Anong Kinabukasan ang Nais Mo Para sa Iyong mga Anak?
ISANG napakahalagang mana ba ang turing mo sa iyong mga anak? (Awit 127:3) O isang pabigat sa pinansiyal na walang katiyakan ng tagumpay ang tingin mo sa pagpapalaki sa kanila? Sa halip na magdulot ng pakinabang na salapi, ang pagpapalaki sa mga anak ay malaking gastos hanggang sa kaya na nilang sustentuhan ang kanilang mga sarili. Kung paanong nangangailangan ng mabuting pagpaplano ang pangangasiwa sa minanang kayamanan, gayundin ang kailangan sa ikapagtatagumpay ng pagiging magulang.
Nais ng nagmamalasakit na mga magulang na mabigyan ang kanilang mga anak ng isang mabuting pasimula sa buhay. Bagaman maaaring maganap ang masasama at pagkalulungkot na mga bagay sa daigdig na ito, malaki ang magagawa ng mga magulang upang mapangalagaan ang kanilang mga anak. Tingnan natin ang nangyari kina Werner at Eva, na binanggit sa naunang artikulo.a
Kapag Talagang Nagmamalasakit ang mga Magulang
Sinabi ni Werner na sa halip na magwalang-bahala, ang kaniyang mga magulang ay talagang interesado sa nagaganap sa paaralan. “Labis kong pinasalamatan ang mga praktikal na mungkahing ibinigay nila sa akin, at nadama ko ang kanilang pagmamalasakit sa akin at pagsuporta sa akin. Bilang mga magulang, sila’y totoong mahigpit, ngunit alam kong sila ang aking tunay na mga kaibigan.” At nang si Eva ay labis na marindi sa kaniyang mga gawain sa paaralan anupat siya’y nanlumo at hindi makatulog, ang kaniyang mga magulang, sina Francisco at Inez, ay gumugol din ng malaking panahon na kausapin siya at tulungan siya na maibalik ang kaniyang mental at espirituwal na panimbang.
Paano sinikap nina Francisco at Inez na mapangalagaan ang kanilang mga anak at maihanda sila sa kanilang buhay bilang mga adulto? Buweno, mula pa sa pagkasanggol ng mga bata, palagi na silang isinasali ng maibiging mga magulang na ito sa kanilang gawain sa araw-araw. Sa halip na basta makipagbarkada lamang sa kanilang mga adultong kaibigan, isinasama nina Inez at Francisco ang kanilang mga anak saanman sila pumunta. Bilang maibiging mga magulang, binigyan din nila ng tamang patnubay ang kanilang mga anak. Sabi ni Inez: “Tinuruan namin sila na mag-asikaso ng bahay, magtipid, at mag-asikaso ng kanilang mga damit. At tinulungan namin sila kapuwa sa pagpili ng propesyon at sa pagtitimbang ng kanilang mga pananagutan sa mga bagay na pang-espirituwal.”
Tunay na napakahalagang makilala ang inyong mga anak at maglaan ng patnubay bilang mga magulang! Suriin natin ang tatlong bahagi kung saan maaari ninyong gawin ito: (1) Tulungan ang inyong mga anak na pumili ng isang angkop na uri ng sekular na trabaho; (2) ihanda sila na makayanan ang emosyonal na igting sa paaralan at sa pinagtatrabahuhan; (3) ipakita sa kanila kung paano masasapatan ang kanilang espirituwal na mga pangangailangan.
Tulungan Silang Pumili ng Angkop na Trabaho
Yamang ang sekular na trabaho ng isang tao ay hindi lamang nakaaapekto sa kaniyang pinansiyal na kalagayan kundi kumukuha rin ito ng marami niyang panahon, kasali sa pagiging mabuting mga magulang ang pagsasaalang-alang ng mga hilig at kakayahan ng bawat bata. Yamang walang maingat na indibiduwal ang nagnanais na maging pabigat sa iba, dapat na pag-isipang mabuti ng mga magulang kung paano maihahanda ang kanilang anak na masustentuhan ang sarili nito at ang isang pamilya. Kailangan bang pag-aralan ng inyong anak ang isang trabaho upang kumita nang sapat? Bilang isang tunay na nagmamalasakit na magulang, patuloy na magsumikap na tulungan ang iyong anak na magkaroon ng mga katangiang gaya ng pagnanais na maging masipag sa trabaho, handang matuto, at kakayahang makisama sa iba.
