Kapag Wala Nang Pagdurusa
ANG pagdurusa ay hindi bahagi ng orihinal na layunin ng Diyos para sa pamilya ng tao. Hindi niya nilayon ito, ni hinangad man niya ito. ‘Kung gayon,’ baka itanong mo, ‘paano ito nagsimula, at bakit pinahihintulutan ng Diyos na magpatuloy ito hanggang sa ngayon?’—Ihambing ang Santiago 1:13.
Ang sagot ay masusumpungan sa pinakamaagang rekord ng kasaysayan ng tao, ang Bibliya, lalo na sa aklat ng Genesis. Sinasabi nito na ang ating unang mga magulang, sina Adan at Eva, ay sumunod kay Satanas na Diyablo sa kaniyang paghihimagsik sa Diyos. Ang kanilang ginawa ay nagbangon ng mahahalagang usapin na sumalakay sa pinakasaligan ng pansansinukob na batas at kaayusan. Nang angkinin nila ang karapatang magpasiya para sa kanilang sarili kung ano ang mabuti at kung ano ang masama, hinamon nila ang soberanya ng Diyos. Tinutulan nila ang kaniyang karapatang mamahala at maging tanging hukom sa kung ano ang “mabuti at masama.”—Genesis 2:15-17; 3:1-5.
Bakit Hindi Niya Agad Ipinatupad ang Kaniyang Kalooban?
‘Bakit, kung gayon, hindi agad ipinatupad ng Diyos ang kaniyang kalooban?’ baka itanong mo. Para sa marami, waring napakasimple ng bagay na ito. ‘May kapangyarihan ang Diyos. Ginamit sana niya ito upang puksain ang mga rebelde,’ sabi nila. (Awit 147:5) Ngunit tanungin ang iyong sarili, ‘Ako ba’y walang-pag-aatubiling sumasang-ayon sa lahat ng gumagamit ng nakahihigit na kapangyarihan upang ipatupad ang kanilang kalooban? Hindi ba likas na nakadarama ako ng pagkasuklam kapag ginagamit ng isang diktador ang mga pumapatay na armadong grupo upang lipulin ang kaniyang mga kaaway?’ Karamihan sa makatuwirang mga tao ay nangingilabot sa gayong bagay.
‘Ah,’ sasabihin mo, ‘pero kung ginamit ng Diyos ang kapangyarihang iyan, walang tututol sa kaniyang ginawa.’ Nakatitiyak ka ba? Hindi ba totoo na talagang tinututulan ng mga tao ang paggamit ng Diyos ng kapangyarihan? Itinatanong nila kung bakit hindi niya ginagamit ito kung minsan, gaya sa pagpapahintulot niya sa kabalakyutan. At tinatanong nila kung bakit ginagamit niya ito sa ibang pagkakataon. Maging ang tapat na si Abraham ay nagkaroon ng suliranin sa paggamit ng Diyos ng kaniyang kapangyarihan laban sa Kaniyang mga kaaway. Alalahanin nang ipasiya ng Diyos na puksain ang Sodoma. May kamaliang ikinatakot ni Abraham na ang mabubuting tao ay mamamatay na kasama ng masasama. Humiyaw siya: “Malayong mangyari sa iyo na kumikilos ka sa ganitong paraan upang patayin ang matuwid kasama ng balakyot.” (Genesis 18:25) Kahit ang mga taong may matuwid na kaisipan tulad ni Abraham ay nangangailangan ng katiyakan na hindi aabusuhin ang walang-takdang kapangyarihan.
