Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w98 9/1 p. 19-21
  • Tiyaking Unahin ang mga Bagay na Dapat Unahin!

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Tiyaking Unahin ang mga Bagay na Dapat Unahin!
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ano ang Dapat Mauna?
  • Patuloy na Hanapin Muna ang Kaharian
  • Kung Paano Inuuna ng Ilan sa Ngayon ang mga Bagay na Dapat Unahin
  • Patiunang Magplano!
  • Paano Ako Makasusumpong ng Panahon Para Gawin ang Aking Araling-Bahay?
    Gumising!—2004
  • Paano Ko Tatapusin ang mga Assignment Ko?
    Tanong ng mga Kabataan
  • Bakit Dapat Tayong Magtipon Para sa Pagsamba?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2016
  • Pagdalo sa Pulong—Isang Maselang na Pananagutan
    Ating Ministeryo sa Kaharian—1994
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
w98 9/1 p. 19-21

Tiyaking Unahin ang mga Bagay na Dapat Unahin!

May pulong sa gabing iyon, pero mayroon kang trabaho. Ano ang uunahin mo?

IKAW ay isang asawang lalaki at ama. Habang natatapos ang isang mahaba at nakapapagod na araw ng pagtatrabaho, naiisip mo ang pulong ng kongregasyon na nakaiskedyul sa bandang gabi. Kung uuwi ka agad, may panahon ka pa para maligo, magbihis, at kumain nang kaunti bago pumunta sa pulong. Biglang-bigla, lumapit ang iyong amo at hiniling na mag-overtime ka. Nangako siyang babayaran ka nang malaki. Kailangan mo ng pera.

O isa kang asawang babae at ina. Habang naghahanda ka ng hapunan, nasulyapan mo ang tambak na mga plantsahin, na ang ilan ay kailangan na bukas. Itinanong mo sa iyong sarili, ‘Kung dadalo ako sa pulong ngayong gabi, kailan pa kaya ako makapamamalantsa?’ Yamang kamakailan lamang ay nagsimula kang magtrabaho nang buong panahon, nararanasan mo na kung gaano kahirap mag-asikaso ng mga gawaing-bahay samantalang naghahanapbuhay.

O isa kang estudyante. Sa iyong silid, nakatambak sa mesa ang iyong mga araling-bahay. Karamihan sa mga ito ay matagal nang iniatas, pero ipinagpaliban mo, at ngayon ay sabay-sabay na kailangan ang ilang takdang-aralin. Natutukso kang hilingin sa iyong mga magulang na payagan kang huwag dumalo at manatili sa bahay para gawin ang iyong mga araling-bahay.

Alin ang iyong uunahin: ang ekstrang sekular na trabaho, ang pamamalantsa, ang araling-bahay, o ang pulong sa kongregasyon? Ano ang ibig sabihin, sa espirituwal na pananalita, na unahin muna ang mga bagay na dapat unahin? Ano ba ang pangmalas ni Jehova?

Ano ang Dapat Mauna?

Hindi pa natatagalang matanggap ng mga Israelita ang Sampung Utos, isang lalaki ang natuklasang nagtitipon ng kahoy sa araw ng Sabbath. Ito ay mahigpit na ipinagbabawal ng Kautusan. (Bilang 15:32-34; Deuteronomio 5:12-15) Paano mo hahatulan ang kaso? Pagpapaumanhinan mo ba ang lalaki, na ikinakatuwirang, tutal, hindi naman siya nagtatrabaho para mapanatili ang isang maluhong istilo ng pamumuhay kundi para maglaan ng mga pangangailangan ng kaniyang pamilya? Ikakatuwiran mo kaya na marami pang okasyon sa buong taon para ipangilin ang Sabbath, at ang isang pagkakataong iyon na nalampasan, marahil dahil sa hindi patiunang pagpaplano ng lalaki, ay madali namang mapatatawad?

Mas seryoso ang pangmalas ni Jehova sa kasong iyon. “Nang maglaon,” sabi ng Bibliya, “sinabi ni Jehova kay Moises: ‘Walang pagsalang papatayin ang lalaki.’ ” (Bilang 15:35) Bakit gayon na lamang katindi ang nadama ni Jehova tungkol sa ginawa ng lalaki?

Ang mga tao ay may anim na araw para magtipon ng kahoy at mag-asikaso sa kanilang mga pangangailangan hinggil sa pagkain, pananamit, at tirahan. Ang ikapitong araw ay dapat iukol sa kanilang espirituwal na mga pangangailangan. Bagaman hindi mali na magtipon ng kahoy, mali naman na gamitin ang panahon na dapat sana’y inilaan sa pagsamba kay Jehova para gawin iyon. Bagaman ang mga Kristiyano ay wala sa ilalim ng Kautusang Mosaiko, hindi ba tayo tinuturuan ng pangyayaring ito ng isang aral sa wastong pagtatakda ng ating mga priyoridad ngayon?​—Filipos 1:10.

