Iyon Ba’y Papuri o Pambobola?
MAY nagsabi sa iyo, “Ang ganda ng bagong ayos ng buhok mo!” Iyon kaya’y papuri o pambobola? “Bagay na bagay sa iyo ang ternong iyan!” Papuri o pambobola? “Ito ang pinakamasarap na pagkaing natikman ko!” Iyon ba’y papuri o pambobola? Kapag nakatatanggap tayo ng gayong pupuri, baka isipin natin kung talaga ngang taimtim at totoo ang mga ito o sinadya lamang upang palugdan tayo bagaman hindi ito talagang pinaniniwalaan ng nagsasalita.
Paano natin malalaman kung pinupuri o binobola lamang tayo ng isang tao? Mahalaga ba iyon? Hindi ba puwedeng tanggapin na lamang natin ang sinabi at masiyahan na rito? Kumusta naman kung pinupuri natin ang iba? Nasuri na ba natin ang ating motibo? Ang pagsasaalang-alang sa mga tanong na ito ay makatutulong sa atin na maging may kaunawaan at gamitin ang ating dila sa paraan na magdudulot ng kapurihan sa Diyos na Jehova.
Kahulugan ng Papuri at Pambobola
Ang papuri ay binigyang-katuturan ng Webster’s Dictionary bilang isang kapahayagan ng pagsang-ayon o komendasyon, at ang salita ay maaari ring magpahiwatig ng pagsamba o pagluwalhati. Maliwanag na ang dalawang huling kahulugan ay tumutukoy lamang sa papuri na iniuukol sa Diyos na Jehova. Ito ay isang mahalagang bahagi ng tunay na pagsamba, gaya ng ipinayo ng kinasihang salmista: “Sapagkat iyon ay mabuti . . . , iyon ay kaiga-igaya—angkop ang papuri.” “Bawat bagay na humihinga—hayaang purihin nito si Jah.”—Awit 147:1; 150:6.
Gayunman, hindi ito nangangahulugan na hindi maaaring purihin ang mga tao. Ito’y maaari, sa diwa ng komendasyon, pagsang-ayon, o mabuting paghatol. Sa isang talinghaga ni Jesus, sinabi ng isang panginoon sa kaniyang lingkod: “Mahusay, mabuti at tapat na alipin!”—Mateo 25:21.
Sa kabilang dako, ang pambobola ay binigyang-katuturan na huwad, di-taimtim o labis na papuri, kung saan ang bolero ay kadalasang may makasariling motibo. Ang tusong komendasyon o labis na papuri ay ginagawa upang makakuha ng pabor o materyal na pakinabang mula sa iba o para pumukaw ng pagkadama ng obligasyon sa pumupuri. Kaya kaimbutan ang nag-uudyok sa mga bolero. Ayon sa Judas 16, sila’y “handang pumuri nang labis sa ibang tao kapag nakita nilang may pakinabang dito.”—The Jerusalem Bible.
Ang Maka-Kasulatang Pangmalas
Ano ang maka-Kasulatang pangmalas sa pagpuri sa kapuwa-tao? Naglaan si Jehova ng halimbawa upang sundin natin sa bagay na ito. Sinasabi sa atin sa Bibliya na pupurihin tayo kung ginagawa natin ang kalooban ni Jehova. Sinabi ni apostol Pablo na “darating sa bawat isa ang kaniyang papuri mula sa Diyos.” Sinasabi sa atin ni Pedro na ang subok na katangian ng ating pananampalataya ay maaaring “masumpungang dahilan ukol sa kapurihan.” Kaya ang bagay na pupurihin ni Jehova ang mga tao ay nagpapakita sa atin na ang taimtim na papuri ay isang may kabaitan, maibigin, at kapaki-pakinabang na gawa, isa na hindi dapat kaligtaan.—1 Corinto 4:5; 1 Pedro 1:7.
Ayon sa Bibliya, ang isa pang maaaring pagmulan ng papuri para sa atin ay ang mga awtoridad sa pamahalaan na nakapupuna sa ating mabuting paggawi at buong-katapatang pumupuri sa atin. “Patuloy kang gumawa ng mabuti,” ang sabi sa atin, “at tatanggap ka ng papuri mula rito.” (Roma 13:3) Baka purihin din tayo ng mga taong taimtim na naniniwala sa sinasabi nila at walang nakatagong motibo sa pagpuri sa atin. Ganito ang sabi ng kinasihang Kasulatan sa Kawikaan 27:2: “Purihin ka nawa ng isang estranghero, at hindi ng iyong sariling bibig.” Ipinakikita nito na angkop namang tumanggap ng papuri mula sa ibang tao.