Mangyari pa, maaari namang agad na puksain ng Diyos sina Adan, Eva, at Satanas. Ngunit isipin kung ano ang maaaring naging epekto nito sa ibang anghel o sa mga nilalang sa hinaharap, na sa dakong huli ay makababatid ng kaniyang ginawa. Mag-iiwan kaya ito sa kanila ng umuukilkil na mga tanong tungkol sa pagiging matuwid ng pamamahala ng Diyos? Hindi kaya nito ilalantad ang Diyos sa paratang na siya, sa katunayan, ay isang ganap na diktador, gaya ng pagkalarawan sa kaniya ni Nietzsche, anupat isang Diyos na buong-kalupitang lumilipol sa mga sumasalansang sa kaniya?
Bakit Hindi Pilitin ang mga Tao na Gawin ang Tama?
‘Hindi kaya maaaring pilitin na lamang ng Diyos na gawin ng mga tao ang tama?’ baka itanong ng ilan. Buweno, isipin din ito. Sa buong kasaysayan, sinisikap ng mga pamahalaan na ipasunod sa mga tao ang kanilang paraan ng pag-iisip. Ang ilang pamahalaan o indibiduwal na mga tagapamahala ay gumagamit ng iba’t ibang anyo ng pagsupil sa isip, marahil sa pamamagitan ng droga o operasyon, anupat ninanakawan ang kanilang mga biktima ng kahanga-hangang regalo ng malayang kalooban. Hindi ba natin pinakamamahal ang ating kalayaang magpasiya, kahit na ang kaloob na ito ay malamang na abusuhin? Pinagpapaumanhinan ba natin ang pagtatangka ng anumang pamahalaan o tagapamahala na kunin ito?
Ano ang maaaring gawin, kung gayon, sa halip na karaka-rakang gamitin ng Diyos ang kapangyarihan upang ipatupad ang batas? Tiniyak ng Diyos na Jehova na ang rebelyon ay pinakamagaling na malulutas sa pamamagitan ng pansamantalang pagpapahintulot ng kalayaan mula sa kaniyang pamamahala para sa mga tumanggi sa kaniyang mga batas. Bibigyan nito ang pamilya ng tao, na nagmula kina Adan at Eva, ng isang takdang panahon upang pamahalaan ang kanilang sarili nang hindi nagpapasakop sa batas ng Diyos. Bakit niya ginawa ito? Sapagkat batid niya na, pagsapit ng panahon, lilitaw ang di-matututulang ebidensiya, anupat patutunayang laging tama at matuwid ang kaniyang paraan ng pamamahala, kahit na kapag ginagamit niya ang kaniyang walang-hanggang kapangyarihan upang ipatupad ang kaniyang kalooban, at na anumang paghihimagsik sa kaniya, sa malao’t madali, ay magbubunga ng kapahamakan.—Deuteronomio 32:4; Job 34:10-12; Jeremias 10:23.
Paano Na ang Lahat ng Inosenteng Biktima?
‘Samantala, paano na ang lahat ng inosenteng biktima?’ baka itanong mo. ‘Talaga nga bang sulit ang kanilang pagdurusa upang patunayan ang isang detalye ng batas?’ Buweno, hindi pinahintulutan ng Diyos na umiral ang kabalakyutan para lamang patunayan ang isang malabong detalye ng batas. Sa kabaligtaran, ito ay upang itatag minsan at magpakailanman ang saligang katotohanan na siya lamang ang soberano at na mahalaga ang pagsunod sa kaniyang mga batas para sa namamalaging kapayapaan at kaligayahan ng lahat ng kaniyang nilalang.
Ang isang mahalagang bagay na dapat itanim sa isip ay na batid ng Diyos na malulunasan niya ang anumang pinsala na maaaring idulot nito sa pamilya ng tao. Batid niya na sa kalaunan, magkakaroon naman ng kapaki-pakinabang na resulta ang pansamantalang panahon ng kirot at pagdurusa. Isip-isipin ang isang ina na nakahawak nang mahigpit sa kaniyang anak habang ito ay masakit na binabakunahan ng doktor upang ipagsanggalang sa isang sakit na kung walang bakuna ay maaaring ikamatay ng bata. Walang ina ang may nais na masaktan ang kaniyang anak. Walang doktor ang nagnanais na pahirapan ang kaniyang pasyente. Sa panahong iyon, hindi nauunawaan ng bata ang dahilan ng kirot, pero sa kalaunan ay mauunawaan niya kung bakit pinayagan iyon.