Tingnan natin si Nicole. Sabi niya: “Pinagtrabaho ako ng aking mga magulang sa kanilang hanapbuhay na paglilinis. Iminungkahi nila na magbigay ako ng isang bahagi ng aking suweldo sa aming gastusin sa bahay at itago ang natira para sa aking pansariling gastos o pag-iimpok. Nagbigay ito sa akin ng matinding pagkadama ng pananagutan na nang maglaon ay nakatulong nang malaki sa aking buhay.”
Hindi tinitiyak ng Salita ng Diyos, ang Bibliya, kung anong uri ng sekular na trabaho ang dapat piliin ng isang tao. Ngunit naglalaan naman ito ng magagaling na payo. Halimbawa, sabi ni apostol Pablo: “Kung ang sinuman ay ayaw gumawa, huwag din siyang pakainin.” Sa pagsulat sa mga Kristiyano sa Tesalonica, sinabi rin niya: “Naririnig namin na may mga lumalakad nang walang-kaayusan sa gitna ninyo, walang anumang ginagawa kundi nanghihimasok sa mga bagay na walang kinalaman sa kanila. Sa gayong mga tao ay ibinibigay namin ang utos at masidhing payo ng Panginoong Jesu-Kristo na sa paggawa na may katahimikan ay dapat silang kumain ng pagkain na kanila mismong pinagpagalan.”—2 Tesalonica 3:10-12.
Magkagayunman, ang pagkakaroon ng trabaho at pagkita ng salapi ay hindi siyang lahat sa buhay. Darating ang panahon, yaong mga sobrang ambisyoso ay malamang na mawalan na ng kasiyahan at baka matuklasan nilang sila’y ‘naghahabol [lamang] sa hangin.’ (Eclesiastes 1:14) Sa halip na hikayatin ang kanilang mga anak na magsikap upang sila’y hangaan at yumaman, mas makabubuti sa mga magulang na tulungan silang makita ang karunungan ng kinasihan ng Diyos na mga salita ni apostol Juan: “Huwag ninyong ibigin ang sanlibutan o ang mga bagay man sa sanlibutan. Kung ang sinuman ay umiibig sa sanlibutan, ang pag-ibig sa Ama ay wala sa kaniya; sapagkat ang lahat ng bagay sa sanlibutan—ang pagnanasa ng laman at ang pagnanasa ng mga mata at ang pagpaparangya ng kabuhayan ng isa—ay hindi nagmumula sa Ama, kundi nagmumula sa sanlibutan. Karagdagan pa, ang sanlibutan ay lumilipas at gayundin ang pagnanasa nito, ngunit siya na gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.”—1 Juan 2:15-17.
Paano Mo Masasapatan ang Kanilang Emosyonal na Pangangailangan?
Bilang isang magulang, bakit hindi mo tularan ang isang tagapagsanay ng mga atleta? Hindi lamang siya interesado na mapasulong pa ang pisikal na kakayahan ng mga atletang nasa pangangalaga niya upang makatakbo nang mabilis o makalundag nang malayo. Malamang, sinisikap din niyang tulungan sila na makayanan ang anumang negatibong saloobin, sa gayon ay napasusulong pa ang kanilang emosyonal na lakas. Ikaw, paano mo pinasisigla, pinatitibay, at hinihimok ang iyong mga anak?
