Mag-ingat sa Simoniya!
MATAAS ang pagtingin kay Simon ng Samaria sa kanilang komunidad. Nabuhay siya noong unang siglo C.E., at lubhang namangha ang mga tao sa pagsasagawa niya ng sining ng pagsasalamangka anupat nasabi nila tungkol sa kaniya: “Ang taong ito ang Kapangyarihan ng Diyos, na matatawag na Dakila.”—Gawa 8:9-11.
Subalit matapos na mabautismuhan si Simon bilang isang Kristiyano, kinilala niya ang isang kapangyarihan na lubhang nakahihigit kaysa sa dati niyang ipinamalas. Iyon ang kapangyarihang ipinagkaloob sa mga apostol ni Jesus, na nagpangyari sa kanila na makapamahagi sa iba ng makahimalang mga kaloob ng banal na espiritu. Namangha si Simon nang gayon na lamang anupat inalok niya ng salapi ang mga apostol at hiniling sa kanila: “Bigyan din ninyo ako ng awtoridad na ito, upang ang sinuman na sa kaniya ay ipatong ko ang aking mga kamay ay tumanggap ng banal na espiritu.”—Gawa 8:13-19.
Si Simon ay sinaway ni apostol Pedro, na nagsabi: “Malipol nawang kasama mo ang iyong pilak, sapagkat inisip mong sa pamamagitan ng salapi ay ariin ang walang bayad na kaloob ng Diyos. Wala kang bahagi ni mana man sa bagay na ito, sapagkat ang iyong puso ay hindi tuwid sa paningin ng Diyos.”—Gawa 8:20, 21.
Mula sa salaysay na ito ng Bibliya ay nabuo ang salitang “simoniya,” na binigyang-katuturan bilang “ang kasalanan ng pagbili o pagbebenta ng posisyon o promosyon sa simbahan.” Inamin ng New Catholic Encyclopedia na lalo na mula noong ika-9 hanggang ika-11 siglo, “lumaganap ang simoniya sa mga monasteryo, sa nakabababang klero, sa episkopado, at maging sa papado.” Ganito ang sabi ng ikasiyam na edisyon ng The Encyclopædia Britannica (1878): “Ang pag-aaral sa kasaysayan ng mga lihim na kapulungan sa pagpili ng Papa ay kumukumbinsi sa estudyante na wala pang naganap na eleksiyon na hindi nabahiran ng simoniya, samantalang sa napakaraming pagkakataon, ang uri ng simoniya na isinasagawa sa lihim na kapulungan ay napakagrabe, lubhang kahiya-hiya at napakalantaran.”
Dapat mag-ingat ang mga tunay na Kristiyano ngayon laban sa simoniya. Halimbawa, baka ang ilan ay labis-labis na pumuri o magregalo sa mga taong makapagkakaloob sa kanila ng karagdagang pribilehiyo. Sa kabaligtaran, yaong maaaring magkaloob ng gayong mga pribilehiyo ay maaaring magpakita ng paboritismo sa mga may kakayahan—at kadalasa’y nasasabik—na magpaulan sa kanila ng mga regalo. Nasasangkot ang simoniya sa parehong kalagayan, at maliwanag na hinahatulan ng Kasulatan ang gayong gawain. “Kung gayon, magsisi ka sa iyong kasamaang ito,” ang paghimok ni Pedro kay Simon, “at magsumamo ka kay Jehova na, kung posible, ang pakana ng iyong puso [“ang pakana mong ito,” New Jerusalem Bible] ay ipatawad sa iyo; sapagkat nakikita kong ikaw ay apdong nakalalason at gapos ng kalikuan.”—Gawa 8:22, 23.
Mabuti na lamang, natanto ni Simon ang kaselanan ng kaniyang maling hangarin. Nakiusap siya sa mga apostol: “Kayo ang magsumamo kay Jehova para sa akin upang walang anuman sa mga bagay na sinabi ninyo ang dumating sa akin.” (Gawa 8:24) Bilang pagsunod sa mahalagang aral na nilalaman ng salaysay na ito, sinisikap ng mga tunay na Kristiyano na iwasan ang anumang bahid ng simoniya.