Tunay Bang Kaaliwan sa mga Nagdurusa?
Nadarama ng ilan na ang pagkaalam lamang ng mga bagay na ito ay bahagyang nakaaaliw sa mga nagdurusa. Sinabi ni Hans Küng na ang makatuwirang paliwanag sa pag-iral ng pagdurusa ay “nakatutulong sa nagdurusa na halos katulad ng naitutulong sa isang taong nagugutom ng isang diskurso tungkol sa mga sangkap ng pagkain.” Nagtanong siya: “Ang lahat kaya ng matalinong pangangatuwiran ay talagang makapagpapatibay-loob sa isang tao, na halos sumusuko na sa pagdurusa?” Buweno, lahat ng “matalinong pangangatuwiran” ng mga tao na nagwawalang-bahala sa Salita ng Diyos, ang Bibliya, ay hindi nakapagpatibay-loob sa mga nagdurusa. Ang gayong pangangatuwiran ng tao ay nakaragdag lamang sa suliranin sa pamamagitan ng pagpapahiwatig na nilayon ng Diyos na magdusa ang tao at na ang lupa ay dinisenyo bilang isang libis ng mga luha o isang dako ng pagsubok para sa mga magtatamo ng buhay sa langit sa dakong huli. Anong laking kalapastanganan!
Gayunman, ang Bibliya mismo ay nagbibigay ng tunay na kaaliwan. Hindi lamang ito naglalaan ng nagkakasuwatong paliwanag sa dahilan ng pagdurusa kundi pinatitibay rin nito ang tiwala sa tiyak na pangako ng Diyos na lulunasan niya ang lahat ng pinsalang idinulot ng pansamantalang pagpapahintulot na ito ng pagdurusa.
Ang “Pagsasauli ng Lahat ng mga Bagay”
Malapit nang isauli ng Diyos ang mga bagay sa paraang nilayon niya sa mga ito bago naghimagsik ang mga unang taong nilalang niya. Halos mauubos na ang kaniyang itinakdang panahon para sa pamamahala ng tao sa sarili. Nabubuhay tayo sa panahon na susuguin niya “si Jesus, na kailangang panatilihin nga ng langit sa looban nito hanggang sa mga panahon ng pagsasauli ng lahat ng mga bagay na tungkol dito ay nagsalita ang Diyos sa pamamagitan ng bibig ng kaniyang mga banal na propeta ng sinaunang panahon.”—Gawa 3:20, 21.
Ano ang gagawin ni Jesu-Kristo? Aalisin niya sa lupa ang lahat ng kaaway ng Diyos. (2 Tesalonica 1:6-10) Hindi ito walang-taros na pagpatay, gaya ng ginagawa ng mga taong diktador. Ipakikita ng maraming ebidensiya ng kapaha-pahamak na bunga ng maling pamamahala ng tao na ang Diyos ay lubusang makatuwiran sa nalalapit na paggamit ng kaniyang walang-hanggang kapangyarihan upang ipatupad ang kaniyang kalooban. (Apocalipsis 11:17, 18) Sa pasimula ay mangangahulugan ito ng “kapighatian” na hindi pa nararanasan ng lupa kailanman, anupat nakakatulad ngunit mas matindi pa sa Baha noong kaarawan ni Noe. (Mateo 24:21, 29-31, 36-39) Yaong makaliligtas sa “malaking kapighatian” na ito ay makararanas ng “mga kapanahunan ng pagpapanariwa” kapag nakita nila ang katuparan ng lahat ng pangako ng Diyos na ibinigay “sa pamamagitan ng bibig ng kaniyang mga banal na propeta.” (Gawa 3:19; Apocalipsis 7:14-17) Ano ang ipinangako ng Diyos?
