-
Kung Bakit Sila Gumagamit ng KarahasanAng Bantayan—1998 | Nobyembre 1
-
-
Mga mahal kong kaibigan, gustung-gusto natin ito.”
Ipinahihiwatig ng kamakailang pag-aaral sa siyensiya na ang biyolohiya ng utak at ang kapaligiran ay may malaking kinalaman sa pagiging mapusok ng tao. “Ipinalalagay naming lahat na ang masamang kapaligiran na nakatambad sa parami nang paraming bata ang talagang lumilikha ng isang epidemya ng karahasan,” sabi ni Dr. Markus J. Kruesi ng University of Illinois Institute for Juvenile Research. “Ang mga pangyayari sa kapaligiran ay tunay na nagdudulot ng molekular na mga pagbabago sa utak anupat nagiging dahilan ito upang maging pabigla-bigla ang mga tao.” Ang mga dahilan na gaya ng “pagguho ng kaayusan ng pamilya, pagdami ng nagsosolong magulang, namamalaging karukhaan, at malalang pang-aabuso sa droga ay aktuwal na nakapag-uudyok sa kemistri ng utak upang maging mapusok—isang epekto na dati’y inakalang imposible,” sabi ng aklat na Inside the Brain.
Sinasabing kabilang sa mga pagbabago sa utak ang pagbaba ng antas ng serotonin, isang kemikal sa utak na ipinalalagay na siyang pumipigil sa kapusukan. Isinisiwalat ng pag-aaral na pinabababa ng alkohol ang antas ng serotonin sa utak, kung kaya nagbibigay ito ng ilang makasiyentipikong batayan sa malaon nang nalalaman na kaugnayan ng karahasan at ng pang-aabuso sa alkohol.
May isa pang dahilan sa paglago ng karahasan sa ngayon. “Tandaan,” paalaala ng isang mapagkakatiwalaang aklat ng hula, ang Bibliya, na “darating ang mahihirap na panahon sa mga huling araw. Ang mga tao ay magiging mapag-imbot, masakim, mayayabang, at maibigin sa sarili; . . . sila’y magiging walang awa, di-mahahabagin, mapanirang-puri, mararahas, at mababalasik; kanilang kapopootan ang mabuti; sila’y magiging taksil, walang-ingat, at mapagmalaki . . . Lumayo sa gayong mga tao.” (2 Timoteo 3:1-5, Today’s English Version) Oo, ang nakikita nating karahasan ngayon ay katuparan ng hula sa Bibliya tungkol sa “mga huling araw.”
Ito’y nagiging isang napakarahas na panahon dahil sa isa pang bagay. “Kaabahan para sa lupa at para sa dagat,” sabi sa Bibliya, “sapagkat ang Diyablo ay bumaba na sa inyo, na may malaking galit, sa pagkaalam na maikli na ang kaniyang yugto ng panahon.” (Apocalipsis 12:12) Inihagis mula sa langit ang Diyablo at ang kaniyang kampon ng mga demonyo at ngayo’y nakatuon ang kanilang buktot na hangarin sa sangkatauhan. Bilang ang “tagapamahala ng awtoridad ng hangin,” iniimpluwensiyahan ng Diyablo “ang espiritu na kumikilos sa mga anak ng pagsuway,” anupat ang lupa’y patuloy na nagiging isang marahas na dako.—Efeso 2:2.
Kung gayon, paano natin mahaharap ang marahas na “hangin” ng sanlibutan sa ngayon? At paano natin malulutas ang mga di-pagkakaunawaan nang walang karahasan?
-
-
Kung Paano Lulutasin ang mga Suliranin Nang MapayapaAng Bantayan—1998 | Nobyembre 1
-
-
Kung Paano Lulutasin ang mga Suliranin Nang Mapayapa
ANG karahasan ng tao ay halos kasintanda na rin ng sangkatauhan. Tinatalunton ng Bibliya ang karahasan pabalik kay Cain, ang kapatid ni Abel at panganay na anak ng unang taong mag-asawa. Nang paboran ng Diyos ang handog ni Abel kaysa sa kaniya, si Cain ay “nag-init sa matinding galit.” Paano niya hinarap ang situwasyon? “Sinalakay ni Cain si Abel na kaniyang kapatid at pinatay niya ito.” Pagkatapos nito, nagkaroon siya ng malaking problema sa Diyos. (Genesis 4:5, 8-12) Hindi nalutas ng karahasan ang problema ng pagkakaroon ni Cain ng masamang katayuan sa harap ng kaniyang Maylalang.
Paano natin maiiwasan ang ginawang pagbaling ni Cain sa pandarahas upang lutasin ang mga problema?
