Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w98 9/1 p. 4-7
  • Mapagkakatiwalaan Mo ba ang Iyong Budhi?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mapagkakatiwalaan Mo ba ang Iyong Budhi?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pagsasanay sa Budhi
  • Pagiging Kasuwato ng Pag-iisip ng Diyos
  • Pantulong sa Pagsasanay sa Budhi
  • Pagkakaroon ng “Pag-iisip ni Kristo”
  • Makinabang sa Isang Sinanay na Budhi
  • Paano Mo Mapananatili ang Isang Mabuting Budhi?
    Manatili sa Pag-ibig ng Diyos
  • Sinanay Bang Mabuti ang Iyong Budhi?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2005
  • Isang Malinis na Konsensiya sa Harap ng Diyos
    Kung Paano Mananatili sa Pag-ibig ng Diyos
  • Pakinggan ang Tinig ng Iyong Budhi
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2007
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
w98 9/1 p. 4-7

Mapagkakatiwalaan Mo ba ang Iyong Budhi?

SA NORMAL na mga kalagayan, ang kompas ay isang maaasahang kasangkapan. Ang karayom (magnetic needle) nito, na nakaakma sa magnetic field ng lupa, ay palaging nakaturo sa hilaga. Kaya naman maaasahan ng mga naglalakbay ang kompas para sa direksiyon kapag walang mga palatandaan sa daan na magsisilbing kanilang giya. Subalit ano ang mangyayari kapag inilagay sa tabi ng kompas ang isang magnetikong bagay? Ang karayom ay papaling sa magnet sa halip na sa hilaga. Hindi na ito maaasahang giya.

Ganito rin ang maaaring mangyari sa budhi ng tao. Inilakip sa atin ng Maylalang ang kakayahang ito upang magsilbing isang maaasahang giya. Yamang tayo ay ginawa ayon sa larawan ng Diyos, ang budhi ay dapat na laging nagtuturo sa atin ng tamang direksiyon kapag kailangan nating gumawa ng mga pasiya. Dapat nitong pakilusin tayo na magpaaninaw ng moral na mga pamantayan ng Diyos. (Genesis 1:27) Madalas na gayon ang ginagawa nito. Halimbawa, sumulat ang Kristiyanong apostol na si Pablo na maging ang ilan na hindi nagtataglay ng isiniwalat na batas ng Diyos ay “gumagawa nang likas sa mga bagay ng batas.” Bakit? Sapagkat “ang kanilang mga budhi ay nagpapatotoong kasama nila.”​—Roma 2:14, 15.

Gayunpaman, ang budhi ay hindi laging nangungusap kapag dapat nitong gawin ang gayon. Dahil sa di-kasakdalan ng tao, nakahilig tayo na gawin ang mga bagay na alam nating mali. “Tunay ngang nalulugod ako sa batas ng Diyos ayon sa aking pagkatao sa loob,” ang pag-amin ni Pablo, “ngunit nakikita ko sa aking mga sangkap ang isa pang batas na nakikipagdigma laban sa batas ng aking pag-iisip at dinadala akong bihag sa batas ng kasalanan na nasa aking mga sangkap.” (Roma 7:22, 23) Kung tayo’y madalas na magpapadala sa maling hilig, ang ating budhi ay baka unti-unting maging manhid at sa dakong huli ay huminto na ng pagsasabi sa atin na mali ang gayong paggawi.

Gayunman, sa kabila ng di-kasakdalan ay maaari nating iayon ang ating budhi sa mga pamantayan ng Diyos. Sa katunayan, mahalaga na gawin natin iyon. Ang isang budhing malinis at wastong sinanay ay hindi lamang aakay sa isang magiliw at personal na kaugnayan sa Diyos kundi mahalaga rin sa ating kaligtasan. (Hebreo 10:22; 1 Pedro 1:15, 16) Isa pa, ang mabuting budhi ay tutulong sa atin na makagawa ng matatalinong pasiya sa buhay, na magdudulot sa atin ng kapayapaan at kaligayahan. Ganito ang sabi ng salmista tungkol sa isang tao na may gayong budhi: “Ang kautusan ng kaniyang Diyos ay nasa kaniyang puso; hindi susuray-suray ang kaniyang mga hakbang.”​—Awit 37:31.