Hindi gayon pagdating sa pambobola. Bakit totoong di-nakalulugod kay Jehova ang labis na mapamuring pananalita? Una, ito ay hindi taimtim, at hinahatulan ni Jehova ang kawalang-kataimtiman. (Ihambing ang Kawikaan 23:6, 7.) Isa pa, ito’y hindi matapat. Sa paglalarawan sa mga taong di-sinasang-ayunan ng Diyos, sinabi ng salmista: “Ang ginagawa nila ay pawang pagsisinungaling sa isa’t isa, mga labing labis na mapamuri, pagsasalita mula sa isang salawahang puso. Putulin nawa ni Yahweh ang bawat labing labis na mapamuri.”—Awit 12:2, 3, JB.
Higit sa lahat, ang pambobola ay kawalan ng pag-ibig. Udyok ito ng kaimbutan. Pagkatapos makipag-usap sa mga bolero, inulit ng salmistang si David ang sinabi nila: “Mananaig kami sa pamamagitan ng aming dila. Ang labi nami’y sa amin. Sino ang mangingibabaw sa amin?” Inilalarawan ni Jehova ang gayong mga mapag-imbot bilang ‘mga tagapagsamsam sa mga napipighati.’ Ang kanilang dilang labis na mapamuri ay ginagamit, hindi upang patibayin ang iba, kundi upang agawan sila at pighatiin sila.—Awit 12:4, 5.
Pambobola—Isang Bitag
“Ang matipunong lalaking labis na pumupuri sa kaniyang kasamahan ay naglalatag lamang ng bitag para sa kaniyang mga hakbang.” Gayon ang sabi ng pantas na si Haring Solomon, at totoong-totoo ito! (Kawikaan 29:5) Tinangka ng mga Fariseo na bitagin si Jesus sa pamamagitan ng labis na papuri. Sabi nila: “Guro, alam naming ikaw ay tapat at nagtuturo ka ng daan ng Diyos sa katotohanan, at hindi mo ikinababahala ang sinuman, sapagkat hindi ka tumitingin sa panlabas na kaanyuan ng tao.” Talaga namang kanais-nais pakinggan iyan! Ngunit hindi napadala si Jesus sa kanilang matatamis na salita. Batid niyang hindi sila naniniwala sa katotohanang kaniyang itinuturo kundi sinisikap lamang nilang siluin siya sa kaniyang pananalita may kinalaman sa pagbabayad ng buwis kay Cesar.—Mateo 22:15-22.
Ibang-iba kay Jesus si Haring Herodes noong unang siglo. Nang magtalumpati siya sa bayan ng Cesaria, tumugon ang mga tao: “Tinig ng isang diyos, at hindi ng isang tao!” Sa halip na sawayin ang mga tao dahil sa gayong tahasan at huwad na papuri, tinanggap ni Herodes ang labis na papuri. Agad na nagdala ng kagantihan ang anghel ni Jehova nang si Herodes ay kainin ng mga bulati na humantong sa kaniyang kamatayan.—Gawa 12:21-23.
Magiging alisto ang isang may-gulang na Kristiyano upang makilala ang pambobola. Ang matatanda sa kongregasyon ay dapat na lalo nang maingat kapag ang isang nasasangkot sa hudisyal na bagay ay labis-labis kung pumuri, marahil ay inihahambing pa nga ang isang matanda sa isa pa at sinasabing mas mabait at mas madamayin ang kausap niya.
Malinaw na ipinakikita ng Bibliya ang isa pang patibong na mailalagay ng pambobola nang ilarawan nito kung paanong ang isang kabataang lalaki ay narahuyo ng isang babae upang gumawa ng imoralidad. (Kawikaan 7:5, 21) Kumakapit ang babalang ito sa situwasyon ngayon. Sa mga natitiwalag mula sa kongregasyong Kristiyano bawat taon, marami ang inalis dahil sa imoral na paggawi. Maaari kayang nagsimula sa pambobola ang gayong malubhang pagkakasala? Yamang gustung-gusto ng mga tao na sila’y purihin o pagsalitaan ng maganda, ang matatamis na salita mula sa bolero ay maaaring magpahina sa pagtanggi ng isang Kristiyano sa di-wastong paggawi. Kapag hindi nag-ingat laban dito, maaari itong humantong sa malulubhang pangyayari.