Mula sa Karahasan Tungo sa Pagpaparaya
Tingnan ang isang lalaking nanood nang may pagsang-ayon sa pagpaslang kay Esteban, ang unang martir na Kristiyano. (Gawa 7:58; 8:1) Ang lalaki, si Saul ng Tarso, ay hindi sumang-ayon sa relihiyosong paninindigan ni Esteban at sa gayo’y sumuporta sa marahas na pagpaslang bilang isang makatuwirang paraan ng pagpigil sa mga gawain ni Esteban. Totoo, maaaring si Saul ay hindi naging marahas sa bawat pitak ng kaniyang buhay. Ngunit handa niyang tanggapin ang karahasan bilang isang paraan ng paglutas sa mga suliranin. Pagkamatay na pagkamatay ni Esteban, si Saul ay “nagsimulang makitungo nang malupit sa [Kristiyanong] kongregasyon. Sinasalakay ang bawat bahay at, kinakaladkad palabas kapuwa ang mga lalaki at mga babae, kaniyang dinadala sila sa bilangguan.”—Gawa 8:3.
Ayon sa iskolar ng Bibliya na si Albert Barnes, ang salitang Griego rito na isinaling “makitungo nang malupit sa” ay nangangahulugan ng pagluray na maaaring gawin ng mababangis na hayop, gaya ng mga leon at lobo. “Sinalanta ni Saul,” paliwanag ni Barnes, “ang simbahan na parang isang mabangis na hayop—isang matinding pagpapahayag, na nagpapahiwatig ng sigasig at pagngangalit na ipinakita niya sa pang-uusig.” Nang pumunta si Saul sa Damasco upang dakpin ang iba pang mga tagasunod ni Kristo, siya’y “naghihinga pa ng banta at pagpaslang laban sa mga alagad ng Panginoon [Kristo].” Sa daan, siya’y kinausap ng binuhay-muling si Jesus, at dahil dito’y nakumberte si Saul sa Kristiyanismo.—Gawa 9:1-19.
Kasunod ng pagkakumberteng iyon, nabago ang pakikitungo ni Saul sa iba. Ipinakita ang pagbabago sa pamamagitan ng isang pangyayaring naganap mga 16 na taon pagkaraan. Isang grupo ng mga tao ang dumating sa kaniyang sariling kongregasyon sa Antioquia at hinimok ang mga Kristiyano roon na sumunod sa Batas Mosaiko. Nagkaroon ng “hindi kaunting di-pagkakasundo.” Ibinigay ni Saul, na sa pagkakataong ito’y mas kilala bilang Pablo, ang kaniyang opinyon. Malamang na nagkaroon ng mainitang pagtatalo. Subalit si Pablo ay hindi gumamit ng karahasan. Sa halip, sumang-ayon siya sa pasiya ng kongregasyon na isangguni ang bagay na iyon sa mga apostol at matatanda sa kongregasyon sa Jerusalem.—Gawa 15:1, 2.
Sa Jerusalem, nagkaroon na naman ng “maraming pagtatalo” sa pulong ng matatanda. Naghintay si Pablo hanggang sa “ang buong karamihan ay tumahimik” at saka iniulat ang kahanga-hangang ginawa ng espiritu ng Diyos sa gitna ng mga di-tuling mananampalataya. Matapos ang talakayan sa Kasulatan, umakay ito sa mga apostol at matatanda sa Jerusalem na sumapit “sa lubos na pagkakaisa” na huwag nang pabigatan ang mga di-tuling mananampalataya ng mga di-kinakailangan kundi payuhan sila na “patuloy na umiwas sa mga bagay na inihain sa mga idolo at sa dugo at sa pakikiapid.” (Gawa 15:3-29) Oo, nagbago na si Pablo. Natutuhan niyang lutasin ang mga isyu nang walang karahasan.
Pagharap sa Mararahas na Paggawi
“Ang alipin ng Panginoon ay hindi kailangang makipag-away,” nang maglaon ay ipinayo ni Pablo, “kundi kailangang maging banayad sa lahat, kuwalipikado na magturo, nagpipigil sa ilalim ng kasamaan, nagtuturo nang may kahinahunan doon sa mga hindi nakahilig sa pagsang-ayon.” (2 Timoteo 2:24, 25) Hinimok ni Pablo si Timoteo, nakababatang tagapangasiwa, na mapayapang harapin ang mahihirap na kalagayan. Makatotohanan si Pablo. Alam niyang posibleng magsiklab ang mga damdamin kahit sa gitna ng mga Kristiyano. (Gawa 15:37-41) Taglay ang katuwiran, siya’y nagpayo: “Mapoot kayo, gayunma’y huwag magkasala; huwag hayaang lumubog ang araw na kayo ay nasa kalagayang pukáw sa galit.” (Efeso 4:26) Ang tamang paraan ng pakikitungo sa gayong emosyon ay ang pagpigil sa galit anupat kontrolado ang pagsiklab ng poot. Ngunit paano kaya ito maisasagawa?