Pagsasanay sa Budhi

Higit pa ang nasasangkot sa pagsasanay sa budhi kaysa sa pagsasaulo lamang ng isang talaan ng mga kautusan at saka mahigpit na pagsunod sa mga ito. Ganiyan ang ginawa ng mga Fariseo noong panahon ni Jesus. Ang mga relihiyosong lider na iyon ay nakaaalam ng Batas at bumuo ng isang detalyadong tradisyon na inaasahang tutulong sa mga tao na makaiwas sa paglabag sa Kautusan. Kaya naman, agad silang nagreklamo nang ang mga alagad ni Jesus ay mangitil ng mga butil noong Sabbath at kumain ng mga laman nito. At hinamon nila si Jesus nang pagalingin niya ang tuyot na kamay ng isang tao noong Sabbath. (Mateo 12:1, 2, 9, 10) Ang mga gawang ito, ayon sa tradisyon ng mga Fariseo, ay kapuwa paglabag sa ikaapat na utos.​—Exodo 20:8-11.

Maliwanag, pinag-aralan ng mga Fariseo ang Kautusan. Ngunit nakaayon ba sa mga pamantayan ng Diyos ang kanilang budhi? Talagang hindi! Aba, pagkatapos lamang na punahin ang inaakala nilang isang nakapangingilabot na paglabag sa tuntunin ng Sabbath, ang mga Fariseo ay nagsanggunian laban kay Jesus “upang mapuksa nila siya.” (Mateo 12:14) Isip-isipin​—nanindig ang balahibo ng mapagmatuwid-sa-sarili na mga relihiyosong lider na ito sa ideya ng pagkain ng bagong kitil na butil at pagpapagaling sa panahon ng Sabbath; ngunit hindi sila nakonsensiya sa pagpapakanang patayin si Jesus!

Gayunding pilipit na kaisipan ang ipinamalas ng mga punong saserdote. Ang masasamang lalaking ito ay hindi man lamang nakadama ni katiting na pagkakasala nang alukin nila si Judas ng 30 piraso ng pilak mula sa ingatang-yaman ng templo upang ipagkanulo si Jesus. Ngunit nang di-inaasahang isauli ni Judas ang salapi, anupat inihagis ito sa templo, nakonsensiya ang mga punong saserdote may kinalaman sa isang suliranin sa batas. “Hindi kaayon ng batas,” sabi nila, “na ihulog ang mga iyon [ang mga barya] sa sagradong ingatang-yaman, sapagkat ang mga iyon ay halaga ng dugo.” (Mateo 27:3-6) Lumilitaw na ikinababahala ng mga punong saserdote ang bagay na ang salapi ni Judas ay hindi na ngayon malinis. (Ihambing ang Deuteronomio 23:18.) Gayunman, ang grupo ring ito ng mga lalaki ay walang nakitang mali sa paggasta ng salapi upang bilhin ang pagkakanulo sa Anak ng Diyos!

Pagiging Kasuwato ng Pag-iisip ng Diyos

Ipinakikita ng nabanggit na mga halimbawa na sa pagsasanay sa budhi ay higit pa ang kailangan kaysa sa pagsasaulo lamang ng isang talaan ng mga bagay na dapat at hindi dapat gawin. Totoo, mahalaga ang kaalaman sa mga batas ng Diyos, at ang pagsunod sa mga ito ay kailangan para sa kaligtasan. (Awit 19:7-​11) Gayunman, bukod sa pagkaalam ng mga batas ng Diyos, dapat tayong magkaroon ng isang pusong kasuwato ng pag-iisip ng Diyos. Kung magkagayon ay mararanasan natin ang katuparan ng hula ni Jehova sa pamamagitan ni Isaias, na nagsabi: “Ang iyong mga mata ay magiging mga matang nakakakita sa iyong Dakilang Tagapagturo. At ang iyong mga tainga ay makaririnig ng salita sa likuran mo na nagsasabi: ‘Ito ang daan. Lakaran ninyo ito,’ sakaling pumaroon kayo sa kanan o sakaling pumaroon kayo sa kaliwa.”​—Isaias 30:20, 21; 48:17.

Mangyari pa, hindi ito nangangahulugan na kapag tayo ay nakaharap sa isang mabigat na pagpapasiya, may isang literal na tinig na magsasabi sa atin kung ano ang dapat nating gawin. Gayunpaman, kapag ang ating pag-iisip ay kasuwato ng pag-iisip ng Diyos sa mga bagay-bagay, ang ating budhi ay higit na nasasangkapan upang tulungan tayong makagawa ng mga pasiya na makalulugod sa kaniya.​—Kawikaan 27:11.