Tingnan natin si Rogério, isang 13-taóng-gulang na kabataan. Bukod sa pagkaligalig ng damdamin na resulta ng nagaganap na pagbabago sa pangangatawan, dumanas siya ng igting sa emosyon dahil sa di-pagkakasundo ng kaniyang mga magulang at sa kawalan ng atensiyon. Ano kaya ang maitutulong sa mga kabataang tulad niya? Bagaman imposibleng maikanlong ang iyong mga anak mula sa lahat ng mga kabalisahan at masamang impluwensiya, huwag na huwag mong pababayaan ang iyong papel bilang isang magulang. Sa paraang di-gaanong mahigpit, disiplinahin ang iyong anak taglay ang pang-unawa, anupat laging tinatandaan na ang bawat bata ay may sariling kakanyahan. Sa pagpapakita ng kabaitan at pag-ibig, malaki ang iyong magagawa upang madama ng isang kabataan na siya’y ligtas. Maiingatan din siya nito na huwag lumaking walang pagtitiwala at paggalang sa sarili.
Gaano man katagumpay ang iyong sariling mga magulang sa pagsapat sa iyong emosyonal na mga pangangailangan, matutulungan ka ng tatlong bagay upang magtagumpay bilang isang tunay na matulunging magulang: (1) Iwasan na labis na maging okupado sa iyong sariling mga problema anupat nakakaligtaan mo na ang waring maliliit na suliranin ng iyong mga anak; (2) sikapin na magkaroon ng kaaya-aya at makabuluhang pakikipag-usap sa kanila araw-araw; (3) itaguyod ang isang positibong saloobin hinggil sa kung paano malulutas ang mga problema at kung paano makikitungo sa mga tao.
Nang magbalik-tanaw siya sa mga taon ng kaniyang pagiging tin-edyer, sabi ni Birgit: “Natutuhan kong hindi mo pala kayang baguhin ang tao ayon sa gusto mong mangyari sa kaniya. Ikinatuwiran ng aking ina na kung makakita ako sa iba ng isang bagay na hindi ko gusto, ang magagawa ko ay ang umiwas na maging gaya nila. Sinabi rin niya na ang pinakamabuting panahon upang baguhin ang aking sariling pamamaraan ay habang ako’y bata pa.”
Gayunman, hindi lamang trabaho at emosyonal na katatagan ang kailangan ng iyong mga anak. Tanungin mo ang iyong sarili, ‘Minamalas ko ba ang aking pagiging magulang bilang isang bigay-Diyos na pananagutan?’ Kung oo, nanaisin mong bigyang-pansin ang espirituwal na mga pangangailangan ng iyong mga anak.
Mga Paraan Upang Masapatan ang Kanilang Espirituwal na mga Pangangailangan
Sa kaniyang Sermon sa Bundok, sinabi ni Jesu-Kristo: “Maligaya yaong mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan, yamang ang kaharian ng mga langit ay sa kanila.” (Mateo 5:3) Ano ang nasasangkot sa pagsapat sa espirituwal na mga pangangailangan? Makikinabang nang husto ang mga anak kapag ang mga magulang ay nagpapamalas ng isang mainam na halimbawa sa pagpapakita ng pananampalataya sa Diyos na Jehova. Sumulat si apostol Pablo: “Kung walang pananampalataya ay imposibleng palugdan [ang Diyos] nang mainam, sapagkat siya na lumalapit sa Diyos ay dapat na maniwala na siya nga ay umiiral at na siya ang nagiging tagapagbigay-gantimpala doon sa mga marubdob na humahanap sa kaniya.” (Hebreo 11:6) Gayunman, upang magkaroon ng tunay na kahulugan ang pananampalataya, kailangan ang panalangin. (Roma 12:12) Kung kinikilala mo ang iyong sariling espirituwal na pangangailangan, hihingin mo ang patnubay ng Diyos, gaya ng ginawa ng ama ng isang batang naging bantog na si Hukom Samson ng Israel. (Hukom 13:8) Hindi ka lamang mananalangin kundi babaling ka rin sa kinasihang Salita ng Diyos, ang Bibliya, para sa tulong.—2 Timoteo 3:16, 17.b
Sa kabila ng lahat ng mahihirap na gawaing sangkot sa paglalaan ng mahusay na patnubay, emosyonal na pag-alalay, at espirituwal na tulong, ang pagiging magulang ay maaaring maging kasiya-siya. Ganito ang sabi ng isang ama na may dalawang anak: “Paano na kaya kung wala ang aking mga anak. Napakaraming mabubuting bagay ang maaari naming ibahagi sa kanila.” Upang ipaliwanag kung bakit mahuhusay ang kanilang mga anak, idinagdag ng ina: “Lagi kaming magkakasama, at sinisikap naming maging makulay at maligaya ang mga bagay-bagay. At, ang pinakamahalaga sa lahat, palagi kaming nananalangin para sa mga bata.”