Sa ngayon ay hindi madaling mapigil ang galit. “Ang pagiging makasarili ay laganap,” sabi ni Dr. Deborah Prothrow-Stith, katulong na dekano sa Harvard School of Public Health. “Sa katunayan, ang kakayahang makipag-ayos—sa negosasyon, kasunduan, empatiya, pagpapatawad—ay karaniwan nang iniuukol sa mga walang-kuwentang tao.” Ngunit ang mga iyon ay mga katangian ng isang tunay na lalaki, at ang mga ito’y mahalaga sa pagkontrol sa mararahas na paggawi na maaaring umapaw sa ating kalooban.
Sa pagiging isang Kristiyano, natutuhan ni Pablo ang mas magaling na paraan ng pakikitungo sa magkakaibang mga opinyon. Ito’y batay sa mga turo ng Bibliya. Bilang isang may-pinag-aralang iskolar sa Judaismo, si Pablo ay pamilyar sa Hebreong Kasulatan. Maaaring alam niya ang mga kasulatang gaya ng: “Huwag kang managhili sa taong marahas, ni pumili ng anuman sa kaniyang mga lakad.” “Siyang mabagal magalit ay mas maigi kaysa isang taong makapangyarihan, at siyang nagpipigil ng kaniyang diwa ay mas maigi kaysa isang sumasakop sa isang siyudad.” “Parang isang siyudad na nasira nang lampas-lampasan, na walang pader, ganiyan ang tao na hindi nagpipigil ng kaniyang diwa.” (Kawikaan 3:31; 16:32; 25:28) Ngunit ang kaalamang iyan ay hindi nakapigil kay Pablo, bago siya makumberte, na gumamit ng karahasan laban sa mga Kristiyano. (Galacia 1:13, 14) Subalit ano ang nakatulong kay Pablo, bilang isang Kristiyano, na lutasin ang maiinit na isyu sa pamamagitan ng pangangatuwiran at panghihikayat sa halip na karahasan?
Pinahiwatigan tayo ni Pablo nang sabihin niya: “Maging mga tagatulad kayo sa akin, gaya ko naman kay Kristo.” (1 Corinto 11:1) Gayon na lamang ang pagpapahalaga niya sa nagawa ni Jesu-Kristo para sa kaniya. (1 Timoteo 1:13, 14) Si Kristo ay naging isang modelo para sa kaniya upang tularan. Alam niya kung paano nagdusa si Jesus alang-alang sa makasalanang sangkatauhan. (Hebreo 2:18; 5:8-10) Mapatutunayan ni Pablo na ang hula ni Isaias tungkol sa Mesiyas ay natupad kay Jesus: “Siya’y totoong napighati, at siya’y nagdalamhati; gayunma’y hindi niya ibinuka ang kaniyang bibig. Siya’y gaya ng isang tupa na dinadala sa patayan; at gaya ng isang tupang naging mistulang pipi sa harap ng mga manggugupit sa kaniya, hindi rin niya ibinuka ang kaniyang bibig.” (Isaias 53:7) Sumulat si apostol Pedro: “Nang siya [si Jesus] ay laitin, hindi siya nanlait bilang ganti. Nang siya ay magdusa, hindi siya nagbanta, kundi patuloy na ipinagkatiwala ang kaniyang sarili sa isa na humahatol nang matuwid.”—1 Pedro 2:23, 24.
Ang pagpapahalaga ni Pablo sa paraan ng pakikitungo ni Jesu-Kristo sa maiinit na situwasyon ay nag-udyok sa kaniya upang magbago. Mapapayuhan niya ang kaniyang mga kapuwa mananampalataya: “Patuloy ninyong pagtiisan ang isa’t isa at malayang patawarin ang isa’t isa kung ang sinuman ay may dahilan sa pagrereklamo laban sa iba. Kung paanong si Jehova ay malayang nagpatawad sa inyo, gayon din naman ang gawin ninyo.” (Colosas 3:13) Ang pagkilala sa pangangailangang huwag maging marahas ay hindi sapat. Ang pagpapahalaga sa nagawa ni Jehova at ni Jesu-Kristo para sa atin ang tumutulong upang maglaan ng kinakailangang pangganyak upang mapaglabanan ang mararahas na paggawi.
Posible Kaya?