Pagkatapos gumugol ng 40 taon sa iláng, naghanda ang mga Israelita sa pagpasok sa Lupang Pangako. Ang ilan ay nagsawa na sa pagkain ng manna na inilaan ng Diyos sa iláng at tiyak na inaasam-asam ang pagbabago ng kanilang pagkain. Upang tulungan silang mapanatili ang tamang pangmalas habang pumapasok sila sa lupaing “inaagusan ng gatas at pulot-pukyutan,” ipinaalaala sa kanila ni Jehova: “Hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao kundi sa bawat pananalitang nanggagaling sa bibig ni Jehova.”​—Exodo 3:8; Deuteronomio 8:3.

Kailangang magtrabaho nang husto ang mga Israelita para sa kanilang “gatas at pulot-pukyutan.” May mga hukbong dapat lupigin, mga bahay na dapat itayo, mga bukid na dapat tamnan. Magkagayunman, iniutos ni Jehova sa mga tao na maglaan ng panahon bawat araw upang magbulay-bulay sa espirituwal na mga bagay. Sila’y dapat ding gumugol ng panahon upang ituro sa kanilang mga anak ang mga daan ng Diyos. Sinabi ni Jehova: “Inyong ituturo rin ang [aking mga utos] sa inyong mga anak, na inyong sasalitain sa kanila pagka ikaw ay nauupo sa iyong bahay at pagka ikaw ay lumalakad sa daan at pagka ikaw ay nahihiga at pagka ikaw ay bumabangon.”​—Deuteronomio 11:19.

Tatlong beses sa isang taon, bawat lalaking Israelita at proselita sa lupain ay inutusang humarap kay Jehova. Sa pagkatanto na ang buong pamilya ay makikinabang sa espirituwal na paraan sa gayong mga okasyon, maraming ulo ng pamilya ang nagsaayos na samahan sila ng kanilang asawa’t mga anak. Ngunit sino ang magsasanggalang sa kanilang tahanan at mga bukid mula sa kaaway samantalang malayo ang pamilya? Nangako si Jehova: “Walang sinuman ang magnanasa ng iyong lupain habang pumaparoon ka upang makita ang mukha ni Jehova na iyong Diyos nang tatlong beses sa isang taon.” (Exodo 34:24) Kinailangan ng mga Israelita ng pananampalataya para maniwala na kung uunahin nila ang espirituwal na mga kapakanan, hindi sila mawawalan ng materyal na mga bagay. Tinupad ba ni Jehova ang kaniyang sinabi? Talagang tinupad niya!

Patuloy na Hanapin Muna ang Kaharian

Tinuruan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na unahin sa lahat ang espirituwal na mga pamantayan. Sa Sermon sa Bundok, pinayuhan niya ang kaniyang mga tagapakinig: “Huwag kayong mabalisa kailanman at sabihing, ‘Ano ang aming kakainin?’ o, ‘Ano ang aming iinumin?’ o, ‘Ano ang aming isusuot?’ Patuloy . . . na hanapin muna ang kaharian at ang kaniyang katuwiran, at ang lahat ng [kinakailangang materyal na] mga bagay na ito ay idaragdag sa inyo.” (Mateo 6:31, 33) Di-nagtagal pagkamatay ni Jesus, sinunod ng bagong bautisadong mga Kristiyano ang payong ito. Ang marami ay mga Judio o mga Judiong proselita na naglakbay patungo sa Jerusalem para sa pagdiriwang ng kapistahan ng Pentecostes noong 33 C.E. Samantalang naroroon, nangyari ang isang di-inaasahang bagay. Kanilang narinig at tinanggap ang mabuting balita tungkol kay Jesu-Kristo. Palibhasa’y sabik na matuto pa ng higit tungkol sa kanilang bagong natagpuang pananampalataya, sila’y nanatili sa Jerusalem. Mauubos na noon ang kanilang dala-dalang mga panustos, ngunit ang materyal na kaalwanan ay pangalawahing bagay lamang. Natagpuan nila ang Mesiyas! Ibinahagi ng kanilang mga kapatid na Kristiyano ang anumang materyal na bagay na taglay nila upang ang lahat ay makapagpatuloy sa “pag-uukol ng kanilang sarili sa turo ng mga apostol at . . . sa mga pananalangin.”​—Gawa 2:42.

Nang maglaon, napabayaan ng ilang Kristiyano ang pangangailangan para sa regular na pakikipagsamahan sa mga pulong. (Hebreo 10:23-25) Marahil ay naging materyalistiko sila, anupat kinaligtaan ang espirituwal na mga bagay samantalang sinisikap na tiyakin ang pinansiyal na kasiguruhan para sa kanilang sarili at sa kanilang pamilya. Matapos himukin ang kaniyang mga kapatid na huwag pabayaan ang mga pulong, sumulat si apostol Pablo: “Maging malaya nawa mula sa pag-ibig sa salapi ang inyong paraan ng pamumuhay, habang kayo ay kontento na sa mga bagay sa kasalukuyan. Sapagkat kaniyang sinabi: ‘Hindi kita sa anumang paraan iiwan ni sa anumang paraan ay pababayaan.’ ”​—Hebreo 13:5.