Nagugunita ni Priscilla ang ipinamamalas na pag-ibig at pasensiya ng kaniyang mga magulang sa kaniya sa tuwing may problema. “Sila ang aking tunay na mga kaibigan at tinutulungan nila ako sa lahat ng bagay,” sabi niya. “Bilang isang anak, tunay na nadama kong ako’y pinakikitunguhan bilang ‘isang mana mula kay Jehova.’ ” (Awit 127:3) Tulad ng ibang mga magulang, bakit hindi magsaayos ng panahon kapiling ang inyong mga anak upang magkakasamang bumasa ng Bibliya at ng Kristiyanong mga publikasyon? Ang pagsasaalang-alang sa mga ulat at simulain ng Bibliya sa positibong paraan ay makatutulong sa inyong mga anak na magtiwala at magkaroon ng tunay na pag-asa sa hinaharap.
Kapag Lahat ng Anak ay Ligtas Na
Bagaman ang kinabukasan ay waring madilim para sa maraming anak sa ngayon, tinitiyak ng Salita ng Diyos na ang lupa ay malapit nang maging isang ligtas na tahanan para sa sangkatauhan. Isip-isipin ang panahon sa ipinangakong bagong sanlibutan ng Diyos na doo’y hindi na mababahala ang mga magulang hinggil sa kaligtasan ng kanilang mga anak! (2 Pedro 3:13) Gunigunihin ang malaking katuparan ng hulang ito: “Ang lobo ay tatahan ngang sandali kasama ng lalaking kordero, at ang leopardo ay hihigang kasama ng batang kambing, at ang guya at ang may-kilíng na batang leon at ang patabaing hayop ay magkakasamang lahat; at isang bata lamang ang mangunguna sa kanila.” (Isaias 11:6) Maging sa ngayon, ang espirituwal na kaligtasan na inilarawan sa mga salitang ito ay may makalarawang katuparan sa lahat ng mga naglilingkod kay Jehova. Sa gitna nila, madarama mo ang maibiging pangangalaga ng Diyos. Kung magpapamalas ka ng pag-ibig sa Diyos, makatitiyak ka na nauunawaan niya ang iyong damdamin bilang isang magulang at tutulungan ka niyang makayanan ang mga kabalisahan at pagsubok na maaaring mapaharap sa iyo. Pag-aralan ang kaniyang Salita at ilagak ang iyong pag-asa sa kaniyang Kaharian.
Tulungan ang iyong mga anak sa daan ng buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng pagpapakita ng mabuting halimbawa. Kung kakanlong ka sa Diyos na Jehova, higit pa sa iyong inaasahan ang magiging kinabukasan mo at ng iyong mga anak. Maaari mong taglayin ang katulad na pagtitiwalang taglay ng salmista na umawit: “Magkaroon ng katangi-tanging kaluguran kay Jehova, at ibibigay niya sa iyo ang mga kahilingan ng iyong puso.”—Awit 37:4.
[Mga talababa]
a Pinalitan ang mga pangalan sa artikulong ito.
b Tingnan ang kabanata 5 hanggang 7 sa aklat na Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.