Isang lalaki sa Hapón ang nangailangan ng ganitong kalakas na pangganyak. Ang kaniyang ama, isang dating sundalo na magagalitin, ang may karahasang kumokontrol sa pamilya nito. Palibhasa’y biktima ng karahasan at nakikitang gayundin ang dinaranas ng kaniyang ina, ang lalaki ay nagkaroon ng marahas na pag-uugali. Nagdadala siya noon ng dalawang espadang samurai na magkaiba ang haba na ginagamit niya sa paglutas ng mga problema at pananakot sa mga tao.
Nang magsimulang mag-aral ng Bibliya ang kaniyang asawa, wala sa loob na nakiupo siya sa pag-aaral. Ngunit nang mabasa niya ang buklet na pinamagatang Ang Mabuting Balitang Ito ng Kaharian,a nagbago siya. Bakit? “Nang mabasa ko ang materyal sa ilalim ng mga subtitulong, ‘Kristo Jesus’ at ‘Ang Pantubos,’ napahiya ako,” paliwanag niya. “Bagaman lisya ang aking pamumuhay, gusto ko pa ring maging mabait sa mga nakakasundo ko. Nalulugod akong paligayahin ang aking mga kaibigan hangga’t hindi nito naaapektuhan ang aking sariling buhay. Buweno, handang ibigay ng Anak ng Diyos, si Jesus, ang kaniyang buhay para sa sangkatauhan, kabilang na ang mga katulad ko. Natigilan ako, na para bang hinampas ako ng malyete.”
Tinigilan na niya ang pakikisama sa kaniyang dating mga kaibigan at di-nagtagal ay nagpatala sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro sa isang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Ang paaralang ito ay tumutulong sa mga nakatala na matutuhan ang sining ng pagtuturo ng Bibliya sa iba. Ang kurso ay nagdulot ng karagdagang pakinabang sa lalaking ito. Nagunita niya: “Noong ako’y bata pa, nananakot ako at nandarahas sapagkat hindi ko masabi sa iba ang aking nadarama. Habang natututuhan kong ipakipag-usap sa iba ang nasa isip ko, nagsimula na akong mangatuwiran sa kanila sa halip na gumamit ng dahas.”
Tinularan ba niya, gaya ni Pablo, ang pamumuhay ni Kristo sa kaniyang sariling buhay? Nasubok ang kaniyang pananampalataya nang ang isang dating kaibigan na dito’y nakipagsumpaan siya na magtitinginan silang parang magkapatid ay nagsikap na pigilan siyang maging isang Kristiyano. Sinuntok siya ng kaniyang “kaibigan” at nilapastangan ang kaniyang Diyos, si Jehova. Pinigil ng dating marahas na lalaki ang kaniyang sarili at humingi ng tawad sapagkat sumira siya sa sumpaan. Dahil sa pagkabigo, iniwan siya ng kaniyang “kapatid.”
Dahil sa nasupil niya ang kaniyang mararahas na hilig, ang dating magagaliting lalaking ito ay nagkaroon ng maraming espirituwal na mga kapatid, na pinagkakaisa ng pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa. (Colosas 3:14) Sa katunayan, makalipas ang mahigit na 20 taon mula nang maging isang nakaalay na Kristiyano, siya ngayon ay naglilingkod bilang naglalakbay na tagapangasiwa ng mga Saksi ni Jehova. Tunay na isang malaking kagalakan para sa kaniya na maipakita mula sa Bibliya na maaaring matutuhan ng mga lalaking may makahayop na pag-uugali na lutasin ang mga di-pagkakaunawaan nang walang karahasan gaya ng natutuhan niya! At tunay na isang malaking pribilehiyo para sa kaniya na tukuyin ang dakilang katuparan ng makahulang pananalita: “Hindi sila gagawa ng anumang pinsala o magpapangyari ng anumang pagkasira sa aking buong bundok na banal; sapagkat ang lupa ay tiyak na mapupuno ng kaalaman ni Jehova kung paanong ang mga katubigan ay tumatakip sa mismong dagat”!—Isaias 11:9.
Gaya ni apostol Pablo at ng dating marahas na lalaking ito, ikaw man ay maaaring matuto kung paano haharapin ang nakagagalit na mga situwasyon, anupat mapayapang nalulutas ang mga suliranin. Matutuwa ang mga Saksi ni Jehova sa inyong lugar na tulungan ka.
[Talababa]
a Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Blurb sa pahina 5]
Makatotohanan si Pablo. Alam niyang posibleng magsiklab ang mga damdamin kahit sa gitna ng mga Kristiyano
[Larawan sa pahina 7]
Ang pagpapahalaga sa nagawa ng Diyos para sa atin ay umaakay sa mapayapang pagsasamahan
-