Pag-iingat Laban sa Pambobola
Ang pambobola ay nagpapatindi sa pag-ibig sa sarili at kapalaluan ng isa na binobola. Pinatataas nito ang pagtingin ng isang tao sa kaniyang sarili, anupat ipinadaramang nakahihigit siya sa iba sa ilang paraan. Inihalintulad ng pilosopong si François de La Rochefoucauld ang pambobola sa isang palsipikadong salapi, “na, kundi dahil sa kapalaluan ay hindi tatangkilikin.” Kaya naman, ang paraan upang maingatan ang sarili ay ang sundin ang makatotohanang payo ni apostol Pablo: “Sinasabi ko sa bawat isa sa inyo na huwag mag-isip nang higit sa kaniyang sarili kaysa nararapat isipin; kundi mag-isip upang magkaroon ng matinong kaisipan, ang bawat isa ayon sa sukat ng pananampalataya na ipinamahagi sa kaniya ng Diyos.”—Roma 12:3.
Bagaman likas sa atin ang naising marinig kung ano ang kanais-nais sa ating pandinig, ang madalas na talagang kailangang-kailangan natin ay ang salig-sa-Bibliyang payo at disiplina. (Kawikaan 16:25) Ibig lamang marinig ni Haring Ahab kung ano ang nakalulugod sa kaniya; hiniling pa man din ng kaniyang mga lingkod kay propeta Micaias na ang kaniyang sasabihin sana ay maging “tulad ng salita ng isa sa kanila [mga bolerong propeta ni Ahab], at magsalita ka ng mabuti.” (1 Hari 22:13) Kung ginusto lamang sanang makinig ni Ahab sa tapat na salita at baguhin ang kaniyang rebelyosong landasin, nahadlangan sana niya ang kakila-kilabot na pagkatalo ng Israel sa labanan at gayundin ang kaniyang kamatayan. Para sa ating sariling espirituwal na kapakanan, dapat tayong tumugon agad sa matatag ngunit maibiging payo ng hinirang na matatandang Kristiyano, na ibig tumulong sa atin na makapanatili sa matuwid na daan ng katotohanan, sa halip na hanapin ang mga taong patuloy na nagsasabi sa atin kung gaano tayo kagaling, anupat kinikiliti ang ating mga tainga sa pamamagitan ng pambobola!—Ihambing ang 2 Timoteo 4:3.
Sa anumang dahilan ay hindi kailanman nanaisin ng isang Kristiyano na gumamit ng pambobola. Tulad ng tapat na si Elihu, sila’y determinadong nananalangin: “Huwag nawa akong magtangi sa kaninuman, ni labis na pumuri sa sinumang tao; sapagkat hindi ko alam kung paanong labis na pumuri, kung hindi ay kukunin agad ako ng aking Maylikha.” Kung magkagayon, tulad ni Pablo, masasabi nila: “Kailanman ay hindi kami nasumpungan na may labis na mapamuring pananalita . . . ni may balatkayo man para sa kaimbutan.”—Job 32:21, 22, An American Translation; 1 Tesalonica 2:5, 6.
Papuri Kapag Ito’y Nararapat
Ipinakikita ng kinasihang kawikaan na ang papuri ay maaaring magsilbing isang batong-panukat, sa pagsasabing: “Ang dalisayan ay para sa pilak at ang hurno ay para sa ginto, ngunit ang papuri ang siyang sumusubok sa pagkatao.” (Kawikaan 27:21, The New English Bible) Oo, maaaring pumukaw ng damdamin ng kahigitan o kapalaluan ang papuri, anupat umakay sa pagbagsak ng isang tao. Sa kabilang panig, maaari nitong ihayag ang kaniyang kahinhinan at kapakumbabaan kung kinikilala niya ang kaniyang pagkakautang kay Jehova sa lahat ng nagawa niya na umani para sa kaniya ng papuri.
Ang taimtim na papuri sa karapat-dapat na paggawi o tagumpay ay nagpapatibay kapuwa sa pumuri at sa pinuri. Nagtataguyod ito ng magiliw at kapaki-pakinabang na pagpapahalaga sa isa’t isa. Pinasisigla nito ang pagsisikap para sa kapuri-puring mga tunguhin. Ang nararapat na papuri sa mga kabataan ay maaaring mag-udyok sa kanila na magsumikap pa. Maaari itong tumulong sa paghubog ng kanilang pagkatao habang sinisikap nilang maabot ang mga pamantayan na inaasahan sa kanila.
Kung gayon, iwasan natin ang pambobola—kahit ang pagsasalita o pagtanggap nito. Maging mapagpakumbaba tayo kapag tumatanggap ng papuri. At maging mapagbigay at buong-kaluluwa tayo sa pagpuri—nang palagian kay Jehova sa ating pagsamba at nang taimtim sa iba sa anyo ng mabuting komendasyon at pagpapahalaga, anupat inaalaalang ang “isang salita sa tamang panahon nito ay O anong buti!”—Kawikaan 15:23.