Buweno, sinabi ng mga sinaunang propeta ng Diyos na magwawakas ang pagdurusang sanhi ng digmaan at pagbububo ng dugo. Halimbawa, sinasabi sa atin ng Awit 46:9: “Pinatitigil niya ang mga digmaan hanggang sa kadulu-duluhan ng lupa.” Wala nang mga inosenteng biktima at kalunus-lunos na mga nagsilikas, mga hinalay, nilumpo, at pinatay sa malulupit na digmaan! Ganito ang sabi ni propeta Isaias: “Ang bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa, ni mangag-aaral pa man sila ng pakikipagdigma.”—Isaias 2:4.
Inihula rin ng mga propeta ang wakas ng pagdurusang dulot ng krimen at kawalang-katarungan. Nangangako ang Kawikaan 2:21, 22 na “ang mga matuwid ang siyang tatahan sa lupa” at na yaong nagdudulot ng kirot at pagdurusa ay “bubunutin dito.” Hindi na magiging ‘dominado ng tao ang kaniyang kapuwa tao sa kaniyang ikapipinsala.’ (Eclesiastes 8:9) Papalisin na magpakailanman ang lahat ng balakyot. (Awit 37:10, 38) Lahat ay makapamumuhay sa kapayapaan at katiwasayan, anupat malaya mula sa pagdurusa.—Mikas 4:4.
Isa pa, nangako rin ang mga propeta na magwawakas ang pagdurusa na sanhi ng pisikal at emosyonal na mga karamdaman. (Isaias 33:24) Nangako si Isaias na ang mga bulag, bingi, may kapansanan, at lahat niyaong may sakit at karamdaman ay pagagalingin. (Isaias 35:5, 6) Babaligtarin pa man din ng Diyos ang mga epekto ng kamatayan. Inihula ni Jesus na “lahat niyaong nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng kaniyang tinig at lalabas.” (Juan 5:28, 29) Sa kaniyang pangitain ng “isang bagong langit at isang bagong lupa,” sinabihan si apostol Juan na ‘papahirin ng Diyos mismo ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man.’ (Apocalipsis 21:1-4) Isip-isipin mo! Walang kirot, walang mga luha, walang paghiyaw, walang kamatayan—wala nang pagdurusa!
Anumang mapapait na karanasan ang naganap sa pansamantalang pagpapahintulot na ito ng kabalakyutan ay pawang malulunasan. Maging ang mga alaala ng kirot at pagdurusa ng tao—na kailanma’y hindi nilayon ng Diyos—ay lubusang buburahin. “Ang mga dating kabagabagan ay malilimutan . . . Ang mga dating bagay ay hindi maaalaala,” inihula ni Isaias. (Isaias 65:16, 17) Lubusang matutupad ang orihinal na layunin ng Diyos na isang sakdal na pamilya ng tao ang mamumuhay sa ganap na kapayapaan at kaligayahan sa paraisong lupa. (Isaias 45:18) Magiging lubusan ang pagtitiwala sa kaniyang soberanya. Tunay na isang pribilehiyong mabuhay sa panahon na wawakasan ng Diyos ang lahat ng pagdurusa ng tao, sa panahon na ipakikita niyang hindi siya isang uri ng “diktador, impostor, manggagantso, berdugo,” gaya ng paratang ni Nietzsche, kundi siya ay laging maibigin, marunong, at makatarungan sa paggamit ng kaniyang walang-takdang kapangyarihan!
[Larawan sa pahina 5]
Ang ilang tagapamahala ay sumusupil ng isip, anupat ninanakawan ang kanilang mga biktima ng malayang kalooban
[Credit Line]
UPI/Bettmann
[Larawan sa pahina 7]
Kapag wala nang pagdurusa, ang lahat ay lubusang masisiyahan sa buhay