Isaalang-alang si Jose, na nabuhay noong ika-18 siglo B.C.E. Nang akitin siya ng asawa ni Potipar na mangalunya, tumanggi si Jose, na nagsabi: “Paano ko magagawa ang malaking kasamaang ito at talagang magkasala laban sa Diyos?” (Genesis 39:9) Noong panahon ni Jose, wala pang nasusulat na kautusan mula sa Diyos na nagbabawal sa pangangalunya. Bukod dito, si Jose ay nakatira sa Ehipto, malayo sa disiplinang pampamilya o alituntunin ng mga patriyarka. Ano, kung gayon, ang nagpangyari kay Jose na paglabanan ang tukso? Sa simpleng pananalita, iyon ang kaniyang sinanay na budhi. Sinunod ni Jose ang pangmalas ng Diyos na ang mag-asawa ay magiging “isang laman.” (Genesis 2:24) Sa gayon ay naunawaan niya na mali ang kumuha ng asawa ng iba. Ang pag-iisip ni Jose ay kasuwato ng pag-iisip ng Diyos sa bagay na ito. Ang pangangalunya ay labag sa batid niyang kalinisang asal.

Sa ngayon, iilan lamang ang katulad ni Jose. Palasak ang seksuwal na imoralidad, at marami ang hindi nakadarama ng pananagutan sa kanilang Maylalang, sa kanilang sarili, at maging sa kanilang kabiyak na manatiling malinis sa moral. Ang kalagayan ay katulad na katulad niyaong inilarawan sa aklat ng Jeremias: “Walang taong nagsisisi dahil sa kaniyang kasamaan, na nagsasabi, ‘Ano ang nagawa ko?’ Ang bawat isa ay bumabalik sa popular na landasin, gaya ng isang kabayo na dumadaluhong tungo sa labanan.” (Jeremias 8:6) Sa gayon, mas malaki ang pangangailangan higit kailanman para tayo ay maging kasuwato ng pag-iisip ng Diyos. Taglay natin ang isang kahanga-hangang paglalaan para tumulong sa atin na magawa ito.

Pantulong sa Pagsasanay sa Budhi

Ang kinasihang Kasulatan ay “kapaki-pakinabang sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay, sa pagdidisiplina sa katuwiran, upang ang tao ng Diyos ay maging lubos na may-kakayahan, lubusang nasangkapan ukol sa bawat mabuting gawa.” (2 Timoteo 3:16, 17) Ang pag-aaral sa Bibliya ay tutulong sa atin na sanayin ang tinatawag ng Bibliya na ating “mga kakayahan sa pang-unawa,” upang makita ang pagkakaiba ng tama at mali. (Hebreo 5:14) Ito’y magpapangyari sa atin na ibigin ang mga bagay na iniibig ng Diyos at kapootan ang mga bagay na kaniyang kinapopootan.​—Awit 97:10; 139:21.

Ang tunguhin sa pag-aaral ng Bibliya, kung gayon, ay upang maunawaan ang diwa at kahalagahan ng katotohanan sa halip na ang mga detalyeng kaalaman lamang. Sa isyu nito ng Setyembre 1, 1976, ang The Watchtower ay nagsabi: “Sa ating pag-aaral ng Kasulatan ay dapat na sikapin nating maunawaan ang katarungan, pag-ibig at katuwiran ng Diyos at ikintal ito nang malalim sa ating puso upang ang mga ito ay maging bahagi natin gaya ng pagkain at paghinga. Dapat na sikapin nating mamulat nang husto sa pagkadama ng moral na pananagutan sa pamamagitan ng matalas na pagkaunawa sa kung ano ang tama at kung ano ang mali. Higit pa rito, dapat na madama nang husto ng ating budhi ang pananagutan nito sa sakdal na Tagapagbigay-Kautusan at Hukom. (Isa. 33:22) Kaya habang natututo ng mga bagay tungkol sa Diyos, dapat na sikapin nating tularan siya sa lahat ng pitak ng buhay.”

Pagkakaroon ng “Pag-iisip ni Kristo”

Ang pag-aaral ng Bibliya ay tutulong din sa atin na magkaroon ng “pag-iisip ni Kristo,” ang pagkamasunurin at pagpapakumbaba na ipinakita ni Jesus. (1 Corinto 2:16) Ang paggawa ng kalooban ng kaniyang Ama ay isang kagalakan, hindi lamang isang rutin na dapat sundin nang awtomatiko, nang hindi nag-iisip. Ang kaniyang saloobin ay makahulang inilarawan ng salmistang si David, na sumulat: “Aking kinalulugdan na gawin ang iyong kalooban, O aking Diyos, at ang iyong kautusan ay nasa aking kalooban.”a​—Awit 40:8.