Napatunayang lubhang napapanahon ang payo ni Pablo. Mga limang taon pagkaraang isulat ni Pablo ang kaniyang liham sa mga Hebreo, ang Jerusalem ay pinalibutan ng Romanong hukbo ni Cestius Gallus. Natandaan ng mga tapat na Kristiyano ang babala ni Jesus: “Kapag nakita ninyo [ito] . . . , ang tao na nasa tuktok ng bahay ay huwag bumaba, ni pumasok man upang kumuha ng anumang bagay mula sa kaniyang bahay; at ang tao na nasa bukid ay huwag bumalik sa mga bagay sa likuran upang kunin ang kaniyang panlabas na kasuutan.” (Marcos 13:14-16) Batid nila na ang kanilang kaligtasan ay nakasalalay, hindi sa katatagan ng kanilang trabaho o sa halaga ng kanilang materyal na mga ari-arian, kundi sa kanilang pagsunod sa mga tagubilin ni Jesus. Tiyak na natuklasan niyaong mga tumugon sa payo ni Pablo at inuna ang espirituwal na mga kapakanan na mas madaling iwan ang tahanan, trabaho, mga damit, at mahahalagang personal na bagay at tumakas tungo sa mga bundok kaysa sa sinuman na hindi nakalaya mula sa pag-ibig sa salapi.

Kung Paano Inuuna ng Ilan sa Ngayon ang mga Bagay na Dapat Unahin

Pinahahalagahan ng tapat na mga Kristiyano ngayon ang regular na pakikisama sa kanilang mga kapatid, at marami ang nagsasakripisyo upang makadalo sa mga pulong. Sa ilang lugar, ang tanging makukuhang trabaho ay shift work [naghahalinhinan ang mga manggagawa sa oras ng pagtatrabaho]. Nakikipagpalit ang isang kapatid na lalaki sa kaniyang mga katrabaho tuwing Sabado ng gabi, na mas pinipili ng mga tao sa kanilang lugar para sa paglilibang, kung kanila namang papalitan siya sa kaniyang trabaho sa mga gabi na may pulong. Ang ibang mga kapatid na mga shift worker ay dumadalo sa mga pulong ng isang kalapit na kongregasyon kung hindi sila makadalo sa pulong ng kanilang kongregasyon dahil sa kanilang trabaho. Sa ganitong paraan, halos wala silang pulong na nalalampasan. Natanto kaagad ng isang baguhang interesado sa Canada ang kahalagahan ng Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro at Pulong Ukol sa Paglilingkod, ngunit ang kaniyang iskedyul sa trabaho ay kasabay ng mga pulong. Kaya naman, binayaran niya ang isang katrabaho para magtrabaho sa kaniyang shift upang siya nama’y makadalo sa mahahalagang pulong na ito.

Marami na may malubhang sakit ang bihirang lumiban sa pulong. Pinakikinggan nila ang programa sa tahanan sa pamamagitan ng hookup sa telepono o ng isang tape recording kapag hindi sila makadalo sa Kingdom Hall. Kapuri-puri ang ipinakikita nilang pagpapahalaga sa espirituwal na mga paglalaan ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang “tapat at maingat na alipin”! (Mateo 24:45) Ang mga Kristiyanong nag-aalaga sa kanilang matatanda nang magulang ay tunay na nagpapahalaga kapag isang kapatid na lalaki o babae ang nag-aalok na samahan ang magulang upang ang nag-aalaga ay makadalo sa pulong ng kongregasyon.

Patiunang Magplano!

Ang mga magulang na palaisip sa kanilang sariling espirituwal na kapakanan ay tumutulong sa kanilang mga anak na magpahalaga sa Kristiyanong mga pulong. Bilang pangkalahatang tuntunin, inaasahan nilang gagawin ng kanilang mga anak ang mga araling-bahay kaagad sa halip na hayaang tumambak ang kanilang mga takdang-aralin. Sa mga gabi na may pulong, ginagawa kaagad ng mga bata ang kanilang araling-bahay pag-uwi nila buhat sa paaralan. Ang mga libangan at iba pang gawain ay hindi pinahihintulutang makasagabal sa mga pulong ng kongregasyon.

Bilang isang asawang lalaki at ama, inuuna mo ba ang pagdalo sa pulong? Bilang isang asawang babae at ina, sinisikap mo bang isaplano ang iyong mga pananagutan upang makapaglaan ng panahon para sa mga pulong? Bilang isang tin-edyer, mas mahalaga ba sa iyo ang mga pulong kaysa sa araling-bahay o ang mga araling-bahay ang nauuna kaysa sa mga pulong?

Ang pulong ng kongregasyon ay isang maibiging paglalaan ni Jehova. Dapat gawin ang lahat ng pagsisikap upang makibahagi sa kaayusang ito. Ikaw ay saganang pagpapalain ni Jehova kung uunahin mo ang mga bagay na dapat unahin!

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share