaking pagsasaayos
[Kahon sa pahina 28]
Kaaliwan Mula sa Banal na Kasulatan
Noong Nobyembre 1952, pinasok nina Derek Bently at Christopher Craig ang isang bodega sa Croydon, malapit sa London, Inglatera. Si Bentley ay 19 anyos at si Craig naman ay 16. May tumawag sa mga pulis, at nabaril at napatay ni Craig ang isa sa mga pulis. Si Craig ay nabilanggo sa loob ng siyam na taon, samantalang si Bentley ay binitay noong Enero 1953 dahil sa pagpatay.
Ang kapatid ni Bentley, si Iris, ay nangampanya sa loob ng 40 taon upang linisin ang pangalan nito sa isang pagpatay na hindi nito ginawa. Noong 1993, ang Soberanya ay nagpalabas ng kapatawaran may kinalaman sa hatol, anupat inamin na si Derek Bentley ay hindi dapat na binitay. Isinulat ni Iris Bentley ang tungkol sa kasong ito sa aklat na Let Him Have Justice:
“Mga isang taon bago ang barilan ay nakatagpo niya sa lansangan ang isang Saksi ni Jehova . . . Si Sister Lane ay nakatira malapit sa amin sa Fairview Road at inanyayahan niya roon si Derek na makinig sa mga kuwento sa Bibliya. . . . Nakatulong ang bagay na inirekord ni Sister Lane ang mga kuwento sa Bibliya, na kaniyang ipinahiram sa kaniya [dahil mahinang bumasa si Derek]. . . . Bumabalik siya at sinasabi sa akin kung ano ang sinabi nito [si Sister Lane] sa kaniya, mga bagay gaya ng tayong lahat ay makababalik pagkamatay natin.”
Dinalaw ni Iris Bentley ang kaniyang kapatid sa death row bago ito bitayin. Ano ang nadama nito? “Ang mga bagay na sinabi sa kaniya ni Sister Lane ay nakatulong sa kaniya na mabata ang mga huling araw na iyon.”—Amin ang italiko.
Kung makaranas ka ng kahirapan bunga ng pagkakamali ng hustisya, makabubuti na basahin at bulay-bulayin mo ang mga katotohanan sa Bibliya. Makapaglalaan ito ng kaaliwan, sapagkat ang Diyos na Jehova “ang Ama ng magiliw na mga awa at ang Diyos ng buong kaaliwan, na umaaliw sa atin sa lahat ng ating kapighatian.”—2 Corinto 1:3, 4.
[Larawan sa pahina 29]
Isang kakila-kilabot na kawalang-katarungan ang nagawa nang patayin si Kristo