Ang pagkakaroon ng “pag-iisip ni Kristo” ay mahalaga sa pagsasanay sa budhi. Nang nasa lupa bilang isang taong sakdal, ang mga katangian at personalidad ng kaniyang Ama ay lubusang masasalamin kay Jesus hanggang sa antas na posible sa kakayahan ng tao. Kaya naman, nasabi niya: “Siya na nakakita sa akin ay nakakita rin sa Ama.” (Juan 14:9) Sa bawat situwasyon na kinaharap niya sa lupa, ginawa ni Jesus kung ano ang ibig na ipagawa sa kaniya ng kaniyang Ama. Samakatuwid, kapag pinag-aaralan natin ang buhay ni Jesus, nakikita natin ang isang malinaw na larawan ng personalidad ng Diyos na Jehova.

Mababasa natin na si Jehova ay “maawain at magandang-loob, mabagal sa pagkagalit at sagana sa maibiging-kabaitan.” (Exodo 34:6) Madalas na ipinamalas ni Jesus ang mga katangiang ito sa pakikitungo sa kaniyang mga apostol. Nang sila’y paulit-ulit na magtalo tungkol sa kung sino ang mas dakila, matiyagang tinuruan sila ni Jesus sa pamamagitan ng salita at halimbawa na “ang sinumang nagnanais na maging dakila sa inyo ay dapat na maging ministro ninyo, at ang sinumang nagnanais na maging una sa inyo ay dapat na maging alipin ninyo.” (Mateo 20:26, 27) Ito ay isa lamang halimbawa upang ipakita na maaari tayong maging kasuwato ng pag-iisip ng Diyos sa pamamagitan ng pagsasaalang-alang sa buhay ni Jesus.

Habang lalo tayong natututo tungkol kay Jesus, lalo tayong nasasangkapan na tularan ang ating makalangit na Ama, si Jehova. (Efeso 5:1, 2) Ang isang budhi na kasuwato ng pag-iisip ng Diyos ay aakay sa atin sa tamang direksiyon. Nangangako si Jehova sa mga nagtitiwala sa kaniya: “Pangyayarihin ko na magkaroon ka ng malalim na unawa at tuturuan ka sa daan na dapat mong lakaran. Papayuhan kita na ang aking mata ay nakatitig sa iyo.”​—Awit 32:8.

Makinabang sa Isang Sinanay na Budhi

Palibhasa’y nalalaman ang pagiging suwail ng di-sakdal na mga tao, nagbabala si Moises sa mga Israelita: “Ilagak ninyo ang inyong puso sa lahat ng mga salita na aking sinasalita bilang babala sa inyo sa araw na ito, na inyong iutos sa inyong mga anak upang isagawa ang lahat ng mga salita ng kautusang ito.” (Deuteronomio 32:46) Dapat din naman nating isulat ang kautusan ng Diyos sa ating puso. Kung gagawin natin ito, ang ating budhi ay malamang na aakay sa ating mga hakbang at tutulong sa atin na makagawa ng tamang mga pasiya.

Sabihin pa, dapat tayong mag-ingat. Sinasabi ng kawikaan sa Bibliya: “May daan na matuwid sa harap ng isang tao, ngunit ang dulo niyaon pagkatapos ay mga daan ng kamatayan.” (Kawikaan 14:12) Bakit madalas na ganito ang nangyayari? Sapagkat, gaya ng sabi ng Bibliya: “Ang puso ay higit na magdaraya kaysa anupaman at mapanganib. Sino ang makakaalam nito?” (Jeremias 17:9) Samakatuwid, kailangan nating lahat na sundin ang payo ng Kawikaan 3:5, 6: “Magtiwala ka kay Jehova nang buong puso mo at huwag kang umasa sa iyong sariling unawa. Alalahanin mo siya sa lahat ng iyong daan, at siya mismo ang magtutuwid ng iyong mga landas.”

[Talababa]

a Sa kaniyang liham sa mga Hebreo, ikinapit ni apostol Pablo kay Jesu-Kristo ang mga salita sa ika-40 Awit.​—Hebreo 10:5-10.

[Larawan sa pahina 7]

Tulad ng isang kompas, ang budhing sinanay sa Bibliya ay makapagtuturo sa atin ng tamang direksiyon

[Credit Line]

Kompas: Kagandahang-loob, Peabody Essex Museum, Salem, Mass.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share